Bible in 90 Days
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. 9 Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[a] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.
Ang Pangangaral ni Esteban
7 Nagtanong ang punong pari kay Esteban, “Totoo ba ang sinasabi ng mga taong ito?” 2 Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ako. Noong unang panahon, nagpakita ang makapangyarihang Dios sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran. 3 Sinabi ng Dios sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’[b] 4 Kaya umalis si Abraham sa bayan ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Dios sa lugar na ito na tinitirhan natin ngayon. 5 Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng Dios si Abraham ng kahit kapirasong lupa. Pero nangako ang Dios na ang lugar na ito ay ibibigay niya kay Abraham at sa kanyang mga lahi. Wala pang anak si Abraham nang ipinangako ito ng Dios. 6 Sinabi rin ng Dios sa kanya, ‘Ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. 7 Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at dito sila sasamba sa akin.’ 8 At bilang tanda ng kanyang pangako, nag-utos ang Dios kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito noong walong araw pa lang. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang 12 anak na siyang pinagmulan nating mga Judio.
9 “Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.
17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak. 22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.
23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.
30 “Pagkalipas ng 40 taon, may isang anghel na nagpakita kay Moises habang siyaʼy nasa ilang, malapit sa Bundok ng Sinai. Nakita ni Moises ang anghel sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, kaya nilapitan niya ito para tingnan. Nang papalapit na siya, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, 32 ‘Ako ang Dios ng iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nang marinig ito ni Moises, nanginig siya sa takot at hindi na nangahas pang tumingin. 33 Sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 34 Nakikita ko ang mga paghihirap na tinitiis ng aking mga mamamayan sa Egipto, at narinig ko rin ang kanilang mga pagtangis. Kaya bumaba ako upang iligtas sila. Ngayon humanda ka, dahil susuguin kita sa Egipto.’
35 “Ito ang Moises na itinakwil noon ng kanyang mga kapwa Israelita na nagsabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin?’ Pero siya ang sinugo ng Dios na maging pinuno at tagapagligtas ng mga Israelita sa tulong ng anghel na kanyang nakita roon sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 36 Si Moises ang nanguna sa mga Israelita palabas sa Egipto. Gumawa siya ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, sa Dagat na Pula, at sa disyerto na kanilang dinaanan sa loob ng 40 taon. 37 Ito rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Magtatalaga ang Dios sa inyo ng isang propeta na katulad ko na sa inyo rin manggagaling.’ 38 Nang naroon na ang ating mga ninuno sa disyerto, si Moises din ang namagitan sa mga tao at sa anghel na nakipag-usap sa kanya sa Bundok ng Sinai; at doon niya natanggap ang salita ng Dios na nagbibigay ng buhay para ibigay din sa atin.
39 “Pero nang hindi pa nakakabalik si Moises galing sa bundok, hindi tinupad ng ating mga ninuno ang ipinagawa sa kanila ni Moises. Itinakwil nila si Moises bilang kanilang pinuno, dahil gusto nilang bumalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na nagpalabas sa amin sa Egipto.’ 41 Pagkatapos, gumawa sila ng dios-diosang kaanyo ng guya.[c] Naghandog sila rito, at ipinagdiwang nila ang gawa ng sarili nilang mga kamay. 42 Sa ginawa nilang iyon, tinalikuran sila ng Dios at hinayaan na lang na sumamba sa mga bituin sa langit. Ganito ang isinulat ng mga propeta:
‘Kayong mga Israelita, naghandog kayo ng ibaʼt ibang uri ng handog sa loob ng 40 taon doon sa disyerto.
Ngunit hindi ako ang inyong pinaghandugan.
43 Dala-dala pa ninyo ang tolda ng inyong dios-diosan na si Molec,
at ang bituing imahen ng inyong dios-diosang si Refan.
Ginawa ninyo ang mga iyon upang sambahin.
Kaya itataboy ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’ ”
44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.
48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”
51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[d] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”
Ang Pagbato kay Esteban
54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.
8 1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.
Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya
Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban 3 ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.
Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria
4 Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. 5 Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. 6 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. 7 Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. 8 Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.
9 May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.
14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”
25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.
Si Felipe at ang Opisyal na Taga-Etiopia
26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) 27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) 28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe[e] at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. 31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa:
“Hindi siya nagreklamo.
Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan,
o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan.
33 Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama.
Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi,
dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.”
34 Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [37 Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] 38 Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus.[f] Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.
Nakakilala si Saulo sa Panginoon(A)
9 Patuloy pa rin ang pagbabanta ni Saulo sa buhay ng mga tagasunod ng Panginoon. Pinuntahan pa niya ang punong pari 2 at humingi ng mga sulat na ipapakita niya sa mga sambahan ng mga Judio sa Damascus bilang katibayan na binibigyan siya ng kapangyarihang hulihin at dalhin sa Jerusalem ang sinumang makikita niya roon na sumusunod sa pamamaraan ni Jesus,[g] lalaki man ito o babae.
3 Nang malapit na si Saulo sa lungsod ng Damascus, bigla siyang napalibutan ng nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 4 Natumba siya, at may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” 5 Sumagot si Saulo, “Sino po ba kayo?” Sinagot siya ng tinig, “Ako si Jesus na iyong inuusig. 6 Tumayo ka at pumunta sa lungsod, at doon ay may magsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” 7 Hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo. Nakatayo lang sila na natigilan. Nakarinig sila ng boses, pero wala silang nakita. 8 Tumayo si Saulo, pero pagmulat niyaʼy hindi na siya makakita. Kaya inakay na lang siya ng mga kasama niya hanggang sa Damascus. 9 Tatlong araw siyang hindi nakakita, at hindi siya kumain o uminom.
10 Doon sa Damascus ay may isang tagasunod ni Jesus na ang pangalan ay Ananias. Nagpakita sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain at sinabi, “Ananias!” Sumagot siya, “Panginoon, bakit po?” 11 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka sa daan na tinatawag na ‘Matuwid,’ at doon sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang taong taga-Tarsus na ang pangalan ay Saulo. Nananalangin siya ngayon, 12 at ipinakita ko sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain na pumasok ka sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay para muling makakita.” 13 Pero sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na malupit siya sa inyong mga pinabanal[h] sa Jerusalem. 14 Narito siya ngayon sa Damascus at binigyan siya ng kapangyarihan ng mga namamahalang pari na hulihin ang lahat ng kumikilala sa iyo.”[i] 15 Pero sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Lumakad ka, dahil pinili ko siyang maglingkod sa akin, para ipakilala niya ako sa mga hindi Judio at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita. 16 At ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang danasin para sa akin.”
17 Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa bahay na tinutuluyan nito, at pagpasok niya roon ay ipinatong niya ang kanyang kamay kay Saulo. At sinabi niya, “Saulo, kapatid ko sa Panginoon, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus. Siya ang nagpakita sa iyo sa daan nang papunta ka rito. Inutusan niya ako rito para muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Pagkatapos, tumayo siya at nagpabautismo. 19 Kumain siya at muling lumakas.
Nangaral si Saulo sa Damascus
Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damascus kasama ng mga tagasunod ni Jesus. 20 Pumunta siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niyang si Jesus ang Anak ng Dios. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang taong umuusig sa mga tagasunod ni Jesus doon sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin ang mga kumikilala kay Jesus at dalhin sa mga namamahalang pari?”
22 Lalong humusay ang kakayahan ni Saulo sa pangangaral. At hindi makasagot sa kanya ang mga Judio sa Damascus nang patunayan niyang si Jesus ang Cristo.
23 Pagkalipas ng ilang araw, nagtipon ang mga Judio at nagplanong patayin si Saulo. 24 Araw-gabi nilang inaabangan si Saulo sa mga pintuan ng lungsod upang patayin. Pero may nakapagsabi kay Saulo tungkol sa plano nila. 25 Kaya isang gabi, isinakay siya ng mga tagasunod niya sa malaking kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga tagasunod ni Jesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus. 27 Pero isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan at kung ano ang sinabi nito sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Jesus doon sa Damascus. 28 Kaya mula noon, kasama na nila si Saulo, at buong tapang niyang ipinangaral ang tungkol sa Panginoon saan man sa Jerusalem. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagdebate sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, kaya nagalit sila at nagplanong patayin siya. 30 Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarsus.
31 Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.
Si Pedro sa Lyda at sa Jopa
32 Maraming lugar ang pinuntahan ni Pedro para dalawin ang mga pinabanal ng Dios. Pumunta rin siya sa Lyda. 33 Nakilala niya roon ang isang taong nagngangalang Eneas. Paralisado siya at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagagaling ka ni Jesu-Cristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas. 35 Nakita ng lahat ng naninirahan sa Lyda at sa Sharon na gumaling na si Eneas, at sumampalataya rin sila sa Panginoon.
36 Sa lungsod ng Jopa, may isang babaeng mananampalataya na ang pangalan ay Tabita. (Sa Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[j]) Marami siyang nagawang mabuti lalung-lalo na sa mga dukha. 37 Nagkataon noon na nagkasakit ang babaeng ito at namatay. Nilinis nila ang kanyang bangkay at ibinurol sa isang kwarto sa itaas. 38 Ang Jopa ay malapit lang sa Lyda. Kaya nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Jesus na si Pedro ay naroon sa Lyda, inutusan nila ang dalawang tao na pakiusapan si Pedro na pumunta agad sa Jopa. 39 Pagdating ng dalawa roon kay Pedro, agad namang sumama si Pedro sa kanila. Pagdating nila sa Jopa, dinala siya sa kwarto na pinagbuburulan ng patay. May mga biyuda roon na umiiyak. Ipinakita nila kay Pedro ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro sa kwarto. Lumuhod siya at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita, at pagkakita niya kay Pedro, naupo siya. 41 Hinawakan siya ni Pedro sa kamay at tinulungang tumayo. Pagkatapos, tinawag ni Pedro ang mga biyuda at ang iba pang mga mananampalataya roon, at ipinakita sa kanila si Tabita na buhay na. 42 Ang pangyayaring ito ay napabalita sa buong Jopa, at marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus. 43 Nanatili pa si Pedro ng mga ilang araw sa Jopa sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat.
Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro
10 Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. 2 Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. 3 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” 4 Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. 5 Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6 Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat.[k] Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” 7 Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. 8 Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.
9 Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[l] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.
17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. 24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”
30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”
Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius
34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio
44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.
Ipinaliwanag ni Pedro ang Kanyang Ginawa
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na ang mga hindi Judio ay tumanggap din ng salita ng Dios. 2 Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, sinalungat siya ng mga kapatid na Judio na naniniwalang ang mga hindi Judio ay kinakailangang magpatuli muna bago maging kaanib nila. 3 Sinabi nila kay Pedro, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka nakituloy at nakikain sa bahay ng mga hindi Judio na hindi tuli?” 4 Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa simula.
5 Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad. 7 At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’ 8 Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’ 9 Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’ 10 Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot. 11 Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. 12 Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. 13 Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’ 15 At nang magsalita na ako, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. 16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ 17 Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Dios sa ating mga Judio, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo ay ibinigay din niya sa mga hindi Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” 18 Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”
Ang Iglesya ng Antioc sa Syria
19 Simula nang mamatay si Esteban, nangalat ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig sa kanila. Ang iba ay nakarating sa Fenicia, Cyprus, at Antioc. Ipinapahayag nila ang Magandang Balita kahit saan sila pumunta, pero sa mga Judio lamang. 20 Pero ang ibang mananampalataya na taga-Cyprus at taga-Cyrene ay pumunta sa Antioc at nagpahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus maging sa mga hindi Judio. 21 Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanila at marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng iglesya sa Jerusalem, kaya pinapunta nila si Bernabe sa Antioc. 23 Pagdating niya roon, natuwa siya dahil nakita niya ang mga kabutihang ginawa ng Dios sa mga tao roon. At pinayuhan niya sila na maging matapat at matatag sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. 24 Mabuting tao si Bernabe. Pinapatnubayan siya ng Banal na Espiritu, at matibay ang kanyang pananampalataya sa Dios. Kaya marami sa Antioc ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Pagkatapos, pumunta si Bernabe sa Tarsus para hanapin si Saulo. 26 Nang makita niya si Saulo, isinama niya ito pabalik sa Antioc. At isang taon silang nakasama ng iglesya roon, at maraming tao ang kanilang tinuruan. Sa Antioc unang tinawag na mga Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
27 Nang panahong iyon, may mga propeta sa Jerusalem na pumunta sa Antioc. 28 Ang pangalan ng isa sa kanila ay si Agabus. Tumayo siya at nagpahayag sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na may darating na matinding taggutom sa buong mundo. (Nangyari ito sa panahon ni Claudius na Emperador ng Roma.) 29 Kaya nagpasya ang mga tagasunod ni Jesus sa Antioc na ang bawat isa sa kanila ay magpapadala ng tulong sa mga kapatid sa Judea ayon sa kanilang makakaya. 30 Ipinadala nila ito sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo para ibigay sa mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem.
Inusig ni Haring Herodes ang mga Mananampalataya
12 Nang panahong iyon, nagsimula si Haring Herodes[m] sa pag-uusig sa ilang miyembro ng iglesya. 2 Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada. 3 Nang makita niyang natuwa ang mga Judio dahil sa kanyang ginawa, ipinahuli rin niya si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 4 Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na ang bawat grupo ay may apat na sundalo. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 5 Habang nasa bilangguan si Pedro, patuloy ang taimtim na pananalangin ng iglesya para sa kanya.
Ang Himalang Pagkalabas ni Pedro sa Bilangguan
6 Noong gabing bago iharap si Pedro sa paglilitis, natutulog siyang nakagapos ng dalawang kadena sa pagitan ng dalawang sundalo. Mayroon pang mga guwardyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. 7 Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay. 8 Sinabi ng anghel, “Magdamit ka at magsandalyas.” At ginawa nga iyon ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.” 9 At sumunod nga siya sa anghel palabas sa bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. 10 Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas. At lumabas sila agad. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel. 11 Saka lang niya nalaman na hindi pala ito panaginip lang. Sinabi niya, “Totoo pala talaga na ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”
12 Nang maunawaan niya ang nangyari,[n] pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nabosesan niyang si Pedro iyon at sa sobrang tuwa, sa halip na buksan ang pinto, tumakbo siyang papasok para ipaalam sa mga kasamahan niya na si Pedro ay nasa labas. 15 Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Pero ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.” 16 Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro. Kaya binuksan nila ang pinto. At nang makita nilang si Pedro nga iyon, hindi sila makapaniwala. 17 Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatid. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.
18 Kinaumagahan, nagkagulo ang mga guwardya, dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Nag-utos si Herodes na hanapin siya, pero hindi talaga nila makita. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at doon nanatili.
Ang Pagkamatay ni Haring Herodes
20 Galit na galit si Haring Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa hari, kinaibigan muna nila si Blastus para tulungan sila, dahil siya ang katiwala ng hari sa palasyo. 21 Nang dumating ang araw na makikipagkita na si Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon, isinuot niya ang damit panghari at umupo siya sa kanyang trono at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga tao, “Isang dios ang nagsasalita at hindi tao!” 23 Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya binigyan ng papuri ang Dios. Inuod siya at namatay.
24 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios at lalo pang dumami ang mga mananampalataya.
25 Samantala, bumalik sina Bernabe at Saulo sa Antioc galing sa Jerusalem[o] matapos nilang maihatid ang tulong sa mga kapatid. Isinama rin nila si Juan Marcos.
Ipinadala sina Bernabe at Saulo ng Banal na Espiritu
13 Doon sa Antioc ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucius na taga-Cyrene, Manaen na kababata[p] ni Gobernador Herodes, at si Saulo. 2 Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, dahil may ipapagawa ako sa kanila.” 3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, pinatungan nila sina Bernabe at Saulo ng kanilang mga kamay at pinaalis na sila.
Ang Unang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
4 Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus. 5 Pagdating nila roon sa bayan ng Salamis, nangaral sila ng salita ng Dios sa mga sambahan ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan Marcos at tumutulong siya sa kanilang gawain. 6 Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakita sila roon na isang Judiong salamangkero na nagkukunwaring propeta ng Dios. Ang pangalan niya ay Bar Jesus. 7 Kaibigan siya ni Sergius Paulus, ang matalinong gobernador ng islang iyon. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo dahil gusto niyang makinig ng salita ng Dios. 8 Pero hinadlangan sila ng salamangkerong si Elimas. (Ito ang pangalan ni Bar Jesus sa wikang Griego.) Ginawa niya ang lahat ng paraan para huwag sumampalataya ang gobernador kay Jesus. 9 Pero si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi, 10 “Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Lagi mo na lang binabaligtad ang mga tamang pamamaraan ng Panginoon. 11 Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.” Dumilim kaagad ang paningin ni Elimas at nabulag siya. Pakapa-kapa siyang nanghagilap ng taong aakay sa kanya. 12 Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.
Nangaral si Pablo sa Antioc ng Pisidia
13 Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem. 14 Sina Pablo ay tumuloy sa Antioc na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at naupo roon. 15 May nagbasa mula sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sambahan na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin! 17 Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto. 18 Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto. 19 Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno. 20 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.
“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel. 21 Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon. 22 Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”
23 Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel. 24 Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. 25 At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’[q]
26 “Mga kapatid, na mula sa lahi ni Abraham at mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios, tayo ang pinadalhan ng Dios ng Magandang Balita tungkol sa kaligtasan. 27 Pero ang mga Judiong nakatira sa Jerusalem at ang kanilang mga pinuno ay hindi kumilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Hindi rin nila nauunawaan ang sinasabi ng mga propeta na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Pero sila na rin ang tumupad sa mga ipinahayag ng mga propeta nang hatulan nila si Jesus ng kamatayan. 28 Kahit wala silang matibay na ebidensya para patayin siya, hiniling pa rin nila kay Pilato na ipapatay si Jesus. 29 Nang magawa na nila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan na mangyari kay Jesus, kinuha nila siya sa krus at inilibing. 30 Pero muli siyang binuhay ng Dios. 31 At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumama sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Jesus. 32 At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno, 33 na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,
‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’[r]
34 Ipinangako na noon pa ng Dios na bubuhayin niya si Jesus, at ang kanyang katawan ay hindi mabubulok, dahil sinabi niya,
‘Ang mga ipinangako ko kay David ay tutuparin ko sa iyo.’[s]
35 At sinabi pa sa isa pang Salmo,
‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan ng iyong tapat na lingkod.’[t]
36 Hindi si David ang tinutukoy dito, dahil nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok. 37 Ngunit si Jesus na muling binuhay ng Dios ay hindi nabulok. 38-39 Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang sinumang sumasampalataya kay Jesus ay itinuturing ng Dios na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,
41 ‘Kayong mga nangungutya, mamamangha kayo sa aking gagawin.
Mamamatay kayo dahil mayroon akong gagawin sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan kahit na may magsabi pa sa inyo.’ ”[u]
42 Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Judio ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Dios.
Bumaling si Pablo sa mga Hindi Judio
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon. 45 Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda. 46 Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita. 47 Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:
‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”
48 Nang marinig iyon ng mga hindi Judio, natuwa sila at kanilang sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya.
49 Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon. 50 Pero sinulsulan ng mga pinuno ng mga Judio ang mga namumuno sa lungsod, pati na rin ang mga relihiyoso at mga kilalang babae, na kalabanin sina Pablo. Kaya inusig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lugar na iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala laban sa kanila. At tumuloy sila sa Iconium. 52 Ang mga tagasunod ni Jesus doon sa Antioc ay puspos ng Banal na Espiritu at masayang-masaya.
Sina Pablo at Bernabe sa Iconium
14 Ang nangyari sa Iconium ay katulad din ng nangyari sa Antioc. Pumunta sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio. At dahil sa kanilang pangangaral, maraming Judio at hindi Judio ang sumampalataya kay Jesus. 2 Pero mayroon ding mga Judio na hindi sumampalataya. Siniraan nila ang mga mananampalataya sa mga hindi Judio, at sinulsulan pa nilang kalabanin sila. 3 Nagtagal sina Pablo at Bernabe sa Iconium. Hindi sila natakot magsalita tungkol sa Panginoon. Ipinakita ng Panginoon na totoo ang kanilang itinuturo tungkol sa kanyang biyaya, dahil binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay. 4 Kaya nahati ang mga tao sa lungsod na iyon; ang ibaʼy kumampi sa mga Judiong hindi mananampalataya, at ang iba namaʼy sa mga apostol.
5 Nagplano ang ilang mga Judio at mga hindi Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Nang malaman ng mga apostol ang planong iyon, agad silang umalis papuntang Lystra at Derbe, mga lungsod ng Lycaonia, at sa mga lugar sa palibot nito. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
Sina Pablo at Bernabe sa Lystra
8 May isang lalaki sa Lystra na lumpo mula nang ipinanganak. 9 Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. 10 Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad. 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Lycaonia, “Bumaba ang mga dios dito sa atin sa anyo ng tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. 13 Ang templo ng kanilang dios na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. 14 Nang malaman iyon nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit[v] at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, 15 “Mga kaibigan, bakit maghahandog kayo sa amin? Kami ay mga tao lang na katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita para talikuran na ninyo ang mga walang kwentang dios na iyan at lumapit sa Dios na buhay. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. 16 Noon, hinayaan na lang ng Dios ang mga tao na sumunod sa gusto nila. 17 Ngunit hindi nagkulang ang Dios sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo para matuwa kayo.” 18 Pero kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.
27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[w] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May mga taong galing sa Judea na pumunta sa Antioc at nagturo sa mga kapatid doon na silang mga hindi Judio ay hindi maliligtas kung hindi sila magpapatuli ayon sa kaugaliang itinuro ni Moises. 2 Hindi ito sinang-ayunan nina Pablo at Bernabe, at naging mainit ang pagtatalo nila tungkol dito. Kaya nagkaisa ang mga mananampalataya roon na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pang mga mananampalataya sa Antioc, para makipagkita sa mga apostol at sa mga namumuno sa iglesya tungkol sa bagay na ito.
3 Kaya pinapunta ng iglesya sina Pablo. At nang dumaan sila sa Fenicia at sa Samaria, ibinalita nila sa mga kapatid na may mga hindi Judio na sumampalataya kay Cristo. Nang marinig nila ito, tuwang-tuwa sila. 4 Pagdating nina Pablo sa Jerusalem tinanggap sila ng iglesya, ng mga apostol, at ng mga namumuno sa iglesya. Ibinalita nila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. 5 Pero tumayo ang ilang mananampalatayang miyembro ng grupo ng mga Pariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga hindi Judio at utusang sumunod sa Kautusan ni Moises.”
6 Kaya nagpulong ang mga apostol at ang mga namumuno sa iglesya para pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, alam ninyo na pinili ako ng Dios noong una mula sa inyo para ituro ang Magandang Balita sa mga hindi Judio, nang sa gayoʼy makarinig din sila at sumampalataya. 8 Alam ng Dios ang nilalaman ng puso ng bawat tao. At ipinakita niya na tinatanggap din niya ang mga hindi Judio, dahil binigyan din sila ng Banal na Espiritu katulad ng ginawa niya sa atin noon. 9 Sa paningin ng Dios, tayong mga Judio at silang mga hindi Judio ay pare-pareho lang. Dahil nilinis din niya ang kanilang puso nang sumampalataya sila. 10 Ngayon, bakit nʼyo sinusubukan ang Dios? Bakit nʼyo pinipilit ang mga hindi Judiong tagasunod ni Jesus na sumunod sa mga kautusan na kahit ang ating mga ninuno at tayo mismo ay hindi makasunod? 11 Naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ganito rin naman sa mga hindi Judio.”
12 Nang marinig nila iyon, tumahimik silang lahat. At pinakinggan nila ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nilang magsalita, sinabi ni Santiago, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Ikinuwento sa atin ni Simon Pedro ang unang pagtawag ng Dios sa mga hindi Judio para may mga tao ring mula sa kanila na maging kanya. 15 Itoʼy ayon din sa mga isinulat ng mga propeta noon, dahil sinasabi sa Kasulatan,
16 ‘Pagkatapos nito, babalik ako,
at itatayo kong muli ang kaharian ni David na bumagsak.
Ibabangon ko itong muli mula sa pagkaguho,
17 para hanapin ako ng ibang tao – ang lahat ng hindi Judio na aking tinawag na maging akin.
Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito,
18 at matagal ko na itong ipinahayag.’ ”
19 Sinabi pa ni Santiago, “Kaya kung sa akin lang, huwag na nating pahirapan ang mga hindi Judio na lumalapit sa Dios. 20 Sa halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan, dahil itoʼy itinuturing nating marumi. Iwasan nila ang sekswal na imoralidad. At huwag kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. 21 Ito ang mga utos ni Moises na dapat nilang sundin para hindi mandiri ang mga Judio sa kanila, dahil mula pa noon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na ng mga Judio sa kanilang sambahan tuwing Araw ng Pamamahinga. At itinuturo nila ito sa bawat bayan.”
Ang Sulat para sa mga Hindi Judio
22 Nagkasundo ang mga apostol, ang mga namumuno sa iglesya at ang lahat ng mga mananampalataya na pipili sila ng mga lalaki mula sa kanilang grupo na ipapadala sa Antioc, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang napili nilaʼy si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas. Ang mga taong ito ay iginagalang ng mga mananampalataya, 23 at sila ang magdadala ng sulat na ito:
“Mula sa mga apostol at mga namumuno sa iglesya.
“Mahal naming mga kapatid na hindi Judio riyan sa Antioc, Syria at Cilicia:
24 “Nabalitaan namin na may mga taong mula rito sa amin na pumunta riyan at nilito ang inyong kaisipan dahil sa kanilang itinuro. Hindi namin sila inutusan na pumunta riyan at magturo ng ganoon. 25 Kaya nang marinig namin ito, napagkaisahan naming pumili ng mga tao na ipapadala namin sa inyo para sabihin ang mga bagay na aming napagkasunduan. Kasama nila sina Bernabe at Pablo na minamahal nating mga kapatid. 26 Sina Bernabe at Pablo ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Sasabihin din nina Judas at Silas na aming ipinadala sa inyo ang tungkol sa mga nilalaman ng sulat na ito. 28 Nagkasundo kami ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu na huwag nang dagdagan pa ang mga dapat ninyong sundin maliban sa mga ito: 29 Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan; huwag kayong kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. At iwasan ninyo ang sekswal na imoralidad. Mabuting iwasan ninyo ang mga bagay na ito. Hanggang dito na lang.”
30 At umalis nga ang mga taong ipinadala nila. Pagdating nila sa Antioc, tinipon nila ang lahat ng mga mananampalataya at ibinigay nila agad ang sulat. 31 Tuwang-tuwa sila nang mabasa ang nilalaman ng sulat na nakapagpasigla sa kanila. 32 Sina Judas at Silas ay mga propeta rin, at marami ang kanilang itinuro sa mga kapatid para palakasin ang kanilang pananampalataya. 33 Pagkatapos ng ilang araw na pananatili roon, bumalik sila sa Jerusalem, sa mga nagpadala sa kanila. Pero bago sila umalis, ipinanalangin muna sila ng mga kapatid na maging maayos ang kanilang paglalakbay. [34 Pero nagpasya si Silas na magpaiwan doon.] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe ng ilang araw sa Antioc. Marami silang kasamang nagtuturo at nangangaral ng salita ng Panginoon.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Bumalik tayo sa lahat ng bayan na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at dalawin natin ang ating mga kapatid para malaman natin ang kalagayan nila.” 37 Sumang-ayon si Bernabe pero gusto niyang isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Pero ayaw pumayag ni Pablo, dahil noong una nakasama nila si Marcos pero iniwan sila nito noong nasa Pamfilia sila. 39 Matindi ang kanilang pagtatalo, kaya naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at pumunta sila sa Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas. Bago sila umalis, ipinanalangin sila ng mga kapatid na tulungan sila ng Panginoon sa kanilang paglalakbay. 41 Pumunta sina Pablo sa Syria at sa Cilicia at pinatatag nila ang mga iglesya roon.
Ang Pangalawang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
16 Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Lystra. May tagasunod ni Jesus doon sa Lystra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Judio at mananampalataya rin, pero ang kanyang ama ay Griego. 2 Ayon sa mga kapatid doon sa Lystra at sa Iconium, si Timoteo ay mabuting tao. 3 Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Judio laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Judio na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griego ang ama nito. 4 Pagkatapos, pinuntahan nila ang mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga namumuno sa iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito. 5 Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga mananampalataya.
Ang Pangitain ni Pablo tungkol sa Lalaking Taga-Macedonia
6 Pumunta sina Pablo sa mga lugar na sakop ng Frigia at Galacia, dahil hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita ng Dios sa lalawigan ng Asia. 7 Pagdating nila sa hangganan ng Mysia, gusto sana nilang pumunta sa Bitinia, pero hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya dumaan na lang sila sa Mysia at pumunta sa Troas. 9 Nang gabing iyon, ipinakita ng Dios kay Pablo ang isang pangitain. Nakita niya ang isang taga-Macedonia na nakatayo at nagmamakaawa sa kanya. Sinabi ng tao, “Tumawid ka rito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Pagkatapos makita ni Pablo ang pangitaing iyon, gumayak agad kami papunta sa Macedonia, dahil naramdaman naming pinapapunta kami roon ng Dios para mangaral ng Magandang Balita sa mga taga-roon.
Naniwala si Lydia kay Jesus
11 Bumiyahe kami mula Troas papuntang Samotrace, at kinabukasan ay dumating kami sa Neapolis. 12 Mula Neapolis, pumunta kami sa Filipos, ang pangunahing lungsod ng Macedonia. Maraming nakatira roon na taga-Roma. Tumigil kami roon ng ilang araw. 13 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Judio para manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila. 14 Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tyatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay ube, at sumasamba siya sa Dios. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso para tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya.[x] Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kaming tumuloy sa bahay nila.
Sina Pablo at Silas sa Bilangguan
16 Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Palagi kaming sinusundan ng babaeng ito at ganito ang kanyang isinisigaw, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Dios! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”
18 Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa nainis na si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung nasa kanya, “Sa pangalan ni Jesu-Cristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad namang lumabas ang masamang espiritu. 19 Nang makita ng kanyang mga amo na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa para iharap sa mga opisyal ng lungsod. 20 Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Judio at nanggugulo sa ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin pwedeng sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakiisa ang mga tao sa pag-uusig[y] kina Pablo. Pinahubaran sila ng mga opisyal at ipinahagupit. 23 At nang mahagupit na sila nang husto, ikinulong sila. At inutusan ang guwardya na bantayan silang mabuti. 24 Kaya ipinasok sila ng guwardya sa kaloob-looban ng selda at itinali ang kanilang mga paa.
25 Nang maghahatinggabi na, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng mga papuri sa Dios. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang guwardya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana. 28 Pero sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” 29 Nagpakuha ng ilaw ang guwardya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” 31 Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.” 32 At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Dios sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. 33 Nang gabing iyon, hinugasan ng guwardya ang kanilang mga sugat at nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. 34 Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Natuwa ang guwardya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumasampalataya na sa Dios.
35 Kinaumagahan, nag-utos ang mga opisyal sa mga pulis na palayain na sina Pablo. 36 At itoʼy ibinalita ng guwardya kay Pablo. Sinabi niya, “Nagpautos ang mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.” 37 Pero sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Nilabag ng mga opisyal ang kautusan ng Roma dahil ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®