Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hosea 1-3

Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Hoseas na anak ni Beeri noong magkakasunod na naging hari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz at Hezekia, habang naghahari naman sa Israel si Jeroboam na anak ni Joash.

Ang Asawa at mga Anak ni Hoseas

Ito ang unang sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Mag-asawa ka ng babaeng nangangalunya,[a] at ang inyong mga anak ay ituturing na mga anak ng babaeng nangangalunya. Ito ang magiging larawan ng kataksilan ng aking mga mamamayan sa akin na kanilang Panginoon, dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”

Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel[b] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel. Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”

Muling nabuntis si Gomer at nanganak ng isang babae. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ruhama[c] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi ko kaaawaan ni patatawarin ang mga mamamayan ng Israel. Pero kaaawaan ko ang mga mamamayan ng Juda. Ako, ang Panginoon nilang Dios, ang magliligtas sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at hindi sa pamamagitan ng digmaan – ng pana, espada, mga kabayo o mangangabayo.”

Nang maawat na ni Gomer si Lo Ruhama sa pagsuso, nabuntis ulit siya at nanganak ng lalaki. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ami[d] ang ipangalan mo sa bata, dahil ang mga mamamayan ng Israel ay hindi ko na mga mamamayan at ako ay hindi na nila Dios. 10 Pero darating ang araw na kaaawaan ko sila at pagpapalain; dadami sila tulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang takalin o bilangin. Sa ngayon ay tinatawag silang ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’

silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ 11     Magkakasamang muli ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel, at pipili sila ng iisang pinuno. Muli silang uunlad sa kanilang lupain. Napakasaya ng araw na iyon para sa mga taga-Jezreel.

“Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’[e] at ‘Kinaawaan.’ ”[f]

Sumama sa Ibang Lalaki si Gomer

Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya. Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw. 4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’

“Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas. Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’

“Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan. Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran. 10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. 11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.[g] 12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito. 13 Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, at kinalimutan niya ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli. 15 Pagbalik namin, ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan niya, at ang Lambak ng Acor[h] ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Egipto.”

16 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw na iyon ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.[i] 17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal. 18 Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop na huwag nila kayong sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.

19 “Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan. 20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon. 21 Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa 22 ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.[j] 23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko kayong tinatawag na Lo Ruhama,[k] at tatawagin ko kayong aking mga mamamayan kayong tinatawag na Lo Ami.[l] At sasabihin ninyo na ako ang inyong Dios.”

Si Hoseas at ang Kanyang Asawa

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga dios at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”

Kaya binili ko siya[m] sa halagang 15 pirasong pilak at apat na sakong sebada.[n] At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.” Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit[o] sa panghuhula, at mga dios-diosan. Pero sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Dios at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.

1 Juan 5

Ang Pag-ibig, Pananampalataya, at Tagumpay

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa kanyang anak. Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Dios: Kung minamahal natin ang Dios at sinusunod natin ang kanyang mga utos. Dahil ang tunay na umiibig sa Dios ay sumusunod sa kanyang utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. Sapagkat ang bawat anak ng Dios ay nagtatagumpay laban sa mundo. Napagtatagumpayan niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya. At sino ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Ang sumasampalataya na si Jesus ay Anak ng Dios. Si Jesus na naparito sa mundo ay napatunayang Anak ng Dios sa pamamagitan ng tubig nang magpabautismo siya at sa pamamagitan ng dugo nang mamatay siya. Hindi lang sa tubig kundi sa pamamagitan din ng dugo. At ang mga bagay na itoʼy pinatotohanan din sa atin ng Banal na Espiritu, dahil ang Espiritu ay katotohanan. Kaya may tatlong nagpapatotoo tungkol kay Jesus: ang Banal na Espiritu, ang tubig nang magpabautismo siya, at ang dugo nang mamatay siya. At ang tatlong itoʼy nagkakaisa. Tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ngunit higit na maaasahan ang patotoo ng Dios dahil siya mismo ang nagpatotoo tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay naniniwala sa patotoo ng Dios. Ang sinumang hindi naniniwala sa patotoong ito ay ginagawang sinungaling ang Dios dahil hindi siya naniniwala sa patotoo ng Dios tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo ng Dios: Binigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na itoʼy nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang nasa kanya ang Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang sinumang wala sa kanya ang Anak ng Dios ay walang buhay na walang hanggan.

Ang Buhay na Walang Hanggan

13 Isinusulat ko ito sa inyo na mga sumasampalataya sa Anak ng Dios upang malaman ninyong mayroon kayong buhay na walang hanggan. 14 At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Dios, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban. 15 At kung alam nating nakikinig sa atin ang Dios, alam nating tinatanggap na natin ang hinihiling natin sa kanya.

16 Kung nakikita ninyo ang inyong kapatid kay Cristo na gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan, ipanalangin ninyo siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay. Ito ay para lang sa mga nakagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan. May mga kasalanang nagdudulot ng espiritwal na kamatayan. Hindi ko sinasabing ipanalangin ninyo ang mga taong nakagawa ng ganitong kasalanan. 17 Ang lahat ng gawaing hindi matuwid ay kasalanan, ngunit may mga kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan.

18 Alam nating ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Iniingatan siya ng Anak ng Dios, at hindi siya maaaring saktan ng diyablo. 19 Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng diyablo, ngunit alam nating tayoʼy mga anak ng Dios. 20 Alam din nating ang Anak ng Dios ay naparito sa mundo, at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Dios. At tayo nga ay nasa tunay na Dios sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.

21 Mga anak, lumayo kayo sa mga dios-diosan.

Salmo 124

Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan

124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?
    Sumagot kayo mga taga-Israel!

“Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
Purihin ang Panginoon,
    dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
    na parang mababangis na hayop.
Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Kawikaan 29:5-8

Ang taong nagkukunwaring pumupuri sa kanyang kapwa ay may pinaplanong masama.
Ang taong masama ay mahuhuli sa sarili niyang kasalanan, ngunit ang matuwid ay aawit nang may kagalakan.
Kinikilala ng taong matuwid ang karapatan ng mahihirap, ngunit hindi ito maunawaan ng taong masama.
Ang mga taong nangungutya ay nagpapasimula ng gulo sa mga bayan, ngunit ang matatalino ang nagpapatigil nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®