Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 19:1-20:21

Ibaʼt ibang Kautusan

19 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal. Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10 Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

11 Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.

12 Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon. 13 Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.

14 Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.

15 Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.

16 Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.

17 Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.

18 Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.

19 Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,[a] dapat silang parusahan. Pero huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22 Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.

23 Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24 Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

26 Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.

Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.

27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28 At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.

29 Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.

30 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.

31 Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.

33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.

Mga Parusa sa mga Kasalanan

20 Inutusan ng Panginoon si Moises, na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ang sinuman sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo na maghahandog ng kanyang anak sa dios-diosang si Molec ay dapat batuhin ng taong bayan hanggang sa mamatay. 3-4 Kasusuklaman ko ang taong iyon at huwag na ninyong ituring na kababayan. Sapagkat dahil sa paghahandog niya ng kanyang anak kay Molec, dinungisan niya ang lugar na pinagsasambahan sa akin at nilapastangan niya ang aking pangalan. Kapag ang taong iyon ay hinahayaan ninyo sa kanyang ginagawang iyon, ako mismo ang uusig sa kanya, at sa sambahayan niya, at sa lahat ng sumusunod sa kanya sa paghahandog kay Molec. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.

Kasusuklaman ko ang mga sumasangguni at sumusunod sa mga espiritistang nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.

Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo ang aking mga tuntunin dahil ako ang Panginoon na nagtalaga sa inyo para maging bayan ko.

Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay kailangang patayin.

10 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng iba, siya at ang babae ay dapat patayin.

11 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang ama, nilalapastangan niya ang kanyang ama. Kaya siya at ang babae ay dapat patayin. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

12 Kung ang isang amaʼy sumiping sa kanyang manugang na babae, siya at ang babae ay dapat patayin, dahil masama ang kanilang ginawa. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

13 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, pareho silang dapat patayin dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

14 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa mag-ina, silang tatlo ay dapat sunugin dahil masama ang kanilang ginawa. Ang kasamaang ito ay dapat mawala sa inyo.

15-16 Kung ang isang lalaki o babae ay sumiping sa hayop, dapat siyang patayin pati na ang hayop. Sila ang responsable sa kanilang kamatayan.

17 Kung ang isang lalaki ay magpakasal sa kapatid niyang babae at sumiping dito, maging itoʼy kapatid niya sa ama o sa ina, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan kaya dapat siyang managot. At dahil masama ang ginawa nila, huwag na silang ituring na kababayan ninyo.

18 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil gusto rin ng babae, silang dalawa ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

19 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang tiyahin, inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang tiyahin. Silang dalawa ay dapat managot sa kanilang ginawa.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang tiyuhin, inilalagay niya ang kanyang tiyuhin sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat managot at mamatay na walang anak.

21 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang kapatid, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan. At dahil masama ang ginawa nila, mamamatay silang dalawa na walang anak.

Marcos 8:11-38

Humingi ng Himala ang mga Pariseo(A)

11 Pagdating nila roon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukin siya kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[a] bilang patunay na sugo nga siya ng Dios. 12 Pero napabuntong-hininga si Jesus at sinabi, “Bakit nga ba humihingi ng himala ang mga tao sa panahong ito? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang anumang himalang ipapakita sa inyo.” 13 Pagkatapos, iniwan niya sila. Sumakay ulit siya sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa.

Ang Pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes(B)

14 Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[b] ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!” 20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!” 21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Bulag sa Betsaida

22 Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Jesus. Nagmakaawa sila na kung maaari ay hipuin niya ang bulag upang makakita. 23 Kaya inakay ni Jesus ang bulag palabas ng Betsaida. Pagdating nila sa labas, dinuraan niya ang mga mata ng bulag. Pagkatapos, ipinatong niya ang kamay niya sa bulag at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?” 24 Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.” 25 Kaya muling ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa mata ng bulag. Pagkatapos, tumingin ulit ang lalaki at lumiwanag ang kanyang paningin. 26 Bago siya pinauwi ni Jesus ay binilinan siya, “Huwag ka nang bumalik sa Betsaida.”

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(C)

27 Pagkatapos, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa mga nayon na sakop ng Cesarea Filipos. Habang naglalakad sila, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 28 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta.” 29 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”[c] 30 Sinabihan sila ni Jesus na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)

31 Nagsimulang mangaral si Jesus sa mga tagasunod niya na siya na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila siya, pero sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Ipinaliwanag niya ang lahat ng ito sa kanila. Nang marinig iyon ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan. 33 Pero humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at saka sinabi kay Pedro, “Lumayo ka sa akin Satanas! Ang iniisip moʼy hindi ayon sa kalooban ng Dios kundi ayon sa kalooban ng tao!”

34 Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao pati na ang mga tagasunod niya at pinalapit sa kanya. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat unahin ang sarili. Dapat ay handa niyang harapin kahit ang kamatayan[d] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 35 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 36 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya? 37 May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman sa panahong ito, na ang mga taoʼy makasalanan at hindi tapat sa Dios, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang kapangyarihan ng aking Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Salmo 42

Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon

42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
    O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
    Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
    habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
    “Nasaan na ang Dios mo?”
Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
    At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.

Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
    Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
    na umuugong na parang tubig sa talon.
    Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
    Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
    O Dios na nagbigay ng buhay ko.
O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
    “Bakit nʼyo ako kinalimutan?
    Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
    Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

Kawikaan 10:17

17 Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®