Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Corinto 15:1 - Galacia 3:25

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Mga kapatid, nais kong ipaalala sa inyo ang Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ito ang aral na inyong tinanggap at hanggang ngayon ay pinaninindigan ninyo. Sa pamamagitan nitoʼy maliligtas kayo kung panghahawakan ninyong mabuti ang ipinangaral ko, maliban na lamang kung hindi talaga tunay ang inyong pananampalataya.

Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Cristoʼy namatay upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. Inilibing siya ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan. Nagpakita siya kay Pedro, at sa iba pang 12 apostol. Pagkatapos, nagpakita rin siya sa mahigit 500 na mga kapatid na nagkakatipon. Karamihan sa kanilaʼy buhay pa hanggang ngayon, ngunit ang ilan sa kanila ay patay na. Nagpakita rin siya kay Santiago, at pagkatapos sa lahat ng apostol.

At sa kahuli-hulihan ay nagpakita rin siya sa akin. Ang katulad koʼy isang sanggol na ipinanganak nang wala sa panahon dahil biglaan ang aking pagkakilala sa kanya. Ako ang pinakahamak sa mga apostol at hindi nga ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesya ng Dios. 10 Ngunit dahil sa awa ng Dios sa akin, naging apostol ako. At hindi nasayang ang biyayang ipinagkaloob niya sa akin, dahil higit akong nagpagal kung ihahambing sa ibang mga apostol, bagamaʼt itoʼy sa pamamagitan ng tulong ng Dios at hindi ng aking sarili lamang. 11 Kaya nga, walang pagkakaiba kung sila o ako ang nangangaral sa inyo. Ang mahalagaʼy iisa ang aming ipinangangaral at iyon din ang inyong pinananaligan.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Cristoʼy muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? 13 Kung totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Cristo ay hindi rin muling nabuhay. 14 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya. 15 At hindi lang iyan, lalabas din na sinungaling kami tungkol sa Dios dahil ipinapahayag namin na binuhay niyang muli si Cristo. 16 Ngunit hindi siya muling nabuhay kung talagang walang muling pagkabuhay. 17 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang silbi ang inyong pananampalataya at hindi pa kayo napapatawad sa inyong mga kasalanan. 18 At nangangahulugan din na ang mga mananampalataya kay Cristo na namatay na ay hindi naligtas. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay hanggang sa buhay na ito lamang, tayo ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

20 Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. 22 Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay. 23 Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo. 24 At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama. 25 Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway. 26 At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo.[a] Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.

29 May mga taong nagpapabautismo para sa mga namatay. Ano ang halaga ng ginagawa nila kung hindi naman muling mabubuhay ang mga patay? 30 At bakit pa namin inilalagay ang aming mga sarili sa panganib oras-oras? 31 Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito. 32 Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”

33 Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.” 34 Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.

Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Maaaring may magtanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Anong uri ng katawan ang matatanggap nila?” 36 Ito ang sagot ko sa taong iyan na walang nalalaman: Ang inihahasik na binhi ay hindi mabubuhay hanggaʼt hindi ito namamatay. 37 At kahit anong binhi ang itanim mo, trigo man o ibang binhi, magiging iba ang anyo nito kapag tumubo na. 38 Ang Dios ang nagbibigay anyo sa binhing iyon, ayon sa kanyang kalooban. At ang bawat binhi ay may kanya-kanyang anyo kapag tumubo na.

39 Ganoon din sa katawan; hindi lahat ng katawan ay pare-pareho. Iba ang katawan ng tao, ng hayop, ng ibon at ng isda.

40 May mga katawang panlupa at may mga katawang panlangit, at ang bawat isaʼy may kanya-kanyang kagandahan. Iba ang kagandahan ng katawan dito sa lupa, at iba rin naman ang kagandahan ng katawan doon sa langit. 41 Iba ang ningning ng araw sa ningning ng buwan, at iba rin naman ang ningning ng mga bituin. At kahit ang mga bituin ay may ibaʼt ibang ningning.

42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, hindi na ito mabubulok kailanman. 43 Ang katawang inilibing ay pangit at mahina, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy maganda na at malakas. 44 Ang katawang inilibing ay panlupa, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy panlangit na. Sapagkat kung mayroong katawang panlupa ay mayroon din namang katawang panlangit. 45 Sinasabi sa Kasulatan, “Ang unang tao na si Adan ay binigyan ng buhay.” Ngunit ang huling Adan na si Cristo ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Hindi ang panlangit na katawan ang nauna kundi ang panlupa, at pagkatapos noon ay ang panlangit naman. 47 Ang unang tao na si Adan ay mula sa lupa, ngunit ang pangalawang tao na si Cristo ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng katawan ng tao na gawa sa lupa, at ang katawang panlangit ay katulad ng katawan ng nagmula sa langit. 49 Kaya kung paanong ang katawan natin ngayon ay katulad ng kay Adan na nagmula sa lupa, darating ang araw na ang katawan natin ay magiging katulad ng kay Cristo na nagmula sa langit.

50 Mga kapatid, ito ang gusto kong sabihin: Ang ating katawan na binubuo ng laman at dugo ay hindi magkakaroon ng bahagi sa paghahari ng Dios. Ang katawang ito na nabubulok ay hindi maaaring makatanggap ng buhay na walang hanggan.

51 Ngunit makinig kayo dahil may sasabihin ako sa inyo na isang lihim: Hindi lahat sa atin ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay bibigyan ng bagong katawan 52 sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng pagtunog ng huling trumpeta. At sa pagtunog ng trumpetaʼy muling bubuhayin ang mga patay at bibigyan ng katawang hindi nabubulok. At tayong mga buhay pa ay bibigyan din ng bagong katawan. 53 Sapagkat itong katawan nating nabubulok at namamatay ay dapat mapalitan ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay. 54 At kapag ang katawang ito na nabubulok at namamatay ay napalitan na ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay, matutupad na ang sinasabi sa Kasulatan na,

    “Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!”
55 “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
    Nasaan na ang iyong kapangyarihan?”

56 May kapangyarihan lamang ang kamatayan sa atin dahil sa kasalanan, at may kapangyarihan ang kasalanan sa atin dahil mayroong Kautusan. 57 Ngunit salamat sa Dios dahil binigyan niya tayo ng tagumpay sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo at huwag manghina sa inyong pananampalataya. Magpakasipag kayo sa gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, dahil alam ninyo na hindi masasayang ang mga paghihirap ninyo para sa kanya.

Tulong para sa mga Taga-Judea

16 Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga mananampalataya[b] ng Dios sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. Sa bawat Linggo, ang bawat isa sa inyoʼy maglaan na ng halaga ayon sa inyong kita, at ipunin ninyo ito upang pagdating ko riyan ay nakahanda na ang inyong tulong. Pagdating ko riyan, papupuntahin ko sa Jerusalem ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong, at gagawa ako ng sulat na magpapakilala sa kanila. At kung kinakailangan ding pumunta ako sa Jerusalem, isasama ko na sila.

Mga Plano ni Pablo

Tutuloy ako riyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. Maaaring magtagal ako riyan sa inyo. Baka riyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa susunod kong paglalakbay, bagamaʼt hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Ayaw kong dadaan lang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon.

Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.

10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.

12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.

Katapusang Tagubilin

13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.

15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[c] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.

17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.

19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[d] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.

Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[e]

21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.

22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.

Panginoon, bumalik na po kayo!

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.

24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na ating kapatid.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[f] ng Dios diyan sa Corinto, kasama ang lahat ng mga pinabanal[g] ng Dios sa Acaya:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat sa Dios

Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.

Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.

Nagbago ng Plano si Pablo

12 Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalung-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Dios. At pinatutunayan ng aming konsensya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki. 13-14 Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.

15 Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala[h] sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses. 16 Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin? 18 Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi. 19 Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. At alam ninyong si Cristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako. 20 Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Dios, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Cristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Dios,[i] at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya. 21 Ang Dios ang nagpapatibay sa atin, at sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Pinili niya tayo para maglingkod sa kanya. 22 Tinatakan niya tayo bilang tanda na tayoʼy nasa kanya na. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang Banal na Espiritu sa ating mga puso. Ang Banal na Espiritu ang nagsisilbing garantiya na matatanggap natin ang kanyang mga ipinangako.

23 Saksi ko ang Dios, na kaya hindi na ako tumuloy diyan sa Corinto ay dahil ayaw kong sumama ang loob ninyo sa akin. 24 Ayaw naming diktahan kayo sa inyong pananampalataya dahil matatag na kayo riyan. Nais lamang naming magkatulungan tayo para maging masaya kayo.

Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.

Patawarin ang Nagkasala

Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.

Si Pablo sa Troas

12 Nang dumating ako sa Troas para ipangaral ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na magawa iyon. 13 Pero hindi ako mapalagay dahil hindi ko nakita roon ang kapatid nating si Tito. Kaya nagpaalam ako sa mga mananampalataya roon at pumunta sa Macedonia.

Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo

14 Salamat sa Dios dahil lagi siyang nasa unahan natin sa parada ng tagumpay. Ginagawa niya ito dahil tayo ay nakay Cristo. Saan man kami pumunta, ginagamit kami ng Dios para ipakilala si Cristo sa mga tao. At itong ipinapalaganap namin ay parang halimuyak ng pabango. 15 Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, para kaming nakamamatay na amoy; ngunit sa mga naliligtas, para kaming halimuyak na nagbibigay-buhay. Sino ang may kakayahang gampanan ang gawaing ito? 17 Hindi kami tulad ng marami riyan na ginagawang negosyo ang salita ng Dios para magkapera. Alam naming nakikita kami ng Dios, kaya bilang mga mananampalataya ni Cristo at sugo ng Dios, tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.

Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba riyan na kailangan ang rekomendasyon para tanggapin ninyo, at pagkatapos hihingi naman ng rekomendasyon mula sa inyo para tanggapin din sa ibang lugar. Hindi na namin kailangan ito dahil kayo na mismo ang aming rekomendasyon na nakasulat sa aming puso. Sapagkat ang pamumuhay ninyo ay parang sulat na nakikita at nababasa ng lahat. Malinaw na ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo na isinulat sa pamamagitan namin. At hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao.

Nasasabi namin ang mga ito dahil sa mga ginagawa ni Cristo sa pamamagitan namin at dahil sa aming pagtitiwala sa Dios. Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Dios. Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahan para maipahayag namin ang kanyang bagong pamamaraan para mailapit ang mga tao sa kanya. At ang bagong pamamaraan na ito ay hindi ayon sa isinulat na Kautusan kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.

Noong ibinigay ng Dios kay Moises ang Kautusan na nakasulat sa malapad na mga bato, hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila. Ngunit ang ningning na iyon sa kanyang mukha ay unti-unti ring nawala. Ngayon, kung nagpakita ang Dios ng kanyang kapangyarihan sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan kung kikilos na ang Espiritu. Kung nagpakita ang Dios ng kapangyarihan niya sa pamamagitan ng Kautusan na nagdudulot ng hatol na kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan sa pagpapawalang-sala sa mga tao. 10 Ang totoo, balewala ang kapangyarihan ng Kautusan kung ihahambing sa kapangyarihan ng bagong pamamaraan ng Dios. 11 Kung may kapangyarihang ipinakita ang Dios sa pamamagitan ng Kautusan na lumilipas, higit pa ang kapangyarihang ipinapakita niya sa bagong pamamaraang ito na nananatili magpakailanman.

12 At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Dios. 13 Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang liwanag sa kanyang mukha na unti-unting nawawala. 14 Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may nakatakip sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang dating kasunduan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Cristo. 15 Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16 Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17 Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Banal na Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18 At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Banal na Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.

Kayamanan sa Palayok

Dahil sa awa ng Dios, pinili niya kami para ipahayag ang kanyang bagong pamamaraan sa pagpapawalang-sala sa mga tao, kaya naman hindi kami pinanghihinaan ng loob. Tinalikuran namin ang mga kahiya-hiya at patagong gawain. Hindi kami nanlilinlang, at hindi rin namin binabaluktot ang salita ng Dios. Pawang katotohanan ang ipinangangaral namin. Alam ito ng Dios, at malinis ang aming konsensya sa harap ng tao. Ngunit kung may mga hindi nakakaintindi sa Magandang Balita na aming ipinapahayag, ito ay ang mga taong napapahamak. Ayaw nilang maniwala sa Magandang Balita dahil ang kanilang mga isipan ay binulag ni Satanas na naghahari sa mundong ito.[j] Binulag niya sila para hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Cristo, na siyang larawan ng Dios. Hindi namin ipinangangaral ang aming mga sarili kundi si Jesu-Cristo, na siyang Panginoon. Naglilingkod kami sa inyo dahil kay Jesus. Sapagkat ang Dios na nagsabing, “Magkaroon ng liwanag sa kadiliman,” ang siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isipan para maunawaan namin ang kapangyarihan ng Dios na nahayag kay Jesu-Cristo.

Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito para maipakita na ang hindi mapamarisang kapangyarihan na nasa amin ay mula sa Dios at hindi sa amin. Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsaʼy sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay. 10 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan tulad ng nangyari kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming buhay ay makita rin ang buhay ni Jesus. 11 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan dahil sa paglilingkod namin kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan, makita ng lahat ang buhay ni Jesus. 12 Maaaring mamatay kami dahil sa aming pangangaral, pero ito naman ang nagdudulot sa inyo ng buhay na walang hanggan.

13 Sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya ako, kaya nagsalita ako.”[k] Ganoon din ang aming ginagawa: Sumasampalataya kami, kaya nagsasalita kami. 14 Sapagkat alam namin na ang Dios na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ang siya ring bubuhay sa amin, tulad ng ginawa niya kay Jesus, at dadalhin niya tayong lahat sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng paghihirap namin ay para sa inyong ikabubuti, para lalo pang dumami ang tumanggap ng biyaya ng Dios. At habang dumarami ang tumatanggap ng biyaya ng Dios, dumarami rin ang nagpapasalamat sa kanya. At dahil dito ay mapupuri siya.

16 Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu. 17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan. 18 Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Ang Bagong Katawan

Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.

Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10 Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.

Nakabalik Tayo sa Dios Dahil kay Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12 Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan. 14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15 Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. 18 Ang lahat ng itoʼy gawa ng Dios na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya. 19 At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. 20 Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya. 21 Kailanmaʼy hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan para sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Dios.

Bilang mga katuwang sa gawain ng Dios, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Dios na inyong natanggap. Sapagkat sinabi ng Dios,

    “Dininig kita sa tamang panahon,
    at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”

Kaya makinig kayo! Ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.

Hindi kami gumagawa ng kahit ano na ikatitisod ng ibang tao, para hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Dios. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Dios. Tinitiis namin anumang hirap, pasakit, at kagipitan. Nakaranas kami ng pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga tao. Nagsikap kami nang husto, at kung minsan ay wala pang tulog at wala ring pagkain. Pinatunayan namin sa lahat na kami ay mga tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng aming malinis na pamumuhay, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, sa pamamagitan ng patnubay ng Banal na Espiritu sa amin, sa tapat na pag-ibig at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway. Bilang mga lingkod ng Dios, naranasan naming parangalan at siraan ng kapwa, purihin ng iba at laitin ng iba. Pawang katotohanan ang aming mga sinasabi, ngunit itinuturing kaming mga sinungaling. Kami ay tanyag, ngunit hindi kinikilala; lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buhay pa rin hanggang ngayon. Dinidisiplina kami ng Dios pero hindi pinapatay. 10 May mga nagpapalungkot sa amin, ngunit lagi pa rin kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Kung tungkol sa mga bagay dito sa mundo, wala kaming masasabing amin, ngunit ang totoo, kami ang nagmamay-ari sa lahat ng mga bagay.

11 Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo, dahil mahal na mahal namin kayo. 12 Hindi kami nagkulang sa pagmamahal sa inyo. Kayo ang nagkulang sa pagmamahal sa amin. 13 Nakikiusap ako sa inyo tulad ng isang ama sa kanyang mga anak: Mahalin ninyo ako tulad ng pagmamahal ko sa inyo.

Huwag Makikiisa sa mga Hindi Mananampalataya

14 Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama. 15 At kung paanong hindi magkasundo si Cristo at si Satanas, ganoon din naman ang mananampalataya at ang hindi mananampalataya. 16 Hindi maaaring magsama ang mga dios-diosan at ang Dios sa iisang templo. At tayo ang templo ng Dios na buhay! Gaya ng sinabi ng Dios,

“Mananahan akoʼt mamumuhay sa kanilang piling.
    Akoʼy magiging Dios nila,
    at silaʼy magiging mga taong sakop ko.
17 Kaya lumayo kayo at humiwalay sa kanila.[l]
    Layuan ninyo ang itinuring na marumi[m]
    at tatanggapin ko kayo.
18 At akoʼy magiging Ama ninyo,
    at kayo namaʼy magiging mga anak ko.
    Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Mga minamahal, dahil sa mga ipinangako ng Dios sa atin, linisin natin ang ating sarili sa anumang bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu, at sikapin nating mamuhay nang banal at may takot sa Dios.

Ang Kagalakan ni Pablo

Tanggapin ninyo kami sa inyong mga puso. Wala kaming ginawang masama kahit kanino. Hindi namin siniraan o dinaya ang sinuman. Hindi ko sinasabi ito para ipahiya kayo. Gaya ng sinabi ko noong una, mahal na mahal namin kayo at handa kaming mabuhay o mamatay na kasama ninyo. Malaki ang tiwala ko sa inyo, at ipinagmamalaki ko kayo! Labis ninyong pinalakas ang aming loob at nag-uumapaw sa aming puso ang kagalakan sa kabila ng lahat ng aming mga paghihirap.

Nang dumating kami sa Macedonia, wala rin kaming pahinga, dahil kahit saan ay nagdalamhati kami. Sa paligid ay nariyan ang mga kumokontra sa amin, at sa loob naman namin ay may pag-aalala para sa mga mananampalataya. Ngunit pinalakas ng Dios ang aming loob nang dumating si Tito. Tunay na pinalalakas niya ang loob ng mga nalulumbay. At hindi lang ang pagdating ni Tito ang nagpalakas ng aming loob, kundi maging ang balita na pinalakas din ninyo ang loob niya. Ibinalita niya ang pananabik ninyo sa amin, ang inyong panaghoy sa mga pangyayari, at ang katapatan[n] ninyo sa akin. Dahil dito, lalo akong natuwa!

Kahit na nagdulot sa inyo ng kalungkutan ang aking sulat, hindi ko ito pinagsisisihan. Nagsisi ako noong una dahil nakita kong pinalungkot kayo ng aking sulat, ngunit sandali lamang. Ngunit masaya ako ngayon, hindi dahil malungkot kayo, kundi dahil naging paraan iyon para magsisi kayo. At iyan nga ang nais ng Dios na mangyari, kaya hindi nakasama sa inyo ang aking mga sinulat. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Dios ay nagdadala sa atin sa pagsisisi, at nagdudulot ng kaligtasan. Hindi pinagsisihan ang ganitong kalungkutan. Ngunit ang kalungkutan ng mga taong makamundo ay nagdadala sa kanila sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang idinulot ng kalungkutang ayon sa kalooban ng Dios! Naging masigasig kayong patunayan na wala kayong kasalanan tungkol sa mga bagay na sinasabi ko sa inyo. Nagalit kayo sa gumawa ng kasalanang iyon, at natakot sa maaaring idulot nito. Naging masigasig kayong maibalik ang dati nating samahan. Pinarusahan ninyo ang nagkasala, at pinatunayan ninyo sa lahat ng paraan na wala kayong kinalaman sa kasalanang iyon.

12 Ang dahilan ng pagsulat ko ay hindi para tuligsain ang nagkasala o ipagtanggol ang ginawan niya ng kasalanan, kundi para maipakita ninyo sa presensya ng Dios kung gaano kayo katapat sa amin. 13 At dahil dito, pinalakas ninyo ang aming loob.

At lalo pa kaming sumigla nang makita naming masaya si Tito dahil sa kasiyahang naranasan niya sa inyong piling. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at napatunayan niyang totoo ang sinabi ko sa kanya tungkol sa inyo, kaya hindi ako napahiya. 15 At sa tuwing naaalala ni Tito ang inyong pagkamasunurin at ang inyong pagtanggap at paggalang, lalo kayong napapamahal sa kanya. 16 At masaya naman ako dahil mapagkakatiwalaan ko kayo nang lubos.

Ang Pagtutulungan ng mga Cristiano

Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Dios sa kanila. Kahit na dumaranas sila ng maraming pagsubok, masayang-masaya pa rin sila. Kaya nga naging lubos silang mapagbigay sa kabila ng kanilang matinding kahirapan. Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya. Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mahihirap na mga mananampalataya.[o] At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Dios. Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong para sa mga kapatid sa Judea. Kayong mga nasa Corinto ay nangunguna sa lahat ng bagay – malakas ang inyong pananampalataya, magaling kayong magturo, marami kayong alam, masipag sa paglilingkod sa Dios, at malaki ang inyong pag-ibig sa amin. Kaya gusto namin na manguna rin kayo sa pagbibigay. Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para maipakita rin ninyo sa amin na tunay ang inyong pagmamahal. Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.

10 Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa. 11 Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya. 12 Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya. 13 Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan. 14 Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa. 15 Ayon nga sa Kasulatan,

“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

16 Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo. 17 Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan. 18 Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita. 19 Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumama sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong. 20 Isinusugo namin siya kasama si Tito dahil nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito. 21 Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao.

22 Kasama nila sa pagpunta riyan ang isa pang kapatid sa pananampalataya, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil malaki ang kanyang tiwala sa inyo. 23 Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Cristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal para mapatunayan nila na talagang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at malaman din ito ng ibang iglesya sa pamamagitan nila.

Hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga pinabanal[p] ng Dios sa Judea, dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinasabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa ng magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. Kaya nga pinauna ko na riyan sina Tito, para matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabi na walang kwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. Sapagkat kung dumating ako riyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin para habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.

Tandaan ninyo ito: Ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami. Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan. At magagawa ng Dios na ibigay sa inyo ang higit pa sa inyong mga pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at lagi ninyong matutulungan ang iba. Gaya ng sinasabi sa Kasulatan,

“Namigay siya sa mga dukha;
kailanman ay hindi makakalimutan ang kanyang mabubuting gawa.”

10 Ang Dios na nagbibigay ng binhi sa magsasaka at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay ng inyong mga pangangailangan para lalo pa kayong makatulong sa iba. 11 Pasasaganain kayo ng Dios sa lahat ng bagay para lagi kayong makatulong sa iba. At marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin.

12 Dahil sa inyong pagbibigay, hindi lamang ninyo tinutugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya[q] na nasa Judea, kundi magiging dahilan din ito para marami ang magpasalamat sa Dios. 13 Sapagkat pinatutunayan ninyo sa inyong pagtulong na sinusunod ninyo ang Magandang Balita tungkol kay Cristo na inyong pinaniniwalaan. At dahil sa pagtulong ninyo sa kanila at sa iba pa, papupurihan nila ang Dios. 14 Buong puso silang mananalangin para sa inyo dahil sa dakilang biyaya ng Dios na ipinamalas niya sa inyo. 15 Pasalamatan natin ang Dios sa kanyang kaloob na hindi natin kayang ipaliwanag.

Ang Sagot ni Pablo sa mga Kumakalaban sa Kanya

10 1-2 Mayroong mga nagsasabi sa inyo na akong si Pablo ay matapang lamang sa sulat pero maamo kapag harap-harapan. Nakikiusap ako sa inyo nang may kababaang-loob tulad ni Cristo, na huwag sana ninyo akong piliting magpakita ng tapang pagdating ko riyan. Sapagkat handa kong harapin ang nagsasabi sa inyo na makamundo raw ang pamumuhay namin. Kahit na namumuhay kami rito sa mundo, hindi kami nakikipaglaban sa mga kumokontra sa katotohanan nang ayon sa pamamaraan ng mundo. 4-5 Sa halip, ang kapangyarihan ng Dios ang aming armas. Iyon ang aming ginagamit na panlaban sa mga maling pangangatwiran ng mga taong mapagmataas at ayaw maniwala sa mga turo ng Dios. Sinisira namin ang kanilang maling pangangatwiran na tulad ng matibay na pader na humahadlang sa kanila na makilala ang Dios. Kinukumbinsi namin silang sundin ang mga utos ni Cristo. At kung matiyak naming lubos na kayong masunurin, handa na kaming parusahan ang lahat ng suwail.

Ang problema sa inyo ay tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Cristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Cristo rin. Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago sa inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Sapagkat may mga nagsasabi riyan na matapang ako sa aking mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita ng walang kabuluhan. 11 Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan.

12 Hindi namin ibinibilang o ikinukumpara ang aming sarili sa mga iba na mataas ang tingin sa sarili. Mga hangal sila, dahil sinusukat nila at kinukumpara ang kani-kanilang sarili. 13 Pero kami ay hindi nagmamalaki sa mga gawaing hindi na namin sakop, kundi sa mga gawain lamang na ibinigay sa amin ng Dios, at kasama na rito ang gawain namin sa inyo. 14 Kung hindi kami nakarating diyan, pwede nilang sabihin na labis ang aming pagmamalaki. Pero ang totoo, kami ang unang dumating sa inyo at nangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Kaya hindi labis ang aming pagmamalaki dahil hindi namin inaangkin at ipinagmamalaki ang pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kami na sa paglago ninyo sa pananampalataya ay lalawak pa ang gawain namin sa inyo, ayon sa ipinapagawa sa amin ng Dios. 16 Pagkatapos, maipangangaral naman namin ang Magandang Balita sa iba pang mga lugar na malayo sa inyo. Sapagkat ayaw naming angkinin at ipagmalaki ang pinaghirapan ng iba. 17 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Kung mayroong nais magmalaki, ipagmalaki na lang niya kung ano ang ginawa ng Panginoon.” 18 Sapagkat nalulugod ang Panginoon sa taong kanyang pinupuri at hindi sa taong pumupuri sa sarili.

Si Pablo at ang mga Nagkukunwaring Apostol

11 Ipagpaumanhin ninyo kung ngayon ay magsalita ako na parang hangal. Makadios na pagseselos kasi ang nararamdaman ko para sa inyo. Sapagkat tulad kayo ng isang dalagang birhen na ipinangako kong ipapakasal sa isang lalaki, si Cristo. Pero nag-aalala ako na baka malinlang kayo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas, at mawala ang inyong taos-pusong hangaring sumunod kay Cristo. Sapagkat madali kayong napapaniwala ng kahit sinong dumarating diyan na nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa aming ipinangaral sa inyo. At tinatanggap din ninyo ang ibang uri ng espiritu at ang kanilang sinasabing magandang balita na iba kaysa sa inyong tinanggap sa amin.

Sa tingin ko, hindi naman ako huli sa mga nagsasabi riyan na magagaling daw sila na mga apostol. Maaaring hindi ako magaling magsalita pero sapat naman ang karunungan ko sa katotohanan. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.

Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Dios, kundi nagtrabaho ako para matulungan ko kayo sa inyong buhay espiritwal. Masama ba ang ginawa kong ito? Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo. At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin. 10 Hindi ako titigil sa pagmamalaki sa lahat ng lugar sa Acaya na hindi ako naging pabigat sa inyo. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin si Cristo. 11 Pero baka isipin ninyo na kaya hindi ako humihingi ng tulong sa inyo ay dahil sa hindi ko na kayo mahal. Hindi totoo iyan. Alam ng Dios na mahal na mahal ko kayo!

12 Pero patuloy kong paninindigan ang sinasabi ko ngayon na hindi ako hihingi ng tulong sa inyo, para hindi masabi ng mga nagpapakaapostol na silaʼy katulad namin kung maglingkod. 13 Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga tunay na apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng Dios na nagbibigay-liwanag. 15 Kaya hindi rin nakapagtataka na ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Pero darating ang araw na parurusahan sila sa lahat ng kanilang mga ginagawa.

Ang mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag ninyong isipin na isa akong hangal. Pero kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti. 17 Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal. 18 Pero dahil sa marami riyan ang nagmamalaki tulad ng mga taong makamundo, magmamalaki rin ako. 19 Sinasabi ninyong matatalino kayo, pero hinahayaan lamang ninyong diktahan kayo ng mga hangal. 20 Sa katunayan, hinahayaan lang ninyo na alipinin kayo, agawan ng mga ari-arian, pagsamantalahan, pagmataasan, at hamakin. 21 Nakakahiya mang aminin na mahihina kami, pero hindi namin kayang gawin ang mga iyan!

Kung may magmamalaki riyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko. 22 Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Judio, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin! 23 Sila baʼy mga lingkod ni Cristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, pero ako rin ay lingkod ni Cristo, at higit pa nga kaysa sa kanila! Dahil higit akong nagpakahirap kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit, at nalagay sa bingit ng kamatayan. 24 Limang beses akong tumanggap ng 39 na hagupit sa kapwa ko mga Judio. 25 Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga sundalong Romano. Minsan na rin akong pinagbabato ng mga Judio. Tatlong beses kong naranasan na lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy buong araw at gabi akong palutang-lutang sa dagat. 26 Sa aking paglalakbay sa ibaʼt ibang lugar, nalagay ako sa panganib: sa pagtawid sa mga ilog, sa mga tulisan, sa kapwa ko mga Judio, sa mga hindi Judio, sa mga lungsod, sa mga ilang, sa dagat, at sa mga taong nagpapanggap na mga kapatid kay Cristo.

27 Naranasan ko rin ang sobrang hirap at pagod, at kawalan ng tulog. Naranasan ko ang magutom, mauhaw, kadalasaʼy walang makain, at naranasan kong ginawin dahil sa kakulangan ng maisusuot. 28 Maliban sa iba pang mga karanasan na hindi ko nabanggit, inaalala ko pa araw-araw ang kalagayan ng lahat na iglesya. 29 Kung may nanghihina sa pananampalataya, nalulungkot ako. At kung may nagkakasala, naghihirap ang kalooban ko.

30 Kung kailangan kong magmalaki, ang ipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling, at alam iyan ng Dios at Ama ng ating Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Noong akoʼy nasa lungsod ng Damascus, pinabantayan ng gobernador na sakop ni Haring Aretas ang pintuan ng lungsod para dakpin ako. 33 Ngunit inilagay ako ng aking mga kasama sa isang kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod, kaya nakatakas ako.

Ang mga Ipinahayag ng Dios kay Pablo

12 Napilitan akong magmalaki kahit na alam kong wala akong mapapala dito. Sasabihin ko sa inyo ngayon ang mga ipinahayag at ipinakita sa akin ng Panginoon. 2-3 May 14 na taon na ang nakakaraan nang dalhin ako sa ikatlong langit. (Cristiano na ako noon.) Hindi ko matiyak kung nasa katawan ako noon o nasa espiritu lamang, ang Dios lang ang nakakaalam. Ang tanging alam ko ay nakarating ako sa Paraiso, at narinig ko roon ang mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang ipaliwanag at hindi dapat sabihin kahit kanino. Maipagmamalaki ko ang karanasan kong iyon. Pero kung tungkol sa aking sarili, wala akong maipagmamalaki maliban sa aking mga kahinaan. At kung magmamalaki man ako, hindi ako magmimistulang hangal, dahil totoo naman ang aking sasabihin. Pero hindi ko ito gagawin dahil baka sumobra ang palagay ng ilan sa akin kaysa sa nakikita nila sa aking pamumuhay.

Para hindi ako maging mayabang dahil sa mga kamangha-manghang ipinakita ng Dios sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Dios na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan para hindi ako maging mayabang. Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito sa akin. Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil dito, maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios.

Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Para akong hangal sa aking pagmamalaki, pero kayo na rin ang nagtulak sa akin para gawin ito. Dapat sanaʼy pinuri ninyo ako sa mga nagpapanggap na mga apostol, pero hindi ninyo ito ginawa. Kahit na wala akong maipagmamalaki sa aking sarili, hindi naman ako nahuhuli sa mga taong iyan na magagaling daw na mga apostol. 12 Pinatunayan ko sa inyo na akoʼy tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala, kababalaghan, at iba pang mga kamangha-manghang gawain. 13 Kung ano ang mga ginawa ko riyan sa inyo, ganoon din ang ginawa ko sa ibang mga iglesya, maliban na lamang sa hindi ko paghingi ng tulong sa inyo. Kung sa inyoʼy isa itong pagkakamali, patawarin sana ninyo ako!

14 Handa na ako ngayong dumalaw sa inyo sa ikatlong pagkakataon. At tulad ng dati, hindi ako hihingi ng tulong sa inyo dahil kayo ang gusto ko at hindi ang inyong ari-arian. Para ko kayong mga anak. Di baʼt ang mga magulang ang nag-iipon para sa kanilang mga anak at hindi ang mga anak para sa mga magulang? 15 Ang totoo, ikaliligaya kong gugulin ang lahat at ialay pati ang aking sarili para sa inyo. Ngunit bakit katiting lang ang isinusukli ninyo sa sobra-sobrang pagmamahal ko sa inyo?

16 Sumasang-ayon kayo na hindi nga ako naging pabigat sa inyo, pero may nagsasabi pa rin na nilinlang ko kayo at dinaya sa ibang paraan. 17 Pero paano? Alam naman ninyong hindi ako nagsamantala sa inyo sa pamamagitan ng mga kapatid na pinapunta ko riyan. 18 Noong pinapunta ko sa inyo si Tito, kasama ang isang kapatid, nagsamantala ba siya sa inyo? Hindi! Sapagkat iisang Espiritu ang aming sinusunod,[r] at iisa ang aming layunin.

19 Baka sa simula pa iniisip na ninyo na wala kaming ginagawa kundi ipagtanggol ang aming sarili. Aba, hindi! Sa presensya ng Dios at bilang mga Cristiano, sinasabi namin sa inyo, mga minamahal, na lahat ng aming ginagawa ay para sa ikatitibay ng inyong pananampalataya. 20 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay makita ko kayong iba sa aking inaasahan at makita rin ninyo akong iba sa inyong inaasahan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway-away, nag-iinggitan, nagkakagalit, nagmamaramot, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay ipahiya ako ng aking Dios sa inyong harapan. At baka maging malungkot ako dahil marami sa inyo ang nagkasala na hanggang ngayon ay hindi pa nagsisisi sa kanilang kalaswaan, sekswal na imoralidad, at kahalayan.

Pangwakas na mga Bilin at mga Pangangamusta

13 Ito na ang pangatlong pagdalaw ko sa inyo. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang anumang kaso ng isa laban sa kapwa ay dapat patotohanan ng dalawa o tatlong saksi.”[s] Ngayon, binabalaan ko ang mga nagkasala noon, pati na rin ang lahat, na walang sinumang makakaligtas sa aking pagdidisiplina. Sinabi ko na ito noong pangalawang pagbisita ko riyan, at inuulit ko ngayon habang hindi pa ako nakakarating. Gagawin ko ito para patunayan sa inyo na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko, dahil ito rin ang hinahanap ninyo sa akin. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na nagpakababa siya[t] nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Dios. Ganoon din naman, nagpapakababa rin kami[u] bilang mga mananampalataya ni Cristo. Pero nabubuhay kami sa kapangyarihan ng Dios para makapaglingkod sa inyo.

Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang may pananampalataya kayo kay Cristo. Tingnan ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi nʼyo ba alam na si Cristo ay nasa inyo? – maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya. Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Cristo. Ipinapanalangin namin sa Dios na hindi kayo gagawa ng kahit anumang masama. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi para patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin man nilang hindi kami tunay na mga apostol. Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. Nagagalak kami dahil sa aming pagpapakumbaba ay naging matatag kayo sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na walang makitang kapintasan sa inyo. 10 Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako riyan, para pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.

11 Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo.[v] Sikapin ninyo na walang makitang kapintasan sa inyo, at sundin ninyo ang mga payo ko. Magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Nang sa ganoon, ang Dios na pinanggagalingan ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.

12 Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Cristo.[w]

Kinukumusta kayong lahat ng mga mananampalataya[x] rito.

13 Nawaʼy sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Dios, at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu.[y]

1-2 Mula kay Pablo na isang apostol, kasama ang lahat ng kapatid dito. Ang pagka-apostol ko ay hindi galing sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at ng Dios Ama na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan.

Mahal kong mga kapatid sa mga iglesya[z] diyan sa Galacia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Inialay ni Cristo ang sarili niya para sa mga kasalanan natin, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama. Ginawa niya ito para mailigtas tayo sa kasamaan nitong kasalukuyang mundo. Purihin natin ang Dios magpakailanman! Amen.

Iisa Lang ang Magandang Balita

Nagtaka ako dahil ang dali ninyong tumalikod sa Dios na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Bumaling kayo sa ibang magandang balita na hindi naman totoo. Ang totoo, walang ibang magandang balita. Nasabi ko ito dahil may mga taong nanggugulo sa inyo, at gusto nilang baluktutin ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. Sumpain nawa ng Dios ang sinuman – kami o maging isang anghel galing sa langit – na mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa ipinangaral namin sa inyo. Sinabi na namin sa inyo noon at muli kong sasabihin: Kung may mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa tinanggap ninyo, sumpain siya ng Dios! 10 Huwag ninyong isipin na ang nais ko ay malugod sa akin ang tao. Hindi! Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.

Paano Naging Apostol si Pablo

11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo ay hindi gawa-gawa lang ng tao. 12 At hindi ko rin ito tinanggap o natutunan mula sa mga tao, kundi ipinahayag mismo sa akin ni Jesu-Cristo.

13 Alam naman ninyo ang dati kong pamumuhay noong kasapi ako sa relihiyon ng mga Judio. Inusig ko nang lubos ang iglesya ng Dios at sinikap ko itong lipulin. 14 At tungkol naman sa pagsunod sa relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang marami sa mga kaedad ko, dahil tapat kong sinunod ang mga tradisyong nanggaling pa sa mga ninuno namin.

15-16 Ngunit sa awa ng Dios, bago pa man ako ipanganak, pinili na niya ako at tinawag upang ihayag sa akin ang kanyang Anak para maipangaral siya sa mga hindi Judio. Nang mangyari ito, hindi ako sumangguni kaninuman. 17 Hindi rin ako pumunta sa Jerusalem para makipagkita sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip, pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damascus. 18 Pagkatapos ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem para makipagkita kay Pedro. Dalawang linggo akong namalagi sa kanya. 19 Wala na akong nakita pang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

20 Totoo ang lahat ng sinasabi ko sa sulat na ito, at alam ng Dios na hindi ako nagsisinungaling.

21 Pagkatapos, pumunta na ako sa Syria at Cilicia. 22 Nang panahong iyon, hindi pa ako personal na nakikita ng mga iglesya sa Judea na nakay Cristo. 23 Nabalitaan lang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral na ngayon ng tungkol sa pananampalatayang sinikap niyang puksain noon. 24 Kaya pinapurihan nila ang Dios dahil sa ginawa niya sa akin.

Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol

Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.

Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.

Pinagsabihan ni Pablo si Pedro

11 Noong dumating si Pedro sa Antioc, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya. 12 Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga hindi Judio. Pero nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga hindi Judio. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Judiong nagpupumilit na magpatuli ang mga hindi Judio para maligtas. 13 Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Judio ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin.

14 Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga hindi Judio na mamuhay na parang mga Judio? Ikaw nga mismo na isang Judio ay namumuhay na parang hindi Judio.”

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

15 Kaming mga ipinanganak na Judio ay iba sa mga hindi Judio na itinuturing ng mga kapwa naming Judio na makasalanan. 16 Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kaming mga Judio ay sumampalataya rin kay Cristo Jesus para maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami sa kagustuhan naming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, masasabi bang si Cristo ang dahilan ng pagiging makasalanan namin? Hindi! 18 Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. 19 Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios. 20 Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. 21 Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!

Ang Pagsunod sa Kautusan at ang Pananampalataya kay Cristo

Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Hindi ba kayo makaintindi? Bakit kayo naniniwala sa mga nanlilinlang sa inyo? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang kahulugan ng pagkamatay ni Cristo sa krus? Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap nʼyo ba ang Banal na Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan, o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan nʼyo? Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili nʼyong pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan? Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Dios ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap nʼyo ba ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?

Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Dios, kaya itinuring siyang matuwid.”[aa] Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham. Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[ab] Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.

10 Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Dios. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”[ac] 11 Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harap ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan dahil sinasabi sa Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Dios dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”[ad] 12 Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito.”[ae] 13 Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.”[af] 14 Ginawa ito ng Dios para ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo Jesus; at para matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios

15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[ag] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.

19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.

21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.

23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya. 24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid. 25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®