Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 28:17 - Roma 14:23

17 Pagkaraan ng tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pinuno ng mga Judio sa lungsod. Nang sila'y matipon na, sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa ating bansa, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at ibinigay sa mga kamay ng mga Romano. 18 Matapos akong siyasatin, palalayain na sana ako ng mga Romano, sapagkat wala namang sapat na dahilan upang ako'y parusahan ng kamatayan. 19 Subalit (A) tumutol ang mga Judio, kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunma'y wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Nakagapos ako sa tanikalang ito dahil sa pag-asa ng bansang Israel. Ito ang dahilan kung bakit ko hiniling na makipagkita at makipag-usap sa inyo.” 21 Sumagot sila, “Wala kaming natatanggap na sulat galing sa Judea tungkol sa iyo. At sa mga kababayan naman nating pumunta rito ay walang sinumang nagbalita o nagsalita ng anumang masama laban sa iyo. 22 Gayunma'y ibig naming mapakinggan ang iyong mga saloobin. Alam namin na saan mang lugar ay maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito.” 23 Kaya't sila'y nagtalaga ng isang araw para sa kanya, at maraming nagtungo sa kanyang tinutuluyan pagsapit ng takdang araw na iyon. Mula umaga hanggang gabi ay nagpaliwanag at nagpatotoo sa kanila si Pablo tungkol sa paghahari ng Diyos. Sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus mula sa isinasaad ng Kautusan ni Moises at ng mga propeta. 24 May ibang naniwala sa kanyang sinabi at may iba namang hindi. 25 At nang hindi sila magkaisa, umalis sila matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pahayag: “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu nang sabihin niya sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias,

26 ‘Pumaroon (B) ka sa sambayanang ito at sabihin mo,
Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
    tingnan man ninyo nang tingnan, hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
    at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
    ipinikit na nila ang kanilang mga mata;
    Sapagkat ayaw na nilang makakita ang kanilang mga mata,
    at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang kanilang puso, at magbalik-loob sa akin,
    at sila'y aking pagalingin.’

28 Kaya nais kong sabihin sa inyo na ipinararating na sa mga Hentil ang kaligtasang ito mula sa Diyos, at pakikinggan nila ito!” 29 [Matapos niyang sabihin ang mga ito ay umalis na ang mga Judio at mahigpit na nagtalu-talo.][a] 30 Dalawang taóng nanirahan sa Roma si Pablo, sa bahay na kanyang inuupahan. Tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Buong tapang at malaya niyang ipinangangaral ang mga bagay tungkol sa paghahari ng Diyos at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mula kay Pablo, na lingkod ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang para mangaral ng ebanghelyo ng Diyos. Ang ebanghelyong ito ay ipinangako ng Diyos noong una pa na isinasaad sa mga Banal na Kasulatan, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. Tungkol ito sa kanyang Anak, na si Cristo Jesus na ating Panginoon, na sa kanyang pagiging tao ay nagmula sa binhi ni David. Dahil sa Espiritu ng kabanalan ay makapangyarihan siyang ipinahayag na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang muling pagkabuhay—ito'y si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Sa pamamagitan niya ay tumanggap kami ng kaloob na maging apostol, upang ang lahat ng mga bansa ay akayin sa pagsunod na nagmumula sa pananampalataya, alang-alang sa kanyang pangalan. Kabilang kayo sa mga ito, sapagkat kayo ay mga tinawag din ni Jesu-Cristo. Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag na maging banal: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng ebanghelyo ng kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Sa mga dalangin ko'y laging kasama ang aking hiling na loobin ngayon, sa wakas, na makapunta ako sa inyo. 11 Sapagkat nasasabik ako na kayo'y makita upang mabahaginan kayo ng ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo. 12 Sa gayon ay magkatulungan tayo sa pagpapatatag ng pananampalataya ng isa't isa, na inyo at akin. 13 Nais (C) kong malaman ninyo, mga kapatid, na ilang ulit ko nang binalak na pumunta diyan sa inyo, ngunit laging may humahadlang. Nais kong magkaroon din ako ng bunga mula sa inyo, kung paanong nagkaroon ako ng bunga sa ibang mga Hentil. 14 May pananagutan ako sa mga Griyego at sa mga hindi Griyego, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang. 15 Ito ang dahilan kaya masidhi ang aking pananabik na maipahayag ko rin ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo

16 Hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; (D) sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 17 Sapagkat (E) sa ebanghelyo ipinapahayag ang katuwiran ng Diyos, kung paano maging matuwid sa kanyang harapan. At ito, buhat sa simula hanggang sa wakas, ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Gaya ng nasusulat, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, mabubuhay ang matuwid.[b]

Nagkasala ang Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kasamaan at kalikuan ng mga taong sumisikil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag sa kanila, yamang iyon ay ipinahayag na sa kanila ng Diyos. 20 Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang hindi nakikitang kalikasan—ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos—ay maliwanag na nakikita at nauunawaan dahil sa mga bagay na kanyang ginawa. Kaya't ang mga gayong tao'y wala nang maidadahilan pa. 21 Sapagkat (F) kahit na kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati o pinasalamatan man lang bilang Diyos. Sa halip, naging walang kabuluhan ang kanilang mga pag-iisip at naging madilim ang hangal nilang mga puso. 22 Sa kanilang pagmamarunong ay lumabas silang mga mangmang. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, at ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad at gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa maruruming pagnanasa ng kanilang mga puso, hanggang sa sila'y masadlak sa paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa mga bagay na nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen. 26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng kanilang kababaihan sa mga lalaki sa likas na paraan kundi mas nais nilang makipagtalik sa kapwa babae.[c] 27 Ganoon din ang mga lalaki: iniwan nila ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, at sa kapwa lalaki nag-alab ang kanilang pagnanasa. Gumagawa sila ng kahalayan sa isa't isa, kaya't sila'y tumatanggap ng parusang nararapat sa kanilang masasamang gawa. 28 At palibhasa'y nagpasya na silang hindi kilalanin ang Diyos, hinayaan na ng Diyos na pagharian sila ng mahalay na pag-iisip at ng mga gawang kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, at kahalayan. Naghari sa kanila ang pagkainggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, 30 mapanirang-puri, namumuhi sa Diyos, walang-pakundangan, mapagmataas, at mayayabang. Nasanay na sila sa pagkatha ng kasamaan, at naging suwail sa mga magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang malasakit, mga walang awa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito. Gayunman, nagpatuloy sila sa paggawa ng mga bagay na ito at natutuwa pang makita ang iba na gumagawa rin ng gayon.

Ang Makatarungang Hatol ng Diyos

Kaya't (G) wala kang maidadahilan, sino ka mang humahatol sa iba. Sapagkat sa paghatol mo sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayon. Nalalaman nating batay sa katotohanan ang hatol ng Diyos sa mga taong gumagawa ng gayon. Kaya ikaw, tao, akala mo ba'y makatatakas ka sa hatol ng Diyos kung humahatol ka sa iba ngunit gumagawa ka rin ng masasamang gawaing hinahatulan mo? O baka naman sinasamantala mo ang yaman ng kabutihan, pagtitiis at pagtitiyaga ng Diyos? Hindi mo ba naunawaan na ang kabutihan ng Diyos ang nag-aakay sa iyo tungo sa pagsisisi? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ang puso mo'y ayaw magsisi, lalo mong pinabibigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw ng poot ng Diyos, kung kailan ihahayag niya ang kanyang makatarungang paghatol. Igagawad (H) niya sa mga tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Ipagkakaloob naman ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa mga taong nagtitiyaga sa paggawa ng mabuti, naghahanap ng karangalan, kadakilaan at ng kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga makasarili at sumusunod sa kasamaan sa halip na sa katotohanan. Pagdurusa at pighati ang daranasin ng bawat taong gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego. 10 Subalit karangalan, kapurihan, at kapayapaan naman sa bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego. 11 Sapagkat (I) ang Diyos ay walang kinikilingan. 12 Ang lahat ng nagkasala na hindi saklaw ng Kautusan ay hahatulan nang hindi ayon sa Kautusan. At ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng Kautusan ay hahatulan ayon sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig kundi ang tumutupad sa Kautusan ang ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos. 14 Kapag ang mga Hentil, na walang Kautusan, ay nakagagawa ng mga bagay na itinatakda ng Kautusan, dahil sa likas nilang kaalaman, ang mga ito'y nagiging Kautusan na para sa kanila bagama't wala silang Kautusan. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang mga puso ang mga itinatakda ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, na sa kanila'y manunumbat at magtatanggol. 16 Magaganap ito sa araw ng paghatol ng Diyos sa lihim ng mga tao sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ito'y naaayon sa ebanghelyong aking ipinapangaral.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngayon, kung sinasabi mong ikaw ay isang Judio at nananalig sa Kautusan, at ipinagmamalaki mo ang kaugnayan mo sa Diyos, 18 ikaw na palibhasa'y naturuan sa Kautusan ay nagsasabing nakaaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mabubuting bagay, 19 ang palagay mo'y tagaakay ka ng mga bulag at tanglaw ka ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natutuhan mo sa Kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan, 21 ikaw na nagtuturo sa iba, bakit hindi mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang huwag magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, bakit ka nangangalunya? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, bakit mo ninanakawan ang mga templo? 23 Ipinagmamalaki mo ang Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng pagsuway mo sa Kautusan. 24 Gaya ng nasusulat, (J) “Nilalapastangan ng mga Hentil ang pangalan ng Diyos dahil sa inyo.” 25 Totoong mahalaga ang pagiging tuli kung tinutupad mo ang Kautusan. Ngunit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tuli. 26 Kaya't kung ang mga hindi tuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng Kautusan, hindi ba maibibilang na rin silang parang mga tuli? 27 Kaya't siya na hindi tuli, subalit namumuhay ayon sa Kautusan, ang hahatol sa iyo, na tuli at mayroong Kautusang nakasulat, subalit sinusuway naman ito. 28 Sapagkat ang pagiging tunay na Judio ay hindi sa panlabas lamang, at ang tunay na pagtutuli ay hindi dahil tinuli ka sa laman. 29 Ang (K) pagiging tunay na Judio ay nasa kalooban. At ang tunay na pagtutuli nama'y pagtutuli sa puso, sa pamamagitan ng Espiritu at hindi ng nakasulat na Kautusan. Ang karangalan ng taong iyon ay hindi mula sa mga tao kundi mula sa Diyos.

Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging Judio? Ano ang pakinabang sa pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, sa mga Judio ipinagkatiwala ang mga aral ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig bang sabihin noo'y hindi na rin tapat ang Diyos? Huwag nawang mangyari! (L) Mananatiling tapat ang Diyos, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya ng nasusulat:

“Sa Iyong mga salita'y kikilalanin kang matuwid,
    kapag hinatulan ka, ika'y mananaig.”

Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katuwiran ng Diyos, masasabi ba nating ang Diyos ay di-makatarungan dahil sa pagbubuhos niya ng poot? Nangangatwiran ako ayon sa pananaw ng tao. Huwag nawang mangyari! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan? Subalit maaaring may magsabi, “Kung dahil sa aking pagsisinungaling ay sumagana ang katotohanan ng Diyos at higit pa siyang niluluwalhati, bakit hinahatulan pa rin ako bilang isang makasalanan?” Bakit hindi na lang natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama upang magbunga ng mabuti?” Iyan daw ang sinasabi natin, ayon sa paninirang-puri sa atin ng iba. Nararapat lang ang parusa sa kanila.

Walang Matuwid

Ano ngayon ang ibig nitong sabihin? Tayo bang mga Judio ay nakahihigit sa iba? Hindi! Sapagkat isinakdal na namin ang lahat ng tao, Judio man o Griyego, na sila ay pawang nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. 10 Gaya (M) ng nasusulat,

“Walang matuwid, wala, kahit isa.
11     Wala ni isang nakauunawa,
    walang humahanap sa Diyos.
12 Lahat sila ay lumihis ng daan, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
    walang gumagawa ng mabuti,
    wala, kahit isa.”
13 “Tulad (N) ng libingang bukás ang kanilang lalamunan;
    sa pandaraya ang kanilang mga dila ay nag-uumapaw.”
“Kamandag ng mga ulupong ang nasa ilalim ng kanilang labi.”
14     “Pagmumura at pait ang namumutawi (O) sa kanilang bibig.”
15 (P) “Sa pagpapadanak ng dugo mga paa nila'y matutulin,
16     pagkawasak at kalungkutan ang nababakas sa kanilang landasin,
17 hindi nila nalalaman ang daan ng kapayapaan.”
18     (Q) “Ang takot sa Diyos, sa mga mata nila'y hindi masilayan.”

19 Nalalaman natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasa ilalim nito, upang walang maidahilan ang sinuman, at upang ang buong sanlibutan ay pananagutin sa harapan ng Diyos. 20 Sapagkat (R) walang sinumang[d] ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawang batay sa Kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng Kautusan ay nagkaroon ng kamalayan sa kasalanan.

Ang Pagiging Matuwid

21 Subalit ngayon ay nahayag na ang pagiging matuwid mula sa Diyos, at ito ay walang kinalaman sa Kautusan. Pinatunayan ito mismo ng Kautusan at ng Mga Propeta. 22 Ang (S) pagiging matuwid mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Ito ay para sa lahat ng mga sumasampalataya yamang sa lahat ay walang pagkakaiba. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Subalit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, sila ngayon ay itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagpapalaya na ginawa ni Cristo Jesus. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog na makapapayapa sa kanyang galit dahil sa kasalanan ng sanlibutan, upang sa pamamagitan ng pananampalataya sa bisa ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sasampalataya sa kanya. Ginawa niya ito upang ipakita ang kanyang katarungan. Dahil sa kanyang banal na pagtitiis, pinalampas niya ang mga kasalanang ginawa noon ng tao. 26 Ginawa niya ito upang patunayan sa kasalukuyang panahon ang kanyang katarungan, na siya'y matuwid at siya ang nagtuturing na matuwid sa may pananampalataya kay Jesus.[e]

27 May lugar ba ngayon ang pagmamalaki? Wala! Sa anong batayan? Sa pagsunod ba sa Kautusan? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. 28 Sapagkat pinanghahawakan natin na ang tao ay itinuturing na matuwid dahil sa pananampalataya at walang kinalaman dito ang mga gawang batay sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat (T) iisa lamang ang Diyos. Siya ang magtuturing na matuwid sa mga tuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ituturing din niya na matuwid ang mga hindi tuli sa pamamagitan din ng pananampalataya. 31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalataya? Huwag nawang mangyari! Sa halip ay itinataguyod pa nga namin ang Kautusan.

Ang Halimbawa ni Abraham

Ano naman ang ating masasabi tungkol sa natuklasan ni Abraham na ating ninuno sa laman? Kung itinuring siyang matuwid dahil sa mga gawa, mayroon siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. Ano ba (U) ang sinasabi ng Kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at ito ang pinagbatayan ng kanyang pagiging matuwid.” Sa taong nagtatrabaho, ang kanyang tinatanggap ay hindi itinuturing na kaloob kundi sahod. Sa kanya namang walang kalakip na gawa ngunit sumasampalataya sa Diyos at nagtuturing na matuwid sa masama, ang kanyang pananampalataya ang batayan ng kanyang pagiging matuwid. Ganoon din ang sinasabi ni David, na pinagpala ng Diyos ang taong itinuturing na matuwid hindi batay sa anumang gawa:

“Pinagpala (V) ang mga taong pinatawad ang mga pagsuway,
    at silang pinawi na ang mga kasalanan.
Pinagpala ang taong hindi na kailanman sisingilin ng Panginoon sa kanyang kasalanan.”

Ang pagpapala bang ito ay para lamang sa mga tuli, o para din sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin ayon sa kasulatan, “Ang pananampalataya ay pinagbatayan ng pagiging matuwid ni Abraham.” 10 Kailan ito nangyari? Bago o pagkatapos siyang tuliin? Hindi pagkatapos kundi bago siya tinuli. 11 Tinanggap (W) niya ang tanda ng pagtutuli, ang tatak na dahil sa kanyang pananampalataya ay itinuring siyang matuwid sa harapan ng Diyos. Taglay na niya ang pananampalatayang ito bago pa siya tinuli. Sa gayon, siya'y naging ama ng mga sumasampalataya, bagama't hindi mga tuli, ay itinuring na matuwid. 12 Siya rin ang ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sila ay tuli, kundi dahil sila ay sumunod din sa mga hakbang ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli.

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat (X) ang pangako kay Abraham at sa kanyang mga supling na mamanahin nila ang sanlibutan ay dumating hindi dahil sa pamamagitan ng Kautusan, kundi ng pagiging matuwid mula sa pananampalataya. 14 Sapagkat (Y) kung silang nasa ilalim ng Kautusan ang magiging mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at wala na ring saysay ang pangako. 15 Sapagkat ang Kautusan ay may dalang poot sa mga lumalabag, at kung walang Kautusan, wala ring paglabag. 16 Ang pangako, (Z) kung gayon, ay batay sa pananampalataya, upang ito'y maging isang kaloob na makakamit ng buong lahi ni Abraham, hindi lamang ng mga nasa ilalim ng Kautusan, kundi pati naman ng mga nanampalataya tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Tulad (AA) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Tinanggap niya ang pangako sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay, at lumilikha ng mga bagay na dati ay wala. 18 Sa kabila (AB) ng kawalan ng pag-asa, umasa si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa sapagkat sinabi sa kanya, “Magiging gayon karami ang iyong lahi.” 19 Hindi (AC) nanghina ang kanyang pananampalataya, sa kabila ng katotohanang maituturing na patay na noon ang kanyang katawan, palibhasa'y halos isandaang taon na siya, at baog pa ang kanyang asawang si Sarah. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang pinatatag ng kanyang pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos. 21 Lubos na nagtiwala si Abraham na kayang tuparin ng Diyos ang kanyang ipinangako. 22 Sa pagtitiwalang ito ibinatay ng Diyos ang pagiging matuwid ni Abraham.[f] 23 Ang salitang “ibinatay ang kanyang pagiging matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para rin sa atin. Ituturing tayong matuwid ng Diyos, tayong sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Ibinigay (AD) siya upang mamatay dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ituring na matuwid.

Mga Bunga ng Pagiging Matuwid

Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[g] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.

12 Sa (AE) pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito'y naranasan ng lahat ng tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa dumating ang Kautusan, ngunit hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan kung walang Kautusan. 14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala gaya ng paglabag ni Adan, na siyang larawan ng isang paparating.

15 Subalit ang biyaya ng Diyos ay hindi gaya ng pagsuway. Dumating nga ang kamatayan sa marami dahil sa pagsuway ng isang tao; subalit sa pamamagitan din ng isang tao—si Jesu-Cristo—dumating at sumagana sa marami ang handog ng kagandahang-loob ng Diyos! 16 Hindi katulad ng bunga ng pagkakasala ng isang tao ang bunga ng biyaya ng Diyos. Nagbunga ng hatol na parusa ang pagkakasala ng isa, subalit ang biyaya ay nagdulot ng pagiging matuwid ng tao sa kabila ng maraming pagsuway. 17 Sapagkat kung naghari ang kamatayan dahil sa pagsuway ng isang tao, lalong higit ang nakamtan ng mga taong kinahabagan nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos! Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Cristo. 18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagbunga ng parusa para sa lahat, sa gayon ding paraan, ang pagiging matuwid ng isang tao ay nagbunga ng pagiging matuwid at buhay para sa lahat. 19 Sapagkat kung marami ang naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, sa pamamagitan din ng pagsunod ng isang tao maraming ituturing na matuwid. 20 Ang pagdating ng Kautusan ay nagbunga ng maraming pagsuway. Ngunit habang dumarami ang kasalanan ay lalong sumasagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin namang ang kagandahang-loob ng Diyos ay maghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid. Magbubunga ito ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumagana? Huwag nawang mangyari! Paanong mangyayari na tayong namatay na sa kasalanan ay mabubuhay pa sa kasalanan? Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? Kung gayon, (AF) sa pamamagitan ng bautismo ay namatay na tayo at inilibing na kasama niya upang kung paanong si Cristo ay muling binuhay sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo naman ay lumakad sa panibagong buhay. Sapagkat kung nakiisa tayo kay Cristo sa kamatayan tulad ng sa kanya, tiyak na tayo ay makakasama niya sa muling pagkabuhay na tulad ng sa kanya. Dapat nating malaman ito: na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya sa krus, upang ang makasalanang pagkatao ay mamatay, at nang hindi na tayo pagharian pa ng kasalanan. Sapagkat ang sinumang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. At kung tayo'y namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na mamamatay; hindi na siya paghaharian pa ng kamatayan. 10 Nang siya'y namatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ito'y para sa lahat ng panahon. Ngunit nabubuhay siya ngayon at ang buhay niya ay para sa Diyos. 11 Gayundin naman kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan, subalit nabubuhay dahil sa inyong kaugnayan kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

Hindi ba ninyo alam, mga kapatid—sinasabi ko ito sa inyong nakauunawa ng Kautusan—na ang Kautusan ay may kapangyarihan lamang sa isang tao habang siya ay nabubuhay? Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawang lalaki habang ito ay nabubuhay. Kung mamatay na ang lalaki, napalaya na ang babae sa Kautusang nagtatali sa kanya sa lalaki. Kaya nga, kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, ituturing siyang isang mangangalunya. Ngunit kung mamatay ang kanyang asawa, malaya na siya sa Kautusan, at hindi mangangalunya kahit mag-asawa ng ibang lalaki. Gayundin naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, upang kayo'y maging pag-aari ng iba, sa kanya na muling binuhay, mula sa kamatayan upang tayo'y magbunga para sa Diyos. Noong tayo'y nabubuhay pa sa laman, ang mga makasalanang pagnanasa, sa pamamagitan ng Kautusan, ay nag-uudyok sa ating mga bahagi upang magbunga tungo sa kamatayan. Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan, matapos tayong mamatay sa dating umaalipin sa atin, upang maging alipin tayo sa bagong buhay sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng lumang nakasulat na tuntunin.

Ang Pagkaalipin sa Kasalanan

Ano ngayon ang (AG) ibig nating sabihin? Kasalanan ba ang Kautusan? Huwag nawang mangyari! Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Hindi ko sana nakilala ang kasakiman kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang maging sakim.” Sinamantala ng kasalanan ang pagkakataon upang sa pamamagitan ng Kautusan ay gumawa sa aking kalooban ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, patay ang kasalanan. Noong una, nabubuhay akong hiwalay sa Kautusan. Ngunit nang dumating ang utos, muling nabuhay ang kasalanan, 10 at ako'y namatay. Ang Kautusan na dapat sanang magbigay sa akin ng buhay ang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat (AH) sinamantala ng kasalanan ang pagkakataong nakita nito sa Kautusan upang ako ay dayain, at sa pamamagitan ng Kautusan ay pinatay ako. 12 Kaya ang Kautusan ay banal at ang tuntunin ay banal, matuwid, at mabuti.

13 Nangangahulugan bang ang mabuting bagay ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Huwag nawang mangyari! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting Kautusan. Nangyari ito upang ipakita ang kasalanan bilang kasalanan, at upang sa pamamagitan ng Kautusan ay mapatunayan na ang kasalanan ay napakasama.

14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, at aliping ipinagbili sa kasalanan. 15 Hindi (AI) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat kung ano ang nais kong gawin ay hindi ko ginagawa, at kung ano ang kinamumuhian kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 At kung ginagawa ko ang hindi ko nais, sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuti na nais kong gawin, kundi ang masama na ayaw kong gawin ang aking ginagawa. 20 At kung ang ayaw kong gawin ang aking ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 21 Kaya nga natuklasan ko ang isang tuntunin: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit sa akin. 22 Sa kaloob-looban ng aking pagkatao ay nasisiyahan ako sa Kautusan ng Diyos. 23 Subalit may nakikita akong ibang kautusan sa mga bahagi ng aking pagkatao na nakikipaglaban sa kautusan ng aking pag-iisip, at binibihag ako sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking pagkatao. 24 Napakalungkot kong tao! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa aking isip ako ay alipin sa Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ako'y alipin sa kautusan ng kasalanan.

Pamumuhay ayon sa Espiritu

Ngayon nga'y wala nang hatol na parusa sa mga nakipag-isa kay Cristo Jesus.[h] Sapagkat pinalaya na tayo[i] ng Kautusan ng Espiritu na nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. Ang hindi magawa ng Kautusan, na pinahihina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang pagkatao upang hatulan niya ang kasalanan. Sa gayon, sa kanya iginawad ang hatol sa kasalanan. Ginawa ito ng Diyos upang ang makatarungang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin, na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman. Ang mga namumuhay ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa masasamang hilig nito. Subalit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nakatuon sa mga nais ng Espiritu. Ang pag-iisip ng laman ay naghahatid sa kamatayan, subalit ang pag-iisip ng Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Ang pag-iisip ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, at talaga namang hindi niya ito magagawa. At ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu, kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit sinumang walang Espiritu ni Cristo ay hindi kay Cristo. 10 Ngunit kung nasa inyo si Cristo, ang katawan ninyo ay patay dahil sa kasalanan, ngunit ang Espiritu ay buháy dahil sa katuwiran. 11 Kung (AJ) naninirahan sa inyo ang Espiritu niya na muling bumuhay kay Jesus mula sa kamatayan, siya na muling bumuhay kay Cristo Jesus mula sa kamatayan[j] ay magbibigay rin ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo. 12 Kaya nga, mga kapatid, may pananagutan tayo, ngunit hindi sa laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman, subalit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat (AK) (AL) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muli kayong matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkupkop, bilang mga anak na sa pamamagitan nito'y tumawag tayo, “Abba! Ama!” 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At dahil tayo'y mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo, kung tunay ngang tayo'y nagtitiis kasama niya, nang sa gayon, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin

18 Ipinalalagay kong hindi kayang ihambing ang pagtitiis sa kasalukuyang panahon sa kaluwalhatiang ihahayag sa atin. 19 Masidhi ang pananabik ng sangnilikha sa inaasahang paghahayag ng Diyos sa kanyang mga anak. 20 Sapagkat (AM) ang sangnilikha ay nasakop ng kabiguan, hindi dahil sa kanyang kagustuhan, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa 21 na ang sangnilikha ay mapalalaya mula sa pagkaalipin sa pagkabulok at tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayon, ang buong sangnilikha ay dumaraing at naghihirap sa tindi ng kirot tulad ng babaing nanganganak. 23 At (AN) hindi lamang ang sangnilikha, kundi pati tayo na mga tumanggap ng mga unang bunga ng Espiritu. Naghihirap din ang ating mga kalooban at dumaraing habang hinihintay ang ganap na pagkupkop sa atin bilang mga anak, ang paglaya ng ating katawan. 24 Iniligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi na matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sinong tao ang aasa pa sa bagay na nakikita na? 25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi pa natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong pagtitiyaga.

26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, ngunit ang Espiritu mismo ang dumaraing[k] sa paraang hindi kayang bigkasin sa salita. 27 At ang Diyos na nakasisiyasat ng ating mga puso ang nakaaalam sa kaisipan ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos. 28 At alam nating ang Diyos ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat ang mga kinilala niya noong una pa man ay itinalaga rin niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 At ang mga itinalaga niya ay kanya ring tinawag, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid; at ang mga itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano ngayon ang ating sasabihin tungkol sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makalalaban sa atin? 32 Kung hindi niya ipinagkait ang sariling Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, hindi kaya kasama rin niyang ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ngayon ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos? Ang Diyos ang nagtuturing na matuwid. 34 Sino ang hahatol upang ang tao'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay ngunit muling binuhay, na ngayon ay nasa kanan ng Diyos at siya ring namamagitan para sa atin? 35 Mayroon bang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, kapighatian, pag-uusig, taggutom, kahubaran, panganib, o ang tabak? 36 Gaya (AO) ng nasusulat,

“Dahil sa iyo'y maghapon kaming nabibingit sa kamatayan;
    itinuring kaming mga tupa sa katayan.”

37 Subalit sa lahat ng mga ito tayo'y lubos na nagtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat lubos akong naniniwala na kahit kamatayan o buhay, mga anghel, mga pamunuan, mga bagay na kasalukuyan, mga bagay na darating, maging mga kapangyarihan, 39 kataasan, o kalaliman, o kahit anumang bagay na nilikha ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel

Yamang ako'y kay Cristo, katotohanan ang sinasabi ko; sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagpapatotoo ang aking budhi at hindi ako nagsisinungaling. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa aking mga kababayan at kalahi. Nanaisin ko pang ako'y sumpain at mahiwalay kay Cristo alang-alang sa kanila. Sila'y (AP) mga Israelita, sila'y kinupkop bilang mga anak. Ipinakita sa kanila ang kaluwalhatian ng Diyos; ibinigay sa kanila ang pakikipagtipan at ang Kautusan, ang tungkol sa pagsamba, at ang mga pangako. Sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo ayon sa laman, Diyos na Kataas-taasan at Maluwalhati magpakailanpaman. Amen.[l]

Hindi nangangahulugang nawalan ng saysay ang salita ng Diyos. Sapagkat hindi naman lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel. At (AQ) hindi rin lahat ng nagmula kay Abraham ay mga anak ni Abraham, sa halip—nasusulat, “Sa pamamagitan ni Isaac, ang iyong mga anak ay kikilalanin.” Ang ibig sabihin nito, hindi lahat ng anak ayon sa laman ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyong mga ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. Sapagkat (AR) ganito ang isinasaad ng pangako, “Sa ganito ring panahon ay babalik ako at magkakaanak si Sarah ng isang lalaki.” 10 At hindi lamang iyon, si Rebecca rin nang siya'y nagdalang-tao sa pamamagitan ng isang lalaki, si Isaac, na ating ninuno, 11 bagaman ang mga bata ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakagagawa ng anumang mabuti o masama, ipinakita ng Diyos ang kanyang pagpili. 12 At ito'y (AS) hindi batay sa mga gawa, kundi ayon sa layunin ng tumatawag. Sinabihan si Rebecca ng ganito, “Ang mas matanda ay maglilingkod sa mas bata.” 13 Gaya (AT) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

14 Ano ngayon ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay hindi makatarungan? Huwag nawang mangyari! 15 Sapagkat (AU) ganito ang sinabi niya kay Moises,

“Maaawa ako sa nais kong kaawaan,
    at kahahabagan ko ang nais kong kahabagan.”

16 Samakatuwid ang pagpili ay hindi ayon sa kagustuhan o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa awa ng Diyos. 17 Sapagkat (AV) sinasabi ng Kasulatan kay Faraon, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo ay maipakita ko ang aking kapangyarihan, at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya kinaawaan ng Diyos ang nais niyang kaawaan, at pinatitigas ang puso ng sinumang nais niyang pagmatigasin.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Maaaring sabihin ninyo sa akin, “Kung gayo'y bakit sinisisi pa tayo ng Diyos? Sino ba ang maaaring sumalungat sa kanyang kagustuhan?” 20 Ngunit, (AW) sino ka ba, O tao, na sasagot nang laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21 Wala bang karapatan ang magpapalayok na bumuo mula sa isang tumpok ng putik ng isang sisidlan para sa mahalagang gamit at ng isa pang sisidlan para sa pangkaraniwang gamit? 22 Kung nais ipakita ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin ba niyang pagtitiisan ang mga sisidlan ng poot na inihanda para sa pagkawasak? 23 Hindi ba't ginawa niya ito upang ipakilala ang yaman ng kanyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noong una pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24 Hindi ba kabilang tayo sa kanyang mga tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? 25 Gaya (AX) ng sinasabi niya sa aklat ni Hosea,

“Tatawagin kong ‘Bayan ko’ ang dating hindi ko bayan;
    at ‘Minamahal’ ang dating hindi ko mahal.”
26 “At (AY) sa mismong lugar kung saan sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’ ”

27 Ito (AZ) naman ang isinisigaw ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, ang kaunting nalabi lamang sa kanila ang maliligtas. 28 Sapagkat mabilis at tiyak na igagawad ng Panginoon ang kanyang hatol sa daigdig.” 29 Gaya ng sinabi (BA) ni Isaias noong una,

“Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng mga anak,[m]
    tayo sana'y naging tulad ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Israel at ang Ebanghelyo

30 Ano ngayon ang sasabihin natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid ay naging matuwid, at ito'y mula sa pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel na nagsikap maging matuwid batay sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit? Sapagkat sinikap nilang maging matuwid batay sa mga gawa, at hindi batay sa pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 gaya ng nasusulat,

“Tingnan ninyo, (BB) maglalagay ako sa Zion ng isang katitisurang bato,
    isang malaking batong ikabubuwal ng mga tao,
ngunit ang sinumang sa kanya'y magtitiwala,
    kailanman ay hindi mapapahiya.”

10 Mga kapatid, hangarin ng aking puso at dalangin sa Diyos na maligtas ang sambayanang Israel. Makapagpapatunay ako na masigasig sila tungkol sa Diyos, subalit hindi ito ayon sa tamang pagkaunawa. Dahil hindi nila nauunawaan ang pagiging matuwid na nagmumula sa Diyos, at nagsisikap silang magtayo ng sariling paraan upang maging matuwid, hindi sila nagpasakop sa paraan ng Diyos sa pagiging matuwid. Si Cristo ang katuparan ng Kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya sa kanya.

Kaligtasan para sa Lahat

Ganito (BC) ang sinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Ngunit (BD) ganito naman ang sinasabi ng pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’ ”—ito ay upang ibaba si Cristo. “O, ‘Sino ang lulusong sa kailaliman?’ ”—ito ay upang iahon si Cristo mula sa mga patay. Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong bibig, at nasa iyong puso.” Ito ang salita ng pananampalataya na aming ipinapangaral. Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon, at sasampalataya ka nang buong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa kamatayan ay maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng puso tungo sa pagiging matuwid at nagpapahayag sa pamamagitan ng bibig tungo sa kaligtasan. 11 Sinasabi (BE) ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Walang pagkakaiba ang Judio at Griyego, sapagkat iisa ang Panginoon ng lahat, at siya'y mapagpala sa lahat ng tumatawag sa kanya. 13 Sapagkat, (BF) “Ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.” 14 Ngunit paano sila tatawag sa hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila sasampalataya sa hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? 15 At (BG) paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? Gaya ng nasusulat, “Napakaganda ng mga paang nagdadala ng mabuting balita!” 16 Subalit (BH) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang naririnig ay sa pamamagitan ng pangangaral ng salita ni Cristo.[n] 18 Ngunit (BI) sinasabi ko, hindi ba't narinig nila? Talagang narinig nila, ayon sa nasusulat,

“Umabot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    lumaganap ang kanilang mga salita hanggang sa dulo ng daigdig.”

19 Ngunit (BJ) ang tanong ko, hindi ba nauunawaan ng Israel? Una, sinasabi sa pamamagitan ni Moises,

“Pagseselosin ko kayo sa pamamagitan nila na hindi naman bansa,
    gagalitin ko kayo sa pamamagitan ng isang bansang walang pagkaunawa.”

20 At (BK) sa pamamagitan ni Isaias ay buong tapang na sinasabi,

“Natagpuan ako ng mga taong hindi humahanap sa akin;
    Nagpakita ako sa mga taong hindi naman ako ipinagtatanong.”

21 Subalit (BL) tungkol naman sa Israel ay sinasabi niya, “Mga kamay ko'y nag-aanyaya buong araw sa isang matigas ang ulo at suwail na bayan!”

Hindi Ganap na Itinakwil ng Diyos ang Israel

11 Kaya ito (BM) ang sinasabi ko: Itinakwil na ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari! Ako mismo ay Israelita, mula sa lahi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na kanyang kinilala noong una pa man. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Elias, kung paano siyang dumaing sa Diyos laban sa Israel? “Panginoon,”(BN) sabi niya, “pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga dambana. Ako na lang ang natitira, at sinisikap nila akong patayin!” Ngunit ano (BO) ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaking hindi yumuyukod kay Baal.” Kaya hanggang sa kasalukuyan ay may nalalabi pa ring mga hinirang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. At kung ang paghirang ay sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi batay sa mga gawa, sapagkat kung gayon, hindi magiging biyaya ang biyaya. Ano ngayon? Hindi nakamtan ng Israel ang pinagsikapan nitong makuha. Ito'y nakamtan ng mga hinirang, subalit ang iba nama'y nagmatigas. Gaya (BP) ng nasusulat,

“Binigyan sila ng Diyos ng manhid na diwa,
    ng mga matang hindi makakita,
    at ng mga taingang hindi makarinig
hanggang sa araw na ito.”

Sinabi (BQ) naman ni David,

“Ang hapag nawa nila'y maging bitag at patibong,
    isang katitisuran, at ganti sa kanila;
10 lumabo nawa ang kanilang mga paningin, upang hindi sila makakita,
    at sa hirap ay makuba sila habang panahon.”

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

11 Kaya't sinasabi ko: natisod ba sila upang tuluyang mabuwal? Huwag nawang mangyari! Sa halip, dahil sa pagsuway nila ay dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang ibunsod sa selos ang Israel. 12 Ngayon, kung ang pagsuway nila ay nagdulot ng kayamanan para sa sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay naging kayamanan para sa mga Hentil, gaano pa kaya ang idudulot ng kanilang lubos na pagbabalik-loob?

13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako nga ang apostol para sa mga Hentil, ikinararangal ko ang aking ministeryo 14 sa pag-asang maibunsod ko sa selos ang aking mga kalahi at sa gayon ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 15 Sapagkat kung ang kanilang pagkatakwil ay naging daan ng pagbabalik-loob ng sanlibutan, hindi ba't ang kanilang pagtanggap ay maitutulad sa muling pagkabuhay mula sa kamatayan? 16 Kung ang masa ng tinapay na inialay bilang unang bunga ay banal, banal din ang buong masa na pinagkunan niyon. Kung banal ang ugat, gayundin ang mga sanga. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sangang ligaw ay idinugtong sa puno upang makabahagi sa katas na nagmumula sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat, kundi ang ugat ang bumubuhay sa iyo. 19 Maaaring sabihin mo, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Tama iyan. Ngunit pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, at ikaw naman ay idinugtong dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmataas, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga likas na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw man ay hindi niya panghihinayangan. 22 Kaya't masdan ninyo ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos: kabagsikan sa mga humiwalay, ngunit kabutihan sa iyo, kung mananatili ka sa kanyang kabutihan. Kung hindi, puputulin ka rin. 23 At kung sila'y hindi magpupumilit sa di-pagsampalataya, muli silang idudugtong, sapagkat kaya ng Diyos na sila'y muling idugtong. 24 Kung ikaw na sangang galing sa ligaw na olibo ay naidugtong sa inaalagaang olibo kahit salungat sa likas na paraan, lalo pang maaaring idugtong ang mga likas na sanga sa sarili nitong puno.

Ang Panunumbalik ng Israel

25 Mga kapatid, hindi ko nais na kayong mga Hentil ay maging mataas ang tingin sa sarili. Kaya't nais kong maunawaan ninyo ang hiwagang ito. Nagkaroon ng pagmamatigas ang isang bahagi ng Israel, hanggang makapasok ang kabuuang bilang ng mga Hentil. 26 Sa (BR) ganitong paraan maliligtas ang buong Israel. Gaya ng nasusulat,

“Magbubuhat sa Zion ang sasagip sa atin;
    aalisin niya ang kasamaan mula sa lahi ni Jacob.”
27 “At ito (BS) ang aking pakikipagtipan sa kanila,
    kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”

28 Tungkol sa ebanghelyo, naging kaaway sila ng Diyos alang-alang sa inyo. Tungkol naman sa paghirang, sila'y mga minamahal ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi maaaring bawiin ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos. 30 Dati kayong mga suwail sa Diyos subalit ngayo'y kinahabagan dahil sa kanilang pagsuway. 31 Ngayon nama'y sila ang naging suwail upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ng habag ng Diyos. 32 Sapagkat ibinilanggo ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang mahabag siya sa lahat.

33 Napakalalim(BT) ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maabot ng isip ng tao ang kanyang hatol, at hindi masiyasat ang kanyang mga paraan!

34 “Sapagkat sino (BU) ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
    o sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “Sino (BV) ang nakapagbigay sa Diyos ng anuman,
    upang siya'y bayaran ng Diyos?”

36 Sapagkat (BW) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.[o] Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.

Ayon sa kaloob na aking tinanggap, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag ninyong ituring ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, ituring ninyo ang inyong sarili ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung (BX) paanong ang ating katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ang gawain ng bawat isa, gayundin naman, kahit na tayo'y marami, tayo ay iisang katawan kay Cristo, at bawat isa ay bahagi ng isa't isa. Mayroon (BY) tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob natin ay pagpapahayag ng propesiya, gamitin natin ito ayon sa sukat ng pananampalataya. Kung paglilingkod, gamitin sa paglilingkod. Kung pagtuturo, sa pagtuturo. Kung pagpapalakas ng loob, sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ay bukas-palad sa pagbibigay. Kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa, gawin ito nang masaya.

Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[p] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (BZ) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (CA) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[q] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (CB) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (CC) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.

Tungkulin sa mga nasa Kapangyarihan

13 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga nasa kapangyarihan[r], sapagkat walang kapangyarihang hindi mula sa Diyos; at ang mga kapangyarihang umiiral ay itinatag ng Diyos. Kaya't ang lumalaban sa maykapangyarihan ay sumasalungat sa itinatag ng Diyos. At ang mga sumasalungat ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili. Ang mga namumuno ay hindi nagdadala ng takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Kung ayaw mong matakot sa maykapangyarihan, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka niya. Sapagkat siya'y lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo. Ngunit matakot ka kung masama ang ginagawa mo, sapagkat may dahilan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos upang igawad ang poot ng Diyos sa gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop, hindi lamang upang iwasan ang poot ng Diyos, kundi alang-alang na rin sa budhi.[s] Ito (CD) rin ang dahilan kung bakit nagbabayad kayo ng buwis. Sapagkat ang mga namamahala ay mga lingkod ng Diyos na nagtalaga ng kanilang sarili sa gawaing ito. Ibigay ninyo sa lahat ang nararapat sa kanila: buwis sa dapat buwisan; bayad sa dapat bayaran; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapatid

Huwag kayong manatiling may pagkakautang kaninuman, maliban sa pagkakautang na magmahalan kayo, sapagkat ang nagmamahal sa kanyang kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang (CE) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang maging sakim;” at ang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 10 Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.

11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.

Huwag Hatulan ang Iyong Kapatid

14 Tanggapin (CF) ninyo ang mahina sa paniniwala, ngunit hindi upang magtalo sa mga bagay na tungkol sa kuru-kuro lamang. May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman. Ngunit ang isa namang mahina sa paniniwala ay gulay lamang ang kinakain. Ang kumakain ng kahit anong pagkain ay huwag humamak sa hindi kumakain. At ang hindi kumakain ay hindi dapat humatol sa kumakain ng kahit anong pagkain, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos. Sino ka upang humatol sa alipin ng iba? Ang kanyang panginoon lamang ang makapagsasabi kung siya'y tama o mali. At siya'y patutunayang tama sapagkat kaya siyang panindigan ng Panginoon. May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang araw. May iba namang pare-pareho lamang ang turing sa bawat araw. Maging panatag ang bawat isa sa kanyang sariling pag-iisip. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At ang kumakain ng kahit anong pagkain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat din sa Diyos. Sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang at walang namamatay para sa sarili lamang. Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para sa Panginoon; at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay para sa Panginoon. Dahil dito, si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Bakit (CG) mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat (CH) nasusulat,

“Yamang ako ay buháy,” sabi ng Panginoon, “sa aking harapan ang bawat isa ay luluhod,
    at ang bawat tao ay magpapahayag ng pagkilala sa Diyos.”

12 Kaya, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng sarili sa Diyos.

Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala

13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.