Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Nehemias 8:1-9:21

Binasa ni Ezra ang Kautusan

Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita'y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel. Kaya't nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti.

Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.

Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.

Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.

Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.

Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao, 10 “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”

11 Ang mga taong-bayan ay pinayapa ng mga Levita. Sinabi nila sa mga ito, “Huwag kayong malungkot, sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang. Kumain sila at uminom at binahaginan naman ang mga walang pagkain at inumin sapagkat naunawaan nila ang ipinaliwanag sa kanila.

Ipinagdiwang ang Pista ng mga Tolda

13 Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan. 14 Natuklasan(A) nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon. 15 Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.” 16 Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim. 17 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat. 18 Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan.

Ipinahayag ni Ezra ang Kasalanan ng Israel

Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno. Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos. Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos. Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:

“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.
    Purihin siya ngayon at magpakailanman!
Purihin ang kanyang dakilang pangalan,
    na higit na dakila sa lahat ng papuri!”

Pagpapahayag ng Kasalanan

At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:
“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;
    ikaw ang lumikha ng kalangitan
at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,
    ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;
ang dagat at ang lahat ng naroroon.
    Binibigyang buhay mo sila,
at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
Ikaw,(B) Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.
    Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea
    at pinangalanan mo siyang Abraham.
Nakita(C) mo siyang tapat sa inyo
    at gumawa ka ng kasunduan sa kanya.
Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak
    na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,
    ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.
Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.
“Nakita(D) mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.
Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.[a]
10 Gumawa(E) ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,
    laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,
    sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.
Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11 Sa(F) kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,
    at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.
Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,
    parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12 Pinatnubayan(G) mo sila ng haliging ulap kung araw,
    at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13 Mula(H) sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai
    at kinausap mo ang iyong bayan.
    Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,
    mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14 Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga
    at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.

15 “Nang(I) sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;
    at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.
At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing
    sa kanila'y ipinangako mong ibigay.
16 Ngunit(J) naging palalo ang aming mga ninuno,
    nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo.
17 Hindi(K) sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila.
Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinuno
    na mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto.
Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin,
    hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig,
    kaya't sila'y hindi mo itinakwil.
18 Gumawa(L) rin sila ng diyus-diyosang guya,
    at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto.
Labis ka nilang nilapastangan!
19 Ngunit(M) hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang,
    sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan.
Hindi mo inalis ang haliging ulap
    na patnubay nila sa paglalakbay sa araw
    at ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim.
20 Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin.
    Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw.
21 Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang,
    kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang.
    Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan,
    ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad.

1 Corinto 9:1-18

Mga Karapatan at Tungkulin ng Isang Apostol

Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.

Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan?[a] Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? Ang kawal ba ang gumagastos para sa kanyang pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at hindi nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at hindi nakikinabang sa gatas nito?

Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. Sapagkat(A) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? 10 Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may bahagi sila sa aanihin. 11 Naghasik(B) kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? 12 Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!

Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi(C) ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa Templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa Templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? 14 Sa(D) ganyan ding paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita.

15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! 16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.

Mga Awit 33:12-22

12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Mga Kawikaan 21:11-12

11 Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
    pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
    at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.