The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEB. Switch to the CEB to read along with the audio.
Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe
6 May nakita pa akong apat na karwahe na lumabas sa pagitan ng dalawang bundok na tanso. 2 Ang unang karwahe ay hinihila ng mga pulang kabayo, ang pangalawa ay hinihila ng mga itim na kabayo, 3 ang pangatlo ay hinihila ng mga puting kabayo, at ang pang-apat ay hinihila ng mga batik-batik na kabayo. Ang mga kabayo ay pawang malalakas. 4 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga karwaheng iyan?” 5 Sumagot ang anghel, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin sa kalawakan[a] na paparating mula sa presensya ng Panginoon ng buong mundo. 6 Ang karwaheng hinihila ng mga itim na kabayo ay papunta sa isang lugar sa hilaga. Ang karwaheng hinihila ng mga puting kabayo ay papunta sa kanluran.[b] At ang karwaheng hinihila ng mga batik-batik na kabayo ay papunta sa isang lugar sa timog.”
7 Nang papalabas pa lang ang malalakas na kabayo, nagmamadali na silang lumibot sa buong mundo. Sinabi ng anghel[c] sa kanila, “Sige, libutin na ninyo ang buong mundo.” Kaya nilibot nila ang buong mundo. 8 At malakas na sinabi ng Panginoon[d] sa akin, “Tingnan mo ang mga kabayong patungo sa isang lugar sa hilaga. Sila ang magbibigay ng kapahingahan sa aking Espiritu sa dakong iyon sa hilaga.”
Ang Korona para kay Josue
9 Sinabi ng Panginoon sa akin, 10 “Kunin mo ang mga regalong pilak at ginto nina Heldai, Tobia, at Jedaya, at pumunta ka agad sa bahay ni Josia na anak ni Zefanias. Silang apat ay nakabalik mula sa Babilonia kung saan sila binihag. 11 Ipagawa mong korona ang mga pilak at ginto, at isuot ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12-13 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,[e] at itatayo niyang muli ang aking templo. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. Ang pari ay tatayo sa tabi ng kanyang trono[f] at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14 Ang korona ay ilalagay sa aking templo bilang pag-alaala kina Heldai,[g] Tobia, Jedaya, at Josia[h] na anak ni Zefanias.”
15 May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios.
Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno
7 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias noong ikaapat na araw ng buwan ng Kislev (ikasiyam na buwan), nang ikaapat na taon ng paghahari ni Darius. 2-3 Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang hilingin sa mga pari sa templo at sa mga propeta na tanungin ang Panginoon kung talagang kailangan pa nilang magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng templo, gaya ng maraming taon na nilang ginagawa. 4 At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias: 5 “Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng 70 taon ay hindi nila ginagawa para sa akin. 6 At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan. 7 Ito rin ang mensahe na ipinasabi ko sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negev[i] at ang kaburulan sa kanluran.”[j]
8-9 Sinabi muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ito ang sinabi ko sa aking mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. 10 Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’
11 “Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. 12 Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit. 13 At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin. 14 Para akong buhawing nagpangalat sa kanila sa ibaʼt ibang lugar na hindi pa nila napupuntahan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”
Ang Panghuling mga Salot
15 Isa pang kagila-gilalas na pangitain ang nakita ko sa langit. May pitong anghel doon na may dalang pito pang salot. Iyon ang panghuling mga salot na ipapadala ng Dios bilang parusa sa mga tao.
2 At nakita ko ang parang dagat na kasinglinaw ng kristal na may nagliliyab na apoy. Nakatayo roon ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa imahen nito. Hindi sila nagpatatak ng numero na simbolo ng pangalan ng halimaw na iyon. May hawak silang mga alpa na ibinigay sa kanila ng Dios. 3 Umaawit sila ng awit ni Moises na lingkod ng Dios, na siya ring awit ng Tupa. Ito ang awit nila:
“Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Hari kayo ng lahat ng bansa,
ang mga pamamaraan ninyo ay makatarungan at tama!
4 Sino ang hindi matatakot at hindi magpupuri sa inyo?
Kayo lang ang banal.
Lalapit at sasamba sa inyo ang mga tao sa lahat ng bansa,
sapagkat nakita na ng lahat ang matuwid ninyong gawa.”
5 Pagkatapos nito, nakita ko na bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang Kautusan. 6 At mula roon sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na puting-puti at may gintong pamigkis sa kanilang dibdib. 7 Ang isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng tig-iisang sisidlang ginto na puno ng mga parusa ng Dios na nabubuhay magpakailanman. 8 Napuno ng usok ang templo dahil sa kadakilaan at kapangyarihan ng Dios. At walang makakapasok doon hanggaʼt hindi pa natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.
Panalangin sa Oras ng Kahirapan
143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
2 Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
3 Tinugis ako ng aking mga kaaway.
Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
4 Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
at punong-puno ng takot ang puso ko.
5 Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
6 Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
7 Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
8 Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
dahil sa inyo ako nananalangin.
9 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
dahil kayo ang aking Dios.
Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.
24 May apat na hayop dito sa mundo na maliit ngunit may pambihirang kaisipan:
25 Ang mga langgam, kahit mahina, nag-iipon sila ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga badyer,[a] kahit mahihina sila, nakagagawa sila ng kanilang tirahan sa mabatong lugar.
27 Ang mga balang, kahit walang namumuno, maayos na lumilipad nang sama-sama.
28 Ang mga butiki, kahit madaling hulihin ng kamay, matatagpuan kahit sa palasyo ng hari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®