The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[a] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[b]
20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”
24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”
25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.
Ang Sampung Utos(A)
20 Sinabi ng Panginoon,
2 “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
3 “Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.
4 “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. 5 Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 6 Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
7 “Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
8 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. 9 Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 10 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay italaga ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. 11 Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng naririto, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin.
12 “Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
13 “Huwag kayong papatay.
14 “Huwag kayong mangangalunya.
15 “Huwag kayong magnanakaw.
16 “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.
17 “Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”
18 Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19 at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”
20 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”
21 Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Dios.
22 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Nakita ninyo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit. 23 Kaya huwag kayong gagawa ng mga dios-diosang pilak o ginto para sambahing kasama nang pagsamba sa akin.
24 “Gumawa kayo ng altar na lupa para sa akin at gawin ninyo itong pag-aalayan ng inyong mga tupa, kambing at mga baka bilang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[c] Gawin ninyo ito sa lugar na pinili ko para sambahin ako, at doon ay pupuntahan ko kayo at pagpapalain. 25 Kung gagawa kayo ng altar na bato para sa akin, huwag ninyong tatapyasin; dahil kung gagamitan ninyo ito ng sinsel, hindi na ito karapat-dapat gamitin sa paghahandog sa akin. 26 At huwag din kayong gagawa ng altar na may hagdan dahil baka masilipan kayo sa pag-akyat ninyo.”
Ang Pagtrato sa mga Alipin(B)
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ito ang mga tuntuning ipapatupad mo sa mga Israelita:
2 “Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Pero sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran. 3 Kung binili nʼyo siya na wala pang asawa at sa katagalan ay nakapag-asawa, siya lang ang lalaya sa ikapitong taon. Pero kung may asawa siya nang bilhin ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya. 4 Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5 “Pero kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya, 6 dadalhin siya ng amo niya sa presensya ng Dios[d] doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman.
7 “Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae para gawing alipin, hindi siya lalaya sa ikapitong taon kagaya ng lalaking alipin. 8 Kung hindi masisiyahan ang amo niyang bumili sa kanya, pwede siyang tubusin ng pamilya niya dahil hindi pananagutan ng amo niya ang responsibilidad sa kanya. Pero hindi siya pwedeng ipagbili ng amo niya sa mga dayuhan. 9 Kung ibibigay ng amo niya ang aliping ito sa kanyang anak bilang asawa, kailangan niyang ituring siya na anak niyang babae. 10 Kung gagawin niyang asawa ang alipin, at mag-aasawa pa siya ng iba pang babae, kailangang ipagpatuloy niya ang pagbibigay sa kanya ng mga pagkain at damit, at ang pagsiping sa kanya. 11 Kung hindi niya masusunod ang tatlong bagay na ito, papayagan niyang lumaya ang babae nang walang bayad.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Krimen
12 “Ang sinumang makakasakit ng tao at mapatay ito, papatayin din siya. 13 Pero kung hindi niya ito sinadya at pinayagan ko itong mangyari, makakatakas siya sa lugar na ituturo ko sa kanya. 14 Pero kung sinadya niya at plinano ang pagpatay, patayin nʼyo siya kahit na lumapit pa siya sa altar ko.
15 “Ang sinumang mananakit[e] sa kanyang ama o ina ay papatayin.
16 “Ang sinumang dudukot sa isang tao ay papatayin kahit na ipinagbili na niya o hindi ang kanyang dinukot.
17 “Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay papatayin.
18 “Halimbawang nag-away ang dalawang tao, sinuntok o binato ang kanyang kaaway at siyaʼy nabalda at hindi na makabangon pero hindi namatay, 19 ngunit kung sa bandang huliʼy makabangon at makalakad ang napilay, kahit na nakabaston pa siya, ang taong nanakit sa kanyaʼy hindi dapat parusahan. Pero kailangang magbayad ang tao sa kanya sa nasayang na panahon, at kailangan siyang alagaan ng taong nanakit hanggang sa gumaling siya.
20 “Kapag hinagupit ng tungkod ng sinuman ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at agad itong namatay, parurusahan siya. 21 Pero kung makakabangon ang alipin pagkalipas ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan dahil pagmamay-ari niya ang alipin.
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo(A)
13 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! 14 [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] 15 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! 16 Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? 18 Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. 21 Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. 22 At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.
23 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu[a] ng inyong mga pampalasa,[b] ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, pero lumululon naman kayo ng kamelyo!
25 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan ayon sa inyong seremonya, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.[c] 26 Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.[d] 27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”
Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(B)
29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”
37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[e]
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
2 Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
3 Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
4 Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
5 Binalewala nila ang inyong mga gawa.
Gaya ng lumang gusali,
gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
6 Purihin kayo, Panginoon,
dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
7 Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
8 Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
9 Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.
7 Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Itanim mo ito sa iyong isipan at 2 sundin ang mga iniuutos ko, upang humaba ang buhay mo. Ingatan mong mabuti ang mga itinuturo ko katulad ng pag-iingat mo sa mga mata mo. 3 Itanim mo sa iyong isipan upang hindi mo makalimutan. 4 Ituring mo na parang kapatid na babae ang karunungan at ang pang-unawa na parang isang malapit na kaibigan. 5 Sapagkat ilalayo ka nito sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®