Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 16:38-28:16

38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.

Sa Tesalonica

17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![a] Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.

Sa Berea

10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.

Sa Atenas

16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[b] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.

Sa Corinto

18 Pagkatapos nito umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating lamang niya mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila ng Roma sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis doon. Nakipagkita si Pablo sa kanila. Dahil pareho ang kanilang hanapbuhay, ang paggawa ng tolda, si Pablo ay doon na sa kanilang tahanan nakitira. Doon sila magkasamang nagtrabaho. Siya'y nakikipagpaliwanagan tuwing araw ng Sabbath sa sinagoga at nagsisikap na mahikayat sa pananampalataya ang mga Judio at mga Griyego. Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang sarili sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya'y salungatin nila at laitin, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Hindi ko na ságutin ang inyong dugo! Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Mula ngayo'y pupunta na ako sa mga Hentil.” Kaya siya'y umalis doon at tumira sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, isang taong may takot sa Diyos. Ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. Sumampalataya sa Panginoon si Crispo na pinuno ng sinagoga, kasama ang kanyang buong sambahayan. Sumampalataya at nabautismuhan ang maraming taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot! Patuloy kang mangaral at huwag kang tumahimik. 10 Sapagkat kasama mo ako. Walang sinumang taong mananakit sa iyo sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon ng isang taon at anim na buwan, habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. 12 Subalit nang si Galio ang naging gobernador ng Acaia, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. 13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 At nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, may dahilan akong pakinggan kayong mga Judio. 15 Subalit dahil ang usaping ito'y tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling batas, kayo na ang bahala rito. Ayaw kong maging hukom sa mga bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang tagapamahala ng sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi iyon pinansin ni Galio.

Ang Muling Pagbabalik sa Antioquia

18 Nanatili pa roon si Pablo ng ilang araw, at pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid. Bago siya naglayag, nagpaahit siya ng buhok sa Cencrea, dahil siya'y may panata. Buhat doo'y naglakbay siya patungong Syria, kasama ang mag-asawang sina Priscila at Aquila. 19 Pagdating nila sa Efeso ay iniwan niya roon ang dalawa, ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio. 20 Nang siya'y pakiusapan nilang tumigil pa roon nang mas mahabang panahon, hindi siya pumayag. 21 Ngunit sinabi niya nang siya'y nagpaalam sa kanila, “Babalik ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya, pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. 23 Pagkatapos tumigil doon nang ilang panahon, siya'y muling naglakbay at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, habang pinalalakas ang pananampalataya ng mga alagad.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Mahusay siyang magsalita at dalubhasa sa Kasulatan. 25 Naturuan ang taong ito tungkol sa Daan ng Panginoon. Maalab siyang nangaral at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay hanggang sa bautismo ni Juan. 26 Siya'y nagsimulang magsalita nang buong tapang sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila ay kanilang inanyayahan siya sa bahay nila at ipinaliwanag sa kanya nang mas mabuti ang Daan ng Diyos. 27 Nang ibig na niyang tumawid patungong Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad doon na siya'y malugod na tanggapin. Pagdating niya roon, malaki ang kanyang naitulong sa mga taong sumampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 28 Sapagkat makapangyarihan niyang dinaig sa harap ng madla ang mga Judio, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayang si Jesus ang Cristo.

Si Pablo sa Efeso

19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.

“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. Sinabi (B) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.

Pumasok si Pablo sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay buong tapang na nakipagpaliwanagan at nanghikayat tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngunit nagmatigas ang ilan. Ayaw nilang maniwala at nagsalita pa ng masama tungkol sa Daan ng Panginoon sa harap ng kapulungan. Kaya't umalis doon si Pablo at isinama ang mga alagad. Araw-araw siyang nakipagpaliwanagan sa bulwagan ni Tiranno.[c] 10 Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, ang lahat ng mga Judio at Griyegong naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Eskeva

11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang kababalaghan sa pamamagitan ni Pablo. 12 Pati mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan na dinadala sa mga maysakit ay nagiging dahilan upang sila'y gumaling at lumalabas sa kanila ang masasamang espiritu. 13 Doon ay may ilang Judio na pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng salamangka. Nangahas silang bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinasapian ng masasamang espiritu. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.” 14 Pitong anak na lalaki ni Eskeva, isang punong paring Judio, ang gumagawa nito. 15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At sinunggaban sila ng taong sinasapian ng masamang espiritu. Lahat sila ay dinaig niya, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat ng mga Judio at ng mga Griyegong naninirahan sa Efeso. Pinagharian silang lahat ng takot, at higit na pinapurihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at hayagang nagtapat ng kanilang mga gawain. 19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ang nagtipon at nagsunog ng kanilang mga aklat sa harapan ng madla. Nang kanilang bilangin ang halaga niyon, umabot ito ng may limampung libong salaping pilak. 20 Sa gayong paraan lumaganap at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na dumaan sa Macedonia at sa Acaia bago pumunta sa Jerusalem. Sabi niya, “Pagkagaling ko roon ay kailangan ko ring pumunta sa Roma.” 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawa sa mga tumutulong sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan tungkol sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak doon na nagngangalang Demetrio ang gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Pinagkakakitaan ito ng malaki ng mga panday doon. 25 Tinipon ni Demetrio ang kanyang mga manggagawa, kasama ang iba pang may ganoon ding hanapbuhay, at sinabi, “Mga kasama, alam ninyong malaki ang pakinabang natin sa trabahong ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig na laganap na hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asia ang ginagawa nitong si Pablo. Nahikayat niya at nailigaw ang napakaraming tao. Sinasabi niyang hindi mga diyos ang ginawa ng kamay. 27 May panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi mawalan din ng halaga ang templo ng dakilang diyosang si Artemis. Maaari pang matanggalan ng kadakilaan ang diyosa, na sinasamba ng buong Asia at ng daigdig.” 28 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 29 Nagkagulo sa buong lungsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gaio at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablo na humarap sa mga taong-bayan ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. 31 Nagpadala rin ng mensahe sa kanya ang ilan sa mga kaibigan niyang pinuno sa Asia at siya'y pinakiusapang huwag mangahas lumapit sa tanghalan. 32 Samantala, magulung-magulo ang kapulungan, at iba-iba ang isinisigaw ng taong-bayan at karamihan sa kanila ay hindi alam kung bakit sila naroroon. 33 Itinulak ng mga Judio si Alejandro papuntang unahan, at ang ilan sa mga tao'y may iniuudyok sa kanya. Sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. 34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sabay-sabay nilang isinigaw sa loob ng halos dalawang oras, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino ba sa mga tao ang hindi nakaaalam na ang lungsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang si Artemis at ng kanyang estatwa na nahulog mula sa langit? 36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. 37 Ang mga taong dinala ninyo rito'y hindi naman magnanakaw sa templo o lumalapastangan sa ating diyosa. 38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong sakdal laban kaninuman, bukas ang mga hukuman at naroon ang mga pinuno. Doon kayo magreklamo. 39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, dapat itong lutasin sa nararapat na kapulungan. 40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangan ng panggugulo sa araw na ito dahil wala naman tayong maibibigay na katwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi niya ng mga ito, pinaalis na niya ang mga tao.

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos ng kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Matapos na palakasin ang kanilang loob, nagpaalam si Pablo sa kanila at nagtungo sa Macedonia. Pinuntahan ni Pablo ang mga lupain doon, at pinalakas ang loob ng mga alagad, at nagtungo siya sa Grecia. Nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalakbay na siya patungong Syria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. Sinamahan siya ni Sopatro na taga-Berea, anak ni Pirro, gayundin ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gaio na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo. Nauna sila at naghintay sa amin sa Troas. Naglayag naman kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.

Ang Pagdalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nagtipon kami upang magpira-piraso ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila hanggang hatinggabi sapagkat aalis siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Eutico. Nakatulog siya nang mahimbing habang patuloy sa pagsasalita si Pablo. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag, kaya't patay na nang damputin. 10 Bumaba si Pablo at siya'y niyakap. “Huwag kayong mabahala,” wika niya. “Buháy siya!” 11 Matapos pumanhik at magpira-piraso ng tinapay, nakipag-usap si Pablo sa kanila hanggang pagsikat ng araw, at siya ay umalis. 12 Iniuwi naman nilang buháy ang bata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Nauna kaming sumakay sa barko at naglayag patungong Asos. Doon kami makikipagkita kay Pablo, sapagkat ipinasya niyang sa lupa maglakbay. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barko, at sama-sama kaming nakarating sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Chios. Tumawid kami nang sumunod na araw patungong Samos, at pagkaraan ng isang araw pa ay nakarating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablo na lampasan ang Efeso upang hindi na siya magtagal sa Asia, sapagkat siya'y nagmamadali. Ibig niyang makarating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Iglesya ng Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpadala siya ng mensahe sa Efeso at ipinatawag ang matatandang namamahala ng iglesya. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,

“Nalalaman ninyo kung paano akong namuhay noong kasama ninyo ako. Mula sa unang araw ng pagtuntong ko sa Asia, 19 naglingkod ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba, na may luha at pagtitiis sa gitna ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa pagtuturo ko sa inyo, sa harap man ng madla o sa bahay-bahay, hindi ko ipinagkait na ihayag ang anumang bagay na kapaki-pakinabang. 21 Ipinahayag ko sa mga Judio at sa mga Griyego na dapat nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at sumampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 22 At ngayon, bilang isang bilanggo ng Espiritu, patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko'y sa bawat lungsod, ang Banal na Espiritu ang nagpahayag sa akin na mga tanikala at kapighatian ang naghihintay sa akin. 24 Subalit (C) hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus— ang magpahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 25 At ngayo'y nalalaman kong hindi na ninyo ako makikita pang muli, kayong lahat na aking napuntahan at napangaralan tungkol sa paghahari ng Diyos. 26 Kaya nga sa araw na ito'y sinasabi ko sa inyong hindi ko na ságutin pa ang buhay[d] ng sinuman sa inyo. 27 Sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasyahan ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat itinalaga kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[e] na tinubos niya ng kanyang sariling dugo. 29 Alam kong pag-alis ko'y papasok sa gitna ninyo ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na pupuksain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyong mga kasamahan ay lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga kasinungalingan, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila. 31 Kaya't mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong may pagluhang nagbigay ako sa inyo ng babala araw at gabi sa loob ng tatlong taon. 32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salitang naghahayag ng kanyang kagandahang-loob, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana kasama ang lahat ng mga hinirang. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ang ginto, o ang damit ninuman. 34 Kayo mismo ang nakaaalam na ginamit ko ang aking mga kamay upang matustusan ang aking mga pangangailangan, gayundin ng aking mga kasamahan. 35 Ipinakita ko sa lahat ng pagkakataon na sa pamamagitan ng ganitong pagsisikap ay dapat ninyong tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’ ” 36 Pagkatapos niyang magsalita, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Nag-iiyakan silang lahat, niyakap, at hinagkan si Pablo. 38 Ikinalulungkot nila nang higit sa lahat ang kanyang sinabi na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Matapos ito, siya'y inihatid nila sa barko.

Si Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila ay naglakbay kami patungong Cos. Kinabukasa'y nagtungo naman kami sa Rodas, at buhat doon ay sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong daraan sa Fenicia, kaya sumakay kami at naglakbay. Dumaan kami sa dakong timog ng Cyprus, pagkatapos ay patuloy na naglayag hanggang sa Syria. Dumaong kami sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito. Nakatagpo kami roon ng mga alagad at isang linggo kaming tumigil sa piling nila. Sa patnubay ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem. Nang dumating na ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Inihatid kami ng lahat ng mga kapatid, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, hanggang sa labas ng bayan. Pagdating sa baybayin, kami'y sama-samang lumuhod at nanalangin. Matapos magpaalam sa isa't isa, sumakay kami ng barko, at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.

Ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay mula sa Tiro, hanggang dumating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid doon at nanatiling kasama nila ng isang araw. Kinabukasan, (D) nagtungo kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong tagapaglingkod. Siya ay may apat na anak na dalaga na nagpapahayag ng propesiya. 10 Ilang araw na kaming naroroon (E) nang dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at tinalian niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Banal na Espiritu, ‘Ganito tatalian ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’ ” 12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lang ninyo ang loob ko. Handa ako, hindi lamang mabilanggo kundi kahit mamatay sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Tumigil kami nang hindi namin siya mapigil. Sinabi na lamang namin, “Mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”

15 Pagkaraan ng ilang araw, naghanda na kami patungo sa Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, na matagal nang alagad. Doon kami nanuluyan.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Nang makarating kami sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami at si Pablo ay nakipagkita kay Santiago; naroroon din ang lahat ng matatandang namamahala ng iglesya. 19 Binati silang lahat ni Pablo, at pagkatapos ay isa-isa niyang isinalaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. 20 Nang marinig nila ito, pinuri nila ang Diyos at sinabi kay Pablo, “Kapatid, ilang libo na sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa Kautusan. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikuran na si Moises. Sinasabi mo rin daw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sumunod sa mga kaugalian. 22 Ano ang dapat naming gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Kaya't (F) ganito ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis. Ikaw na ang magbayad para maahit ang kanilang mga ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na walang katotohanan ang kanilang nabalitaan tungkol sa iyo, kundi ikaw mismo ay tumutupad sa Kautusan. 25 Tungkol (G) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng sulat na nagsasaad ng aming pasyang huwag silang kumain ng mga ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, ng hayop na binigti,[f] at umiwas sa pakikiapid.” 26 Isinama nga ni Pablo ang mga lalaking may panata at kinabukasan ay isinagawa ang paglilinis. Pagkatapos ay pumasok siya sa Templo upang ipagbigay-alam kung kailan matatapos ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, nakita ng mga Judiong taga-Asia si Pablo na nasa Templo. Sinulsulan nila ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayang Israelita, tulungan ninyo kami! Ito ang taong nagtuturo sa lahat laban sa ating bansa, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Nagsama pa siya ng mga Griyego sa Templo! Nilalapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Sinabi nila iyon sapagkat (H) nakita nila noong una na kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso, at inakala nilang ipinasok niya ito sa Templo. 30 Nagkagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang mga pintuan. 31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, nabalitaan ng kapitan ng mga kawal na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturyon, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Nang makita ng mga tao ang kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo. 33 Pagkatapos nito, lumapit ang kapitan, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito?” tanong niya. “Ano ba'ng ginawa niya?” 34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao; at dahil sa kaguluhan ay hindi maunawaan ng kapitan ang totoong nangyari. Kaya't iniutos niyang dalhin si Pablo sa himpilan. 35 Nang dumating si Pablo sa hagdanan, binuhat na siya ng mga kawal sapagkat naging marahas na ang maraming tao. 36 Sumusunod ang taong-bayan at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan ay sinabi niya sa kapitan, “Maaari ba kayong makausap?”

At sinabi ng kapitan, “Marunong ka ng Griyego? 38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipciong nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?” 39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng hindi hamak na lungsod. Nakikiusap ako, pahintulutan ninyo akong magsalita sa mga taong-bayan.” 40 Pinayagan siya ng kapitan kaya't siya'y tumayo sa mga baytang at sumenyas sa mga tao. Nang sila'y tumahimik ay nagsalita siya sa wikang Hebreo:

22 “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa inyong harapan.” Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo pa silang tumahimik. Nagpatuloy si Pablo, “Ako'y (I) isang Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki rito sa Jerusalem. Sa ilalim ng pagtuturo ni Gamaliel ay mahigpit akong sinanay ayon sa Kautusan ng ating mga ninuno. Masigasig ako sa paglilingkod sa Diyos, tulad ninyong lahat ngayon. Pinag-usig ko (J) ang mga tagasunod ng Daang ito hanggang sila'y mapatay. Ipinagapos ko sila at ipinabilanggo, maging lalaki at babae. Ang Kataas-taasang Pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan ang makapagpapatotoo tungkol dito. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga kasamahan nila sa Damasco at nagpunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod ng Daang ito at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.

Ang Salaysay ni Pablo ng Kanyang Pagbabagong-loob(K)

“Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat ay biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ Sumagot ako, ‘Sino po kayo, panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazareth na iyong inuusig.’ Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. 10 Sinabi ko, ‘Ano po'ng gagawin ko, Panginoon?’ Tumugon siya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco, at sasabihin sa iyo doon ang lahat ng dapat mong gawin.’ 11 Hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya't inakay na lamang ako ng aking mga kasamahan patungong Damasco.

12 “Doon ay may lalaking ang pangalan ay Ananias. Masipag siya sa kabanalan, sumusunod sa kautusan, at iginagalang ng mga Judio na naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa aking tabi at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, tanggapin mong muli ang iyong paningin!’ Noon di'y bumalik ang aking paningin at nakita ko siya. 14 Pagkatapos ay sinabi ni Ananias sa akin, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod, at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa'ng hinihintay mo? Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabautismo, magpahugas ng iyong mga kasalanan.’

Isinugo si Pablo sa mga Hentil

17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, habang ako'y nananalangin sa templo ay nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ 19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ang nakaaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang (L) patayin si Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’ 21 Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo, sa mga Hentil.’ ”

Si Pablo at ang Opisyal na Romano

22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa sandaling ito. Ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa mundo ang ganyang uri ng tao! Hindi siya dapat mabuhay!” 23 Habang nagpapatuloy sila sa pagsisigawan, sa paghahagis ng kanilang mga damit, at pagsasabog ng alikabok sa hangin, 24 ipinag-utos ng kapitan na ipasok si Pablo sa himpilan at ipahagupit habang sinisiyasat upang malaman niya kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling-balat, sinabi ni Pablo sa senturyong nakatayo sa malapit, “Ayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang mamamayang Romano, kahit wala pang hatol ang hukuman?” 26 Nang marinig iyon ng senturyon, pumunta siya sa kapitan at sinabi, “Paano ito? Ang taong ito ay mamamayang Romano!” 27 Lumapit ang kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Opo.” 28 Sumagot ang kapitan, “Malaki ang nagastos ko upang maging mamamayang Romano.” Sumagot si Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.” 29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang kapitan sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.

Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin

30 Kinabukasan, dahil nais matiyak ng pinuno ang tunay na dahilan kung bakit isinakdal ng mga Judio si Pablo, iniutos niya sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong ang mga ito. Pinawalan naman niya si Pablo, pinababa at iniharap sa kanila.

23 Nakatitig si Pablo sa Sanhedrin habang sinasabi, “Mga kapatid, nabuhay ako nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.” At ipinag-utos ng Kataas-taasang Paring si Ananias sa mga nakatayong malapit kay Pablo na siya'y hampasin sa bibig. Nang (M) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag naman sa Kautusan ang utos mo na hampasin ako?” Sinabi ng mga malapit sa kanya, “Nilalait mo ba ang Kataas-taasang Pari ng Diyos?” At (N) sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang Kataas-taasang Pari. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’ ”

Nang (O) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, sinabi niya nang malakas sa Sanhedrin, “Mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Nililitis ako ngayon dahil sa pag-asang bubuhaying muli ang mga patay.” Nang sabihin niya ito, nagtalu-talo ang mga Fariseo at mga Saduceo. Nahati ang kapulungan, sapagkat (P) hindi naniniwala ang mga Saduceo sa muling pagkabuhay, gayundin sa anghel o sa espiritu. Ngunit pinaniniwalaan naman ng mga Fariseo ang lahat ng ito. Lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainit na tumutol, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” 10 Nang nagiging mainit na ang pagtatalo, natakot ang kapitan na baka magkaluray-luray si Pablo, kaya pinababa niya ang mga kawal, sapilitang ipinakuha si Pablo at ipinabalik sa himpilan. 11 Nang gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Ang Tangka sa Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang mga Judio at nanumpang hindi sila kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno, at nagsabi, “Buong taimtim kaming nanumpa na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya't hilingin ninyo at ng Sanhedrin sa kapitan na muli niyang ibaba rito si Pablo. Magkunwari kayong nais ninyong siyasating mabuti ang paratang tungkol sa kanya. At bago pa siya makarating ay nakahanda na kaming patayin siya.” 16 Ngunit narinig ng pamangking lalaki ni Pablo sa kanyang kapatid na babae ang kanilang balak kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon, at sinabi niya, “Dalhin mo ang binatilyong ito sa kapitan sapagkat mayroon itong sasabihin sa kanya.” 18 Kaya't sinamahan nga ng senturyon ang binatilyo sa kapitan, at sinabi niyon, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap na dalhin ko sa iyo ang binatilyong ito sapagkat may sasabihin daw ito sa iyo.” 19 Hinawakan ng kapitan ang binatilyo sa kamay, at sa isang tabi ay palihim siyang tinanong, “Ano'ng sasabihin mo sa akin?” 20 Sumagot ang binatilyo, “Nagkasundo po ang mga Judio na ipakiusap sa inyo na dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, at kunwari'y sisiyasatin siyang mabuti. 21 Subalit huwag kayong maniniwala sa kanila. Aabangan siya ng mahigit apatnapung tao na sumumpang hindi kakain o iinom hanggang siya'y hindi napapatay. Handa na sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” 22 Pinaalis ng kapitan ang binatilyo, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin.”

Si Pablo sa Harap ni Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay tinawag ng kapitan ang dalawa sa mga senturyon, at sinabi niyon, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal kasama ng pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong ikasiyam[g] ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ligtas ninyong ihatid kay Gobernador Felix.” 25 At lumiham siya ng ganito:

26 “Sa kagalang-galang na Gobernador Felix, pagbati mula kay Claudio Lisias. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na sana nila. Ngunit nang malaman kong siya'y isang mamamayang Romano, dumating akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. 28 Sa hangad kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, pinaharap ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nalaman kong ang sakdal sa kanya'y may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang paratang laban sa kanya na sapat upang siya'y ipapatay at ipabilanggo. 30 Nang ipaalam sa akin na may banta sa buhay ng taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at ipinag-utos ko rin sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang mga paratang laban sa kanya.”

31 Sinunod ng mga kawal ang iniutos sa kanila. Kinagabiha'y dinala siya sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinasamahan nila si Pablo sa mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa kampo. 33 Nang makarating sila sa Cesarea ay iniharap nila si Pablo sa gobernador, at ibinigay ang dala nilang liham. 34 Matapos basahin ang liham, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. Nang malamang siya'y taga-Cilicia 35 ay kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niyang bantayan si Pablo sa himpilan ni Herodes.

Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo

24 Pagkaraan ng limang araw, dumating ang Kataas-taasang Paring si Ananias kasama ang ilang matatandang pinuno, at isang tagapagsalitang si Tertulio. Nagharap sila ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo. Nang maiharap na si Pablo, nagsimula si Tertulio sa kanyang pagsasakdal laban dito. Sinabi niya,

“Kagalang-galang na Felix, dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako ay kinikilala namin ito nang may lubos na pasasalamat. Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, hinihiling ko sa inyo ang inyong kabutihan na pakinggan kami ng ilang sandali. Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at nanggugulo sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig. Isa siyang pinuno sa sekta ng mga Nazareno. Nagtangka pa siyang lapastanganin ang Templo kaya dinakip namin siya. [Nais sana namin siyang hatulan ayon sa aming Kautusan. Ngunit dumating ang kapitang si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.][h] Sa pagtatanong ninyo sa kanya, mula sa kanyang bibig ay kayo mismo ang makaaalam na totoo ang lahat ng aming paratang laban sa kanya.” Sinang-ayunan naman ng lahat ng mga Judiong naroon ang mga ito.

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harapan ni Felix

10 Nang hudyatan ng gobernador si Pablo upang magsalita, siya'y sumagot:

“Yamang nalalaman kong kayo ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, buong tiwala kong gagawin ang aking pagtatanggol. 11 Matitiyak ninyo sa inyong pagsisiyasat na wala pang labindalawang araw nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba. 12 Minsan man ay hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo kahit kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa Templo man o sa mga sinagoga, o saanmang dako ng lungsod. 13 Hindi rin nila mapapatunayan sa inyo ang mga ibinibintang nila sa akin ngayon. 14 Ngunit ito ang inaamin ko sa inyo: Ayon sa Daan na tinatawag nilang sekta ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno. Pinaniniwalaan ko ang lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga propeta. 15 At tulad nila'y umaasa rin ako sa Diyos na muli niyang bubuhayin ang lahat, maging matuwid at di-matuwid. 16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos at sa lahat ng tao. 17 Pagkaraan ng ilang taon, (Q) bumalik ako upang magdala ng tulong sa aking mga kababayan at mag-alay ng mga handog sa Diyos. 18 Natapos ko nang gawin ang seremonya ng paglilinis nang ako'y kanilang matagpuan sa templo, na walang kasamang maraming tao at wala ring kaguluhan. 19 Ngunit ilang Judiong galing sa Asia ang naroroon. At kung mayroon man silang sasabihin laban sa akin, dapat silang naririto sa inyong harapan at magsakdal. 20 O kaya'y hayaan ninyong ang mga taong naririto ang magsabi kung may natagpuan silang masama na ginawa nang ako'y humarap sa Sanhedrin. 21 Ang tanging maisasakdal nila laban sa akin (R) ay ang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Nililitis ako ngayon tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay.’ ” 22 Palibhasa'y may sapat na kaalaman si Felix tungkol sa Daan, ipinagpaliban muna niya ang pagdinig, at sinabi, “Magpapasya ako pagdating ng kapitang si Lisias.” 23 Pagkatapos ay iniutos niya sa senturyon na bantayan si Pablo, ngunit huwag higpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan.

Si Pablo sa Harap nina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang araw, dumating si Felix kasama ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katarungan, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, nangilabot si Felix at sumagot, “Makaaalis ka na. Ipatatawag kitang muli kapag nagkaroon ako ng panahon.” 26 Madalas niyang ipinatatawag at kinakausap si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito. 27 Sa pagnanais na bigyang kasiyahan ang mga Judio, pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan. Lumipas ang dalawang taon at si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo.

Dumulog si Pablo sa Emperador

25 Pagkaraan ng tatlong araw matapos dumating sa lalawigan, pumunta si Festo sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio at idinulog ang kanilang sakdal laban kay Pablo. Nakiusap silang ibalik si Pablo sa Jerusalem, sapagkat may balak silang siya'y tambangan at patayin sa daan. Sumagot si Festo, “Nakabilanggo si Pablo sa Cesarea, at ako mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, at sila ang magsakdal laban sa taong iyon, kung may nagawa man siyang kasalanan.” Nagpalipas doon si Festo ng hindi hihigit sa walo o sampung araw, pagkatapos ay bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at iniutos na dalhin sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo ay pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem at nagharap ng marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya, na hindi naman nila mapatunayan. Ipinagtanggol ni Pablo ang sarili at sinabi nito, “Wala akong ginawang anuman laban sa kautusan ng mga Judio, o laban sa templo, o maging sa Emperador.” Ngunit nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin tungkol sa mga ito?” 10 Sumagot si Pablo, “Nakatayo na ako sa hukuman ng Emperador. Dito ako dapat litisin. Alam na alam ninyong wala akong ginawang masama laban sa mga Judio. 11 Kung ako'y nagkasala at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ko tatakasan ang kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang kanilang mga paratang laban sa akin, walang sinuman ang may karapatang magbigay sa akin sa kanila. Dumudulog ako sa Emperador.” 12 Pagkatapos pulungin ni Festo ang sanggunian, sumagot siya, “Sa Emperador nais mong dumulog? Sa Emperador ka pupunta.”

Si Pablo sa Harap nina Agripa at Bernice

13 Makaraan ang ilang araw, dumating si Haring Agripa at si Bernice sa Cesarea upang batiin si Festo. 14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May iniwan dito si Felix, isang lalaking bilanggo. 15 Noong ako'y nasa Jerusalem ay ipinagbigay-alam ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang tungkol sa kanya at hiniling na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanilang hindi kaugalian ng mga Romano na ibigay ang sinumang tao sa mga nagsasakdal sa kanya hanggang hindi nagkakaharap ang isinasakdal at ang mga nagsasakdal. Ito'y upang mabigyan siya ng pagkakataong maipagtanggol ang kanyang sarili. 17 Kaya't nang sila'y magkakasamang dumating dito ay hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Kinabukasan din ay umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko siya. 18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, walang anuman sa kanilang mga paratang ang mabigat gaya ng inakala kong ipaparatang nila. 19 Sa halip, ang pinagtalunan nila'y tungkol sa kanilang relihiyon, at tungkol sa isang tao na ang pangala'y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit pinaninindigan ni Pablo na siya'y buháy. 20 Dahil naguguluhan ako tungkol dito, tinanong ko si Pablo kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin tungkol sa mga paratang na ito. 21 Ngunit hiniling niya na manatili na lamang sa bilangguan at ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito'y ipinag-utos kong bantayan siya hanggang siya'y maipadala ko sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ibig ko ring mapakinggan ang taong iyan.” “Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon ni Festo.

23 Kinabukasa'y buong ringal na dumating sina Agripa at Bernice. Pumasok sila sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga punong kapitan at ang mga kilalang tao sa lungsod. Pagkatapos ay ipinasok si Pablo sa utos ni Festo. 24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng mga kasama namin ngayon, masdan ninyo ang taong ito na ipinagsakdal sa akin ng sambayanan ng mga Judio dito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang wala na siyang karapatang mabuhay. 25 Ngunit wala akong natagpuang anuman upang parusahan siya ng kamatayan. Sapagkat mismong siya ay dumudulog sa Emperador, ipinasya kong siya'y ipadala roon. 26 Ngunit wala akong maisulat sa Emperador na malinaw na paratang laban sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyong lahat, lalung-lalo na sa harapan ninyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos natin siyang siyasatin. 27 Sapagkat inaakala kong hindi makatuwiran na ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi nililinaw ang sakdal laban sa kanya.”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at sinimulan ang kanyang pagtatanggol: “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako na gagawin ko sa inyong harapan ang pagtatanggol na ito laban sa mga paratang sa akin ng mga Judio, sapagkat bihasa kayo sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa inyo na matiyaga ninyo akong pakinggan. “Nalalaman ng lahat ng mga Judio ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Alam (S) nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na namuhay ako bilang Fariseo, ang pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon. At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa aking pag-asa sa pangakong binitawan ng Diyos sa aming mga ninuno. Ito ang pangakong inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y masigasig na naglilingkod sa Diyos gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito, O Haring Agripa, ako'y isinasakdal ng mga Judio! Bakit hindi makapaniwala ang sinuman sa inyo na binubuhay muli ng Diyos ang mga patay? Ako (T) man ay nag-akala noong una na marami akong dapat gawin laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazareth. 10 At iyan nga ang aking ginawa sa Jerusalem. Batay sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng mga punong pari, hindi ko lamang ikinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga hinirang, kundi sumang-ayon pa ako nang sila'y ipapatay. 11 Madalas kong ginagalugad ang mga sinagoga, at sinuman sa kanila ang abutan ko roon ay aking pinarurusahan at pinipilit ko silang lumapastangan. Sa tindi ng galit ko sa kanila'y pinag-usig ko sila maging sa mga lungsod sa ibang lupain.

Ang Salaysay ni Pablo tungkol sa Kanyang Pagbabagong-loob(U)

12 “Sa layuning ito, ako'y naglakbay patungo sa Damasco taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghalian, habang kami ay nasa daan, nakita ko, Haring Agripa, ang isang liwanag mula sa langit na mas maliwanag pa kaysa araw. Nagningning ang liwanag sa palibot ko at ng aking mga kasamahan. 14 Bumagsak kaming lahat sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Masasaktan ka sa pagsipa mo sa tulis.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po ba kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayo'y bumangon ka at tumindig. Nagpakita ako sa iyo sapagkat itinalaga kitang maging lingkod at maging saksi sa mga nakita mo sa akin at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila ay isinusugo kita, 18 upang buksan mo ang kanilang mga mata, ibalik sila mula sa kadiliman tungo sa liwanag, mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang tumanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at mapabilang sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’

Ang Patotoo ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitain mula sa langit. 20 Nangaral ako, (V) una sa Damasco, pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat nilang talikuran ang kanilang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos at patunayan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ang kanilang pagsisisi. 21 Dahil dito, dinakip ako ng mga Judio sa Templo at pinagsikapang ako'y patayin. 22 Hanggang ngayon ay hindi ako pinababayaan ng Diyos. Kaya't nakatayo ako ngayon sa inyong harapan at nagpapatotoo sa lahat ng tao maging dakila o hamak. Wala akong itinuturo kundi ang mangyayari na sinabi ng mga propeta at ni Moises: 23 na (W) ang Cristo ay dapat magdusa, at bilang unang muling nabuhay mula sa kamatayan, ay ihayag ang liwanag sa Judio at sa mga Hentil.” 24 Habang sinasabi pa niya ang mga ito, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka, Pablo! Ang labis mong karunungan ang nagpapabaliw sa iyo!” 25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Ang ipinapahayag ko'y mga salita ng katinuan at katotohanan. 26 Alam ng hari ang mga ito, kaya sa harap niya'y nagsasalita ako nang buong laya. Tiyak kong walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang ito nangyari. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam ko pong naniniwala kayo.” 28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!” 29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos! At maging sa maikli o sa mahabang panahon dalangin kong hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon ay maging katulad ko, maliban sa mga tanikalang ito.” 30 Tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng mga kasama nila. 31 Lumayo sila at nag-usap, “Walang ginagawa ang taong ito na dapat hatulan ng kamatayan o pagkabilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Maaari na sanang palayain ang taong ito kung hindi niya hiniling na idulog ang kanyang kaso sa Emperador.”

Ang Paglalakbay ni Pablo Patungong Roma

27 Nang ipasyang maglalayag kami patungong Italia, inilipat sa senturyong ang pangalan ay Julio, ang pamamahala kay Pablo at sa iba pang mga bilanggo, mula sa mga kawal ng Emperador. Pagkasakay sa isang barkong Adrameto na maglalayag patungo sa mga daungan sa baybayin ng Asia, naglayag kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica. Kinabukasan ay dumaong kami sa Sidon. Naging mabuti si Julio kay Pablo at pinahintulutan itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan sa kanyang mga pangangailangan. Magmula roo'y naglayag kaming muli, at dahil pasalungat sa amin ang hangin, namaybay kami sa ligtas na bahagi ng Cyprus. Paglampas namin sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia. Nakatagpo roon ang senturyon ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon. Mabagal at naging mahirap ang aming paglalayag. Tumagal nang maraming araw bago kami nakarating sa tapat ng Cinido. Nang hindi na kami makapagpatuloy dahil sa hangin, namaybay kami sa ligtas na bahagi ng Creta, sa tapat ng Salmone. Matiyaga kaming namaybay hanggang marating namin ang isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lungsod ng Lasea. Dahil mahabang panahon na kaming naglalakbay at mapanganib na ang magpatuloy, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, pinayuhan sila ni Pablo. 10 “Mga ginoo,” sabi niya, “sa tingin ko'y mapanganib na ang paglalayag na ito. Maaari na ring mapinsala at manganib, hindi lamang ang kargamento at ang barko, kundi pati na rin ang ating mga buhay.” 11 Ngunit pinaniwalaan ng senturyon ang kapitan at ang may-ari ng barko sa halip na ang mga payo ni Pablo. 12 Sapagkat hindi mabuting hintuan sa taglamig ang daungan, minabuti ng marami na magpatuloy sa paglalakbay, sa pagbabaka-sakaling makarating sila sa Fenix at magpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan.

Bumagyo sa Dagat

13 Nang banayad na umihip ang hanging habagat, inakala nilang maaari na silang maglayag; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta. 14 Subalit hindi nagtagal at humagunot ang isang bagyo na tinatawag na Euraclidon. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi na kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Namaybay kami sa ligtas na bahagi ng isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, at doo'y naisampa namin ang bangkang nakasabit sa barko, bagama't nahirapan kaming gawin iyon. 17 Nang maisampa na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila sumadsad sa dakong buhanginan ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y nagpaanod na lamang. 18 Nagpatuloy ang malakas na bagyo sa paghampas sa amin, kaya't kinabukasa'y nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 At nang sumunod na araw pa ay itinapon na rin nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal na di namin nakita ang araw at ang mga bituin, at patuloy pa rin ang malakas na bagyo sa paghampas sa amin, kaya't nawala na ang lahat ng aming pag-asang makaligtas.

21 Nang matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila at nagsalita, “Mga ginoo, kung nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo umalis sa Creta, naiwasan sana natin ang pinsala at kapahamakang ito. 22 Ngayon ito ang payo ko: lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mapapahamak isa man sa inyo kundi ang barko. 23 Sapagkat nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na may-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi ng anghel sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap sa Emperador. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo na iligtas niya ang mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya tibayan ninyo ang inyong loob, mga ginoo, sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ng sinabi niya sa akin. 26 Subalit kailangang tayo'y mapadpad sa isang pulo.”

27 Pagkalipas ng dalawang linggo sa dagat, patuloy pa rin kaming tinatangay ng hangin sa Dagat Adriatico. Nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa pampang. 28 Sinukat nila ang tubig at nalamang dalawampung dipa ang lalim; at pagsulong pa nang kaunti ay muli nilang sinukat at nalamang labinlimang dipa na lamang. 29 Sa takot naming mapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas sa barko kaya't ibinaba ang bangka sa dagat, at kunwari'y maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa senturyon at sa mga kawal, “Kapag hindi nanatili ang mga taong ito sa barko, hindi kayo maliligtas.” 32 Kaya't pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Labing-apat na araw na kayong naghihintay at walang kinakaing anuman. 34 Ipinapakiusap kong kumain na kayo! Kailangan ninyo ito para sa inyong kaligtasan. Kahit isang hibla ng buhok sa ulo ninyo ay hindi malalagas.” 35 Nang masabi na niya ito, kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat, pinagpira-piraso ang tinapay at nagsimulang kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat, at sila'y kumain din. 37 Dalawandaan at pitumpu't anim na tao kaming lahat na nasa barko. 38 Nang mabusog na sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.

Pagkawasak ng Barko

39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, bagama't hindi nila alam kung anong lugar iyon. Ngunit nabanaagan nila ang isang look na may dalampasigan at binalak nilang maisadsad doon ang barko. 40 Kaya't kinalag nila ang tali ng mga angkla at inihulog ang mga iyon sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng malalaking sagwan. Itinaas nila ang layag sa unahan at hinayaang itulak ng hangin ang barko patungo sa dalampasigan. 41 Ngunit sumadsad ang barko sa dakong mababaw, sa dakong pinagsasalubungan ng dalawang dagat. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Ang hulihan naman nito'y winasak ng malalakas na hampas ng alon. 42 Binalak ng mga kawal na pagpapatayin ang mga bilanggo upang walang sinumang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng senturyon na iligtas si Pablo kaya pinigil niya ang balak ng mga kawal. Pinatalon niya sa tubig ang mga marunong lumangoy upang mauna na sa pampang. 44 Ang mga naiwan nama'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o sa mga bahagi ng barko. Sa gayon, lahat kami ay ligtas na nakarating sa lupa.

Si Pablo sa Malta

28 Nang kami'y ligtas na at nasa pampang, noon namin nalamang ang pulo ay tinatawag na Malta. Napakaganda ng ipinakita sa amin ng mga katutubo roon. Dahil sa nagsimula nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at malugod kaming tinanggap. Nagtipon naman si Pablo ng kahoy. At nang nailagay na niya ang mga iyon sa siga, lumabas ang isang ulupong nang mainitan, at pumulupot sa kanyang kamay. Nang makita ng mga katutubo ang ulupong na nakabitin sa kanyang kamay, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.” Subalit ipinagpag ni Pablo ang ulupong sa apoy at hindi man lamang siya nasaktan. Naghintay ang mga tao na mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Ngunit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya, nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos. Malapit sa lugar na iyon ang mga lupaing pag-aari ni Publio, ang pinuno ng pulong iyon. Malugod niya kaming tinanggap at pinatuloy sa kanyang tahanan sa loob ng tatlong araw. Nagkataong nakaratay ang ama ni Publio, nilalagnat at may disenteriya, kaya't pinuntahan siya ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. Dahil sa pangyayaring ito, nagdatingan ang mga may karamdamang tagaroon, at pati sila'y gumaling. 10 Kami nama'y binigyan nila ng maraming parangal, at nang maglalayag na kami ay binigyan pa nila kami ng lahat ng aming kailangan sa paglalakbay.

Mula sa Malta Patungong Roma

11 Tatlong buwan kaming namalagi sa Malta bago kami naglayag sakay ng isang barkong nagpalipas din ng tagginaw sa pulo. Ang barkong ito na mula sa Alejandria ay may sagisag na “Kambal na Diyos.” 12 Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon ng tatlong araw. 13 Mula roo'y nagpatuloy kami at nakarating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hanging habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14 Doon ay may natagpuan kaming mga kapatid. Pinakiusapan nila kaming tumigil doon ng isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay hanggang makarating kami sa Roma. 15 Nang mabalitaan ng mga kapatid doon ang tungkol sa amin, dumating sila mula pa sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Nang makita sila ni Pablo, siya'y nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.

Si Pablo sa Roma

16 Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.