The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
1 Ang mensahe ng aklat na ito ay tungkol sa Nineve.[a] Itoʼy ipinahayag ng Panginoon kay Nahum na taga-Elkosh.
Ang Galit ng Panginoon sa Nineve
2 Ayaw ng Panginoong Dios na sumamba ang mga tao sa ibang mga dios.[b] Galit siya sa kanyang mga kaaway at pinaghihigantihan niya sila. 3 Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa. 4 Sa utos lamang niyaʼy natutuyo ang mga dagat at mga ilog. Nalalanta ang mga tanim sa Bashan, sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon. 5 Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya, pati na ang mga bundok at mga burol, at ang mga tao sa mundo ay nanginginig. 6 Sino ang makakatagal sa matinding galit ng Panginoon? Kapag siya ay nagalit, para siyang bumubuga ng apoy, at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.
7 Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya. 8 Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.[c] 9 Mga taga-Asiria, kung ano man ang masamang binabalak ninyo laban sa mga mamamayan ng Panginoon, wawakasan iyan ng Panginoon at hindi na mauulit pa. 10 Para kayong mga lasing na nakapulupot sa matinik na halaman. Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami. 11 Ang isa sa inyong mga pinuno ay nagbalak ng masama laban sa mga mamamayan ng Panginoon. Masama ang kanyang ipinapayo.
12 Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda: “Kahit na malakas at marami ang kalaban ninyong taga-Asiria, lilipulin ko sila hanggang sa mawala. Kahit na pinarusahan ko kayo, hindi ko na iyon uulitin pang muli. 13 Sapagkat palalayain ko na kayo ngayon mula sa kapangyarihan ng mga taga-Asiria.”
14 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Asiria: “Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko ang mga rebulto ninyong kahoy o metal sa templo ng inyong mga dios-diosan. Ihahanda ko na ang inyong mga libingan dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”
15 Mga taga-Juda, tingnan ninyo ang kabundukan! Dumarating na ang mensaherong maghahatid ng magandang balita ng kapayapaan sa inyong bayan. Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista, at tuparin ninyo ang inyong mga panata sa Panginoon. Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria ay hindi na sasalakay sa inyo, dahil lubusan na silang lilipulin.
Ang Pagkawasak ng Nineve
2 Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo ng inyong mga kalaban na magpapangalat sa inyo. Kaya guwardyahan ninyo ang pader ng inyong lungsod at bantayan ang mga daan. Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo at humanda kayo sa digmaan. 2 Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda[d] na parang mga tanim na ubas[e] na pinatay, ibabalik ng Panginoon ang kanilang kapangyarihan.
3 Pula ang kalasag at damit ng mga sundalo ng inyong kalaban. At sa oras ng kanilang pagsalakay kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.[f] 4 Humahagibis ang kanilang mga karwahe sa mga lansangan, parooʼt parito na sumusugod sa mga plasa. Nagliliwanag ang mga ito na parang sulo, at kumikislap na parang kidlat. 5 Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader para maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. 6 Mabubuksan ang mga pintuan ng inyong lungsod sa bandang ilog at magigiba ang palasyo. 7 Naipahayag na, na bibihagin kayo[g] at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. 8 Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama pero wala ni isa mang bumalik.
9 Kayong mga sumasalakay sa Nineve, kunin ninyo ang mga pilak at ginto ng lungsod na ito dahil puno ito ng kayamanan. 10 Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. 11-12 Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang pwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima.[h] Pero ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. 13 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal.[i] Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”
Kahabag-habag ang Nineve
3 Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima. 2 Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang paghagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe. 3 Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabunton na mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo. 4 Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran na paulit-ulit na ibinenta ang katawan. Nang-aakit siya at nanggagayuma, kaya naeengganyo niya ang mga bansa na magpasakop sa kanya.
5 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, makinig kayo! Kalaban ko kayo! Kaya hihiyain ko kayo sa harap ng mga bansa at mga kaharian. Maihahalintulad kayo sa isang babaeng itinaas ang damit hanggang ulo at nakita ang kahubaran. 6-7 Kasusuklaman ko kayo tulad ng isang taong hinagisan ng basura, kaya ang lahat ng makakakita sa inyo ay mandidiri at iiwas sa inyo. Sasabihin nila, ‘Giba na ang Nineve. Walang iiyak o aaliw sa kanya.’ ”
8 Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog ng Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebes na nagsisilbing proteksyon nito. 9 Ang Etiopia[j] at ang buong Egipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebes, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya. 10 Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tanyag na mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan. 11 Kayo rin na mga taga-Nineve, magiging pareho kayo sa lasing na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sasalakayin din kayo ng inyong mga kalaban at maghahanap kayo ng inyong matataguan na hindi kayo mahuhuli. 12 Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin. 13 Tingnan ninyo ang inyong mga kawal – para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.
14 Humanda na kayo sa pagdating ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito. 15 Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang.
Dumami kayo na parang balang! 16 Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Pero magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo. 17 Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Pero pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta. 18 Hari ng Asiria, mamamatay ang iyong mga pinuno. Mangangalat sa kabundukan ang iyong mga mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila. 19 Ang katulad moʼy taong nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.
Ang Ikapitong Selyo
8 Nang tanggalin ng Tupa ang ikapitong selyo, tumahimik ang langit ng mga kalahating oras. 2 Pagkatapos, nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Dios. Ang bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng trumpeta.
3 May isa pang anghel na lumapit sa altar, dala ang isang gintong lalagyan ng insenso. Binigyan siya ng maraming insenso para maisama niya sa mga dalangin ng lahat ng mga pinabanal[a] ng Dios at maihandog sa gintong altar sa harap ng trono. 4 Mula sa kamay ng anghel ay pumailanlang sa harap ng Dios ang usok ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga pinabanal. 5 Pagkatapos, kumuha ang anghel ng mga baga sa altar at pinuno ang lalagyan ng insenso, at inihagis sa lupa. At bigla namang kumidlat, kumulog, umugong at lumindol.
Ang mga Trumpeta
6 Nakahanda na ang pitong anghel upang patunugin ang kanilang trumpeta. 7 Nang patunugin ng unang anghel ang kanyang trumpeta, umulan ng yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga kahoy at ang lahat ng damo.
8 Nang patunugin ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, bumagsak sa dagat ang parang malaking bundok na nagliliyab. At naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat. 9 Namatay ang ikatlong bahagi ng mga nabubuhay sa dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga sasakyang pandagat.
10 Nang patunugin ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at tumama sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang pangalan ng bituin ay “Mapait.” Kaya pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay nang makainom ng tubig na iyon.
12 Nang patunugin ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya nabawasan ang mga liwanag nito. Nawala ang ikatlong bahagi ng liwanag sa araw at sa gabi.
13 Pagkatapos, nakita ko ang isang agila na lumilipad sa himpapawid at sumisigaw nang malakas, “Nakakaawa! Kawawang-kawawa ang mga nakatira sa lupa kapag pinatunog na ng tatlo pang anghel ang mga trumpeta nila.”
Awit ng Pasasalamat
136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
2 Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
3 Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
4 Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
5 Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
6 Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
7 Ginawa niya ang araw at ang buwan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
8 Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
9 Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
7 Panginoon, may dalawang bagay akong hihilingin sa inyo. Kung maaari ibigay nʼyo ito sa akin bago ako mamatay. 8 Una, tulungan nʼyo ako na huwag magsinungaling. Pangalawa, huwag nʼyo akong payamanin o pahirapin, sa halip bigyan nʼyo lamang ako ng sapat para sa aking mga pangangailangan. 9 Dahil kung yumaman ako, baka sabihin kong hindi ko na kayo kailangan; at kung ako naman ay maghirap, baka matuto akong magnakaw at mailagay ko kayo sa kahihiyan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®