Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 29:1-30:10

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki Bilang mga Pari(A)

29 “Ito ang gagawin mo sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay na walang pampaalsa. Makapal na tinapay na hinaluan ng langis ang lutuin mo, at manipis na tinapay na pinahiran ng langis. Pagkatapos, ilagay mo ang mga tinapay sa basket at ihandog sa akin kasama ang batang toro at dalawang lalaking tupa.

“Dadalhin mo sa may pintuan ng Toldang Tipanan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki, at papaliguin mo sila. Pagkatapos, ipasuot mo kay Aaron ang damit-panloob, ang damit-panlabas, ang espesyal na damit,[a] at ang bulsa na nasa dibdib. Itali mo nang mabuti ang espesyal na damit gamit ang hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipasuot mo sa ulo niya ang turban, at ikabit sa harapan ng turban ang ginto na simbolo ng pagbubukod sa kanila ng Panginoon. Kunin mo rin ang langis at ibuhos ito sa ulo ni Aaron sa pagtatalaga sa kanya. Italaga rin ang mga anak niyang lalaki at pagsuotin sila ng damit-panloob, turban at sinturon at ordinahan din sila. Magiging pari sila habang buhay. Sa pamamagitan nito, ordinahan mo si Aaron at ang mga anak niya.

10 “Dalhin mo ang batang toro sa harap ng Toldang Tipanan, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang kamay nila sa ulo ng toro. 11 Pagkatapos, katayin ang baka sa presensya ng Panginoon, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng dugo ng baka at ipahid mo ito sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ibuhos mo sa ilalim ng altar ang matitirang dugo. 13 Pagkatapos, kunin mo ang lahat ng taba sa tiyan ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati na ang mga taba nito, at sunugin ito sa altar. 14 Pero sunugin mo ang laman, balat at bituka nito sa labas ng kampo bilang handog sa paglilinis.

15 “Pagkatapos, kunin mo ang isa sa lalaking tupa at ipatong mo ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 16 Katayin ito, at iwisik ang dugo sa palibot ng altar. 17 Hiwa-hiwain mo ang tupa at hugasan ang mga lamang loob at paa, ipunin mo ito pati ang ulo at ang iba pang parte ng hayop. 18 Sunugin mo itong lahat sa altar bilang handog na sinusunog para sa akin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin.

19 “Pagkatapos, kunin mo ang isa pang lalaking tupa, at ipatong ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 20 Katayin ninyo ito at kumuha ka ng dugo, at ipahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at ng mga anak niya, at sa mga kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwiwisik ang natirang dugo sa palibot ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at ihalo ito sa langis na pamahid,[b] iwisik ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa kanilang mga damit. Sa pamamagitan nito, maitatalaga si Aaron at ang mga anak niya, pati na ang mga damit nila.

22 “Pagkatapos, kunin ninyo ang taba ng tupa, ang matabang buntot, at ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. Ito ang tupang handog para sa pagtatalaga sa mga pari. 23 Kumuha ka sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa na ihahandog para sa akin: tinapay na hindi hinaluan ng langis, makapal na tinapay na hinaluan ng langis at manipis na tinapay. 24 Ipahawak mo itong lahat kay Aaron at sa mga anak niya, at itataas nila ito sa akin bilang mga handog na itinataas. 25 Kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar kasama ng mga handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 26 Kunin mo rin ang dibdib ng tupa at itaas nʼyo ito sa akin bilang mga handog na itinataas. Ito ang parte mo sa tupang handog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niyang lalaki.

27 “Ialay mo rin sa akin ang mga parte ng tupang inihandog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niya, kasama na rito ang dibdib at hitang itinaas mo sa akin. 28 Sa tuwing maghahandog ang mga Israelita ng mga handog para sa mabuting relasyon, dapat ganito palagi ang mga parte ng mga hayop na mapupunta kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki.

29 “Kapag namatay na si Aaron, ang banal na mga damit niya ay ibibigay sa mga anak niyang papalit sa kanya bilang punong pari, para ito ang isuot nila kapag ordinahan na sila. 30 Ang mga angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari ang magsusuot ng mga damit na ito sa loob ng pitong araw kapag papasok siya sa Toldang Tipanan para maglingkod sa Banal na Lugar.

31 “Kunin mo ang tupa na inialay sa pagtatalaga at lutuin ang karne nito sa isang banal na lugar. 32 Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito. 34 Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.

35 “Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Gawin mo ang pag-ordina sa kanila sa loob ng pitong araw. 36 Bawat araw, maghandog ka ng isang baka bilang handog sa paglilinis para maging malinis ang altar, at pagkatapos, pahiran mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito. 37 Gawin mo ito sa loob ng pitong araw; at magiging pinakabanal ang altar, at dapat banal din ang humahawak nito.

Ang Araw-araw na mga Handog(B)

38 “Dalawang tupa na isang taong gulang ang ihandog mo sa altar araw-araw. 39 Isa sa umaga at isa sa hapon. 40 Sa paghahandog mo ng tupa sa umaga, maghandog ka rin ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis mula sa pinigang olibo. Maghandog ka rin ng isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. 41 Sa paghahandog mo ng tupa sa hapon, ihandog mo rin ang mga nabanggit na harina at inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 42-43 Ang mga handog na sinusunog ay kailangang ihandog araw-araw ng susunod pang mga henerasyon. Ihandog ninyo ito sa aking presensya, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan kung saan ako makikipag-usap sa iyo at makikipagkita sa mga Israelita. Magiging banal ang Tolda dahil sa makapangyarihan kong presensya. 44 Oo, gagawin kong banal ang Toldang Tipanan at ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang mga anak niya sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 45 Maninirahan ako kasama ng mga Israelita at akoʼy magiging Dios nila. 46 Malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto para makapanirahan akong kasama nila. Oo, Ako ang Panginoon na kanilang Dios.

Ang Altar na Pagsusunugan ng Insenso(C)

30 “Magpagawa ka ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kailangang kwadrado ito-18 pulgada ang haba at ang lapad, at tatlong talampakan ang taas. Kailangang mayroon itong parang sungay sa mga sulok na kasamang ginawa nang gawin ang altar. Balutin mo ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid, at ang parang sungay sa mga sulok nito. At lagyan mo ito ng hinulmang ginto sa palibot. Palagyan ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. Gumawa ka ng tukod na gawa sa kahoy ng akasya at balutan ito ng ginto. Ilagay ito sa harap ng altar sa telang tumatabing sa Kahon ng Kasunduan. Doon ako makikipagkita sa inyo.

“Tuwing umaga, kapag mag-aasikaso si Aaron ng mga ilaw, magsusunog siya ng mabangong insenso sa nasabing altar. At sa hapon, kapag magsisindi siya ng ilaw, magsusunog siyang muli ng insenso. Dapat itong gawin araw-araw sa aking presensya ng susunod pang mga henerasyon. Huwag kayong mag-aalay sa altar na ito ng ibang insenso, o kahit anong handog na sinusunog, o handog para sa mabuting relasyon, o handog na inumin. 10 Isang beses sa bawat taon, kailangang linisin ni Aaron ang altar sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo sa parang mga sungay na sulok nito. Ang dugong ipapahid ay galing sa handog sa paglilinis. Dapat itong gawin bawat taon ng susunod pang mga henerasyon, dahil ang altar na ito ay napakabanal para sa akin.”

Mateo 26:14-46

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(A)

14 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15 Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.

Sinabi ni Jesus na Tatraydurin Siya(B)

17 Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga tagasunod ni Jesus at nagtanong, “Saan nʼyo po gustong maghanda kami ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 18 Sumagot si Jesus, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi ng Guro na malapit na ang kanyang oras, at gusto niyang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay, kasama ang mga tagasunod niya.’ ” 19 Sinunod nila ang utos ni Jesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

20 Kinagabihan, naghapunan si Jesus at ang 12 tagasunod. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magtatraydor sa akin.” 22 Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” 23 Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magtatraydor sa akin. 24 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” 25 Nagtanong din si Judas na siyang magtatraydor sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”

Huling Hapunan ni Jesus(C)

26 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 27 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[a] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito, 28 dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong[b] kasunduan ng Dios sa mga tao. 29 Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng aking Ama. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Umawit sila ng papuri sa Dios, at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(D)

31 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat ngayong gabi, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[c] 32 Ngunit pagkatapos na mabuhay akong muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 33 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hinding-hindi ko po kayo iiwan.” 34 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 35 Sinabi ni Pedro, “Hinding-hindi ko po kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pang mga tagasunod.

Nanalangin si Jesus sa Getsemane(E)

36 Pagkatapos, pumunta si Jesus kasama ang mga tagasunod niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon upang manalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedee. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Jesus, 38 at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 39 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[d] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”

40 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras lang? 41 Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[e]

42 Lumayong muli si Jesus at nanalangin, “Ama ko, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy mangyari ang kalooban ninyo.” 43 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila.

44 Lumayo ulit si Jesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. 45 Binalikan niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. 46 Tayo na! Narito na ang taong nagtatraydor sa akin.”

Salmo 31:19-24

19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
    sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
    Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
    At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.

21 Purihin ang Panginoon,
    dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
    noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
    “Binalewala na ako ng Panginoon.”
    Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.

23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
    mahalin ninyo ang Panginoon.
    Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
    ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
    kayong mga umaasa sa Panginoon.

Kawikaan 8:14-26

14 Magaling akong magpayo at may sapat na kaalaman. May pang-unawa at kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ko nakakapamuno ang mga hari at ang mga pinunoʼy nakagagawa ng mga tamang batas.
16 Sa pamamagitan ko makakapamuno ang mga tagapamahala at mga opisyal – ang lahat na namumuno ng matuwid.[a]
17 Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;
    makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18 Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan, kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19 Ang maibibigay ko ay higit pa sa purong ginto at pilak.
20 Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21 Bibigyan ko ng kayamanan ang nagmamahal sa akin;
    pupunuin ko ang lalagyan nila ng kayamanan.
22 Noong una pa, nilikha na ako ng Panginoon bago niya likhain ang lahat.
23-26 Nilikha na niya ako noong una pa man.
    Naroon na ako nang wala pa ang mundo, ang mga dagat, mga bukal, mga bundok, mga burol, mga bukid at kahit pa ang mga alikabok.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®