Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 34-36

Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos

34 At sumagot si Elihu, at sinabi,

“Pakinggan ninyo ang aking mga salita, kayong mga matatalino;
    kayong mga nakakaalam, pakinggan ninyo ako;
sapagkat ang tainga ang sumusubok sa mga salita,
    gaya ng ngalangala na sa pagkain ay lumalasa.
Piliin natin kung ano ang matuwid;
    ating alamin sa ating mga sarili kung ano ang mabuti.
Sapagkat sinabi ni Job, ‘Ako'y walang kasalanan,
    at inalis ng Diyos ang aking karapatan;
itinuring akong sinungaling sa kabila ng aking katuwiran,
    at ang sugat ko'y walang lunas bagaman ako'y walang pagsuway.’
Sinong tao ang katulad ni Job,
    na ang panunuya ay tila tubig na iniinom,
na nakikisama sa mga gumagawa ng masama,
    at lumalakad na kasama ng taong masasama?
Sapagkat kanyang sinabi, ‘Ang tao'y walang mapapakinabang,
    kung ang Diyos ay kanyang kalugdan.’

10 “Kaya't dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa,
    malayo nawa sa Diyos na siya'y gumawa ng masama,
    at sa Makapangyarihan sa lahat, na ang kamalian ay kanyang magawa.
11 Sapagkat(A) sisingilin niya ang tao ayon sa kanyang gawa,
    at kanyang igagawad sa bawat tao ang ayon sa mga lakad niya.
12 Sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gagawa ng kasamaan,
    at hindi babaluktutin ng Makapangyarihan sa lahat ang katarungan.
13 Sinong nagbigay sa kanya ng pamamahala sa lupa?
    O sinong naglagay ng buong sanlibutan sa kanya?
14 Kung ibabalik niya ang kanyang diwa sa sarili niya,
    at titipunin sa kanyang sarili ang kanyang hininga;
15 lahat ng laman ay magkakasamang mamamatay,
    at babalik sa alabok ang sangkatauhan.

16 “Kung mayroon kang pang-unawa ay dinggin mo ito;
    ang aking sinasabi ay pakinggan mo.
17 Mamamahala ba ang namumuhi sa katarungan?
    Parurusahan mo ba ang ganap at makapangyarihan,
18 na nagsasabi sa isang hari: ‘Walang kuwentang tao,’
    at sa mga maharlika: ‘Masamang tao;’
19 na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga pinuno,
    ni pinapahalagahan man nang higit kaysa mahirap ang mayaman,
    sapagkat silang lahat ay gawa ng kanyang mga kamay?
20 Sa isang sandali sila'y namamatay;
    sa hatinggabi ang taong-bayan ay inuuga at pumapanaw,
    at ang makapangyarihan ay inaalis, ngunit hindi ng kamay ng tao.

21 “Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao,
    at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito.
22 Walang dilim ni malalim na kadiliman,
    na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan.
23 Sapagkat hindi pa siya nagtalaga para sa tao ng panahon,
    upang siya'y humarap sa Diyos sa paghuhukom.
24 Kanyang dinudurog ang malakas kahit walang pagsisiyasat,
    at naglalagay ng iba na kanilang kahalili.
25 Kaya't palibhasa'y alam niya ang kanilang mga gawa,
    kanyang dinadaig sila sa gabi, at sila'y napupuksa.
26 Kanyang hinahampas sila dahil sa kanilang kasamaan
    sa paningin ng mga tao,
27 sapagkat sila'y lumihis sa pagsunod sa kanya,
    at hindi pinahalagahan ang anuman sa mga lakad niya,
28 anupa't pinarating nila ang daing ng dukha sa kanya,
    at ang daing ng napipighati ay narinig niya—
29 sino ngang makakahatol kapag tahimik siya?
    Kapag ikinukubli niya ang kanyang mukha, sinong makakatingin sa kanya?
    Maging ito'y isang tao o isang bansa?—
30 upang huwag maghari ang taong walang diyos,
    upang ang bayan ay hindi niya malinlang.

31 “Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba,
    ‘Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa;
32 ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita,
    kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa?’
33 Gagantihin ka ba niya nang nababagay sa iyo,
    sapagkat ito ay iyong tinanggihan?
Sapagkat ikaw ang marapat pumili at hindi ako;
    kaya't ipahayag mo kung ano ang iyong nalalaman.
34 Sasabihin sa akin ng mga taong may kaunawaan,
    at ang mga pantas na nakikinig sa akin ay magsasaysay:
35 ‘Si Job ay nagsasalita nang walang kaalaman,
    ang kanyang mga salita ay walang karunungan.’
36 Si Job nawa'y litisin hanggang sa katapusan,
    sapagkat siya'y sumasagot na gaya ng mga taong tampalasan.
37 Sapagkat dinaragdagan niya ng paghihimagsik ang kanyang kasalanan,
    ipinapalakpak niya ang kanyang mga kamay sa ating kalagitnaan,
    at ang mga salita niya laban sa Diyos ay kanyang lalong dinaragdagan.”

35 At si Elihu ay sumagot at sinabi,

“Iniisip mo bang ito'y makatuwiran?
    Sinasabi mo bang, ‘Sa harapan ng Diyos ito'y aking karapatan,’
na iyong tinatanong, ‘Ano bang iyong kalamangan?
    Paanong mas mabuti ako kung ako'y nakagawa ng kasalanan?’
Sasagutin kita
    at ang iyong mga kaibigang kasama mo.
Tumingala ka sa langit at tingnan mo;
    at masdan mo ang mga ulap, na mas mataas kaysa iyo.
Kung(B) ikaw ay nagkasala, anong iyong nagawa laban sa kanya?
    At kung ang iyong mga pagsuway ay dumarami, anong iyong ginagawa sa kanya?
Kung ikaw ay matuwid, anong sa kanya'y iyong ibinibigay;
    o ano bang tinatanggap niya mula sa iyong kamay?
Ang iyong kasamaan ay nakakapinsala sa ibang gaya mo;
    at ang iyong katuwiran, ay sa ibang mga tao.

“Dahil sa dami ng mga kaapihan, ang mga tao'y sumisigaw;
    sila'y humihingi ng saklolo dahil sa kamay ng makapangyarihan.
10 Ngunit walang nagsasabing, ‘Nasaan ang Diyos na sa akin ay lumalang,
    na siyang nagbibigay ng awit sa kinagabihan,
11 na siyang nagtuturo sa atin ng higit kaysa mga hayop sa daigdig,
    at ginagawa tayong mas matalino kaysa mga ibon sa himpapawid?’
12 Tumatawag sila roon, ngunit siya'y hindi sumasagot,
    dahil sa kapalaluan ng mga taong buktot.
13 Tunay na hindi pinapakinggan ng Diyos ang walang kabuluhang karaingan,
    ni pinapahalagahan man ito ng Makapangyarihan sa lahat.
14 Lalo pa nga kung iyong sinasabing hindi mo siya nakikita,
    na ang usapin ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya!
15 At ngayon, sapagkat ang galit niya'y hindi nagpaparusa,
    at ang kasamaan ay hindi niya sinusunod,
16 ibinubuka ni Job ang kanyang bibig sa walang kabuluhan,
    siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman.”

Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos

36 Si Elihu ay nagpatuloy, at nagsabi,

“Pagtiisan mo ako nang kaunti at sa iyo'y aking ipapakita,
    sapagkat alang-alang sa Diyos ako'y mayroong masasabi pa.
Dadalhin ko mula sa malayo ang aking kaalaman,
    at bibigyan ko ng katuwiran ang sa akin ay Maylalang.
Sapagkat tunay na hindi kasinungalingan ang mga salita ko;
    siyang sakdal sa kaalaman ay kasama mo.

“Tunay na ang Diyos ay makapangyarihan at hindi humahamak sa kanino man;
    sa lakas ng unawa, siya'y makapangyarihan.
Ang masama ay hindi niya pinananatiling buháy,
    ngunit sa napipighati ay ibinibigay niya ang kanilang karapatan.
Hindi niya inaalis ang kanyang mga mata sa matuwid;
    kundi kasama ng mga hari sa trono,
    kanyang itinatatag sila magpakailanman, at sila'y pinararangalan.
At kung sila'y matanikalaan,
    at masilo ng mga tali ng kapighatian;
inilalahad nga niya sa kanila ang kanilang gawa
    at ang kanilang mga pagsuway, na sila'y nag-uugaling may kayabangan.
10 Binubuksan niya ang kanilang pandinig sa aral,
    at iniuutos na sila'y bumalik mula sa kasamaan.
11 Kung sila'y makinig at maglingkod sa kanya,
    gugugulin nila ang kanilang mga araw sa kasaganaan,
    at ang kanilang mga taon sa kasayahan.
12 Ngunit kung hindi sila makinig, sila'y mamamatay sa tabak,
    at sila'y walang kaalamang mapapahamak.

13 “Ang masasama ang puso, galit ay kinukuyom,
    kapag kanyang tinatalian sila, hindi sila humihingi ng tulong.
14 Sila'y namamatay sa kabataan,
    at ang buhay nila'y natatapos sa piling ng mahalay na lalaki.
15 Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
    at binubuksan ang kanilang mga pandinig sa kasawian.
16 Inakit ka rin niya mula sa kabalisahan,
    patungo sa maluwag na dako na walang pilitan;
    at ang nakahain sa iyong hapag ay punô ng katabaan.

17 “Ngunit ikaw ay puspos ng paghatol sa masamang tao;
    kahatulan at katarungan ang humahawak sa iyo.
18 Mag-ingat ka baka ikaw ay akitin ng poot upang mangutya,
    huwag hayaang sa kalakhan ng pantubos ikaw ay mawala.
19 Mananaig ba ang iyong sigaw upang malayo ka sa kaguluhan,
    o ang lahat ng puwersa ng iyong kalakasan?
20 Ang gabi ay huwag mong pakaasahan,
    kung kailan ang mga bayan ay inaalis sa kanilang kinalalagyan.
21 Mag-ingat ka, huwag kang bumaling sa kasamaan;
    sapagkat ito ang iyong pinili sa halip na kahirapan.
22 Tingnan mo, ang Diyos ay itinataas sa kapangyarihan niya;
    sinong tagapagturo ang gaya niya?
23 Sinong nag-utos sa kanya ng kanyang daan?
    O sinong makapagsasabi, ‘Ikaw ay gumawa ng kamalian?’

24 “Alalahanin mong dakilain ang kanyang gawa,
    na inawit ng mga tao.
25 Napagmasdan iyon ng lahat ng mga tao;
    natatanaw ito ng tao mula sa malayo.
26 Narito, ang Diyos ay dakila, at hindi natin siya kilala,
    hindi masukat ang bilang ng mga taon niya.
27 Sapagkat ang mga patak ng tubig ay kanyang pinapailanglang,
    kanyang dinadalisay ang kanyang ambon sa ulan,
28 na ibinubuhos ng kalangitan,
    at ipinapatak ng sagana sa sangkatauhan.
29 May makakaunawa ba ng pagkalat ng mga ulap,
    ng mga pagkulog sa kanyang tolda?
30 Narito, ang kanyang kidlat sa palibot niya'y kanyang ikinakalat,
    at tinatakpan niya ang mga ugat ng dagat.
31 Sapagkat sa pamamagitan ng mga ito'y hinahatulan niya ang mga bayan;
    saganang pagkain ay kanyang ibinibigay.
32 Tinatakpan niya ng kidlat ang kanyang mga kamay;
    at inuutusan ito na ang tanda'y patamaan.
33 Ang pagsiklab niyon tungkol sa kanya'y nagsasaysay,
    na naninibughong may galit laban sa kasamaan.

2 Corinto 4:1-12

Kayamanan sa Sisidlang-lupa

Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.

Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.

At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.

Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos.

Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo.

Sapagkat(A) ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo.

Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin.

Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa;

pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa;

10 na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan.

11 Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan.

12 Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo.

Mga Awit 44:1-8

Panalangin para sa Pag-iingat

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
    isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
    nang mga unang araw:
sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
    ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
    at iyong ikinalat sila.
Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
    ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
    at ng liwanag ng iyong mukha,
    sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.

Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
    na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
    sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
    ni ililigtas man ako ng aking tabak.
Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
    at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)

Mga Kawikaan 22:10-12

10 Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis;
    ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita,
    ang hari ay magiging kaibigan niya.
12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagbabantay sa kaalaman,
    ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001