Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 50:1 - Exodus 2:10

50 Niyakap agad ni Jose ang kanyang ama at hinalikan habang umiiyak. Pagkatapos, inutusan niya ang mga lingkod niyang manggagamot na embalsamohin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo nila ito. Tumagal ang pag-eembalsamo sa kanya ng 40 araw, ayon sa kinaugalian ng mga Egipcio. Nagluksa ang mga Egipcio sa loob ng 70 araw.

Nang matapos ang kanilang pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga opisyal ng Faraon, “Kung maaari ay sabihin ninyo sa Faraon na pahintulutan niya akong ilibing ang aking ama sa Canaan. Sapagkat bago siya namatay, ipinasumpa niya ako na ilibing ko siya sa libingang ipinagawa niya sa Canaan. Babalik din ako agad pagkatapos ng libing.”

Nang malaman ito ng Faraon, sinabi niya kay Jose, “Tuparin mo ang ipinangako mo sa iyong ama. Umalis ka at ilibing siya.”

Kaya umalis si Jose kasama ang maraming opisyal ng Faraon: ang mga tagapamahala ng palasyo at ang mga tagapamahala ng Egipto. Kasama rin ang sambahayan ni Jose at ang sambahayan ng kanyang ama, pati ang kanyang mga kapatid. Ang naiwan sa Goshen ay ang maliliit nilang anak at ang mga hayop nila. Kasama rin nila ang mga karwahe at mga mangangabayo. Talagang napakarami nila.

10 Pagdating nila sa giikan sa Atad, malapit sa Ilog ng Jordan, nagluksa sila roon para kay Jacob at labis ang kanilang pag-iyak. Labis ang kalungkutan ni Jose sa loob ng pitong araw para sa kanyang ama. 11 Nang makita ng mga Cananeo ang pagdadalamhati nila sa may giikan sa Atad, sinabi nila “Labis ang pagdadalamhati ng mga Egipcio.” Kaya ang lugar na iyon na malapit sa Ilog ng Jordan ay tinawag na Abel Mizraim.[a]

12 Tinupad ng mga anak ni Jacob ang habilin niya sa kanila. 13 Sapagkat dinala nila ang bangkay nito sa Canaan at inilibing sa kweba na nasa bukid sa Macpela, sa silangan ng Mamre. Binili ni Abraham ang bukid na ito kay Efron na Heteo para gawing libingan. 14 Pagkatapos ng libing, bumalik si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng sumama sa paglilibing.

Ang Pangako ni Jose sa Kanyang mga Kapatid

15 Ngayong patay na ang kanilang ama, sinabi ng mga kapatid ni Jose, “Baka nagkikimkim pa ng galit sa atin si Jose at gumanti siya sa ginawa natin sa kanya.” 16 Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose na nagsasabi, “Nagbilin ang ama natin bago siya mamatay 17 na sabihin sa iyo na patawarin mo kami sa masamang ginawa namin sa iyo. Kaya ngayon, patawarin mo sana kami alang-alang sa Dios ng ating ama.” Nang makarating ang mensahe nila kay Jose, umiyak siya.

18 Hindi nagtagal, pumunta mismo ang mga kapatid niya sa kanya. Pagdating nila, nagpatirapa sila sa harapan niya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi nila, “Handa kaming maging alipin mo.”

19 Pero sumagot si Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sino ako para makialam sa plano ng Dios? 20 Totoong nagplano kayo ng masama sa akin, pero plinano na ng Dios na magdulot iyon ng kabutihan na siyang nagligtas ng marami sa inyo sa taggutom. 21 Kaya huwag kayong matakot. Susustentuhan ko kayo ng pagkain pati ang mga anak ninyo.” Pinangakuan sila ni Jose at nakapagbigay ito ng kaligayahan sa kanila.

Ang Pagkamatay ni Jose

22 Nanatili si Jose sa Egipto kasama ang buong sambahayan ng kanyang ama. Nabuhay siya ng 110 taon, 23 at nakita pa niya ang mga apo niya sa tuhod sa anak niyang si Efraim at sa apo niyang si Makir na anak ni Manase. Itinuring niya bilang sariling anak ang mga anak ni Makir.

24 Ngayon, sinabi ni Jose sa kanyang mga kamag-anak, “Malapit na akong mamatay, pero hindi kayo pababayaan ng Dios. Kukunin niya kayo sa lugar na ito at dadalhin sa lugar na ipinangako niya kay Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos, pinasumpa ni Jose ang mga Israelita. Sinabi niya, “Ipangako ninyo na kung paaalisin na kayo rito ng Dios, dadalhin din ninyo ang mga buto ko sa pag-alis nʼyo sa lupaing ito.”

26 Namatay si Jose roon sa Egipto sa edad na 110. Inembalsamo siya at inilagay sa kabaong.

Inapi ang mga Israelita sa Egipto

Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob[b] na sumama sa kanya sa Egipto, kasama ang kanilang mga pamilya: sina Reuben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Benjamin, Dan, Naftali, Gad, at Asher. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto. Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto ay 70.

Dumating ang panahon na namatay si Jose at ang lahat ng kanyang kapatid, at lumipas na ang kanilang henerasyon pero mabilis na dumami ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, nangalat sila sa buong lupain ng Egipto.

Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Egipto, na walang alam tungkol kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo. Masyado nang marami ang mga Israelita at nanganganib tayo. 10 Dahil baka magkaroon ng digmaan at kumampi sila sa mga kaaway natin, at lumaban sa atin para makaalis sa ating bansa. Kaya maghanap tayo ng paraan para hindi na sila dumami pa.”

11 Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tao na mamamahala sa mga Israelita para pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses para magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.[c] 12 Pero habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Egipto sa kanila. 13 Dahil dito, lalo pa nilang pinagmalupitan ang mga Israelita. 14 Wala silang awa sa mga ito. Pinahirapan nila ang mga Israelita sa paggawa ng mga tisa at pangsemento nito, at pinagtrabaho nang matindi sa bukid.

15 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Egipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, 16 “Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.” 17 Pero dahil may takot sa Dios ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.

18 Kaya ipinatawag ng hari ng Egipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?” 19 Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Egipcio; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”

20 Kaya pinagpala ng Dios ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. 21 At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Dios, binigyan sila ng Dios ng sarili nilang pamilya.

22 Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng mamamayan niya, “Itapon ninyo sa Ilog ng Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, pero pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”

Ang Kapanganakan ni Moises

May isang tao mula sa lahi ni Levi na nakapag-asawa ng isang babae na galing din sa lahi ni Levi. Hindi nagtagal, nagbuntis ang babae at nanganak ng isang lalaki. Nang makita niyang malusog ang sanggol, itinago niya ito sa loob ng tatlong buwan. Pero nang hindi na niya maitago ang sanggol, kumuha siya ng basket na gawa sa halaman na papyrus at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, inilagay niya ang sanggol sa basket at pinalutang sa tubig sa tabi ng matataas na damo sa pampang ng Ilog ng Nilo. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang kapatid na babae ng sanggol para tingnan kung ano ang mangyayari rito.

Ngayon, lumusong ang anak na babae ng Faraon sa Ilog ng Nilo para maligo. Habang naliligo ang prinsesa,[d] ang mga utusang babae naman niya ay naglalakad-lakad sa pampang. Nakita ng prinsesa ang basket sa matataas na damo kaya ipinakuha niya ito sa isa sa kanyang mga utusan. Binuksan niya ang basket at nakita ang umiiyak na sanggol, kaya naawa siya rito. Sinabi niya, “Isa ito sa mga sanggol ng mga Hebreo.”

Pagkatapos, lumapit ang kapatid na babae ng sanggol sa prinsesa[e] at nagtanong, “Gusto nʼyo po bang ikuha ko kayo ng isang babaeng Hebreo na magpapasuso at mag-aalaga sa sanggol para sa inyo?”

Sumagot ang prinsesa, “Sige.” Kaya umalis ang kapatid ng sanggol at pinuntahan ang kanilang ina at dinala sa prinsesa. Sinabi ng prinsesa sa ina ng bata, “Dalhin mo ang sanggol na ito at pasusuhin para sa akin. Alagaan mo siya at babayaran kita.” Kaya kinuha niya ang sanggol at inalagaan.

10 Nang lumaki na ang sanggol, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa at itinuring siya ng prinsesa bilang tunay niyang anak. Pinangalanan ng prinsesa ang bata na Moises,[f] dahil sinabi niya, “Kinuha ko siya sa tubig.”

Mateo 16:13-17:9

Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus(A)

13 Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga tagasunod, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin na Anak ng Tao?” 14 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing kayo si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong sila ni Jesus, “Pero sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Dios, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro,[a] at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya,[b] at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.[c] 19 Ibibigay ko sa iyo ang kapangyarihan[d] sa kaharian ng Dios.[e] Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.” 20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)

21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay. 22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.” 23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”

24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan[f] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(C)

17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok ng sila-sila lang. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. Bigla nilang nakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabutiʼt narito kami.[g] Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may tinig silang narinig mula sa mga ulap na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig iyon ng mga tagasunod, nagpatirapa sila sa takot. Pero nilapitan sila ni Jesus at tinapik. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Jesus na lang.

Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.”

Salmo 21

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

21 Panginoon, sobrang galak ng hari
    dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
    Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
    hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
    Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
    at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
    naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
    pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
    at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
    hindi siya mabubuwal.

Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
    Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
    upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
    ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
    dahil sa inyong kalakasan.
    Aawit kami ng mga papuri
    dahil sa inyong kapangyarihan.

Kawikaan 5:1-6

Babala Laban sa Pakikiapid

Anak, pakinggan mong mabuti ang mga sasabihin ko na may karunungan, upang malaman mo ang pagpapasya ng tama at matuto ka ring magsalita nang may karunungan. Ang salita ng masamang babae ay kasintamis ng pulot at banayad tulad ng langis. Ngunit pagkatapos ay pait at sakit ang iyong makakamit. Kung susunod ka sa kanya, dadalhin ka niya sa kapahamakan, sapagkat ang nilalakaran niya ay patungo sa kamatayan. Hindi niya pinapansin ang daan patungo sa buhay. Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko at hindi niya ito nalalaman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®