Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Zacarias 14

Darating ang Panginoon at Maghahari

14 Darating ang araw na hahatol ang Panginoon. Paghahatian ng mga kalaban ang mga ari-ariang sinamsam nila sa inyo na mga taga-Jerusalem habang nakatingin kayo. Sapagkat titipunin ng Panginoon ang lahat ng bansang makikipaglaban sa Jerusalem. Sasakupin nila ang lungsod na ito, kukunin nila ang mga ari-arian sa mga bahay, at gagahasain nila ang mga babae. Dadalhin nila sa ibang lugar ang kalahati ng mga mamamayan ng lungsod, pero ang matitira sa kanila ay mananatili sa lungsod. Pagkatapos, makikipaglaban ang Panginoon laban sa mga bansang iyon, katulad ng ginawa niyang pakikipagdigma noon. Sa araw na iyon, tatayo siya sa Bundok ng mga Olibo, sa silangan ng Jerusalem. Mahahati ang bundok na ito mula sa silangan hanggang sa kanluran. Ang kalahati ng bundok ay lilipat pahilaga at ang kalahati naman ay lilipat patimog. At magiging malawak na lambak ang gitna nito. Dito kayo dadaan mga taga-Jerusalem sa inyong pagtakas, dahil ang lambak na ito ay aabot hanggang sa Azel. Tatakas kayo katulad ng ginawa ng inyong mga ninuno noong lumindol sa panahon ni haring Uzia ng Juda. At darating ang Panginoon kong Dios kasama ang lahat niyang mga anghel. Sa araw na iyon ay walang init o lamig. Magiging katangi-tangi ang araw na iyon, dahil walang gabi kundi panay araw lang. Ang Panginoon lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.

Sa araw na iyon, dadaloy ang sariwang tubig mula sa Jerusalem. Ang kalahati nito ay dadaloy sa Dagat na Patay[a] at ang kalahati ay sa Dagat ng Mediteraneo.[b] Patuloy itong dadaloy sa panahon ng tag-araw at tag-ulan. Ang Panginoon ang maghahari sa buong mundo. Siya lamang ang kikilalaning Dios at wala nang iba.

10-11 Gagawing kapatagan ang buong lupain mula sa Geba sa hilaga hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Kaya mananatiling mataas ang Jerusalem sa kinaroroonan nito. At titirhan ito mula sa Pintuan ni Benjamin hanggang sa lugar na kinaroroonan ng Unang Pintuan, at hanggang sa Sulok na Pintuan; at mula sa Tore ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari. Ang Jerusalem ay hindi na muling wawasakin, at ang mga mamamayan nito ay mamumuhay nang ligtas sa panganib.

12 Ang mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay padadalhan ng mga salot na ito: Mabubulok ang kanilang mga katawan, mata, at dila kahit buhay pa sila. 13-15 Ganito ring salot ang darating sa lahat ng mga hayop sa kanilang kampo, pati na sa kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, at asno.

Sa araw na iyon, lubhang lilituhin ng Panginoon ang mga taong iyon. Ang bawat isa sa kanila ay sasalakay sa kanilang kapwa, at sila mismo ay maglalaban-laban. Makikipaglaban din ang ibang mga lungsod ng Juda. Sasamsamin at titipunin nila ang mga kayamanan ng mga bansa sa palibot nila – ang napakaraming ginto, pilak at mga damit.

16 Pagkatapos, ang lahat ng natitirang mga tao sa mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay pupunta sa Jerusalem taun-taon para sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, at para makipag-isa sa pagdiriwang ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 17 Ang mga taong hindi pupunta sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, ay hindi padadalhan ng ulan. 18 Ang mga taga-Egipto na hindi pupunta sa Jerusalem ay padadalhan ng Panginoon ng salot na katulad ng salot na kanyang ipapadala sa mga bansang hindi pupunta para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 19 Iyan ang parusa sa Egipto at sa lahat ng bansang hindi pupunta sa Jerusalem para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.

20 Sa araw na iyon na sasamba ang mga bansa sa Panginoon, isusulat sa mga kampanilyang palamuti ng mga kabayo ang mga katagang, “Itinalaga sa Panginoon.”[c] Ang mga lutuan sa templo ng Panginoon ay magiging kasimbanal ng mga mangkok na ginagamit sa altar. 21 At ang bawat lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging banal para sa Panginoong Makapangyarihan. Gagamitin ito ng mga naghahandog para paglutuan ng kanilang inihahandog. At sa araw na iyon, wala nang mga negosyante sa templo ng Panginoong Makapangyarihan.

Pahayag 20

Ang 1,000 Taon

20 Pagkatapos nito, may nakita akong anghel na bumababa mula sa langit. May hawak siyang susi ng kailaliman, at may malaki siyang kadena. Dinakip niya ang dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas – at saka iginapos ng kadena sa loob ng 1,000 taon. Inihulog siya ng anghel sa kailaliman, saka isinara at sinusian, at tinatakan pa ang pintuan nito upang walang mangahas na magbukas. Ikinulong siya upang hindi makapandaya ng mga tao sa ibaʼt ibang bansa sa loob ng 1,000 taon. Pero pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan siya sa loob ng maikling panahon.

Pagkatapos, may nakita akong mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga taong pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus at dahil sa pagpapahayag nila ng salita ng Dios. Ang mga ito ay hindi sumamba sa halimaw o sa imahen nito, at hindi tumanggap ng tatak nito sa noo o kanang kamay nila. Binuhay sila at binigyan ng karapatang maghari na kasama ni Cristo sa loob ng 1,000 taon. Ito ang unang pagkabuhay ng mga patay. (Ang ibang mga patay ay saka lang bubuhayin pagkatapos ng 1,000 taon.) Mapalad at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan. Magiging mga pari sila ng Dios at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng 1,000 taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma sa mga mananampalataya. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang bilangin. Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Pero pauulanan sila ng Dios ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat. 10 At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.

Ang Huling Paghatol

11 Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita. 12 At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon. 13 Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila. 14-15 At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang Hades.[a] Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.

Salmo 148

Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon

148 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
    Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
    at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.

Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
    at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 31:8-9

Ipagtanggol mo ang karapatan ng mga taong kahabag-habag, na hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Humatol ka ng walang kinikilingan, at ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®