Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Nehemias 3:15-5:13

15 Ang Pintuan ng Bukal ay kinumpuni ni Shallum na anak ni Colhoze, na pinuno ng distrito ng Mizpa; muli niya itong itinayo at tinakpan, inilagay ang mga pinto, kandado, at mga halang niyon. Kanyang ginawa ang pader ng Tipunan ng Tubig ng Shela sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa lunsod ni David.

16 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Nehemias na anak ni Azbuk, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet-zur, hanggang sa dakong katapat ng mga libingan ni David, hanggang sa tipunan ng tubig na gawa ng tao, at hanggang sa bahay ng mga mandirigma.

Mga Levitang Gumawa sa Pader

17 Kasunod niya ay nagkumpuni ang mga Levita: si Rehum na anak ni Bani. Kasunod niya, si Hashabias na pinuno ng kalahating distrito ng Keila ay nagkumpuni para sa kanyang distrito.

18 Kasunod niya ay nagkumpuni ang kanilang mga kapatid: si Binui na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Keila.

19 Kasunod niya ay kinumpuni ni Eser na anak ni Jeshua, na pinuno ng Mizpa, ang ibang bahagi sa tapat ng gulod sa taguan ng mga sandata sa pagliko.

20 Kasunod niya ay masikap na kinumpuni ni Baruc na anak ni Zabbai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.

21 Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Meremot, na anak ni Urias na anak ni Hakoz ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.

Ang mga Paring Gumawa sa Pader

22 Pagkatapos niya ay nagkumpuni ang mga pari, ang mga lalaking mula sa Kapatagan.

23 Pagkatapos nila ay nagkumpuni sina Benjamin at Hashub sa tapat ng kanilang bahay. Pagkatapos nila ay nagkumpuni si Azarias na anak ni Maasias, na anak ni Ananias, sa tabi ng kanyang sariling bahay.

24 Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Binui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko, at hanggang sa sulok.

25 Si Paal na anak ni Uzai ay nagkumpuni sa tapat ng pagliko, at sa toreng lumalabas mula sa mas mataas na bahay ng hari na nasa tabi ng bulwagan ng bantay. Pagkatapos niya, si Pedaya na anak ni Faros,

26 at ang mga lingkod sa templo na nakatira sa Ofel ay nagkumpuni hanggang sa dakong nasa tapat ng Pintuan ng Tubig sa dakong silangan at sa toreng nakalabas.

27 Kasunod niya ay kinumpuni ng mga Tekoita ang ibang bahagi sa tapat ng malaking tore na nakalabas hanggang sa pader ng Ofel.

28 Sa itaas ng Pintuan ng Kabayo, ang mga pari ay nagkumpuni, bawat isa sa tapat ng kanyang sariling bahay.

29 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Imer sa tapat ng kanyang sariling bahay. Kasunod niya ay nagkumpuni si Shemaya na anak ni Shecanias na bantay sa Silangang Pintuan.

30 Pagkatapos niya ay kinumpuni nina Hananias na anak ni Shelemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaf, ang ibang bahagi. Kasunod nila ay kinumpuni ni Mesulam na anak ni Berequias ang tapat ng kanyang silid.

31 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Malkia na isa sa mga panday-ginto, hanggang sa bahay ng mga lingkod sa templo at ng mga mangangalakal sa tapat ng Pintuan ng Hamifcad, at sa itaas na silid ng panulukan.

32 At sa pagitan ng itaas na silid ng panulukan at ng Pintuan ng mga Tupa, ang mga panday-ginto at ang mga mangangalakal ay nagkumpuni.

Napagtagumpayan ni Nehemias ang Pagsalungat sa Kanyang Gawain

Nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinatayo ang pader, siya'y nagalit, labis na napoot at kanyang tinuya ang mga Judio.

At kanyang sinabi sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, “Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? Ibabalik ba nila ang mga bagay? Mag-aalay ba sila? Makakatapos ba sila sa isang araw? Kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng basura, bagaman nasunog na ang mga iyon?”

Si Tobias na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, “Kapag ang alinmang asong-ligaw ay umakyat roon, ibabagsak nito ang kanilang mga batong pader!”

Pakinggan mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pag-alipusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa isang lupain upang pagnakawan na doo'y mga bihag sila.

Huwag mong pagtakpan ang kanilang kasalanan, at huwag mong pawiin ang kanilang pagkakasala sa harapan mo sapagkat kanilang ginalit ka sa harapan ng mga manggagawa.

Kaya't aming itinayo ang pader at ito ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas niyon. Sapagkat ang taong-bayan ay may isang pag-iisip sa paggawa.

Ngunit nang mabalitaan nina Sanballat, Tobias, ng mga taga-Arabia, mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem at ang mga sira ay nagsisimulang masarhan, sila'y galit na galit.

Silang lahat ay magkakasamang nagbalak na puntahan at labanan ang Jerusalem at gumawa ng kaguluhan doon.

Kami ay nanalangin sa aming Diyos, at naglagay ng bantay laban sa kanila sa araw at gabi.

10 Ngunit sinabi ng Juda, “Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader.”

11 At sinabi ng aming mga kalaban, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang sa kami ay makarating sa gitna nila, at patayin sila, at patigilin ang gawain.”

12 Nang dumating ang mga Judio na naninirahang kasama nila, sinabi nila sa amin nang sampung ulit, “Mula sa lahat ng mga lugar na kanilang tinitirhan, sila ay aahon laban sa atin.”

13 Kaya't sa mga pinakamababang bahagi ng pagitan ng likuran ng pader, sa mga bukas na dako, aking inilagay ang mga tao ayon sa kanilang mga angkan, na hawak ang kanilang mga tabak, mga sibat, at ang kanilang mga pana.

14 Ako'y tumingin, tumayo, at sinabi sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak, at ipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.”

15 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway na iyon ay nalalaman na namin at binigo ng Diyos ang kanilang balak, kaming lahat ay nagbalik sa pader, bawat isa'y sa kanyang gawain.

16 Mula nang araw na iyon, kalahati sa aking mga lingkod ay gumawa sa pagtatayo, at ang kalahati ay humawak ng mga sibat, mga kalasag, mga pana, at mga baluti; at ang mga pinuno ay nasa likuran ng buong sambahayan ng Juda,

17 na gumagawa sa pader. Yaong mga nagpapasan ay pinagpapasan sa paraang ang bawat isa'y gumagawa sa pamamagitan ng isang kamay habang ang isa nama'y may hawak na sandata.

18 Bawat isa sa mga manggagawa ay may kanyang tabak na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang gumagawa. Ang lalaking nagpapatunog ng trumpeta ay katabi ko.

19 Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Ang gawain ay malaki at malawak ang nasasaklaw, at tayo'y hiwa-hiwalay sa pader, malayo sa isa't-isa.

20 Sa lugar na inyong marinig ang tunog ng trumpeta, magsama-sama tayo roon. Ang Diyos natin ang lalaban para sa atin.”

21 Kaya't gumawa kami sa gawain, at kalahati sa kanila ay naghawak ng mga sibat mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa lumitaw ang mga bituin.

22 Sinabi ko rin nang panahong iyon sa taong-bayan, “Bawat lalaki at ang kanyang lingkod ay magpalipas ng gabi sa Jerusalem upang sila ay maging bantay para sa atin sa gabi at makagawa sa araw.”

23 Kaya't maging ako, ni ang aking mga kapatid, ang aking mga lingkod, at ang mga lalaking bantay na sumusunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, bawat isa'y iningatan ang kanyang sandata sa kanyang kamay.

Ang Pang-aapi sa mga Dukha

Nagkaroon ng malakas na pagtutol ang taong-bayan at ang kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio.

Sapagkat may nagsabi, “Kasama ang ating mga anak na lalaki at babae, tayo ay marami; kumuha tayo ng trigo upang tayo'y may makain at manatiling buháy.”

May nagsabi rin, “Aming isinasangla ang aming mga bukid, mga ubasan, at mga bahay upang makakuha ng butil dahil sa taggutom.”

May nagsabi rin, “Kami'y nanghiram ng salapi para sa buwis ng hari na ipinataw sa aming mga bukid at aming mga ubasan.

Ngayon ang aming laman ay gaya rin ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak, ngunit aming pinipilit ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang ilan sa aming mga anak na babae ay naging alipin na. Ngunit wala kaming kakayahang makatulong, sapagkat nasa ibang mga tao ang aming bukid at mga ubasan.”

Ako'y galit na galit nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga pagtutol na ito.

Pagkatapos(A) na pag-isipan ito, pinaratangan ko ang mga maharlika at ang mga pinuno, at sinabi ko sa kanila, “Kayo'y nagpapatubo maging sa inyong sariling kapatid.” Ako'y nagpatawag ng malaking pagtitipon laban sa kanila.

Sinabi ko sa kanila, “Kami, sa abot ng aming makakaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio na ipinagbili sa mga bansa; ngunit inyo pang ipinagbili ang inyong mga kapatid upang sila'y maipagbili sa amin!” Sila'y tumahimik at walang masabing anuman.

Kaya't sinabi ko, “Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti. Hindi ba marapat na kayo'y lumakad na may takot sa ating Diyos, upang maiwasan ang pag-alipusta ng ating mga kaaway na bansa?

10 Gayundin, ako at ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nagpahiram sa kanila ng salapi at butil. Tigilan na natin ang ganitong pagpapatubo.

11 Isauli ninyo sa kanila sa araw ding ito ang kanilang mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, mga bahay, gayundin ang ika-isandaang bahagi ng salapi, trigo, alak, at langis na inyong ipinapataw sa kanila.”

12 Pagkatapos ay sinabi nila, “Isasauli namin ang mga ito at wala kaming hihingin sa kanila. Gagawin namin ang ayon sa iyong sinasabi.” Tinawag ko ang mga pari at pinanumpa ko sila na gawin ang ayon sa ipinangako nila.

13 Ipinagpag ko rin ang laylayan ng aking damit at sinabi, “Ganito nawa pagpagin ng Diyos ang bawat tao mula sa kanyang bahay at mula sa kanyang gawain na hindi tumupad ng pangakong ito. Ganito nawa siya maipagpag at mahubaran.” At ang buong kapulungan ay nagsabi, “Amen” at pinuri ang Panginoon. At ginawa ng taong-bayan ang ayon sa kanilang ipinangako.

1 Corinto 7:25-40

Tungkol sa Walang Asawa at sa Balo

25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan.

26 Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.

27 Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa.

28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito[b] at sinisikap ko lamang na iligtas kayo.

29 Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa;

30 at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari,

31 at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas.

32 Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon;

33 ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa,

34 at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa.

35 Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.

36 Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya[c] na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—hindi ito kasalanan.

37 Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya,[d] ay mabuti ang kanyang ginagawa.

38 Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti.

39 Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon.

40 Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos.

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Mga Kawikaan 21:5-7

Ang mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan,
    ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan.
Ang pagkakaroon ng kayamanan sa pamamagitan ng dilang bulaan,
    ay singaw na tinatangay at bitag ng kamatayan.
Ang karahasan ng masama ang sa kanila'y tatangay,
    sapagkat ayaw nilang gawin ang makatarungan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001