The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang mga Nanirahan sa Jerusalem
11 Ang mga pinuno ng bayan ay tumira sa Jerusalem at ang iba nama'y nagpalabunutan upang sa bawat sampung pamilya ay kumuha ng isang titira sa banal na lunsod. Ang siyam naman ay nanirahan sa iba't ibang bayan ng Juda. 2 Pinupuri ng mga tao ang sinumang kusang-loob na tumira sa Jerusalem.
3 Ang(A) ibang mga Israelita, mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa templo at ang mga angkan ng mga lingkod ni Solomon ay sa iba't ibang bayan tumira, sa kani-kanilang lupain.
Narito ang mga pangunahing mamamayan ng Juda na nanirahan sa Jerusalem: 4 Mula sa lipi ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias at apo ni Zacarias. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Amarias, Sefatias, at Mahalalel na pawang mula sa angkan ni Peres na anak ni Juda. 5 Si Maaseias na anak ni Baruc at apo ni Colhoze. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hazaias, Adaias, Joiarib at Zacarias mula sa angkan ni Sela. 6 Ang kabuuan ng magigiting na lalaki mula sa angkan ni Peres ay 468.
7 Mula sa lipi ni Benjamin: sina Salu na anak ni Mesulam at apo ni Joed. Ang iba pa niyang ninuno ay sina Pedaias, Kolaias, Maaseias, Itiel at Jesaias. 8 Sina Gabai at Salai ay malapit na kamag-anak ni Salu. Lahat-lahat ay 928 Benjaminita. 9 Ang pinuno nila ay si Joel na anak ni Zicri at ang kanang kamay nito ay si Juda na anak ni Hesenua.
10 Sa mga pari naman ay kabilang ang mga sumusunod: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jaquin, 11 si Seraias na anak ni Hilkias at apo ni Mesulam. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Zadok na anak ni Meraiot at si Ahitub na pinakapunong pari. 12 Ang kabuuan ng angkan niyang naglingkod sa Templo ay 822. Kabilang din sina Adaias na anak ni Jeroham at apo ni Pelalias. Ang kasama sa mga ninuno niya ay sina Amzi, Zacarias, Pashur at Malquijas. 13 Ang kabuuang bilang ng mga pangulo ng sambahayan sa kanyang angkan ay 242. Kasama rin sa tumira sa Jerusalem si Amasai na anak ni Azarel at apo ni Azai. Ang kasamang ninuno niya ay sina Mesilemot at Imer. 14 Ang kabuuang bilang ng mga bahagi ng angkang ito na magigiting na mga kawal ay 128. Ang kanilang pinuno ay si Zabdiel na mula sa isang kilalang pamilya.[a]
15 Mula sa mga Levita: si Semaias na anak ni Hasub at apo ni Azrikam. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hashabias at Buni.
16 Sina Sabetai at Jozabad, mga kilalang Levita ang namahala sa mga gawain sa labas ng Templo. 17 Kasama rin nila si Matanias na anak ni Mica at apo ni Zabdi, mula sa angkan ni Asaf. Siya ang tagapanguna sa korong umaawit ng panalangin ng pasasalamat. Kasama rin niya si Bakbukuias na naging lingkod ni Matanias.
Si Abda na anak ni Samua at apo ni Galal na mula sa angkan ni Jeduthun. 18 Ang kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod ng Jerusalem ay 284.
19 Ang mga bantay sa Templo: sina Akub at Talmon kasama ang kanilang mga kamag-anak ay 172 lahat. 20 Ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita ay nanirahan sa ibang bayan ng Juda, sa kani-kanilang mga lupaing minana. 21 Ang lahat namang manggagawa sa Templo sa ilalim ng pamamahala nina Ziha at Gispa ay doon naman tumira sa Ofel.
22 Ang namahala sa mga Levitang nasa Jerusalem ay si Uzi, anak ni Bani at apo ni Hashabias. Kasama sa kanyang mga ninuno sina Matanias at Mica at siya mismo ay mula sa angkan ni Asaf, ang angkan na namamahala sa mga awitin sa loob ng Templo ni Yahweh. 23 Ang mga mang-aawit ay may kanya-kanyang araw ng paglilingkod, ayon sa mga tuntuning itinakda ng hari.
24 Si Petahias na anak ni Mesezabel mula sa angkan ni Zera sa lipi ni Juda, ang kinatawan ng sambayanang Israel sa pagdulog sa hari ng Persia.
Iba pang mga Bayan na Tinirhan ng Ibang Israelita
25 Ang mga nagmula sa lipi ni Juda ay tumira sa mga bayang malapit sa kanilang bukirin. Tumira sila sa Lunsod ng Arba, Dibon at Jekabzeel at sa mga nayong malapit sa mga lunsod na ito. 26 Ang iba sa kanila'y tumira sa mga lunsod ng Jeshua, Molada, Beth-pelet, 27 Hazar-shual, Beer-seba, at sa mga nayong nakapaligid dito. Nanirahan din sila sa mga lunsod ng 28 Ziklag, Mecona, at sa mga nayong nakapaligid dito, 29 sa En-rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adullam, Laquis at sa mga kalapit bukirin at sa Azeka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila sa nasasakupan ng lupaing nasa pagitan ng Beer-seba sa timog at ng Libis ng Ben Hinom sa hilaga.
31 Ang mga angkan namang mula sa lipi ni Benjamin ay nanirahan sa mga bayan ng Geba, Micmas, Ai, Bethel at sa mga kalapit na nayon ng 32 Anatot, Nob, Ananias, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod at Ono at sa Libis ng mga Panday. 36 May mga pangkat ng mga Levita na dating nanirahan sa lupain ng Juda na napasama sa lipi ni Benjamin.
Ang Listahan ng mga Pari at mga Levita
12 1-7 Ito ang listahan ng mga pari at mga Levitang bumalik kasama ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong paring si Josue.
Ang mga pari ay sina:
Sereias, Jeremias, Ezra,
Amarias, Maluc, Hatus,
Secanias, Rehum, Meremot,
Ido, Ginetoi, Abijas,
Mijamin, Maadias, Bilga,
Semaias, Joiarib, Jedaias,
Salu, Amok, Hilkias at Jedaias.
Sila ang mga pinuno ng mga pari at ng kanilang mga angkan nang panahon ni Josue.
8 Ang mga Levita naman ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda at Matanias. Sila ang namahala sa pagkanta ng mga awit ng pasasalamat. 9 Ang bumubuo ng koro na umaawit ng mga sagutang pag-awit ay sina Bakbukuias, Uno at iba pang mga Levita na kasama nila.
Ang mga Sumunod na Salinlahi ng Paring si Josue
10 Naging anak ni Josue si Joiakim na ama ni Eliasib. Naging anak naman ni Eliasib si Joiada, 11 na ama ni Jonatan na ama ni Jadua.
12-21 Nang panahong si Joiakim ang pinakapunong pari, ito ang mga pinuno ng mga angkan ng pari:
Pari | Angkan |
---|---|
Meraias | Seraias |
Hananias | Jeremias |
Mesulam | Ezra |
Jehohanan | Amarias |
Jonatan | Maluqui |
Jose | Sebanias |
Adna | Harim |
Helkai | Meraiot |
Zacarias | Ido |
Mesulam | Gineton |
Zicri | Abijas |
[b] | Miniamin |
Piltai | Moadias |
Samua | Bilga |
Jehonatan | Semaias |
Matenai | Joiarib |
Uzi | Jedaias |
Kalai | Salai |
Eber | Amok |
Hashabias | Hilkias |
Nathanael | Jedaias |
Inilista ang mga Pamilya ng mga Pari at mga Levita
22 Inilista ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga Levita at ng mga pari nang panahon ng panunungkulan ng mga pinakapunong paring sina Eliasib, Joiada, Johanan at Jadua. Ang listahang ito'y natapos nang panahong si Dario ang hari ng Persia. 23 Ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita ay nailista sa Aklat ng Kasaysayan noong panahon lamang ni Johanan na apo ni Eliasib.
Mga Itinakdang Gawain sa Templo
24 Ang mga pinuno ng mga Levita ay hinati sa mga pangkat na pinamunuan nina Hashabias, Serebias, Jeshua, Binui at Kadmiel. Dalawang pangkat ang sagutang umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos, ayon sa ipinag-uutos ni David na lingkod ng Diyos. 25 Ang namahala naman sa mga bantay sa mga bodega na malapit sa mga pintuan ng Templo ay ang mga sumusunod: Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub. 26 Noo'y panahon ng pamamahala ni Joiakim, anak ni Josue at apo ni Jehozadak. Ang gobernador noon ay si Nehemias at ang pari ay si Ezra na dalubhasa sa Kautusan.
14 Kaya nga, mga minamahal, iwasan ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matatalinong tao; husgahan ninyo ang sinasabi ko. 16 Hindi(A) ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? 17 Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay.
18 Tingnan(B) ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? 19 Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi!(C) Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. 21 Hindi kayo makakainom sa kopa ng Panginoon at gayundin sa kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at makisalo rin sa hapag ng mga demonyo. 22 Nais(D) ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?
23 Mayroon(E) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(F) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”
27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.
Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(A) may gusto ng mahabang buhay;
sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
at di binibigo ang walang pag-asa.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(B) siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!
14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15 Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
ay hahantong sa kamatayan.
by