The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Nahabag ang Dios sa Juda at sa Israel
10 Humingi kayo ng ulan sa Panginoon sa panahon ng tagsibol, dahil siya ang gumagawa ng mga ulap. Binibigyan niya ng ulan ang mga tao at ang bawat tanim sa parang. 2 Ang totoo, hindi mapapaniwalaan ang mga dios-diosan at ang mga manghuhula. Mali ang ibinibigay nilang kahulugan sa mga panaginip. Walang kabuluhan ang pagpapalakas nila ng loob sa mga tao. Kaya naliligaw ang mga mamamayan ng Israel na parang mga tupa. Nahihirapan sila dahil wala silang pinuno.
3 Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ko ang aking mga tupa, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan. 4 Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan. 5 Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kalaban nila na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ako, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.
6 “Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Dios, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati. 7 Ang mga mamamayan ng Israel[a] ay magiging katulad ng mga malalakas na kawal. Magiging masaya sila na parang nakainom ng alak. Ang tagumpay na ito ay maaalala ng kanilang mga kaapu-apuhan at matutuwa sila dahil sa ginawa ko. 8 Tatawagin ko ang aking mga mamamayan at titipunin ko sila. Palalayain ko sila, at dadami sila tulad nang dati. 9 Kahit na ipinangalat ko sila sa ibang bansa, maaalala pa rin nila ako roon. Mananatili silang buhay pati ang kanilang mga anak, at babalik sila sa kanilang lupain. 10 Pauuwiin ko sila mula sa Egipto at Asiria, at patitirahin ko sila sa Gilead at Lebanon. Magiging masikip sila sa kanilang lupain. 11 Tatawid sila sa dagat na maalon ngunit magiging payapa ang mga alon. At kahit ang Ilog ng Nilo ay matutuyo. Ang ipinagmamalaki ng Asiria ay babagsak at ang kapangyarihan ng Egipto ay mawawala. 12 Palalakasin ko ang aking mga mamamayan dahil nasa akin sila, at susundin nila ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Parurusahan ng Dios ang Lebanon at Bashan
11 Kayong mga taga-Lebanon, buksan ninyo ang mga pintuan ng inyong lungsod at nang makapasok ang apoy na susunog sa inyong mga puno ng sedro. 2 Kung paanong nasira ang inyong mga magaganda at mayayabong na mga puno ng sedro, ganoon din masisira ang mga puno ng sipres[b] at mga puno ng ensina ng Bashan.[c] 3 Umiiyak ang mga pastol dahil nasira ang kanilang berdeng pastulan. Pati ang mga leon[d] ay umaatungal dahil nasira ang kagubatan ng Jordan na kanilang tinitirhan.
Ang Dalawang Pastol
4 Ito ang sinabi ng Panginoon kong Dios: “Alagaan mo ang mga tupang[e] kakatayin. 5 Ang mga bumibili at kumakatay sa kanila ay hindi pinarurusahan. Ang mga nagtitinda ng mga tupang ito ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon! Mayaman na ako!’ Pati ang kanilang mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.
6 “Alagaan mo ang aking mga mamamayan, dahil ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa mundo.[f] Ako mismo ang uudyok sa bawat tao na magpasakop sa kanyang kapwa at sa kanyang hari. At silang mga namamahala ay magdadala ng kapahamakan sa buong mundo, at hindi ko ililigtas ang mga tao mula sa kanilang mga kamay.”
7 Kaya inalagaan ko ang mga tupang kakatayin ng mga nagbebenta ng mga tupa.[g] Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isa ay tinawag kong Kabutihan[h] at ang isa naman ay tinawag kong Pagkakaisa.
8 Pinaalis ko ang tatlong pastol sa loob lamang ng isang buwan. Naubos na ang pasensya ko sa kanila,[i] at sila rin ay galit sa akin. 9 Pagkatapos, sinabi ko sa mga tupa, “Hindi na ako ang inyong pastol. Hayaang mamatay ang mga naghihingalo at mapahamak ang mga mapapahamak. At ang mga matitira ay hayaang kainin ang laman ng isaʼt isa.”
10 Pagkatapos, kinuha ko ang tungkod na tinatawag na Kabutihan at binali ko upang ipahiwatig na ipinawalang-bisa ng Panginoon ang kanyang kasunduan sa mga tao. 11 Kaya ng araw ding iyon, ipinawalang-bisa ang kasunduan. At nalaman ng mga nagbebenta ng mga tupa[j] na nanonood sa akin na may mensahe ang Panginoon sa mga ginagawa kong ito. 12 Sinabi ko sa kanila, “Kung sa palagay ninyo ay dapat akong bigyan ng sahod, ibigay ninyo ang sahod ko. Ngunit kung hindi, sa inyo na lang.” Kaya binayaran nila ako ng 30 pirasong pilak bilang sahod ko. 13 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ilagay mo ang pilak na iyan sa kabang-yaman[k] ng templo.” Kaya kinuha ko ang 30 pirasong pilak, na inaakala nilang sapat na bilang aking sahod, at inilagay ko iyon sa kabang-yaman ng templo ng Panginoon. 14 Pagkatapos, binali ko ang pangalawang tungkod na tinatawag na Pagkakaisa upang ipahiwatig na naputol na ang magandang pagsasamahan ng Juda at ng Israel.
15 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Magkunwari kang isang walang kwentang pastol ng mga tupa. 16 Sapagkat may ilalagay akong pinuno sa Israel na ang katulad ay isang walang kwentang pastol. Hindi niya tutulungan ang mga tupang halos mamamatay na,[l] o hahanapin ang mga nawawala,[m] o gagamutin ang mga sugatan, o pakakainin ang mga payat. Ngunit kakainin niya ang karne ng matatabang tupa at aalisin ang mga kuko nito. 17 Nakakaawa ang kahihinatnan ng walang kwentang pastol. Pinababayaan niya ang mga tupa! Sa pamamagitan ng espada ay puputulin ang kanyang kamay at tutusukin ang kanang mata niya, at hindi na mapapakinabangan ang kamay niya at hindi na rin makakakita ang kanang mata niya.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. 2 Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. 3 Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.”
4 Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya
upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan,
at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya.
5 Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit.
At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan.
6 Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo.
Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya.
7 Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan,
gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.
Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda.
8 Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot:
mga sakit, kalungkutan, at gutom.
Pagkatapos, susunugin siya,
sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”
9 “Iiyakan siya ng mga haring nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog. 10 Tatayo lang sila sa malayo at magmamasid dahil takot silang madamay sa parusa sa lungsod na iyon. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat at makapangyarihang lungsod ng Babilonia. Sa loob lang ng maikling panahon[a] ay naparusahan siya!’
11 “Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila. 12 Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; at ng kanilang mga telang linen, seda at mga telang kulay ube at pula. Wala na ring bibili ng kanilang mababangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante at yari sa mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol. 13 At sino pa ang bibili ng mga pabango nila tulad ng sinamon, kamangyan, mira at iba pa? Wala nang bibili ng kanilang mga alak, langis, harina at trigo; at ng kanilang mga baka, tupa, kabayo at karo; at pati ng kanilang mga alipin at mga tao. 14 Sasabihin ng mga negosyante sa lungsod ng Babilonia, ‘Nawala na ang lahat ng bagay na hinangad mo na maangkin. Kinuha na sa iyo ang lahat ng kayamanan at ari-ariang ipinagmamalaki mo, at hindi mo na makikitang muli ang mga ito!’ 15 Ang mga negosyanteng yumaman dahil sa kalakal nila sa lungsod ay tatayo lang sa malayo dahil takot silang madamay sa parusa sa kanya. Iiyak sila at magdadalamhati, 16 at sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan! Dati ang mga tao riyan ay nagdadamit ng mamahaling telang kulay puti, ube at pula, at napapalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas! 17 Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat ng kanyang kayamanan!’
“Tatayo lang at magmamasid ang mga kapitan ng barko at ang mga tripulante nila, pati na ang mga pasahero at ang lahat ng mga naghahanapbuhay sa dagat. 18 At habang minamasdan nila ang usok ng nasusunog na lungsod, sisigaw sila, ‘Walang katulad ang sikat na lungsod na iyan!’ 19 At dahil sa kanilang kalungkutan, lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila at mag-iiyakan. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan. Dahil sa yaman niya, yumaman ang mga may-ari ng barko na bumibiyahe roon. Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat!’
20 “Kaya kayong lahat ng nasa langit, matuwa kayo dahil sa nangyari sa lungsod na iyon. Matuwa kayo, kayong mga propeta, mga apostol at mga pinabanal ng Dios, dahil hinatulan na siya ng Dios sa mga ginawa niya sa inyo!”
21 Pagkatapos, may isang makapangyarihang anghel na kumuha ng isang batong kasinlaki ng malaking gilingan at inihagis sa dagat. Sinabi niya, “Katulad nito ang pagkawala ng sikat na lungsod ng Babilonia, dahil hindi na siya makikitang muli. 22 Hindi na maririnig ang mga pagtugtog ng alpa, plauta at trumpeta, at ang tinig ng mga mang-aawit. Hindi na makikita roon ang mahusay na mga manggagawa ng anumang uri ng gawain, at hindi na rin maririnig ang ingay ng mga gilingan. 23 Magiging madilim doon, dahil wala nang ilaw kahit isa. Wala na ring masayang tinig ng bagong kasal na mapapakinggan. Mangyayari ito sa kanya dahil ang mga negosyante niya ay masyadong mapagmataas, at dinaya niya ang lahat sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 At ang lungsod na iyon ang pumatay sa mga propeta at sa mga pinabanal ng Dios, at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
33 Hindi ba kapag hinalo nang hinalo ang malapot na gatas ay magiging mantikilya?[a] Hindi ba kapag sinuntok mo ang ilong ng isang tao ay magdurugo ito? Kaya kapag ginalit mo ang tao tiyak na magkakaroon ng gulo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®