Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hosea 10-14

10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. Mapanlinlang sila,[a] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato. Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, ‘Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Pero kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.’ Puro salita lang sila[b] pero hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.

“Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel[c] sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.[d] Mawawala ang kanyang[e] hari na parang kahoy na tinangay ng agos. Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven,[f] na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”

Hinatulan ang Israel

Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[g] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[h] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[i]

13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[j] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”

Ang Pag-ibig ng Dios sa Israel

11 Sinabi ng Panginoon, “Minahal ko ang Israel noong kabataan niya.[k] Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Egipto.[l] Pero ngayon, kahit na patuloy kong[m] tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin.[n] Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila[o] at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga[p] sa kanila. Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito. Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria. Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak. Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.

“Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo. Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Dios at hindi tao. Ako ang Banal na Dios na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.

10 “Susunod kayo sa akin kapag umatungal ako na parang leon. At kapag umatungal na ako, dali-dali[q] kayong uuwi mula sa kanluran. 11 Mabilis[r] kayong darating na parang mga ibon mula sa Egipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Pauuwiin ko kayong muli sa inyong mga tahanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Parurusahan ang Israel at ang Juda

12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”

12 Ang mga taga-Israel[s] ay umaasa sa mga walang kwentang bagay. Buong araw nilang hinahabol ang mga bagay na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Lalo pa silang naging malupit at sinungaling. Nakikipagkasundo sila sa Asiria at sa Egipto, kung kaya nireregaluhan nila ang Egipto ng langis.

May mga paratang din ang Panginoon laban sa mga taga-Juda na lahi ni Jacob. Parurusahan niya sila ayon sa kanilang pag-uugali; gagantihan niya sila ayon sa kanilang mga ginawa. Noong si Jacob na kanilang ninuno ay nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina, nais na niyang lampasan ang kanyang kakambal.[t] At noong lumaki na siya, nakipagbuno siya sa Dios sa pamamagitan ng anghel,[u] at nagtagumpay siya. Umiiyak siya habang nagmamakaawang pagpalain siya ng anghel. Nakita niya ang Dios sa Betel, at doon nakipag-usap ang Dios sa kanya.[v] Siya ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa lahat. Panginoon ang kanyang pangalan.

Kaya kayong mga lahi ni Jacob, magbalik-loob na kayo sa Dios at ipakita ninyo ang pag-ibig at katarungan. At patuloy kayong magtiwala sa kanya.

Dagdag na Sumbat ng Panginoon sa Israel

Sinabi ng Panginoon, “Mahilig mandaya ang mga negosyante ninyo. Gumagamit sila ng mga timbangang may daya. Nagyayabang pa kayong mga taga-Israel at sinasabing, ‘Nakapag-ipon kami ng kayamanan at napakayaman na namin ngayon. Walang makapagsasabing yumaman kami sa masamang paraan, dahil kasalanan ang gawin iyon.’ Kaya ako, ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto, ay nagsasabi: Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol[w] gaya ng ginagawa ninyo noon sa panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.[x]

10 “Nakipag-usap ako sa mga propeta at binigyan ko sila ng maraming pangitain. Sa pamamagitan nila, nagbabala ako sa inyo na mapapahamak kayo. 11 Pero patuloy pa rin ang mga taga-Gilead sa kanilang kasamaan, at sila ay naging walang kabuluhan. At ang mga taga-Gilgal naman ay naghahandog ng mga toro sa kanilang mga dios-diosan. Kaya gigibain ang kanilang mga altar at itoʼy magiging bunton ng mga bato na kinuha sa inararong bukirin.

12 “Tumakas si Jacob at pumunta sa Aram[y] at doon naglingkod bilang pastol para magkaasawa. 13 Sa pamamagitan ng propetang si Moises, inilabas ko kayong mga Israelita sa Egipto at inalagaan. 14 Dahil marami kayong pinatay, ginalit ninyo ako na inyong Panginoon. Kaya parurusahan ko kayo at pagbabayarin sa paglapastangan ninyo sa akin.”

13 “Noong una, kapag nagsalita ang lahi ni Efraim, nanginginig sa takot ang ibang mga lahi ng Israel dahil tinitingala nila ang lahi ni Efraim. Pero nagkasala ang mga mamamayan nito dahil sumamba sila sa dios-diosang si Baal. Kaya nga namatay[z] sila. Hanggang ngayon, kayo na tinatawag na Efraim[aa] ay patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan.[ab] Gumagawa kayo ng mga dios-diosan mula sa inyong mga pilak upang sambahin. Pero ang lahat ng ito ay gawa lamang ng tao at ayon lang sa kanyang naisip. Sinasabi pa ninyo na maghahandog kayo ng tao sa mga dios-diosang baka at hahalik sa mga ito. Kaya mawawala kayo gaya ng ulap sa umaga o hamog, o gaya ng ipa sa giikan na tinatangay ng hangin o ng usok na lumalabas sa tsimeneya.

“Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto.[ac] Wala kayong kikilalaning Dios at Tagapagligtas maliban sa akin. Kinalinga ko kayo roon sa disyerto, sa tuyong lupain. Pero pagkatapos ko kayong pagpalain at paunlarin, naging mapagmataas kayo at kinalimutan na ninyo ako. 7-8 Kaya sasalakayin ko kayo at lalapain tulad ng ginagawa ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Lalapain ko kayo gaya ng ginagawa ng leon at ng osong inagawan ng anak. Babantayan ko kayo sa daan at sasalakayin tulad ng hayop na leopardo. Pupuksain ko kayong mga taga-Israel dahil ako na nagligtas sa inyo ay kinalaban ninyo. 10-11 Nasaan na ngayon ang mga hari at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy magliligtas sa inyo? Hiningi ninyo sila sa akin sa pag-aakalang maliligtas nila kayo, at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko nga ang mga ito, at dahil din sa galit ko, silaʼy kinuha ko. 12 Hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan ninyo.[ad] Para itong kasulatang binalot at itinago.

13 “Binigyan ko kayo ng pagkakataong magbagong-buhay pero tinanggihan ninyo ito dahil mga mangmang kayo. Para kayong sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina sa panahon na dapat na siyang lumabas. 14 Hindi ko kayo ililigtas sa kamatayan. Sa halip sasabihin ko sa kamatayan, ‘O kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Nasaan ang iyong kapahamakan na papatay sa kanila?’

“Hinding-hindi ko kayo kaaawaan. 15 Kahit na mas maunlad kayo kaysa sa inyong kapwa, lilipulin ko kayo. Paiihipin ko ang mainit na hanging silangan na nagmumula sa disyerto at matutuyo ang inyong mga bukal at mga balon. At sasamsamin ang inyong mahahalagang pag-aari. 16 Dapat parusahan ang mga taga-Samaria dahil sa kanilang pagrerebelde sa akin na kanilang Dios. Mamamatay sila sa digmaan. Dudurugin ang kanilang mga sanggol, at lalaslasin ang tiyan ng mga buntis.”

Ang Pakiusap ni Hoseas sa mga Taga-Israel

14 Sinabi ni Hoseas: Mga taga-Israel, magbalik-loob na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Napahamak kayo dahil sa inyong kasalanan. Magbalik-loob na kayo sa Panginoon at sabihin ninyo sa kanya, “Patawarin nʼyo po kami sa aming mga kasalanan. Tanggapin nʼyo po kami ayon sa inyong kabutihan upang makapaghandog kami sa inyo ng pagpupuri. Hindi na kami hihingi ng tulong sa Asiria at hindi na rin kami aasa sa mga kabayong pandigma. Hindi na rin namin tatawagin na aming Dios ang mga dios-diosang ginawa namin. Sapagkat kinaawaan nʼyo po kami na parang mga ulila.”

Sinabi ng Panginoon, “Pagagalingin ko ang aking mga mamamayan sa kanilang pagkamasuwayin at taos-puso ko silang mamahalin. Sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. Pagpapalain ko ang mga taga-Israel; akoʼy magiging parang hamog sa kanila na nagbibigay ng tubig sa mga halaman. Sila ay uunlad gaya ng halamang liryong namumulaklak. Sila ay magiging matatag tulad ng puno ng sedro sa Lebanon na malalim ang ugat. Sila ay dadami na parang mga sangang nagkakadahon nang marami. Sila ay magiging tanyag na parang puno ng olibo na maganda at ng puno ng sedro ng Lebanon na mabango. Muli silang maninirahan na kinakalinga ko. Sila ay uunlad na parang trigong yumayabong o ubas na namumulaklak. At magiging tanyag sila na gaya ng alak ng Lebanon.

“Mga taga-Israel,[ae] lumayo na kayo sa mga dios-diosan. Ako ang tutugon ng inyong mga dalangin at ako ang kakalinga sa inyo. Poprotektahan ko kayo; akoʼy magiging parang puno ng sipres[af] na mayabong na magbibigay ng lilim. Ako ang nagpapaunlad sa inyo.”[ag]

Huling Payo

Nawaʼy malaman at maintindihan ng may pang-unawa ang mga nakasulat dito. Tama ang mga pamamaraan ng Panginoon at sinusunod ito ng mga matuwid, pero nagiging katitisuran ito sa mga suwail.

Judas

Mula kay Judas na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago.

Mahal kong mga pinili ng Dios Ama na maging kanya, na minamahal niya at iniingatan ni Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang higit pang awa, kapayapaan, at pag-ibig mula sa Dios.

Mga Huwad at Sinungaling na Guro

Mga minamahal, gustong-gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, pero naisip ko na mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang manindigan sa mga aral ng ating pananampalataya. Ang mga aral na ito ay ipinagkatiwala ng Dios sa mga pinabanal[a] niya, at hindi dapat baguhin. Sumulat ako sa inyo dahil hindi ninyo namalayan na napasok kayo ng ilang mga tao na pinipilit baguhin ang mga aral tungkol sa biyaya ng Dios upang makagawa ng kalaswaan. Tinalikuran nila ang ating Panginoong Jesu-Cristo na nagmamay-ari ng ating buhay. Silaʼy mga taong walang Dios na noon pa man ay nakatakda nang parusahan ayon sa Kasulatan.

Kahit alam nʼyo na, gusto ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto, sa bandang huli ay pinatay niya ang ilan sa kanila dahil hindi sila sumampalataya sa kanya. Alalahanin nʼyo rin ang mga anghel na hindi nanatili sa dati nilang kalagayan kundi iniwan ang kanilang lugar. Ginapos ng Dios ang mga iyon ng mga kadenang hindi mapuputol, at ikinulong sa napakadilim na lugar hanggang sa araw na hahatulan sila. At alalahanin nʼyo rin ang nangyari sa Sodom at Gomora at sa mga kalapit na bayan nila. Katulad ng mga anghel na iyon, gumawa sila ng lahat ng uri ng kalaswaan, pati na ng kahalayan sa hindi nila kauri. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.

Ganyan din ang mga taong nakapasok sa inyo nang hindi ninyo namalayan. May mga pangitain sila na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng kahalayan sa sarili nilang katawan. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon, at nilalait nila ang mga makapangyarihang nilalang. Kahit na si Micael na pinuno ng mga anghel ay hindi nanlait ng ganoon. Sapagkat nang makipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas umakusa nang may panlalait. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Pero ang mga taong itoʼy nanlalait sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Tulad ng mga hayop na hindi iniisip ang kanilang ginagawa, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na damdamin nila na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 11 Nakakaawa ang sasapitin ng mga taong ito dahil sinunod nila ang ginawa ni Cain. Tinularan din nila si Balaam, dahil kahit alam nilang mali ang ginagawa nila, patuloy pa rin nila itong ginagawa dahil nasilaw sila sa salapi. At tulad din ni Kora, naghihimagsik sila laban sa Dios, kaya sila ay parurusahan ding tulad niya. 12 Ang mga taong itoʼy nakakasira[b] sa pagsasalo-salo ninyo bilang magkakapatid sa Panginoon. Ang tanging habol nila ay kumain at uminom, at hindi sila nahihiya sa ginagawa nila. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin pero wala namang dalang ulan. Para rin silang mga punongkahoy na walang bunga sa kapanahunan nito, binunot pati ang ugat at talagang patay na. 13 At kung paanong nakikita ang bula ng malalakas na alon sa dagat, nakikita rin ang mga gawa nilang kahiya-hiya. Para rin silang mga ligaw na bituin. Itinakda sila ng Dios para sa napakadilim na lugar, at mananatili sila roon magpakailanman.

14 Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo, darating ang Panginoon na kasama ang libu-libo niyang mga anghel 15 para hatulan ang lahat at parusahan ang mga hindi kumikilala sa Dios dahil sa masasama nilang gawa at masasakit na pananalita laban sa kanya.” 16 Ang mga taong ito na sumasalungat sa katotohanan ay mareklamo, mapagpuna, at ang tanging sinusunod ay ang masasamang hangarin nila. Mayabang sila sa kanilang pananalita, at nililinlang nila ang mga tao para makuha ang gusto nila.

Mga Payo at Babala

17 Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18 Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19 Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20 Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin. 22 Maawa kayo sa mga nag-aalinlangan. 23 Tulungan ninyo ang iba na maligtas sa kaparusahan, na para bang nagliligtas kayo ng isang bagay na masusunog na. Maawa kayo kahit sa mga taong napakasama, pero mag-ingat kayo sa masasama nilang gawa. Kasuklaman ninyo kahit na ang damit nilang nadumihan ng kasamaan nila.

Papuri at Pasasalamat sa Dios

24 At ngayon, purihin natin ang Dios – siya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan. 25 Siya lang ang Dios at ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.

Salmo 127

Papuri sa Kabutihan ng Dios

127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
    Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
    dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.

Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
Mapalad ang taong may maraming anak,
    dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.

Kawikaan 29:15-17

15 Ang pagpalo sa bata upang siya ay ituwid ay makapagtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung pababayaan lang siya, makapagbibigay siya ng kahihiyan sa kanyang magulang.
16 Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid.
17 Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®