The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Paglikha
1 Nang pasimula, nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. 2 Ang mundo noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na bumabalot sa mundo ay balot ng kadiliman. At ang Espiritu ng Dios[a] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig. 3 Sinabi ng Dios, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. 4 Nasiyahan ang Dios sa liwanag na nakita niya. Pagkatapos, inihiwalay niya ang liwanag sa kadiliman. 5 Tinawag niyang “araw” ang liwanag, at “gabi” naman ang kadiliman. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang unang araw.
6 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng pagitan na maghihiwalay sa tubig sa dalawang bahagi.” 7 At nagkaroon nga ng pagitan na naghihiwalay sa tubig sa itaas at sa tubig sa ibaba. 8 Ang pagitang itoʼy tinawag ng Dios na “kalawakan.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalawang araw.
9 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magsama sa isang lugar ang tubig sa mundo para lumitaw ang tuyong bahagi.” At iyon nga ang nangyari. 10 Tinawag niyang “lupa” ang tuyong lugar, at “dagat” naman ang nagsamang tubig. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya.
11 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magsitubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman, ang mga tanim na nagbubunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12 Tumubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman, ang mga tanim na nagbubunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 13 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikatlong araw.
14 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng mga ilaw sa kalangitan para ihiwalay ang araw sa gabi, at magsilbing palatandaan ng pagsisimula ng mga panahon,[b] araw at taon. 15 Magningning ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo.” At iyon nga ang nangyari. 16 Nilikha ng Dios ang dalawang malaking ilaw: ang pinakamalaki ay magliliwanag kung araw, at ang mas malaki ay magliliwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17-18 Inilagay ng Dios ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo kung araw at gabi, at para ihiwalay ang liwanag sa dilim. At nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 19 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaapat na araw.
20 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang hayop sa tubig at magsilipad ang ibaʼt ibang hayop[c] sa himpapawid.” 21 Kaya nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa tubig, at ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 22 At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magpakarami kayo, kayong mga hayop sa tubig at mga hayop na lumilipad.” 23 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.
24 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng hayop sa lupa: mga hayop na maamo at mailap, malalaki at maliliit.” At iyon nga ang nangyari. 25 Nilikha ng Dios ang lahat ng ito at nasiyahan siya sa nakita niya.
26 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa lahat ng uri ng hayop: mga lumalangoy, lumilipad, lumalakad at gumagapang.” 27 Kaya nilikha ng Dios ang tao, lalaki at babae ayon sa wangis niya. 28 Binasbasan niya sila at sinabi, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo. At pamahalaan ninyo ang lahat ng hayop.”
29 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Ibinibigay ko sa inyo ang mga tanim na namumunga ng butil pati ang mga punongkahoy na namumunga para inyong kainin. 30 At ibinibigay ko sa lahat ng hayop ang lahat ng luntiang halaman bilang pagkain nila.” At iyon nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Dios ang lahat niyang nilikha at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaanim na araw.
2 Natapos likhain ng Dios ang kalangitan, ang mundo at ang lahat ng naroon. 2 Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. 3 Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat. 4 Ito ang salaysay tungkol sa paglikha ng Dios sa kalangitan at sa mundo.
Si Adan at si Eva
Nang likhain ng Panginoong Dios ang mundo at ang kalangitan, 5 wala pang tanim sa mundo at wala pang binhi ng anumang halaman ang nabubuhay, dahil hindi pa siya nagpapaulan at wala pang tao na mag-aalaga ng lupa. 6 Pero kahit wala pang ulan, ang mga bukal sa mundo ang siyang bumabasa sa lupa.
7 Nilikha ng Panginoong Dios ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang.
8 Pagkatapos, nilikha rin ng Panginoong Dios ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya. 9 At pinatubo ng Panginoong Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.
10 Sa Eden ay may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog. 11 Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto. 12 Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling bato na onix. 13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cush. 14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 Pinatira ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito. 16 At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, 17 maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”
18 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” 19 Nilikha ng Panginoong Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20 Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan,[d] wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21 Kaya pinatulog ng Panginoong Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. 22 Ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.
23 Sinabi ng lalaki,
“Narito na ang isang tulad ko!
Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”[e]
24 Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.
25 Nang panahong iyon, kahit huboʼt hubad silang dalawa, hindi sila nahihiya.
Ang mga Ninuno ni Jesus(A)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David. Si David ay mula sa lahi ni Abraham.
2 Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, at si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. 3 Si Juda ang ama nina Perez at Zera, at si Tamar ang kanilang ina. Si Perez ang ama ni Hezron, at si Hezron ang ama ni Aram. 4 Si Aram ang ama ni Aminadab, si Aminadab ang ama ni Nashon, at si Nashon ang ama ni Salmon. 5 Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, at si Ruth ang kanyang ina. Si Obed ang ama ni Jesse, 6 at si Jesse ang ama ni Haring David.
Si Haring David ang ama ni Solomon (ang ina niya ay ang dating asawa ni Uria). 7 Si Solomon ang ama ni Rehoboam, si Rehoboam ang ama ni Abijah, at si Abijah ang ama ni Asa. 8 Si Asa ang ama ni Jehoshafat, si Jehoshafat ang ama ni Joram, at si Joram ang ama ni Uzia. 9 Si Uzia ang ama ni Jotam, si Jotam ang ama ni Ahaz, at si Ahaz ang ama ni Hezekia. 10 Si Hezekia ang ama ni Manase, si Manase ang ama ni Amos,[a] si Amos ang ama ni Josia, 11 at si Josia ang ama ni Jeconia at ng kanyang mga kapatid. Sa panahong ito, binihag ang mga Israelita at dinala sa Babilonia.
12 Ito naman ang talaan ng mga ninuno ni Jesus matapos ang pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia: Si Jeconia ang ama ni Shealtiel, si Shealtiel ang ama ni Zerubabel, 13 at si Zerubabel ang ama ni Abiud. Si Abiud ang ama ni Eliakim, si Eliakim ang ama ni Azor, 14 at si Azor ang ama ni Zadok. Si Zadok ang ama ni Akim, si Akim ang ama ni Eliud, 15 at si Eliud ang ama ni Eleazar. Si Eleazar ang ama ni Matan, si Matan ang ama ni Jacob, 16 at si Jacob ang ama ni Jose na ang asawaʼy si Maria. Si Maria ang ina ni Jesus na tinatawag na Cristo. 17 Kaya may 14 na henerasyon mula kay Abraham hanggang kay David, may 14 na henerasyon naman mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia, at may 14 na henerasyon din mula sa pagkabihag hanggang kay Cristo.
Ang Pagkapanganak kay Jesu-Cristo(B)
18 Ganito ang pangyayari sa pagkapanganak kay Jesu-Cristo: Si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose. Pero bago pa sila ikasal, nalaman ni Maria na buntis siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na magiging asawa niya ay isang matuwid na tao at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan na lang si Maria nang palihim. 20 Habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon at nagsabi, “Jose, na mula sa angkan ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang pagbubuntis niyaʼy sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Manganganak siya ng isang lalaki at papangalanan mo siyang Jesus,[b] dahil ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” 22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, 23 “Magbubuntis ang isang birhen[c] at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin siyang Emmanuel”[d] (na ang ibig sabihin, “Kasama natin ang Dios”). 24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang sinabi ng anghel at pinakasalan niya si Maria. 25 Pero hindi siya sumiping kay Maria hanggang sa maipanganak nito ang sanggol. Nang manganak na si Maria, pinangalanan ni Jose ang sanggol ng Jesus.
Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan
2 Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[e] galing sa silangan. 2 Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”
3 Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. 4 Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. 5 Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[f]
7 Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. 8 Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.
12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.
Mapalad ang Taong Matuwid
1 Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
3 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
5 Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
at ihihiwalay sa mga matuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
Ang Kahalagahan ng Kawikaan
1 Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2 Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito, magkakaroon ka ng karunungan, maitutuwid mo ang iyong ugali at mauunawaan mo ang mga aral na magbibigay sa iyo ng karunungan. 3 Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan. 4 Makapagbibigay ito ng karunungan sa mga walang kaalaman at sa kabataaʼy magtuturo ng tamang pagpapasya. 5 Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa, 6 upang maunawaan nila ang kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®