Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
1 Tesalonica 1 - Filemon

Panimula

Mula (A) kina Pablo, Silas, at Timoteo; para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, na hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos.

Ang Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming dalangin. Sa mga dalangin nami'y ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang gawain ninyo na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagsisikap dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiyaga dahil sa inyong matibay na pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Alam namin, mga kapatid na minamahal ng Diyos, na siya ang humirang sa inyo. Sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo, hindi ito sa pamamagitan ng salita lamang, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang mula sa Banal na Espiritu kasama ang lubos naming pananalig sa aming ipinapahayag. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling alang-alang sa inyo. Nang (B) tinanggap ninyo ang aming ipinapangaral, tumulad kayo sa aming halimbawa at sa halimbawa ng Panginoon. Ginawa ninyo ito sa kabila ng matinding paghihirap, ngunit tinaglay pa rin ninyo ang kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. Kaya nga kayo'y naging huwaran ng lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaia. Hindi lamang ang Salita ng Diyos ang lumaganap sa mga lugar na iyon sa pamamagitan ninyo. Pati ang inyong pananampalataya'y nakilala na rin sa lahat ng dako, kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman. Sila na mismo ang nagbalita kung paano ninyo kami tinanggap at kung paano ninyo tinalikdan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 hintayin ang pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit, si Jesus na kanyang muling binuhay mula sa mga patay, ang ating tagapagligtas mula sa poot na darating.

Ang Gawain ni Pablo sa Tesalonica

Alam ninyong lahat mga kapatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong pinahirapan kami at hinamak sa Filipos, ngunit ang Diyos ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin na ipahayag sa inyo ang kanyang ebanghelyo sa kabila ng maraming pagtutol. Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi nagmumula sa masamang layunin at hangad na manlinlang o kaya nama'y nais namin kayong dalhin sa kamalian. Dahil minarapat ng Diyos na sa amin ay ipagkatiwala ang ebanghelyo, nangangaral kami hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng aming puso. Alam ng Diyos at alam din ninyo na hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri sa aming pangangaral, o ginamit ang aming pangangaral bilang balatkayo ng anumang sakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ng sinumang tao, kahit mula sa inyo, bagaman bilang mga apostol ni Cristo ay may katwiran kaming humingi ng tulong sa inyo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang anak. Dahil sa laki ng aming pananabik sa inyo, buong kagalakang ibinahagi namin sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay, dahil napamahal na kayo sa amin. Tiyak na naaalala pa ninyo, mga kapatid, ang mga pagod at hirap namin; kung paano kami nagsikap araw at gabi upang hindi kami maging pasanin ninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo at ang Diyos ang aming saksi kung paano naging dalisay, matuwid, at walang-kapintasan ang aming pakikitungo sa inyong mga mananampalataya. 11 Alam ninyo kung paano kami naging tulad ng isang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas ang inyong loob at hinikayat na mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyong makibahagi sa kanyang paghahari at luwalhati.

13 Patuloy din ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang salita, tinanggap ninyo ito hindi bilang mula sa tao kundi bilang salita ng Diyos na nagbubunga sa inyong mga sumasampalataya. 14 Tinularan ninyo, mga kapatid, ang halimbawa ng mga iglesya ng Diyos sa Judea na nakay Cristo Jesus. Dumanas din kayo ng hirap mula sa kamay ng sarili ninyong mga kababayan, gaya rin ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Sila ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta; sila rin ang nagpalayas sa amin. Hindi sila kalugud-lugod sa Diyos, gayundin sa lahat ng tao! 16 Pilit silang humahadlang sa aming pangangaral sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Sukdulan na ang kanilang kasamaan kaya naman bumagsak na sa kanila ang poot ng Diyos.

Ang Pagnanais ni Pablo na Dalawin ang Iglesya

17 Mga kapatid, sa maikling panahon na tayo'y nagkahiwalay—sa katawan ngunit hindi sa damdamin—lalo kaming nasasabik na magkasama tayong muli. 18 Talagang gusto naming bumalik sa inyo—lalung-lalo na ako—ngunit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sino ba ang aming pag-asa, kaligayahan, o koronang maipagmamalaki namin sa harap ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.

Kaya't nang hindi na namin iyon matagalan, nagpasya kaming magpaiwan sa Atenas at isugo sa inyo si Timoteo, isang kapatid at kamanggagawa ng Diyos sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Cristo. Sinugo namin siya upang palakasin at pasiglahin kayo sa inyong pananampalataya, upang walang sinuman sa inyo ang manghina dahil sa mga pagsubok na ito. Kayo mismo ang nakababatid na ang pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Sinabi na namin ito sa inyo noong magkasama pa tayo na tayo'y uusigin, at alam ninyong ganito nga ang nangyayari ngayon. Kaya't nang hindi na ako makatiis, nagpadala na ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala akong baka nalinlang na kayo ng diyablo at mawalan ng saysay ang aming mga paghihirap.

Ngunit ngayo'y nakabalik na dito si Timoteo at dala ang Magandang Balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya sa amin na laging maganda ang inyong alaala sa amin at nasasabik na kami'y makitang muli, gaya ng pananabik naming makita kayo. Kaya nga, mga kapatid, sumigla ang aming kalooban sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo. Mabubuhayan kami ng loob kung mananatiling matatag ang inyong paninindigan sa Panginoon. Paano kami makakapagpasalamat nang lubusan sa Diyos sa kaligayahang nararanasan namin sa harap ng Diyos dahil sa inyo? 10 Mataimtim ang dalangin namin araw at gabi na makita namin kayong muli at lalo pa kayong matulungan sa anumang pagkukulang sa inyong pananampalataya.

11 Nawa ang Diyos mismo at ating Ama at ang ating Panginoong Jesus ang maghanda ng daan namin patungo sa inyo. 12 Nawa palaguin at pasaganain ng Diyos ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nawa'y patatagin niya ang inyong kalooban upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus kasama ang kanyang mga banal.

Ang Buhay na Kinalulugdan ng Diyos

Bilang pangwakas, mga kapatid, hinihiling namin at ipinapayo sa inyo alang-alang sa Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay, gaya ng natutuhan ninyo sa amin, upang maging kalugud-lugod kayo sa Diyos. Ito naman ang ginagawa ninyo. Natatandaan ninyo kung ano ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at kayo'y umiwas sa lahat ng uri ng pakikiapid. Bawat isa sa inyo'y matutong makipagrelasyon sa kanyang asawa sa paraang banal at marangal, hindi gaya ng mga paganong nagpapaalipin sa masamang pagnanasa, palibhasa'y hindi nakakakilala sa Diyos. Sinuman ay huwag nang gagawa ng masama at magsasamantala sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ito. Tulad ng sinabi namin at ibinabala sa inyo noon pa man, parurusahan ng Diyos ang gumagawa ng ganitong kasamaan. Sapagkat tinawag tayo ng Diyos hindi para sa kahalayan kundi sa malinis na pamumuhay. Dahil dito, ang taong tumatanggi sa aral na ito ay tumatanggi hindi sa tao kundi sa Diyos na nagkakaloob sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

Tungkol naman sa pag-iibigan ng magkakapatid sa pananampalataya, hindi na ito kailangang isulat sa inyo sapagkat kayo mismo ay tinuruan ng Diyos na magmahalan sa bawat isa. 10 Katunayan, ginagawa na ninyo ito sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, mga kapatid, ipinakikiusap pa rin namin sa inyong pag-ibayuhin pa ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik; harapin ninyo ang sarili ninyong gawain, at magpagal para sa sarili ninyong ikabubuhay, gaya ng bilin namin sa inyo. 12 Sa ganitong paraan ay igagalang kayo ng mga di-mananampalataya, at hindi kayo aasa kaninuman.

Ang Pagbabalik ng Panginoon

13 Hindi namin nais, mga kapatid, na kayo'y manatiling walang alam tungkol sa mga namayapa upang huwag kayong maghinagpis tulad ng ibang walang pag-asa. 14 Sumasampalataya tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, kaya naniniwala rin tayong bubuhayin ng Diyos na kasama ni Jesus ang lahat ng namatay na nananalig sa kanya.

15 Ito ang sinasabi namin sa inyo na aral ng Panginoon: tayong mga buháy pa at nananatili sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauunang makipagtagpo sa Panginoon kaysa mga namayapa. 16 Kasabay ng malakas na utos at ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, babalik ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. 17 Pagkatapos nito, tayo na nanatiling buháy ay titipunin sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Pagkatapos noon ay makakapiling na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.

Mga kapatid, hindi na namin kayo kailangang sulatan kung kailan mangyayari ang lahat ng ito. Alam ninyo na tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng Araw ng Panginoon. Habang sinasabi ng mga taong “Tiwasay at mapayapa ang lahat,” biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Walang makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y gaya ng pagsakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi na kayo mabibigla sa pagdating ng araw na iyon na darating ngang tulad ng magnanakaw. Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo pag-aari ng gabi o ng dilim. Kaya huwag tayong tumulad sa ibang mga natutulog. Sa halip, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa at malinaw ang pag-iisip. Karaniwang natutulog ang tao sa gabi, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit dahil tayo'y nasa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating isip, suot ang pananampalataya at pag-ibig bilang panangga sa dibdib, pati na rin ang helmet ng pag-asa sa kaligtasan. Hindi tayo itinakda ng Diyos sa parusa, kundi upang tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang kung buháy man tayo o patay ay mabuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga patatagin ninyo at palakasin ang loob ng bawat isa tulad ng ginagawa na ninyo.

Mga Huling Tagubilin at Pagbati

12 Hinihiling namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga pinuno ninyong nagpapakahirap sa pamamahala at pangangaral sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng angkop na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa sa bawat isa. 14 Pinapakiusapan din namin kayo, mga kapatid, na paalalahanan ang mga tamad, palakasin ang mga mahihinang-loob, tulungan ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinuman ang naghihiganti sa gumawa sa inyo ng masama; sa halip, gawin ninyo ang para sa kabutihan ng bawat isa at ng lahat. 16 Magalak kayong lagi. 17 Lagi kayong manalangin. 18 Ipagpasalamat ninyo sa Diyos ang lahat ng pangyayari, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang alab ng Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti. 22 Layuan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ang siyang magpabanal sa lahat sa inyo. Nawa'y manatiling walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang inyong espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumatawag sa inyo, at gagawin niya ang mga ito.

25 Ipanalangin din ninyo kami, mga kapatid.

26 Batiin ninyo ang mga kapatid na may banal na halik. 27 Ipangako ninyo sa pangalan ng Panginoon na babasahin ninyo ang sulat na ito sa lahat ng kapatid.

28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.

Panimula

Mula kina Pablo, Silas at Timoteo,

Para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo ang kagandahang-loob at kapayapaan mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesus-Cristo.

Ang Paghuhukom sa Muling Pagbabalik ni Cristo

Mga kapatid, dapat na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya at lalong nagiging maalab ang inyong pag-ibig sa isa't isa. Kaya naman ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa gitna ng mga pag-uusig at mga pagtitiis na dinaranas ninyo.

Nagpapatunay ito ng makatwirang hatol ng Diyos, at ginagawa niya kayong karapat-dapat na makibahagi sa kanyang paghahari, na siya namang dahilan ng inyong pagdurusa. Tunay na makatarungan ang Diyos at parurusahan niya ang mga taong nagpapahirap sa inyo. Siya rin ang magbibigay ng ginhawa sa inyo at sa amin na mga dumaranas ng pagtitiis. Magaganap ito kapag nahayag na ang Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at magpaparusa sa lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. Ang parusang igagawad sa kanila'y walang-hanggang kapahamakan, at ihihiwalay sila sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagdating upang tanggapin ang mga papuri mula sa kanyang mga banal at tanggapin ang mga parangal ng lahat ng mga nananalig sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat pinaniwalaan ninyo ang aming patotoo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong ipinapanalangin sa Diyos, na tulungan niya kayo upang kayo'y maging karapat-dapat sa kanyang pagkatawag sa inyo. Dumadalangin din kaming igawad niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan upang magawa ninyo ang lahat ng mabuting hangarin ninyo at mga gawang bunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mabibigyan ninyo ng parangal ang ating Panginoong Jesus, at kayo nama'y pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Paglitaw ng Suwail

Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makasama siya, nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na huwag agad magugulo ang inyong isip o mababahala dahil sa ilang ulat, pahayag o liham na mula raw sa amin na nagsasabing dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw na iyon hanggang hindi pa nangyayari ang paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng suwail, na nakatakda naman sa kapahamakan. Lalabanan niya ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao, at itataas niya ang sarili sa lahat ng ito. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.

Hindi ba ninyo natatandaan na binanggit ko na ito sa inyo noong ako'y kasama pa ninyo? Alam ninyo kung ano ang pumipigil kaya hindi pa lumilitaw ang suwail sa takdang panahon. Palihim nang kumikilos ang kapangyarihan ng kasamaan, at magpapatuloy ang ganyan hangga't hindi naaalis ang humahadlang sa kanya. At kung maalis na ang hadlang, lilitaw na ang suwail. Ngunit lubusan siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig sa panahon ng kanyang maluwalhating pagdating. Ngunit sa kanyang paglitaw, ang suwail ay magtataglay ng kapangyarihan ni Satanas. Makikita ang lahat ng uri ng huwad na himala, mga tanda, at mga kababalaghan. 10 Lilinlangin niya sa pamamagitan ng maraming uri ng pandaraya ang mga mapapahamak, mga taong ayaw umibig sa katotohanan na sana sa kanila'y makapagliligtas. 11 Dahil dito, hahayaan na ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Parurusahan ang lahat ng ayaw tumanggap sa katotohanan, at sa halip ay nagpakasaya sa kasamaan.

Mga Pinili Upang Maligtas

13 Ngunit dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon. Sapagkat kabilang na kayo sa mga hinirang bilang unang bunga.[a] Ito'y sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at ng pananalig ninyo sa katotohanan. 14 Ginamit niya ang pangangaral namin ng ebanghelyo upang kayo'y makibahagi sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matibay kayo sa paninindigan at pamumuhay sa mga aral na ibinahagi namin sa inyo, ito man ay sa salita namin o sa sulat.

16 Nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo at ang Diyos nating Ama na sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob ay siyang umibig sa atin at nagbigay sa atin ng walang-hanggang lakas ng loob at mabuting pag-asa, 17 ang umaliw sa inyo at magbigay ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo sa salita at gawa ang lahat ng mabuti.

Kahilingang Panalangin

Bilang pangwakas, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at pahalagahan ng lahat, tulad ng nangyari sa inyo. Idalangin din ninyong mailigtas kami mula sa mga taong masasama at makasalanan. Hindi naman lahat ay sumasampalataya. Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapalakas sa inyo at magbabantay sa inyo laban sa Masama. Nagtitiwala kami sa Panginoon na ginagawa ninyo at patuloy na sinusunod ang mga iniutos namin. Gabayan nawa ng Panginoon ang inyong kalooban tungo sa pag-ibig ng Diyos at pagpupunyagi ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Mga kapatid, inuutusan namin kayo sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo na umiwas sa sinumang kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa itinuro namin sa inyo. Alam naman ninyong dapat ninyo kaming tularan. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama ninyo. Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang hindi nagbabayad. Nagtrabaho kami gabi't araw upang hindi kami makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang bigyan kayo ng halimbawang dapat ninyong sundan. 10 Noon pa mang kasama ninyo kami'y ganito na ang iniutos namin sa inyo: Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho. 11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo'y tamad at ayaw magtrabaho. Wala silang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Alang-alang sa Panginoon, inuutusan namin ang mga ganoong tao na magtrabaho nang maayos para sa sarili nilang ikabubuhay. 13 Para sa inyo, mga kapatid, huwag kayong mapapagod sa paggawa ng mabuti. 14 Tandaan ninyo ang sinuman na ayaw sumunod sa tagubilin namin sa sulat na ito. Iwasan ninyo siya upang siya'y mapahiya. 15 Ngunit huwag naman ninyo siyang ituring na kaaway; sa halip ay paalalahanan ninyo siya bilang kapatid.

Pagpapala

16 Ang Panginoon na bukal ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Sumainyong lahat ang Panginoon.

17 Ako mismong si Pablo ang sumulat ng pagbating ito. Ito ang tanda sa lahat ng aking mga liham. Ganito akong sumulat. 18 Ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo ang sumainyong lahat.

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo ang kagandahang-loob, habag, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mga Babala Laban sa Maling Doktrina

Gaya ng tagubilin ko sa iyo noong ako'y papunta ng Macedonia, ibig kong manatili ka sa Efeso upang pagsabihan mo ang ilang tao na huwag magturo ng maling aral, at huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Nagiging dahilan lamang ang mga iyan ng mga pagtatalo at hindi nakatutulong kaninuman na magawa ang plano ng Diyos, na magagawa lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Layunin ng tagubiling ito ay pag-ibig na nagmumula sa isang pusong dalisay, malinis na budhi at taos-pusong pananampalataya. Tinalikuran na ng ilan ang mga bagay na ito at bumaling sa mga usaping walang-saysay. Nais nilang maging mga tagapagturo ng Kautusan kahit hindi nila nauunawaan ang kanilang mga sinasabi ni ang mga bagay na buong tiwala nilang ipinapangaral.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung gagamitin ito sa tamang paraan. Alalahanin nating hindi ginawa ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga sumusuway sa batas, sa mapanghimagsik, sa mga hindi maka-Diyos at sa mga makasalanan; para ito sa mga masasama at lapastangan; para sa mga pumapatay ng ama o ina, sa mga mamamatay-tao. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga imoral, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o babae, para sa mga sapilitang kumukuha ng tao upang ibenta bilang alipin; para sa mga sinungaling at bulaang saksi. Ang Kautusan ay para sa lahat na sumasalungat sa mabuting aral 11 na naaayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos. Ito ang balitang ipinagkatiwala sa akin.

Pasasalamat sa Kagandahang-loob ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Cristo Jesus na nagbigay sa akin ng lakas para dito, sapagkat itinuring niya akong karapat-dapat at hinirang na maglingkod sa kanya. 13 Bagama't ako noon ay lapastangan, nang-uusig, at marahas na tao, kinahabagan niya ako sapagkat nagawa ko ang mga bagay na iyon dahil sa aking kamangmangan nang hindi pa ako sumasampalataya. 14 Sumagana sa akin ang kagandahang-loob ng Panginoon, kasama ang pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus. 15 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat: Dumating si Cristo Jesus sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan, at ako ang pinakamasama sa lahat. 16 Ngunit ito mismo ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan, upang sa pamamagitan ko na pinakamasama ay maipakita ni Cristo Jesus kung gaano siya katiyaga at maging halimbawa ito sa mga sasampalataya at bibigyan ng walang-hanggang buhay. 17 Ngayon, sa Haring walang-hanggan, walang-kamatayan at di nakikita, ang iisang Diyos, sumakanya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.

18 Timoteo, anak ko, itinatagubilin ko sa iyo ang mga bagay na ito ayon sa mga propesiya noon ukol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay masigla kang makipaglaban gaya ng mabuting kawal, 19 tumitibay sa pananampalataya at nagtataglay ng malinis na budhi. Tinalikuran ito ng iba, kaya naman natulad sa isang barkong nawasak ang kanilang pananampalataya. 20 Kasama sa mga ito ay sina Himeneo at Alejandro na mga ipinaubaya ko na kay Satanas upang sila ay maturuang huwag nang lumapastangan.

Mga Tagubilin tungkol sa Pananalangin

Una sa lahat, hinihimok ko kayong ipanalangin ang lahat ng tao. Idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, dalangin, pagsamo at pasasalamat para sa kanila. Ipanalangin ninyo ang mga hari at ang lahat ng may mataas na tungkulin, upang tayo ay mamuhay nang tahimik, payapa, marangal at may kabanalan. Ito'y mabuti at kinalulugdan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ay maligtas at makaalam sa katotohanan. Iisa ang Diyos at iisa ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat; isang patotoong pinatunayan sa takdang panahon. Ito ang dahilan kung bakit ako'y hinirang na maging tagapangaral at apostol, tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!

Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako ay manalangin nang may malinis na puso,[b] walang sama ng loob at galit sa kapwa. Nais ko rin na ang mga babae'y magdamit nang maayos, marangal at nararapat. Hindi kinakailangang sila'y maging marangya sa kanilang pananamit at ayos ng buhok, o kaya nama'y nasusuotan ng mamahaling alahas na gawa sa ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging gayak nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang babae'y dapat matahimik na tumanggap ng aral at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki. Dapat siyang manatiling tahimik. 13 Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva. 14 At hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pamamagitan ng pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapangasiwa ng Iglesya

Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: “Ang nagnanais maging tagapangasiwa[c] ay naghahangad ng marangal na gawain.” Kaya nga, dapat walang maipipintas sa isang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, may magandang loob sa panauhin, at may kakayahang magturo. Hindi siya dapat naglalasing, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. Dapat ay mahusay siyang mamahala sa kanyang sariling sambahayan, tinitiyak niyang sinusunod at iginagalang siya ng kanyang mga anak. Kung hindi siya marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan, paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang iglesya ng Diyos? Dapat ay hindi siya baguhang mananampalataya; sapagkat baka siya'y yumabang at mapahamak gaya ng sinapit ng diyablo. Kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi mananampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapaglingkod ng Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[d] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat sa kanyang salita, hindi naglalasing at hindi sakim sa salapi. Kailangang matibay ang kanilang paninindigan sa pananampalataya nang may malinis na budhi. 10 Kailangang patunayan muna nila ang kanilang sarili, at saka hahayaang maging tagapaglingkod kung mapatunayang karapat-dapat. 11 Ang mga kababaihan nama'y dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, kundi mapagtimpi at mapagkakatiwalaan sa lahat ng mga bagay. 12 Ang tagapaglingkod ay asawa ng iisang babae, at maayos na mamahala ng kanyang mga anak at sariling sambahayan. 13 Igagalang ng mga tao ang mga tagapaglingkod na tapat sa kanilang tungkulin, kasama na ang kanilang pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng ating Pananampalataya

14 Umaasa akong makapupunta ako sa iyo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko sa iyo ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung paano ang dapat maging ugali ng bawat kaanib sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesya ng buháy na Diyos, haligi at sandigan ng katotohanan. 16 Sadyang dakila ang hiwaga ng ating sinasampalatayanan:

Siya'y inihayag bilang[e] tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[f] nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan, at iniakyat sa kaluwalhatian.

Babala tungkol sa Pagtalikod

Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng iba ang pananampalataya at susunod sa mga mapanlinlang na espiritu at mga turo ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito ay pinalalaganap ng mga taong mapagkunwari, sinungaling at may manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa, gayundin ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang tanggaping may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakauunawa ng katotohanan. Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat tanggihan, sa halip ay dapat tanggapin na may pasasalamat, dahil ito ay nagiging malinis sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo nang malinaw ang mga ito sa mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Cristo Jesus, isang tagapaglingkod na patuloy na sinasanay sa katuruan ng pananampalataya at mabuting aral na iyong sinusunod. Huwag mong bigyang pansin ang mga walang kabuluhang alamat at mga sabi-sabi, sa halip, magsanay ka sa banal na pamumuhay. Mahalaga ang pagpapalakas ng katawan, ngunit higit ang pakinabang sa banal na pamumuhay. Mapapakinabangan ito sa lahat ng bagay sapagkat may pangako ito hindi lamang sa buhay ngayon, kundi maging sa panahong darating. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat. 10 Dahil dito, tayo'y nagsisikap at nagpupunyagi, at umaasa sa buháy na Diyos, ang tagapagligtas ng lahat, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Iutos mo at ituro mo ang mga bagay na ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka ng lahat ng mga mananampalataya sa iyong salita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at dalisay na pamumuhay. 13 Habang hindi pa ako dumarating, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa madla, sa pangangaral[g] at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu na nasa iyo, na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang mga kamay. 15 Pag-ukulan mo ng panahon ang pagsasagawa ng mga ito upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Bantayan mong mabuti ang iyong pamumuhay at pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga ito sapagkat sa paggawa mo nito, ililigtas mo ang iyong sarili gayundin ang mga nakikinig sa iyo.

Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya

Huwag mong pagsasalitaan nang magaspang ang nakatatandang lalaki. Sa halip, pakiusapan mo siya na parang sarili mong ama. Ituring mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki, ang mga nakatatandang babae na parang sariling ina, at ang mga nakababatang babae na para mong kapatid—nang buong kalinisan.

Bigyan mo ng pagkilala ang mga biyudang talagang nangangailangan. Ngunit kung ang isang biyuda ay may mga anak o mga apo, dapat muna nilang matutuhan ang kanilang banal na tungkulin na pangalagaan ang kanilang sariling sambahayan at tumanaw ng utang na loob sa kanilang mga magulang. Ito ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang biyudang tunay na nangangailangan at naiwang nag-iisa ay tanging sa Diyos na lamang umaasa. Kaya patuloy ang kanyang dalangin araw at gabi. Subalit ang biyudang namumuhay sa karangyaan ay maituturing nang patay kahit buháy pa. Iutos mo ang mga ito upang hindi sila mapintasan. Ang sinumang hindi nangangalaga sa kanyang mga kamag-anak at lalo na sa kanyang kasambahay ay tumalikod na sa pananampalataya at masahol pa siya sa hindi sumasampalataya.

Dapat isama sa listahan ang isang biyuda kung siya ay animnapung taong gulang pataas, naging asawa ng iisang lalaki, 10 at kilala sa paggawa ng mabuti, gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, may magandang loob sa mga panauhin, naglilingkod sa mga kapatid sa Panginoon, tumutulong sa mga nangangailangan, at naglalaan ng sarili sa paggawa ng mabuti.

11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga batang biyuda, sapagkat maaaring ilayo sila kay Cristo ng kanilang maalab na pagnanasa at sila'y mag-asawang muli. 12 Dahil dito, nagkakasala sila dahil sa hindi nila pagtupad sa una nilang pangako. 13 Natututo rin silang maging tamad at nagsasayang ng panahon sa pangangapitbahay. Nagiging tsismosa rin sila, pakialamera at madaldal. 14 Kaya't para sa akin, mas mabuti pa sa mga batang biyuda na mag-asawang muli, magkaanak at mamahala sa kanilang tahanan, upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang kaaway na tayo'y mapintasan. 15 Sapagkat ang iba nga'y tumalikod na at sumunod kay Satanas. 16 Kung ang babaing mananampalataya ay may mga kamag-anak na biyuda, siya ang dapat mangalaga sa kanila nang hindi na sila makadagdag sa pasanin ng iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang talagang nangangailangan.

17 Ang mga matatandang pinuno na mahusay mamahala sa iglesya ay karapat-dapat sa dobleng parangal lalo na ang mga nagsisikap sa pangangaral at pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang ito'y gumigiik.” (C) Nasusulat din, “Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.” 19 Huwag kang tatanggap ng anumang paratang laban sa matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. (D)

20 Ang nagpapatuloy naman sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng mga piniling anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan at huwag gumawa ng anuman na may pagtatangi.

22 Huwag kang kaagad-agad na magpapatong ng kamay kung kani-kanino. Ingatan mong hindi ka makibahagi sa kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.

23 Mula ngayon, huwag tubig na lamang ang iyong inumin. Uminom ka rin ng kaunting alak para sa iyong sikmura at madalas na pagkakasakit.

24 May mga taong hayag na ang pagkakasala bago pa man humarap sa hukuman. Ngunit ang kasalanan naman ng iba'y huli na kung mahayag. 25 Ganoon din sa mabuting gawain. May mabubuting gawa na madaling mapansin, ngunit kung di man madaling mapansin, ang mga ito nama'y hindi mananatiling lihim.

Dapat igalang nang lubusan ng mga alipin ang kanilang panginoon upang hindi lapastanganin ang pangalan ng Diyos at ang mga aral. At kung ang amo nila'y kapwa mananampalataya, hindi dapat mawala ang kanilang paggalang dahil sila ay magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang mas paghusayin ang kanilang paglilingkod dahil ang pinaglilingkuran nila'y mga minamahal na kapatid.

Maling Katuruan at Tunay na Kayamanan

Ang mga ito ang dapat mong ituro at bigyang-diin sa mga tao. Sinumang nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa tunay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at katuruang naaayon sa banal na pamumuhay, siya ay nagyayabang at walang nalalaman. Mahilig siya sa mga pagtatalo tungkol sa mga salita, na nauuwi sa inggitan, alitan, panlalait, masamang hinala, sa pag-aaway ng mga taong marumi ang pag-iisip, ayaw kumilala sa katotohanan, at nag-aakalang ang banal na pamumuhay ay paraan ng pagpapayaman. Subalit ang banal na pamumuhay na may kasiyahan ay malaking pakinabang. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at pag-alis dito'y wala rin tayong madadalang anuman. Kung tayo'y may pagkain at damit, sa mga ito'y dapat na tayong masiyahan. Subalit ang mga naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng kahangalan at nakapipinsalang pagnanasa. Ang mga ito ang magtutulak sa tao ng kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kapighatian.

Ang Mabuting Laban ng Pananampalataya

11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Pagsikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na siyang dahilan ng pagkatawag sa iyo nang maipahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutos ko sa iyo, sa (E) harap ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, at ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti at may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Ipapakita siya ng Diyos sa takdang panahon, ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.

17 Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang magmataas o magtiwala sa kayamanang lumilipas at pansamantala lamang. Sa halip ay magtiwala sila sa Diyos na masaganang nagkakaloob ng lahat ng bagay para sa ating kasiyahan. 18 Turuan mo silang gumawa ng kabutihan at maging mayaman sa mabuting gawa, maging bukas-palad at namamahagi sa nangangailangan. 19 Sa ganitong paraan sila makapag-iipon ng kayamanan para sa matatag na bukas upang magkamit ng tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pangangatwiran ng huwad na kaalaman. 21 Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya.

Pagpalain nawa kayo ng Diyos.[h]

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus, sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na matatagpuan kay Cristo Jesus, Kay (F) Timoteo na minamahal kong anak: Sumaiyo ang biyaya, habag, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Katapatan sa Ebanghelyo

Nagpapasalamat ako sa Diyos, na pinaglingkuran ko nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno, tuwing inaalala kita sa aking mga panalangin araw at gabi. Naaalala ko ang iyong mga pagluha, kaya sabik na sabik na akong makita ka, upang malubos ang aking kagalakan. Naaalala (G) ko ang iyong tapat na pananampalataya, na unang tinaglay ng iyong Lola Loida at ng iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinaaalala ko sa iyo na lalo mong pag-alabin ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. Kaya't huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikahiya na kanyang bilanggo. Sa halip, makiisa ka sa aking paghihirap alang-alang sa ebanghelyo. Magagawa ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Siya ang nagligtas at tumawag sa atin tungo sa banal na pamumuhay. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na ibinigay niya sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang panahon. 10 Nahayag na ito ngayon nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Ginapi niya ang kamatayan at ang liwanag ng buhay na walang kamatayan sa pamamagitan ng ebanghelyo. 11 Dahil (H) sa ebanghelyong ito, ako'y itinalagang tagapangaral, apostol at guro.[i] 12 Ito rin ang dahilan ng aking mga pagdurusa. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan, at ako'y nagtitiwalang maiingatan niya hanggang sa araw na iyon ang aking ipinagkatiwala sa kanya.[j] 13 Gawin mong halimbawa ang mga aral na narinig mo sa akin, at magpatuloy ka sa pamumuhay sa pananampalataya at pag-ibig na bunga ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa tulong ng Banal na Espiritung nananahan sa atin.

15 Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes. 16 Pagpalain nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat maraming pagkakataong dinamayan niya ako, at hindi niya ako ikinahiya kahit na ako'y isang bilanggo. 17 Noong siya'y dumating sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang matagpuan niya ako. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa pamamagitan ng biyaya na nakay Cristo Jesus. Ang mga bagay na narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo sa iba. Makihati ka sa mga paghihirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. Hindi pinag-aabalahan ng isang kawal ang mga bagay na walang kinalaman sa pagiging kawal, upang mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang pinuno. Gayundin naman, hindi magwawagi ang isang manlalaro kung hindi siya susunod sa mga alituntunin. Ang masipag na magsasaka ang siyang dapat unang makinabang sa kanyang ani. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sapagkat tutulungan ka ng Panginoon na maunawaan ang lahat.

Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa ebanghelyong ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo, na parang ako'y isang kriminal. Ngunit hindi maaaring ibilanggo ang salita ng Diyos. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat alang-alang sa mga hinirang, upang makamit nila ang kaligtasan na matatagpuan kay Cristo Jesus na nagdudulot ng kaluwalhatiang walang hanggan. 11 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito:

Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung (I) tayo'y makapagtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
    kapag siya'y ating ikakaila, ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo ma'y hindi nanatiling tapat, siya'y nananatiling tapat;
    sapagkat hindi niya magagawang ikaila ang kanyang sarili.

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga ito, at sa harap ng Diyos[k] ay pagbilinan mo sila na umiwas sa pagtatalo tungkol sa kahulugan ng mga salita. Wala itong ibinubungang mabuti at sa halip ay nagpapahamak lamang sa mga nakikinig.

Ang Manggagawa ng Diyos

15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, isang manggagawang walang anumang dapat ikahiya, at matapat sa pagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat lalo lang magtutulak ito sa mga tao sa higit pang kasamaan. 17 Ang mga salita ng mga gumagawa nito'y gaya ng kanser na kumakalat sa katawan. Kasama sa mga ito sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Sinisira nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ngunit (J) matibay ang saligang itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sino ang sa kanya,” at, “Lumayo sa kasamaan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” 20 Sa isang malaking bahay ay may mga sisidlang yari sa ginto at pilak, ngunit mayroon din namang yari sa kahoy at putik. Ang iba'y para sa marangyang paggagamitan, at ang iba'y para sa karaniwan. 21 Sinumang naglilinis ng kanyang sarili mula sa kasamaan ay tulad ng mga sisidlang natatangi, malinis, at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabuting gawain. 22 Layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan mong mabuhay ka sa katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa pusong dalisay. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo. Alam mo namang nagbubunga lang ang mga iyan ng pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip, dapat siyang mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang pinapangaralan ang mga sumasalungat sa kanya, sa pag-asang pagkakalooban sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan. 26 Sa gayon, matatauhan sila at makakawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[l]

Ang mga Huling Araw

Unawain mo ito: Magkakaroon ng mga panahon ng kapighatian sa mga huling araw. Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, at namumuhi sa mabuti. Sila'y magiging taksil, pabaya, mapusok, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit tinatanggihan naman ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang ganitong uri ng mga tao. May ilan sa kanila ang gumagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga tahanan at makabihag ng mga mahihinang kababaihan, mga kababaihang pinahihirapan ng kasalanan at ng iba't ibang uri ng pagnanasa. Sila'y laging tinuturuan, ngunit hindi nila natututuhan ang katotohanan. Kung (K) paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises, kalaban din ng katotohanan ang mga taong ito, mga taong masasama ang pag-iisip at hindi tunay ang pananampalataya. Ngunit hindi magtatagal ang kanilang kasamaan, sapagkat mahahayag sa lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Habilin

10 Sinunod mong mabuti ang aking itinuro sa iyo, ang aking pamumuhay at layunin. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis. 11 Nasaksihan (L) mo ang mga pag-uusig at pagdurusang dinanas ko sa Antioquia, Iconio, at Listra. Ganoon na lang ang mga pag-uusig na tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Totoo ngang ang lahat ng ibig mabuhay bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Samantalang ang masasama at mandaraya ay lalong magpapakasama; sila'y manlilinlang at malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, yamang kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa iyong pagkabata ay alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nagbigay sa iyo ng karunungan upang matutuhan ang kaligtasang makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan ay ihininga ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at lubusang maihanda sa lahat ng mabubuting gawa.

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay sa kanyang pagdating bilang hari, itinatagubilin ko ito sa iyo: ipangaral mo ang salita; pagsikapan mo iyan umaayon man ang panahon o hindi. Ituwid mo ang mga tao, sawayin sila, palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na hindi makikinig ang mga tao sa wastong aral. Sa halip, upang masunod ang kanilang kagustuhan, maghahanap sila ng mga gurong magtuturo sa kanila ng mga gusto nilang marinig. Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan at babaling sa pakikinig ng mga alamat. Kaya magpakahinahon ka, tiisin mo ang mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.

Dumating na ang panahon ng aking pagpanaw. Ibinuhos na ang aking buhay tulad ng isang inuming-handog. Nakipaglaban ako nang mabuti, natapos ko na ang aking takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya. Ngayon ay nakalaan na sa akin ang koronang inilaan sa mga matuwid, na sa araw na iyon ay igagawad sa akin ng Panginoon, ang makatarungang hukom. Ngunit ito'y hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang muling pagdating.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan (M) na ako ni Demas, dahil sa kanyang pag-ibig sa kasalukuyang buhay. Pumunta siya sa Tesalonica. Si Crescente nama'y nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11 Si (N) Lucas na lamang ang kasama ko. Himukin mong sumama sa iyo si Marcos papunta rito, sapagkat malaking tulong siya sa aking gawain. 12 Pinapunta (O) ko si Tiquico sa Efeso. 13 Dalhin (P) mo rito ang aking balabal na iniwan ko kay Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang aking mga aklat, lalo na iyong mga yari sa balat. 14 Napakasama (Q) ng ginawa sa akin ng panday-tansong si Alejandro. Ang Panginoon na ang bahalang gumanti sa kanyang ginawa. 15 Mahigpit ang pagtutol niya sa ating ipinapangaral, kaya mag-ingat ka sa kanya. 16 Sa unang paglilitis ay walang sumama sa akin; pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang ng Panginoon laban sa kanila. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon! Sinamahan niya ako at binigyan ng lakas upang maipahayag ang mensahe at mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. At gaya ng pagkaligtas mula sa bibig ng leon, ako'y naligtas mula sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa bawat masamang gawa at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Huling Pagbati at Basbas

19 Ikumusta (R) mo ako kina Priscila at Aquila at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nanatili (S) si Erasto sa Corinto, si Trofimo naman ay iniwan kong maysakit sa Mileto. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid. 22 Sumaiyo nawa ang Panginoon.[m] Sumainyo ang lahat ng biyaya ng Diyos.[n]

Pagbati

Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos at kanilang malaman ang katotohanang aakay sa kabanalan, upang sila'y magkaroon ng pag-asa sa buhay na walang hanggan, na bago pa nagsimula ang mga panahon ay ipinangako na ng Diyos, ang Diyos na hindi nagsisinungaling. At sa takdang panahon ay ipinahayag niya ang kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. Para (T) kay Tito na tunay kong anak sa iisang pananampalatayang aming pinagsasamahan: Sumaiyo ang kagandahang-loob at kapayapaan buhat sa ating Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.

Ang Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin doon ang mga bagay at upang pumili ka ng matatandang pinuno sa iglesya sa bawat bayan. Gaya ng ipinagbilin ko sa iyo, (U) ang pipiliin mo ay mga taong walang kapintasan, iisa lang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, hindi nanggugulo at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa,[o] hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim. Sa halip ay bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, makatarungan, maka-Diyos, at marunong magpigil sa sarili. Dapat na matibay ang kanyang paninindigan sa mga pagkakatiwalaang aral na natutuhan niya, upang maipangaral niya ang wastong aral sa iba at masaway ang mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat marami ang ayaw magpasakop, mapagsalita ng walang kabuluhan, at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli. 11 Kailangan na silang patahimikin sapagkat winawasak nila ang mga sambahayan sa pagtuturo ng mga bagay na di dapat ituro para lang sa pansariling pakinabang. 12 Isa na rin sa mga propetang taga-Creta ang nagsabi,

‘Ang mga taga-Creta ay sinungaling, asal-hayop, batugan, at matatakaw.’ 13 Totoo ang salitang ito. Kaya't buong tapang mo silang sawayin upang maituwid sila sa pananampalataya 14 at huwag nang makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga turo ng mga taong tumalikod na sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa taong malinis, ngunit sa marurumi at di sumasampalataya, walang bagay na malinis dahil marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos ngunit ikinakaila naman ng kanilang gawain ang Diyos. Sila'y kasuklam-suklam sa Diyos, mga suwail, at hindi nararapat para sa anumang mabuting gawa.

Ang Wastong Aral

Subalit ikaw naman, magturo ka nang ayon sa tamang aral. Turuan mo ang matatandang lalaki na maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis. Sabihan mo rin ang matatandang babae na mamuhay na kagalang-galang, huwag maninirang-puri at huwag maging mahilig sa alak. Dapat silang magturo ng kabutihan upang maturuan nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, maging mahinahon at dalisay, mahusay mamahala ng kanyang tahanan, mabait, masunurin sa kani-kanilang asawa upang hindi mapulaan ang salita ng Diyos. Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na magpigil sa sarili. Sa lahat ng bagay ay maging halimbawa ka ng kabutihan. Maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Angkop na salita ang dapat mong gamitin upang hindi mapintasan ang itinuturo mo. Sa gayo'y mapapahiya ang mga kumakalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin. Turuan mo ang mga alipin na magpasakop at maging kalugud-lugod sa kanilang mga panginoon. Hindi rin sila dapat nakikipagtalo sa mga ito, 10 at hindi dapat pagnakawan. Sa halip, ipakita nilang mapagkakatiwalaan sila sa lahat ng pagkakataon upang maipakita nila sa kanilang ginagawa na kaakit-akit ang turo tungkol sa Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at mga pagnanasang makasanlibutan, upang mabuhay tayong may pagpipigil sa sarili, matuwid at maka-Diyos sa kasalukuyang panahon, 13 habang hinihintay natin ang katuparan ng ating mapagpalang pag-asa, ang maluwalhating pagdating ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Siya (V) ang naghandog ng kanyang sarili para sa atin upang tayo'y palayain sa lahat ng kasamaan, at linisin upang maging sambayanang kanyang pag-aari at masigasig sa paggawa ng mabuti. 15 Ituro mo ang lahat ng ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan upang magpalakas ng loob ng tao at sa pagsaway. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Ang Mabuting Pamumuhay

Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan, maging masunurin, at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Turuan mo rin silang huwag manira ng kapwa, huwag makipag-away, maging mahinahon, at maging magalang sa lahat. Tayo rin noong una ay mga hangal, mga suwail, naliligaw, at naging alipin ng sari-saring pagnanasa at layaw. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Kinapootan tayo ng iba at sila nama'y kinapootan natin. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis ng muling kapanganakan at pagbabagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu, na masaganang ibinuhos ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas. Nangyari ito upang tayo'y maging tagapagmana ayon sa pag-asa sa walang hanggang buhay, yamang tayo'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito kaya't nais kong bigyang-diin mo ito sa iyong pagtuturo sa mga mananampalataya sa Diyos upang italaga nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siya namang kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang-kabuluhang pagtatalo, ang mga talaan ng mga salinlahi, at ang mga pagtatalo't alitan tungkol sa Kautusan. Walang halaga at walang kabutihang maidudulot ang mga iyan. 10 Pagkatapos mong bigyan ng una at pangalawang babala, iwasan mo na ang sinumang lumilikha ng pagkakampi-kampi. 11 Alam mong ang ganyang uri ng tao ay marumi ang pag-iisip, masama at hayag sa kanilang ginagawa na sila'y hinatulan.

Mga Tagubilin at Basbas

12 Pagkasugo (W) ko riyan kay Artemas o kay Tiquico, sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis sapagkat ipinasya kong doon magpalipas ng taglamig. 13 Gawin (X) mo ang iyong makakaya upang tulungan sa paglalakbay sina Apolos at si Zenas na dalubhasa sa batas. Tiyakin mong sapat ang kanilang mga dadalhin sa paglalakbay. 14 Dapat matutuhan ng ating mga kapatid na iukol ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga pangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.

15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko rito. Batiin mo ang mga nagmamahal sa atin sa pananampalataya.

Sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos.[p]

Pagbati

Mula kay Pablo, bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid,

Para kay Filemon na minamahal naming kaibigan at kamanggagawa, at (Y) kay Apia na kapatid nating babae, at kay Arquipo na ating kapwa kawal, at sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay: Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking mga dalangin, sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pamamahagi mo ng iyong pananampalataya ay maging mabisa upang lubos mong maunawaan ang mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, nagdulot sa akin ng malaking kagalakan at aliw ang iyong pag-ibig, sapagkat dahil sa iyo'y nabuhayan ng loob ang mga banal.

Nakiusap si Pablo para kay Onesimo

Kaya naman, bagama't dahil kay Cristo ay maaari kitang utusan ng dapat mong gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo dahil sa pag-ibig. Akong si Pablo, ngayo'y matanda na at nakabilanggo pa dahil kay Cristo Jesus, 10 ay (Z) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na naging anak ko nang ako'y nasa bilangguan. 11 Noon ay hindi ka nakinabang sa kanya, ngunit ngayo'y malaking tulong siya sa iyo at sa akin. 12 Pinababalik ko siya sa iyo, kasama ang aking sariling kalooban. 13 Ibig ko sanang manatili siya dito sa piling ko upang maglingkod sa akin bilang iyong kapalit habang ako'y nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot, upang maging bukal sa loob ang iyong kabutihan, at hindi sapilitan. 15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang sandali, upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi na bilang alipin kundi higit pa sa isang alipin, bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lang bilang tao kundi bilang kapatid sa Panginoon.

17 Kaya't kung itinuturing mo ako bilang katuwang, tanggapin mo siya na parang ako ang tinatanggap mo. 18 Kung siya ma'y nagkasala sa iyo, o may anumang pagkakautang, ako na lang ang singilin mo. 19 Kamay ko mismo ang sumusulat nito: akong si Pablo ang magbabayad sa iyo. Alalahanin mo lamang na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Oo, kapatid ko, nais kong tulungan mo ako alang-alang sa Panginoon. Pasiglahin mo naman ang loob ko alang-alang kay Cristo.

21 Sinulatan kita dahil nagtitiwala akong gagawin mo ang hinihiling ko, at maaaring higit pa roon ang gagawin mo! 22 Ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.

Pangwakas na Pagbati

23 Binabati (AA) ka ni Epafras na kasama kong bilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Binabati (AB) ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas na aking mga kamanggagawa. 25 Ang biyaya ng Diyos ang sumainyong lahat. Amen.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.