Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Nehemias 12:27-13:31

Itinalaga ni Nehemias ang Pader ng Lunsod

27 Nang italaga na ang pader ng Jerusalem, tinipon ang mga Levita sa Jerusalem upang sama-sama nilang ipagdiwang ang pagtatalaga. Ipinagdiwang ito sa saliw ng mga awit ng pasasalamat at ng tugtog ng pompiyang, alpa, at lira. 28 Ang mga mang-aawit na mula sa angkan ng mga Levita ay dumating mula pa sa paligid ng Jerusalem at mula sa kapatagan ng Netofa, 29 sa bayan ng Gilgal at sa kapatagan ng Geba at Azmavet. 30 Nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao. Nilinis din nila ang mga pintuan at mga pader ng lunsod.

31 Isinama ko sa ibabaw ng pader ng lunsod ang mga pinuno ng Juda. Pinamahala ko sila sa dalawang malaking pangkat ng mga mang-aawit na lilibot sa lunsod upang magpasalamat. Ang isang pangkat ay lumakad na papuntang kanan sa ibabaw ng pader patungo sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. 32 Kasunod nito ang kalahati ng mga pinuno ng Juda sa pangunguna ni Hosaias. 33 Nasa likuran nila sina Azarias, Ezra, Mesulam, 34 Juda, Benjamin, Semaias at Jeremias. 35 Hinihipan ng mga paring ito ang kanilang mga trumpeta habang sumusunod sina Zacarias, anak ni Jonatan at apo ni Semaias. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Matanias, Micaias, Zacur at Asaf. 36 Sumunod din ang kanyang kamag-anak na sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. Silang lahat ay may dalang mga instrumento sa musika na katulad ng tinugtog ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang pangkat na ito'y pinangunahan ni Ezra na dalubhasa sa Kautusan. 37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal nagtuloy silang paakyat sa Lunsod ni David. Lumampas sila sa palasyo ni David hanggang sa sumapit sila sa Pintuan ng Tubig sa gawing silangan ng lunsod.

38 Ang ikalawang pangkat na nagpasalamat din ay lumakad namang pakaliwa sa ibabaw ng pader. Sumunod ako sa pangkat na ito at lumakad kaming kasama ang kalahati ng mga taong bayan. Lumampas kami sa Tore ng mga Pugon papunta sa Maluwang na Pader. 39 Mula roo'y lumampas kami sa Pintuan ni Efraim, sa Pintuang Luma, tuloy sa Pintuan ng Isda, sa Tore ni Hananel, sa Tore ng Sandaan patungo sa Pinto ng mga Tupa. Huminto kami sa may pinto ng Templo. 40 Ang dalawang pangkat ng mga mang-aawit ay nagtagpo sa tapat ng templo. Bukod sa mga pinunong kasama ko, 41 kasama ko rin ang mga paring umiihip ng mga trumpeta na sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias at Hananias. 42 Kasunod nila sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Johanan, Malquijas, Elam at Ezer. Ang mga ito'y mang-aawit na pinangunahan ni Jezrahias. 43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at masayang nagdiwang ang mga tao dahil sa kagalakang dulot sa kanila ng Diyos. Pati mga babae at mga bata ay nagdiwang din kaya't ang ingay nila'y narinig sa malalayong lugar.

Ambagan para sa Pananambahan sa Templo

44 Nang araw ring iyon, nagtalaga sila ng mga lalaking mamamahala sa mga bodegang paglalagyan ng mga kaloob sa Templo gaya ng mga unang bunga at ikasampung bahagi ayon sa Kautusan. Sila ang kukuha ng mga kaloob para sa mga pari at mga Levita mula sa mga bukirin ng mga bayan, sapagkat sila ang inihanda sa paglilingkod sa gawaing ito. Nagalak naman ang mga taga-Juda sa mga pari at mga Levita, 45 sapagkat(A) tinupad nila ang utos ng Diyos tungkol sa pagiging malinis. Gumanap din ng kani-kanilang tungkulin ang mga mang-aawit at mga bantay ayon sa iniutos ni David, at ng anak nitong si Solomon. 46 Mula pa nang panahon ni Haring David at ng mang-aawit na si Asaf, ang mga mang-aawit na ang nangunguna sa mga awit ng pasasalamat at papuri sa Diyos. 47 Sa panahon naman ni Zerubabel at ni Nehemias, ibinibigay ng buong Israel ang kanilang mga kaloob araw-araw para sa pangangailangan ng mga mang-aawit at ng mga bantay sa Templo. Ibinibigay nila ang handog para sa mga Levita at ibinibigay naman ng mga Levita sa mga pari ang bahagi ng mga ito.

Paghiwalay sa mga Dayuhan

13 Nang(B) araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita. Ipinagbawal(C) ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.

Ang mga Repormang Ginawa ni Nehemias

Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan. Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo. Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat. Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo. Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias. Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso.

10 Nalaman(D) ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila. 11 Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin. 12 Dahil(E) dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega. 13 Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan. 14 Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.

15 Noon(F) ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga. 16 Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem. 17 Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga. 18 Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”

19 Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog. 21 Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga.

Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig.

23 Nalaman(G) ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. 24 Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. 25 Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 “Hindi(H) ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. 27 Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”

28 Isa(I) sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. 29 Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita.

30 Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. 31 Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy.

Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo.

1 Corinto 11:1-16

11 Tularan(A) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba

Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa,[a] at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. Hindi(B) dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, sapagkat(C) hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.

13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Awit 35:1-16

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
Ang iyong kalasag at sandatang laan,
    kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
    at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!

Silang nagnanasang ako ay patayin
    ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
    hadlangan mo sila at iyong lituhin.
Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
    habang tinutugis ng sinugong anghel.
Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
    ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
    ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
Hindi nila alam sila'y mawawasak,
    sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
    sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.

Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
    sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
    “Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
    Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
    at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”

11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
    at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
    nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
    nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14     Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
    wari'y inulila ng ina kong mahal.

15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
    sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
    halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
    sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.

Mga Kawikaan 21:17-18

17 Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,
    bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
18 Ang masamang balak sa taong matuwid
    ay babalik sa liko ang pag-iisip.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.