Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hosea 4-5

Ang Paratang ng Panginoon Laban sa Israel at sa Kanyang mga Pari

Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin. Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunud-sunod ang patayan. Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop – ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.

“Pero walang dapat sisihin at usigin kundi kayong mga pari. Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.[a]

“Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang Kautusan ko kaya kalilimutan ko rin ang mga anak ninyo. Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Kaya ang inyong ipinagmamalaki ay gagawin kong kahihiyan.[b] Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan para makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.[c] Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, parurusahan ko rin kayong mga pari.[d] Parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga gawa. 10 Kumakain nga kayo pero hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[e] para magkaanak kayo. Pero hindi kayo magkakaanak dahil itinakwil ninyo ako 11 upang sumamba sa mga dios-diosan.

Isinusumpa ng Dios ang Pagsamba sa mga Dios-diosan

“Mga mamamayan ko, ang bago at lumang alak ay nakakasira ng inyong pang-unawa. 12 Sumasangguni kayo sa dios-diosang kahoy, at ayon na rin sa inyo, sumasagot ito. Iniligaw kayo ng mga espiritung tumutulak sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, kaya tinalikuran ninyo ako tulad ng babaeng nangalunya. 13 Naghahandog kayo sa tuktok ng mga bundok at mga burol, sa ilalim ng matataas at mayayabong na mga kahoy, dahil masarap lumilim doon. Kaya ang inyong mga anak na babae ay nakikipagsiping sa mga lalaki at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. 14 Pero hindi ko sila parurusahan sa kanilang ginagawang masama, dahil kayong mga lalaki ay nakikipagsiping din sa mga babaeng bayaran sa templo at kasama pa nilang naghahandog sa mga dios-diosan. Kaya dahil kayoʼy mga mangmang sa katotohanan, mapapahamak kayo.

15 “Mga taga-Israel, kahit na akoʼy tinalikuran ninyo tulad ng babaeng nangalunya, huwag na ninyong idamay ang mga taga-Juda.

“At kayong mga taga-Juda, huwag kayong pumunta sa Gilgal at sa Bet Aven[f] para sumamba sa akin o gumawa ng mga pangako sa aking pangalan. 16 Sapagkat matigas ang ulo ng mga taga-Israel katulad ng dumalagang baka na ayaw sumunod. Kaya paano ko sila mababantayan tulad ng mga tupang nasa pastulan? 17 Sumamba sila[g] sa mga dios-diosan kaya pabayaan na lang sila. 18 Pagkatapos nilang uminom ng inuming nakakalasing, nakikipagsiping sila sa mga babae. Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno ang gumawa ng mga nakahihiyang bagay. 19 Kaya lilipulin sila na parang tinatangay ng malakas na hangin, at mapapahiya sila dahil sa kanilang paghahandog sa mga dios-diosan.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, pati na kayong mga pari at sambahayan ng hari, dahil ang hatol na ito ay laban sa inyo: Para kayong bitag, dahil ipinahamak ninyo ang mga mamamayan ng Mizpa at Tabor. Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat. Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyo na mga taga-Israel.[h] Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[i] kaya naging marumi kayo.

“Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Dios. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritung nag-uudyok sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon. Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel kasama ang mga taga-Juda. Maghahandog kayo ng mga tupa, kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa akin. Pero hindi ninyo mararanasan ang presensya ko dahil itinakwil ko na kayo. Nagtaksil kayo sa akin, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.[j]

Ang Labanan ng Juda at Israel

“Hipan ninyo ang mga trumpeta para bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet Aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.[k] Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel! 10 Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon[l] dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na parang baha. 11 Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga dios-diosan. 12 Ang katulad koʼy insektong ngumangatngat sa Israel at sa Juda.

13 “Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan,[m] humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Pero hindi ito makakatulong sa kanila.[n] 14 Sapagkat sasalakayin kong parang leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila. 15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”

2 Juan

Mula sa namumuno sa iglesya.

Mahal kong Ginang na pinili ng Dios, kasama ng iyong mga anak. Minamahal ko kayong tunay,[a] at hindi lang ako kundi ang lahat ng nakakakilala sa katotohanan. Minamahal namin kayo dahil sa katotohanang nasa atin at mananatili sa atin magpakailanman.

Manatili sana sa atin ang biyaya, awa, at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo na kanyang Anak, habang namumuhay tayo sa katotohanan at pag-ibig.

Ang Katotohanan at Ang Pag-ibig

Labis ang kagalakan ko nang malaman ko na ang ilan sa mga anak mo ay sumusunod sa katotohanan, ayon sa iniutos sa atin ng Dios Ama. Kaya Ginang, hinihiling ko sa iyo ngayon na magmahalan tayong lahat. Hindi ito isang panibagong utos kundi ito rin ang utos na ibinigay sa atin noong una tayong sumampalataya. Makikita ang pag-ibig sa atin kung namumuhay tayo ayon sa mga utos ng Dios. At ang utos niya na narinig ninyo mula nang sumampalataya kayo ay ito: mamuhay tayo nang may pag-ibig.

Mahalaga ito, dahil marami nang nagkalat na manlilinlang sa mundo. Ito ang mga taong hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naging tao. Silaʼy mga manlilinlang at anti-Cristo. Mag-ingat kayo at nang hindi mawala ang inyong pinaghirapan, sa halip ay matanggap ninyo ang buong gantimpala.

Ang sinumang hindi sumusunod sa aral ni Cristo o nagtuturo pa ng labis dito ay hindi pinananahanan ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa aral ni Cristo ay pinananahanan ng Ama at ng Anak. 10 Kung may dumating man sa inyo na iba ang ipinangangaral tungkol kay Cristo, huwag nʼyo siyang tanggapin sa inyong tahanan, ni huwag nʼyo siyang batiin nang may pagpapala. 11 Sapagkat ang sinumang bumati sa kanya ng ganoon ay nakikibahagi sa masasama niyang gawain.

12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi ko na lang isusulat. Sapagkat umaasa akong makakadalaw ako riyan at makakausap kayo nang personal, upang malubos ang ating kagalakan.

13 Kinukumusta ka ng mga anak ng kapatid mong babae, na tulad moʼy isa rin sa mga pinili ng Dios.

Salmo 125

Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
    sa halip ay nananatili magpakailanman.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
    ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
    dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.

    Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.

Kawikaan 29:9-11

Kapag inihabla ng marunong ang hangal ay wala ring kahihinatnan, dahil hindi titigil ang hangal sa pagdadaldal at panunuya.
10 Kinamumuhian at gustong patayin ng mamamatay-tao ang mga taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan.
11 Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®