Bible in 90 Days
Mga Anak ng Dios sa Pananampalataya
26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. 27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo[a] at namumuhay kayong katulad niya. 28 Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. 29 At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.
4 Ito ang ibig kong sabihin: Habang bata pa ang tagapagmana, wala siyang ipinagkaiba sa mga alipin kahit kanya ang lahat ng ari-arian. 2 Itinatagubilin siya sa mga taong nag-aalaga sa kanya at namamahala ng mga ari-arian niya hanggang sa araw na itinakda ng kanyang ama.
3 Ganoon din naman ang kalagayan natin bago dumating si Cristo[b] – inalipin tayo ng mga panuntunan ng mundong ito. 4 Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan 5 para palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa ganoon ay maging anak tayo ng Dios. 6 At dahil mga anak na tayo ngayon ng Dios, isinugo ng Dios ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama.” 7 Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Dios, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia
8 Noong hindi nʼyo pa kilala ang Dios, naging alipin kayo ng mga dios-diosan. 9 Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Dios (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Dios bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! 11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.
Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?
17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!
Ang Halimbawa ni Sara at Hagar
21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? 22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa kanyang alipin na si Hagar, at ang isa naman ay anak niya sa asawa niya na si Sara. 23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ngunit ang anak niya sa kanyang asawa ay ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Dios kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya. 25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem. Sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan. 26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan. 27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:
“Matuwa ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak!
Humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.
Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,
mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa.”[c]
28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Dios ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ishmael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan. 30 Pero ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng hindi alipin.”[d] 31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng hindi alipin.
Ang Ating Kalayaan kay Cristo
5 Pinalaya tayo ni Cristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya nʼyo at huwag na kayong magpaaliping muli. 2 Tandaan nʼyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo para maging katanggap-tanggap sa Dios, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Cristo para sa inyo. 3 Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli para maging katanggap-tanggap sa Dios ay obligadong sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng Kautusan ay nahiwalay na kay Cristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Dios. 5 Ngunit umaasa kami at nananalig na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya namin, ituturing kaming matuwid ng Dios. 6 Sapagkat sa mga nakay Cristo, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan.
7 Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi maaaring ang Dios ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya. 9 Isipin nʼyo sana na ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina. 10 Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Dios ang mga nanggugulo sa inyo maging sino man sila.
11 May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli para maging katanggap-tanggap sa Dios. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba. 12 At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan nʼyo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayoʼt magtulungan. 14 Sapagkat ang buod ng buong Kautusan ay nasa isang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”[e] 15 Ngunit kung patuloy kayong mag-aaway-away na parang mga hayop, baka tuluyan na ninyong masira ang buhay ng isaʼt isa.
Ang Pamumuhay sa Banal na Espiritu
16 Kaya mamuhay kayo nang ayon sa nais ng Banal na Espiritu para hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang nais ng Espiritu ay laban sa ninanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang gusto ninyong gawin. 18 Ngunit kung nagpasakop na kayo sa Banal na Espiritu, hindi na kayo sakop ng Kautusan.
19 Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay makikilala sa gawa nila: sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga dios-diosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkasakim,[f] pagkagalit, pagkakawatak-watak, pagkakahati-hati, 21 pagkainggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binabalaan ko kayo tulad ng ginawa ko na noon: Ang mga namumuhay nang ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.
22 Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Kung ganito ang pamumuhay natin hindi natin malalabag ang mga utos ng Dios. 24 Ipinako na ng mga nakay Cristo ang pagnanasa at masasamang hangarin ng kanilang laman doon sa krus. 25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito. 26 Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.
Magtulungan Tayo
6 Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. 2 Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. 4 Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, 5 dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. 9 Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Mga Huling Bilin
11 Mapapansin ninyo na malalaki na ang mga letrang nakasulat dito. Ako na ang sumulat nito.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyong magpatuli na magbigay-lugod sa kapwa nila Judio. Sapagkat natatakot silang usigin ng mga ito kung ituturo nila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang siyang makapagliligtas sa tao. 13 Sila mismong mga tinuli ay hindi naman sumusunod sa Kautusan. Ipinagpipilitan lang nila na magpatuli kayo para maipagmalaki nila na sumusunod kayo sa seremonyang ito.
14 Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo. 15 Hindi na mahalaga kung tuli tayo o hindi. Ang tanging mahalaga ay kung binago na tayo ng Dios.
16 Sa lahat ng pinili ng Dios[g] at namumuhay ayon sa mga turo kong ito, sumainyo nawa ang kapayapaan at awa ng Dios.
17 Mula ngayon, huwag nʼyo na akong guluhin. Ang tanda ng mga sugat sa katawan ko ay nagpapatunay na sinusunod ko si Jesus.
18 Mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios.
Mahal kong mga pinabanal[h] sa Efeso, mga matatapat na nakay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. 12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. 13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya nʼyo sa ating Panginoong Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Dios dahil sa inyo. At lagi ko kayong ipinapanalangin. 17 Hinihiling ko sa Dios, ang dakilang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo nʼyo pa siyang makilala. 18 Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal. 19-20 Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit. 21 Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Ang titulo niya ay hindi mapapantayan ninuman, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. 22 Ipinailalim ng Dios kay Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang pangulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya 23 na siyang katawan ni Cristo. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Cristo na siyang bumubuo sa lahat.
Binuhay Kayo Kasama ni Cristo
2 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan. 2 Namuhay kayong gaya ng mga taong makamundo. Sakop kayo noon ng kapangyarihan ni Satanas, ang hari ng mga espiritung naghahari sa mundo. At siya rin ang espiritung kumikilos sa puso ng mga taong ayaw sumunod sa Dios. 3 Dati, namuhay din tayong katulad nila. Namuhay tayo ayon sa pagnanasa ng laman at sinunod natin ang masasamang hilig ng katawan at pag-iisip. Sa kalagayan nating iyon, kasama rin sana nila tayo na nararapat parusahan ng Dios.
4 Ngunit napakamaawain ng Dios at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin, 5 na kahit itinuring tayong patay dahil sa mga kasalanan natin, muli niya tayong binuhay kasama ni Cristo. (Kaya naligtas tayo dahil lamang sa biyaya ng Dios.) 6 At dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binuhay tayo ng Dios mula sa mga patay kasama ni Cristo, para maghari tayong kasama niya sa kaharian sa langit. 7 Ginawa niya ito para maipakita niya sa lahat, sa darating na panahon, ang hindi mapapantayang kasaganaan ng biyaya niya at kabutihan na ibinigay niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8 Dahil sa biyaya ng Dios, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Cristo. Kaloob ito ng Dios, at hindi galing sa inyo. 9 Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, para walang maipagmalaki ang sinuman. 10 Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Dios na gawin natin.
11 Alalahanin nʼyo ang kalagayan ninyo noon bilang mga hindi Judio. Ipinanganak kayong hindi mga Judio at sinasabi ng mga Judio na wala kayong kaugnayan sa Dios dahil sa hindi kayo katulad nila na mga tuli, pero ang pagkakatuling ito ay sa laman lang. 12 Alalahanin nʼyo rin na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Cristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Dios na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios. 13 Ngunit kayo ngayon ay na kay Cristo na. Malayo kayo noon sa Dios, pero ngayon ay malapit na kayo sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 At sa pamamagitan ng kamatayan niya, pinagkasundo niya tayo. Pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. 15 Ang pader na giniba niya ay ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito para pag-isahin ang mga Judio at hindi Judio, nang sa ganoon ay magkasundo na ang dalawa. 16 Ngayong iisang katawan na lang tayo sa pamamagitan ng kamatayan niya sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Dios. 17 Pumarito si Cristo at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga hindi Judio na noong unaʼy malayo sa Dios, at maging sa aming mga Judio na malapit sa Dios. 18 Ngayon, tayong lahat ay makakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Banal na Espiritu dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin. 19 Kaya kayong mga hindi Judio ay hindi na mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kaisa na ng mga pinabanal[i] at kabilang sa pamilya ng Dios. 20 Tayong mga mananampalataya ay katulad ng gusali na ang mga haligi ay ang mga apostol at mga propeta, at ang pundasyon ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan ni Cristo, ang lahat ng bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 At dahil kayo ay nakay Cristo, bahagi na rin kayo nitong gusaling itinatayo, kung saan nananahan ang Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.
Ang Plano ng Dios sa mga Hindi Judio
3 Akong si Pablo ay nabilanggo dahil sa paglilingkod ko kay Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo na kayong mga hindi Judio ay kasama rin sa mga pagpapala ng Dios. 2 Siguradong nabalitaan nʼyo na dahil sa biyaya ng Dios, ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo. 3 Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito,[j] ang Dios mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano para sa inyo. 4 Habang binabasa nʼyo ang sulat kong ito,[k] malalaman nʼyo ang pagkakaunawa ko tungkol sa lihim na plano ng Dios para sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. 5 Hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon, pero ipinahayag na niya ngayon sa mga banal[l] na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 6 At ito nga ang plano ng Dios: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus.
7 Dahil sa biyaya ng Dios, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. 8 Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya,[m] ipinagkaloob pa rin sa akin ng Dios ang pribilehiyong ipangaral sa mga hindi Judio ang hindi masukat na biyayang galing kay Cristo, 9 at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Dios. Noong unaʼy inilihim ito ng Dios na lumikha ng lahat ng bagay, 10 para sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan. 11 Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin. 12 Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan. 13 Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil para ito sa ikabubuti[n] ninyo.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[o] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Iisang Katawan kay Cristo
4 Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. 2 Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. 3 Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. 4 Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. 5 Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. 6 Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.
7 Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. 8 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[p]
9 (Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[q] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.
20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.
25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[r] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[s] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.
Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan
5 Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. 2 Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.
3 Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. 4 At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. 5 Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.
6 Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail. 7 Huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. 8 Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. 9 (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) 10 Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila. 12 (Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.) 13 Pero kung pagsasabihan nʼyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. 14 Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag ng katotohanan. Kaya nga sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay
at liliwanagan ka ni Cristo.”
15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios. 16 Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. 17 Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo.
18 Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19 Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Dios Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[t]
Aral sa mga Mag-asawa
21 Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.
22 Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26 upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios. 27 Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28 Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29-30 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Cristo sa atin dahil bahagi tayo ng kanyang katawan na tinatawag na iglesya.
31 Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”[u] 32 Kamangha-mangha itong malalim na katotohanan na ipinahayag ng Dios. Isinasalarawan nito ang ugnayan ni Cristo at ng iglesya niya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang nʼyo ang inyong asawa.
Aral sa mga Magulang at mga Anak
6 Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon. 2 “Igalang nʼyo ang inyong amaʼt ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. 3 At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa.”[v]
4 At kayo namang mga magulang,[w] huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.
Aral sa mga Alipin at mga Amo
5 Mga alipin, sundin nʼyo ang inyong mga amo rito sa lupa nang may katapatan, paggalang at pagkatakot na parang si Cristo ang pinaglilingkuran ninyo. 6 Gawin nʼyo ito nang kusang-loob hindi dahil nakatingin sila para silaʼy malugod, kundi dahil mga alipin kayo ni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Dios. 7 Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na para bang ang Panginoon mismo ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 8 Alalahanin ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa ginawa niyang mabuti, maging alipin man siya o hindi.
9 At kayo namang mga amo, tratuhin ninyo nang mabuti ang inyong mga alipin at huwag ninyo silang tatakutin o pagbabantaan, dahil alam naman ninyong kayo at sila ay may iisang amo sa langit, at wala siyang kinikilingan kahit sino.
Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios
10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.
14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[x] 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.
Mga Pangwakas na Pagbati
21 Si Tykicus, na minamahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat tungkol sa akin, para malaman nʼyo ang kalagayan ko at kung ano ang mga ginagawa ko. 22 Ito ang dahilan kung bakit pinapupunta ko siya sa inyo: Para malaman nʼyo ang tungkol sa amin at mapalakas niya ang loob ninyo.
23 Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan, pag-ibig at pananampalatayang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesu-Cristo ang lahat ng nagmamahal sa kanya nang tapat.
Pagbati mula kay Pablo
1 Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[y] ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga banal[z] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, 4 at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; 5 dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6 Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. 7 Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8 Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9 Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
Ang Kagalakan ni Pablo na Naipapangaral si Cristo
12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. 15 Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16 Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Dios para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Cristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18 Pero walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Nagagalak pa nga ako sa mga pangyayari dahil kahit papaano, naipapangaral si Cristo, tama man o mali ang hangarin nila. At patuloy akong magagalak, 19 dahil alam ko na sa pamamagitan ng mga panalangin nʼyo at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo ay makakalaya ako. 20 Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob para sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Cristo. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.
27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.
Ang Pagpapakumbaba ni Cristo
2 Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Cristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Banal na Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? 2 Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. 3 Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. 4 Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. 5 Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo:
6 Kahit na nasa kanya ang katangian ng Dios, hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat panghawakan.
7 Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin. 8 At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus.
9 Kaya naman itinaas siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo,
10 upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya.
11 At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama.
Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag
12 Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay[aa] ang kaligtasang tinanggap nʼyo, at gawin nʼyo ito nang may takot at paggalang sa Dios. 13 Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya.
14 Gawin nʼyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan nʼyo[ab] ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. At kung gagawin nʼyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Cristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo[ac] sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.
Si Timoteo at si Epafroditus
19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko riyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, para masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20 Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21 Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam nʼyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23 Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24 At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.
25 Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin ang kapatid nating si Epafroditus na pinapunta nʼyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at tagapagtanggol ng Magandang Balita. 26 Pababalikin ko na siya sa inyo dahil sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Dios sa kanya at maging sa akin, dahil pinagaling siya at naligtas naman ako sa matinding kalungkutan. 28 Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita nʼyo na siya ulit, at hindi na rin ako mag-aalala para sa inyo. 29 Kaya tanggapin nʼyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang nʼyo ang mga taong tulad niya, 30 dahil nalagay sa panganib ang buhay niya para sa gawain ni Cristo. Itinaya niya ang buhay niya para matulungan ako bilang kinatawan ninyo.
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. 2 Mag-ingat kayo sa mga Judio na namimilit na tuliin ang mga hindi Judio. Mga asal-hayop sila at gumagawa ng masama. 3 Ngunit tayo ang totoong tuli,[ad] dahil sumasamba tayo sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Cristo Jesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan para maligtas tayo. 4 Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako. 5 Sapagkat noong walong araw pa lamang ako ay tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin. Kaya kung pagiging tunay na Judio ang pag-uusapan, talagang tunay akong Judio. At kung pagsunod sa Kautusan ng mga Judio naman ang pag-uusapan, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. 6 Kung tungkol naman sa sigasig ng pagsunod ko sa relihiyon ng mga Judio, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan. 7 Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo. 8 At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo, 9 at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.
Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala
12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako. 13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14 Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 15 Tayong malalago sa pananampalataya ay magkaroon sana ng ganitong kaisipan. Pero kung hindi ganito ang pag-iisip nʼyo, ipapaunawa ito sa inyo ng Dios. 16 Ang mahalaga ay patuloy nating sinusunod ang mga katotohanang natutunan na natin.
17 Mga kapatid, tularan nʼyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin. 18 Sapagkat maraming namumuhay na salungat sa aral tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo ang tungkol sa kanila, at naluluha akong ipaalala ulit ito sa inyo ngayon. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidios nila ang kanilang tiyan.[ae] Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay. 20 Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.
Mga Bilin
4 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.
2 Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. 3 At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[af]
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!
5 Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. 7 Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.
8 Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. 9 Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong
10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin. 14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan nʼyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala nʼyo sa akin sa pamamagitan ni Epafroditus, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. 20 Purihin natin ang ating Dios at Ama magpakailanman. Amen.
Mga Huling Pangangamusta
21 Ikumusta nʼyo ako sa lahat ng mga pinabanal[ag] diyan ng Dios na nakay Cristo Jesus. Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Cristo na kasama ko rito. 22 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga pinabanal ng Dios dito, lalung-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador.
23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na kapatid natin.
2 Mahal kong mga taga-Colosas, pinabanal[ah] at matatapat na kapatid na nakay Cristo:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Colosas
3 Lagi kaming nagpapasalamat sa Dios na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa tuwing nananalangin kami para sa inyo. 4 Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya nʼyo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios, 5 dahil umaasa kayong makakamtan ninyo ang mga inilaan para sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita. 6 At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios. 7 Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin. 8 Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Banal na Espiritu.
9 Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, patuloy namin kayong ipinapanalangin. Hinihiling namin sa Dios na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Banal na Espiritu para lubusan ninyong malaman ang kalooban niya. 10 Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios. 11 Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, para makatagal at makapagtiis kayo sa lahat ng bagay nang may kagalakan. 12 At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makabahagi sa mamanahin ng mga pinabanal niya, ang manang nasa kinaroroonan ng kaliwanagan. 13 Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. 14 At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan.
Ang Kadakilaan ni Cristo
15 Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17 Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18 Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan[ai] nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. 19 Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, 20 at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo[aj] ni Cristo sa krus.
21 Noong una ay malayo kayo sa Dios, at naging kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. 22 Pero ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Cristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. 23 Pero kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.
Ang Paghihirap ni Pablo para sa mga Mananampalataya
24 Masaya ako sa mga nararanasan kong paghihirap ng katawan ko para sa inyo. Dahil dito, napupunan ko ang kulang sa mga paghihirap ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Itinalaga ako ng Dios na maging tagapaglingkod ng iglesya para lubusang ipahayag ang mensahe niya sa inyo na mga hindi Judio. 26 Ito ang lihim niyang plano na hindi inihayag noon sa naunang mga panahon at mga salinlahi, pero ngayon ay inihayag na sa atin na mga pinabanal niya. 27 Nais ng Dios na ihayag sa atin ang dakila at kamangha-mangha niyang plano para sa lahat ng tao. At ito ang lihim na plano: Si Cristo ay sumasainyo at ito ang basehan ng pag-asa ninyo na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap. 28 Kaya nga ipinangangaral namin si Cristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ibinigay sa amin ng Dios. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa sa Dios nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Cristo. 29 At para matupad ito, nagpapakahirap ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.
2 Nais kong malaman nʼyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko para sa inyo, ganoon din sa mga nasa Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakilala sa akin nang personal. 2 Ginagawa ko ito para palakasin ang loob ninyong lahat at pag-isahin kayo sa pag-ibig. Sa ganoon, malalaman at mauunawaan nʼyo nang lubos ang lihim na plano ng Dios tungkol kay Cristo. 3 Si Cristo ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan at kaalaman.
4 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para hindi kayo malinlang ninuman sa pamamagitan ng magagaling nilang pangangatwiran. 5 Kahit wala ako riyan sa inyo, lagi kayong nasa isipan ko. At masaya ako dahil maayos ang pamumuhay nʼyo at matatag ang inyong pananampalataya kay Cristo.
Si Cristo ang Dapat Nating Sundin
6 Dahil tinanggap nʼyo na si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. 7 Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.
8 Mag-ingat kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapandayang pilosopiya. Mga tradisyon lang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Cristo. 9 Kaya huwag kayong padadala, dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo. 10 At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.
11 Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Cristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuli na ito ay hindi pisikal kundi espiritwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Inilibing kayong kasama ni Cristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Cristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Dios na bumuhay sa kanya. 13 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga kasalanan ninyo. Pero ngayon, binuhay kayo ng Dios kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang lahat ng kasalanan natin. 14 May pananagutan dapat tayo sa Dios dahil hindi natin matupad ang Kautusan. Pero inalis ito ng Dios sa pamamagitan ng pagkapako ni Cristo sa krus. Kaya hindi na tayo parurusahan. 15 Doon din sa krus nilupig ng Dios ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.
16 Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. 17 Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito. 18 Huwag kayong padadaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. 19 Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Dios.
Ang Bagong Buhay Kay Cristo
20 Namatay kayong kasama ni Cristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, kaya bakit namumuhay pa rin kayo na parang mga makamundo? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyon,” “Huwag hihipo niyan”? 22 Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin. 23 Sa unang tingin, parang may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Pero ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.
3 Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios. 2 Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay. 3 Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatago sa Dios kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang buhay ninyo, at kapag dumating na ang panahon na nahayag na siya, mahahayag din kayo at makikibahagi sa kapangyarihan niya at karangalan.
Ang Dati at ang Bagong Buhay
5 Kaya patayin nʼyo na ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan. 6 Parurusahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon. 7 Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon. 8 Pero ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at mga bastos na pananalita. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, 10 at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Dios na lumikha nito, para maging katulad niya tayo at para makilala natin siya nang lubusan. 11 Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli, ang naturuan sa hindi naturuan, at ang alipin sa malaya dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at siyaʼy nasa ating lahat.
12 Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. 13 Magpasensiyahan kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Cristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.
16 Itanim ninyong mabuti sa mga puso nʼyo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal na may pasasalamat sa Dios sa mga puso ninyo. 17 At anuman ang ginagawa nʼyo, sa salita man o sa gawa, gawin nʼyo ang lahat bilang mananampalataya sa Panginoong Jesus,[ak] at magpasalamat kayo sa Dios Ama sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Relasyon sa Kapwa
18 Mga babae, magpasakop kayo sa asawa nʼyo, dahil iyan ang nararapat gawin bilang mananampalataya sa Panginoon.
19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan.
20 Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang nʼyo sa lahat ng bagay, dahil kalugod-lugod ito sa Panginoon.
21 Mga magulang,[al] huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo para hindi sila panghinaan ng loob.
22 Mga alipin, sundin nʼyo sa lahat ng bagay ang mga amo nʼyo rito sa lupa. Hindi lang dahil nakatingin sila at nais ninyong malugod sila sa inyo, kundi gawin ninyo ito nang buong puso at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang gawin nʼyo, gawin nʼyo ito nang buong katapatan na parang ang Panginoon ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 24 Alam naman ninyong may gantimpala kayong matatanggap sa Panginoon, dahil si Cristo na Panginoon natin ang siyang pinaglilingkuran ninyo. 25 Ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan ayon sa kasalanan niya, dahil ang Dios ay walang pinapaboran.
4 Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa mga alipin ninyo. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.
Ang Ilan pang mga Bilin
2 Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. 3 Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. 4 Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. 6 Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.
Mga Pangangamusta
7 Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tykicus ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman nʼyo ang kalagayan namin, nang lumakas naman ang loob ninyo. 9 Kasama niya sa pagpunta riyan si Onesimus, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari rito.
10 Kinukumusta kayo nina Aristarcus na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya riyan.) 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Dios, at pinapalakas nila ang loob ko.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. 13 Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.
15 Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nymfa at sa mga mananampalataya[am] na nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila. 17 Pakisabi kay Arkipus na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako, si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito.
Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan.
Pagpalain nawa kayo ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®