The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
37 Kinakabahan ako kapag bumabagyo,
at hindi ko malaman ang gagawin ko.
2 Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos
mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
3 Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan,
mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
4 Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog,
ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
5 Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan,
kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
6 Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig,
ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
7 Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain,
upang malaman nila kung ano'ng kaya niyang gawin.
8 Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
9 Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula,
at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10 Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig,
nagiging yelong matigas at napakalamig.
11 Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12 Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos,
sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13 Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos,
maaaring parusa o kagandahang-loob.
14 “Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin,
ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
15 Alam mo ba kung paano niya inuutusan,
na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
16 Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang?
Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
17 Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init,
kapag ang hanging habagat ay umiihip.
18 Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag
na parang metal na makinis at matigas?
19 Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos,
isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos.
20 Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin,
bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain?
21 “Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin,
at nakakasilaw ang kanyang luningning.
22 May malagintong kaningningan sa gawing hilaga,
iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila.
23 Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan.
Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
24 Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat,
at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.”
Ang Sagot ng Diyos kay Job
38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong(A) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8 “Sino(B) ang humarang sa agos ng dagat,
nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9 Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,
at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,
upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,
at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12 Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13 Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw,
upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14 Malinaw na gaya ng tatak sa putik,
nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15 Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw,
sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.
16 “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17 May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan
na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo?
Sumagot ka kung alam mo.
19 “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat?
20 Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating,
at mula doon sila'y iyong pabalikin?
21 Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya,
pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na!
22 “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan
ng niyebe at ng yelong ulan?
23 Ang mga ito'y aking inilalaan,
sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan.
24 Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw,
o sa pinagmumulan ng hanging silangan?
25 “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha?
Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa?
26 Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto,
kahit na doo'y wala namang nakatirang tao?
27 Sino ang dumidilig sa tigang na lupa,
upang dito'y tumubo ang damong sariwa?
28 Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama?
29 Ang yelong malamig, mayroon bang ina?
Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila?
30 Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas,
nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat.
31 “Ang(C) Pleyades ba'y iyong matatalian,
o ang Orion kaya'y iyong makakalagan?
32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin,
o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper?
33 Alam mo ba ang mga batas sa langit,
ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig?
34 “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan
upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap,
sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36 Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo,
at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37 Sinong makakabilang sa ulap na makapal,
o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38 Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,
upang mapawi ang kanilang gutom?
40 Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,
at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?
39 Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan,
o ang panahon na ang usa ay magsisilang?
2 Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan?
Alam mo ba kung kailan ito iluluwal?
3 Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang
sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang?
4 Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang
at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan.
5 “Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno?
Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino?
6 Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan,
at doon sa maalat na kapatagan.
7 Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay,
walang makapagpaamo at hindi mautusan.
8 Ang pastulan nila'y ang kaburulan,
hinahanap nila'y sariwang damuhan.
9 “Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho?
Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra?
10 Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit,
at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid?
11 Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya?
Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya?
12 Umaasa ka ba na siya ay magbabalik
upang sa ani mo ay siya ang gumiik?
13 “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay,
nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal?
14 Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan,
ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan.
15 Di niya iniisip na baka ito'y matapakan,
o baka madurog ng mailap na nilalang.
16 Sa mga inakay niya siya ay malupit,
hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit,
17 sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan,
di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan.
18 Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo,
pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo.
19 “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo?
Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang,
at kapag humalinghing ay kinatatakutan?
21 Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa,
at napakabilis tumakbo upang makidigma.
22 Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib,
sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig.
23 Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay,
sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang.
24 Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon,
hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong.
25 Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya.
Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa;
maging ang utos ng kapitan sa mga kasama.
26 “Ikaw ba ang nagturo sa lawin upang ito'y makalipad,
kapag ikinakampay ang pakpak tungo sa timog ang tahak?
27 Naghihintay ba ng iyong utos ang agila,
upang sa mataas na bundok gumawa ng pugad niya?
28 Matataas na bato ang kanyang tirahan,
mga pagitan ng bato ang pinagkukutaan.
29 Ang kanyang biktima'y doon niya pinagmamasdan,
kahit malayo pa ay kanya nang natatanaw.
30 Sa(D) kanyang mga inakay, dugo ang ibinubuhay,
at tiyak na naroon siya kung saan mayroong bangkay.”
13 Sinasabi(A) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.
Nabubuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
5 Alam(B) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2 Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, 3 upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. 4 Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5 Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.
6 Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. 9 Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(C) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.
9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,
ang idinadahila'y may leon sa daan.
by