The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio
1 Noong(A) unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Jeremias nang udyukan ni Yahweh si Ciro na isulat at ipahayag sa buong kaharian ang utos na ito:
2 “Ito(B) ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda. 3 Kayo na kanyang bayan, patnubayan nawa kayo ng inyong Diyos sa pagbabalik ninyo sa Jerusalem upang muling maitayo roon ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang Diyos na sinasamba sa Jerusalem. 4 Sinuman sa inyo na nangingibang-bayan, kung nais bumalik doon, dapat siyang tulungan ng kanyang mga kababayan. Dapat siyang bigyan ng pilak at ginto, mga bagay na kakailanganin, at mga hayop, gayundin ng mga kusang-kaloob na handog para sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem.”
5 Bilang tugon, agad na nagsipaghanda ang mga pinuno ng mga lipi ng Juda at Benjamin, gayundin ang mga pari at ang mga Levita, at ang mga iba pang inudyukan ng espiritu ng Diyos upang muling itayo ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem. 6 Tinulungan sila ng lahat ng mga nakapalibot sa kanila. Binigyan sila ng mga pilak at gintong lalagyan, mga bagay na kakailanganin, mga hayop, iba pang mamahaling gamit, bukod pa sa mga kusang-kaloob na handog para sa Templo.
7 Ibinalik naman sa kanila ni Haring Ciro ang mga mangkok at tasa na dinala ni Haring Nebucadnezar sa templo ng kanyang mga diyos pagkatapos na kunin ang mga iyon mula sa Templo ni Yahweh. 8 Ipinagkatiwala ni Haring Ciro kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian ang pagbilang sa mga bagay na ibinalik. Ang mga ito'y binilang ni Metridat sa harap ni Sesbazar na tagapamahala ng Juda. 9-10 Ito ang bilang ng mga kagamitan:
palangganang ginto | 30 |
palangganang pilak | 1,000 |
lalagyan ng insenso[a] | 29 |
mangkok na ginto | 30 |
iba't ibang sisidlang pilak | 410 |
iba't iba pang kagamitan | 1,000 |
11 Lahat-lahat, umabot sa 5,400 ang bilang ng mga lalagyang ginto at pilak na dinala ni Sesbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng iba pang mga dinalang-bihag doon.
Ang Listahan ng mga Bumalik na Bihag(C)
2 Ito ang listahan ng mga dinalang-bihag sa lalawigan ng Babilonia na bumalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda. Nanirahan ang kanilang mga pamilya sa Babilonia simula pa nang ang mga ito ay dalhing-bihag doon ni Haring Nebucadnezar. 2 Sa kanilang pagbabalik pinangunahan sila nina Zerubabel, Josue, Nehemias, Seraias, Reelaias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.
Ito ang bilang ng mga angkan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:
3-20 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israelitang nakauwi:
Paros | 2,172 |
Sefatias | 372 |
Arah | 775 |
Pahat-moab (sa mga anak nitong sina Jeshua at Joab) | 2,812 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 945 |
Zacai | 760 |
Bani | 642 |
Bebai | 623 |
Azgad | 1,222 |
Adonikam | 666 |
Bigvai | 2,056 |
Adin | 454 |
Ater (tinatawag ding Ezequias) | 98 |
Bezai | 323 |
Jora | 112 |
Hasum | 223 |
Gibar | 95 |
21-35 Ito naman ang listahan ng mga angkang nakabalik na nakatira sa mga sumusunod na bayan:
Bethlehem | 123 |
Netofa | 56 |
Anatot | 128 |
Azmavet | 42 |
Jearim, Cafira at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmas | 122 |
Bethel at Hai | 223 |
Nebo | 52 |
Magbis | 156 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Lod, Hadid, at Ono | 725 |
Jerico | 345 |
Senaa | 3,630 |
36-39 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng pari:
Jedaias (mula kay Jeshua) | 973 |
Imer | 1,052 |
Pashur | 1,247 |
Harim | 1,017 |
40-42 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng Levita:
Jeshua at Kadmiel (mula kay Hodavias) | 74 |
Mga mang-aawit (mula kay Asaf) | 128 |
Mga bantay-pinto (mula kina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Sobai) | 139 |
43-54 Ang mga manggagawa naman ng Templo na nakabalik mula sa pagkabihag ay ang mga angkan nina:
Ziha, Hasufa, Tabaot,
Keros, Siaha, Padon,
Lebana, Hagaba, Akub,
Hagab, Samlai, Hanan,
Gidel, Gahar, Reaias,
Rezin, Nekoda, Gazam,
Uza, Pasea, Besai,
Asnah, Meunim, Nefisim,
Bakbuk, Hakufa, Harhur,
Bazlut, Mehida, Harsa,
Barkos, Sisera, Tema,
Nezias, at Hatifa.
55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga sumusunod na angkan ng mga lingkod ni Solomon:
Sotai, Hasoferet, Peruda,
Jaala, Darkon, Gidel,
Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim,
at Ami.
58 Ang kabuuang bilang ng mga nagmula sa angkan ng mga manggagawa sa Templo at ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag ay 392.
59-60 May 652 na buhat sa mga angkan nina Delaias, Tobias, at Nekoda ang bumalik mula sa mga bayan ng Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adan, at Imer, kahit hindi nila napatunayan na sila'y mga Israelita.
61-62 Hindi rin mapatunayan ng mga sumusunod na angkan ng mga pari ang kanilang pinagmulang lahi: Habaias, Hakoz, at Barzilai. Ang kauna-unahang ninuno ng angkang ito ay nakapag-asawa sa anak na babae ni Barzilai na Gileadita, kaya't ang pangalan ng kanilang angkan ay mula sa pangalan ng kanyang biyenan. Hindi sila ibinilang na mga pari sapagkat hindi nila napatunayan kung sino ang kanilang mga ninuno. 63 Sinabihan(D) sila ng tagapamahalang Judio na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkaing handog sa Diyos hanggang wala pang pari na maaaring sumangguni sa Urim at Tumim.
64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360.
Ang kanilang mga utusang lalaki at babae ay 7,337.
Ang mga manunugtog na lalaki at babae ay 200.
Ang mga kabayo ay 736.
Ang mga mola ay 245.
Ang mga kamelyo ay 435.
Ang mga asno ay 6,720.
68 Nang dumating na sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng kusang-loob na handog upang gamitin sa muling pagtatayo ng Templo sa dating kinatatayuan nito. 69 Ibinigay nila ang buo nilang makakaya para sa gawaing ito, at ang kabuuang naipon ay 500 kilong ginto, 2,800 kilong pilak, at sandaang kasuotan ng mga pari.
70 Ang(E) mga pari, ang mga Levita, at ang ilang mga tao ay nanirahan sa loob mismo ng lunsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang mga manunugtog, ang mga bantay sa Templo, at ang mga manggagawa sa Templo ay nanirahan naman sa mga karatig-bayan. Ang ibang mga Israelita ay nanirahan sa mga bayang pinagmulan ng kani-kanilang mga ninuno.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat(A) nasusulat,
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20 Ano(B) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(C) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(D) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”
Ang Ipinapangaral ni Pablo
2 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga[a] ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. 3 Noong(E) ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
7 Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.
8 Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.
11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.
13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!
22 Huwag mong gantihan ng masama ang masama;
tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala.
23 Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama,
siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
by