The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Pangitain tungkol sa Gintong Patungan ng Ilawan at sa Dalawang Puno ng Olibo
4 Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako dahil tila nakatulog ako. 2 Tinanong niya ako, “Ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Nakita ko ang isang gintong patungan ng ilawan. Sa itaas nito ay may mangkok na lalagyan ng langis. Sa paligid ng mangkok ay may pitong ilawan na ang bawat isa ay may pitong tubo na dinadaluyan ng langis. 3 May dalawang puno ng olibo sa magkabila nito, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
4 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ba ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot siya, 5 “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.” 6 Sinabi niya sa akin, “Bago ko sagutin iyan, pakinggan mo muna itong mensahe ng Panginoong Makapangyarihan na sasabihin mo kay Zerubabel:[a]
“Zerubabel, matatapos mo ang pagtatayo ng templo hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu.[b] 7 Maging kasinlaki man ng bundok ang hadlang na iyong haharapin, papatagin iyan. Matatapos ang templo, at habang inilalagay ang kahuli-hulihang bato nito, isisigaw ng mga tao, ‘Panginoon, pagpalain nʼyo po ito.’[c]”
8 Kaya sa pamamagitan ng anghel, sinabi sa akin ng Panginoon 9 na matatapos ang templo sa pamamahala ni Zerubabel, gaya ng pamamahala niya sa pagtatayo ng pundasyon nito. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagsugo sa akin sa inyo. 10 May mga taong kumukutya dahil kakaunti pa lamang ang nagagawa sa pagpapatayo ng templo. Pero matutuwa sila kapag nakita na nilang inilalagay ni Zerubabel ang pinakahuli at natatanging bato sa templo.[d]
Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong ilawang iyan ay ang mata ng Panginoon na nagmamasid sa buong mundo.”
11 Nagtanong ako sa anghel, “Ano ang ibig sabihin ng dalawang puno ng olibo – isa sa kanan at isa sa kaliwa ng lalagyan ng ilaw? 12 At ano ang ibig sabihin ng dalawang sanga ng punong olibo sa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis na kulay ginto?” 13 Sinabi niya sa akin, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.” 14 Kaya sinabi niya sa akin, “Ang mga iyan ay kumakatawan sa dalawang taong pinili na maglilingkod sa Panginoon na naghahari sa buong mundo.”
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Nakarolyo na Lumilipad
5 Nakita ko ang isang kasulatang nakarolyo na lumilipad. 2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakita mo?” Sinabi ko, “Isang kasulatang nakarolyo na lumilipad, na mga 30 talampakan ang haba at mga 15 talampakan ang lapad.”
3 Sinabi ng anghel sa akin, “Nakasulat sa kasulatang iyan ang sumpang darating sa buong lupain ng Israel. Sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan na ang lahat ng magnanakaw ay aalisin sa Israel, at sa kabilang bahagi naman ng kasulatan ay sinasabi na ang lahat ng sumusumpa ng may kasinungalingan ay aalisin din. 4 Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, ‘Ipapadala ko ang sumpang ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng sumusumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan. Mananatili ito sa kanilang mga bahay at lubusang wawasakin ang mga ito.’ ”
Ang Pangitain tungkol sa Babaeng Nasa Loob ng Kaing
5 Muling nagpakita sa akin ang anghel na nakipag-usap sa akin at sinabi, “Tingnan mo kung ano itong dumarating.” 6 Nagtanong ako, “Ano iyan?” Sinabi niya, “Kaing.” At sinabi pa niya, “Iyan ay sumisimbolo sa kasalanan[e] ng mga tao sa buong lupain ng Israel.”
7 Ang kaing ay may takip na tingga. At nang alisin ang takip, nakita kong may isang babaeng nakaupo roon sa loob ng kaing. 8 Sinabi ng anghel, “Ang babaeng iyan ay sumisimbolo sa kasamaan.” Itinulak niya ang babae pabalik sa loob ng kaing at isinara ang takip. 9 Pagkatapos, may nakita akong dalawang babaeng lumilipad na tinatangay ng hangin. Ang kanilang mga pakpak ay tulad ng sa tagak.[f] Binuhat nila ang kaing at inilipad paitaas. 10 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Saan nila dadalhin ang kaing?” 11 Sumagot siya, “Sa Babilonia,[g] kung saan gagawa ng templo para sa kaing. At kapag natapos na ang templo, ilalagay ito roon para sambahin.”
Ang Awit ng mga Tinubos
14 Pagkatapos, nakita ko ang Tupa na nakatayo sa bundok ng Zion. Kasama niya ang 144,000 tao. Nakasulat sa noo nila ang pangalan ng Tupa at ng kanyang Ama. 2 Nakarinig ako ng ingay mula sa langit, na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. At para ring tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3 Ang 144,000 tao ay umaawit sa harap ng trono, ng apat na buhay na nilalang, at ng mga namumuno. Bago ang kanilang awit at walang nakakaalam maliban sa kanila na 144,000 na tinubos mula sa mundo. 4 Sila ang mga lalaking hindi sumiping sa babae at hindi nag-asawa. Sumunod sila sa Tupa kahit saan siya pumunta. Tinubos sila mula sa mga tao upang maging unang handog sa Dios at sa Tupa. 5 Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6 At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid. Dala niya ang walang kupas na Magandang Balita upang ipangaral sa mga tao sa buong mundo, sa lahat ng bansa, angkan, wika, at lahi. 7 Ito ang isinisigaw niya, “Matakot kayo sa Dios, at purihin ninyo siya, dahil dumating na ang oras na hahatulan niya ang lahat. Sambahin ninyo ang Dios na lumikha ng langit, lupa, dagat at mga bukal.”
8 Kasunod namang lumipad ang pangalawang anghel na sumisigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonia! Ang mga mamamayan nito ang humikayat sa mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad nila na kinamumuhian ng Dios.”
9 Sumunod pa ang isang anghel sa dalawang anghel na nauna. Sumisigaw din siya, “Ang lahat ng sumamba sa halimaw at sa imahen nito, at tumanggap ng tatak nito sa noo o sa kanang kamay, 10 ay makakaranas ng galit ng Dios. Sapagkat parurusahan sila sa nagniningas na apoy at asupre sa harapan ng Tupa at ng mga anghel ng Dios. 11 Ang usok ng apoy na magpapahirap sa kanila ay papailanlang magpakailanman. Araw-gabi ay wala silang pahinga sa kanilang paghihirap, dahil sinamba nila ang halimaw at ang imahen nito at nagpatatak ng pangalan nito.”
12 Kaya kayong mga pinabanal[a] ng Dios na sumusunod sa kanyang mga utos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus, kinakailangang maging matiisin kayo.
13 Pagkatapos, may narinig akong tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga taong namatay na naglilingkod sa Panginoon. Mula ngayon, makakapagpahinga na sila sa mga paghihirap nila, dahil tatanggapin na nila ang gantimpala para sa mabubuti nilang gawa. At ito ay pinatotohanan mismo ng Banal na Espiritu.”
Ang Pag-ani sa Mundo
14 Pagkatapos, nakakita ako ng maputing ulap na may nakaupong parang tao.[b] May gintong korona siya at may hawak na isang matalim na karit. 15 At may isa pang anghel na lumabas mula sa templo at sumigaw sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang karit mo, dahil panahon na ito ng pag-aani. Hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Kaya ginapas na ng nakaupo sa ulap ang aanihin sa lupa.
17 Nakita ko ang isa pang anghel na lumabas sa templo roon sa langit, at may karit din siyang matalim.
18 At mula sa altar ay lumabas ang isa pang anghel. Siya ang anghel na namamahala sa apoy doon sa altar. Sumigaw siya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang karit mo at anihin mo na ang mga ubas sa lupa dahil hinog na!” 19 Kaya inani niya ito at inilagay doon sa malaking pisaan ng ubas. Ang pisaang iyon ay ang parusa ng Dios. 20 Pinisa ang mga ubas sa labas ng lungsod, at umagos mula sa pisaan ang dugo na bumaha ng hanggang 300 kilometro ang layo at isang dipa ang lalim.
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
21 May apat[a] na bagay na hindi matanggap ng mga tao sa mundo:
22-23 Ang aliping naging hari,
ang mangmang na sagana sa pagkain,
ang babaeng masungit na nakapag-asawa,
at ang babaeng alipin na pumalit sa kanyang amo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®