Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Nehemias 9:22-10:39

22 “Pinasakop(A) mo sa kanila ang mga kaharian at bayan,
    ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbon
    at ang lupain ni Haring Og ng Bashan.
23 Pinarami(B) mo ang kanilang mga anak tulad ng mga bituin sa langit.
    Dinala mo sila sa lupain
    na ipinangakong sasakupin ng kanilang mga ninuno.
24 Pinasok(C) nga nila at sinakop ang lupain ng Canaan,
    sa harap nila'y tinalo ang mga Cananeong naninirahan doon.
Ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang mga hari at ang lahat ng mamamayan sa lupain
    upang sa kanila'y gawin ang anumang naisin.
25 Pinasok(D) nila at sinakop ang mga may pader na lunsod.
    Nakuha nila ang matataba nilang lupain, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian:
    mga bahay na puno ng kayamanan,
    mga balon, mga ubasan, taniman ng olibo at mga bungangkahoy.
Sagana sila sa pagkain at lumusog ang kanilang katawan,
    at tuwang-tuwa sila sa iyong dakilang kabutihan.

26 “Ngunit(E) (F) kinalaban ka pa rin nila,
    at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.
Pinatay nila ang iyong mga propeta
    na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo.
Patuloy ka nilang hinahamak.
27 Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway,
    ipinaalipin mo sila at pinahirapan.
Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo,
    pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit.
Sa habag mo sa kanila,
    binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas.
28 Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo,
    kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway.
Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong,
    pinapakinggan mo sila mula sa langit
    at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin.
29 Binabalaan(G) mo silang manumbalik sa iyong Kautusan,
    ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito.
    Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay,
sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon.
30 Maraming(H) taon na pinagtiisan mo sila,
at binalaan ng iyong Espiritu[a] sa pamamagitan ng mga propeta,
    ngunit hindi pa rin sila nakinig.
    Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan.
31 Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan,
    hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil.
Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos!

32 “O(I) aming Diyos, napakadakila mong Diyos,
    kakila-kilabot ang iyong kapangyarihan.
Tumutupad ka sa iyong kasunduan at mga pangako.
Mula pa nang kami'y sakupin ng mga hari ng Asiria,
    hanggang ngayo'y labis ang aming paghihirap.
Naghirap ang aming mga hari at pinuno,
    mga pari, mga propeta, at ang mga ninuno.
    Ang iyong buong bayan ay dumanas ng kahirapan,
kaya't alalahanin mo ang aming pagdurusa.
33 Makatuwiran ka sa iyong pagpaparusa sa amin;
    naging tapat ka sa kabila ng aming pagkakasala.
34 Ang aming mga ninuno, hari, pinuno at pari
    ay hindi sumunod sa iyong Kautusan.
Sinuway nila ang iyong mga utos at babala.
35 Sa gitna ng kasaganaang kanilang tinatamasa, sa ilalim ng mabuting pamamahala ng kanilang mga hari,
    sa kabila ng malalawak at matatabang lupaing kanilang minana,
    hindi pa rin sila naglingkod sa iyo at nagsisi sa kanilang mga kasalanan.
36 Ngayon, sa lupaing ito na iyong ipinamana,
    sa lupaing ito na ang pagkain ay sagana, kami'y busabos at alipin.
37 Ang dahilan ay ang aming pagkakasala,
    kaya ang nagpapasasa sa ani ng bukid ay ang mga haring sa ami'y lumupig.
Nasusunod nila anumang gustuhin, pati mga kawan nami'y inaangkin.
    O sukdulan na itong hirap namin!”

Pangakong Susundin ang Kautusan

38 Dahil dito, kaming sambayanang Israel ay gumawa ng isang kasulatan ng sinumpaang kasunduan. Ito'y lubos na sinang-ayunan at nilagdaan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari.

10 Ang unang lumagda sa kasunduan ay ang anak ni Hacalias na si Nehemias, ang gobernador. Pagkatapos ay si Zedekias at ang mga paring sina:

Seraias, Azarias, Jeremias,

Pashur, Amarias, Malquijas,

Hatus, Sebanias, Maluc,

Harim, Meremot, Obadias,

Daniel, Gineton, Baruc,

Mesulam, Abijas, Mijamin,

Maazias, Bilga at Semaias.

9-13 Sumunod ang mga Levitang sina:

Jeshua na anak ni Azanias,

Binui na mula sa angkan ni Henadad,

at sina Kadmiel, Sebanias,

Hodias,

Kelita, Pelaias, Hanan,

Mica, Rehob, Hashabias,

Zacur, Serebias, Sebanias,

Hodias, Bani at Beninu.

14-27 Mula naman sa mga pinuno ng bayan, ang lumagda sina:

Paros, Pahat-moab,

Elam, Zatu, Bani,

Buni, Azgad, Bebai,

Adonijas, Bigvai, Adin,

Ater, Hezekias, Azur,

Hodias, Hasum, Bezai,

Harif, Anatot, Nebai,

Magpias, Mesulam, Hezir,

Mesezabel, Zadok, Jadua,

Pelatias, Hanan, Anaias,

Hosea, Hananias, Hasub,

Halohesh, Pilha, Sobek,

Rehum, Hasabna, Maaseias,

Ahias, Hanan, Anan,

Maluc, Harim at Baana.

Ang Kasunduan

28 Kami, ang sambayanang Israel, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pintuan, mga mang-aawit at mga manggagawa sa Templo, at ang lahat ng iba pang lumayo sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos, pati ang aming mga asawa at ang aming mga anak na lalaki at babae na pawang may sapat nang pag-iisip 29 ay nanunumpa kasama ng aming mga pinuno at nangangakong tutuparin ang buong Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Moises. Susundin namin ang lahat ng tuntunin at utos ng Diyos naming si Yahweh.

30 Hindi(J) namin papayagang mag-asawa ang aming mga anak sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain.

31 Kung(K) sila'y magtinda ng trigo o anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga, hindi kami bibili sa kanila.

Tuwing ika-7 taon, hindi namin tatamnan ang mga bukirin at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.

32 Taun-taon,(L) magbibigay ang bawat isa sa amin ng halos apat na gramong pilak upang makatulong sa gastusin para sa Templo. 33 Magkakaloob kami ng mga sumusunod para sa serbisyo ng pagsamba doon sa Templo: tinapay na handog, pang-araw-araw na handog na pagkaing butil, mga handog na susunugin bilang handog araw-araw, handog sa Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, iba pang handog, ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel, at iba pang kailangan sa Templo. 34 Kaming lahat ay magpapalabunutan taun-taon, ang mga pari, mga Levita at mga mamamayan, para malaman kung aling angkan ang magdadala ng kahoy na panggatong sa mga handog sa altar ni Yahweh na ating Diyos ayon sa itinatakda ng Kautusan. 35 Taun-taon(M) ay dadalhin din namin sa Templo ni Yahweh ang unang ani ng bukirin at ang unang bunga ng mga punongkahoy. 36 Dadalhin(N) din namin sa mga pari na maglilingkod sa Templo ang mga panganay naming anak na lalaki upang ilaan sa paglilingkod sa Diyos; gayundin ang panganay na anak ng baka, tupa at kambing para naman ihandog ayon sa itinatakda ng Kautusan. 37 Magdadala(O) rin kami taun-taon ng minasang harina mula sa unang ani ng trigo at iba naming mga handog na alak, langis ng olibo at lahat ng uri ng bungangkahoy. Magbibigay rin kami sa mga Levita ng ikasampung bahagi ng mga inani sa aming bukirin. Ang mga Levitang ito ang naglilikom ng mga ikasampung bahagi at magdadala ng mga ito sa Templo. 38 Sasamahan(P) ng mga pari mula sa angkan ni Aaron ang mga Levitang tagapaglikom ng ikasampung bahagi. Ang ikasampung bahagi nito ay dadalhin nila sa kabang-yaman ng Templo para gamitin doon. 39 Ang mga Israelita at ang mga Levita ang magdadala ng mga naipong trigo, alak at langis para itago sa mga bodega ng mga kagamitan sa Templo. Dito nakatira ang mga paring naglilingkod, ang mga bantay-pintuan at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang Templo ng aming Diyos.

1 Corinto 9:19-10:13

19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.

23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(A) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.

Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan

10 Mga(B) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[a] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain(C) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom(D) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman,(E) hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang(F) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag(G) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” Huwag(H) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag(I) nating susubukin si Cristo,[b] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(J) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.

11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.

12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(K) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.

Mga Awit 34:1-10

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
    nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
    ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.

Mga Kawikaan 21:13

13 Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
    daraing din balang araw ngunit walang lilingap.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.