Bible in 90 Days
Pagbabayad ng Buwis sa Emperador(A)
20 Kaya minatyagan nila si Jesus at sila'y nagsugo ng mga espiya upang magkunwaring matatapat, nang sa gayo'y mahuli siya sa kanyang sasabihin at madala siya sa pamamahala at kapangyarihan ng gobernador. 21 Nagtanong ang mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming ikaw ay nagsasabi at nagtuturo nang tama at wala kang pinapanigang tao, sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. 22 Nararapat po bang magbayad ng buwis sa Emperador o hindi?” 23 Ngunit batid niya ang kanilang katusuhan kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo. Kaninong larawan at pangalan ang narito?” At sinabi nila, “Sa Emperador.” 25 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 26 At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang sinabi sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kanyang mga sagot at sila'y tumahimik.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(B)
27 Lumapit kay Jesus ang ilang Saduceo, ang mga hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Siya'y kanilang tinanong, 28 na nagsasabi, “Guro, isinulat sa atin ni Moises na kung namatay ang lalaking kapatid ng isang lalaki, at ang asawa nito'y naiwang walang anak, dapat na pakasalan ng lalaking naiwan ang asawa nito upang mabigyan ng anak ang kanyang namatay na kapatid. 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Ang ikalawa 31 at ang ikatlo hanggang ikapito ay pinakasalan ang balo ngunit lahat ay namatay na walang iniwang anak. 32 Sa huli ay namatay na rin ang babae. 33 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat ang pito ay naging asawa niya.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga tao sa kapanahunang ito ay nag-aasawa o pinag-aasawa. 35 Subalit ang mga karapat-dapat makabahagi sa kapanahunang iyon at sa muling pagkabuhay ay hindi mag-aasawa at pag-aasawahin. 36 Hindi na sila mamamatay, sapagkat para na silang mga anghel. Sila ay mga anak na ng Diyos at mga bunga ng muling pagkabuhay. 37 Ang muling pagkabuhay ng mga patay ay pinatunayan mismo ni Moises, sa kwento tungkol sa nagliliyab na mababang puno, nang tawagin niya ang Panginoon na ‘Diyos ni Abraham, at Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 38 Siya ay Diyos hindi ng mga patay kundi ng mga buháy sapagkat nabubuhay ang lahat sa kanya.” 39 Ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan ang nagsabi, “Guro, magaling ang iyong isinagot.” 40 Kaya, hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng kahit ano.
Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(C)
41 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Paano nila nasasabing ang Cristo ay anak ni David? 42 Gayong si David mismo ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43 hanggang sa magawa kong tuntungan ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’
44 Tinawag siya ni David na Panginoon. Paano siya naging anak ni David?”
Ang Babala tungkol sa mga Tagapagturo ng Kautusan(D)
45 Habang nakikinig ang lahat ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig maglakad na suot ang mahabang damit at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. Gustung-gusto rin nila ang mga pangunahing upuan sa sinagoga at mga upuang pandangal sa mga piging. 47 Kinakamkam nila ang mga tahanan ng mga babaing balo at kunwari'y nananalangin nang mahahaba. Mas matinding parusa ang tatanggapin ng mga taong iyan.”
Ang Handog ng Babaing Balo(E)
21 Nang tumingala siya, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang handog sa kabang-yaman ng templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na nag-alay ng dalawang kusing, 3 kaya't sinabi niya, “Totoo ang sinasabi ko sa inyo: ang mahirap na babaing balong iyon ang nag-alay ng higit sa ihinandog ng lahat. 4 Sapagkat lahat sila'y naghandog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, kahit sa kanyang kahirapan ay nag-alay ng buo niyang ikinabubuhay.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(F)
5 Samantalang nag-uusap ang ilan tungkol sa templo, kung paano ito nagagayakan ng magagandang bato at ng mga handog, sinabi ni Jesus, 6 “Darating ang panahon na lahat ng nakikita ninyong ito ay iguguho, at walang bato na makikitang nasa ibabaw ng isa pang bato.”
Mga Tanda at Pag-uusig na Darating(G)
7 Tinanong ng mga alagad si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang mga ito? At ano ang magiging tanda na malapit nang mangyari ang mga ito?” 8 At sinabi niya, “Mag-ingat kayo upang hindi mailigaw ng sinuman. Sapagkat marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo!’[a] at ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. 9 At kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot, sapagkat kailangan munang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang wakas.” 10 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Makikidigma ang isang bansa laban sa isang bansa at ang isang kaharian laban sa isang kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, mga taggutom at mga salot sa iba't ibang dako; at mula sa langit ay lilitaw ang mga kakila-kilabot at dakilang tanda. 12 Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, dadakpin muna nila kayo at uusigin. Dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan, at dahil sa aking pangalan ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. 13 Magbibigay sa inyo ito ng pagkakataon upang magpatotoo. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag isipin kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili. 15 Sapagkat ako ang magkakaloob sa inyo ng sasabihin at karunungan na hindi matututulan o mapabubulaanan ng lahat ng mga sumasalungat sa inyo. 16 Ipagkakanulo kayo maging ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Ngunit kahit isang hibla ng buhok ninyo sa ulo ay hinding-hindi malalagas. 19 Makakamit ninyo ang inyong buhay dahil sa inyong pagtitiis.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(H)
20 “Kapag nakita ninyong napalilibutan ng mga hukbo ang Jerusalem, alam ninyong malapit na ang pagkawasak nito. 21 Kaya't ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa bundok at ang mga nasa loob ng lungsod ay lumabas mula rito, at ang mga nasa bukid sa palibot nito ay huwag nang pumasok pa. 22 Sapagkat ito ang mga araw ng kaparusahan, bilang katuparan ng lahat ng mga naisulat. 23 Kaysaklap ng sasapitin ng mga nagdadalang-tao at nagpapasuso sa mga araw na iyon. Magkakaroon ng matinding pagdurusa sa lupain at poot laban sa bayang ito. 24 Mamamatay ang ilan sa pamamagitan ng patalim at ang iba'y dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa; at yuyurakan ng mga Hentil ang Jerusalem hanggang matupad ang mga panahon ng mga Hentil.”
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(I)
25 “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. At sa lupa, mababagabag ang mga bansa at ikalilito nila ang ugong at daluyong ng dagat. 26 Hihimatayin ang mga tao sa takot at mangangamba dahil sa mga darating sa daigdig sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalangitan. 27 Pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa alapaap at may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 At kapag nagsimula na ang mga ito, tumayo kayo at itingala ang inyong ulo sapagkat malapit na ang pagtubos sa inyo.”
Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(J)
29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, nakikita ninyo at nalalaman ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman kayo; kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, alam ninyong nalalapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Tinitiyak ko sa inyo: hinding-hindi lilipas ang salinlahing ito hangga't hindi nagaganap ang lahat. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hinding-hindi lilipas ang aking mga salita.”
Kailangang Magbantay
34 “Mag-ingat kayo upang hindi magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at paglalasing, at sa mga alalahanin sa buhay. Baka bigla na lang sumapit ang araw na iyon 35 na parang isang bitag. Sapagkat darating ito sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Idalangin ninyong magkaroon kayo ng lakas upang makatakas kayo sa lahat ng mangyayaring ito at tumayo sa harap ng Anak ng Tao.”
37 Si Jesus ay nagtuturo sa templo sa araw ngunit sa gabi ay nagpapalipas siya ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa lang ay nagpupunta na sa templo ang mga tao upang mapakinggan siya.
Ang Pakana Laban kay Jesus(K)
22 Nalalapit na noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa. 2 Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kung paano nila siya mapapatay, bagaman natatakot sila sa mga tao. 3 Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa labindalawa. 4 Umalis siya at nakipag-usap sa mga punong pari at mga pinuno ng mga bantay sa templo kung paano niya maipagkakanulo sa kanila si Jesus. 5 Natuwa sila at nagkasundong bigyan ng salapi si Judas. 6 Pumayag naman ito at naghanap ng pagkakataong ipagkanulo si Jesus sa kanila nang lingid sa maraming tao.
Ang Paghahanda para sa Paskuwa(L)
7 Sumapit ang Araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa kung kailan kailangang magpatay ng isang kordero bilang alay para sa Paskuwa. 8 Kaya't isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan at pinagbilinan, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang pagkain para sa Paskuwa upang kainin natin.” 9 At itinanong nila sa kanya, “Saan po ninyo nais na ihanda namin ito?” 10 Sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo; pagpasok ninyo sa lungsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukin. 11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinatatanong sa iyo ng Guro, nasaan ang silid-panauhin na makakainan niya ng pagkaing Paskuwa kasama ng kanyang mga alagad?’ 12 Ituturo sa inyo ng taong iyon ang isang malaking silid sa itaas; may mga kagamitan na roon. Doon kayo maghanda.” 13 Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus; at inihanda nila ang pagkain para sa Paskuwa.
Ang Hapunan ng Panginoon(M)
14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag na kasama ang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang inaasam na makasalo kayo sa hapunang ito ng Paskuwa bago ako magdusa. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyong hinding-hindi na ako kakain nito hanggang maganap ito sa paghahari ng Diyos.” 17 At kumuha siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat ay kanyang sinabi, “Kunin ninyo ito at pagsalu-saluhan. 18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na mula ngayon, hinding-hindi na ako iinom ng katas ng ubas hanggang sa dumating ang paghahari ng Diyos.” 19 Dumampot siya ng tinapay, at matapos magpasalamat ay pinagputul-putol ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na ibinibigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Matapos kumain, ganoon din ang ginawa niya sa kopa, sinabi niya, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo na nabubuhos para sa inyo. 21 Ngunit narito at kasalo ko sa hapag ang kamay ng magkakanulo sa akin. 22 Sapagkat ang Anak ng Tao nga ay tutungo ayon sa itinakda, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong magkakanulo sa kanya.” 23 Kaya't nagsimula silang magtanungan kung sino kaya sa kanila ang gagawa ng ganoon.
Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan
24 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 25 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Ang pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang mga nasasakupan; at ang mga nasa kapangyarihan ay itinuturing nilang mga tagatangkilik. 26 Ngunit hindi ganoon sa inyo; sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang kailangang maging parang pinakabata, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sapagkat sino ba ang higit na dakila? Ang nakaupo sa hapag o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Ngunit ako ay kasama ninyo bilang tagapaglingkod. 28 Kayo ang nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok. 29 At inilalaan ko sa inyo ang isang kaharian, kung paano rin inilaan ng Ama ang isang kaharian para sa akin, 30 upang kayo'y makakain at makainom sa aking hapag sa aking kaharian. At mauupo kayo sa mga trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel.”
Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(N)
31 “Simon, Simon, makinig ka! Hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng sa trigo. 32 Ngunit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya; at kapag nagbalik-loob ka na, dapat mong palakasin ang iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong sumama sa inyo hanggang sa bilangguan o sa kamatayan.” 34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.”
Walang Supot, Pagkain, Sandalyas
35 Sinabi niya sa kanila, “Nang isugo ko kayong walang lalagyan ng salapi, o baunan ng pagkain, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At sinabi nila, “Hindi po.” 36 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, magdala kayo ng lalagyan ng salapi at ng pagkain. At ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng tabak. 37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang bahaging ito ng Kasulatan ay kailangang matupad sa akin, ‘Ibinilang siya sa mga salarin.’ Natutupad na nga ang nasusulat tungkol sa akin.” 38 At sinabi ng mga alagad, “Panginoon, narito ang dalawang tabak.” Sumagot siya, “Tama na!”
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(O)
39 Gaya ng kanyang nakaugalian, lumabas si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo; sumunod naman sa kanya ang mga alagad. 40 Pagdating doon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 At humiwalay siya sa kanila nang di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 “Ama,” wika niya, “kung mamarapatin mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunpaman, huwag ang aking kalooban kundi ang sa iyo ang masunod.” [ 43 At nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit na nagpalakas sa kanya.[b] 44 Sa tindi ng paghihirap, pinaigting pa niya ang pananalangin. At nagmistulang patak ng dugong tumutulo sa lupa ang kanyang pawis.] 45 Pagtayo niya sa pananalangin, naratnan niyang natutulog ang mga alagad dahil sa kalungkutan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Ang Pagdakip kay Jesus(P)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Pinangungunahan ang mga ito ng taong tinatawag na Judas, isa sa Labindalawa. Lumapit ito kay Jesus upang siya'y hagkan. 48 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Judas, sa pamamagitan ba ng isang halik ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng Tao?” 49 Nang makita ng mga kasama niya ang nangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamit na ba kami ng tabak?” 50 At tinaga ng isa sa kanila ang lingkod ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang kanang tainga nito. 51 Subalit sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Pagkatapos, hinipo niya ang tainga ng lingkod at ito ay pinagaling. 52 At sinabi ni Jesus sa mga punong pari, mga pinuno ng bantay ng templo at mga matatandang pinuno ng bayan na nagsadya sa kanya, “Sumugod kayo ritong may dalang mga tabak at pamalo, ako ba ay tulisan? 53 Araw-araw ninyo akong kasama sa templo ngunit ako'y hindi ninyo hinuhuli. Subalit ito na ang oras ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(Q)
54 Dinakip si Jesus, at dinala sa bahay ng Kataas-taasang Pari. Sa di-kalayuan naman ay sumunod si Pedro. 55 Ang mga tao ay nagpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at naupong magkakasama. Nakiupo ring kasama nila si Pedro. 56 Isang babaing lingkod ang nakakita sa kanya na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro at sinabi, “Kasamahan din niya ang taong ito!” 57 Subalit itinanggi ito ni Pedro at sinabi, “Babae, hindi ko siya kilala!” 58 Hindi nagtagal at mayroon muling nakakita sa kanya at nagsabi, “Isa ka rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi.” 59 Makalipas ang halos isang oras, iginigiit ng isa pa, “Tiyak na kasamahan niya ang lalaking ito sapagkat siya ay taga-Galilea rin.” 60 At sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” Hindi pa siya tapos sa pagsasalita nang biglang tumilaok ang tandang. 61 Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro; at naalala ni Pedro ang mga salita ng Panginoon nang sabihin nito sa kanya, “Sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.” 62 Kaya lumabas siya at umiyak nang buong kapaitan.
Kinutya at Binugbog si Jesus(R)
63 Sinimulan ng mga lalaking nagbabantay kay Jesus na siya'y kutyain at bugbugin. 64 Piniringan siya at tinanong ng ganito, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” 65 Marami pang ibang panlalait ang sinabi sa kanya.
Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(S)
66 Kinaumagahan, nagtipun-tipon ang mga matatandang pinuno ng bayan, mga punong pari at maging ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala si Jesus sa kanilang Sanhedrin. 67 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Sumagot siya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi kayo sasagot. 69 Ngunit magmula ngayon, mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos ang Anak ng Tao.” 70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.” 71 At sinabi nila, “Bakit pa natin kailangan ng patunay? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(T)
23 Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Nagsimula sila na paratangan si Jesus. Sinabi nila, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbubuwis sa Emperador. Sinasabi rin niyang siya ang Cristo, ang hari.” 3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot siya, “Ikaw ang may sabi n'yan.” 4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan ng taong ito.” 5 Ngunit nagpumilit sila at sinabi, “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo sa buong Judea, mula Galilea hanggang sa lugar na ito.”
Si Jesus sa Harapan ni Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, nagtanong siya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niya na ang taong ito ay sakop ni Herodes, ipinadala niya ito kay Herodes, na nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita si Jesus, sapagkat matagal na niyang nais na makita ito dahil sa mga narinig niya tungkol dito. Umaasa rin siyang makakita ng himalang gagawin ni Jesus. 9 Marami siyang itinanong dito, ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Nakatayo roon ang mga punong pari at tagapagturo ng Kautusan na walang tigil sa pagbibintang kay Jesus. 11 Kinutya siya at hinamak ni Herodes kasama ng mga kawal nito. Dinamitan siya ng magagandang kasuotan at pagkatapos ay ibinalik kay Pilato. 12 Kaya't ang dating magkagalit na sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan nang araw din na iyon.
Hinatulan ng Kamatayan si Jesus(U)
13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga taong-bayan. 14 Sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na parang nang-uudyok sa taong-bayan na maghimagsik. Pakinggan ninyo: ako ang nagsiyasat sa kanya sa inyong harapan at hindi ko matagpuang nagkasala ang taong ito ng ano mang bintang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ibinalik niya ang taong ito sa atin. Ang taong ito'y walang ginawang nararapat sa parusang kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” 17 [Tuwing Paskuwa, kailangang magpalaya siya ng isang bilanggo para sa kanila.][c] 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, “Patayin ang taong iyan! Palayain sa amin si Barabas.” 19 Si Barabas ay isang lalaking nabilanggo dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa salang pagpaslang. 20 Sa kagustuhang mapalaya si Jesus, muling nagsalita sa kanila si Pilato. 21 Subalit nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Kaya't nagsalita siya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit? Ano'ng ginawang masama ng taong ito? Wala akong matagpuang sala sa kanya na karapat-dapat sa parusang kamatayan. Kaya matapos ko siyang ipahagupit, siya'y aking palalayain.” 23 Ngunit patuloy silang nagsigawan at nagpilit hinging ipako sa krus si Jesus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 Kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong kanilang hiniling, ang nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpaslang, at ibinigay niya si Jesus sa kanila gaya ng kanilang nais.
Ipinako sa Krus si Jesus(V)
26 Habang dinadala nila si Jesus, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na galing noon sa bukid at ipinapasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. 27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming mga tao, kabilang ang mga babaing nagdadalamhati at nananaghoy para sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ako ang iyakan ninyo kundi ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Sapagkat tiyak na darating ang mga araw kung kailan sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa sandaling iyon ay magsisimula silang magsabi sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ginawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari kung ito ay tuyo?”
32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][d] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak. 37 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 May nakasulat din sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39 Isa sa mga salaring nakapako ang nagpatuloy sa paglait sa kanya. Sinabi nito, “Hindi ba't ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili; iligtas mo rin kami.” 40 Ngunit sinaway siya ng isa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos gayong ikaw ay pinarurusahan din gaya niya? 41 Tama lang tayong maparusahan sapagka't dapat nating pagbayaran ang ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo, ngayon di'y makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Kamatayan ni Jesus(W)
44 Noon ay magtatanghaling-tapat na,[e] at ang buong lupain ay nabalot ng dilim hanggang ikatlo ng hapon.[f] 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito'y nalagutan siya ng hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” 48 At nang makita ng lahat ng mga taong nagkakatipon doon ang nangyaring ito ay umuwi silang matindi ang kalungkutan. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, kabilang ang ilang kababaihan ay nakatayo sa di-kalayuan at pinagmamasdan ang mga pangyayari.
Ang Paglilibing kay Jesus(X)
50 May isang lalaking mabuti at matuwid na ang pangalan ay Jose, na bagama't kabilang sa Sanhedrin, 51 ay hindi sang-ayon sa kanilang kapasyahan at ginawa. Siya ay taga-Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at naghihintay siya sa paghahari ng Diyos. 52 Lumapit ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Doon ay wala pang naililibing. 54 Noon ay araw ng Paghahanda at malapit na ang Sabbath. 55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Nang dumating ang Sabbath ay nagpahinga sila ayon sa Kautusan.
Nabuhay Muli si Jesus(Y)
24 Maagang-maaga pa ng unang araw ng sanlinggo, pumunta na ang mga babae sa libingan dala ang mga pabango na kanilang inihanda. 2 Natagpuan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. 3 Pagpasok nila ay hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Habang sila ay takang-taka dahil dito, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nagniningning ang kasuotan. 5 Sa kanilang takot ay dumapa sila sa lupa. Sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa piling ng mga patay? 6 Wala siya rito. Siya'y muling binuhay! Natatandaan ba ninyo ang sinabi niya sa inyo nang nasa Galilea pa siya? 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng makasalanan, at ipako sa krus, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’ ” 8 Kaya't naalala nila ang sinabi ni Jesus. 9 Pagbalik nila mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng iyon sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan. 10 Ang nagbalita ng mga ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila. 11 Ngunit inakala ng mga apostol na walang kabuluhan ang mga iyon kaya't hindi nila pinaniwalaan ang mga babae. 12 Ngunit tumakbo si Pedro patungo sa libingan at nang yumukod ay nakita na lamang niya ang mga telang lino. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.
Ang Paglalakad Patungong Emaus(Z)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakbay patungo sa nayong kung tawagin ay Emaus na may labindalawang kilometro[g] ang layo sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga nangyaring ito. 15 Habang sila ay nag-uusap at nagpapaliwanagan, mismong si Jesus ay lumapit at nakisabay sa kanila. 16 Subalit tila tinakpan ang kanilang mga mata upang siya ay hindi nila makilala. 17 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo habang kayo'y naglalakad?” At tumigil silang bakas ang kalungkutan sa mukha. 18 Sumagot ang isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, “Ikaw lang ba ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na nangyari doon sa mga araw na ito?” 19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila, “Ang mga tungkol kay Jesus na taga-Nazareth, isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan. 20 Ibinigay siya ng aming mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Subalit umasa sana kaming siya ang tutubos sa Israel. Bukod pa sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang nangyari ang mga ito. 22 Binigla pa kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga pa lang, nagpunta sila sa libingan, 23 ngunit hindi nila natagpuan doon ang kanyang bangkay, kaya bumalik sila at sinabi sa amin na nagkaroon sila ng isang pangitain ng mga anghel na nagsasabing buháy si Jesus. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila gaya ng sinabi ng mga babae ngunit siya ay hindi nila nakita.” 25 Sinabi niya sa kanila, “Mga hangal! Kay bagal naman ng inyong pang-unawa at hindi pinaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't ang Cristo ay kailangang magdusa ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 Ipinaliwanag niya sa kanila ang sinasabi ng lahat ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises at sa lahat ng mga propeta. 28 Nang malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan, lumalakad siya na parang magpapatuloy pa, 29 ngunit siya'y kanilang pinakiusapan ng ganito: “Tumuloy muna kayo sa amin sapagkat gumagabi na at lumulubog na ang araw.” Kaya't pumasok siya upang tumuloy sa kanila. 30 Nang nakaupo siya sa hapag kasalo nila, kumuha siya ng tinapay at ito'y binasbasan. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, ngunit bigla na lang siyang naglaho sa kanilang paningin. 32 At sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan, habang ipinapaliwanag niya sa atin ang Kasulatan?” 33 Nang oras ding iyon ay bumalik sila sa Jerusalem; natagpuan nila na nagtitipon doon ang labing-isa at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Sabi nila, “Totoo ngang nabuhay muli ang Panginoon at nagpakita kay Simon!” 35 Kaya't isinalaysay nila ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang siya'y magpuputul-putol ng tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(AA)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa gitna nila at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37 Subalit kinilabutan sila at natakot at inakala nilang espiritu ang kanilang nakikita. 38 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at aking mga paa. Ako ito. Hipuin ninyo ako at masdan; sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, at nakikita ninyong mayroon ako ng mga ito.” 40 At pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. 41 Bagama't hindi pa sila lubusang makapaniwala dahil sa tuwa at pagkamangha, sinabi sa kanila ni Jesus, “Mayroon ba kayo ritong makakain?” 42 Kaya't siya ay binigyan nila ng isang piraso ng inihaw na isda. 43 At pagkatanggap nito, kumain siya sa harapan nila. 44 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinabi ko sa inyo noong kasama ko pa kayo. Kailangang matupad ang lahat ng naisulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga Propeta, at sa mga Awit.” 45 At binuksan niya ang kanilang isipan upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ito nga ang nasusulat: magdurusa ang Cristo ngunit babangong muli sa ikatlong araw mula sa kamatayan, 47 at sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan ay ipapangaral sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Mga saksi kayo sa lahat ng mga ito. 49 Tandaan ninyo; ako mismo ang magpapadala sa inyo ng ipinangako sa inyo ng aking Ama; ngunit manatili kayo sa lungsod hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”
Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(AB)
50 Isinama ni Jesus sa labas ng lungsod ang mga alagad hanggang sa Betania; itinaas niya ang kanyang mga kamay at binasbasan sila. 51 Habang sila'y binabasbasan, siya'y papalayo sa kanila. At dinala siyang paitaas sa langit. 52 At siya'y sinamba nila, pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. 53 Palagi sila sa templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
Nagkatawang tao ang Salita
1 Noong simula pa lamang ay naroon na ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Kasama na niya ang Diyos noong simula pa. 3 Nilikha ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya, at kung wala siya, walang anumang nilikha. Ang lahat ng nilikha 4 ay nagkaroon ng buhay sa pamamagitan niya, at ang buhay na ito ay ilaw ng sangkatauhan. 5 Ang ilaw ay nagliliwanag sa kadiliman at ang kadiliman ay hindi nanaig sa ilaw. 6 (AC)Isinugo ng Diyos ang isang taong nagngangalang Juan. 7 Dumating siya bilang isang saksi at upang magpatotoo tungkol sa ilaw, nang sa gayon ay maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw, kundi isang magpapatotoo lamang tungkol sa ilaw. 9 Dumarating sa sanlibutan ang tunay na ilaw upang magliwanag sa bawat tao. 10 Siya ay nasa sanlibutan, at nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya subalit hindi siya naunawaan nito. 11 Dumating siya sa sarili niyang bayan subalit hindi siya tinanggap ng bayan niyang ito. 12 Subalit sa lahat ng tumanggap sa kanya, sa mga sumampalataya sa pangalan niya, sila'y binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos; 13 na hindi ipinanganak ayon sa dugo, ni ayon sa laman o kalooban ng tao, kundi ayon sa Diyos. 14 Naging tao ang Salita, at nanirahan sa piling natin na puspos ng kagandahang-loob at katotohanan; nasaksihan namin ang kanyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na tulad ng sa kaisa-isang anak na nagmula sa Ama. 15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw na sinasabi, “Siya ang tinukoy ko nang sabihin kong, ‘Siya na dumarating kasunod ko ay higit kaysa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin.’ ” 16 At tumanggap tayong lahat mula sa kanyang kapuspusan; kagandahang-loob na sinundan pa ng kagandahang-loob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises; ang kagandahang-loob at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y walang nakakita sa Diyos; ang natatanging Diyos[h] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.
Ang Pagpapatotoo ni Juan
19 At ito ang patotoo ni Juan nang nagpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, “Sino ka ba?” 20 Nagpahayag siya at hindi nagkaila, kundi sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 (AD)At tinanong nila si Juan, “Kung gayon, ikaw ba si Elias?” Sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At sumagot siya, “Hindi.” 22 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Sino ka? Bigyan mo kami ng kasagutang maaari naming ibigay sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 (AE)Sinabi niya,
“Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon,’
tulad ng sinabi ni propetang Isaias.” 24 Ang mga ito ay sugo mula sa mga Fariseo. 25 Muli silang nagtanong sa kanya, “Kung gayon bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, hindi rin ikaw si Elias, ni ang propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo kilala; 27 siya ang dumarating na kasunod ko; hindi ako karapat-dapat na magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.” 28 Nangyari ito sa Betania sa kabilang ibayo ng Jordan kung saan nagbabautismo si Juan.
Ang Kordero ng Diyos
29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Mga Naunang Alagad ni Jesus
35 Nang sumunod na araw, naroon muli't nakatayo si Juan kasama ng dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Minasdan niya si Jesus habang naglalakad ito at sinabing, “Narito, ang kordero ng Diyos!” 37 Narinig ng dalawang tagasunod niya nang sabihin niya ito kaya sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus, nakita niya silang sumusunod kaya sinabi niya sa kanila, “Ano ang hinahanap ninyo?” At sinabi nila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang kahulugan ng “Rabbi” ay guro.) 39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo nang makita ninyo.” Sumama nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, at mag-iikaapat na ng hapon noon. 40 Isa sa dalawang nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesiyas” (na ang katumbas ay Cristo). 42 Siya'y dinala niya kay Jesus. Tumingin si Jesus sa kanya at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang itatawag na sa iyo ay Cefas[i] ”(na ang katumbas ay Pedro).
Si Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na magpunta sa Galilea. Doon ay natagpuan niya si Felipe at sinabi rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, lungsod nina Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa rito, “Natagpuan na namin siya na tinutukoy ni Moises sa Kautusan, na siya ring isinulat ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazareth, ang anak ni Jose.” 46 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “May mabuting bagay ba na maaring manggaling sa Nazareth?” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit kung kaya't siya'y nagsalita ng tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya.” 48 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “Paano po ninyo ako nakilala?” Sinagot siya ni Jesus, “Bago ka tawagin ni Felipe, nakita kita habang nasa ilalim ng puno ng igos.” 49 Sinagot siya ni Nathanael at sinabi, “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang hari ng Israel!” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka ba dahil sinabi ko sa'yo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Mga dakilang bagay na higit pa sa mga ito ang makikita mo.” 51 (AF)At sinabi pa niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng Tao.”
Ang Kasalan sa Cana
2 Nang ikatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. 2 Inanyayahan din sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 At nang kinulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” 4 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, ano'ng kinalaman nito sa akin at sa iyo? Hindi pa ito ang aking panahon.” 5 Kinausap ng kanyang ina ang mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya.” 6 Mayroon doong anim na banga na ginagamit ng mga Judio sa paglilinis ayon sa Kautusan. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nga nila ang mga ito hanggang halos umapaw. 8 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ngayon, kumuha kayo, at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya iyon nga ang ginawa nila. 9 Tinikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak na. Dahil hindi niya alam kung saan ito nanggaling, bagama't alam ng mga lingkod na kumuha ng tubig, tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kanya, “Karaniwang inihahain muna ng tao ang mataas na uri ng alak, at saka pa lamang ihahain ang mababang uri nito kapag ang lahat ay lasing na. Ngunit ngayon mo lamang inilabas ang mataas na uri ng alak.” 11 Ito ang una sa mga himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito sa Cana ng Galilea at sa gayo'y ipinahayag niya ang kanyang kaluwalhatian. At sumampalataya nga sa kanya ang kanyang mga alagad. 12 (AG)Pagkaraan nito nagtungo siya sa Capernaum kasama ang kanyang ina, mga kapatid at mga alagad. Doo'y nanatili sila ng ilang araw.
Nilinis ni Jesus ang Templo(AH)
13 (AI)Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nadatnan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at mga mámamalit ng salapi. 15 Dahil dito, gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya ang lahat palabas ng templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ipinagtatapon niya ang mga salapi ng mga mámamalit at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo ang lahat ng ito! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” 17 (AJ)At naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, “Ang malasakit para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” 18 Dahil dito, sinabi ng mga Judio sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin bilang dahilan para gawin mo ang mga bagay na ito?” 19 (AK)Sumagot sa kanila si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli kong itatayo.” 20 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Itinayo ang templong ito sa loob ng apatnapu't anim na taon, at itatayo mo ito sa loob lamang ng tatlong araw?” 21 Ngunit ang tinutukoy niyang templo ay ang kanyang katawan. 22 At nang siya'y binuhay mula sa kamatayan, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya't naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Kilala ni Jesus ang Lahat ng Tao
23 Nang siya'y nasa Jerusalem noong Pista ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan nang makita nila ang mga himala na kanyang ginawa. 24 Subalit hindi nagtiwala si Jesus sa kanila, 25 dahil kilala niya ang lahat ng mga tao at hindi niya kailangan ang sinuman para magpatunay tungkol sa tao, sapagkat alam niya kung ano ang niloloob nila.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang taong nagngangalang Nicodemo, isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. 2 Kinagabiha'y pumunta kay Jesus ang taong ito at sinabi sa kanya, “Rabbi, alam po naming ikaw ay isang gurong mula sa Diyos, sapagkat walang sinumang makagagawa ng mga himalang ginagawa mo malibang sumasakanya ang Diyos.” 3 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang tao'y ipanganak mula sa itaas,[j] hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” 4 Sinabi ni Nicodemo sa kanya, “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Maaari ba siyang pumasok muli sa sinapupunan ng kanyang ina upang maipanganak?” 5 Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kailangang kayo'y ipanganak mula sa itaas[k].’ 8 Ang hangin[l] ay umiihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang tunog nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumupunta. Gayundin ang sinumang ipinanganak sa Espiritu.” 9 Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paano pong mangyayari ang mga ito?” 10 Sumagot si Jesus, “Guro ka ng Israel, at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nagsasalita kami tungkol sa alam namin, at nagpapatotoo sa mga nakita namin; ngunit hindi ninyo ito tinatanggap. 12 (AL)Kung ang sinabi ko sa inyo na mga bagay na panlupa ay hindi ninyo pinaniniwalaan, paano kayong maniniwala kung mga bagay na panlangit na ang sasabihin ko sa inyo? 13 (AM)Walang sinumang nakaakyat sa langit maliban sa kanya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 (AN)At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, ganoon din kailangang maitaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat ganoon inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat isinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang sanlibutan. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na, sapagkat hindi siya sumasampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos. 19 At ito ang hatol: dumating sa sanlibutan ang ilaw, ngunit mas inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw, dahil masasama ang kanilang mga gawa. 20 Ang sinumang gumagawa ng mga masama ay namumuhi sa ilaw, at hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang sinumang nagsasagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, nang sa gayon ay mahayag na ang ginagawa niya ay naaayon sa Diyos.”
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo
22 Pagkatapos ng mga ito, nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doo'y nanatili siya kasama nila at nagbautismo. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang dumating at nabautismuhan. 24 (AO)(Hindi pa nakakulong si Juan nang mga panahong ito.) 25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't lumapit sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabbi, ang taong kasama mo sa kabila ng Jordan, na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo. Pumupunta sa kanya ang lahat.” 27 Sumagot si Juan, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ibinigay sa kanya mula sa langit. 28 (AP)Kayo mismo ay mga saksi nang sabihin kong hindi ako ang Cristo, kundi ako ay isinugong una sa kanya. 29 Ang kasama ng kasintahang babae ay ang lalaking ikakasal. Nakatayo ang kaibigan ng lalaking ikakasal at siya'y lubos na nagagalak dahil sa narinig na niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Dahil dito'y lubos na rin ang aking kagalakan. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Ang Nagmula sa Langit
31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (AQ)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.
Si Jesus at ang Babaing Taga-Samaria
4 Nang malaman ni Jesus na narinig ng mga Fariseo na siya ay nakahihikayat ng mas maraming alagad at nagbabautismo ng mas marami kaysa kay Juan— 2 bagama't hindi naman si Jesus ang nagbabautismo kundi ang kanyang mga alagad,— 3 umalis siya ng Judea at nagtungo muli sa Galilea. 4 Kailangan niyang dumaan sa Samaria, 5 (AR)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. 6 Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[m] na noon 7 nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” 8 (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) 9 (AS)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.” 27 Dumating ang kanyang mga alagad at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae, ngunit wala ni isa mang nagtanong sa babae, “Anong gusto mo?” o kay Jesus, “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?” 28 Pagkatapos ay iniwan ng babae ang kanyang sisidlan ng tubig at umalis papuntang lungsod, at sinabi niya sa mga tao, 29 “Halikayo, tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na nga kaya ang Cristo?” 30 Kaya't sila'y lumabas ng lungsod at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Mayamang Pinuno
43 Pagkalipas ng dalawang araw, pumunta si Jesus sa Galilea, 44 (AT)sapagkat siya mismo ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan. 45 (AU)Kaya nang dumating siya sa Galilea, tinangkilik siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa sa Jerusalem noong kapistahan, sapagkat sila man ay naroroon din. 46 (AV)Muli siyang nagpunta sa Cana ng Galilea. (Doon niya ginawang alak ang tubig.) Sa Capernaum, may isang mayamang pinunong may anak na lalaki na nagkasakit. 47 Nang mabalitaan nito na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, nagpunta ito sa kanya. Hiniling ng pinuno kay Jesus na puntahan ang kanyang anak na lalaki upang pagalingin, sapagkat malapit na iyong mamatay. 48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung hindi pa kayo makakita ng mga himala at mga kababalaghan, hinding-hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta na po kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka na, mabubuhay ang anak mo.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus at siya'y umalis na. 51 Habang siya'y naglalakad, sinalubong siya ng kanyang mga lingkod at ibinalita sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya sila kung anong oras ito gumaling, at ang sabi nila, “Ala-una[n] po kahapon nang mawalan siya ng lagnat.” 53 Naalala ng ama na iyon ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus na mabubuhay ang kanyang anak. At siya'y sumampalataya, pati na rin ang buo niyang sambahayan. 54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito nang siya'y dumating sa Galilea mula sa Judea.
Pinagaling ni Jesus ang mga may Sakit
5 Matapos ang mga ito, habang nagdiriwang ng Pista ang mga Judio, pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa Jerusalem, sa tabi ng Bakod ng mga Tupa ay may imbakan ng tubig na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bethzatha na may limang malaking haligi. 3 Sa mga ito'y nakahiga ang maraming may sakit—mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. 4 Sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumababa sa imbakan ng tubig at kinalawkaw ang tubig doon; ang sinumang maunang makarating doon ay gagaling.[o] 5 Naroon ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may karamdaman. 6 Nakita ni Jesus ang lalaking ito at alam niyang ito'y nakahiga na roon nang mahabang panahon, kaya't sinabi niya sa kanya, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sinagot siya ng lalaki, “Ginoo, wala po akong kasama na maglulusong sa akin sa imbakan ng tubig habang ito'y kinakalawkaw, at kapag ako'y papunta na roon, may nauuna na sa akin.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 At gumaling kaagad ang lalaki, dinala niya ang kanyang higaan at siya'y naglakad. Nangyari ito nang araw ng Sabbath. 10 (AW)Kaya't sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Sabbath ngayon, at hindi naaayon sa batas na dalhin ang iyong higaan.” 11 Ngunit sila'y kanyang sinagot, “Ang lalaking nagpagaling sa akin ang nagsabi na dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” 12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang nagsabi sa iyong dalhin mo ang iyong higaan at lumakad?” 13 Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil umalis si Jesus nang dumami na ang tao sa lugar na iyon. 14 Pagkalipas ng mga ito, natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, magaling ka na! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan upang wala nang masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya, inusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginawa niya ang mga ito sa araw ng Sabbath. 17 Ngunit sinagot sila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa gawain at ako'y ganoon din.” 18 (AX)Dahil dito, lalong nagsumikap ang mga Judio na patayin siya, dahil hindi lamang niya nilabag ang tuntunin ukol sa Sabbath, kundi sinabi rin niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayo'y ipinapantay ang sarili niya sa Diyos.
Ang kapangyarihan ng Anak
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak mula sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat kung anuman ang ginagawa ng Ama, iyon din ang ginagawa ng Anak. 20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kanya ang lahat ng ginagawa niya; at mas higit pa sa mga bagay na ito ang ipapakita ng Ama sa kanya, nang sa gayon, kayo ay mamangha. 21 At kung paanong ibinabangon at binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din namang bubuhayin ng Anak ang sinumang naisin niya. 22 Hindi hinahatulan ng Ama ang sinuman, ngunit ibinigay niya sa Anak ang lahat ng paghatol. 23 Sa gayon, ang lahat ay magpaparangal sa Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya. 24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig sa salita ko at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan; hindi na siya daranas ng paghatol, sapagkat nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, darating ang oras, at ngayon na nga, kung saan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga makaririnig ay mabubuhay. 26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ipinagkaloob din niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili, 27 at ibinigay sa kanya ang kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka, sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig sa kanyang tinig, 29 (AY)at ang mga gumawa ng mabubuting bagay ay babangon tungo sa buhay, at ang mga gumawa ng masasamang bagay ay babangon tungo sa paghatol. 30 Hindi ako gumagawa nang ayon sa aking sariling kapangyarihan. Humahatol ako ayon sa naririnig ko. At ang hatol ko ay makatarungan, sapagkat hindi ko hangad ang sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Mga Patotoo tungkol kay Jesus
31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo para sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi kapani-paniwala. 32 May iba pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong ang patotoo niya ay kapani-paniwala. 33 (AZ)Kayo mismo ang nagpadala kay Juan ng mga sugo, at ang sinabi niya ay totoo. 34 Hindi sa kailangan ko ng patotoo ng tao, kundi sinasabi ko ang mga ito upang kayo ay maligtas. 35 (BA)Si Juan ay ilawang nagliliyab at nagliliwanag, at ginusto ninyong masiyahan kahit sandali sa kanyang liwanag. 36 Ngunit ako mismo ay may patotoo na higit kaysa patotoo ni Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama upang gampanan, na siya namang ginagawa ko, ay nagpapatunay na ako ay sinugo ng Ama. 37 (BB)Ang Ama na nagsugo sa akin ay siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nananatili sa inyo ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo naniniwala sa kanyang isinugo. 39 (BC)Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga ito'y magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng papuring mula sa mga tao. 42 Subalit kilala ko kayo; wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at hindi ninyo ako tinatanggap; subalit kung may isang darating sa sarili niyang pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala kung kayu-kayo ang pumupuri sa inyong sarili, at hindi ninyo hinahangad ang papuri mula sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal sa inyo sa harapan ng Ama. Ang nagsasakdal sa inyo ay si Moises na siyang pinaglalagakan ninyo ng pag-asa. 46 Kung pinaniwalaan ninyo si Moises, sana'y pinaniwalaan din ninyo ako, sapagkat siya ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinabi ko?”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.