The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Ang Unang Sagutan(A)
4 Sinabi ni Elifaz na Temaneo,
2 “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
3 Marami na ring tao ang iyong naturuan,
at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
4 Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
5 Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
6 Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.
7 “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
8 Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
9 Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.
12 “Minsan, ako ay may narinig,
salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(B) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14 Ako'y sinakmal ng matinding takot,
ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’
5 “Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
2 Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
3 Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
4 Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
5 Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
6 Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
7 Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
9 Mga(C) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(D) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14 Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
17 “Mapalad(E) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(F) niya ang kanyang nasugatan,
pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20 Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”
Sinisi ni Job ang mga Kaibigan
6 Ang sagot ni Job:
2 “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
3 magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
4 Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
5 Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
6 Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
7 Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.
8 “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
9 Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.
14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20 ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23 Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?
24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.
Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam
7 “Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
2 Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
3 Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
4 Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
5 Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
inuuod, kumikirot,
ang nana ay lumalabas.
6 Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
kay bilis umikot parang sa makina.
7 “Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
8 Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
9 Tulad(G) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15 Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.
17 “Ano(H) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”
18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.
20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(A) ang nakasulat sa Kautusan:
“Sinabi ng Panginoon,
‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.
23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.
Kaayusan sa Iglesya
26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.
Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.[a]
36 Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? 37 Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35 Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
27 Ang(A) handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos,
lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod.
by