Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Malakias 1-2

Ito ang mensahe ng Panginoon para sa mga taga-Israel sa pamamagitan ni Malakias.

Mahal ng Dios ang mga Israelita

Sinabi ng Panginoon, “Mahal ko kayo. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano mo kami minahal?’ Alalahanin ninyo na kahit magkapatid sina Esau at Jacob, minahal[a] ko si Jacob pero si Esau, hindi. Winasak ko ang kanyang mga kabundukan, kaya naging tirahan na lamang ng mga asong-gubat.

“Maaaring sabihin ng mga Edomita na mga lahi ni Esau, ‘Kahit na winasak ang aming bayan, itoʼy muli naming itatayo.’ Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi: Kahit na itayo nilang muli ang kanilang bayan, gigibain ko pa rin ito. Tatawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘mga mamamayang laging kinapopootan ng Panginoon.’ Makikita ninyo ang kanilang pagkawasak at sasabihin ninyo, ‘Makapangyarihan ang Panginoon kahit sa labas ng Israel.’ ”

Sinaway ng Panginoon ang mga Pari

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang? Nilalapastangan ninyo ako. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’ Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming[b] handog sa aking altar. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’[c] Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar. Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo.”

Sinabi ni Malakias, “Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Dios na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon.”

10 Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, “May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo. 11 Ang totoo, pinupuri ang aking pangalan ng mga bansa, mula silangan hanggang kanluran.[d] Kahit saan nagsusunog ang mga tao ng insenso at naghahandog[e] ng malinis[f] na handog sa akin na Panginoong Makapangyarihan. 12 Pero kayo, nilalapastangan ninyo ako, dahil sinasabi ninyong marumi ang aking altar at walang kabuluhan ang mga inihahandog doon. 13 Sinasabi pa ninyo na nagsasawa na kayo sa paghahandog at binabalewala ninyo ang aking altar.[g] Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na may sugat,[h] pilay o may sakit. Akala ba ninyoʼy tatanggapin ko iyan? 14 Susumpain ko ang mga mandaraya sa inyo, na nangakong maghahandog ng pinakamabuting hayop pero ang inihahandog ay ang may kapintasan. Susumpain ko siya dahil ako ang makapangyarihang hari na kinatatakutan ng mga bansa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa mga Paring Suwail

1-2 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Ito ang aking babala sa inyo: Kung hindi ninyo pakikinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pahahalagahan ang pagpaparangal sa akin, susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari.[i] Sa katunayan, ginawa ko na iyan dahil hindi ninyo pinahahalagahan ang pagpaparangal sa akin.

“Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi. Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi. Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay[j] at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa. Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.

“Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo. Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi. Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”

Hindi Naging Tapat ang mga Israelita

10 Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama?[k] At iisang Dios ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, binabalewala natin ang kasunduan ng Dios sa ating mga ninuno.

11 Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo[l] na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga dios. 12 Huwag na sanang ituring na kabilang sa mga mamamayan ng Israel ang mga taong gumagawa nito, pati na ang mga anak nila at mga apo,[m] kahit na maghandog pa sila sa Panginoong Makapangyarihan.

13 Ito pa ang inyong ginagawa: Iyak kayo nang iyak sa altar ng Panginoon dahil hindi na niya pinapansin ang inyong mga handog at hindi na siya nalulugod sa mga iyon. 14 Itinatanong ninyo kung bakit? Sapagkat saksi ang Panginoon na nagtaksil kayo sa asawa na inyong pinakasalan noong inyong kabataan. Sinira ninyo ang inyong kasunduan na magiging tapat kayo sa isaʼt isa. 15 Hindi baʼt pinag-isa kayo ng Dios sa katawan at sa espiritu para maging kanya?[n] At bakit niya kayo pinag-isa? Sapagkat gusto niyang magkaroon kayo ng mga anak na makadios. Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa babaeng pinakasalan ninyo noong inyong kabataan. 16 Sapagkat sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Ayaw kong maghiwalay ang mag-asawa. Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, itoʼy pagmamalupit sa asawang babae.”

Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa inyong asawa.

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

17 Sawang-sawa na ang Panginoon sa inyong mga sinasabi. Pero itinatanong pa ninyo, “Ano ang ikinasasawa niya sa amin?” Sinasabi ninyo na mabuti sa paningin ng Dios ang lahat ng gumagawa ng masama at natutuwa siya sa kanila. Pakutya ninyong sinasabi, “Nasaan na ang Dios ng katarungan?”

Pahayag 21

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos nito, nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa. Naglaho na ang dating langit at lupa, pati na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Silaʼy magiging mga mamamayan niya. At siyaʼy makakapiling na nila [at magiging Dios nila.] Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.”

At sinabi ng nakaupo sa trono, “Binabago ko na ngayon ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo ang sinasabi ko dahil totoo ito at maaasahan.” At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang mga magtatagumpay ay gagawin kong mga anak ko, at akoʼy magiging Dios nila. Pero nakakatakot ang sasapitin ng mga duwag, mga ayaw sumampalataya sa akin, marurumi ang gawain, mga mamamatay-tao, mga imoral, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at lahat ng sinungaling. Itatapon sila sa nagliliyab na lawang apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na nagbuhos ng laman ng kanilang mga sisidlan, na siyang pitong panghuling salot. Sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal sa Tupa.” 10 Napuspos agad ako ng Banal na Espiritu, at dinala ako ng anghel sa tuktok ng napakataas na bundok. At ipinakita niya sa akin ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. 11 Nakakasilaw itong tingnan dahil sa kapangyarihan ng Dios, at kumikislap na parang mamahaling batong jasper na kasinglinaw ng kristal. 12 Ang lungsod ay napapalibutan ng mataas at matibay na pader, na may 12 pintuan, at bawat pintuan ay may tagapagbantay na anghel. Nakasulat sa mga pintuan ang pangalan ng 12 lahi ng Israel. 13 Tatlo ang pinto sa bawat panig ng pader: tatlo sa silangan, tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ay may 12 pundasyong bato at nakasulat doon ang 12 pangalan ng mga apostol ng Tupa.

15 Ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay may dalang panukat na ginto upang sukatin ang lungsod, pati na ang mga pinto at mga pader nito. 16 Kwadrado ang sukat ng lungsod. Pareho ang haba at ang luwang – 2,400 kilometro.[a] Ganoon din ang taas nito. 17 Sinukat din niya ang pader, 64 metro[b] ang taas nito. (Ang panukat na ginamit ng anghel ay katulad din ng panukat na ginagamit ng tao.) 18 Ang pader ay yari sa batong jasper. Ang lungsod naman ay yari sa purong ginto na kasinglinaw ng kristal. 19 Ang pundasyon ng pader ay napapalamutian ng sari-saring mamahaling bato: una, jasper; ikalawa, safiro; ikatlo, kalsedonia; ikaapat, esmeralda; 20 ikalima, sardonix; ikaanim, kornalina; ikapito, krisolito; ikawalo, beril; ikasiyam, topaz; ikasampu, krisopraso; ika-11, hasinto; at ika-12, ametista. 21 Perlas ang 12 pinto, dahil ang bawat pinto ay yari sa isang malaking perlas. Ang mga pangunahing lansangan ay purong ginto na kasinglinaw ng kristal.

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod na iyon, dahil ang pinaka-templo ay walang iba kundi ang Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat at ang Tupa. 23 Hindi na kailangan ang araw o ang buwan sa lungsod dahil ang kapangyarihan ng Dios ang nagbibigay ng liwanag, at ang Tupa ang ilaw doon. 24 Ang ilaw ng lungsod na iyon ay magbibigay-liwanag sa mga bansa. At dadalhin doon ng mga hari sa mundo ang mga kayamanan nila. 25 Palaging bukas ang mga pinto ng lungsod dahil wala nang gabi roon. 26 Ang magaganda at mamahaling bagay ng mga bansa ay dadalhin din sa lungsod na iyon. 27 Pero hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Dios, ang mga gumagawa ng mga bagay na nakakahiya, at ang mga sinungaling. Ang mga makakapasok lang doon ay ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng Tupa, na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan.

Salmo 149

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin ang Panginoon!
    Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
    Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
    Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
    at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
    pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.

Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
    umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
    Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 31:10-24

Ang Mabuting Asawa

10 Mahirap hanapin ang mabuting asawa. Higit pa sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.

11 Lubos ang tiwala sa kanya ng kanyang asawa, at wala na itong mahihiling pa sa kanya.

12 Kabutihan at hindi kasamaan ang ginagawa niya sa kanyang asawa habang siya ay nabubuhay.

13 Masigasig siyang humahabi ng mga telang linen at lana.

14 Tulad siya ng barko ng mga mangangalakal; nagdadala siya ng mga pagkain kahit galing pa siya sa malayong lugar.

15 Maaga siyang gumigising upang ipaghanda ng pagkain ang kanyang pamilya, at upang sabihan ang mga babaeng katulong ng mga dapat nilang gawin.

16 Marunong siyang pumili ng lupa na kanyang bibilhin. At mula sa kanyang sariling ipon, pinapataniman niya ito ng ubas.

17 Malakas, masipag at mabilis siyang gumawa.

18 Magaling siyang magnegosyo, at matiyagang nagtatrabaho hanggang gabi.

19 Siya rin ang gumagawa ng mga tela upang gawing damit.

20 Matulungin siya sa mahihirap at mga nangangailangan.

21 Hindi siya nag-aalala, dumating man ang taglamig, dahil may makakapal siyang tela para sa kanyang pamilya.

22 Siya na rin ang gumagawa ng mga kobre-kama, at ang kanyang mga damit ay mamahalin at magaganda.

23 Kilala ang asawa niya bilang isa sa mga tagapamahala ng bayan.

24 Gumagawa rin siya ng damit at sinturon, at ipinagbibili sa mga mangangalakal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®