The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo
24 Napahinto(A) nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.
5 Nang(B) panahong iyon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido ay nagpahayag ng propesiya sa pangalan ng Diyos ng Israel tungkol sa mga Judiong nakatira sa Juda at Jerusalem. 2 Nang(C) marinig sila ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ni Josue na anak ni Jozadak, ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos.
3 Agad namang dumating si Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates at si Setar-bozenai, kasama ang iba pang mga pinuno. Tinanong ng mga ito sina Zerubabel at Josue, “Sinong nag-utos sa inyo na gawin at tapusin ang templong ito?” 4 Tinanong pa nila,[a] “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking nagtatrabaho rito?” 5 Ngunit binantayan ng Diyos ang pinuno ng mga Judio kaya't hindi sila pinakialaman ng mga pinunong taga-Persia habang hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito kay Emperador Dario at habang hinihintay nila ang sagot ng hari. 6 Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari:
7 “Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario.
8 “Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa.
9 “Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo. 10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.
11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit(D) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia. 13 Ngunit,(E) noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos. 14 Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio. 15 Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar. 16 Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’
17 “Ngayon, kung mamarapatin po ng Inyong Kamahalan, ipahanap po ninyo sa mga taguan ng mga kasulatan ng kaharian sa Babilonia kung tunay ngang ipinag-utos ni Haring Ciro na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Hinihiling po namin na ipabatid ninyo sa amin ang inyong pasya sa bagay na ito.”
Muling Natagpuan ang Utos ni Haring Ciro
6 Nagpalabas nga ng isang utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatan ng kaharian na nakatago sa Babilonia. 2 At sa lunsod ng Ecbatana, sa palasyong nasa lalawigan ng Media, natagpuan ang isang kasulatan na ganito ang nakasulat:
3 “Nang unang taon ng paghahari ni Ciro, nagpalabas ito ng isang utos na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem upang doo'y mag-alay at magsunog ng mga handog. Kailangang ang Templo'y 27 metro ang taas at 27 metro rin ang luwang. 4 Ang bawat pundasyon nito'y dapat na tatlong patong ng malalaking bato at sa ibabaw ng mga ito'y ipapatong naman ang isang troso. Lahat ng kaukulang bayad dito ay kukunin mula sa kabang-yaman ng hari. 5 Ang mga ginto't pilak na kagamitan sa Templo ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ding isauli sa pinaglagyan nito sa Templo sa Jerusalem.”
Iniutos ni Dario na Ipagpatuloy ang Pagtatrabaho
6 Nang mabasa ito ni Haring Dario, gumawa siya ng liham bilang sagot kay Tatenai at sa mga kapanalig nito.
“Kay Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kasamahan nilang pinuno sa Kanluran-ng-Eufrates.
“Huwag na kayong makialam diyan. 7 Hayaan ninyong ipagpatuloy ng gobernador at ng pinuno ng mga Judio ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa dati nitong kinatatayuan. 8 Iniuutos ko ring tumulong kayo sa gawaing ito. Ang lahat ng gastos dito ay kunin ninyo sa kabang-yaman ng kaharian na mula sa mga buwis ng Kanluran-ng-Eufrates. Dapat na bayaran agad ng husto ang mga taong ito upang hindi maantala ang gawain. 9 Kailangang araw-araw kayong magbigay ng lahat ng mga hinihingi ng mga pari sa Jerusalem, gaya ng batang toro, lalaking tupa, at kordero na sinusunog bilang handog sa Diyos ng kalangitan; pati na trigo, asin, alak, at langis. 10 Gawin ninyo ito upang patuloy silang makapag-alay ng mababangong handog sa Diyos ng kalangitan at upang lagi nilang ipanalangin na pagpalain ang hari at ang mga anak nito. 11 Ipinag-uutos ko rin na parusahan ang sinumang sumuway o magtangkang baguhin ang utos kong ito: Isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay. Patutulisin ang isang dulo nito at itutuhog sa katawan ng taong iyon. Ang kanyang bahay naman ay gagawing isang bunton ng basura. 12 Pinili ng Diyos ang Jerusalem upang doo'y sambahin siya. Kaya pabagsakin nawa niya ang sinumang hari o alinmang bansa na susuway sa utos na ito at magtatangkang wasakin ang Templong ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nag-uutos nito kaya't dapat itong lubusang ipatupad.”
Itinalaga ang Templo
13 Lubos ngang ipinatupad nina Tatenai na gobernador, at Setar-bozenai, pati na ng kanilang mga kasamahang pinuno, ang ipinag-utos ni Haring Dario. 14 Patuloy(F) namang nagtrabaho ang pinuno ng mga Judio at malaking bahagi na rin ang kanilang nagagawa dahil pinapalakas ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang kanilang loob. Tinapos nila ang pagtatayo ng Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na magkakasunod na naging mga hari ng Persia. 15 Nang ikatlong araw ng ikalabindalawang buwan, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Dario, natapos nila ang pagtatayo sa Templo. 16 Ang buong sambayanang Israel—mga pari at Levita, at ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng Templo ng Diyos. 17 Sa pagtatalagang ito, nag-alay sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki, at 400 kordero; labindalawang kambing na lalaki naman ang inihandog nila para sa kasalanan ng buong Israel—isa para sa bawat lipi ng Israel. 18 Inilagay nila ang mga pari at Levita sa kani-kanilang tungkulin para sa paglilingkod sa Diyos sa Templo sa Jerusalem gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
Ang Paskwa
19 Pagsapit(G) ng ika-14 na araw ng unang buwan ng sumunod na taon, ang Paskwa ay ipinagdiwang ng mga bumalik mula sa pagkabihag. 20 Sama-samang nilinis ng mga pari at Levita ang kanilang mga sarili ayon sa kautusan. At pagkatapos ay pinatay na nila ang mga korderong pampaskwa para sa mga bumalik mula sa pagkabihag, para sa kanilang mga kapwa pari, at para sa kanilang sarili. 21 Ang mga handog ay kinain ng buong sambayanan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag. Kasalo nila ang lahat ng taong nakipagdiwang sa kanila, mga taong tumalikod na sa mga paganong gawain ng mga naninirahan sa lupaing iyon upang sambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ay masaya nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tumulong sa kanila ang hari sa pagpapatayo ng Templo ng Diyos ng Israel. Punung-puno sila ng kagalakan dahil niloob ni Yahweh na magmalasakit sa kanila ang hari ng Asiria.
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako(A) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi(B) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(C) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(D) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama,
at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa.
27 Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi,
kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.