Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezra 7:1-8:20

Dumating si Ezra sa Jerusalem

Makalipas ang ilang panahon, nang si Artaxerxes ang hari ng Persia, dumating mula sa Babilonia ang isang lalaking nagngangalang Ezra. Nagmula siya sa angkan ni Aaron dahil ang kanyang ama na si Seraias ay anak ni Azarias na anak ni Hilkias. Si Hilkias naman ay anak ni Sallum na anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub na anak ni Amarias na anak ni Azarias. Si Azarias naman ay anak ni Meraiot na anak ni Zerahias na anak naman ni Uzi. Si Uzi ang anak ni Buki na anak ni Abisua na anak naman ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar at apo ni Aaron na pinakapunong pari. Si Ezra ay isang eskriba na dalubhasa sa Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Si Ezra ay pinatnubayan ni Yahweh na kanyang Diyos kaya't lahat ng kahilingan niya'y ipinagkaloob sa kanya ng hari. Noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes, umalis si Ezra sa Babilonia patungong Jerusalem, kasama ang isang pangkat ng mga Israelita na kinabibilangan ng mga pari at mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay sa pinto at mga tagapaglingkod sa Templo. 8-9 Umalis sila sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan, at sa patnubay ng kanyang Diyos ay dumating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan. 10 Buong sikap na pinag-aralan ni Ezra ang Kautusan ni Yahweh upang maisagawa niya ito at upang maituro niya sa bayang Israel ang mga batas at tuntunin nito.

Ang Dokumentong Ibinigay ni Artaxerxes kay Ezra

11 Ito ang nilalaman ng liham na ibinigay ni Haring Artaxerxes kay Ezra, ang pari at eskriba na dalubhasa sa Kautusang ibinigay ni Yahweh sa Israel:

12 “Buhat kay Haring Artaxerxes;[a] para kay Ezra na pari at eskriba ng Kautusan ng Diyos ng kalangitan,

13 “Ngayo'y ipinag-uutos ko na sinuman sa mga Israelita, mga pari man o mga Levita sa aking kaharian, na gustong sumama sa iyo pabalik sa Jerusalem ay pahihintulutan. 14 Isinusugo kita, at ng aking pitong tagapayo, upang siyasatin ang mga nagaganap sa Jerusalem at Juda. Alamin mo kung sinusunod nilang mabuti ang Kautusan ng iyong Diyos na ipinagkatiwala sa iyo. 15 Dalhin mo ang mga ginto at pilak na ipinagkakaloob ko at ng aking mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang Templo ay nasa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at gintong ipagkakaloob sa iyo mula sa buong lalawigan ng Babilonia, gayundin ang mga kusang-loob na handog na ibibigay ng mga Israelita at ng kanilang mga pari para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem.

17 “Tiyakin mong ang salaping ito ay gagamitin mo sa pagbili ng mga toro, mga lalaking tupa, at mga kordero, pati ng mga handog na pagkaing butil at alak na panghandog. Ihandog mo ang mga ito sa altar ng Templo ng Diyos na nasa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay maaari mong gamitin, pati na ng iyong mga kababayan, sa anumang naisin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Diyos. 19 Dalhin mo rin sa Templo ng iyong Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para gamitin sa paglilingkod sa Templo. 20 Kung may iba ka pang kakailanganin para sa Templo, kumuha ka mula sa kabang-yaman ng hari.

21 “Ako, si Haring Artaxerxes, ay nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates na ipagkaloob agad ninyo kay Ezra, na pari at dalubhasa sa Kautusan ng Diyos ng kalangitan, ang anumang hingin niya sa inyo. 22 Maaari ninyo siyang bigyan ng hanggang 3,500 kilong pilak, 100 malalaking sisidlang[b] puno ng trigo, 10 malalaking sisidlang puno ng alak, 10 malalaking sisidlang puno ng langis ng olibo, at gaano man karaming asin na kakailanganin. 23 Ibigay ninyo ang lahat ng kailangan sa templo na ipinag-uutos ng Diyos ng kalangitan. Kung hindi ay baka ibaling niya ang kanyang galit sa aking kaharian at sa aking mga anak. 24 Labag din sa batas na pagbayarin ng buwis ang mga pari, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, manggagawa o iba pang mga naglilingkod sa Templong ito ng Diyos.

25 “At ikaw naman, Ezra, gamitin mo ang karunungang ibinigay sa iyo ng iyong Diyos; maglagay ka ng mga tagapamahala at mga hukom na mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates. Ang ilalagay mo ay ang marurunong sa Kautusan ng Diyos. Sa hindi naman marurunong, ituro mo sa kanila ang Kautusan. 26 Ang lahat ng sumuway sa mga utos ng Diyos o sa mga utos ng hari ay paparusahan ng kamatayan, o pagkabihag, o pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o pagkabilanggo.”

Pinuri ni Ezra ang Diyos

27 Sinabi ni Ezra, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga ninuno! Inudyukan niya ang hari upang pagandahin ang Templo ni Yahweh na nasa Jerusalem. 28 Sa tulong ng Diyos, napapayag ko ang hari at ang kanyang mga tagapayo, pati ang lahat ng kanyang makapangyarihang pinuno. Lumakas ang aking loob sapagkat pinatnubayan ako ni Yahweh na aking Diyos upang tipunin at isama ang mga pangunahing lalaki ng Israel.”

Ang mga Bumalik Mula sa Babilonia

Ito ang listahan ng mga pinuno ng mga angkan na dinalang-bihag sa Babilonia at bumalik na kasama ni Ezra noong panahon ng paghahari ni Artaxerxes: Sa angkan ni Finehas ay si Gersom; sa angkan ni Itamar, si Daniel; sa angkan ni David ay si Hatus na anak ni Secanias; sa angkan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150 lalaki; sa angkan ni Pahat-moab ay si Eliehoenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200 lalaki; sa angkan ni Zatu[c] ay si Secanias na anak ni Jahaziel at ang kasama nilang 300 lalaki; sa angkan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampung lalaki; sa angkan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpung lalaki; sa angkan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpung lalaki; sa angkan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218 lalaki; 10 sa angkan ni Bani[d] ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160 lalaki; 11 sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki; 12 sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki; 13 sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki; 14 sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu.

Humanap si Ezra ng mga Levita

15 Sinabi ni Ezra,

“Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita. 16 Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan. 17 Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos. 18 Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo. 19 Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito. 20 Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.

1 Corinto 4

Mga Apostol ni Cristo

Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. Malinis(A) ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.

Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ninyong ipagmalaki ang isang tao upang hamakin ang iba. Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?

Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap(B) kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. 13 Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.

14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't(C) isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.

17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus.[a] Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.

18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Alin ang gusto ninyo? Dumating ako riyan na may dalang pamalo, o mayroong diwa ng pag-ibig at kahinahunan?

Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Mga Kawikaan 20:28-30

28 Ang haring tapat at makatarungan
    ay magtatagal sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,
    ang putong ng katandaan, buhok na panay uban.
30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan,
    at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.