The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Papuri sa Karunungan
28 “Tunay na para sa pilak ay may minahan,
at sa ginto ay may dakong dalisayan.
2 Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
3 Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
4 Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
5 Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
6 Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
at ito ay may alabok na ginto.
7 “Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
8 Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
ni nadaanan man ng mabangis na leon.
9 “Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10 Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11 Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.
12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[a]
at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
at natatago sa mga ibon sa kalangitan.
22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’
23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3 nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4 gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5 nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6 noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7 Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8 nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9 ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’
21 “Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
at tumatahimik para sa aking payo.
22 Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24 Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25 Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako,
mga kalalakihang mas bata kaysa akin,
na ang mga magulang ay di ko ilalagay
na kasama ng mga aso ng kawan ko.
2 Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay?
Lumipas na ang kanilang lakas.
3 Dahil sa matinding gutom at kasalatan,
nginunguya nila pati ang tuyo at lupang tigang.
4 Kanilang pinupulot ang halaman sa dawagan sa tabi ng mabababang puno,
at pinaiinit ang sarili sa pamamagitan ng ugat ng enebro.
5 Sila'y itinataboy papalabas sa lipunan,
sinisigawan sila ng taong-bayan na gaya ng isang magnanakaw.
6 Kailangan nilang manirahan sa mga nakakatakot na daluyan,
sa mga lungga ng lupa at ng mga batuhan.
7 Sa gitna ng mabababang puno ay nagsisiangal,
sa ilalim ng mga tinikan ay nagsisiksikan.
8 Isang lahing walang bait at kapurihan,
mula sa lupain sila'y ipinagtabuyan.
9 “At ngayon ako ay naging awit nila,
oo, ako'y kawikaan sa kanila.
10 Ako'y kanilang kinasusuklaman, ako'y kanilang nilalayuan,
hindi sila nag-aatubiling lumura kapag ako'y namamataan.
11 Sapagkat kinalag ng Diyos ang aking panali, at ginawa akong mababang-loob,
inalis na nila ang pagpipigil sa harapan ko.
12 Sa aking kanan ay tumatayo ang gulo,
itinutulak nila ako,
at sila'y gumagawa ng mga daan para sa ikapapahamak ko.
13 Kanilang sinisira ang aking daraanan,
ang aking kapahamakan ay kanilang isinusulong,
at wala namang sa kanila'y tumutulong.
14 Tila pumapasok sila sa isang maluwang na pasukan;
at gumugulong sila sa gitna ng kasiraan.
15 Ang mga pagkasindak sa akin ay dumadagan,
hinahabol na gaya ng hangin ang aking karangalan,
at lumipas na parang ulap ang aking kasaganaan.
16 “At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17 Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18 May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19 Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
at ako'y naging parang alabok at abo.
20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21 Sa akin ikaw ay naging malupit,
sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22 Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23 Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.
24 “Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26 Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27 Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28 Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29 Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
at kasama ng mga avestruz.
30 Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31 Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.
Pangamba ni Pablo sa Troas
12 Nang(A) ako'y dumating sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo, may pintong nabuksan para sa akin sa Panginoon,
13 subalit ang aking isipan ay hindi mapalagay, sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na aking kapatid. Kaya't ako'y nagpaalam sa kanila at nagtungo sa Macedonia.
Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo
14 Subalit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako.
15 Sapagkat kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak;
16 sa isa ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, at sa iba ay samyong mula sa buhay tungo sa buhay. At sino ang sapat para sa mga bagay na ito?
17 Sapagkat kami ay hindi gaya ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos, kundi bilang mga taong tapat, bilang inatasan ng Diyos sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo.
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
7 Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman,
at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001