Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 20:22-22:16

22 Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan. 23 Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila. 24 At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana[a] sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios na humirang sa inyo mula sa mga tao.

25 Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko. 26 Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.

27 Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari

21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:

Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[b] para sa akin na siyang pagkain ko.

Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[c] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[d]

Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.

10 Kung ang punong pari[e] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.

13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.

16 Inutusan ng Panginoon si Moises 17 na sabihin ito kay Aaron:

Walang sinuman sa angkan mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon na may kapansanan ang katawan na makapaghahandog sa akin ng mga handog na pagkain. 18 Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, 19 bali ang paa o kamay, 20 kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog. 21-23 Kaya kung ang angkan ni Aaron ay may kapansanan sa katawan, hindi siya maaaring maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na siyang pagkain ko. Hindi rin siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang aking Tolda. Pero maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga banal at pinakabanal na handog. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging akin.

24 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.

Ang mga Handog sa Panginoon

22 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:

Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.

Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,[f] ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.

4-7 Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,[g] o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.[h] Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.

Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.

Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

10 Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11 Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13 Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.

Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14 Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.

15 Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16 para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

Marcos 9:1-29

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikitang dumarating ang paghahari ng Dios na dumarating nang may kapangyarihan.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa isang mataas na bundok. Sila lang ang naroon. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Naging puting-puti ang damit niya at nakakasilaw tingnan. Walang sinuman dito sa mundo na makakapagpaputi nang katulad noon. At nakita nila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabutiʼt narito po kami![a] Gagawa kami ng tatlong kubol:[b] isa po para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Ito ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sapagkat sila ay takot na takot. Pagkatapos, tinakpan sila ng ulap. At may narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Tumingin sila agad sa paligid, pero wala nang ibang naroon kundi si Jesus na lang.

Nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang nakita ninyo hanggaʼt ako na Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Kaya hindi nila sinabi kahit kanino ang pangyayaring iyon. Pero pinag-usapan nila kung ano ang ibig niyang sabihin sa muling pagkabuhay. 11 Nagtanong sila kay Jesus, “Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 12-13 Sumagot siya sa kanila, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sasabihin ko sa inyo: dumating na si Elias at ginawa ng mga tao ang gusto nilang gawin sa kanya ayon na rin sa isinulat tungkol sa kanya. Ngunit bakit nasusulat din na ako na Anak ng Tao ay magtitiis ng maraming hirap at itatakwil ng mga tao?”

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(B)

14 Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15 Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16 Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20 Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24 Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”

25 Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.

28 Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”

Salmo 43

Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan

43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
    at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
    Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
    bakit nʼyo ako itinakwil?
    Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
    upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
    na nagpapagalak sa akin.
    At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

Kawikaan 10:18

18 Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®