Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Nehemias 8:1-9:21

Ang Kautusan ay Binasa ni Ezra sa Harap ng mga Tao

Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoon sa Israel.

Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan.

Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan.

Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam.

Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:

Pinuri ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.

Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan.

Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.

Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.

10 Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan.”

11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.”

12 Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.

Ang Pista ng mga Kubol

13 Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan.

14 Kanilang(A) napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol[a] sa kapistahan ng ikapitong buwan,

15 at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, “Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat.”

16 Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim.

17 Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan.

18 At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas.

Ipinahayag ng Bayan ang Kanilang mga Kasalanan

Nang ikadalawampu't apat na araw ng buwang ito ang bayang Israel ay nagtipun-tipon na may pag-aayuno at nakasuot ng damit-sako, at may lupa sa mga ulo nila.

Ang mga Israelita ay humiwalay sa lahat ng mga dayuhan, at nagtayo at nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at ng mga kasamaan ng kanilang mga ninuno.

Sila'y tumayo sa kanilang lugar at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Diyos sa loob ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at sa ibang ikaapat na bahagi nito ay nagpahayag ng kasalanan at sumamba sa Panginoon nilang Diyos.

Tumayo sa mga baytang ng mga Levita sina Jeshua, Bani, Cadmiel, Sebanias, Buni, Sherebias, Bani, at si Chenani at sumigaw nang malakas na tinig sa Panginoon nilang Diyos.

Ang mga Levitang sina Jeshua, Cadmiel, Bani, Hashabneias, Sherebias, Hodias, Sebanias, at Petaya, ay nagsabi, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon ninyong Diyos mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. Purihin ang iyong maluwalhating pangalan na nataas nang higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.”

“Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang. Ikaw ang gumawa ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat ng natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na naroon, ng mga dagat at ng lahat na naroon, at pinananatili mo silang lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.

Ikaw(B) ang Panginoon, ang Diyos na siyang pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kanya ng pangalang Abraham.

Natagpuan(C) mong tapat ang kanyang puso sa harapan mo, at nakipagtipan ka sa kanya upang ibigay sa kanyang mga binhi ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at Gergeseo, at tinupad mo ang iyong pangako, sapagkat ikaw ay matuwid.

“Iyong(D) nakita ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto, at iyong pinakinggan ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Pula.

10 Nagpakita(E) ka ng mga tanda at mga kababalaghan laban kay Faraon at sa lahat niyang mga lingkod at sa lahat ng mga tao ng kanyang lupain, sapagkat iyong nalaman na sila'y gumawa na may kapalaluan laban sa aming mga ninuno at ikaw ay gumawa para sa iyo ng pangalan na nananatili hanggang sa araw na ito.

11 Iyong(F) hinawi ang dagat sa harapan nila, kaya't sila'y dumaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa. Ang mga humahabol sa kanila ay iyong itinapon sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.

12 Sa(G) pamamagitan ng isang haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang haliging apoy sa gabi upang tumanglaw sa kanila sa daan na kanilang dapat lakaran.

13 Ikaw(H) ay bumaba sa bundok ng Sinai at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na batas at mga tunay na kautusan, mabuting mga tuntunin at mga utos.

14 Ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na Sabbath, at nag-utos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga tuntunin at ng kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.

15 Binigyan(I) mo sila ng tinapay mula sa langit para sa kanilang pagkagutom at nagpalabas ka ng tubig para sa kanila mula sa malaking bato para sa kanilang uhaw, at sinabi mo sa kanila na pumasok upang angkinin ang lupain na iyong ipinangakong ibibigay sa kanila.

16 “Ngunit(J) sila at ang aming mga ninuno ay kumilos na may kapangahasan, at pinatigas ang kanilang leeg at hindi tinupad ang iyong mga utos.

17 Ayaw(K) nilang sumunod, at hindi inalala ang mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi naging matigas ang kanilang ulo[b] at pumili ng isang pinuno upang bumalik sa kanilang pagkabihag sa Ehipto. Ngunit ikaw ay Diyos na handang magpatawad, mapagpala at mahabagin, hindi magagalitin, sagana sa tapat na pag-ibig, at hindi mo sila pinabayaan,

18 maging(L) nang sila'y gumawa ng isang guyang hinulma at magsabi, ‘Ito ang iyong Diyos na nag-ahon sa iyo mula sa Ehipto,’ at gumawa ng mabibigat na paglapastangan.

19 Ikaw,(M) sa iyong dakilang kaawaan ay hindi mo sila pinabayaan sa ilang. Ang haliging ulap na pumatnubay sa kanila sa daan ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, maging ang haliging apoy man sa gabi na nagbigay ng liwanag sa kanila sa kanilang dapat lakaran.

20 Ibinigay mo ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo ipinagkait ang iyong manna mula sa kanilang bibig, at binigyan mo sila ng tubig para sa kanilang uhaw.

21 Sa loob ng apatnapung taon ay inalalayan mo sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anuman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.

1 Corinto 9:1-18

Mga Karapatan at Tungkulin ng Apostol

Hindi ba ako'y malaya? Hindi ba ako'y isang apostol? Hindi ba nakita ko si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba kayo'y bunga ng paggawa ko sa Panginoon?

Kung sa iba'y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ay gayon ako; sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon.

Ito ang aking pagtatanggol sa mga sumusuri sa akin.

Wala ba kaming karapatang kumain at uminom?

Wala ba kaming karapatan na magsama ng isang asawa gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas?

O ako lamang ba at si Bernabe ang walang karapatang huminto sa paghahanap-buhay?

Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Sino ang nag-aalaga sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng kawan?

Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko hindi ayon sa pananaw ng mga tao. Hindi ba't ganito rin ang sinasabi ng kautusan?

Sapagkat(A) nakasulat sa kautusan ni Moises, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?

10 Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa ating kapakanan? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro na may pag-asa, at ang gumigiik ay gumiik na may pag-asa na magkakaroon ng bahagi.

11 Kung(B) kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan ba na aming anihin ang inyong mga bagay na materyal?

12 Kung ang iba ay mayroong ganitong karapatan sa inyo, hindi ba higit pa kami? Gayunma'y hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa ebanghelyo ni Cristo.

13 Hindi(C) ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng paglilingkod sa templo ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay mga kabahagi ng mga handog sa dambana?

14 Gayundin(D) naman, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng kanilang ikabubuhay mula sa ebanghelyo.

15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gayon ang mangyari sa akin. Sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay, kaysa pawalang-saysay ng sinuman ang aking pagmamalaki!

16 Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, ay wala akong dahilan upang magmalaki, sapagkat ang katungkulan ay iniatang sa akin. Kahabag-habag ako kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo!

17 Sapagkat kung ito'y gawin ko nang maluwag sa kalooban, ay may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin.

18 Ano kung gayon ang aking gantimpala? Ito lamang: na sa aking pangangaral, ang ebanghelyo ay ginawa kong walang bayad, upang hindi ko magamit ng lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.

Mga Awit 33:12-22

12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
    ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!

13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
    lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
    sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
    at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
    ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
    at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.

18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
    sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
    at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.

20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
    siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
    sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
    kung paanong kami ay umaasa sa iyo.

Mga Kawikaan 21:11-12

11 Kapag ang manlilibak ay pinarurusahan, tumatalino ang walang muwang,
    kapag ang matalino ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
12 Pinagmamasdan ng matuwid ang bahay ng masama,
    ibinubulid ang masama sa pagkasira.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001