The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Pagkakasala ng Tao
3 Sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Dios, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Dios na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?”
2 Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, 3 maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Dios na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.”
4 Pero sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! 5 Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.”
6 Nang pinagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga ay parang masarap kainin, at dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. 7 Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos para ipantakip sa kanilang katawan.
8 Pagdating ng hapon, narinig nila na lumalakad ang Panginoong Dios sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon. 9 Pero tinawag ng Panginoong Dios ang lalaki, “Nasaan ka?” 10 Sumagot ang lalaki, “Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.” 11 Nagtanong ang Panginoong Dios, “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?” 12 Sumagot ang lalaki, “Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.”
13 Tinanong ng Panginoong Dios ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?” Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”
Pinarusahan sila ng Dios
14 Kaya sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. 15 Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya[a] ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”
16 Sinabi rin niya sa babae, “Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak. Pero sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa at maghahari siya sa iyo.”[b]
17 Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo, susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto para makakain. 18 Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik. Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid. 19 Kinakailangang magpakahirap ka nang husto para makakain, hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan. Dahil sa lupa ka nagmula, sa lupa ka rin babalik.”
20 Pinangalanan ni Adan[c] ang asawa niya na “Eva”[d] dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao. 21 Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.
Pinaalis ng Dios sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden
22 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buhay magpakailanman.” 23 Kaya pinaalis siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya.
24 Nang mapaalis na ng Panginoong Dios ang tao, naglagay siya ng mga kerubin[e] sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot para walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.
Si Cain at si Abel
4 Pagkatapos noon, sumiping si Adan sa asawa niyang si Eva at nagbuntis ito. Nang manganak si Eva, sinabi niya, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, kaya Cain ang ipapangalan ko sa kanya.”[f] 2 At muling nanganak si Eva ng lalaki at Abel ang ipinangalan sa kanya.
Nang lumaki na sila, si Abel ay naging pastol ng mga tupa at kambing, at si Cain naman ay naging magsasaka. 3 Isang araw, naghandog si Cain sa Panginoon ng galing sa ani niya. 4 Si Abel naman ay kumuha ng isang panganay sa mga inaalagaan niyang hayop, kinatay ito at inihandog sa Dios ang pinakamagandang bahagi. Natuwa ang Panginoon kay Abel at sa handog nito, 5 pero hindi siya natuwa kay Cain at sa handog nito. At dahil dito, sumimangot si Cain at labis ang kanyang galit. 6 Kaya tinanong siya ng Panginoon, “Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot? 7 Kung mabuti lang ang ginawa mo, maligaya ka[g] sana. Pero mag-ingat ka! Dahil kung hindi mabuti ang ginagawa mo, ang kasalanan ay maghahari sa iyo. Sapagkat ang kasalanan ay katulad ng mabagsik na hayop na nagbabantay sa iyo para tuklawin ka. Kaya kailangang talunin mo ito.”
8 Isang araw, sinabi ni Cain kay Abel, “Halika, pumunta tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel.
9 Pagkatapos, nagtanong ang Panginoon kay Cain, “Nasaan ang kapatid mo?” Sumagot si Cain, “Ewan ko, hindi ko alam kung nasaan siya. Bakit, ako ba ang tagapagbantay niya?” 10 Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Ano ang iyong ginawa? Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya. 11 Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Mula ngayon, hindi ka na makakapagsaka sa lupa na sumipsip ng dugo ng iyong kapatid na pinatay mo. 12 Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka kahit saan.”
13 Sinabi ni Cain sa Panginoon, “Napakabigat ng parusang ito para sa akin. 14 Itinataboy ninyo ako ngayon sa lupaing ito at sa inyong harapan. Wala na akong matitirhan, kaya kahit saan na lang ako pupunta. At kung may makakakita sa akin, tiyak na papatayin niya ako.”
15 Pero sinabi ng Panginoon kay Cain, “Hindi iyan mangyayari sa iyo! Sapagkat ang sinumang papatay sa iyo ay gagantihan ko ng pitong beses.”[h] Kaya nilagyan ng Panginoon ng palatandaan si Cain para hindi siya patayin ng kahit sinong makakakita sa kanya. 16 Pagkatapos, lumayo si Cain sa Panginoon at doon tumira sa lugar ng Nod,[i] sa bandang silangan ng Eden.
Ang mga Lahi ni Cain
17 Sumiping si Cain sa asawa niya. Nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan nila siyang Enoc. Nagpatayo si Cain ng isang lungsod at pinangalanan niya itong Enoc kagaya ng pangalan ng kanyang anak. 18 Si Enoc ay may anak ding lalaki na ang pangalan ay Irad. Si Irad ang ama ni Mehujael; si Mehujael ang ama ni Metusael; at si Metusael ang ama ni Lamec. 19 Si Lamec ay may dalawang asawa na sina Ada at Zila. 20 Ipinanganak ni Ada si Jabal na siyang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga tolda, na nag-aalaga ng mga hayop. 21 May kapatid si Jabal na lalaki na ang pangalan ay Jubal, na siyang pinagmulan ng lahat na tagatugtog ng alpa at plauta. 22 Si Zila ay nagkaanak din ng lalaki na ang pangalan ay Tubal Cain. Si Tubal Cain ay gumagawa ng lahat ng klase ng kagamitan mula sa bakal at tanso. May kapatid siyang babae na si Naama.
23 Isang araw, sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa,
“Ada at Zila, mga asawa ko, pakinggan nʼyo ako. Pinatay ko ang isang binatilyo dahil sinaktan niya ako.
24 Kung pitong beses ang tindi ng ganti sa taong pumatay kay Cain,
77 beses ang tindi ng ganti sa taong papatay sa akin.”
Ang mga Lahi ni Set
25 Sumiping muli si Adan kay Eva at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan niya itong Set.[j] Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Dios ng anak na lalaki bilang kapalit ni Abel na pinatay ni Cain.” 26 Nang bandang huli, si Set ay nagkaroon din ng anak na lalaki na pinangalanan niyang Enosh.
Nang panahong isinilang si Enosh, ang mga taoʼy nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Ang Pagtakas Patungo sa Egipto
13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”
14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.
Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[a]
Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki
16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.
17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,
18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
at ayaw niyang magpaaliw
dahil patay na ang mga ito.”[b]
Ang Pagbabalik Mula sa Egipto
19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.
22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. 2 Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na[c] ang paghahari ng Dios.”[d] 3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[e]
4 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kinakain niya ay balang at pulot-pukyutan. 5 Nagpuntahan sa kanya ang maraming tao galing sa Jerusalem, sa mga bayan ng Judea, at sa mga bayan na malapit sa Ilog ng Jordan. 6 Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.
Ang Haring Hinirang ng Panginoon
2 Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
2 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa hari na kanyang hinirang.
3 Sinabi nila,
“Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
4 Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
5 Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
6 Sinabi niya,
“Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
7 Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
“Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
8 Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
9 Pamumunuan mo sila,
at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”
10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.
7 Ang pagkatakot sa Panginoon na may paggalang ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal,[a] walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan upang maituwid ang kanyang pag-uugali.
Payo sa Pag-iwas sa Masamang Tao
8 Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang, 9 dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kwintas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®