Bible in 90 Days
Muling Itatayo ang Israel
11 “Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12 upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”
13 Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.[a] 14 Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.[b] Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito. 15 Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.
1 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios tungkol sa bansa ng Edom, na kanyang ipinahayag kay Obadias.
Parurusahan ng Panginoon ang Edom
Nabalitaan nating mga Israelita mula sa Panginoon, na nagsugo siya ng mensahero sa mga bansa upang hikayatin sila na salakayin ang bansa ng Edom. 2 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at hahamakin nila kayo. 3 Sinasabi ninyo na walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. 4 Sapagkat kahit gawin ninyong kasintaas ng lipad ng agila ang inyong tirahan at paabutin pa ninyo sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
5 “Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nagtitira ng ilang bunga?[c] Pero kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway. 6 Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng kayamanan ng mga lahi ni Esau. 7 Lilinlangin kayo ng inyong kakamping mga bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa bayan ninyo. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo. 8 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau. 9 Manginginig sa takot ang inyong mga sundalo sa lungsod ng Teman, kaya mamamatay kayong lahat na nakatira sa Bundok ni Esau.”
Ang Kasalanan ng mga Taga-Edom
10 “Dahil sa inyong pagmamalupit sa mga lahi ni Jacob, na inyong kalahi, malalagay kayo sa kahihiyan at lilipulin magpakailanman. 11 Pinabayaan lamang ninyo ang Jerusalem nang salakayin ng ibang bansa. Pinabayaan ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at paghahati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan. Kayoʼy tulad nila na mga kaaway ng Israel. 12 Hindi sana ninyo ikinatuwa ang panahon ng kapahamakan ng mga taga-Juda na inyong kalahi. Hindi sana kayo nagalak sa panahon ng kanilang pagkawasak. At hindi sana kayo nagmalaki sa panahon ng kanilang kahirapan. 13 Hindi dapat sana kayo pumasok sa lungsod ng aking mga mamamayan sa panahon ng kanilang kasawian at kumuha ng kanilang mga ari-arian. At hindi sana kayo natuwa sa panahon ng kanilang paghihirap. 14 Hindi sana kayo nag-abang sa mga sangang-daan upang patayin ang mga tumatakas mula sa Jerusalem. At hindi sana ninyo sila ibinigay sa mga kaaway sa panahon ng kanilang kasawian.
Parurusahan ng Dios ang mga Bansa
15 “Hindi sana ninyo ginawa iyon sa mga taga-Jerusalem, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa. At kung ano ang inyong ginawa sa iba, ganoon din ang gagawin sa inyo. Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba, ganoon din ang magiging pagtrato nila sa inyo. 16 Kung paanong pinarusahan ang aking mga mamamayan[d] sa aking banal na bundok,[e] parurusahan din ang lahat ng bansa. Matinding parusa ang ibibigay ko sa kanila hanggang malipol silang lahat.
Magtatagumpay ang Israel
17 “Pero may matitirang mga Israelita sa bundok ng Zion, at magiging banal muli ang lugar na ito. Maibabalik sa mga lahi ni Jacob ang mga lupain na dati nilang pag-aari. 18 Ang mga lahi nina Jacob at Jose[f] ay magiging tulad ng apoy na lilipol sa lahi ni Esau, tulad ng pagsunog sa dayami. At walang matitira sa lahi ni Esau.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
19 “Sasakupin ng mga Israelitang taga-Negev[g] ang bundok ni Esau, at sasakupin ng mga Israelitang nakatira sa kaburulan sa kanluran[h] ay sasakupin naman ang lupain ng mga Filisteo. Sasakupin din ng mga Israelita ang lupain ng Efraim at Samaria, at sasakupin naman ng mga lahi ni Benjamin ang Gilead. 20 Sasakupin ng maraming Israelita na galing sa pagkabihag ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Ang mga taga-Jerusalem na binihag sa Sefarad ay sasakupin naman ang mga bayan ng Negev. 21 Aakyat sa Bundok ng Zion ang mga tagapagpalaya ng Israel upang pamahalaan ang mga taong naninirahan sa Bundok ni Esau. At ako, ang Panginoon, ang siyang maghahari.”
Hindi Sumunod si Jonas sa Panginoon
1 Nagsalita ang Panginoon kay Jonas na anak ni Amitai. Sinabi niya, 2 “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at bigyan mo ng babala ang mga taga-roon, dahil umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasamaan.” 3 Pero tumakas agad sa Panginoon[i] si Jonas at nagpasyang pumunta sa Tarshish. Pumunta siya sa Jopa at nakakita siya roon ng barkong paalis papuntang Tarshish. Kaya nagbayad siya ng pamasahe at sumakay sa barko kasama ng mga tripulante at ng iba pang mga pasahero upang tumakas sa Panginoon.
4 Nang nasa laot na sila, nagpadala ang Panginoon ng napakalakas na hangin at halos mawasak na ang barko. 5 Kaya natakot ang mga tripulante, at ang bawat isa sa kanila ay humingi ng tulong sa kani-kanilang dios. Itinapon nila ang kanilang mga kargamento sa dagat para gumaan ang barko.
Si Jonas naman ay nakababa na noon sa ilalim na bahagi ng barko, humiga siya at nakatulog nang mahimbing. 6 Pinuntahan siya ng kapitan ng barko at sinabi sa kanya, “Nagagawa mo pang matulog sa ganitong kalagayan? Bumangon ka at humingi ng tulong sa iyong dios! Baka sakaling maawa siya sa atin, at iligtas niya tayo sa kamatayan.”
7 Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan na lang tayo upang malaman natin kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito sa atin.” At nang magpalabunutan na sila, nabunot ang pangalan ni Jonas. 8 Kaya kinausap nila siya, “Gusto naming malaman kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito. Sabihin mo kung ano ang iyong hanapbuhay at kung saan ka nanggaling. Sabihin mo rin sa amin kung taga-saan ka at anong lahi mo.” 9 Sumagot si Jonas, “Ako ay Hebreo at sumasamba sa Panginoon, ang Dios sa langit[j] na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Kaya lubhang natakot ang mga tripulante, dahil sinabi na sa kanila ni Jonas na tumatakas siya sa Panginoon. Sinabi nila sa kanya, “Ano itong ginawa mo!”
11 At nang lalo pang lumakas ang hangin, sinabi ng mga tripulante kay Jonas, “Ano ang gagawin namin sa iyo para kumalma ang dagat at nang makaligtas kami sa kapahamakan?” 12 Sumagot si Jonas sa kanila, “Buhatin ninyo ako at ihagis sa dagat, at kakalma ito. Sapagkat alam kong ako ang dahilan kung bakit dumating ang napalakas na hangin na ito.” 13 Hindi nila sinunod si Jonas, sa halip, sinikap ng mga tripulante na sumagwan papunta sa dalampasigan, pero nahirapan sila dahil lalo pang lumakas ang hangin. 14 Kaya tumawag sila sa Panginoon. Sinabi nila, “O Panginoon, nakikiusap po kami sa inyo, huwag nʼyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin kay Jonas. Huwag po ninyo kaming singilin sa aming pagpatay sa kanya na hindi pa naman namin natitiyak kung siya nga ay nagkasala. Pero alam po namin na ang mga nangyayaring ito ay ayon sa inyong kalooban.” 15 Kaya binuhat nila si Jonas at inihagis sa nagngangalit na dagat, at kumalma nga ito. 16 Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng malaking paggalang ang mga tao sa Panginoon. Kaya naghandog sila at nangakong ipagpapatuloy ang paglilingkod at paghahandog sa kanya.
17 Samantala, nagpadala ang Panginoon ng isang malaking isda para lunukin si Jonas. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa tiyan ng isda.
Nanalangin si Jonas
2 Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Dios sa loob ng tiyan ng isda. 2 Sinabi niya,
“Panginoon, sa paghihirap ng aking kalooban at kalagayan humingi po ako ng tulong sa inyo,
at sinagot nʼyo ako.
Sa bingit ng kamatayan,[k] humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinakinggan nʼyo ako.
3 Inihagis nʼyo ako sa pusod ng dagat.
Napalibutan ako ng tubig at natabunan ng mga alon na ipinadala ninyo.
4 Pinalayas nʼyo ako sa inyong presensya,
pero umaasa pa rin akong makakalapit muli ako sa inyo roon sa inyong banal na templo.
5 Lumubog po ako sa tubig at halos malunod.
Natabunan ako ng tubig at ang ulo ko ay napuluputan ng mga halamang-dagat.
6 Lumubog ako hanggang sa pinakailalim ng dagat,
at parang ikinulong sa kailaliman ng lupa magpakailanman.
Pero kinuha nʼyo ako sa kailalimang iyon, O Panginoon kong Dios.
7 Nang parang mamamatay na ako,[l] tumawag ako sa inyo, Panginoon,
at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko roon sa inyong banal na templo.
8 Ang mga taong sumasamba sa mga walang kwentang dios-diosan ay hindi na tapat sa inyo.
9 Pero maghahandog ako sa inyo nang may awit ng pasasalamat.
Tutuparin ko ang pangako ko na maghahandog sa inyo.
Kayo po, Panginoon, ang nagliligtas.”
10 Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.
Pumunta si Jonas sa Nineve
3 Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas. 2 Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga taga-roon ang ipinapasabi ko sa iyo.” 3 Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.
4 Pumasok si Jonas sa Nineve. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga taga-roon, “May 40 araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”
5 Naniwala ang mga taga-roon sa pahayag na ito mula sa Dios. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa[m] at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 6 Sapagkat nang mapakinggan ng hari ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa upang ipakita ang kanyang pagsisisi. 7 At nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa Nineve na nagsasabi, “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga pinuno, walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing. 8 Magsuot kayong lahat ng damit na panluksa pati na ang inyong mga hayop, at taimtim na manalangin sa Dios. Talikdan ninyo ang masamang pamumuhay at pagmamalupit. 9 Baka sakaling magbago ang isip ng Dios at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”
10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.
Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon
4 Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. 2 Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. 3 Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” 4 Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”
5 Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. 6 Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. 7 Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.
8 Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” 9 Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[n] at marami ring mga hayop?”
1 Ito ang mensahe ng Panginoon tungkol sa Samaria at Jerusalem.[o] Ipinahayag niya ito kay Micas na taga-Moreshet noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Jotam, Ahaz at Hezekia.
Sinabi ni Micas: 2 Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo.[p] Sapagkat sasaksi ang Panginoong Dios laban sa inyo mula sa kanyang banal na templo.[q]
Parurusahan ang Israel at Juda
3 Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo. 4 Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar. 5 Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda.[r] Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan. 6 Kaya sinabi ng Panginoon, “Gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito. 7 Madudurog ang lahat ng imahen ng dios-diosan ng Samaria, at masusunog ang lahat ng ibinayad ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtalik sa mga babaeng bayaran sa templo.[s] Nakapagtipon ng mga imahen ang Samaria sa pamamagitan ng mga ibinayad sa mga babaeng bayaran sa templo, kaya kukunin ng kanyang mga kalaban ang mga pilak at ginto na binalot sa mga imahen para gamitin din ng kanyang mga kalaban na pambayad sa mga babaeng bayaran sa kanilang templo.”
8 Sinabi pa ni Micas: Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at magdadalamhati. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad para ipakita ang aking kalungkutan. Iiyak ako nang malakas na parang asong-gubat[t] at tulad ng paghuni ng kuwago. 9 Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari rin ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod[u] ng aking mga kababayan.
10 Mga taga-Juda, huwag ninyong ibalita sa ating mga kalaban na mga taga-Gat ang tungkol sa darating na kapahamakan sa atin. Huwag ninyong ipapakita na umiiyak kayo. Doon ninyo ipakita sa bayan ng Bet Leafra[v] ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng paggulong sa lupa.
11 Mga mamamayan ng Shafir, bibihagin kayo at dadalhing nakahubad, kaya mapapahiya kayo. Ang mga mamamayan ng Zaanan ay matatakot lumabas sa kanilang bayan para tulungan kayo. Ang mga taga-Bet Ezel ay hindi rin makakatulong sa inyo dahil sila rin ay umiiyak sa kapahamakang dumating sa kanila. 12 Ang totoo, ang mga taga-Marot ay matiyagang naghihintay sa pagtigil ng digmaan. Pero mabibigo sila dahil niloob ng Panginoon na makarating ang mga kalaban sa pintuan ng Jerusalem.
13 Mga mamamayan ng Lakish, isingkaw ninyo ang mga kabayo sa karwahe at tumakas kayo. Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa ng mga taga-Israel, at dahil sa inyoʼy nagkasala rin ang mga taga-Zion.
14 Kayong mga taga-Juda, magpaalam na kayo[w] sa bayan ng Moreshet Gat dahil sasakupin na rin iyan ng mga kalaban. Sasakupin din ang bayan[x] ng Aczib, kaya wala nang maaasahang tulong ang inyong mga hari mula sa bayang iyon.
15 Kayong mga mamamayan ng Maresha, padadalhan kayo ng Panginoon[y] ng kalaban na sasakop sa inyo.
Mga taga-Juda,[z] ang inyong mga pinuno ay magtatago sa kweba ng Adulam. 16 Kukunin sa inyo ang pinakamamahal ninyong mga anak[aa] at dadalhin sa ibang bayan, kaya magluluksa kayo para sa kanila at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng pagpapakalbo na parang ulo ng agila.[ab]
Parurusahan ng Panginoon ang Gumigipit sa mga Dukha
2 Nakakaawa kayong nagpupuyat sa pagpaplano ng masama. Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo ang inyong planong masama dahil may kakayahan kayong gawin iyon. 2 Inaagaw ninyo ang mga bukid at mga bahay na inyong nagugustuhan. Dinadaya ninyo ang mga tao para makuha ninyo ang kanilang bahay o lupaing minana. 3 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, “Makinig kayo! Pinaplano kong parusahan kayo at hindi kayo makakaligtas. Hindi na kayo makapagmamalaki dahil sa panahong iyon ay lilipulin kayo. 4 Sa araw na iyon, kukutyain kayo ng mga tao sa pamamagitan ng malungkot na kasabihan: ‘Lubusan na kaming nalipol! Kinuha ng Panginoon ang aming mga lupain at ibinigay sa mga traydor.’ ”
5 Kaya wala na kayong angkan na magmamana ng inyong bahagi sa oras na hatiin ng sambayanan ng Panginoon ang lupain na ibabalik sa kanila. 6 Ngayon, pinapangaralan pa ninyo kami. Sinasabi ninyo, “Huwag na ninyo kaming pangaralan tungkol sa kapahamakang iyon, dahil hinding-hindi kami mapapahiya. 7 Bakit, isinusumpa na ba ng Panginoon ang lahi ni Jacob? Ubos na ba ang kanyang pasensya? Gawain ba niya ang pumuksa?”
Ito ang sagot ng Panginoon, “Kung ginagawa lang sana ninyo ang mabuti, matatanggap ninyo ang aking mga pangako. 8 Pero nilulusob ninyo ang aking mahihirap na mamamayan na para bang mga kaaway. Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan mula sa digmaan ay ligtas na sila, pero iyon palaʼy aagawan ninyo sila ng kanilang balabal. 9 Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan sa mga tahanang minamahal nila. At inaagaw ninyo ang mga pagpapala na ibinigay ko sa kanilang mga anak, kaya mawawala na ito sa kanila magpakailanman. 10 Kaya ngayon, umalis na kayo rito sa Israel dahil ang lugar na ito ay hindi na makapagbibigay sa inyo ng kapahingahan, sapagkat dinungisan ninyo ito ng inyong mga kasalanan. Masisira ang lugar na ito at hindi na mapapakinabangan.[ac] 11 Ang gusto ninyong mangangaral ay iyong nangangaral nang walang kabuluhan, manlilinlang at sinungaling, at ganito ang sinasabi: ‘Sasagana kayo sa alak at iba pang mga inumin.’ ”
Ang Ipinangakong Kalayaan sa mga Taga-Israel at Taga-Juda
12 Sinabi ng Panginoon, “Kayong natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda,[ad] titipunin ko kayo gaya ng mga tupa sa kulungan o kawan ng mga hayop sa pastulan. Mapupuno ng mga tao ang inyong lupain. 13 Bubuksan ko ang pinto ng lungsod na bumihag sa inyo, at pangungunahan ko kayo sa inyong paglabas. Ako, ang Panginoon na inyong hari, ang mangunguna sa inyo.”
Sinaway ni Micas ang mga Pinuno at mga Propeta
3 Sinabi ni Micas:[ae] Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda![af] Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan? 2-3 Pero ayaw ninyo ang mabuti at gusto ninyo ang masama. Ginigipit ninyo ang aking mga kababayan, na parang binabalatan ninyo sila at inaalisan ng laman ang kanilang mga buto, pagkatapos ay tinatadtad ang mga buto at hinihiwa ang mga laman at saka niluluto at kinakain. 4 Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, pero hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.
5 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila: 6 “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita. 7 Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”
8 Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.
9 Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[ag] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Babalik ang mga Israelita sa Kanilang Bayan
6-7 Sinabi ng Panginoon, “Sa darating na mga araw, titipunin ko ang aking mga mamamayan na aking pinarusahan, na parang mga tupang pilay at nagsipangalat. Ang mga natira sa kanila ay gagawin kong makapangyarihang bansa. At mula sa araw na iyon ay maghahari ako sa kanila sa Bundok ng Zion magpakailanman. 8 Ang Zion, na katulad ng mataas na bantayang tore ng mga hayop,[ah] ay magiging makapangyarihang muli. Ang bayan na ito, na tinatawag ding Jerusalem ay mangungunang muli sa lahat ng bayan ng Israel katulad noon.
9-10 “Mga mamamayan ng Zion, bakit kayo dumaraing na parang babaeng manganganak na? Nandiyan pa naman ang inyong mga hari, at buhay pa ang kanyang mga tagapayo. Sige, mamilipit kayo sa sakit na parang babaeng manganganak na, dahil hindi magtatagal ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod at maninirahan kayo sa kaparangan, at pagkatapos ay dadalhin kayo sa Babilonia. Pero ililigtas ko kayo doon mula sa inyong mga kalaban. 11 Maraming bansa ang nagkaisa upang makipaglaban sa inyo. Sinasabi nila, ‘Hiyain[ai] natin ang Zion! At pagkatapos, panoorin natin ang nakakahiyang kalagayan nito.’ 12 Pero hindi alam ng mga bansang ito ang aking iniisip. Hindi nila nauunawaan ang aking plano na tinipon ko sila upang parusahan, na parang mga butil na tinipon para dalhin sa giikan.
13 “Mga mamamayan ng Zion, humanda kayo at lipulin ninyo nang lubusan ang inyong mga kaaway na parang gumigiik kayo ng trigo. Sapagkat gagawin ko kayong parang mga torong baka na may bakal na mga sungay at tansong mga kuko. Dudurugin ninyo ang maraming bansa na nagkaisa para labanan kayo. At ang mga kayamanang sinamsam nila sa pamamagitan ng pagmamalupit ay ihandog ninyo sa akin, ang Panginoon ng buong mundo.”
5 Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.
Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem
2 Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[aj] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”
3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[ak] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. 4 Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[al] ang kanyang kadakilaan. 5 Bibigyan niya ng mabuting kalagayan[am] ang kanyang mga mamamayan.
Kalayaan at Kapahamakan
Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno. 6 Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila[an] tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.
7 Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao. 8 Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya. 9 Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.
Lilipulin ng Panginoon ang mga Walang Kabuluhang Pinagkakatiwalaan ng mga Israelita
10 Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod. 12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam. 13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito. 14 Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”
Ang Paratang ng Panginoon Laban sa mga Israelita
6 Sinabi ni Micas: Pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon sa inyo:
“Sige na, ilahad ninyo ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol[ao] ang inyong sasabihin. 2 At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako. 4 Inilabas ko pa nga kayo sa Egipto kung saan inalipin kayo. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam para pangunahan kayo. 5 Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo. Pero pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin din ninyo kung paano ko kayo tinulungan nang maglakbay kayo mula sa Shitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito para malaman ninyo na iniligtas[ap] ko kayo.”
6 Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya[aq] bilang handog na sinusunog? 7 Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libu-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”
8 Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.
Parurusahan ng Panginoon ang mga Israelita
9 Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan:
“Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig. 10 Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman. 11 Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan. 12 Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo. 13 Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan. 14 Kakain kayo, pero hindi kayo mabubusog; patuloy kayong magugutom. Mag-iimpok kayo ng inyong mga ani, pero hindi ninyo ito mapapakinabangan, sapagkat ipapasamsam ko iyon sa inyong mga kaaway. 15 Magtatanim kayo, pero hindi kayo ang aani. Magpipisa kayo ng mga olibo pero hindi kayo ang makikinabang sa langis nito. Magpipisa rin kayo ng bunga ng inyong mga ubas, pero hindi rin kayo ang iinom ng katas nito. 16 Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”
Ang Kasamaan ng mga Israelita
7 Sinabi ni Micas: Kawawa ako! Para akong isang gutom na naghahanap ng mga natirang bunga[ar] ng ubas o igos pero walang makita ni isa man. 2 Ang ibig kong sabihin, wala na akong nakitang tao sa Israel na tapat sa Dios. Wala nang natirang taong matuwid. Ang bawat isa ay naghahanap ng pagkakataon para patayin ang kanyang kababayan, tulad ng taong naghahanda ng bitag sa hayop na kanyang huhulihin. 3 Bihasa silang gumawa ng kasamaan. Ang mga pinuno at mga hukom ay tumatanggap ng suhol. Sumusunod lamang sila sa gusto ng mga taong tanyag at makapangyarihan. Nagkakaisa sila upang baluktutin ang katarungan. 4 Ang pinakamabuti sa kanila ay parang dawag na walang silbi. Dumating na ang panahon ng pagpaparusa ng Dios sa mga taong ito, gaya ng kanyang babala sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta na parang mga guwardya sa tore. Dumating na ang panahon ng kanilang pagkalito.
5 Dahil sa laganap na ang kasamaan, huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa. 6 Sapagkat sa mga panahong ito, ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya.
7 Pero para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
Ililigtas ng Panginoon ang mga Israelita
8 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw. 9 Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan. 10 Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Dios?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.”
11 Sinabi ni Micas sa mga taga-Jerusalem: Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo. 12 Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates, at mula sa malalayong lugar.[as] 13 Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
Nanalangin ang mga Israelita na Kaawaan Sila ng Dios
14 Nanalangin ang mga Israelita, “Panginoon, bantayan nʼyo po kami na iyong mga mamamayan katulad ng pagbabantay ng pastol sa kanyang mga tupa. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, pero kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon. 15 Magpakita po kayo sa amin ng mga himala katulad ng inyong ginawa nang ilabas nʼyo kami sa Egipto. 16 Makikita ito ng mga bansa at mapapahiya sila sa kabila ng kanilang kapangyarihan. At hindi na sila makikinig o magsasabi ng mga panlalait sa amin. 17 Gagapang sila sa lupa na parang ahas dahil sa sobrang hiya. Lalabas sila sa kanilang lungga na nanginginig sa takot sa inyo, Panginoon naming Dios. 18 Wala na pong ibang Dios na tulad ninyo. Pinatawad nʼyo ang kasalanan ng mga natitirang mamamayan na pag-aari ninyo. Hindi kayo nananatiling galit magpakailanman dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami. 19 Muli nʼyo kaming kaawaan at alisin nʼyo po ang lahat naming mga kasalanan. Yurakan nʼyo ito at itapon sa kailaliman ng dagat. 20 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa amin na mga lahi ni Abraham at ni Jacob, gaya ng iyong ipinangako sa kanila noong unang panahon.”
1 Ang mensahe ng aklat na ito ay tungkol sa Nineve.[at] Itoʼy ipinahayag ng Panginoon kay Nahum na taga-Elkosh.
Ang Galit ng Panginoon sa Nineve
2 Ayaw ng Panginoong Dios na sumamba ang mga tao sa ibang mga dios.[au] Galit siya sa kanyang mga kaaway at pinaghihigantihan niya sila. 3 Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa. 4 Sa utos lamang niyaʼy natutuyo ang mga dagat at mga ilog. Nalalanta ang mga tanim sa Bashan, sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon. 5 Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya, pati na ang mga bundok at mga burol, at ang mga tao sa mundo ay nanginginig. 6 Sino ang makakatagal sa matinding galit ng Panginoon? Kapag siya ay nagalit, para siyang bumubuga ng apoy, at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.
7 Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya. 8 Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.[av] 9 Mga taga-Asiria, kung ano man ang masamang binabalak ninyo laban sa mga mamamayan ng Panginoon, wawakasan iyan ng Panginoon at hindi na mauulit pa. 10 Para kayong mga lasing na nakapulupot sa matinik na halaman. Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami. 11 Ang isa sa inyong mga pinuno ay nagbalak ng masama laban sa mga mamamayan ng Panginoon. Masama ang kanyang ipinapayo.
12 Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda: “Kahit na malakas at marami ang kalaban ninyong taga-Asiria, lilipulin ko sila hanggang sa mawala. Kahit na pinarusahan ko kayo, hindi ko na iyon uulitin pang muli. 13 Sapagkat palalayain ko na kayo ngayon mula sa kapangyarihan ng mga taga-Asiria.”
14 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Asiria: “Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko ang mga rebulto ninyong kahoy o metal sa templo ng inyong mga dios-diosan. Ihahanda ko na ang inyong mga libingan dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”
15 Mga taga-Juda, tingnan ninyo ang kabundukan! Dumarating na ang mensaherong maghahatid ng magandang balita ng kapayapaan sa inyong bayan. Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista, at tuparin ninyo ang inyong mga panata sa Panginoon. Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria ay hindi na sasalakay sa inyo, dahil lubusan na silang lilipulin.
Ang Pagkawasak ng Nineve
2 Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo ng inyong mga kalaban na magpapangalat sa inyo. Kaya guwardyahan ninyo ang pader ng inyong lungsod at bantayan ang mga daan. Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo at humanda kayo sa digmaan. 2 Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda[aw] na parang mga tanim na ubas[ax] na pinatay, ibabalik ng Panginoon ang kanilang kapangyarihan.
3 Pula ang kalasag at damit ng mga sundalo ng inyong kalaban. At sa oras ng kanilang pagsalakay kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.[ay] 4 Humahagibis ang kanilang mga karwahe sa mga lansangan, parooʼt parito na sumusugod sa mga plasa. Nagliliwanag ang mga ito na parang sulo, at kumikislap na parang kidlat. 5 Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader para maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. 6 Mabubuksan ang mga pintuan ng inyong lungsod sa bandang ilog at magigiba ang palasyo. 7 Naipahayag na, na bibihagin kayo[az] at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. 8 Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama pero wala ni isa mang bumalik.
9 Kayong mga sumasalakay sa Nineve, kunin ninyo ang mga pilak at ginto ng lungsod na ito dahil puno ito ng kayamanan. 10 Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. 11-12 Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang pwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima.[ba] Pero ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. 13 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal.[bb] Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”
Kahabag-habag ang Nineve
3 Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima. 2 Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang paghagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe. 3 Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabunton na mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo. 4 Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran na paulit-ulit na ibinenta ang katawan. Nang-aakit siya at nanggagayuma, kaya naeengganyo niya ang mga bansa na magpasakop sa kanya.
5 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, makinig kayo! Kalaban ko kayo! Kaya hihiyain ko kayo sa harap ng mga bansa at mga kaharian. Maihahalintulad kayo sa isang babaeng itinaas ang damit hanggang ulo at nakita ang kahubaran. 6-7 Kasusuklaman ko kayo tulad ng isang taong hinagisan ng basura, kaya ang lahat ng makakakita sa inyo ay mandidiri at iiwas sa inyo. Sasabihin nila, ‘Giba na ang Nineve. Walang iiyak o aaliw sa kanya.’ ”
8 Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog ng Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebes na nagsisilbing proteksyon nito. 9 Ang Etiopia[bc] at ang buong Egipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebes, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya. 10 Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tanyag na mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan. 11 Kayo rin na mga taga-Nineve, magiging pareho kayo sa lasing na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sasalakayin din kayo ng inyong mga kalaban at maghahanap kayo ng inyong matataguan na hindi kayo mahuhuli. 12 Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin. 13 Tingnan ninyo ang inyong mga kawal – para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.
14 Humanda na kayo sa pagdating ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito. 15 Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang.
Dumami kayo na parang balang! 16 Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Pero magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo. 17 Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Pero pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta. 18 Hari ng Asiria, mamamatay ang iyong mga pinuno. Mangangalat sa kabundukan ang iyong mga mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila. 19 Ang katulad moʼy taong nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®