The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem
8 1-2 Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. 3 Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok[a] ay tatawaging Banal na Bundok. 4 Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. 5 At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”
6 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. 7 Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. 8 Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”
9 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10 Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11 Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12 Mapayapa kayong magtatanim.[b] Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira. 13 Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”
14 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15 Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16 Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17 Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”
18-19 Muling sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ang pag-aayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ay magiging masayang araw ng pagdiriwang para sa mga taga-Juda. Kaya pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.[c] 20 Maraming tao ang darating sa Jerusalem mula sa ibaʼt ibang lungsod. 21 Ang mga mamamayan ng isang lungsod ay pupunta sa isang lungsod at sasabihin nila, ‘Pupunta kami para dumulog at manalangin sa Panginoong Makapangyarihan. Halikayo, sumama kayo sa amin.’
22 “Maraming taong mula sa makapangyarihang mga bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa akin. 23 At sa araw na iyon, sampung dayuhan na galing sa ibang mga bansa na may ibaʼt ibang wika ang lalapit sa isang Judio at sasabihin, ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil narinig namin na ang Dios ay kasama ninyo.’ ”
Ang mga Sisidlan ng Galit ng Dios
16 Mula roon sa templo ay narinig ko ang malakas na sigaw na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo ang parusa ng Dios sa mga tao mula sa pitong sisidlan na iyan.”
2 Kaya humayo ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng kanyang sisidlan. At nagkaroon ng masasakit at nakapandidiring mga sugat ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa dagat, at ang dagat ay naging parang dugo ng patay na tao. At namatay ang lahat ng nilalang sa dagat.
4 Pagkatapos, ibinuhos ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo ang lahat ng mga ito. 5 Narinig kong sinabi ng anghel na katiwala sa tubig, “Makatarungan po kayo, Panginoon. Kayo ang Dios noon at kayo rin ang Dios magpahanggang ngayon. Banal kayo, at matuwid ang pagpaparusa ninyong ito sa mga tao. 6 Pinadanak nila ang dugo ng mga pinabanal at ng inyong mga propeta, kaya dugo rin ang ipaiinom nʼyo sa kanila. Ito ang nararapat na ganti sa kanila.” 7 At narinig ko na may sumagot sa altar, “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat, tama at matuwid ang pagpaparusa nʼyo sa mga tao!”
8 Ibinuhos ng ikaapat na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa araw, at naging mainit na mainit ang sikat ng araw kaya napaso ang mga tao. 9 Pero kahit na napaso ang mga tao, hindi pa rin sila nagsisi sa mga kasalanan nila. Hindi rin nila pinapurihan ang Dios, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios na nagpadala ng salot na iyon sa kanila.
10 Ibinuhos ng ikalimang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa trono ng halimaw, at nagdilim ang buong kaharian nito. Napakagat-labi ang mga tao dahil sa hirap na dinaranas nila. 11 Hindi pa rin nila pinagsisihan ang mga kasamaan nila, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios ng kalangitan dahil sa mga sakit at sugat na tinitiis nila.
12 Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa malawak na ilog ng Eufrates. Natuyo ang ilog upang makadaan doon ang hari mula sa silangan. 13 At nakita kong lumabas mula sa bunganga ng dragon, ng halimaw, at ng huwad at sinungaling na propeta, ang tatlong masasamang espiritu na parang mga palaka. 14 Iyon ang mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pumunta sila sa mga hari sa buong mundo upang tipunin sila para sa pakikipaglaban sa Dios pagdating ng dakilang araw na itinakda ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 15-16 Ang lugar na pinagtipunan sa kanila at sa kanilang mga sundalo ay tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.
Pero sinabi ng Panginoon, “Makinig kayong mabuti! Darating ako na tulad ng magnanakaw dahil walang nakakaalam. Mapalad ang taong nagbabantay at hindi naghuhubad ng kanyang damit, upang sa pagdating ko ay hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa mga tao.”
17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa hangin. At may narinig akong sumisigaw mula sa trono sa templo, “Naganap na ang lahat!” 18 Pagkatapos, kumidlat, kumulog, umugong at lumindol nang napakalakas. Walang ganoong kalakas na lindol sa buong kasaysayan ng tao. Iyon ang pinakamalakas sa lahat. 19 Ang dakilang lungsod ng Babilonia ay nahati sa tatlo at ang mga lungsod sa lahat ng bansa ay nawasak. Tinupad ng Dios ang sinabi niya tungkol sa mga taong nakatira sa lungsod ng Babilonia, kaya dumating na sa kanila ang parusa ng Dios, dahil sa matinding galit niya. 20 Naglaho ang lahat ng isla at naglaho rin ang mga bundok. 21 Inulan ang mga tao ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng 50 kilo bawat tipak. At nilait ng mga tao ang Dios dahil sa matinding salot na iyon.
Pasasalamat ng Hari sa Dios Dahil sa Tagumpay
144 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2 Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan.
Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat, upang magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway na mula sa ibang bansa, na parang malakas na agos ng tubig.
8 Silaʼy mga sinungaling, sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan, ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9 O Dios, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan,
14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan.
15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon.
29 May apat[a] na nilalang na akala mo kung sino kapag lumakad:
30 ang leon (pinakamatapang sa lahat ng hayop at walang kinatatakutan),
31 ang tandang,
ang lalaking kambing,
at ang haring nangunguna sa kanyang mga kawal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®