The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Binasbasan ng Dios si Jacob sa Betel
35 Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”
2 Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay. 3 Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.” 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem. 5 Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.
6 Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan. 7 Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel[a] dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau.
8 Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut.[b]
9 Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram,[c] muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. 10 Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.
11 Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi. 12 Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.” 13-14 Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal. 15 Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.[d]
Ang Pagkamatay ni Raquel
16 Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel. 17 Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.” 18 Isinilang ang sanggol pero nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Ben Oni.[e] Pero pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.[f]
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Betlehem). 20 Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.
21 Nagpatuloy sina Jacob[g] sa kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa kabilang panig ng Migdal Eder,[h] nagtayo sila roon ng mga tolda nila. 22 Habang nakatira roon sila Jacob,[i] sumiping si Reuben kay Bilha na isa sa mga asawa ng kanyang ama. Nang malaman iyon ni Jacob, galit na galit siya.[j]
Ang mga Anak na Lalaki ni Jacob(A)
May 12 Anak na lalaki si Jacob.
23 Ang mga anak niya kay Lea ay sina Reuben na panganay, pagkatapos ay sina Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun.
24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.
25 Ang mga anak niya kay Bilha na alipin ni Raquel ay sina Dan at Naftali.
26 Ang mga anak niya kay Zilpa na alipin ni Lea ay sina Gad at Asher.
Silang lahat ang anak na lalaki ni Jacob na isinilang sa Padan Aram.
Ang Pagkamatay ni Isaac
27 Pumunta si Jacob sa ama niyang si Isaac sa Mamre, malapit sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron). Ito ang lugar na tinitirhan ni Isaac na siya ring tinitirhan noon ni Abraham. 28 Nabuhay si Isaac ng 180 taon. 29 Namatay siya sa katandaan na kontento sa kanyang buhay, at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.
Ang mga Lahi ni Esau(B)
36 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau (na tinatawag ding Edom).
2 Nakapag-asawa si Esau ng mga babaeng taga-Canaan. Silaʼy sina Ada na anak ni Elon na Heteo, si Oholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hiveo, 3 at si Basemat na kapatid ni Nebayot na anak ni Ishmael.
4 Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz. Ang anak niya kay Basemat ay si Reuel. 5 At ang mga anak niya kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. Sila ang mga anak ni Esau na isinilang sa Canaan.
6 Dinala ni Esau ang kanyang mga asawaʼt anak, ang lahat ng sakop ng kanyang sambahayan, pati ang mga ari-arian at mga hayop niya na naipon niya sa Canaan. At lumipat siya sa isang lupain na malayo kay Jacob na kanyang kapatid. 7 Sapagkat hindi na sila maaaring magsama sa isang lupain dahil sa dami ng mga ari-arian nila; at ang lupain na kanilang tinitirhan ay hindi sapat sa kanila dahil sa dami ng mga hayop nila. 8 Kaya roon tumira si Esau (na tinatawag ding Edom) sa kabundukan ng Seir.
9 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau na ama ng mga Edomita na nakatira sa kabundukan ng Seir.
10 Ang anak na lalaki ni Esau kay Basemat ay si Reuel, at ang anak niyang lalaki kay Ada ay si Elifaz.
11 Ang mga anak na lalaki ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz.
12 May anak ding lalaki si Elifaz sa isa pa niyang asawa na si Timna. Siya ay si Amalek. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.
13 Ang mga anak na lalaki ni Reuel ay sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.
14 Ang mga anak na lalaki ni Esau kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. (Si Oholibama ay anak ni Ana at apo ni Zibeon).
15 Ito ang mga lahi ni Esau na naging pinuno ng ibaʼt ibang angkan: Ang mga lahi ng panganay na anak ni Esau na si Elifaz na naging mga pinuno ay sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz, 16 Kora, Gatam at Amalek. Sila ang mga pinuno sa lupain ng Edom na nagmula kay Elifaz. Sila ay nagmula sa asawa ni Esau na si Ada.
17 Naging pinuno rin sa Edom ang mga anak ni Reuel na sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.
18 Naging pinuno rin ang mga anak ni Esau kay Oholibama na anak ni Ana. Sila ay sina Jeush, Jalam at Kora.
19 Silang lahat ang lahi ni Esau na mga pinuno ng Edom.
Ang mga Lahi ni Seir(C)
20 Ito ang mga anak na lalaki ni Seir na Horeo na nakatira sa Edom: Si Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Dishan. Naging pinuno rin sila ng mga Horeo na nakatira sa Edom.
22 Ang mga anak na lalaki ni Lotan ay sina Hori at Heman.[k] Si Lotan ay mayroong kapatid na babae na si Timna na isa pang asawa ni Elifaz.
23 Ang mga anak na lalaki ni Shobal ay sina Alvan, Manahat, Ebal, Shefo at Onam.
24 Ang mga anak na lalaki ni Zibeon ay sina Aya at Ana. Si Ana ang nakatuklas ng bukal doon sa ilang habang nagpapastol siya ng mga asno ng kanyang ama.
25 Ang mga anak ni Ana ay sina Dishon at Oholibama.
26 Ang mga anak na lalaki ni Dishon ay sina Hemdan, Eshban, Itran at Keran.
27 Ang mga anak na lalaki ni Ezer ay sina Bilhan, Zaavan at Akan.
28 Ang mga anak na lalaki ni Dishan ay sina Uz at Aran.
29-30 Ito naman ang mga pinuno batay sa bawat lahi ng mga Horeo na may pinamamahalaang lupain sa Seir: sina Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Dishan.
Ang mga Hari ng Edom(D)
31 Ito ang mga hari ng Edom noong panahon na wala pang mga hari ang mga Israelita:
32 Si Bela na taga-Dinhaba na anak ni Beor ay naging hari sa Edom.
33 Pagkamatay ni Bela, pinalitan siya ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bozra.
34 Pagkamatay ni Jobab, pinalitan siya ni Husham na taga-Teman.
35 Pagkamatay ni Husham, pinalitan siya ni Hadad na taga-Avit na anak ni Bedad. Si Hadad ang tumalo sa mga Midianita roon sa Moab.
36 Pagkamatay ni Hadad, pinalitan siya ni Samla na taga-Masreka.
37 Pagkamatay ni Samla, pinalitan siya ni Shaul na taga-Rehobot na malapit sa ilog.[l]
38 Pagkamatay ni Shaul, pinalitan siya ni Baal Hanan na anak ni Acbor.
39 Pagkamatay ni Baal Hanan na anak ni Acbor, pinalitan siya ni Hadad na taga-Pau. Ang asawa niya ay si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Me-Zahab.
40-43 Si Esau (na tinatawag ding Edom) ang pinagmulan ng mga Edomita. At ito ang mga naging pinuno sa mga lahi ni Esau na ang angkan at lupain ay ipinangalan sa kanila: Timna, Alva, Jetet, Oholibama, Elah, Pinon, Kenaz, Teman, Mibzar, Magdiel, at Iram.
Ang Tanong Tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
12 Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga tagasunod kaya nanguha ang mga ito ng uhay ng trigo at kinain ang mga butil. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. 5 At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. 6 Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. 7-8 Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’[a] hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)
9 Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 10 May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? 12 Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 14 Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Ang Piniling Lingkod ng Dios
15 Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 16 Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. 17 Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
18 “Narito ang pinili kong lingkod.
Minamahal ko siya at kinalulugdan.
Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu,
at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw,
at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan.
20 Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya
o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa.[b]
Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan.
21 At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.”[c]
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
21 Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo. 22 Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay. 23 Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan. 24 Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan. 25 Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, 26 dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®