The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang mga Damit ng mga Pari(A)
39 Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron.
Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(B)
2 Nagtahi rin sila ng espesyal na damit[a] ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay pinong linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 3 Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpitpit sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong telang linen, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito. 4 May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat. 5 Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
6 Ikinabit nila ang mga batong onix sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob[b] gaya ng pagkakaukit sa pantatak. 7 Ikinabit nila ito sa mga tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Bulsa na Nasa Dibdib(C)
8 Gumawa rin sila ng bulsa na nasa dibdib at napakaganda ng pagkakagawa nito. Ang tela nitoʼy katulad din ng tela ng espesyal na damit: pinong telang linen na binurdahan gamit ang gintong sinulid, lanang kulay asul, ube at pula. 9 Ang bulsa na nasa dibdib ay nakatupi ng doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 10 Inilagay nila rito ang apat na hanay ng mamahaling mga bato. Sa unang hanay nakalagay ang rubi, topaz, at beril; 11 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 12 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista; 13 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Inilagay nila ito sa balangkas na ginto. 14 Ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
15 Nilagyan nila ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 16 Gumawa rin sila ng dalawang balangkas na ginto at dalawang parang singsing na ginto sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa sa dibdib. 17 Isinuot nila ang dalawang mala-kwintas na taling ginto sa dalawang parang singsing sa bulsa na nasa dibdib, 18 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit.
19 Gumawa rin sila ng dalawa pang parang mga singsing na ginto at isinuot ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 20 Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 21 Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at ang mga parang singsing sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at sa espesyal na damit, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Iba pang Damit ng mga Pari(D)
22 Tumahi rin sila ng damit-panlabas ng mga pari. Ang mga ito ay napapatungan ng espesyal na damit. Ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit-panlabas ay lana na purong asul. 23 Ang mga damit na itoʼy may butas sa gitna para sa ulo at may parang kwelyo para hindi ito mapunit. 24 Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 25-26 Nilagyan nila ng mga gintong kampanilya ang laylayan ng damit sa pagitan ng palamuting hugis pomegranata. Ang damit na ito ang isusuot ni Aaron kapag naglilingkod na siya sa Panginoon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
27 Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Pinong linen ang tela na kanilang ginamit. 28 Ganito rin ang tela na ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit. 29 Ang mga sinturon ay gawa rin sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
30 Gumawa sila ng parang medalya na purong ginto at inukit nila ang mga salitang ito, “Ibinukod para sa Panginoon,” katulad ng pagkakaukit sa pantatak. 31 Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Pagsusuri ni Moises sa Natapos na Gawain(E)
32 Natapos ang lahat ng gawain sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33 Ipinakita nila kay Moises ang Toldang Sambahan at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, pundasyon, 34 ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina; 35 ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat; 36 ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 37 ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw; 38 ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda; 39 ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito; 40 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan; 41 at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.
42 Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 43 Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon. Kaya binasbasan sila ni Moises.
Ang Pagtatayo ng Toldang Sambahan
40 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Itayo mo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan sa unang araw ng unang buwan. 3 Ilagay mo sa loob ang Kahon ng Kasunduan, at tabingan mo ito ng kurtina. 4 Ipasok mo ang mesa sa Tolda at ayusin mo ang mga kagamitan nito. Ipasok mo rin ang mga lalagyan ng ilaw at ilagay ang mga ilaw nito. 5 Ilagay mo ang mga gintong altar na pagsusunugan ng insenso sa harap ng Kahon ng Kasunduan, at ikabit ang kurtina sa pintuan ng Tolda.
6 “Ilagay mo ang altar na pagsusunugan ng mga handog sa harapan ng pintuan ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. 7 Ang planggana ay ilagay sa pagitan ng Tolda at ng altar, at lagyan ito ng tubig. 8 Ilagay ang mga kurtina sa bakuran ng Tolda, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran.
9 “Pagkatapos, kunin mo ang langis at wisikan ang Tolda at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging banal ito. 10 Wisikan mo rin ang altar na pagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging pinakabanal ito. 11 Wisikan mo rin ang planggana at ang patungan nito bilang pagtatalaga nito sa akin.
12 “Dalhin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at paliguin mo sila roon. 13 Ipasuot mo kay Aaron ang banal na mga damit at italaga siya sa akin sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 14 Dalhin mo rin ang mga anak niya at ipasuot ang damit-panloob nila. 15 Pahiran mo rin sila ng langis gaya ng ginawa mo sa kanilang ama, para makapaglingkod din sila sa akin bilang mga pari sa lahat ng susunod pang mga henerasyon.” 16 Ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
17 Kaya itinayo ang Toldang Sambahan noong unang araw ng unang buwan. Ikalawang taon iyon nang paglabas nila ng Egipto. 18 Ganito itinayo ni Moises ang Tolda: Inilagay niya ang mga pundasyon, balangkas, biga, at haligi. 19 Inilatag niya ang Tolda at pinatungan niya ng pantaklob. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20 Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios, at isinuksok niya sa argolya[c] ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at tinakpan ito. 21 Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.
22 Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina. 23 At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
24 Inilagay din niya ang lalagyan ng ilaw sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog. 25 At inilagay niya ang mga ilaw nito sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
26 Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina, 27 at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
28 Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda, 29 at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pinagsusunugan ng mga handog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30 Inilagay din niya ang planggana sa pagitan ng Tolda at ng altar. Nilagyan niya ito ng tubig para paghugasan. 31 At naghugas sina Moises, Aaron at ang mga anak niyang lalaki ng mga kamay at paa nila. 32 Maghuhugas sila kapag pumapasok sa Tolda o kapag lalapit sila sa altar. Ginawa nilang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
33 Pagkatapos, inilagay ni Moises ang mga kurtina ng bakuran, na nakapaligid sa Tolda at altar, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran. At natapos ni Moises ang lahat ng gawain niya.
Ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon(F)
34 Pagkatapos ng lahat ng ito, binalot ang Toldang Tipanan[d] ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyo ng isang ulap. 35 Hindi makapasok si Moises sa Tolda dahil nababalot ito ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyong ulap.
36 Kapag pumaitaas ang ulap mula sa Tolda at umalis, umaalis din ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila. 37 Pero kung hindi, hindi rin sila umaalis. 38 Ang ulap na sumisimbolo sa presensya ng Panginoon ay nasa itaas ng Tolda kapag araw, at nag-aapoy naman ito kapag gabi para makita ng lahat ng Israelita habang naglalakbay sila.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 1-2 Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. Nagsimula ito nang matupad ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol sa sinabi ng Dios sa kanyang Anak: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.[a] 3 Maririnig ang kanyang sigaw sa ilang, na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[b]
4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.[c] 8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(B)
9 Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati. 11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
12 At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.
Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(C)
14 Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios. 15 Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na[d] ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”
16 Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[e] 18 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila. 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(D)
21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!” 25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” 26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas. 27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!” 28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.
Dalangin para Tulungan
35 Panginoon, kontrahin nʼyo po
ang mga kumukontra sa akin.
Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
2 Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
at akoʼy inyong tulungan.
3 Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
para sa mga taong humahabol sa akin.
Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
“Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”
4 Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.
5 Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,
habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
6 Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,
habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
7 Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,
kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
8 Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.
Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,
at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
9 At akoʼy magagalak
dahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
“Panginoon, wala kayong katulad!
Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”
11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
11 Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. 12 Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®