Bible in 90 Days
Poot ng Sanlibutan
18 “Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.
19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.
20 Alalahanin(A) ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako'y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila.
21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.
22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan.
23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.
24 Kung ako'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Subalit ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.
25 Ito(B) ay upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, ‘Ako'y kinapootan nila nang walang kadahilanan.’
26 Subalit kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin.
27 At kayo rin ay magpapatotoo, sapagkat kayo'y nakasama ko buhat pa nang simula.
16 “Ang mga bagay na ito'y sinabi sa inyo upang kayo'y huwag matisod.
2 Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga. Talagang darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naghahandog siya ng paglilingkod sa Diyos.
3 At ang mga bagay na ito'y gagawin nila sapagkat hindi nila nakikilala ang Ama o ako man.
4 Subalit ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras ay inyong maalala na sinabihan ko kayo tungkol sa kanila. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat nang pasimula, sapagkat ako'y kasama ninyo.
5 Subalit ngayon ako'y pupunta sa nagsugo sa akin. Ngunit walang sinuman sa inyo ang nagtanong sa akin, ‘Saan ka pupunta?’
6 Ngunit dahil sa sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo, napuno ng lungkot ang inyong puso.
7 Gayunma'y sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Makakabuti sa inyo na ako'y umalis, sapagkat kung hindi ako aalis, ang Mang-aaliw ay hindi darating sa inyo. Ngunit kung ako'y umalis, siya'y susuguin ko sa inyo.
8 At pagdating niya, kanyang susumbatan ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at sa kahatulan:
9 tungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumasampalataya sa akin;
10 tungkol sa katuwiran, sapagkat ako'y pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita;
11 tungkol sa kahatulan, sapagkat ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.
12 Mayroon pa akong maraming bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo kayang dalhin sa ngayon.
13 Subalit kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat hindi siya magsasalita nang mula sa kanyang sarili, kundi ang anumang bagay na kanyang marinig, iyon ang kanyang sasabihin at kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating.
14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag niya.
15 Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin, kaya sinabi ko na kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag.
Kalungkutan at Kagalakan
16 “Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita.”
17 Ang ilan sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong sinasabi niya sa atin, ‘Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita’ at, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama?’”
18 Sinabi nila, “Ano ang ibig niyang sabihin na, ‘Sandali na lamang?’ Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.”
19 Nalaman ni Jesus na ibig nilang magtanong sa kanya, kaya't sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol dito sa aking sinabi, ‘Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita?’
20 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y iiyak at tatangis, subalit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo'y malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay magiging kagalakan.
21 Kapag ang babae ay nanganganak, siya ay nahihirapan sapagkat dumating na ang kanyang oras. Ngunit pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanlibutan.
22 Kayo sa ngayon ay may kalungkutan, ngunit muli ko kayong makikita. Magagalak ang inyong puso, at walang makakapag-alis sa inyo ng inyong kagalakan.
23 Sa araw na iyon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anuman. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y hihingi ng anuman sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya ito sa inyo.[a]
24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan ko. Kayo'y humingi at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
Pagtatagumpay Laban sa Sanlibutan
25 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa paraang patalinghaga. Darating ang oras, na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi maliwanag na sa inyo'y sasabihin ko ang tungkol sa Ama.
26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi sa inyo na ako'y hihingi sa Ama para sa inyo.
27 Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo, sapagkat ako'y inyong minahal, at kayo'y nanampalataya na ako'y buhat sa Diyos.[b]
28 Ako'y nagbuhat sa Ama at dumating ako sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan, at ako'y pupunta sa Ama.”
29 Sinasabi ng kanyang mga alagad, “Oo nga, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at hindi patalinghaga.
30 Ngayon ay nalalaman namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi na kailangang tanungin ka ng sinuman. Dahil dito'y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos.”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Ngayon ba ay sumasampalataya na kayo?
32 Narito, ang oras ay dumarating, at dumating na nga, na kayo'y magkakawatak-watak, ang bawat isa sa kanyang sarili, at ako'y iiwan ninyong mag-isa. Subalit hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.
33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”
Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad
17 Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,
2 yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.
3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.
4 Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.
5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.
6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.
7 Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;
8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.
9 Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo.
10 Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila.
11 At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
12 Habang(C) ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
13 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.
14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan.
15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.
16 Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan.
17 Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.
18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.
19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.
20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,
21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.
22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.
24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.
25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.
26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”
Ang Pagdakip kay Jesus(D)
18 Nang masabi ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kanyang mga alagad na tumawid sa libis ng Cedron, patungo sa isang pook na may isang halamanan, na pinasok niya at ng kanyang mga alagad.
2 Alam din ni Judas, na sa kanya'y nagkanulo, ang lugar sapagkat madalas na si Jesus ay nakikipagtipon doon kasama ng kanyang mga alagad.
3 Kaya't si Judas ay nagdala ng pulutong ng mga kawal at ng mga punong-kawal mula sa mga punong pari at mga Fariseo, at pumunta roon na may mga ilawan, mga sulo, at mga sandata.
4 Si Jesus na nakakaalam ng lahat ng mga bagay na mangyayari sa kanya ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, “Sino ang inyong hinahanap?”
5 Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako nga iyon.” Si Judas na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila.
6 Nang sabihin ni Jesus sa kanila, “Ako nga,” umurong sila at bumagsak sa lupa.
7 Kaya't muli niyang tinanong sila, “Sino ang inyong hinahanap?” At sinabi nila, “Si Jesus na taga-Nazaret.”
8 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko sa inyo na, ‘Ako nga’. Kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.”
9 Ito ay upang matupad ang salitang sinabi niya, “Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong iwinala kahit isa.”
10 Pagkatapos, si Simon Pedro na may tabak ay hinugot ito, at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kanyang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malco.
11 Kaya't(E) sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kaluban. Hindi ko ba iinuman ang kopang ibinigay sa akin ng Ama?”
Si Jesus sa Harap ni Anas
12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang kapitan, at ng mga punong-kawal ng mga Judio.
13 Siya'y dinala muna kay Anas, sapagkat siya'y biyenan ni Caifas, na pinakapunong pari nang panahong iyon.
14 Si(F) Caifas ang siyang nagpayo sa mga Judio na dapat na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa bayan.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(G)
15 Sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayundin ang isa pang alagad. Sapagkat ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong pari, siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari.
16 Samantala, si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang alagad na kilala ng pinakapunong pari ay lumabas at kinausap ang babaing tanod sa pinto, at ipinasok si Pedro.
17 Sinabi kay Pedro ng babaing tanod sa pinto, “Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?” Sinabi niya, “Hindi.”
18 Ang mga alipin at ang mga punong-kawal ay nagpapaningas ng siga sapagkat maginaw. Sila'y nakatayo roon at nagpapainit. Si Pedro ay kasama rin nila na nakatayo at nagpapainit.
Tinanong ng Pinakapunong Pari si Jesus(H)
19 Tinanong ng pinakapunong pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo.
20 Sinagot siya ni Jesus, “Ako'y hayagang nagsalita sa sanlibutan. Ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo, na pinagtitipunan ng lahat ng mga Judio, at wala akong sinabi sa lihim.
21 Bakit ako'y iyong tinatanong? Tanungin mo silang nakarinig sa akin, kung anong sinabi ko sa kanila. Ang mga ito ang nakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.”
22 At nang kanyang masabi ito ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong-kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, “Ganyan ka bang sumagot sa pinakapunong pari?”
23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung ako'y nagsalita ng masama, patunayan mo ang kasamaan, subalit kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?”
24 Pagkatapos ay ipinadala siyang nakagapos ni Anas kay Caifas na pinakapunong pari.
Muling Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(I)
25 Nakatayo si Pedro na nagpapainit ng sarili. Sinabi nila sa kanya, “Hindi ba ikaw ay isa rin sa kanyang mga alagad?” Ikinaila niya ito at sinabi, “Hindi.”
26 Sinabi ng isa sa mga alipin ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng tinagpasan ni Pedro ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama niya sa halamanan?”
27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad tumilaok ang isang manok.
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(J)
28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa palasyo ng gobernador.[c] Noon ay maaga pa at sila'y hindi pumasok sa punong-himpilan, upang hindi marumihan,[d] at upang sila'y makakain ng kordero ng paskuwa.
29 Kaya't lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?”
30 Sila'y sumagot at sinabi sa kanya, “Kung ang taong ito'y hindi gumawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.”
31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Hindi kami pinahihintulutan na ipapatay ang sinumang tao.”
32 Ito(K) ay upang matupad ang salitang sinabi ni Jesus, nang kanyang ipahiwatig kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.
33 Si Pilato ay muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at tinawag si Jesus, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”
34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”
35 Si Pilato ay sumagot, “Ako ba'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo sa akin. Ano bang ginawa mo?”
36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay mula sa sanlibutang ito, ang aking mga tauhan ay makikipaglaban sana upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio; ngunit ang aking kaharian ay hindi mula rito.”
37 Sinabi sa kanya ni Pilato, “Kung gayon, ikaw ay hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, at dahil dito ay pumarito ako sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang panig sa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”
Hinatulan si Jesus na Mamatay(L)
38 Sinabi sa kanya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”
At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio at sa kanila'y sinabi, “Wala akong makitang anumang kasalanan sa kanya.
39 Ngunit kayo'y may kaugalian na maaari kong pakawalan ang isang tao para sa inyo sa Paskuwa. Gusto ba ninyong pakawalan ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?”
40 Sila'y sumigaw na muli, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas.” Si Barabas ay isang tulisan.
19 Pagkatapos ay kinuha ni Pilato si Jesus at siya'y hinagupit.
2 Ang mga kawal ay gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong sa kanyang ulo, at siya'y sinuotan ng isang balabal na kulay-ube.
3 Sila'y lumapit sa kanya, na nagsasabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya'y kanilang pinagsusuntok.
4 Si Pilato ay muling lumabas at sa kanila'y sinabi, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakitang anumang kasalanan sa kanya.”
5 Lumabas nga si Jesus, na may koronang tinik at balabal na kulay-ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang tao!”
6 Nang siya ay makita ng mga punong pari at ng mga punong-kawal, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus, sapagkat ako'y walang nakitang kasalanan sa kanya.”
7 Sumagot sa kanya ang mga Judio, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang iyon ay dapat siyang mamatay, sapagkat inaangkin niya na siya ay Anak ng Diyos.”
8 Nang marinig ni Pilato ang salitang ito ay lalo siyang natakot.
9 Siya'y muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at sinabi kay Jesus, “Taga-saan ka?” Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus.
10 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mong makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang ikaw ay pakawalan at may kapangyarihang ikaw ay ipako sa krus?”
11 Sumagot si Jesus sa kanya, “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya't ang nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”
12 Mula noo'y sinikap ni Pilato na siya'y pakawalan. Ngunit ang mga Judio ay nagsisigawang, “Kung pakakawalan mo ang taong ito ay hindi ka kaibigan ni Cesar.[e] Ang bawat nag-aangkin na siya'y hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.”
13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Plataporma (sa Hebreo ay Gabbatha).
14 Noon ay Paghahanda ng Paskuwa, at noo'y mag-iikaanim na oras.[f] Sinabi niya sa mga Judio, “Narito ang inyong Hari!”
15 Sila'y nagsigawan, “Ilayo siya, ilayo siya, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari liban kay Cesar.”
Ipinako si Jesus sa Krus(M)
16 At ibinigay ni Pilato[g] si Jesus[h] sa kanila upang maipako sa krus.
17 Kinuha nila si Jesus, at siya'y lumabas na pasan niya ang krus, patungo sa tinatawag na Pook ng Bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota.
18 Doon ay kanilang ipinako siya at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawat tagiliran, at sa gitna nila ay si Jesus.
19 Sumulat din si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa itaas ng krus. At ang nakasulat ay “Jesus na Taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.”
20 Marami sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod, at ito'y isinulat sa Hebreo, sa Latin, at sa Griyego.
21 Kaya't sinabi kay Pilato ng mga punong pari ng mga Judio, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.”
23 Nang maipako ng mga kawal si Jesus, kanilang kinuha ang kanyang mga kasuotan at hinati sa apat na bahagi, sa bawat kawal ay isang bahagi. Gayundin ang tunika, at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.
24 Kaya't(N) sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin, kundi tayo'y magpalabunutan kung kanino mapupunta.” Ito ay upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi,
“Pinaghatian nila ang aking mga kasuotan,
at ang aking balabal ay kanilang pinagpalabunutan.”
25 Ang mga bagay na ito ay ginawa ng mga kawal.
Samantala, nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina, at ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.
26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal, na nakatayong katabi niya ay sinabi niya sa kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak!”
27 Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan.
Ang Kamatayan ni Jesus(O)
28 Pagkatapos(P) nito, sapagkat alam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay sinabi niya (upang matupad ang kasulatan), “Nauuhaw ako.”
29 Mayroon doong isang sisidlang punô ng maasim na alak, kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka[i] sa isang sanga ng isopo,[j] kanilang inilagay sa kanyang bibig.
30 Nang matanggap ni Jesus ang suka[k] ay sinabi niya, “Natupad na.” At itinungo ang kanyang ulo, at siya ay namatay.[l]
Inulos ang Tagiliran ni Jesus
31 Sapagkat noo'y araw ng Paghahanda, upang maiwasan na ang mga katawan ay manatili sa krus sa araw ng Sabbath (sapagkat dakila ang araw ng Sabbath na iyon), hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang kanilang mga binti at sila'y alisin doon.
32 Kaya't dumating ang mga kawal at binali ang binti ng una at ng isa pa na ipinako sa krus na kasama niya.
33 Ngunit nang dumating sila kay Jesus at makitang patay na, ay hindi na nila binali ang kanyang mga binti.
34 Subalit tinusok ng sibat ng isa sa mga kawal ang kanyang tagiliran at biglang lumabas ang dugo at tubig.
35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo, at ang kanyang patotoo ay tunay, at nalalaman niya na siya'y nagsasabi ng totoo upang kayo rin ay maniwala.
36 Sapagkat(Q) ang mga bagay na ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan, “Kahit isa mang buto niya'y hindi mababali.”
37 At(R) sinabi rin sa isa pang kasulatan, “Titingin sila sa kanya na kanilang tinusok ng sibat.”
Paglilibing kay Jesus(S)
38 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga-Arimatea, na isang lihim na alagad ni Jesus, dahil sa takot sa mga Judio, ay nakiusap kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus, at siya'y pinahintulutan ni Pilato. Kaya't siya'y pumunta roon at kinuha ang kanyang bangkay.
39 Dumating(T) din si Nicodemo, na noong una ay lumapit sa kanya noong gabi, na may dalang pinaghalong mira at mga aloe, halos isandaang libra ang timbang.
40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga telang lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.
41 Sa lugar ng pinagpakuan sa kanya ay may isang halamanan, at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailanma'y hindi pa nalalagyan ng sinuman.
42 Kaya't dahil sa Paghahanda ng mga Judio, sapagkat malapit ang libingan, ay kanilang inilagay doon si Jesus.
Libingang Walang Laman(U)
20 Nang unang araw ng sanlinggo ay maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakitang ang bato ay naalis na sa libingan.
2 Kaya't tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
3 Kaya't umalis si Pedro kasama ang isa pang alagad at pumunta sila sa libingan.
4 Silang dalawa'y tumakbong magkasama, subalit ang isang alagad ay mas matuling tumakbo kaysa kay Pedro, at naunang dumating sa libingan.
5 At siya'y yumuko upang tingnan ang loob, at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino. Subalit hindi siya pumasok sa loob.
6 Dumating naman si Simon Pedro na sumusunod sa kanya, pumasok siya sa libingan at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino,
7 at ang damit na inilagay sa kanyang ulo ay hindi kasamang nakalatag ng mga telang lino, kundi bukod na nakatiklop sa isang tabi.
8 Pumasok din ang alagad na unang dumating sa libingan at kanyang nakita at siya'y naniwala.
9 Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya'y bumangon mula sa mga patay.
10 At ang mga alagad ay bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan.
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(V)
11 Ngunit si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan.
12 At nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi, na nakaupo sa hinigaan ng katawan ni Jesus, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan.
13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.”
14 Pagkasabi nito, siya'y lumingon at nakitang nakatayo si Jesus. Subalit hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
15 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa kanyang pag-aakalang iyon ay ang hardinero, ay sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya'y aking kukunin.”
16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria.” Humarap siya, at sinabi sa kanya sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay Guro).
17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’”
18 Pumunta si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon;” at sinabi niya sa kanila na sinabi niya ang mga bagay na ito sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(W)
19 Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
20 At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon.
21 Muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo.”
22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.
23 Kung(X) inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”
Si Jesus at si Tomas
24 Ngunit si Tomas, isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal[m] ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.
25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala.”
26 Pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, subalit pumasok si Jesus, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilapit mo rito ang iyong kamay at ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya.”
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kanya, “Panginoon ko at Diyos ko!”
29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya.”
Layunin ng Aklat na Ito
30 Gumawa si Jesus ng marami pang ibang mga tanda sa harapan ng kanyang mga alagad, na hindi naisulat sa aklat na ito.
31 Ngunit ang mga ito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan.
Nagpakita si Jesus sa Pitong Alagad
21 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan.
2 Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad.
3 Sinabi(Y) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kanya, “Kami ay sasama rin sa iyo.” Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.
4 Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.
5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?” Sumagot sila sa kanya, “Wala.”
6 At(Z) sinabi niya sa kanila, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.” Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.
7 Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, “Ang Panginoon iyon.” Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat.
8 Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na punô ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro[n] ang layo.
9 Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.
10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon.”
11 Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na punô ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat.
12 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.” Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, “Sino ka?” yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon.
13 Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda.
14 Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay.
Inatasan si Pedro
15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[o] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”
16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.
18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”
19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Ibang Alagad
20 Pagtalikod(AA) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”
21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”
22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”
23 Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay.
Pagtatapos
25 Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.
1 O(AB) Teofilo, sa unang aklat ay isinulat ko ang tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula sa simula,
2 hanggang sa araw na iakyat siya sa langit pagkatapos na makapagbigay ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga apostol na kanyang hinirang.
3 Pagkatapos na siya'y magdusa ay buháy siyang nagpakita sa kanila sa pamamagitan ng maraming mga katunayan. Nagpakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.
4 Habang(AC) kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, “Ito ang narinig ninyo sa akin;
5 sapagkat(AD) si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?”
7 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad.
8 Ngunit(AE) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”
9 Pagkasabi(AF) niya ng mga bagay na ito, habang sila'y nakatingin, dinala siya sa itaas at siya'y ikinubli ng ulap sa kanilang mga paningin.
10 Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaki ang tumayo sa tabi nila na may puting damit,
11 na nagsabi, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.”
Ang Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin.[p]
13 Nang(AG) sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan,[q] at si Judas na anak ni Santiago.
14 Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.
15 At nang mga araw na ito, tumindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid at nagsabi (at nagkakatipon ang maraming tao, na may isandaan at dalawampu),
16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang kasulatan, na ipinahayag noong una ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas, na siyang nanguna sa mga humuli kay Jesus.
17 Sapagkat siya'y ibinilang sa atin at siya'y tumanggap ng kanyang bahagi sa paglilingkod na ito.”
18 (Bumili(AH) nga ang taong ito ng isang bukid mula sa kabayaran ng kanyang kasamaan; at nang bumagsak ng patiwarik ay pumutok ang kanyang tiyan,[r] at sumambulat ang lahat ng kanyang mga lamang loob.
19 At ito'y nahayag sa lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem; kaya't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na Akeldama, na ang kahulugan ay, ‘Ang Bukid ng Dugo’.)
20 “Sapagkat(AI) nasusulat sa aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag bayaang tumira doon ang sinuman;’
at,
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
21 Kaya't isa sa mga taong nakasama namin sa buong panahong ang Panginoong Jesus ay kasama namin,
22 magmula(AJ) sa pagbabautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y iakyat sa itaas mula sa atin—isa sa mga ito'y dapat maging saksi na kasama natin sa kanyang muling pagkabuhay.”
23 Kanilang iminungkahi ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na tinatawag ding Justo, at si Matias.
24 Sila'y nanalangin at nagsabi, “Panginoon, ikaw na nakakaalam ng puso ng lahat, ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili,
25 upang pumalit sa paglilingkod na ito at sa pagka-apostol na tinalikuran ni Judas, upang siya'y pumunta sa sarili niyang lugar.”
26 At sila'y nagpalabunutan para sa kanila at ang nabunot ay si Matias; at siya'y ibinilang sa labing-isang apostol.
Ang Pagdating ng Espiritu Santo
2 Nang(AK) dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar.
2 Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo.
3 Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila.
4 Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit.
6 Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika.
7 Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito?
8 Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan?
9 Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio,
11 mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.”
12 Silang lahat ay nagtaka at naguluhang sinasabi sa isa't isa, “Ano ang kahulugan nito?”
13 Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, “Sila'y lasing sa bagong alak.”
Nangaral si Pedro
14 Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin.
15 Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras[s] pa lamang.
16 Ngunit ito ay yaong ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Joel:
17 ‘At(AL) sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
mula sa aking Espiritu ay magbubuhos ako sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.
18 Maging sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae,
sa mga araw na iyon ay magbubuhos ako mula sa aking Espiritu;
at sila'y magsasalita ng propesiya.
19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas,
at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo, at apoy, at makapal na usok.
20 Ang araw ay magiging kadiliman,
at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
22 “Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo—
23 Siya,(AM) na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan.
24 Ngunit(AN) siya'y muling binuhay ng Diyos, pagkatapos palayain sa mga hirap ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y mapigilan nito.
25 Sapagkat(AO) sinasabi ni David tungkol sa kanya,
‘Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko,
sapagkat siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag;
26 kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila;
gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat hindi mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades,
ni ipahihintulot man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
28 Ipinaalam mo sa akin ang mga daan ng buhay;
pupuspusin mo ako ng kagalakan sa iyong harapan.’
29 “Mga kapatid, may tiwalang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriyarkang si David. Siya rin ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito.
30 Yamang(AP) siya'y isang propeta at nalalaman niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga inapo ay iluluklok niya sa kanyang trono.
31 Yamang nakita niya ito bago pa mangyari, nagsalita si David tungkol sa muling pagkabuhay ng Cristo:
‘Hindi siya pinabayaan sa Hades,
ni ang kanya mang katawan ay nakakita ng kabulukan.’
32 Ang Jesus na ito'y muling binuhay ng Diyos, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.
33 Kaya't yamang pinarangalan sa kanang kamay ng Diyos, at tinanggap mula sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ibinuhos niya ito na pawang nakikita at naririnig ninyo.
34 Sapagkat(AQ) hindi umakyat si David sa mga langit, ngunit siya rin ang nagsabi,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.”’
36 Kaya't dapat malaman nang may katiyakan ng buong sambahayan ng Israel na ginawa siya ng Diyos na Panginoon at Cristo, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”
37 Nang marinig nila ito, nasaktan ang kanilang puso at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga ginoo, mga kapatid, anong dapat naming gawin?”
38 At sinabi sa kanila ni Pedro, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya.”
40 Sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya at hinimok sila na sinasabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili mula sa baluktot na lahing ito.”
41 Kaya't ang mga tumanggap ng kanyang salita ay binautismuhan at nadagdag nang araw na iyon ang may tatlong libong kaluluwa.
42 Nanatili silang matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasama-sama, sa pagpuputul-putol ng tinapay at sa mga pananalangin.
Ang Pagkakaisa ng mga Mananampalataya
43 Dumating ang takot sa bawat tao at maraming kababalaghan at tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol.
44 At(AR) ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat.
45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
46 At araw-araw, habang sila'y magkakasama sa templo, sila'y nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsasalu-salo na may galak at tapat na puso,
47 na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng lugod sa lahat ng tao. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.
Ang Pagpapagaling sa Lumpo
3 Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[t]
2 At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.
3 Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.
4 Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”
5 Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.
6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[u] tumayo ka at lumakad.”
7 Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.
8 Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.
9 Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.
10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.
12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?
13 Niluwalhati ng(AS) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[v] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.
14 Ngunit(AT) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,
15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.
16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.
17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.
18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.
19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,
20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.
21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.
22 Tunay(AU) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[w] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.
23 Ang(AV) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[x]
24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.
25 Kayo(AW) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’
26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”
Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin
4 Habang si Pedro at si Juan[y] ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo,
2 na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay.
3 Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na.
4 Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo.
5 Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba;
6 at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari.
7 Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?”
8 At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, “Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda,
9 kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito,
10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.
11 Itong si Jesus,[z]
‘ang(AX) bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulukan.’
12 Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”
13 Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, at nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwan lamang, ay namangha sila at kanilang nakilala na sila'y mga kasama ni Jesus.
14 At yamang nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila ay wala silang masabing pagtutol.
15 Kaya't kanilang inutusan sila na umalis sa kapulungan, samantalang pinag-uusapan pa nila ang pangyayari.
16 Kanilang sinabi, “Anong gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat hayag sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang isang kapansin-pansing tanda na ginawa sa pamamagitan nila; at hindi natin ito maikakaila.
17 Ngunit upang huwag na itong lalo pang kumalat sa bayan, atin silang bigyan ng babala na huwag na silang magsalita pa sa kaninuman sa pangalang ito.”
18 Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus.
19 Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol,
20 sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”
21 Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari.
22 Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.
Nanalangin Upang Magkaroon ng Katapangan
23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatanda.
24 Nang(AY) ito'y kanilang marinig, sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon,
25 ikaw(AZ) na nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod,
‘Bakit nagalit ang mga Hentil,
at nagbabalak ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari sa lupa ay naghanda upang lumaban,
at ang mga pinuno ay nagtipon,
laban sa Panginoon, at laban sa kanyang Cristo.’
27 Sapagkat(BA) sa katotohanan, sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na Lingkod[aa] na si Jesus, na iyong pinahiran,
28 upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari.
29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga banta at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na masabi ang iyong salita ng may buong katapangan,
30 habang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling at ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”
31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyos.
Nagtutulungan ang mga Mananampalataya
32 Ang(BB) buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma'y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari-arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat.
33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay ng Panginoong Jesus at sumakanilang lahat ang dakilang biyaya.
34 Walang sinumang naghihirap sa kanila sapagkat ipinagbili ng lahat ng may-ari ang kanilang mga lupa at mga bahay at dinala ang pinagbilhan ng mga ito.
35 At inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman.
36 Si Jose, isang Levitang tubo sa Cyprus, na tinaguriang Bernabe ng mga apostol (na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas ng loob”),
37 ay nagbili ng isang bukid na kanyang pag-aari, at dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.
Si Ananias at si Safira
5 Ngunit may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang nagbili ng isang ari-arian, na may pagsang-ayon ng kanyang asawang si Safira.
2 Nalalaman ng kanyang asawa na itinago niya ang ilang bahagi ng pinagbilhan at dinala ang isang bahagi lamang at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.
3 Sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit napadaig ka kay Satanas[ab] at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo, at itago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa?
4 Nang ito'y hindi pa nabibili, hindi ba iyon ay nanatiling iyo? At nang maipagbili na, hindi ba nasa iyo ring kapangyarihan? Bakit inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos.”
5 Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay bumagsak at namatay. At sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nakarinig nito.
6 Tumindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.
7 Pagkatapos ng halos tatlong oras na pagitan, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari.
8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayong halaga ang lupa.” Sinabi niya, “Oo, sa gayong halaga.”
9 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit kayo'y nagkasundo upang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nasa pintuan ang mga paa ng mga naglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.”
10 Agad siyang bumagsak sa kanyang paanan at namatay. Pumasok ang mga kabinataan at natagpuan nilang patay siya. Siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.
11 Sinidlan ng malaking takot ang buong iglesya, at ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.
Gumawa ng mga Himala ang mga Apostol
12 Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon.
13 Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao.
14 Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon,
15 kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.
16 Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling.
Inusig ang mga Apostol
17 Pagkatapos ay kumilos ang pinakapunong pari at ang lahat ng mga kasama niya (na sekta ng mga Saduceo) at sila'y napuno ng inggit.
18 Kanilang dinakip ang mga apostol at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.
19 Ngunit kinagabihan ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, sila'y inilabas, at sinabi,
20 “Humayo kayo, tumayo kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang lahat ng mga salita tungkol sa buhay na ito.”
21 Nang marinig nila ito, pumasok sila sa templo nang magmamadaling-araw, at nagturo. Nang dumating ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin at ang buong kapulungan ng matatanda ng mga anak ng Israel, at nagpadala ng utos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon.
22 Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,
23 na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”
24 Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.
25 At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”
26 Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.
27 Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,
28 “Hindi(BC) ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”
29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.
30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.
31 Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,[ac] at ng kapatawaran ng mga kasalanan.
32 Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33 Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.
34 Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.
35 Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.
36 Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.
37 Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.
38 Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.
39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”
40 Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.
41 Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.
42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista[ad] laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.
2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag.
3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito,
4 samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita.”
5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia.
6 Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001