Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Tesalonica 1 - Filemon

Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.

Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyong lahat, at lagi namin kayong binabanggit sa mga panalangin namin. Nagpapasalamat kami kapag inaalaala namin ang mabubuti ninyong gawa na bunga ng inyong pananampalataya. Inaalaala rin namin ang pagsisikap na bunga ng pag-ibig ninyo, at ang katatagan na bunga ng matibay ninyong pag-asa sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ginagawa nʼyo ang lahat ng ito sa paningin ng Dios na ating Ama. Mga kapatid na minamahal ng Dios, nagpapasalamat din kami dahil alam naming pinili niya kayo para sa kanya, dahil tinanggap nʼyo ang Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo. Dumating ito sa inyo hindi lang sa salita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at may katiyakan na totoo ang ipinangaral namin sa inyo. Alam ninyo kung paano kami namuhay noong nasa inyo kami – ginawa namin ito para sa kabutihan ninyo. Tinularan nʼyo ang pamumuhay namin at ng Panginoon, dahil tinanggap nʼyo ang salita ng Dios kahit dumanas kayo ng hirap. Ganoon pa man, tinanggap nʼyo ito nang may kagalakan na galing sa Banal na Espiritu. Dahil dito, naging halimbawa kayo sa lahat ng mga mananampalatayang nasa Macedonia at Acaya. Sapagkat mula sa inyo, lumaganap ang mensahe ng Panginoon. Hindi lang sa Macedonia at Acaya nabalitaan ang pananampalataya nʼyo sa Dios, kundi sa lahat ng lugar. Kaya hindi na namin kailangang banggitin pa sa mga tao ang tungkol sa pananampalataya ninyo. Sapagkat sila mismo ang nagbabalita kung paano nʼyo kami tinanggap, at kung paano nʼyo tinalikuran ang pagsamba sa mga dios-diosan para maglingkod sa tunay at buhay na Dios. 10 At sila na rin ang nagsasabi tungkol sa paghihintay nʼyo sa pagbabalik ng Anak ng Dios mula sa langit, na walang iba kundi si Jesus na muli niyang binuhay. Siya ang magliligtas sa atin sa darating na kaparusahan.

Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nasayang ang pagpunta namin diyan sa inyo. Alam nʼyo ang mga paghihirap at pag-aalipusta na dinanas namin sa Filipos bago pa man kami dumating diyan sa inyo. Pero sa kabila nito, binigyan kami ng Dios ng lakas ng loob na ipangaral ang Magandang Balita sa inyo, kahit na maraming hadlang. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, masamang hangarin o sa balak na manlinlang. Sa halip, nangangaral kami bilang mga karapat-dapat na katiwala ng Dios ng kanyang Magandang Balita. Ginagawa namin ito hindi para kalugdan kami ng mga tao kundi ng Dios na siyang sumisiyasat sa mga puso namin. Alam nʼyo rin na hindi namin kayo dinaan sa matatamis na pananalita sa pangangaral namin at hindi rin kami nangaral para samantalahin kayo. Ang Dios mismo ang saksi namin. Hindi namin hinangad ang papuri ninyo o ng sinuman, kahit may karapatan kaming tumanggap nito bilang mga apostol ni Cristo. Sa halip, naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya. At dahil mahal namin kayo, hindi lang ang Magandang Balita ang malugod naming ibinigay sa inyo kundi pati na rin ang buhay namin, dahil napamahal na kayo sa amin. Tiyak na natatandaan nʼyo pa, mga kapatid, ang pagsisikap namin noong nasa inyo pa kami. Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios, araw-gabi kaming nagtatrabaho para hindi kami maging pabigat sa inyo. 10 Saksi namin kayo at ang Dios na ang pakikitungo namin sa inyong mga mananampalataya ay tapat, matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo. 12 Pinalakas namin ang loob nʼyo, pinayuhan at hinikayat na mamuhay nang karapat-dapat sa Dios na humirang sa inyo para sa kanyang kaharian at kadakilaan.

13 Lagi rin kaming nagpapasalamat sa Dios dahil nang tanggapin nʼyo ang pangangaral namin, tinanggap nʼyo ito hindi bilang salita ng tao, kundi bilang salita ng Dios na kumikilos sa buhay ninyong mga sumasampalataya. 14 Mga kapatid, ang mga nangyayari sa inyo ay tulad din ng nangyayari sa mga iglesya ng Dios sa Judea na nakay Cristo Jesus. Kung anong paghihirap ang dinaranas nʼyo sa kamay ng mga kababayan nʼyo, ito rin ang paghihirap na dinaranas nila sa kamay ng kapwa nila Judio. 15 Silang mga Judio ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta noon. Sila rin ang mga taong umuusig sa amin. Hindi nalulugod ang Dios sa ginagawa nila, at maging ang lahat ng taoʼy kinakalaban nila. 16 Hinahadlangan nila ang pangangaral namin ng salita ng Dios sa mga hindi Judio na siyang ikaliligtas ng mga ito. Dahil dito, umabot na sa sukdulan ang mga kasalanan nila at hahatulan na sila ng Dios.

Ang Hangarin ni Pablo na Makadalaw Muli sa Tesalonica

17 Mga kapatid, nananabik na kaming makita kayong muli, kahit sandali pa lang kaming nawalay sa inyo. Nawalay nga kami sa katawan, pero hindi sa isipan. 18 Gusto naming bumalik diyan sa inyo, lalung-lalo na ako, si Pablo. Maraming beses naming binalak na dalawin kayo pero hinadlangan kami ni Satanas. 19 Gusto naming bumalik, dahil walang ibang nagbibigay sa amin ng pag-asa at kagalakan kundi kayo. Hindi baʼt kayo rin ang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesu-Cristo sa pagbabalik niya? 20 Tunay nga na kayo ang karangalan at kagalakan namin.

Nang hindi na kami makatiis dahil sa pananabik namin sa inyo, nagpasya kaming magpaiwan na lang sa Athens at isugo sa inyo si Timoteo. Kapatid natin siya at kasama naming naglilingkod sa Dios sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Pinapunta namin siya para patibayin at palakasin ang pananampalataya ninyo, para walang panghinaan ng loob sa inyo dahil sa mga nararanasan ninyong pag-uusig Alam naman ninyong kailangan nating pagdaanan ang mga pag-uusig. Noong nariyan pa kami sa inyo, lagi namin kayong pinapaalalahanan na makakaranas tayo ng mga pag-uusig. At gaya ng alam nʼyo, ito na nga ang nangyari. Kaya nang hindi na ako makatiis, pinapunta ko riyan si Timoteo para makabalita tungkol sa kalagayan ng pananampalataya nʼyo sa Panginoon; dahil nag-aalala ako na baka nanaig na sa inyo si Satanas at nasayang lang ang pagod namin sa pangangaral sa inyo.

Ngayon, nakabalik na sa amin si Timoteo galing sa inyo. Dala niya ang magandang balita tungkol sa pananampalataya at pag-ibig nʼyo, ang magagandang alaala ninyo tungkol sa amin, at ang pananabik ninyong makita kami gaya ng pananabik namin sa inyo. Dahil dito, mga kapatid, sumigla kami sa kabila ng mga paghihirap at problema namin. Nabuhayan kami ng loob dahil nananatili kayong matatag sa Panginoon. Paano namin mapapasalamatan ang Dios sa lahat ng kagalakang dulot ninyo sa amin dahil sa inyong pananampalataya? 10 Araw-gabi, taimtim naming ipinapanalangin na makasama ulit kayo para maturuan kayo at mapunan namin ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Bigyan nawa kami ng Dios na ating Ama at ng Panginoong Jesus ng paraan para makapunta riyan sa inyo. 12 Palaguin nawa at pag-alabin din ng Panginoon ang pag-ibig nʼyo sa bawat isa at sa lahat ng tao, gaya ng pag-ibig namin sa inyo. 13 At dahil dito, magiging malakas ang loob nʼyo, at magiging banal at walang kapintasan ang inyong buhay sa harapan ng ating Dios Ama sa araw ng pagbabalik ng ating Panginoong Jesus, kasama ang mga pinili niya.

Ang Buhay na Kaaya-aya sa Dios

Mga kapatid, natutunan nʼyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa ninyo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo nʼyo pa sana itong pag-ibayuhin. Sapagkat alam naman ninyo ang mga utos ng Panginoong Jesus na ibinigay namin sa inyo: Nais ng Dios na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa asawa niya[b] sa banal at marangal na pamamaraan, at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Dios, upang sa ganoon, hindi kayo makagagawa ng masama o mananamantala ng kapwa, dahil parurusahan ng Dios ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng sinabi at pinaalala namin sa inyo noon pa. Tinawag tayo ng Dios para mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa tao sumusuway kundi sa Dios na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Dios na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan. 10 At ito nga ang ginagawa nʼyo sa lahat ng kapatid sa Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo. 11 Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo. 12 Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.

Ang Pagbabalik ng Panginoon

13 Mga kapatid, gusto naming malaman nʼyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, para hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa. 14 Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus, at isasama niya kay Jesus.

15 Sinasabi namin sa inyo ang mismong turo ng Panginoon: Tayong mga buhay pa pagbalik ng Panginoon ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon, ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit kasabay ng malakas na utos. Maririnig ang pagtawag ng punong anghel at ang pagtunog ng trumpeta ng Dios. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ang unang bubuhayin; 17 pagkatapos, ang mga buhay pa sa atin sa araw na iyon ay kasama nilang dadalhin sa mga ulap para salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga, mga kapatid, pasiglahin ninyo ang isaʼt isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.

Maging Handa sa Pagbalik ng Panginoon

Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito, dahil alam na ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay katulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan nila katulad ng pagsumpong ng sakit na nararamdaman ng babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas. Ngunit kayo, mga kapatid ay hindi namumuhay sa kadiliman. Kaya hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon katulad ng pagkabigla ng isang tao sa pagdating ng magnanakaw. Dahil namumuhay na kayong lahat sa liwanag at hindi sa kadiliman. Kaya nga, huwag tayong maging pabaya katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[c] Pero dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin natin bilang panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at bilang helmet naman ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Dios. Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Dios para sa kaparusahan, kundi para sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin, para kahit buhay pa tayo o patay na sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Dahil dito, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.

Mga Pangwakas na Bilin at Pagbati

12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon para mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayo nang may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.

14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. 16 Lagi kayong magalak, 17 laging manalangin, 18 at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus.

19 Huwag ninyong hadlangan ang ginagawa ng Banal na Espiritu, 20 at huwag ninyong hamakin ang mga pahayag ng Dios. 21 Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat para malaman kung galing ito sa Dios o hindi. Panghawakan nʼyo ang mabuti, 22 at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.

23 Pakabanalin nawa kayong lubos ng Dios na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.

25 Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.

26 Magiliw ninyong batiin ang lahat ng mga kapatid diyan.[d]

27 Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatid.

28 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[e] diyan sa Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pagbabalik ni Cristo at ang Paghuhukom

Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo. Nararapat lang na gawin namin ito, dahil patuloy na lumalago ang pananampalataya nʼyo kay Cristo at pagmamahalan sa isaʼt isa. Kaya naman, ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Dios sa ibang lugar dahil sa katatagan at pananampalataya nʼyo, sa kabila ng lahat ng dinaranas ninyong paghihirap at pag-uusig.

Nagpapatunay ang mga ito na makatarungan ang hatol ng Dios, dahil ang dinaranas ninyong paghihirap para sa kaharian niya ay gagamitin niyang patotoo na karapat-dapat nga kayong mapabilang dito. Gagawin ng Dios ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. At kayong mga naghihirap ay bibigyan niya ng kapahingahan kasama namin. Mangyayari ito pagbalik ng Panginoong Jesus galing sa langit kasama ng makapangyarihan niyang mga anghel. Darating siyang napapalibutan ng nagliliyab na apoy, at parurusahan niya ang mga hindi kumikilala sa Dios at hindi sumusunod sa Magandang Balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Parurusahan sila ng walang hanggang paghihirap at pagkawalay sa Panginoon, at hindi na nila makikita pa ang dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng pagbabalik niya, at papapurihan at pararangalan siya ng mga pinabanal niya na walang iba kundi ang lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo rito, dahil sumampalataya kayo sa ipinahayag namin sa inyo.

11 Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya. At dalangin din namin na sa tulong ng kapangyarihan niya, magawa nʼyo ang lahat ng mabubuting bagay na gusto ninyong gawin dahil sa inyong pananampalataya. 12 Sa ganitong paraan, mapaparangalan nʼyo ang ating Panginoong Jesus at kayo naman ay mapaparangalan niya ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang mga Mangyayari Bago Bumalik ang Panginoon

Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon natin sa kanya, hinihiling namin, mga kapatid, na huwag kayong mag-alala o mabahala dahil sa mga taong nagsasabing bumalik na ang Panginoon. Huwag kayong maniwala kahit sabihin pa nilang sinabi ito ng Espiritu sa kanila, nabalitaan, o nabasa man sa isang sulat na galing daw sa amin. Huwag kayong magpadaya sa kanila sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw ng pagbabalik ng Panginoon hanggaʼt hindi pa nagsisimula ang huling paghihimagsik ng mga tao sa Dios, at hindi pa dumarating ang masamang tao na itinalaga sa walang hanggang kaparusahan. Kakalabanin niya ang lahat ng sinasamba at itinuturing na dios ng mga tao, at itataas ang sarili sa lahat ng mga ito. Uupo siya sa loob ng templo ng Dios at itatanghal ang sarili bilang Dios.

Hindi baʼt sinabi ko na ang mga bagay na ito nang kasama nʼyo pa ako riyan? Alam nʼyo kung ano ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ngunit sa takdang panahon, magpapakita siya. Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at mananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ihahayag siya kapag inalis na ang pumipigil. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo, papatayin niya ang masamang taong ito sa pamamagitan lang ng isang ihip niya.

Ihahayag ang taong masama na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, kababalaghan, at kamangha-manghang bagay. 10 Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang pahalagahan ang katotohanang makakapagligtas sana sa kanila. 11 Kaya pababayaan na lang sila ng Dios sa matinding pagkalinlang para maniwala sila sa kasinungalingan, 12 nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan.

Pinili Kayo para Hindi Mahatulan

13 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo na mga minamahal ng Panginoon. At nararapat lang kaming magpasalamat, dahil noong una pa man ay pinili na kayong maligtas ng Dios sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo para makabahagi kayo sa kadakilaan ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag at panghawakan nʼyo ang mga itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat. 16-17 Aliwin at palakasin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng Dios na ating Ama. Mahal tayo ng Dios at siya ang nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at kalakasan, at matibay na pag-asa dahil sa biyaya niya. At nawaʼy bigyan din niya kayo ng lakas ng loob na maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.

Ipanalangin Ninyo Kami

At ngayon, mga kapatid, ipanalangin nʼyo kami para lumaganap nang mabilis ang salita ng Panginoon at malugod na tanggapin sa iba pang mga lugar, katulad ng pagtanggap ninyo. Ipanalangin nʼyo rin na maligtas kami sa mga masasama at makasalanang tao; dahil hindi lahat ng taoʼy naniniwala sa itinuturo namin. Pero tapat ang Panginoon; bibigyan niya kayo ng lakas at iingatan laban sa diyablo. Dahil sa Panginoon, nagtitiwala kaming ginagawa nʼyo at patuloy na gagawin ang mga ibinilin namin. Gabayan nawa kayo ng Panginoon para makita sa inyo ang pag-ibig ng Dios at katatagan ni Cristo.

Tungkol sa Katamaran

Mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, iniuutos namin sa inyo na layuan nʼyo ang sinumang kapatid na tamad at hindi sumusunod sa mga ipinangaral namin sa inyo. Sapagkat alam naman ninyo na dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami. Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo nang hindi namin binayaran. Sa halip, nagtrabaho kami araw at gabi para hindi kami maging pabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi para bigyan kayo ng halimbawa para sundin ninyo. 10 Nang kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.

11 Binabanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo ay tamad, ayaw magtrabaho, at walang ginagawa kundi makialam sa buhay ng iba. 12 Kaya sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming inuutusan ang mga taong ito na maghanapbuhay at huwag makialam sa buhay ng iba.

13 At sa inyo naman, mga kapatid, huwag kayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 14 Kung mayroon mang ayaw sumunod sa mga sinabi namin sa sulat na ito, tandaan nʼyo kung sino siya at iwasan para mapahiya siya. 15 Ngunit huwag nʼyo siyang ituring na kaaway, kundi paalalahanan siya bilang kapatid.

Paalam at Bendisyon

16 Nawaʼy ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya ring magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon, maging anuman ang kalagayan ninyo. At patnubayan nawa kayong lahat ng Panginoon.

17 Akong si Pablo ang mismong sumusulat ng pagbating ito: Binabati ko kayong lahat. Ganito ang ginagamit kong paraan sa lahat ng sulat ko para malaman nʼyo na ako nga ang sumulat. 18 Pagpalain nawa kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Mahal kong Timoteo, tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala sa mga Maling Aral

Gaya ng ibinilin ko sa iyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para patigilin ang ilang tao riyan na nagtuturo ng maling doktrina. Pagsabihan mo rin sila na huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat at ang pagsasaliksik sa kung sinu-sino ang mga ninuno nila. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito. Hindi ito makakatulong para malaman nila ang kalooban ng Dios. Malalaman lang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng utos kong ito ay magmahalan sila. At magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensya, at kung tunay ang pananampalataya nila. May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kwentang pakikipagtalo. Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, pero hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, ni ang mga bagay na pilit nilang pinaniniwalaan.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao. 10 Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral 11 na naaayon sa Magandang Balita ng[f] dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.

Pasasalamat sa Awa ng Dios

12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya, 13 kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Dios, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko. 14 Sadyang napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng ating Panginoon, pati na ang pag-ibig at pananampalataya, na napasaatin dahil kay Cristo Jesus. 15 Ito ang katotohanang dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat: naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat. 16 Ngunit kinaawaan ako ng Dios para maipakita ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ko kung gaano siya katiyaga sa mga makasalanan. Magsisilbing halimbawa ang ginawa ni Cristo sa akin para sa iba na sasampalataya sa kanya na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan. 17 Purihin at dakilain magpakailanman ang Haring walang hanggan at walang kamatayan – ang di-nakikita at nag-iisang Dios. Amen.

18 Timoteo, anak ko, ibinibilin ko sa iyo na huwag mong kalimutan ang sinabi noon ng mga propeta tungkol sa iyo, para magawa mong makipaglaban nang mabuti sa mga sumasalungat sa katotohanan. 19 Ingatan mo ang pananampalataya mo at panatilihin mong malinis ang konsensya mo. May mga taong hindi nakinig sa konsensya nila, at dahil dito, sinira nila ang kanilang pananampalataya. 20 Kabilang na rito sina Hymeneus at Alexander na ipinaubaya ko na kay Satanas para maturuang huwag lumapastangan sa Dios.

Mga Bilin Tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Dios ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat. Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan para makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa na may kabanalan at tamang pag-uugali. Mabuti ito at nakalulugod sa Dios na ating Tagapagligtas. Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan. Sapagkat iisa lang ang Dios at iisa lang ang tagapamagitan sa Dios at sa mga tao. Itoʼy walang iba kundi ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang buhay niya bilang pantubos sa lahat ng tao. Ito ang nagpapatunay na nais ng Dios na maligtas ang lahat ng tao, at inihayag niya ito sa takdang panahon. At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga hindi Judio tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.

Gusto kong sa lahat ng pagtitipon-tipon[g] ay manalangin ang mga lalaki nang may malinis na kalooban, na sa pagtaas nila ng kamay sa pananalangin ay walang galit o pakikipagtalo. Gusto ko rin na maging maayos at marangal ang mga babae sa pananamit nila, at iwasan ang labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga alahas o mamahaling damit. 10 Sa halip, magpakita sila ng mabubuting gawa na nararapat sa mga babaeng sumasampalataya sa Dios. 11 At kung may nagtuturo, dapat tahimik na makinig ang mga babae at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki. Kailangang tumahimik lang sila. 13 Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at hindi si Adan ang nadaya, kundi si Eva ang nadaya at lumabag sa utos ng Dios. 15 Ganoon pa man, maliligtas ang mga babae sa pamamagitan ng panganganak nila, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at tamang pag-uugali.

Ang mga Namumuno sa Iglesya

Totoo ang kasabihan na ang nagnanais na mamuno sa iglesya ay nagnanais ng mabuting gawain. Kailangan na ang namumuno ay walang kapintasan,[h] iisa ang asawa, marunong magpigil sa sarili, marunong magpasya kung ano ang nararapat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at magaling magturo. Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera. Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya? Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ni Satanas. Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya para hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya:[i] kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi sakim. Kailangang iniingatan nila nang may malinis na konsensya ang ipinahayag na katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Cristo. 10 Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod. 11 Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, marunong magpigil sa sarili, at maaasahan sa lahat ng bagay. 12 Dapat iisa lang ang asawa ng mga tagapaglingkod at mahusay mamahala ng kanilang pamilya. 13 Ang mga naglilingkod nang mabuti ay iginagalang ng mga tao at hindi na natatakot magsalita tungkol sa pananampalataya nila kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Kahit na inaasahan kong makakapunta riyan sa iyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang tagubiling ito para 15 kung sakaling maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat ugaliin ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Dios. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buhay na Dios, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Tunay na napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:

    Nagpakita siya bilang tao,
    pinatotohanan ng Banal na Espiritu na siyaʼy matuwid,
    nakita siya ng mga anghel,
    ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan ng mundo,
    at dinala sa langit.

Mga Huwad at Sinungaling na Guro

Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya. 11 Ituro at ipatupad mo ang mga bagay na ito.

12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga namumuno sa iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo. 15 Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito para makita ng lahat ang paglago mo. 16 Maging maingat ka sa pamumuhay at pagtuturo mo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito para maligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.

Ang mga Responsibilidad ng mga Mananampalataya

Huwag mong pagsasabihan nang marahas ang matatandang lalaki, sa halip kausapin mo sila na parang iyong ama. Ituring mo ang mga kabataang lalaki na parang mga kapatid, at ang matatandang babae na parang iyong ina. Pakitunguhan mo nang may malinis na puso ang mga nakababatang babae na parang kapatid mo na rin.

Bigyan mo ng kaukulang pansin at tulong ang mga biyuda na wala nang ibang inaasahan. Ngunit kung may mga anak o apo ang isang biyuda, sila ang dapat kumalinga sa kanya bilang pagpapakita ng takot nila sa Dios at bilang pagtanaw ng utang na loob sa magulang nila. Sapagkat nakalulugod ito sa Dios. Ang biyudang nag-iisa na lang sa buhay ay umaasa na lang sa Dios. Araw-gabi siyang nananalangin at humihingi ng tulong sa Dios. Ngunit ang biyudang mahilig sa kalayawan ay patay na sa paningin ng Dios kahit na buhay pa siya. Ituro mo sa mga kapatid ang mga tuntuning ito upang walang masabing masama laban sa kanila. Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.

Ang isama mo lang sa listahan ng mga biyuda na tutulungan ay ang mga hindi bababa sa 60 taong gulang at naging tapat sa asawa niya,[j] 10 kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, bukas ang tahanan sa mga nakikituloy, naglilingkod[k] sa mga pinabanal[l] ng Dios, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.

11 Ngunit huwag mong isama sa listahan ang mga biyuda na bata pa; dahil kung dumating ang panahon na nais nilang mag-asawa ulit, mapapabayaan nila ang paglilingkod kay Cristo. 12 At dahil dito, magkakasala sila dahil magiging walang saysay ang pangako nila na maglingkod na lang kay Cristo. 13 Maliban dito, matututo silang maging tamad at mag-aksaya ng panahon sa pangangapit-bahay. Hindi lang sila magiging tamad kundi magiging tsismosa at pakialamera, at kung anu-ano ang mga sinasabi. 14 Kaya para sa akin, kung ganito lang ang mangyayari, mas mabuti pang muli na lang silang mag-asawa at magkaanak, at mag-asikaso sa sariling pamilya. Sa ganoon, walang masasabing masama ang mga sumasalungat sa atin. 15 Sinasabi ko ito dahil may ilang biyuda na ang tumalikod sa pananampalataya at sumusunod na kay Satanas. 16 Kung ang isang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na biyuda, dapat niya itong tulungan. Sa ganoon, hindi mabibigatan ang iglesya sa pag-aaruga sa kanila, at matutulungan pa ang mga biyuda na talagang wala nang inaasahan.

17 Ang mga namumuno sa iglesya na naglilingkod nang mabuti ay dapat bigyan ng nararapat na sahod, lalo na ang mga naglilingkod sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Dios. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik”[m] at sinasabi pa, “Nararapat bigyan ng sahod ang manggagawa.”[n] 19 Huwag mong papansinin ang paratang sa isang namumuno sa iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 20 At tungkol naman sa mga nagpapatuloy sa mga kasalanan nila, pagsabihan mo sila sa harap ng lahat ng mananampalataya para maging babala sa iba.

21 Sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus at ng kanyang mga anghel, iniuutos ko sa iyo na sundin mo ang mga utos na ito nang walang kinikilingan o kinakampihan. 22 Huwag kang padalos-dalos sa pagpapatong ng kamay mo sa kahit sino para bigyan ng kapangyarihang mamuno sa iglesya. Ingatan mong huwag masangkot sa kasalanan ng iba. Manatili kang walang bahid ng kasalanan.

23 Dahil sa madalas na pananakit ng sikmura mo, uminom ka ng kaunting alak.[o]

24 May mga taong lantad na lantad ang mga kasalanan nila bago pa man sila hatulan. Pero ang iba namaʼy sa bandang huli na lang nalalantad ang kasalanan. 25 Ganoon din naman, may mabubuting gawa na lantad na ngayon pa lang, habang ang iba naman ay malalantad din balang araw.

Sa mga alipin na mananampalataya, dapat igalang nila nang lubos ang mga amo nila para walang masabi ang mga tao laban sa Dios at sa itinuturo natin. At kung mga mananampalataya rin ang amo nila, hindi sila dapat mawalan ng paggalang dahil lang sa magkakapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, lalo pa nga nilang dapat pagbutihin ang paglilingkod nila dahil kapwa mananampalataya ang nakikinabang sa paglilingkod nila, at mahal din ng Dios.

Mga Maling Aral at ang Pag-ibig sa Salapi

Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin silang sundin ito. Kung may nagtuturo man nang salungat dito at hindi naaayon sa tamang turo ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at mga turo tungkol sa pagsunod sa Dios, ang taong itoʼy mayabang pero wala namang nalalaman. Gusto lang niyang makipagtalo na nauuwi lang naman sa inggitan, alitan, paninira, pambibintang, at walang tigil na awayan. Ito ang ugali ng taong baluktot ang pag-iisip at hindi na nakakaalam ng katotohanan. Inaakala nilang ang kabanalan ay paraan ng pagpapayaman. Kung sabagay, daig pa ng taong namumuhay nang banal at kontento na sa kalagayan ang mayaman. Ang totoo, wala tayong dinala sa mundong ito, at wala rin tayong madadala pag-alis dito. Kaya kung mayroon na tayong pagkain at pananamit, dapat na tayong makontento. Ang mga taong naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso, sa isang bitag ng mapanira at walang kabuluhang mga hangarin na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Ang sobrang paghahangad ng salapi ang nagtulak sa iba na tumalikod sa pananampalataya at nagdulot ng maraming paghihinagpis sa buhay nila.

11 Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. 13 Sa presensya ng Dios na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Cristo Jesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang 14 sundin mong mabuti ang mga iniutos sa iyo para walang masabi laban sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.

17 Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Dios na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. 19 Sa ganoon, makapag-iipon sila ng kayamanan sa langit na hindi mawawala, at matatamo nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin. 21 Dahil sa ganyang pagmamarunong ng ilan, naligaw tuloy sila sa pananampalataya.

Pagpalain ka nawa ng Dios.

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Sinugo ako ng Dios para ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Cristo Jesus.

Timoteo, minamahal kong anak:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat sa Dios at Paalala kay Timoteo

Nagpapasalamat ako sa Dios na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, kaya nasasabik akong makita ka para maging lubos ang kagalakan ko. Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon. Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Dios, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.

Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita. Iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Tinanggalan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Pinili ako ng Dios na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[p] 13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.

15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelus at Hermogenes. 16 Kaawaan sana ng Dios si Onesiforus at ang pamilya niya, dahil lagi niya akong tinutulungan,[q] at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.

Ang Mabuting Sundalo ni Cristo Jesus

Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.

Makibahagi ka sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. Dapat katulad ka ng isang sundalong nasa serbisyo; hindi siya nakikisangkot sa iba pang gawain para mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang opisyal. Ganoon din naman, dapat katulad ka ng manlalaro; hindi siya makakakuha ng premyo kung hindi siya sumusunod sa tuntunin ng laro. At dapat katulad ka rin ng masipag na magsasaka; hindi baʼt siya ang unang karapat-dapat na tumanggap ng bahagi sa ani? Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo, at ipapaunawa sa iyo ng Dios ang lahat ng ito.

Alalahanin mo ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang ipinapangaral ko na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal. Pero hindi nakakadenahan ang salita ng Dios. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat ng paghihirap alang-alang sa mga pinili ng Dios, para makamtan din nila ang kaligtasang nakay Cristo Jesus at ang buhay na walang hanggan. 11 Totoo ang kasabihang,

    “Kung namatay tayong kasama niya,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung magtitiis tayo,
    maghahari rin tayong kasama niya.
    Kung itatakwil natin siya,
    itatakwil din niya tayo.
13 Kung hindi man tayo tapat,
    mananatili siyang tapat,
    dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”

Ang Karapat-dapat na Alagad ng Dios

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito. 17 Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito. 18 Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,”[r] at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”

20 Sa isang malaking bahay, may mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at mayroon ding yari sa kahoy at putik.[s] Ginagamit sa mahahalagang okasyon ang mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at ang mga kasangkapang yari naman sa kahoy at putik ay sa pang-araw-araw na gamit. 21 Ang mga taong lumalayo sa kasamaan ay nabibilang sa mga kasangkapang ginagamit sa mahahalagang okasyon. Nakatalaga sila sa Panginoon, kapaki-pakinabang sa kanya, at laging handa sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso. 23 Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo at kalokohan lamang, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. 24 Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi. 25 Kailangang mahinahon siya sa pagtutuwid sa mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraan ay bigyan sila ng Dios ng pagkakataong magsisi at malaman ang katotohanan. 26 Sa ganoon, maliliwanagan ang isip nila at makakawala sila sa bitag ng diablo na bumihag sa kanila para gawin ang nais nito.

Ang mga Huling Araw

Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw, dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapang-insulto, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi makadios. Ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti. Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan sa halip na maibigin sa Dios. Ipinapakita nilang makadios sila pero hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito. May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa. Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. Ang pagkontra sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagkontra nina Jannes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan. Pero hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.

Mga Bilin

10 Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo mo, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis. 11 Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioc, Iconium at Lystra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon. 12 Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sasama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan. 15 Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, 17 para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Dios.

Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.

Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran.[t] Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.

Mga Personal na Bilin

Pagsikapan mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon 10 dahil iniwanan ako ni Demas at nagpunta siya sa Tesalonica. Iniwanan niya ako dahil mas mahal niya ang mga bagay sa mundong ito. Si Cresens naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmatia. 11 Si Lucas lang ang kasama ko. Kaya isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko. 12 Si Tykicus namaʼy pinapunta ko sa Efeso. 13 Pagpunta mo ritoʼy dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpus sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14 Napakasama ng ginawa sa akin ng panday na si Alexander. Ang Panginoon na ang bahalang magparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. 15 Mag-ingat ka rin sa kanya dahil sinasalungat niya nang husto ang mga ipinangangaral natin.

16 Walang sumama sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Dios. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas para maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Judio. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan.[u] 18 Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen!

Mga Pangangamusta

19 Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila at sa pamilya ni Onesiforus. 20 Si Erastus ay nanatili sa Corinto, at si Trofimus namaʼy iniwan ko sa Miletus dahil may sakit siya. 21 Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulus, Pudens, Linus, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito.

22 Sumainyo nawa ang Panginoon at ang pagpapala niya.

Mula kay Pablo, na lingkod[v] ng Dios at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako ng Dios upang patibayin ang pananampalataya ng kanyang mga pinili, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa uri ng buhay na katanggap-tanggap sa kanya. Ang pananampalataya at pang-unawang ito ang siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako na ng Dios bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling. At ngayon na ang panahon na itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Dios na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.

Mahal kong Tito, aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Ang mga Gawain ni Tito sa Crete

Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan. Piliin mo ang may magandang reputasyon,[w] isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo. Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[x] matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili. Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito. 10 Sapagkat marami ang hindi naniniwala sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila. 11 Kinakailangang pigilan sila, dahil nanggugulo sila sa mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi. 12 Isa mismo sa kanilang mga propeta ang nagsabi: “Ang mga taga-Crete ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya 14 at huwag nang pansinin ang mga kathang-isip ng mga Judio o mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Sa mga malilinis ang isip, lahat ng bagay ay malinis. Ngunit sa mga marurumi ang isip at hindi sumasampalataya ay walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Dios, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang mabuting ginagawa.

Ang Wastong Pagtuturo

Ngunit ikaw, Tito, ituro mo ang naaayon sa wastong aral. Ang mga nakatatandang lalaki ay turuan mong maging mahinahon, marangal, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[y] at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at sa pagtitiis. Ganoon din sa mga nakatatandang babae: turuan mo silang mamuhay nang maayos bilang mga mananampalataya. Huwag silang mapanira sa kapwa, at huwag maging mahilig sa alak. Dapat ay ituro nila ang mabuti, upang maturuan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, marunong magpasya kung ano ang nararapat, malinis ang isipan, masipag sa tahanan, mabait, at nagpapasakop sa asawa, upang hindi mapintasan ang salita ng Dios na ating itinuturo.

Ganoon din, hikayatin mo ang mga nakababatang lalaki na magpasya kung ano ang nararapat. Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin.

Turuan mo rin ang mga alipin na maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. At huwag silang maging palasagot. 10 Huwag din silang mangungupit sa kanilang amo, kundi ipakita nilang silaʼy tapat at mapagkakatiwalaan. Nang sa ganoon, maipapakita nila sa lahat ng kanilang ginagawa ang kagandahan ng ating mga itinuturo tungkol sa Dios na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.

15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Ang Ugaling Cristiano

Paalalahanan mo ang mga mananampalataya na magpasakop at sumunod sa mga may kapangyarihan. Kinakailangang lagi silang handa sa paggawa ng anumang mabuti. Huwag nilang siraan ang sinuman, at huwag silang maging palaaway, sa halip, dapat silang maging maunawain at mapagpakumbaba sa lahat. Sapagkat noong una, tayo rin ay kulang sa pang-unawa tungkol sa katotohanan at mga masuwayin. Nilinlang at inalipin tayo ng lahat ng uri ng kahalayan at kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Kinapootan tayo ng iba, at kinapootan din natin sila. Ngunit nang mahayag ang biyaya at pag-ibig ng Dios na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang awa. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghugas sa atin at nagbigay ng bagong buhay. Masaganang ibinigay sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas, upang sa kanyang biyayaʼy maituring tayong matuwid at makamtan natin ang buhay na walang hanggan na ating inaasahan. Ang mga aral na itoʼy totoo at mapagkakatiwalaan. Kaya gusto kong ituro mo ang mga bagay na ito upang ang mga sumasampalataya sa Dios ay maging masigasig sa paggawa ng mabuti. Ang mga itoʼy mabuti at kapaki-pakinabang sa lahat. Ngunit iwasan mo ang mga walang kwentang pagtatalo-talo, ang pagsusuri kung sinu-sino ang mga ninuno, at ang mga diskusyon at debate tungkol sa Kautusan, dahil wala itong naidudulot na mabuti. 10 Pagsabihan mo ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa. Itakwil mo siya kung pagkatapos ng dalawang babalaʼy hindi pa rin siya nagbabago. 11 Alam nʼyo na masama ang ganyang tao, at ang kanyang mga kasalanan mismo ang nagpapatunay na parurusahan siya.

Mga Huling Bilin

12 Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tykicus. Kapag dumating na ang sinuman sa kanila, sikapin mong makapunta agad sa akin sa Nicopolis, dahil napagpasyahan kong doon magpalipas ng taglamig. 13 Gawin mo ang iyong magagawa para matulungan sina Zenas na abogado at Apolos sa kanilang paglalakbay, at tiyakin mo na hindi sila kukulangin sa kanilang mga pangangailangan. 14 At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.

15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa mga kapatid diyan na nagmamahal sa amin.

Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.

Mula kay Pablo na nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus, kasama si Timoteo na ating kapatid.

Filemon, aming minamahal na kamanggagawa sa Panginoon, kasama si Afia na ating kapatid, si Arkipus na kapwa natin sundalo ni Cristo, at ang mga mananampalatayang nagtitipon[z] sa iyong tahanan sa pagsamba sa Dios:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa Dios sa tuwing ipinapanalangin kita, dahil nabalitaan ko ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pagmamahal mo sa lahat ng mga pinabanal[aa] ng Dios. Idinadalangin ko na sana ang pagiging mapagbigay mo, na bunga ng iyong pananampalataya,[ab] ay magpatuloy habang lumalago ang iyong pang-unawa sa lahat ng mabubuting bagay na ibinigay sa atin dahil tayoʼy nakay Cristo. Minamahal kong kapatid, labis na nagbigay kagalakan at kaaliwan sa akin ang iyong pagmamahal sa mga mananampalataya na nagpasigla sa kanila.

Ang Hiling ni Pablo para kay Onesimus

Ngayon, bilang apostol ni Cristo, maaari kitang utusan kung ano ang dapat mong gawin, pero dahil mahal kita, minarapat kong makiusap na lamang sa iyo. Kaya bilang isang nakatatanda at bilanggo dahil kay Cristo, 10 nakikiusap ako sa iyo para kay Onesimus, na sana patawarin mo na siya. Siyaʼy naging anak ko sa pananampalataya rito sa bilangguan. 11 Datiʼy wala siyang pakinabang sa iyo, ngunit ngayoʼy kapaki-pakinabang na siya sa ating dalawa.

12 Pinababalik ko na sa iyo ang minamahal kong si Onesimus. 13 Gusto ko sanang dito na muna siya upang sa pamamagitan niya, makakatulong ka sa akin habang nakabilanggo ako dahil sa aking pagpapahayag ng Magandang Balita. 14 Ngunit ayaw ko itong gawin nang wala kang pahintulot, upang maging kusang-loob ang iyong pagtulong at hindi sapilitan.

15 Marahil nahiwalay siya sa iyo nang saglit upang sa kanyang pagbabalik ay hindi na kayo magkahiwalay pang muli. 16 Kahit na alipin mo siya, isa na rin siyang minamahal na kapatid. Napamahal siya sa akin, at lalo na sa iyo, ngayong hindi mo lang siya alipin kundi kapatid pa sa Panginoon.

17 Kaya kung itinuturing mo akong kamanggagawa[ac] sa Panginoon, tanggapin mo siya na parang ako ang iyong tinatanggap. 18 Kung siya man ay nagkasala o nagkautang sa iyo, ako na lamang ang singilin mo. 19 Ako mismo, si Pablo, ang sumulat nito: Ako ang magbabayad sa anumang pagkakautang niya sa iyo. Kahit na kung tutuusin ay utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. 20 Kaya kapatid, pagbigyan mo sana ang aking kahilingan alang-alang sa Panginoon. Paligayahin mo ang puso ko bilang kapatid kay Cristo. 21 Sumulat ako dahil malaki ang tiwala kong pagbibigyan mo ang aking kahilingan, at alam kong higit pa roon ang iyong gagawin.

22 Siya nga pala, ipaghanda mo ako ng matutuluyan, dahil umaasa akong makakabalik sa inyo dahil sa inyong panalangin.

Pangwakas na Pagbati

23 Kinukumusta ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Kinukumusta ka rin ng mga kamanggagawa kong sina Marcos, Aristarcus, Demas at Lucas.

25 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®