Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
1 Corinto 15:1 - Galacia 3:25

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Ngayon ay ipinapaalala ko sa inyo, mga kapatid, ang tungkol sa ebanghelyo[a] na ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap, na siya naman ninyong kinatatayuan. Sa pamamagitan nito ay naliligtas kayo, kung panghahawakan ninyo itong mabuti. Kung hindi, kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan. Sapagkat (A) ibinigay ko sa inyo bilang pangunahin sa lahat ang akin din namang tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa kasulatan, at (B) siya'y inilibing; at muling binuhay pagsapit ng ikatlong araw ayon sa mga kasulatan, at (C) siya'y nagpakita kay Pedro,[b] at pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay nabubuhay pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namayapa na. Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol, at (D) sa kahuli-hulihan na parang ipinanganak nang wala sa panahon, ay nagpakita rin siya sa akin. Sapagkat (E) ako ang pinakahamak sa mga apostol, ni hindi ako karapat-dapat na tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit kung ano ako ngayon, ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at ang kanyang biyaya para sa akin ay hindi nawawalan ng saysay. Sa halip, ako'y nagsikap nang higit kaysa kanilang lahat, gayunma'y hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ganito ang ipinangangaral namin, at ito ang sinasampalatayanan ninyo.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 At kung ipinapangaral na si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, paanong nasasabi ng ilan sa inyo na hindi muling mabubuhay ang mga patay? 13 Kung hindi muling mabubuhay ang mga patay, kahit si Cristo ay hindi sana muling binuhay. 14 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15 Bukod dito, matatagpuan pa kaming mga sinungaling na saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatotoo tungkol sa Diyos, na muli niyang binuhay si Cristo, na hindi naman niya pala muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, kahit si Cristo ay hindi muling binuhay. 17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya, nananatili pa rin kayo sa inyong mga kasalanan. 18 Kung gayon, ang mga namayapa na kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng mga tao.

20 Ngunit sa katunayan, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay. Siya ang unang bunga ng mga namatay. 21 Sapagkat yamang dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang muling pagkabuhay ng mga patay. 22 Sapagkat kung paanong dahil kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin dahil kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat isa'y ayon sa kanyang takdang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kabilang kay Cristo sa panahon ng kanyang pagdating. 24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibibigay na ang kaharian sa Diyos Ama, matapos niyang lipulin ang lahat ng paghahari, pamamahala at kapangyarihan. 25 Sapagkat (F) kailangang maghari siya hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagkat (G) “ipinasakop niya ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.” Sa pagsasabi na ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop sa kanya, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos, na siyang nagpasakop ng lahat ng mga bagay kay Cristo. 28 At kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa Anak, ang Anak ay pasasakop din sa Ama na naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Diyos ay mangibabaw sa lahat.

29 At kung walang muling pagkabuhay, ano'ng gagawin ng mga binabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, bakit may mga taong binabautismuhan para sa kanila? 30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (H) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Ngunit may magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang tataglayin nila?” 36 Ikaw na hangal! Dapat munang mamatay ang binhing iyong itinatanim bago ito mabuhay. 37 Kapag ikaw ay nagtatanim, hindi malaking katawan na ng halaman ang iyong itinatanim, kundi binhi lamang, maaaring ng trigo o ng ibang uri ng mga butil. 38 Subalit binibigyan ito ng Diyos ng katawang ayon sa kanyang kagustuhan, at ang bawat uri ng binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. May isang uri ng laman ang mga tao, at ibang laman naman ang sa mga hayop, ibang laman sa mga ibon, at iba rin sa mga isda. 40 May mga katawang panlangit, at may mga katawang panlupa, ngunit may sariling kaluwalhatian ang panlangit, at iba naman ang panlupa. 41 May isang uri ng kaningningan ang araw, at iba ang kaningningan ng buwan, at iba rin ang kaningningan ng mga bituin; at ang mga bituin ay magkakaiba rin ng kaningningan.

42 Gayundin naman sa muling pagkabuhay ng mga patay. Itinatanim na may pagkabulok, muling binubuhay nang walang pagkabulok. 43 Itinatanim ito na walang karangalan, binubuhay ito na may kaluwalhatian; itinatanim na may kahinaan, binubuhay na may kapangyarihan. 44 Itinatanim ito bilang katawang pisikal, binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal. 45 Gaya ng (I) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[c] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi una ang espirituwal, kundi ang pisikal, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa alabok ng lupa, ang pangalawa naman ay mula sa langit. 48 Silang mga mula sa alabok ay katulad ni Adan na mula sa alabok; at silang panlangit ay katulad niya na nagmula sa langit. 49 At kung paanong tinaglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong mula sa langit.

50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkabulok ay magmamana ng walang pagkabulok. 51 Pakinggan ninyo ang (J) sasabihin kong isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mahihimlay, ngunit tayong lahat ay babaguhin— 52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at ang mga patay ay bubuhaying muli na walang pagkasira at tayo'y babaguhin. 53 Sapagkat ang may pagkabulok ay kailangang magbihis ng walang pagkabulok, at itong may kamatayan ay magbihis ng kawalang kamatayan. 54 Ngunit (K) kapag itong may pagkabulok ay mabihisan ng walang pagkabulok at itong may kamatayan ay mabihisan ng kawalang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,

“Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay.”
55 “Nasaan na, (L) kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. 57 Subalit salamat sa Diyos! Pinagtatagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, magpakatatag kayo; huwag kayong patitinag, kayo'y laging sumagana sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi mawawalan ng saysay ang inyong pagpapagal para sa Panginoon.

Ang Tulong para sa mga Kapatid

16 At (M) tungkol naman sa ambag para sa mga banal: gawin din ninyo kung ano ang itinagubilin ko sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ng halaga ayon sa kanyang kinita, upang huwag nang magkaroon ng mga ambagan pagpunta ko. At pagdating ko riyan, ang mga taong inyong mapili ay aking isusugo na may dalang mga sulat upang maghatid ng inyong kaloob sa Jerusalem. Kung kinakailangan kong pumunta ay sasamahan nila ako.

Plano ni Pablo sa Paglalakbay

Dadalawin (N) ko kayo pagdaan ko sa Macedonia, sapagkat daraan ako roon. At maaaring tumigil muna ako riyan sa inyo o kaya'y magpalipas ng taglamig, upang ako'y maihatid ninyo, saan man ako pumunta. Ayaw kong maging sandali lang ang ating pagkikita; kung loloobin ng Panginoon, ibig kong magtagal-tagal diyan na kasama ninyo. Ngunit (O) titigil ako sa Efeso hanggang araw ng Pentecostes, sapagkat (P) nabuksan para sa akin ang isang maluwang na pintuan tungo sa makabuluhang gawain, bagama't maraming sumasalungat.

10 Pagdating (Q) ni Timoteo, sikapin ninyo na wala siyang anumang dapat ipangamba sa piling ninyo, sapagkat tulad ko ay ginagampanan niya ang gawain ng Panginoon. 11 Kaya't huwag siyang hamakin ng sinuman. Mapayapa ninyo siyang ihatid sa kanyang paglalakbay upang makabalik siya sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid.

12 Tungkol naman kay kapatid na Apolos, nakiusap akong mabuti sa kanya na puntahan kayo kasama ng ibang mga kapatid. Wala pa siyang balak na pumunta riyan ngayon. Ngunit darating siya kapag nagkaroon na siya ng pagkakataon.

Pagwawakas at Pagbati

13 Magbantay kayo, manindigan kayo sa pananampalataya, magpakatapang kayo, magpakatatag kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat nang may pag-ibig.

15 Alam ninyo (R) na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng pangangaral sa Acaia. Inilaan na nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal. Kaya't nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpailalim kayo sa pamumuno ng gayong uri ng mga tao at sa bawat isang nagpapagal at nakikiisa sa gawain. 17 Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat kanilang pinunan ang inyong kakulangan. 18 Pinaginhawa rin nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Pahalagahan ninyo ang pagkilala sa katulad nila.

19 Binabati (S) kayo ng mga iglesya sa Asia. Malugod kayong binabati sa Panginoon nina Aquila at Priscila[d] gayundin ng iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo nang may banal na halik.

21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa pamamagitan ng aking sariling kamay. 22 Sumpain ang sinumang hindi nagmamahal sa Panginoon. Dumating ka nawa, Panginoon! 23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus. Amen.

Mula kay (T) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at mula kay Timoteo na ating kapatid—

Sa iglesya ng Diyos sa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa lahat ng ating paghihirap, upang maaliw natin ang nasa anumang paghihirap, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin mula sa Diyos. Sapagkat kung paanong ang paghihirap ni Cristo ay sumasagana sa ating buhay, sa pamamagitan din ni Cristo ay umaapaw ang ating kaaliwan. Ngunit kung pinahihirapan man kami, ito ay upang kayo'y maaliw at maligtas. Kung kami ay inaaliw, ito ay upang kayo'y maaliw, at sa pamamagitan nito'y magkakaroon kayo ng kakayahang magtiis ng mga pagdurusang aming dinaranas. Matibay ang aming pag-asa tungkol sa inyo, sapagkat alam namin na kung kayo'y karamay namin sa pagdurusa, karamay din namin kayo sa kaaliwang tinatanggap namin.

Nais (U) naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga paghihirap na sinapit namin sa Asia. Sapagkat napakabigat ang aming naranasan doon na halos hindi namin nakaya, anupa't nawalan kami ng pag-asang mabuhay. Ngunit kami mismo ang tumanggap ng hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay. 10 Siya na nagligtas sa amin mula sa gayong tiyak na kamatayan ang patuloy na magliligtas sa amin. Umaasa kami na patuloy pa niya kaming ililigtas, 11 habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin para sa amin. Sa gayon ay maraming tao ang magpapasalamat dahil sa mga biyayang ibinigay sa amin bilang kasagutan sa maraming panalangin.

Pagpapaliban ng Pagdalaw ni Pablo

12 Sapagkat ito ang aming maipagmamalaki: nagpapatotoo ang aming budhi na ang pamumuhay namin sa sanlibutan, at lalo na sa inyo ay may kalinisan at katapatang mula sa Diyos, hindi ayon sa makamundong karunungan, kundi sa biyaya ng Diyos. 13 Sapagkat ang isinusulat namin ay ang kaya lamang ninyong basahin at unawain. Umaasa ako na lubos ninyo itong mauunawaan, 14 kung paanong naunawaan ninyo kami nang bahagya, na kami ay maipagmamalaki ninyo gaya ninyo na aming maipagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.

15 Dahil sa pagtitiwalang ito, binalak kong dalawin muna kayo, upang kayo'y magkaroon ng higit pang pagpapala. 16 Ninais kong dalawin kayo noong ako'y (V) papuntang Macedonia, at mula roon ay bumalik sa inyo, at sa ganoon ay maihatid ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Nagdalawang-isip ba ako nang binalak kong gawin ito? Katulad ba ako ng makamundong tao kung magplano, na pinagsasabay ang “Oo at Hindi?” 18 Dahil tapat ang Diyos, ang aming salita sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.” 19 Sapagkat (W) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ang “Oo” ay “Oo.” 20 Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, lahat ng mga ito kay Cristo ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay nasasabi namin ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 At ang nagpapatatag sa amin at sa inyo kay Cristo ay ang Diyos. Hinirang niya kami, 22 tinatakan at ibinigay ang Espiritu sa aming mga puso bilang katibayan.

23 Nagsusumamo ako sa Diyos bilang aking saksi, na hindi ako natuloy sa pagpunta sa Corinto upang hindi kayo mabigatan. 24 Hindi sa ibig naming maging panginoon ninyo sa pananampalataya, sa halip kami ay mga kamanggagawa ninyo upang magdulot sa inyo ng kagalakan, sapagkat kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya.

Nagpasya ako na hindi na ako muling dadalaw sa inyo nang may kalungkutan. Sapagkat kung palulungkutin ko kayo, sino ang magpapasaya sa akin, kundi kayo na pinalungkot ko? Kaya't sumulat ako sa inyo, upang pagdating ko ay hindi ako palungkutin ng mga taong dapat ay magpapasaya sa akin. May tiwala ako sa inyong lahat na masaya kayo kung masaya ako. Sumulat ako sa inyo sa gitna ng matinding paghihirap ng kalooban at pangamba ng puso at kasabay ng maraming pagluha, hindi upang kayo'y palungkutin kundi upang malaman ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ko sa inyo.

Pagpapatawad sa Nagkasala

Subalit kung may taong naging sanhi ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa katunayan ay kayong lahat—sinasabi ko ito sa paraang hindi kayo masyadong masasaktan. Sapat na para sa taong iyon ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami. Sa halip, patawarin ninyo siya at aliwin, upang hindi siya madaig ng labis na kalungkutan. Kaya't nakikiusap ako sa inyo na ipadama ninyong muli ang inyong pag-ibig sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sumulat ako: upang subukin ko at alamin kung kayo nga'y masunurin sa lahat ng mga bagay. 10 Ang sinumang pinapatawad ninyo ay pinapatawad ko rin. Kung may dapat patawarin ay pinatawad ko na, alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo, 11 upang hindi tayo madaya ni Satanas. Sapagkat alam na alam natin ang kanyang mga binabalak.

Pangamba ni Pablo sa Troas

12 Pagdating (X) ko sa Troas, may pintuang binuksan para sa akin ang Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi mapalagay ang aking kalooban, sapagkat hindi ko natagpuan doon ang aking kapatid na si Tito. Kaya't ako'y nagpaalam sa mga kapatid doon at tumuloy sa Macedonia.

14 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay nagpapalaganap ng samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako. 15 Sapagkat kami ang halimuyak ng handog ni Cristo sa Diyos, na nalalanghap ng mga inililigtas at ng mga napapahamak. 16 Para sa isa kami ay halimuyak ng kamatayan na nagdudulot ng kamatayan; at sa isa naman ay halimuyak ng buhay na nagdudulot ng buhay. Sino ang sapat para sa gawaing ito? 17 Sapagkat hindi kami katulad ng marami na gumagamit ng salita ng Diyos para sa sariling pakinabang, kundi bilang mga tapat na sugo ng Diyos, ay nagsasalita kami para kay Cristo sa paningin ng Diyos.

Mga Lingkod ng Bagong Tipan

Ipagmamalaki na naman ba naming muli ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri ng aming mga sarili para sa inyo, o mula sa inyo? Kayo mismo ang aming sulat na nakasulat sa aming mga puso at ito'y nauunawaan at nababasa ng lahat ng mga tao. Ipinapahayag (Y) ninyo na kayo'y sulat na ipinadala ni Cristo sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Kayo'y isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na yari sa bato kundi sa mga tapyas na gawa sa puso ng tao.

Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo sa harapan ng Diyos. Hindi dahil sa mayroon kaming sariling kakayahan upang mag-angkin na sa amin galing ang anuman, kundi sa Diyos nanggaling ang aming kakayahan. Ginawa (Z) niya kaming karapat-dapat na maging mga lingkod ng bagong tipan, isang tipan na hindi batay sa titik, kundi sa Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.

Ngayon, (AA) kung ang paglilingkod[e] na may dalang kamatayan na nakasulat at nakaukit sa mga bato ay dumating na may kaluwalhatian, anupa't ang mga Israelita ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito, bagama't ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas, di ba't magtataglay ng higit na kaluwalhatian ang paglilingkod na dala ng Espiritu? Kung ang paglilingkod na may dalang kahatulan ay maluwalhati, lalong maluwalhati ang paglilingkod na may dalang katuwiran. 10 Sapagkat sa ganitong kalagayan, ang dating maluwalhati ay wala na ngayong kaluwalhatian, dahil doon sa may higit na kaluwalhatian. 11 At kung ang lumilipas ay dumating na may kaluwalhatian, ang nananatili ay lalong may kaluwalhatian.

12 Kaya't yamang taglay namin ang gayong pag-asa, napakalakas ng loob namin sa pagsasalita. 13 Hindi kami (AB) katulad ni Moises, na nagtakip ng kanyang mukha upang hindi makatitig ang mga Israelita sa pagtatapos ng kaluwalhatiang naglalaho. 14 Ngunit nakasara ang kanilang mga pag-iisip, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay naroroon pa rin, sapagkat sa pamamagitan lamang ni Cristo ito maaalis. 15 At hanggang ngayon, tuwing binabasa ang Kautusan ni Moises,[f] may talukbong na nakatakip sa kanilang puso. 16 Gayunman, (AC) kapag ang isang tao ay lumalapit sa Panginoon, naaalis ang talukbong na iyon. 17 Ngayon, ang Panginoon ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. 18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, parang sa salamin nakikita sa pamamagitan natin ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binabago ang ating anyo upang maging kalarawan niya, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, na nagmumula sa Panginoon na siyang Espiritu.

Mga Kayamanan sa Sisidlang-Lupa

Kaya't yamang sa pamamagitan ng kahabagan ng Diyos ay tinataglay namin ang paglilingkod na ito, hindi kami pinanghihinaan ng loob. Sa halip ay itinatakwil namin ang mga kahiya-hiyang bagay na inililihim. Hindi kami namumuhay sa katusuhan at hindi namin binabaluktot ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay inilalapit namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa paningin ng Diyos. At kung ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay natatalukbungan lamang sa mga napapahamak. Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi sumasampalataya, upang hindi nila makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos. Sapagkat hindi ang mga sarili namin ang aming ipinangangaral, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at ang aming mga sarili ay mga alipin ninyo alang-alang kay Cristo. Sapagkat (AD) ang Diyos na nagsabi, “Magliwanag ang ilaw sa kadiliman,” ay siyang nagliwanag sa aming mga puso upang ihasik ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa mukha ni Jesu-Cristo.

Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang walang kapantay na kapangyarihang ito ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin. Kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nadudurog; nalilito ngunit hindi nanlulupaypay; pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan; pinababagsak, ngunit hindi nawawasak. 10 Dala-dala namin sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang mahayag din sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11 Sapagkat kaming nabubuhay ay laging nabibingit sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang kanyang buhay ay mahayag sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan. 12 Kaya't ang kumikilos sa amin ay kamatayan, ngunit sa inyo naman ay buhay. 13 Ngunit dahil (AE) taglay namin ang gayunding espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” sumasampalataya rin kami, kaya't kami ay nagsasalita. 14 Sapagkat alam namin na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan. 15 Ang lahat ng mga ito ay para sa inyo, upang ang biyayang nakararating sa mas marami pang mga tao ay lalong magparami ng pagpapasalamat tungo sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Mamuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao. 17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman. 18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Sapagkat alam namin na kung mawasak ang ating tirahang tolda sa lupa, mayroon tayong gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng kamay ng tao, walang hanggan sa sangkalangitan. Sa ngayon tayo ay dumaraing, nasasabik na mabihisan ng ating panlangit na tahanan, sapagkat kapag tayo ay nabihisan na,[g] hindi tayo madadatnang hubad. Sapagkat habang tayo ay nasa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil sa pasanin, hindi sa nais naming matagpuang hubad, kundi ang mabihisan, upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay. Ang naghanda sa atin para sa layuning ito ay Diyos, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan.

Kaya't kami'y laging may lakas ng loob, kahit nalalaman namin na habang kami ay naninirahan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon. Sapagkat lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng aming nakikita. Kaya't malakas ang aming loob, at mas nanaisin pa naming mapalayo sa katawan at mapunta sa tahanan sa piling ng Panginoon. Kaya't pinakamimithi namin na bigyan siya ng kasiyahan, kami man ay nasa tahanan o malayo sa tahanan. 10 Sapagkat (AF) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo, upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya habang nasa katawan, mabuti man o masama.

Ang Paglilingkod Tungo sa Pakikipagkasundo

11 Kaya't yamang nalalaman namin kung paano magkaroon ng takot sa Panginoon, sinisikap naming humikayat ng mga tao. Kung ano kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi. 12 Hindi namin ipinagmamalaking muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa nakikita at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Sapagkat kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa katinuan ng pag-iisip, ito ay para sa inyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami'y nakatitiyak na may isang namatay para sa lahat, kaya't ang lahat ay namatay. 15 At siya'y namatay para sa lahat upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.

16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pamantayan ng laman, bagaman noon ay nakilala namin si Cristo ayon sa pamantayan ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala sa kanya. 17 Kaya't ang sinumang nakipag-isa na kay Cristo ay isa nang bagong nilikha. Ang mga lumang bagay ay lumipas. Masdan ninyo, ang lahat ay naging bago. 18 Lahat ng ito ay mula sa Diyos, at sa pamamagitan ni Cristo ay pinagkasundo tayo ng Diyos sa kanyang sarili, at siyang nagbigay sa amin ng paglilingkod tungo sa pakikipagkasundo. 19 Samakatuwid, ang Diyos ay na kay Cristo, na ipinagkakasundo ang sanlibutan sa kanyang sarili at hindi ibinibilang sa mga tao ang kanilang mga pagkakasala. Ipinagkatiwala niya sa amin ang mensahe ng pakikipagkasundo. 20 Kaya nga kami ay mga sugo para kay Cristo, na parang ang Diyos mismo ang nakikiusap sa pamamagitan namin. Nakikiusap kami sa inyo, alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Itinuring niyang nagkasala siya na hindi nakaranas ng kasalanan, upang sa pamamagitan niya, tayo'y ituring na matuwid sa harapan ng Diyos.

Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, nagsusumamo kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagtanggap ninyo ng kanyang biyaya. Sapagkat (AG) sinasabi niya,

“Sa tamang panahon ikaw ay aking pinakinggan,
    at sa araw ng kaligtasan ikaw ay aking tinulungan.”

Ngayon na ang tamang panahon; ngayon na ang araw ng kaligtasan. Hindi kami nagbibigay ng dahilan upang ang sinuman ay matisod, upang hindi mapintasan ang aming paglilingkod. Kundi, sa lahat ng mga bagay, bilang mga lingkod ng Diyos, sinisikap naming maging kagalang-galang. Ito'y kahit sa gitna ng maraming pagtitiis, mga pagdurusa, mga paghihirap, at mga kalungkutan, sa (AH) mga pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga pagpapagal, mga pagpupuyat, at sa pagkagutom. Maging sa katapatan, kaalaman, pagtitiyaga, at kagandahang-loob; sa Banal na Espiritu at sa pag-ibig na hindi pakunwari; sa pagsasalita ng katotohanan at sa kapangyarihan ng Diyos. Ginagamit namin ang mga sandata ng katuwiran sa kaliwa't kanan, kahit ito'y humantong sa karangalan o kahihiyan, sa panlalait o sa papuri ng kapwa. Nananatili kaming tapat kahit itinuturing kaming mga huwad; kahit kilala, itinuturing na mga hindi kilala; tulad sa mga naghihingalo, gayunma'y nabubuhay; tulad sa mga pinaparusahan, ngunit hindi pinapatay; 10 tulad sa mga nalulungkot, subalit laging natutuwa; tulad sa mga dukha, subalit maraming pinayayaman, tulad sa mga walang-wala, subalit mayroon ng lahat ng bagay.

11 Matapat kaming nagsalita sa inyo, mga taga-Corinto, maluwang naming binuksan ang aming puso para sa inyo. 12 Hindi namin kayo pinaghihigpitan, kundi pinaghihigpitan kayo ng sarili ninyong damdamin. 13 Kinakausap ko kayo ngayon na parang sarili kong mga anak, buksan din naman ninyo ang inyong mga puso.

Ang Templo ng Diyos na Buháy

14 Huwag kayong makipamatok nang hindi patas sa mga di-mananampalataya. Sapagkat anong samahan mayroon ang katuwiran at kamalian? O anong pakikisama mayroon ang liwanag sa kadiliman? 15 At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa di-mananampalataya? 16 Anong (AI) pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo[h] ay templo ng Diyos na buhay. Gaya ng sinabi ng Diyos,

“Ako'y maninirahan sa kanila, at lalakad na kasama nila,
    ako'y magiging Diyos nila,
    at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't (AJ) lumabas kayo sa kanila,
    at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon.
Huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
    at kayo'y aking tatanggapin,
18 at (AK) ako'y magiging ama ninyo,
    at kayo'y magiging mga anak ko,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”

Mga minamahal, yamang mayroon tayong mga ganitong pangako, linisin natin ang ating mga sarili sa lahat ng nagpaparumi ng katawan at ng espiritu, at gawin nating lubusan ang kabanalan nang may takot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso. Wala kaming inaping sinuman. Wala kaming sinirang sinuman. Wala kaming pinagsamantalahan. Hindi ko sinasabi ito upang husgahan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa, na kayo'y nasa aming mga puso, anupa't kami'y handang mamatay at mabuhay na kasama ninyo. Malaki ang tiwala ko sa inyo. Labis ko kayong ipinagmamalaki. Punung-puno ako ng lakas ng loob. Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa kabila ng aming paghihirap.

Sapagkat (AL) maging nang dumating kami sa Macedonia ay walang pahinga ang aming mga katawan, sa halip ay kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin—sa labas ay may pakikipaglaban, sa loob naman ay may takot. Ngunit pinasigla kami ng Diyos, na siyang nagpapasigla sa mga nalulungkot sa pamamagitan ng pagdating ni Tito, at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi sa pamamagitan din ng kasiglahang ibinigay ninyo sa kanya. Ibinalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong matinding kalungkutan, at ang inyong pagmamalasakit para sa akin, at ang mga ito'y lalo ko pang ikinagalak. Sapagkat kahit pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam, bagama't nagdamdam din ako, sapagkat nalaman ko na ang sulat na iyon ay nakapagpalungkot sa inyo, kahit sa maikling panahon lamang. Ngayon, ako'y nagagalak hindi dahil sa kayo'y nalungkot, kundi dahil ang inyong kalungkutan ang nagdala sa inyo sa pagsisisi. Sapagkat kayo'y nalungkot nang ayon sa kalooban ng Diyos, upang kayo'y huwag dumanas ng kalugihan sa pamamagitan namin. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Diyos ay nagbubunga ng tunay na pagsisisi tungo sa kaligtasan, ngunit ang kalungkutang ayon sa sanlibutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo ngayon ang nagawa sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos: kung anong pagsisikap upang ipagtanggol ang inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong pangamba, pananabik, pagmamalasakit, at pagnanais na maigawad ang katarungan! Lubos ninyong napatunayan na kayo'y walang sala tungkol sa bagay na ito. 12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, iyon ay hindi dahil sa taong gumawa ng kamalian, at hindi rin dahil sa taong ginawan ng kamalian, kundi upang maging malinaw sa inyo na kayo'y may pagmamalasakit para sa amin sa harapan ng Diyos. 13 Dahil dito'y napasigla kami.

Bukod sa aming sariling kasiglahan ay lalo pa kaming natuwa dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat pinaginhawa ninyo ang kanyang espiritu. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya at hindi naman ako napahiya. Kung paanong ang lahat ng aming sinabi sa inyo ay totoo, napatunayan din namang totoo ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo kay Tito. 15 At lalo pang lumaki ang pagmamahal niya sa inyo kapag naaalala niya na kayong lahat ay masunurin, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig. 16 Ikinagagalak kong lubos ang pagtitiwala ko sa inyo.

Ang Bukas-Palad na Pagbibigay

Ngayon naman, (AM) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa mga iglesya ng Macedonia. Bagama't dumaranas sila ng napakatinding pagsubok at halos nakalubog sa kahirapan, sila'y may nag-uumapaw na kagalakang namahagi ng yaman ng kanilang kagandahang-loob. Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at kahit higit pa sa kanilang kakayahan. Masidhi pa silang nakiusap sa amin na mabigyan ng pagkakataong makibahagi sa biyayang ito ng paglilingkod sa mga banal. Ang ginawa nila'y hindi namin inaasahan. Ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin ayon sa kagustuhan ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito na yamang mayroon na siyang pinasimulan, nararapat na tapusin din niya sa inyo ang biyayang ito. Ngunit kung paanong kayo'y sumasagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa kasabikang tumulong, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyaya ng pagbibigay.

Hindi sa inuutusan ko kayo, ngunit nais kong subukin ang katapatan ng inyong pag-ibig sa pamamagitan ng kasabikan ng iba na tumulong. Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit siya'y mayaman, naging dukha siya alang-alang sa inyo, upang kayo sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman. 10 At tungkol dito'y ito ang maipapayo ko: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang ang paggawa kundi ang pagnanais sa inyong gagawin. 11 At ngayon, tapusin ninyo ang gawain, upang ang inyong matinding pagnanais na gawin iyon ay matumbasan ng pagsasagawa ninyo nito, ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung talagang handang magbigay ang isang tao, tinatanggap ang kanyang kaloob batay sa kung anong mayroon siya, at hindi batay sa wala sa kanya. 13 Hindi sa nais kong guminhawa ang iba at kayo naman ay mabigatan, kundi upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 14 Sa kasalukuyang panahon, ang inyong kasaganaan ang tutustos sa kanilang pangangailangan, upang balang araw ang kanilang kasaganaan naman ang tutustos sa inyong pangangailangan, sa gayon ay magkakaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Gaya (AN) ng nasusulat,

“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
    at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinapos.”

Si Tito at ang Kanyang mga Kasama

16 Salamat sa Diyos na naglagay sa puso ni Tito ng parehong pagsisikap para sa inyo. 17 Sapagkat hindi lamang niya tinanggap ang aming pakiusap, kundi pupunta pa siya riyan sa inyo nang may buong sigasig, at ito'y sa sarili niyang kapasyahan. 18 Isinusugo naming kasama niya ang kapatid na iginagalang ng mga iglesya dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 19 Bukod dito, pinili siya ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin kaugnay ng biyayang ito sa ilalim ng aming paglilingkod, upang maparangalan ang Panginoon, at upang ipakita ang aming kahandaang tumulong. 20 Iniiwasan naming kami ay mapintasan tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Sapagkat (AO) sinisikap naming gawin ang mga bagay nang may katapatan hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng mga tao. 22 Isinugo rin naming kasama nila ang aming kapatid na subok na subok na namin at napatunayang masigasig sa maraming bagay, at lalo pa ngayon dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa para sa inyo. Tungkol naman sa ating mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo. 24 Kaya't sa harapan ng mga iglesya, ipakita ninyo sa mga taong ito ang katibayan ng inyong pag-ibig at kung may dahilan nga ba kaming ipagmalaki kayo.

Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem

Tungkol naman sa pag-aambagan para sa mga banal, hindi ko na kailangang sumulat pa sa inyo tungkol dito. Sapagkat alam kong handang-handa na kayong tumulong, na siya ngang aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia. Kayong nasa Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ang gumising sa karamihan sa kanila. Ngunit isinugo ko ang mga kapatid upang ang ipinagmamalaki namin tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan, gaya ng aking sinabi na kayo'y maghahanda. Sapagkat kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at madatnan kayong hindi handa, kami—at kahit hindi ko na sabihin—kami ay lalo nang mapapahiya dahil sa gayong pagtitiwala sa inyo. Kaya't minabuti ko na kailangang pakiusapan ang mga kapatid na ito na maunang pumunta riyan sa inyo, at maihanda agad ang kaloob na nauna ninyong ipinangako. Sa gayon, maihahanda ito bilang isang handog na bukal sa loob at hindi sapilitan.

At ito ang ibig kong sabihin: Ang nagtatanim ng kaunti ay kaunti rin ang aanihin, at ang nagtatanim ng marami ay marami rin ang aanihin. Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasya ng kanyang puso, hindi nanghihinayang, o napipilitan lamang sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay. Kaya ng Diyos na pagkalooban kayo ng masaganang pagpapala sa lahat ng bagay, upang maging masagana kayo sa lahat ng uri ng mabuting gawa, habang pinupunan ang lahat ng inyong mga pangangailangan sa tuwina. Gaya (AP) ng nasusulat,

“Siya'y naghasik ng mga pagpapala sa mga dukha;
    ang kanyang katarungan ay nananatili magpakailanman.”

10 Siyang (AQ) nagbibigay ng binhi sa magsasaka at ng tinapay upang makain ng tao ay siya ring magbibigay at magdaragdag ng inyong binhing itatanim, at magpaparami ng mga bunga ng inyong mga gawang matuwid. 11 Payayamanin niya kayo sa lahat ng bagay upang lalo kayong makapagbigay at sa pamamagitan namin ay magbunga ito ng pasasalamat sa Diyos. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumutustos sa pangangailangan ng mga banal, kundi nagiging sanhi rin ng pag-apaw ng pasasalamat sa Diyos. 13 Napatunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paglilingkod na ito, kaya't niluluwalhati ng mga tao ang Diyos dahil sa inyong pagsunod na naaayon sa inyong pagkilala sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil din sa inyong kagandahang-loob sa pamamahagi para sa kanila at sa lahat ng tao. 14 Habang sila naman sa pananalangin alang-alang sa inyo ay nananabik sa inyo dahil sa hindi masukat na biyayang ibinigay sa inyo ng Diyos. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kahanga-hangang kaloob.

Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

10 Ako mismong si Pablo, ay nakikiusap sa inyo, sa ngalan ng kababaang-loob at kahinahunan ni Cristo—akong sinasabing mapagpakumbaba kapag kaharap ninyo, ngunit matapang kapag wala sa harap ninyo! Hinihiling ko na kapag ako'y nariyan na sa inyo, hindi ko na kailangang maging matapang gaya ng alam kong kaya kong gawin laban sa ibang taong nag-aakalang kami ay lumalakad ayon sa pamantayan ng tao. Sapagkat bagaman kami ay nabubuhay pa sa katawang tao, ang pakikipaglaban namin ay hindi ayon sa pamantayan ng tao. Sapagkat hindi galing sa tao ang mga sandatang ginagamit namin sa pakikipaglaban, kundi galing sa Diyos, na may kapangyarihang magwasak kahit ng mga kuta. Ibinabagsak namin ang mga pangangatwiran at anumang kapalaluan na nagmamataas laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag namin ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo. At kapag ganap na ang inyong pagsunod, nakahanda na rin kaming magparusa sa bawat pagsuway.

Ang panlabas na anyo lamang ang tinitingnan ninyo. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, isipin niyang muli na kung siya'y kay Cristo ay gayundin naman kami. Sapagkat kung labis ko mang ipinagmamalaki ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Panginoon para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikawawasak, hindi ko iyon ikahihiya. Ayaw kong lumabas na tinatakot ko kayo sa pamamagitan ng mga sulat ko. 10 Sapagkat may nagsasabi, “Mabibigat at matitindi ang kanyang mga sulat, ngunit mahina naman siya kapag kaharap, at walang kuwenta ang sinasabi.” 11 Dapat isipin ng ganoong tao na kung ano kami sa aming mga sulat kapag kami'y wala riyan, ganoon din kami sa gawa kapag kami ay nariyan.

12 Wala kaming lakas ng loob na isama o ihambing ang aming sarili sa mga taong napakataas ng tingin sa kanilang sarili. Ngunit kung sinusukat nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at sa kani-kanila ring sarili inihahambing ang mga sarili, sila ay salat sa pang-unawa. 13 Ngunit hindi kami magmamalaki ng lampas sa saklaw, kundi sa loob lamang ng sukat ng pamantayang ibinahagi ng Diyos sa amin, at kayo ay saklaw niyon. 14 Sapagkat hindi namin inilalampas ang aming mga sarili, na para bang hindi namin kayo naabot. Kami nga ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa sukat sa pamamagitan ng pagmamalaki namin sa pinagpaguran ng iba. Umaasa kami na habang lumalago ang inyong pananampalataya, ang nasasaklaw namin sa inyo ay lalong lalawak, 16 upang maipahayag namin ang Magandang Balita sa mga lupaing lampas pa sa inyo, sa gayo'y hindi namin ipagmamalaki ang gawaing natapos na sa nasasakupan ng iba. 17 Ngunit, “Siyang (AR) nagmamalaki ay Panginoon ang ipagmalaki.” 18 Sapagkat hindi ang taong pumupuri sa kanyang sarili ang kapuri-puri, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Pagtiisan muna sana ninyo itong aking kaunting kahangalan. At pinagtitiisan nga naman ninyo ako! Nakadarama ako para sa inyo ng isang maka-Diyos na pagseselos, sapagkat kayo'y itinakda kong maging asawa ng isang lalaki, si Cristo, at maiharap ko kayo sa kanya bilang isang malinis na birhen. Ngunit (AS) natatakot ako na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip din ay mailigaw mula sa tapat at malinis na pakikitungo kay Cristo. Sapagkat kung may dumating at nangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, pinagtitiisan ninyo itong mabuti. Masasabi kong hindi ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na ito. Hindi man ako mahusay sa pananalita, mayroon din naman akong nalalaman. Nilinaw naming mabuti sa inyo ang bagay na ito.

Kasalanan ko ba kung ibinaba ko ang aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? Ninakawan ko ang ibang mga iglesya, sa pagtanggap ko ng tustos mula sa kanila upang maglingkod sa inyo. Nang (AT) kasama pa ninyo ako at ako'y may pangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kaninuman, sapagkat ang mga pangangailangan ko ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Iniwasan ko nga na maging pabigat sa inyo sa lahat ng bagay, at patuloy ko itong gagawin. 10 Habang nananatili sa akin ang katotohanan ni Cristo, walang sinuman sa mga nasasakupan ng Acaia na makapipigil sa akin sa pagmamalaking ito. 11 At bakit? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!

12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisan ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataong kilalanin bilang kapantay namin tungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki nila. 13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Kaya't hindi malayong mangyari na ang kanyang mga lingkod ay magpanggap na mga lingkod ng katwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.

Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang iniisip ninyo, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang makapagmalaki naman ako nang kaunti. 17 Ang pagsasalita ko ngayon sa ganitong pagmamalaking may kapalaluan ay hindi mula sa Panginoon, kundi tulad sa isang hangal. 18 Yamang marami ang nagmamalaki sa mga bagay na ipinagmamalaki ng tao, ako man ay magmamalaki. 19 At tuwang-tuwa pa kayo na nagtitiis sa mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo! 20 Sa katunayan, natitiis ninyo kapag inaalipin kayo ng sinuman, o kahit kinakatay na kayo, o pinagsasamantalahan, o pinagyayabangan, o kaya'y sinasampal. 21 Kahiya-hiya, ngunit inaamin kong napakahina namin sa ganito! Ngunit anumang buong tapang na maaaring ipagmalaki ng iba—nagsasalita akong tulad ng hangal—may tapang din akong maipagmamalaki iyon. 22 Mga Hebreo ba sila? Ako man. Mga Israelita ba sila? Ako man. Mula ba sila sa binhi ni Abraham? Ako man. 23 Sila (AU) ba'y mga lingkod ni Cristo? Lalo na ako, na mas maraming pagod sa pagtatrabaho, mas maraming ulit na nabilanggo, hindi mabilang kung ilang ulit nang nabugbog, at paulit-ulit na nabingit sa kamatayan. Para na akong baliw sa pagsasalita ng ganito. 24 Limang ulit akong nakatanggap sa mga Judio(AV) ng apatnapung hagupit, binawasan ng isa. 25 Tatlong (AW) ulit akong hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nakaranas ng pagkawasak ng barkong sinasakyan, isang araw at isang gabing ako'y nasa gitna ng dagat. 26 Madalas (AX) akong naglalakbay. Nasuong ako sa panganib sa mga ilog, panganib sa mga tulisan, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lungsod, panganib sa ilang, panganib sa dagat, panganib sa kamay ng mga huwad na kapatid. 27 Nagtiis ako ng pagod at hirap, at madalas na walang tulog. Naranasan kong magutom at mauhaw, madalas na walang makain, giniginaw at hubad. 28 Bukod sa iba pang mga bagay, araw-araw ko pang pinapasan ang alalahanin para sa mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, di ba't ako'y nanghihina rin? Kapag may nabuwal dahil sa kasalanan, di ba't ako'y nag-iinit sa galit?

30 Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na magpapakita ng aking kahinaan. 31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, na siyang karapat-dapat sa papuri magpakailanman, ang nakaaalam na hindi ako nagsisinungaling. 32 Sa (AY) Damasco, binantayan ng tagapamahala na nasa ilalim ni Haring Aretas ang lungsod ng mga taga-Damasco upang ako'y dakpin, 33 ngunit ako'y ibinaba sa pamamagitan ng isang tiklis mula sa isang bintana sa pader at ako'y nakatakas sa mga kamay niya.

Mga Pangitain at Pahayag

12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit wala akong pakinabang dito. Ngunit tutuloy na rin ako tungkol sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. May kilala akong isang lalaking na kay Cristo, na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung siya noon ay nasa katawan, o wala sa katawan. Ang Diyos ang nakakaalam. At alam kong ang taong iyon—kung nasa katawan man, o wala sa katawan, hindi ko alam, ang Diyos ang nakaaalam— ay tinangay at dinala sa Paraiso. Nakarinig siya roon ng mga salitang hindi mabigkas at hindi ipinahihintulot na sabihin ng tao. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili. Ang tanging maipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. Kung naisin ko mang magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit iniiwasan ko ito upang walang sinumang mag-isip tungkol sa akin nang higit kaysa kanyang nakikita o naririnig sa akin. At upang hindi ako magmayabang dahil sa mga kahanga-hangang bagay na ipinahayag sa akin, binigyan ako ng isang tinik sa laman na nagsilbing sugo ni Satanas upang ako'y pahirapan. Ito nga'y upang hindi ako magmayabang. Tatlong ulit akong nakiusap sa Panginoon tungkol dito na sana'y iwan na ako nito. Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil dito, masaya kong lalong ipagmamalaki ang mga kahinaan ko upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga panlalait, mga paghihirap, mga pag-uusig, at mga kasawian. Sapagkat kung kailan ako mahina, noon naman ako malakas.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Naging hangal ako! Ngunit itinulak ninyo ako na magkagayon. Dapat sana'y pinuri ninyo ako, sapagkat hindi naman ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan. 12 Ang mga pagkakakilanlan ng isang tunay na apostol ay buong sikap kong ipinakita sa inyo sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan. 13 Paano nga kayo nalamangan ng ibang iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito! 14 Ngayon, sa ikatlong pagkakataon ay handa akong pumunta sa inyo. At hindi ako magiging pabigat sa inyo, sapagkat hindi ko hinahangad ang anumang mayroon kayo, kundi kayo mismo. Sapagkat hindi ang mga anak ang may tungkuling mag-impok para sa mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak. 15 Malaking kasiyahan sa akin ang gumastos at gastusin para sa inyo. Mababawasan ba ang pagmamahal ninyo sa akin habang lalo ko kayong minamahal? 16 Hindi ako naging pasanin sa inyo. Ngunit ako raw ay tuso at nabitag ko kayo sa daya. 17 Nilinlang ko ba kayo sa pamamagitan ng mga taong sinugo ko sa inyo? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at sinugo ko siyang kasama ng isang kapatid. Pinagsamantalahan ba kayo ni Tito? Hindi ba't pareho lamang ang aming pag-iisip? Hindi ba't pareho lamang ang aming mga hakbang?

19 Marahil, matagal na ninyong iniisip na ipinagtatanggol lang namin sa inyo ang aming mga sarili. At bilang mga na kay Cristo, nagsasalita kami sa harapan ng Diyos. Mga minamahal, ginagawa namin ang lahat ng mga ito upang kayo'y maging matatag. 20 Natatakot ako na baka madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko maiibigan, at ako naman ay nasa kalagayang hindi rin ninyo maiibigan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway, nagseselosan, magkakagalit, nagkakanya-kanya, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Natatakot ako na sa muli kong pagdating ay ipahiya ako ng Diyos sa harapan ninyo, at kailangan kong magdalamhati dahil sa maraming dati nang nagkasala at hindi pa nagsisisi sa nagawa nilang karumihan, pakikiapid, at kahalayan.

Mga Babala at mga Pagbati

13 Ito (AZ) ang ikatlong pagpunta ko sa inyo. “Ang bawat paratang ay dapat pagtibayin batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.” Noong nariyan ako sa ikalawa kong pagdalaw, binalaan ko ang mga dati nang nagkasala at lahat ng iba pa. Ngayong ako'y wala diyan sa inyo ay muli akong nagbababala, na sa muli kong pagdating, sila'y hindi makaliligtas sa parusang igagawad ko, yamang naghahanap kayo ng patunay na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi kumikilos na may kapangyarihan sa inyo. Sapagkat siya'y ipinako sa krus noong siya'y mahina, ngunit siya'y nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kami man ay mahihina dahil sa kanya, ngunit dahil sa aming pakikitungo sa inyo ay mabubuhay kami kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Suriin ninyo ang inyong mga sarili, kung kayo'y nasa pananampalataya. Subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nababatid na si Jesu-Cristo ay nasa inyo—maliban na lamang kung kayo'y hindi nagtagumpay sa pagsubok. At ako'y umaasa na inyong mauunawaan na kami ay hindi bumagsak sa pagsubok. Dalangin namin sa Diyos na huwag sana kayong gumawa ng masama, hindi upang kami'y magmistulang nagtagumpay sa pagsubok, kundi upang magawa ninyo kung ano ang tama, bagaman kami ay magmistulang mga bumagsak sa pagsubok. Sapagkat wala kaming magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan. Natutuwa kami kung kami'y mahihina ngunit kayo nama'y malalakas. Idinadalangin nga namin ang inyong pag-unlad. 10 Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa sa inyo, upang pagpunta ko sa inyo ay hindi ko na kailangang maging mabagsik sa paggamit ko ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon upang patatagin kayo, at hindi upang wasakin.

11 At ngayon, mga kapatid, kagalakan ang sumainyo. Magpatuloy kayo sa paglago. Maging masigla kayo. Magkasundo kayo. Mamuhay kayo nang may kapayapaan at mapapasainyo ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan. 12 Magbatian kayo ng banal na halik. 13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal.

14 Sumainyo nawang lahat ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng[i] Banal na Espiritu.

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol na hinirang hindi ng tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama, na siyang muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay; mula na rin sa lahat ng mga kapatid na naririto, magkakasama kaming bumabati sa mga iglesya sa Galacia: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at mula sa ating Panginoong Jesu-Cristo, siya na ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama ay nag-alay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan upang tayo'y palayain mula sa kasamaang naghahari sa kasalukuyang panahon. Sa Diyos ang kaluwalhatian magpakailanman! Amen.

Kaisa-isang Ebanghelyo

Nagtataka ako kung bakit ganoon na lamang kabilis ninyong tinalikuran ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang ebanghelyo. Ang totoo'y wala namang ibang ebanghelyo. Subalit sinabi ko ito sapagkat may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo. Subalit sinuman ang mangaral ng ebanghelyong naiiba kaysa ipinangaral na namin sa inyo, kami man ito o isang anghel mula sa langit, dapat siyang sumpain ng Diyos! Sinabi na namin ito noon, at ngayo'y uulitin ko: sinuman ang mangaral sa inyo ng kakaibang ebanghelyo kaysa tinanggap na ninyo ay dapat sumpain ng Diyos!

10 Ang tao ba o ang Diyos ang nais kong bigyan ng lugod? Hangad ko ba ang pagsang-ayon ng tao? Sapagkat kung ang hangad ko ay bigyang-lugod pa rin ang mga tao, hindi na sana ako naging alipin pa ni Cristo!

Ang Pagkatawag kay Pablo

11 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyong aking ipinangangaral ay hindi ayon sa tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng tao. Ito ay ipinahayag sa akin mismo ni Jesu-Cristo. 13 Hindi naman (BA) kaila sa inyo kung paano ako nabuhay noon bilang masugid na kaanib ng Judaismo. Masugid kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na wasakin ito. 14 Tinupad ko ang kaugaliang Judio (BB) nang higit pa kaysa ginawa ng maraming Judiong kasing-edad ko. Ito'y dahil sa aking maalab na malasakit sa kaugalian ng aking mga ninuno. 15 Subalit (BC) ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay hinirang niya akong maglingkod sa kanya bago pa ako isinilang. At nang minarapat na niyang 16 ipahayag ang kanyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. 17 Hindi rin ako kaagad nagtungo sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco.

18 Tatlong taon pa ang nagdaan (BD) bago ako nagtungo sa Jerusalem upang dalawin si Pedro.[j] Namalagi akong kasama niya ng labinlimang araw. 19 Ngunit wala akong nakitang ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Sa harap ng Diyos ay tinitiyak ko sa inyo na ang lahat ng isinusulat kong ito'y hindi pagsisinungaling. 21 Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Syria at Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na kaanib sa mga iglesya ng Judea. 23 Narinig lamang nila ang ganitong mga salita tungkol sa akin, “Ang lalaking dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.

Tinanggap si Pablo ng mga Apostol

Pagkalipas (BE) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama sina Tito at Bernabe. Ang pagtungo ko roon ay dahil sa pahayag ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Palihim akong nakipagpulong sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang ebanghelyong aking ipinangaral sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang lahat ng aking ginawa at ginagawa. Subalit maging ang kasama kong si Tito, kahit na siya'y isang Griyego, ay hindi pinilit na magpatuli, bagama't pinagtangkaan ng ilan na gawin iyon. Nagkunwari silang mga kapatid at nakihalubilo sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay namin kay Cristo-Jesus. Ginawa nila ito upang kami'y muling maging alipin. Subalit hindi kami sumuko sa kanila kahit isang saglit, sapagkat layunin naming maingatan ang katotohanan ng ebanghelyo para sa inyo. Tungkol sa mga kinikilalang pinuno—(BF) ang totoo ay walang anuman sa akin sino man sila sapagkat walang kinikilingan ang Diyos—wala naman silang pinuna tungkol sa aking ipinapangaral. Sa halip, kinilala nilang sa akin ipinagkatiwala ng Diyos ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga hindi tuli, kung paanong kay Pedro niya ipinagkatiwala ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tuli. Sapagkat ang Diyos na nagbigay kay Pedro ng tungkuling maging apostol sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng tungkuling maging apostol sa mga Hentil. Nang makita ng mga kinikilalang haligi ng iglesya na sina Santiago, Pedro, at Juan, na ibinigay sa akin ng Diyos ang tanging kaloob na ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan naming kami ni Bernabe ay mangangaral sa mga Hentil, at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiniling lamang nila ay ang patuloy naming pagmamalasakit sa mga dukha, na siya namang gusto kong gawin.

Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia

11 Nang dumating si Pedro sa Antioquia ay pinagsabihan ko siya nang harapan dahil sa kanyang maling ginagawa. 12 Dati kasi siyang kumakaing kasalo ng mga Hentil bago dumating ang mga isinugo ni Santiago. Ngunit nang dumating ang mga iyon ay umiwas na siya at humiwalay na sa mga Hentil dahil sa takot sa mga Judio. 13 Maging ang ibang mga kapatid na Judio ay naduwag din at gumaya sa kanya sa ganitong pagkukunwari, at natangay pa maging si Bernabe! 14 Kaya't nang makita kong ang ikinikilos nila ay lihis sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, paano mo pipilitin ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”

Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya

15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio at hindi mga “makasalanang Hentil.” 16 Nalalaman (BG) natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kaya't tayo'y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil sa pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung tayo mismo na nagsisikap na maituring na matuwid dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo ay natagpuang makasalanan, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hindi ganyan! 18 Kung ang mga winasak ko'y muli kong itatayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako nga'y makasalanan. 19 Namatay na ako sa Kautusan sa pamamagitan na rin ng Kautusan, upang ako'y mabuhay para sa Diyos. 20 Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayo'y sa pamamagitan na ng pananampalataya sa Anak[k] ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. 21 Hindi ko pinawawalang halaga ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y ituturing na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, namatay si Cristo nang walang kabuluhan.

Kautusan o Pananampalataya

Nasisiraan na kayo ng ulo, mga taga-Galacia! Sino ba ang gumayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo kung paanong ipinako si Cristo sa krus! Sagutin nga ninyo ito: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagtupad ninyo sa mga hinihingi ng Kautusan, o sa pamamagitan ng pananampalataya sa narinig ninyong ebanghelyo? Talaga bang nasisiraan na kayo ng ulo? Nagsimula kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa sariling pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang mga pinaghirapan ninyo? Tiyak kong mayroon! Ipinagkaloob ba ng Diyos sa inyo ang Espiritu at gumagawa ba siya ng mga himala sa gitna ninyo dahil sa mga gawa ninyo ayon sa Kautusan, o dahil sa pananampalataya ninyo sa inyong narinig? Tingnan ninyo si Abraham! (BH) “Sumampalataya siya sa Diyos, kaya't siya'y itinuring na matuwid.”

Kaya't dapat ninyong maunawaan (BI) na ang mga sumasampalataya ang mga tunay na anak ni Abraham. Sa simula pa ay ipinakita na ng kasulatan (BJ) na ituturing ng Diyos na matuwid ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang una pa man ay ipinahayag na ang ebanghelyo kay Abraham nang sabihing, “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” Sumampalataya si Abraham kaya't siya'y pinagpala. Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham. 10 Nasa ilalim ng sumpa ang lahat na umaasa sa mga gawa ng Kautusan, (BK) sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Maliwanag (BL) na walang sinumang itinuturing na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan. Ang kasulatan ay nagsabi, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[l] 12 Subalit (BM) ang Kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya. Sa halip, sabi nga ng kasulatan, “Ang tumutupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.” 13 Subalit si Cristo ay isinumpa para sa atin (BN) at tinubos niya tayo mula sa sumpa ng Kautusan. Ayon nga sa nakasulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Tinubos tayo ni Cristo upang ang pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay ipagkaloob din sa mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, at upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang Espiritu na siyang ipinangako.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, hayaan ninyong magbigay ako ng isang pang-araw-araw na halimbawa: kapag napagtibay na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-bisa o madadagdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi ng kasulatan na, “At sa mga binhi,” na nangangahulugang marami, kundi “At sa iyong binhi,” na nangangahulugang isa lamang, at ito'y si Cristo. 17 Ito (BO) ang ibig kong sabihin: Ang kasunduan na dati nang pinagtibay ng Diyos ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan, na dumating lamang pagkaraan ng apatnaraan at tatlumpung taon. 18 Sapagkat (BP) kung ang pamana ay nakasalig sa Kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako. Subalit ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang ipinagkaloob kay Abraham ang pamana bilang katuparan ng kanyang pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Kung ganoo'y bakit ibinigay pa ang Kautusan? Idinagdag ito upang ipakita ang mga pagsuway, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.

21 Nangangahulugan bang ang Kautusan ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Kung may kautusang ibinigay na makapagbibigay-buhay, sana'y ituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng pagsunod niya dito. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, upang ang pangako ay makamtan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.

23 Ngunit bago dumating ang panahon ng pananampalataya ay nasa ilalim tayo ng kapangyarihan ng Kautusan hanggang ang pananampalataya kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ay naging tagapagturo natin hanggang dumating si Cristo, upang tayo'y ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. 25 Subalit ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya kay Cristo ay wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.