Bible in 90 Days
Humingi ng Mahimalang Tanda kay Jesus(A)
16 Dumating (B) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin si Jesus, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang himala mula sa langit. 2 Sinabi niya sa kanila, “[Sa dapithapon ay sinasabi ninyo, ‘Maganda ang panahon bukas, sapagkat mapula ang langit.’ 3 At sa umaga, ‘Maulan ngayon, sapagkat mapula ang langit at makulimlim.’ Marunong kayong bumasa ng anyo ng langit, subalit hindi kayo marunong umunawa ng mga palatandaan ng mga panahon.][a] 4 Ang (C) isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda, ngunit walang mahimalang tanda na ibibigay rito, maliban sa tanda ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan niya sila at siya ay umalis.
Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(D)
5 Nang tumawid sa kabilang pampang ang mga alagad ay nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6 Sinabi (E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.” 7 Pinag-usapan nila iyon at sinabi nila, “Dahil hindi tayo nagdala ng tinapay.” 8 Ngunit batid ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “Kayong mahina ang pananampalataya! Bakit pinagtatalunan ninyo na kayo'y walang tinapay? 9 Hindi (F) pa ba kayo nakauunawa? Hindi ba ninyo naaalala ang limang tinapay na ipinakain sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon; 10 o (G) iyong pitong tinapay na ipinakain sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon? 11 Paanong hindi ninyo nauunawaan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at mga Saduceo!’ ” 12 Noon ay naunawaan nila na hindi niya sinabing mag-ingat sila sa pampaalsa ng tinapay, kundi sa itinuturo ng mga Fariseo at mga Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)
13 Nang dumating si Jesus sa pook ng Cesarea Filipos, nagtanong siya sa kanyang mga alagad ng ganito, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” 14 At (I) sumagot sila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias, at ang iba naman ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” 16 Sumagot (J) si Simon Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang nagpahayag nito sa iyo ay hindi laman at dugo kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[b] at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay (K) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay ang natalian na sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay ang nakalagan na sa langit.” 20 Pagkatapos ay mahigpit niyang pinagbilinan ang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Sinabi ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(L)
21 Mula noon ay nagsimula si Jesus na tahasang sabihin sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem, at magdusa ng maraming bagay sa kamay ng matatandang pinuno, at sa mga pinunong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Doon, siya'y papatayin at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. 22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Kahabagan ka nawa, Panginoon! Hindi po kailanman mangyayari iyon sa iyo.” 23 Hinarap niya si Pedro at sinabihan ito, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Sagabal ka sa akin, sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
Pasanin ang Krus at Sumunod kay Jesus
24 Pagkatapos (M) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, talikuran niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat (N) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[d] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay kanyang matatagpuan ito. 26 Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong daigdig subalit buhay naman niya ang kapalit? O ano ang maibibigay ng tao, kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat (O) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at gagantihan niya ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makalalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating na naghahari sa kanyang kaharian.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(P)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at sila'y kanyang dinala na walang kasamang iba sa isang mataas na bundok. 2 At nagbagong-anyo siya sa harapan nila, nagliwanag ng tulad sa araw ang kanyang mukha, at naging parang ilaw sa kaputian ang kanyang mga damit. 3 At doon ay nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti at naririto tayo. Kung nais mo po, gagawa ako ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” 5 Nagsasalita (Q) (R) pa siya noon nang napailalim sila sa isang maningning na ulap, at isang tinig mula roon ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nasisiyahan. Siya ang inyong pakinggan.” 6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at labis na natakot. 7 Subalit lumapit si Jesus at sila'y hinawakan. Sinabi niya, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila ay wala silang nakitang sinuman, kundi si Jesus lamang. 9 At nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.” 10 Tinanong (S) siya ng kanyang mga alagad, “Kung gayon, bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan munang dumating si Elias?” 11 Sumagot siya, “Talagang darating si Elias at panunumbalikin ang lahat ng mga bagay. 12 Subalit (T) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit siya'y hindi nila kinilala, sa halip ay kanilang ginawa sa kanya ang anumang kanilang maibigan. Gayundin naman, ang Anak ng Tao ay malapit nang dumanas ng pagdurusa sa kanilang mga kamay.” 13 At naunawaan ng mga alagad na tungkol kay Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(U)
14 At pagdating nila sa maraming tao, may isang lalaking lumapit sa kanya at lumuhod sa harapan niya. 15 Sinabi niya, “Panginoon, maawa ka po sa aking anak na lalaki. Siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; madalas siyang bumabagsak sa apoy at pati sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila kayang pagalingin.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong walang pananampalataya at napakasamang lahi, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal pa akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.” 18 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Ang bata ay gumaling nang oras ding iyon. 19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at nagtanong sila, “Bakit po hindi namin nakayang palayasin iyon?” 20 Sinabi (V) niya sa kanila, “Maliit kasi ang inyong pananampalataya. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat. Walang anuman na hindi ninyo kayang gawin. 21 Ngunit hindi lumalabas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”[e]
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(W)
22 Nang sila'y nagkatipon[f] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating (X) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[g] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”
Ang Pinakadakila(Y)
18 Nang (Z) sandaling iyon ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Pinalapit niya ang isang munting bata at inilagay sa gitna nila. 3 At sinabi (AA) niya, “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi kayo magbabago at magiging katulad ng mga bata, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. 4 Kaya't sinumang nagpapakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
Mga Sanhi ng Pagkakasala(AB)
5 “At sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito dahil sa pangalan ko ay ako ang tinatanggap. 6 Ngunit sinumang maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mas mabuti pa sa taong iyon na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y lunurin sa kailaliman ng dagat. 7 Kaysaklap ng sasapitin ng sanlibutan dahil sa mga sanhi ng pagkakasala! Sadya namang darating ang mga sanhi ng pagkakasala. Subalit kay saklap ng sasapitin ng taong pinanggagalingan ng mga sanhi ng pagkakasala! 8 Kaya't (AC) kung ang kamay mo o ang paa mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[h] na may kapansanan o paralitiko kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon ka sa apoy na walang hanggan. 9 At (AD) kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, dukutin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno.[i]
Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(AE)
10 “Mag-ingat kayo (AF) na huwag ninyong hamakin ang isa man sa maliliit na ito sapagkat, sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay palaging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. 11 [Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang iligtas ang napapahamak.][j] 12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa bundok, at lumalakad siya upang hanapin ang naligaw? 13 At kapag natagpuan na niya ito, tinitiyak ko sa inyo, higit siyang matutuwa para dito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong[k] Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung (AG) magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at pagsabihan mo tungkol sa kanyang pagkakamali. Gawin mo ito na kayong dalawa lamang. Kung siya'y makinig sa iyo, napanumbalik mo na ang iyong kapatid. 16 Subalit (AH) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat usapin. 17 Kung ayaw pa rin niyang makinig sa kanila, idulog mo ito sa iglesya; at kung ayaw niyang makinig pati sa iglesya, ituring mo siyang isang pagano at maniningil ng buwis. 18 Tinitiyak (AI) ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay natalian na sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay nakalagan na sa langit. 19 Inuulit ko, na kapag ang dalawa sa inyo ay nagkasundo dito sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin iyon para sa kanila ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagpupulong sa aking pangalan, naroroon ako sa gitna nila.” 21 Noon (AJ) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, hanggang ilang ulit ko po bang patatawarin ang aking kapatid kapag siya'y nagkasala sa akin? Hanggang pitong ulit po ba?” 22 Sumagot (AK) si Jesus, “Hindi ko sinasabi sa iyo na hanggang pitong ulit, sa halip ay hanggang sa ikapitong pitumpu.[l]
Ang Talinghaga ng Aliping Hindi Nagpapatawad
23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing dito: May isang haring nagpasyang ipatawag ang kanyang mga alipin upang sila'y makipag-ayos tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang magsimula na siyang magkuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang sa kanya ng sampung libong talento.[m] 25 Sapagkat wala siyang maibayad, ipinag-utos ng kanyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kanyang asawa at mga anak, at samsamin ang lahat ng kanyang ari-arian upang siya'y magbayad. 26 Kaya't lumuhod ang alipin, at nakiusap, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng palugit at makababayad din ako sa lahat ng utang ko sa inyo.’ 27 Nahabag naman sa alipin ang kanyang panginoon, kaya't siya'y pinakawalan at pinatawad sa kanyang pagkakautang. 28 Subalit sa paglabas ng alipin ding iyon, ay nakita niya ang isa niyang kapwa alipin na may utang sa kanya ng isandaang denaryo. Bigla niya itong hinawakan at sinakal, ‘Magbayad ka na ng utang mo,’ ang sabi niya. 29 Lumuhod sa harap niya ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng palugit, at babayaran kita.’ 30 Subalit hindi siya mapakiusapan. Sa halip ay umalis siya at ipinakulong ang kapwa alipin[n] hanggang sa makapagbayad ito ng utang. 31 Nang makita ng iba pang mga alipin ang pangyayari, labis nila itong ikinalungkot. Pumunta sila sa kanilang panginoon at isinumbong sa kanya ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag nga siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong alipin! Pinatawad kita sa lahat ng iyong pagkakautang sapagkat nakiusap ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka sa iyong kapwa alipin, kung paanong naawa ako sa iyo?’ 34 At sa galit ay ibinigay siya ng kanyang panginoon sa mga tagapagparusa sa loob ng bilangguan hanggang sa makabayad siya sa lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin ng aking Amang nasa langit sa bawat isa sa inyo kung hindi kayo taos-pusong magpapatawad sa inyong kapatid.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(AL)
19 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, nilisan niya ang Galilea at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. 2 Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at doon, sila'y kanyang pinagaling. 3 May mga Fariseong lumapit sa kanya at upang subukin siya, sila'y nagtanong, “Naaayon ba sa batas na paalisin ng isang tao ang kanyang asawa at hiwalayan ito sa anumang kadahilanan?” 4 Sumagot (AM) siya, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila noong pasimula ay ‘lumikha sa kanilang lalaki at babae,’ 5 at (AN) sinabi rin, ‘Kaya nga iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina at ibubuklod sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman’? 6 Sa gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya't ang pinagbuklod na ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.” 7 Nagtanong (AO) sila sa kanya, “Kung gayon, bakit ipinag-utos sa amin ni Moises na magbigay ng kasulatan ng pagpapaalis at hiwalayan ang babae?” 8 Sumagot siya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan kayo ni Moises na hiwalayan ang inyong mga asawang babae; subalit noong pasimula ay hindi ganoon. 9 Sinasabi (AP) ko sa inyo: sinumang magpaalis at makipaghiwalay sa kanyang asawa, liban na lamang kung pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At sinumang nakipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.”[o] 10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng isang taong may asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.” 11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ito kayang tanggapin ng lahat maliban sa kanila na pinagkalooban nito. 12 Sapagkat may mga taong hindi makapag-asawa[p] dahil sa kanilang kapansanan buhat pa nang sila'y isilang. May mga tao namang hindi makapag-asawa dahil sa kagagawan ng ibang tao. At may mga taong nagpasyang hindi na mag-asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang may kayang tumanggap nito ay hayaang tumanggap nito.”
Ang Pagbasbas ni Jesus sa Maliliit na Bata(AQ)
13 Pagkatapos nito ay inilapit sa kanya ang maliliit na bata, upang kanyang ipatong sa kanila ang mga kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga taong nagdala ng mga bata. 14 Subalit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila nakalaan ang kaharian ng langit.” 15 Pagkatapos niyang ipatong sa kanila ang kanyang mga kamay ay umalis na siya roon.
Ang Kabataang Mayaman(AR)
16 May isang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po bang mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Subalit kung nais mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.” 18 Sumagot (AS) ito sa kanya, “Alin po sa mga iyon?” Sinabi ni Jesus, “Huwag kang papaslang; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; 19 Igalang (AT) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Nasunod ko po ang lahat ng ito;[q] ano pa kaya ang kulang sa akin?” 21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod sa akin.” 22 Subalit nang marinig ng kabataang lalaki ang salitang ito, umalis siyang napakalungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. 23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (AU) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (AV) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan. 3 At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga,[r] nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’ 5 At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na[s] at nang ikatlo ng hapon,[t] ay ganoon din ang ginawa niya. 6 At nang malapit na ang ikalima ng hapon,[u] muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’ 7 ‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ 8 (AW) Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ 9 Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila'y tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. 11 Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain. 12 Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’ 13 Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’ 16 Kaya nga (AX) ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.”[v]
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(AY)
17 Habang umaakyat si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, 18 “Tandaan ninyo, umaahon tayo patungong Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. At siya'y hahatulan nila ng kamatayan. 19 At siya'y ipauubaya nila sa mga Hentil upang hamakin, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw, siya'y muling bubuhayin.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(AZ)
20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (BA) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (BB) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(BC)
29 Habang sila'y lumalabas sa Jerico ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabing-daan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Maawa po kayo sa amin, Panginoon Anak ni David!” 31 Ngunit pinagsabihan sila ng mga tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw sa pagsasabi, “Mahabag po kayo sa amin, Panginoon, Anak ni David!” 32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Ano'ng nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, buksan po ninyo ang aming mga mata.” 34 Nahabag sa kanila si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakitang muli, at pagkatapos, sumunod sila sa kanya.
Matagumpay na Pumasok si Jesus sa Jerusalem(BD)
21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at nakarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad. 2 Sinasabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon, at kaagad kayong makakakita ng isang inahing asno na nakatali at may kasamang isang bisiro. Kalagan ninyo at dalhin dito sa akin. 3 Kung may magsasabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala ang mga iyon.” 4 Nangyari ito upang matupad ang pinahayag sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5 “Sabihin (BE) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Pagmasdan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno,
at sa bisiro ng isang inahing asno.”
6 Pumunta nga ang mga alagad at ginawa kung ano ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus. 7 Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro at isinapin nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal. At doon ay naupo siya. 8 Karamihan sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga sa mga puno at ikinalat ang mga ito sa daan. 9 At (BF) ang napakaraming taong nauuna sa kanya pati ang mga sumusunod sa kanya ay nagsigawan, na sinasabi, “Hosanna sa Anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosanna sa kataas-taasan!” 10 Pagpasok niya sa Jerusalem ay nagkagulo sa buong lungsod. “Sino ba ang taong ito?” tanong ng mga tao. 11 Sinabi ng marami, “Siya ang propetang si Jesus, na taga-Nazareth ng Galilea.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(BG)
12 Pumasok si Jesus sa templo,[w] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Pinagbabaligtad niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 13 Sinabi (BH) niya sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan,’
ngunit ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”
14 Lumapit sa kanya sa templo ang mga bulag at ang mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Subalit nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga kamangha-manghang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo, nagsasabing, “Hosanna sa Anak ni David.” 16 At (BI) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo. Hindi pa ba ninyo nababasa,
‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga musmos,
naghanda ka para sa iyong sarili ng papuring lubos?’ ”
17 Pagkatapos niyang iwan sila, lumabas siya sa lungsod papuntang Betania, at doon ay nagpalipas ng gabi.
Sinumpa ang Puno ng Igos(BJ)
18 Nang kinaumagahan, habang pabalik siya sa lungsod ay nagutom siya. 19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang natagpuang kahit ano roon, kundi mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Hindi ka na muling mamumunga kahit kailan!” At biglang natuyo ang puno ng igos. 20 Nang ito'y makita ng mga alagad, nagtaka sila at nagtanong, “Paano nangyaring biglang natuyo ang puno ng igos?” 21 Sumagot (BK) si Jesus at sinabi sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at walang pag-aalinlangan, hindi lamang ang nagawa sa puno ng igos ang inyong magagawa, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka diyan at itapon mo ang sarili sa dagat,’ ito ay mangyayari. 22 At anumang hingin ninyo sa panalangin, kung may kalakip na pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”
Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(BL)
23 Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” 24 Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan sa inyo, at kung sasagutin ninyo ay sasabihin ko sa inyo kung ano ang awtoridad ko sa paggawa ng mga bagay na ito. 25 Saan ba nagmula ang bautismo ni Juan? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At ito'y pinagtalunan nila, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ takot naman tayo sa maraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang aking awtoridad sa paggawa ko ng mga bagay na ito.
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong may dalawang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’ 29 Subalit siya'y sumagot at nagsabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin. 30 Lumapit din siya sa pangalawa, at gayundin ang sinabi. ‘Pupunta po ako’, ang sabi nito, ngunit hindi naman pumunta. 31 Alin sa dalawa ang sumunod sa kagustuhan ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae ay nauuna pa sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat (BM) dumating sa inyo si Juan upang ipakita ang daan ng katuwiran, gayunma'y hindi kayo naniwala sa kanya; subalit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae. At kahit nakita ninyo ito ay hindi pa rin kayo nagbago ng pag-iisip at naniwala sa kanya.
Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(BN)
33 “Dinggin (BO) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang taong pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng ubas sa kanyang bukirin, at binakuran niya ang palibot nito. Naglagay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan. 34 Nang malapit na ang panahon ng pamimitas ng bunga, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kumuha ng mga bunga para sa kanya. 35 Subalit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa. 36 Muli siyang nagpadala ng iba pang mga alipin na mas marami pa sa nauna; subalit ganoon din ang ginawa nila sa kanila. 37 Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki. Wika niya, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Subalit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya nang makuha natin ang kanyang mana.’ 39 Kaya't siya'y kinuha nila, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay. 40 Kaya't pagdating ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang kanyang gagawin sa mga magsasakang iyon?” 41 Sinabi nila sa kanya, “Papatayin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakila-kilabot na paraan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa mga takdang panahon.” 42 Sinabi (BP) ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa mga kasulatan,
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong panulukan;
Ito'y gawa ng Panginoon,
at kahanga-hangang pagmasdan’?
43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng mga bunga nito.’ 44 [Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[x]
45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, naunawaan nilang tungkol sa kanila ang kanyang mga sinasabi. 46 At nang balak na sana nilang dakpin si Jesus, natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala nila na siya'y isang propeta.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(BQ)
22 At muling nagsalita si Jesus sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang kaharian ng langit ay maihahalintulad dito: May isang haring naghanda ng isang malaking salu-salo para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Nagsugo siya ng kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan; subalit ayaw dumalo ng mga inanyayahan. 4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin. Ibinilin sa kanila, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking piging. Ang aking mga baka at matatabang guya ay kinatay na at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa pagdiriwang para sa kasal.’ 5 Ngunit hindi nila ito pinansin, sa halip ay umalis, ang isa'y pumunta sa kanyang bukirin, at ang isa nama'y sa kanyang pangangalakal. 6 Bigla namang hinawakan ng iba ang mga alipin ng hari, ipinahiya ang mga ito at pinagpapatay. 7 Ikinagalit ito ng hari, kaya't sinugo niya ang kanyang mga kawal, nilipol ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lungsod. 8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang piging ng kasal, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Kaya pumunta kayo sa mga panulukan ng mga lansangan at kahit sinong makita ninyo ay anyayahan ninyo sa pagdiriwang ng kasal.’ 10 Lumabas nga ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat ng natagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang pinagdarausan ng kasalan.
11 “Subalit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, napansin niya roon ang isang taong hindi nakasuot ng damit pangkasalan. 12 At sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang taong iyon. 13 Kaya't (BR) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang kanyang mga paa't mga kamay, at ihagis ninyo siya sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’ 14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Pagbabayad ng Buwis(BS)
15 Pagkatapos nito'y umalis ang mga Fariseo at nagbalak kung paanong mabibitag si Jesus sa kanyang salita. 16 Sinugo nila sa kanya ang kanilang mga alagad, kasama ng mga kakampi ni Herodes. Kanilang sinabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo, at nagtuturo ka ng daan ng Diyos batay sa katotohanan at wala kang kinikilingang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo, sang-ayon ba sa batas na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18 Subalit alam ni Jesus ang kanilang masamang balak, kaya't sinabi niya, “Bakit inilalagay ninyo ako sa pagsubok? Kayong mga mapagkunwari! 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At iniabot sa kanya ang isang denaryo. 20 Sila'y tinanong niya, “Kaninong larawan at pangalan ang nakasulat dito?” 21 Sinabi nila sa kanya, “Sa Emperador.” Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 22 Nang marinig nila ito ay napahanga sila. Siya'y kanilang iniwan at sila'y umalis.
Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(BT)
23 Nang (BU) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus (BV) ang mga Saduceo. Sa paniniwala nilang walang muling pagkabuhay, 24 sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang lalaking walang anak, dapat pakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang kanyang asawa, at magkaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’ 25 ‘Mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. At dahil hindi siya nagkaroon ng anak ay naiwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. 27 At pagkamatay nilang lahat, namatay ang babae. 28 Sa muling pagkabuhay, sino kaya sa pito ang magiging asawa ng babae, gayong siya'y naging asawa nilang lahat?” 29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao ay hindi na mag-aasawa o pag-aasawahin pa kundi sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32 ‘Ako (BW) ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” 33 Nang marinig ito ng maraming tao, sila'y namangha sa kanyang itinuturo.
Ang Dakilang Utos(BX)
34 Subalit nang mabalitaan ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila'y nagpulong. 35 At isa sa kanila, na isang dalubhasa sa Kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin. 36 “Guro, alin po ba ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” 37 At (BY) sinabi niya sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang dakila at pangunahing utos. 39 At katulad nito (BZ) ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 40 Nakabatay sa (CA) dalawang utos na ito ang buong Kautusan at ang mga propeta.”
Nagtanong si Jesus tungkol sa Anak ni David(CB)
41 Habang nagkakatipon ang ilang mga Fariseo ay nagtanong sa kanila si Jesus. 42 Sabi niya, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kanino ba siyang anak?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit noong si David ay nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,
44 ‘Sinabi (CC) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway” ’?
45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya magiging anak nito?” 46 Walang nakasagot sa kanya ni isa mang salita, at mula nang araw na iyon ay wala na ring nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo(CD)
23 Pagkatapos nito ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad. 2 Wika niya, “Nakaupo sa upuan ni Moises ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo. 3 Kaya't inyong isagawa at sundin ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa, sapagkat iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. 4 Nagtatali sila ng mabibigat na dalahin [at mahirap pasanin,][y] at ipinabubuhat nila sa mga tao; ngunit sila mismo ay ayaw man lamang humipo sa mga ito. 5 Ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang ipakita lamang sa mga tao.(CE) Pinapalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[z] at pinahahaba ang laylayan ng kanilang mga damit. 6 Mahilig silang umupo sa mga upuang-pandangal sa mga piging at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga. 7 Nais nilang pagpugayan sila ng mga tao sa pamilihan at tawagin silang ‘Rabbi’. 8 Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ninyo ang sinuman sa lupa; sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na tagapanguna, sapagkat iisa ang inyong tagapanguna, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.(CF) 12 Ang nagtataas sa sarili (CG) ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay itataas.
13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][aa] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.
16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (CH) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.
23 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (CI) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng inyong mga gulayin gaya ng yerbabuena, ng anis at ng komino, subalit kinakaligtaan ninyo ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan tulad ng katarungan, kahabagan, at katapatan. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, nang hindi pinababayaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang niknik, nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punung-puno ang mga ito ng katakawan at kalayawan. 26 Bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[ab] at magiging malinis din ang labas nito.
27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (CJ) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan. 28 At ganyan din kayo! Sa labas ay parang mga banal kung pagmasdan, ngunit sa loob ay punung-puno kayo ng pagkukunwari at kabuktutan.
29 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta, at pinagaganda ang mga bantayog ng mga matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng aming mga ninuno, hindi kami sasali sa kanila sa pagpapadanak ng dugo ng mga propeta.’ 31 Kaya't kayo na rin ang nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili, na kayo'y kalahi ng mga pumaslang sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang salop ng inyong mga ninuno. 33 Mga (CK) ahas! Mga anak ng mga ulupong! Paano ninyo matatakasan ang parusa sa impiyerno?[ac] 34 Tandaan ninyo, dahil dito'y nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng matatalino, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at tutugisin sa bayan-bayan. 35 Sa gayong paraan (CL) ay mabubuntong lahat sa inyo ang walang salang dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias, anak ni Baraquias, na inyong pinaslang sa pagitan ng dakong banal at ng dambana. 36 Tinitiyak ko sa inyo, ang lahat ng mga ito ay sasapit sa salinlahing ito.
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(CM)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (CN) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (CO) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(CP)
24 Si Jesus ay lumabas sa templo at paalis na nang lapitan siya ng kanyang mga alagad upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. 2 Sumagot siya sa kanila, “Hindi ba't nakikita ninyo ang lahat ng mga ito? Tinitiyak ko sa inyo, wala ritong maiiwan kahit isang bato na nasa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ng mga ito'y pawang ibabagsak.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(CQ)
3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nilapitan siya nang sarilinan ng kanyang mga alagad. Sinabi nila, “Sabihin mo po sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito at ano ang palatandaan ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” 4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong palilinlang kaninuman. 5 Sapagkat maraming darating na gagamit ng aking pangalan, na magsasabing sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 At makaririnig kayo ng mga digmaan at ng usap-usapan ng mga digmaan. Mag-ingat kayo at huwag kayong mabahala, sapagkat kailangang mangyari ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 7 Lulusob ang mga bansa laban sa ibang bansa, at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa iba't ibang dako. 8 Subalit ang lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng paghihirap na katulad ng sa panganganak.
9 “Pagkatapos (CR) ay dadakpin kayo upang pahirapan at kayo'y papatayin. Kayo'y kamumuhian ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Maraming tatalikod sa pananampalataya, magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11 Maglilitawan ang maraming huwad na propeta at lilinlangin nila ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, marami ang manlalamig sa kanilang pag-ibig. 13 Ngunit (CS) ang matirang matibay hanggang wakas ay maliligtas. 14 At ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating ang wakas.
Ang Matinding Paghihirap(CT)
15 “Kaya, (CU) kapag nakita ninyong nakatayo sa banal na dako ang kasuklam-suklam na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel,—unawain ng bumabasa—, 16 ang mga nasa Judea ay tumakas na at pumunta sa mga bundok. 17 Huwag nang bumaba ang (CV) nasa ibabaw ng bahay upang kumuha ng anuman sa loob ng kanyang bahay. 18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. 19 Ngunit kay saklap para sa mga buntis at mga nagpapasuso ang mga araw na iyon! 20 Kaya't ipanalangin ninyo na ang pagtakas ninyo ay hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath. 21 Sapagkat (CW) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding kapighatiang hindi pa nangyari mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na kailanman mangyayari pa. 22 At malibang paiikliin ang mga araw na iyon, ang lahat ng laman ay mapapahamak. Ngunit alang-alang sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon. 23 At kapag may nagsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 24 Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta, at magpapakita ng mga kahanga-hangang himala at mga kababalaghan, na dahil dito'y maililihis, kung maaari, pati ang mga pinili. 25 Tandaan ninyo, sinabi ko na sa inyo bago pa man ito mangyari. 26 Kaya, (CX) kapag sinabi nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroon siya sa ilang,’ huwag kayong lumabas. Kung sabihin nila, ‘Tingnan ninyo, nasa loob siya ng mga silid,’ huwag kayong maniwala. 27 Sapagkat kung paano dumarating ang kidlat mula sa silangan at gumuguhit hanggang sa kanluran, sa gayunding paraan ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung (CY) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.[ad]
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(CZ)
29 “At (DA) kasunod agad ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos (DB) ay lilitaw sa langit ang palatandaan ng Anak ng Tao, at magluluksa ang lahat ng mga lipi sa lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap sa himpapawid, taglay ang kapangyarihan at maringal na kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na hudyat ng trumpeta. Titipunin nila ang kanyang mga pinili mula sa apat na ihip ng hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabila.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(DC)
32 “Ngayon ay matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos: kapag malambot na ang sanga nito at sumisibol na ang mga dahon, nalalaman ninyong malapit na ang tag-init. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga pangyayaring ito, alam ninyong ito[ae] ay malapit na, nasa may pintuan na. 34 Tinitiyak ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang hindi nagaganap ang lahat ng mga ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hindi kailanman lilipas ang aking mga salita.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(DD)
36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, (DE) maliban sa Ama. 37 Kung paano noong kapanahunan ni Noe, gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 38 Sapagkat kung paano noong mga araw na iyon bago dumating ang baha, ang mga tao'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. 39 At (DF) wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat. Gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon ay may dalawang taong pupunta sa bukid, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 41 May dalawang babaing gumigiling ng butil sa gilingan. Kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 42 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw[af] darating ang inyong Panginoon. 43 (DG) Unawain ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang malooban ang kanyang bahay. 44 Dahil dito'y maging handa rin kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo aakalain.
Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(DH)
45 “Sino nga ba ang mapagkakatiwalaan at matalinong alipin? Hindi ba't siya na pinagbilinan ng kanyang panginoon na mamahala sa kanyang sambahayan, upang mamahagi sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang alipin na sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siyang ganoon nga ang ginagawa. 47 Tinitiyak ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 48 Subalit kung masama ang aliping iyon at magsabi sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang aking panginoon,’ 49 magsisimula siyang manakit ng mga kapwa niya alipin. At makisalo at makipag-inuman pa sa mga lasenggo. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya akalain at sa oras na hindi niya nalalaman. 51 Siya'y pagpuputul-putulin ng kanyang panginoon at ilalagay sa lugar ng mga mapagpanggap, at doo'y magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang (DI) kaharian ng langit ay maihahalintulad sa sampung dalaga na kumuha ng kani-kanilang ilawan at lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. 2 Lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino. 3 Ang mga hangal ay kumuha ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagdala ng langis. 4 Subalit ang matatalino ay nagbaon ng langis sa mga lalagyan, kasama ng kanilang mga ilawan. 5 Habang natatagalan pa ang pagdating ng lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog. 6 Ngunit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.’ 7 Ang lahat ng mga dalagang iyon ay nagsibangon at inihanda ang kanilang mga ilawan. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Pahingi naman ng langis ninyo, namamatay na kasi ang aming mga ilawan.’ 9 Ngunit ganito ang sagot ng mga matalinong babae, ‘Malamang na hindi maging sapat ito para sa amin at sa inyo. Pumunta na lang kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’ 10 Habang sila'y pumupunta upang bumili, siya namang pagdating ng lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay kasama niyang pumasok sa pagdiriwang ng kasalan, at pagkatapos ay isinara ang pintuan. 11 Di nagtagal (DJ) ay dumating naman ang ibang mga dalaga. ‘Panginoon, panginoon! Pagbuksan mo po kami,’ pakiusap nila. 12 Ngunit ito ang tugon niya: ‘Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala.’ 13 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(DK)
14 “Sapagkat (DL) maihahalintulad dito ang kaharian ng Diyos: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin, at pinagbilinan sila tungkol sa kanyang mga ari-arian. 15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[ag] ang isa ay dalawa, at ang isa naman ay isa. Binigyan ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan. Pagkatapos ay sumulong na siya. 16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ginamit ang mga iyon sa kalakal. At kumita siya ng lima pang talento. 17 Sa gayunding paraan, ang tumanggap ng dalawang talento ay kumita pa ng dalawa. 18 Ngunit ang tumanggap ng isa ay umalis. Naghukay siya sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon. 19 Pagkaraan ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at kanyang inalam kung ano na ang nangyari sa kanyang salapi. 20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagsulit ng lima pang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng limang talento. Narito po, kumita ako ng lima pang talento.’ 21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin. Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 22 Lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng dalawang talento. Narito po, kumita ako ng dalawa pang talento.’ 23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin! Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 24 Lumapit din ang tumanggap ng isang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, alam ko pong kayo ay taong malupit. Gumagapas kayo sa hindi naman ninyo hinasikan, at umaani kayo sa hindi naman ninyo pinunlaan. 25 Kaya natakot ako at umalis. Ibinaon ko sa lupa ang inyong talento. Narito na po ang salapi ninyo.’ 26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mo, tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at umaani sa hindi ko pinunlaan. 27 Kung gayo'y bakit hindi mo inilagak ang aking salapi sa bangko, at nang sa aking pagbabalik ay matanggap ko sana kung ano ang akin kasama na ang tubo nito. 28 Kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa may sampung talento! 29 Sapagkat (DM) ang sinumang mayroon ay bibigyan pa at siya'y mananagana, subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin pa. 30 At (DN) ang walang silbing alipin na ito ay itapon ninyo sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’
Ang Paghuhukom sa mga Bansa
31 “Pagdating (DO) ng Anak ng Tao taglay ang kanyang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng kanyang mga anghel, siya'y luluklok sa kanyang maluwalhating trono. 32 Sa kanyang harapan ay titipunin ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, ngunit ang mga kambing naman ay sa kaliwa. 34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo! mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y nagutom at ako'y inyong pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom. Ako'y naging isang dayuhan, at ako'y inyong pinatuloy. 36 Ako'y naging hubad at ako'y inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’ 37 Pagkatapos ay itatanong sa kanya ng mga matuwid, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at ika'y pinakain, o kaya'y uhaw, at aming pinainom? 38 Kailan ka namin nakitang isang dayuhan at pinatuloy ka, o kaya'y hubad, at dinamitan ka? 39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nakabilanggo at dinalaw ka namin?’ 40 At sasagot sa kanila ang Hari ng ganito: ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’ 41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Magsilayas kayo, mga sinumpa! Doon kayo sa walang hanggang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel. 42 Sapagkat ako'y nagutom, at ako'y hindi ninyo pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y hindi ninyo pinainom. 43 Ako'y naging dayuhan, at ako'y hindi ninyo pinatuloy. Hubad, ngunit ako'y hindi ninyo dinamitan; maysakit at nakabilanggo, ngunit hindi ninyo dinalaw.’ 44 Pagkatapos ay magtatanong din sila, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang dayuhan, hubad, maysakit, o nasa bilangguan, at hindi kami naglingkod sa iyo?’ 45 At siya'y sasagot sa kanila ng ganito, ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakahamak na ito, ay hindi nga ninyo ito ginawa sa akin.’ 46 At (DP) ang mga ito'y magsisialis patungo sa parusang walang hanggan, subalit ang mga matutuwid ay patungo sa buhay na walang hanggan.”
Ang Balak Laban kay Jesus(DQ)
26 Matapos isalaysay ni Jesus ang lahat ng ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, 2 “Gaya ng inyong nalalaman,(DR) dalawang araw pa at sasapit na ang Paskuwa, at ipagkakanulo ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.” 3 Pagkatapos nito, ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagpulong sa palasyo ng Kataas-taasang Pari, na nagngangalang Caifas. 4 At nagsabwatan silang palihim na dakpin at patayin si Jesus. 5 Subalit kanilang sinabi, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(DS)
6 Samantalang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, 7 lumapit (DT) sa kanya ang isang babaing may dalang isang lalagyang alabastro na may lamang mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus, habang ito'y nakahilig sa may hapag. 8 Ganoon na lamang ang pagkagalit ng mga alagad nang ito'y kanilang makita. Itinanong nila, “Para sa ano ang pag-aaksayang ito? 9 Sapagkat maipagbibili sana ang pabangong ito sa malaking halaga, at maipamimigay sa mga dukha.” 10 Subalit alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ginagambala ninyo ang babae? Isang magandang bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Palagi (DU) ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo palaging makakasama. 12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan ay inihahanda na niya ako sa paglilibing. 13 Tinitiyak ko sa inyo, saan man ipahayag ang Magandang Balitang ito sa buong sanlibutan, ang kanyang ginawa ay babanggitin din bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(DV)
14 Pagkatapos nito, isa sa labindalawa na nagngangalang Judas Iscariote ang pumunta sa mga punong pari, 15 at (DW) nagtanong, “Ano'ng ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At siya'y binayaran nila ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[ah]
Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(DX)
17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (DY) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”
Ang Huling Hapunan(DZ)
26 Habang sila'y kumakain, si Jesus ay kumuha ng tinapay, ipinagpasalamat niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad. Sinabi niya, “Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.” 27 At kumuha siya ng kopa at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila, at sinabi, “Uminom kayo nito, lahat kayo, 28 sapagkat (EA) ito ang aking dugo ng tipan,[ai] na ibinubuhos alang-alang sa marami, para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 29 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasama kayo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Pagkatapos nilang umawit ng imno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(EB)
31 Pagkatapos (EC) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatalikuran ninyo akong lahat sa gabing ito. Sapagkat nakasulat, ‘Hahampasin ko ang pastol, at magtatakbuhan ang mga tupa ng kawan.’ 32 Ngunit (ED) matapos na ako'y maibangon na, mauuna ako sa inyo sa pagpunta sa Galilea.” 33 Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Talikuran man kayo ng lahat, hinding-hindi ko kayo tatalikuran.” 34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tinitiyak ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” 35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit na kailangan pang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(EE)
36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama ang mga alagad sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanila, “Maupo kayo rito. Pupunta muna ako sa banda roon at mananalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Noon ay nagsimula siyang malungkot at mabagabag. 38 At sinabi niya sa kanila, “Punung-puno ng kalungkutan ang aking kaluluwa na halos ikamatay ko. Dito muna kayo at makipagpuyat sa akin.” 39 Lumakad pa siya sa di-kalayuan, at doon ay nagpatirapa at nanalangin, na sinasabi, “Aking Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kopang ito. Gayunma'y hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” 40 Bumalik siya sa mga alagad, at nadatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba ninyo kayang makipagpuyat sa akin kahit isang oras lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin, upang hindi kayo malagay sa tukso. Tunay na ang espiritu ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.” 42 Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang umalis at nanalangin ng ganito, “Aking Ama, kung hindi maaaring lumampas ang kopang ito, malibang ito'y aking inuman, masunod nawa ang iyong kalooban.” 43 Bumalik na naman siya at naratnan silang natutulog, sapagkat mabigat na ang mga mata nila sa antok. 44 Kaya't muli niya silang iniwan; umalis siya, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na gayunding mga salita ang binibigkas. 45 Nilapitan niyang muli ang mga alagad at sinabi sa kanila, “Hanggang ngayon ay natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Bangon na! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, dumarating na ang nagkakanulo sa akin.”
Dinakip si Jesus(EF)
47 Habang nagsasalita pa siya ay dumating si Judas, na isa sa labindalawa. Kasama niya ang napakaraming taong may mga tabak at mga pamalo; mula sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan. 48 Nagbigay sa kanila ng palatandaan ang nagkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Ang halikan ko ay siya na nga. Dakpin ninyo siya.” 49 Nilapitan niya agad si Jesus, at sinabi, “Magandang gabi po,[aj] Rabbi.” At kanyang hinagkan ito. 50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang sadya mo rito.” Pagkatapos ay lumapit sila at hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip. 51 Ngunit ang isa sa mga kasamahan ni Jesus ay biglang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo sa kaluban ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Sa palagay mo ba'y hindi ako maaaring humingi sa aking Ama, at ngayon din ay padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang batalyon[ak] ng mga anghel? 54 Subalit kung magkakagayon ay paano magaganap ang isinasaad ng mga kasulatan, na ganito ang kailangang mangyari?” 55 Sa (EG) sandaling iyon ay sinabi ni Jesus sa maraming taong naroon, “Isa bang tulisan ang inyong pinuntahan at may mga dala pa kayong tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? Araw-araw akong nakaupo at nagtuturo sa templo ngunit hindi ninyo ako dinarakip. 56 Subalit nagaganap ang lahat ng ito upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Sa sandaling iyon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y nagsitakas.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.