Bible in 90 Days
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(A)
57 Si Jesus ay dinala ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, na pinakapunong pari, na kung saan nagkatipon ang mga eskriba at matatanda.
58 Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari.
59 At ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang kanilang maipapatay siya.
60 Ngunit wala silang natagpuan bagaman maraming humarap na mga bulaang saksi. Pagkatapos ay may dalawang dumating,
61 at(B) nagsabi, “Sinabi ng taong ito, ‘Kaya kong gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.’”
62 Tumindig ang pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ibinibintang ng mga ito laban sa iyo?”
63 Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, “Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”
64 Sinabi(C) ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit.”
65 Nang(D) magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, “Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan.
66 Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila at sinabi, “Karapat-dapat siya sa kamatayan.”
67 Pagkatapos(E) ay kanilang niluraan siya sa kanyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok; at sinampal siya ng iba,
68 na nagsasabi, “Ipahayag mo sa amin, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(F)
69 Samantala, si Pedro ay nakaupo sa labas ng bakuran. Lumapit sa kanya ang isang aliping babae, na nagsasabi, “Ikaw ay kasama rin ni Jesus na taga-Galilea.”
70 Subalit ipinagkaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.”
71 At paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin, at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”
72 At muling ipinagkaila niya ito nang may panunumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.”
73 Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Talagang ikaw nga ay isa rin sa kanila, sapagkat nahahalata sa iyong pananalita.”
74 Pagkatapos ay nagpasimula siyang magsalita ng masama at manumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok.
75 At naalala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, ay tatlong ulit mo akong ikakaila.” At siya'y lumabas at mapait na tumangis.
Dinala si Jesus kay Pilato(G)
27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay sama-samang nag-usap laban kay Jesus upang siya'y ipapatay.
2 Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at ibinigay nila kay Pilato na gobernador.
Nagpakamatay si Judas(H)
3 At(I) si Judas na nagkanulo kay Jesus,[a] nang nakitang hinatulan na ito, ay nagsisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatanda,
4 na sinasabi, “Ako'y nagkasala sa pagkakanulo ko sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Ikaw ang bahala diyan.”
5 At inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak at siya'y umalis. Humayo siya at nagbigti.
6 Subalit habang pinupulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak, nagsabi sila, “Hindi matuwid na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang kapalit ng halagang ito.”
7 Pagkatapos mag-usap, ibinili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan.
8 Kaya't ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito.
9 Kaya't(J) natupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Jeremias,[b] na sinasabi, “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga niya na itinuring na halaga ng ilan sa mga anak ng Israel,
10 at ibinigay nila ang mga iyon para sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(K)
11 Si Jesus ay nakatayo sa harap ng gobernador at tinanong siya ng gobernador, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”
12 Ngunit nang siya'y paratangan ng mga punong pari at ng matatanda ay hindi siya sumagot ng anuman.
13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?”
14 Subalit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
Hinatulang Mamatay si Jesus(L)
15 Noon sa kapistahan, nakaugalian na ng gobernador na pakawalan para sa mga tao ang sinumang bilanggo na kanilang maibigan.
16 Nang panahong iyon ay mayroon silang isang bilanggo na kilala sa kasamaan, na tinatawag na Jesus Barabas.[c]
17 Kaya't nang sila'y magkatipon ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”
18 Sapagkat nabatid niya na dahil sa inggit ay kanilang ibinigay si Jesus sa kanya.
19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagkat sa araw na ito'y labis akong naghirap sa panaginip dahil sa kanya.”
20 Subalit hinikayat ng mga punong pari at ng matatanda ang maraming tao na hingin nila si Barabas at patayin naman si Jesus.
21 Sumagot muli ang gobernador at sinabi sa kanila, “Alin sa dalawa ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo?” At sinabi nila, “Si Barabas.”
22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At anong gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sinabi nilang lahat, “Ipako siya sa krus!”
23 At sinabi niya, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa niya?” Ngunit lalo silang nagsigawan, na nagsasabi, “Ipako siya sa krus!”
24 Kaya't(M) nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, sa halip ay nagsisimula pa nga ang isang malaking gulo, siya'y kumuha ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito.[d] Kayo na ang bahala diyan.”
25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.”
26 Pagkatapos ay pinakawalan niya sa kanila si Barabas ngunit si Jesus, pagkatapos hagupitin, ay ibinigay upang ipako sa krus.
Nilibak ng mga Kawal si Jesus(N)
27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid niya.
28 At siya'y kanilang hinubaran at dinamitan ng isang balabal na pulang-pula.
29 Sila'y gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong ito sa kanyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsasabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”
30 Siya'y kanilang niluraan. Kinuha nila ang tambo at hinampas ang kanyang ulo.
31 Pagkatapos na siya'y libakin, hinubad nila sa kanya ang balabal, isinuot sa kanya ang mga damit niya, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus(O)
32 Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus.[e]
33 At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota, (na ang kahulugan ay, “Ang Dako ng Bungo”),
34 kanilang binigyan(P) siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.
35 At(Q) nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.
36 Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.
37 At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, “ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.”
38 At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39 Siya'y(R) inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,
40 na(S) nagsasabi, “Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”
41 Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,
42 “Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.
43 Nagtiwala(T) siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako'y Anak ng Diyos.’”
44 Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.
Namatay si Jesus(U)
45 Mula nang oras na ikaanim[f] ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.[g]
46 At(V) nang malapit na ang oras na ikasiyam[h] ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.”
48 Tumakbo(W) kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka,[i] inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.
49 Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”
50 At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.
51 At(X) nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.
52 Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog[j] ay bumangon,
53 at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.
54 Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”[k]
55 At(Y) marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya.
56 Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
Inilibing si Jesus(Z)
57 Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus.
58 Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon.
59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino,
60 at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis.
61 Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan.
Binantayan ang Libingan
62 Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato,
63 na(AA) nagsasabi, “Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya, ‘Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.’
64 Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang kanyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa mga tao, ‘Siya'y bumangon mula sa mga patay,’ at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.”
65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay,[l] humayo kayo, bantayan ninyo sa paraang alam ninyo.”
66 Kaya't sila'y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.
Muling Nabuhay si Jesus(AB)
28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan.
2 At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito.
3 Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak.
4 At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay.
5 Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.
6 Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya.[m]
7 Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo.”
8 Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad.
9 At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, “Kapayapaan ay sumainyo.” At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba.
10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako.”
Ang Ulat ng mga Bantay
11 Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari.
12 Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal,
13 na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.’
14 Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo.”
15 At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.
Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(AC)
16 Samantala,(AD) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.
17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya. Subalit ang ilan ay nag-alinlangan.
18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin.
19 Kaya't(AE) sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,
20 at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[n][o]
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(AF)
1 Ang pasimula ng ebanghelyo[p] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.
2 Ayon(AG) sa nasusulat sa Isaias na propeta,
“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,[q]
na maghahanda ng iyong daan;
3 ang(AH) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”
4 si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
5 Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
6 Si(AI) Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.
7 At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.
8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus(AJ)
9 Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
10 Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.
11 At(AK) may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
12 At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.
13 Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(AL)
14 Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos,
15 na(AM) sinasabi, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.”
Tinawag ang mga Unang Alagad
16 Sa pagdaan ni Jesus[r] sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
17 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
18 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka.
20 Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu(AN)
21 Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.
22 Namangha(AO) sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.
23 At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,
24 na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
25 Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”
26 Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.
27 Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”
28 Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao(AP)
29 Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.
30 At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus[s] ang tungkol sa kanya.
31 Lumapit siya at hinawakan ang babae[t] sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.
32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.
33 Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.
34 At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(AQ)
35 Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus[u] ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.
36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.
37 Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”
38 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”
39 At(AR) nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ang Isang Ketongin(AS)
40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”
41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[v] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”
42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.
43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.
44 Sinabi(AT) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”
45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(AU)
2 Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.
2 Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
3 May mga taong[w] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
4 Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,
7 “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
8 Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—
11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”
12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”
Ang Pagtawag kay Levi(AV)
13 At si Jesus[x] ay muling lumabas sa tabi ng lawa. Nagtipon sa paligid niya ang napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan.
14 Habang siya'y naglalakad, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa tanggapan ng buwis at sinabi sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo siya at sumunod sa kanya.
15 At nang siya'y nakaupo sa hapag-kainan sa bahay ni Levi,[y] maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang nakaupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad sapagkat marami silang sumunod sa kanya.
16 Nang makita ng mga eskriba ng[z] mga Fariseo na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
17 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(AW)
18 Noon ay nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. Sila'y lumapit at sinabi sa kanya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?”
19 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno.
20 Ngunit darating ang mga araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at kung magkagayo'y mag-aayuno sila sa araw na iyon.
21 Walang nagtatagpi ng matibay na tela sa damit na luma. Kapag gayon, babatakin ng itinagpi, ang bago mula sa luma at lalong lalaki ang punit.
22 Walang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kapag gayon, papuputukin ng alak ang mga balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong sisidlang balat.”
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(AX)
23 Nang(AY) isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay.
24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
25 At sinabi niya sa kanila, “Kailanman ba'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain?
26 Kung(AZ) (BA) paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kumain siya ng tinapay ng paghahandog, na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan?”
27 At sinabi niya sa kanila, “Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath.
28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(BB)
3 Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado[aa] ang isang kamay.
2 Kanilang minamatyagan si Jesus[ab] kung kanyang pagagalingin ang lalaki[ac] sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila.
3 Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Lumapit ka.”
4 At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?” Ngunit sila'y tahimik.
5 Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 At si Jesus ay umalis kasama ng kanyang mga alagad patungo sa lawa. Sumunod ang napakaraming tao mula sa Galilea.
8 Nang kanilang mabalitaan ang lahat ng kanyang ginawa, napakaraming tao ang pumaroon sa kanya mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon.
9 At(BC) sinabi niya sa kanyang mga alagad na ihanda para sa kanya ang isang bangka dahil sa napakaraming tao, baka siya'y kanilang siksikin.
10 Sapagkat siya'y nagpagaling ng marami, siniksik siya ng lahat ng maysakit upang siya'y mahipo.
11 At tuwing makikita siya ng masasamang espiritu, sila'y nagpapatirapa sa kanyang harapan, at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”
12 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na siya'y huwag nilang ipahayag.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(BD)
13 Siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang kanyang mga naibigan at lumapit sila sa kanya.
14 Humirang siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol[ad] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral,
15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo:
16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:] si Simon na kanyang pinangalanang Pedro;
17 si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago na tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay mga Anak ng Kulog;
18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo;
19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.
Si Jesus at si Beelzebul(BE)
20 At pumasok siya sa isang bahay, at muling nagkatipon ang maraming tao, kaya't sila'y hindi man lamang makakain.
21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, lumabas sila upang siya'y pigilan sapagkat sinasabi ng mga tao, “Wala siya sa sarili.”
22 At(BF) sinabi ng mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem, “Nasa kanya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”
23 Sila'y kanyang pinalapit sa kanya at nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, “Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas?
24 Kung ang isang kaharian ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang kahariang iyon.
25 At kung ang isang bahay naman ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang bahay na iyon.
26 Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi, hindi siya makakatayo, kundi siya'y magwawakas.
27 Ngunit walang makakapasok sa bahay ng malakas na tao upang samsamin ang kanyang mga ari-arian, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y malolooban niya ang bahay nito.
28 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng anak ng mga tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin.
29 Ngunit(BG) sinumang magsalita ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkakasala ng isang kasalanang walang hanggan,”
30 sapagkat sinabi nila, “Siya'y may masamang espiritu.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(BH)
31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.
32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”
33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”
34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”
Ang Talinghaga ng Manghahasik(BI)
4 Siya'y(BJ) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.
2 Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,
3 “Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.
4 At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.
5 Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.
6 Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.
7 Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.
8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”
9 At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(BK)
10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.
11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;
12 upang(BL) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”
13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?
14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.
15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.
16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;
17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[ae]
18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,
19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.
20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(BM)
21 At(BN) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?
22 Sapagkat(BO) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.
23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”
24 At(BP) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.
25 Sapagkat(BQ) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Binhing Tumutubo
26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,
27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.
28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[af] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.
29 Ngunit(BR) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”
Ang Butil ng Mustasa(BS)
30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?
31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,
32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”
Ang mga Talinghaga ni Jesus
33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.
34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.
Pinatigil ni Jesus ang Unos(BT)
35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”
36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.
37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.
38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”
39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.
40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”
41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Masamang Espiritu(BU)
5 Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.[ag]
2 Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.
3 Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.
4 Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.
5 Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6 Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus[ah] ay kanyang sinamba.
7 Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan.”
8 Sapagkat sinabi niya sa kanya, “Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu.”
9 At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[ai] ang pangalan ko sapagkat marami kami.”
10 Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.
11 Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.
12 Nakiusap sila sa kanya, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila.”
13 At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.
14 Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.
15 Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.
16 At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.
17 Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus[aj] na lisanin ang pook nila.
18 Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.
19 Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya.”
20 At ang lalaki[ak] ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(BV)
21 Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22 Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan,
23 at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay.”
24 Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila.
25 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,
26 at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha.
27 Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit.
28 Sapagkat sinasabi niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
29 Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit.
30 Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang ‘Sino ang humipo sa akin?’”
32 Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.
33 Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan.
34 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo.”
35 Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?”
36 Ngunit hindi pinansin[al] ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.
38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan.
39 Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.”
40 Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.
41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[am] na ang kahulugan ay “Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”
42 Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang.
43 Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata[an] ay bigyan ng makakain.
Hindi Kinilala si Jesus sa Nazaret(BW)
6 Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.
2 Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay!
3 Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At sila'y natisod sa kanya.
4 Kaya't(BX) sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay.”
5 Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila.
6 Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(BY)
7 Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa. Sila'y binigyan niya ng kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu.
8 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay maliban sa isang tungkod; walang tinapay, walang balutan, walang salapi sa kanilang mga pamigkis,
9 kundi magsusuot ng sandalyas at hindi magsusuot ng dalawang tunika.
10 Sinabi niya sa kanila, “Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo roon.
11 Kung(BZ) (CA) mayroong lugar na hindi kayo tanggapin at ayaw kayong pakinggan, sa pag-alis ninyo ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”
12 Kaya't sila'y humayo at ipinangaral na ang mga tao ay dapat magsisi.
13 Nagpalayas(CB) sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(CC)
14 Nabalitaan(CD) ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.”
15 Ngunit sinasabi ng iba, “Siya'y si Elias.” At sinasabi naman ng iba, “Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una.”
16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay.”
17 Sapagkat(CE) si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes.
18 Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.”
19 Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa,
20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan[ao] ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya.
21 Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea.
22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw, siya'y nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang maibigan mo at ibibigay ko sa iyo.”
23 At sumumpa siya sa kanya, “Ang anumang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.”
24 Lumabas siya at sinabi sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” At sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
25 At nagmamadali siyang pumasok sa kinaroroonan ng hari at humiling na sinasabi, “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nasa isang pinggan.”
26 At lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, ayaw niyang tumanggi sa kanya.
27 Agad na isinugo ng hari ang isang kawal na bantay at ipinag-utos na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[ap] Umalis nga ang kawal[aq] at pinugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.
28 At dinala ang ulo ni Juan na nasa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng kanyang mga alagad, pumaroon sila at kinuha ang kanyang bangkay at inilagay sa isang libingan.
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(CF)
30 Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.
31 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.
32 Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.
33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.
34 Pagbaba(CG) niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.
35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.
36 Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.”
37 Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?”
38 At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.”
39 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.
40 Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.
41 Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42 Kumain silang lahat at nabusog.
43 Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda.
44 Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(CH)
45 Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.
46 Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.
48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[ar] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,
49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;
50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”
51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,
52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(CI)
53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.
54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.
55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.
56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[as] ay pawang gumaling.
Ang mga Tradisyon(CJ)
7 Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2 kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3 (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4 Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[at]
5 Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6 At(CK) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8 Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10 Sapagkat(CL) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Nagpaparumi sa Tao(CM)
14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.
15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”
16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]
17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,
19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”
20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.
21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,
22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(CN)
24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.
25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.
26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[au] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.
27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”
28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”
29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”
30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis.
32 Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya.
33 At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila.
34 Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kanya, “Effata,” na nangangahulugang “Mabuksan.”
35 Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw.
36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito.
37 Sila'y labis na namangha na nagsasabi, “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi.”
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(CO)
8 Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.
3 Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”
5 At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.
8 Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.
9 Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.
10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.
11 Dumating(CP) ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya na hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya.
12 At(CQ) nagbuntong-hininga siya nang malalim sa kanyang espiritu at sinabi, “Bakit humahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito.”
13 Sila'y iniwan niya at sa muling pagsakay sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes(CR)
14 Noon ay nakalimutan ng mga alagad[av] na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka.
15 Kanyang(CS) binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.”
16 At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.”
17 Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon(CT) kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan?
19 Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.”
20 “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.”
21 Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag
22 Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya.
23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, “May nakikita ka bang anuman?”
24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.”
25 Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag.
26 At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, “Huwag kang pumasok kahit sa nayon.”
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(CU)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”
28 At(CV) sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.”
29 At(CW) tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.”[aw]
30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(CX)
31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.
33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[ax] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”
34 Tinawag(CY) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.
35 Sapagkat(CZ) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.
36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?
37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?
38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”
9 Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Ang Pagbabagong Anyo ni Jesus(DA)
2 Pagkaraan(DB) ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan, at dinala silang bukod sa isang mataas na bundok. Siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 at ang kanyang damit ay naging nagniningning na puti na walang sinuman sa lupa na makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y nagpakita sa kanila si Elias na kasama si Moises at sila'y nakikipag-usap kay Jesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabi, mabuti sa atin ang dumito. Hayaan ninyong gumawa kami ng tatlong kubol; isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
6 Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sila'y lubhang natakot.
7 Pagkatapos,(DC) nililiman sila ng isang ulap at may isang tinig na nanggaling sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang Minamahal;[ay] siya ang inyong pakinggan!”
8 Nang bigla silang tumingin sa paligid, wala silang nakitang sinumang kasama nila maliban kay Jesus lamang.
9 Habang bumababa sila sa bundok, iniutos niya sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang kanilang nakita, hanggang sa ang Anak ng Tao ay magbangon mula sa mga patay.
10 Kaya't kanilang iningatan ang pananalitang ito sa kanilang sarili, na pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng pagbangon mula sa mga patay.
11 At(DD) tinanong nila siya, “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang dumating muna si Elias?”
12 Sinabi niya sa kanila, “Tunay na si Elias ay unang dumarating at nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. At paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng Tao na siya'y magdurusa ng maraming bagay at itatakuwil?
13 Ngunit sinasabi ko sa inyo, tunay na dumating na si Elias at ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001