The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Namatay si Sara, at Bumili si Abraham ng Paglilibingan.
23 Nabuhay si Sara ng 127 taon. 2 Namatay siya sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay ni Sara.
3 Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng asawa niya at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila, 4 “Nakatira ako rito sa lugar ninyo bilang isang dayuhan, kaya kung maaari ay pagbilhan din ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng asawa ko.” 5 Sumagot ang mga Heteo, 6 “Ginoo, makinig ka muna sa amin. Kilala ka namin na isang tanyag na tao, kaya maaari mong ilibing ang asawa mo kahit saan na pinakamabuting libingan dito sa amin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan para mailibing mo ang asawa mo.”
7 Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kung payag kayo na rito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar 9 na ibenta niya sa akin ang kweba niya na nasa tabi ng bukirin niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo para maging akin ito at gawing libingan.”
10 Naroon pala si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod. 11 Sinabi niya, “Sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo.”
12 Muling yumukod si Abraham tanda ng pagpapasalamat sa harapan ng mga Heteo. 13 Kaya sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko para mailibing ko na doon ang asawa ko.”
14 Sumagot si Efron, 15 “Ginoo, ang lupa ay nagkakahalaga ng 400 pirasong pilak. Pero ano naman iyon sa ating dalawa. Sige, ilibing mo na ang asawa mo.”
16 Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng 400 pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasihan noon ng mga mangangalakal. At ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.
17-18 Kaya naging pag-aari ni Abraham ang bukid ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid. Saksi ang lahat ng Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod. 19 Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kweba na nasa bukirin ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron. 20 Kaya ang bukid pati ang kweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.
Asawa para kay Isaac
24 Matandang matanda na si Abraham at pinagpala siya ng Panginoon sa lahat ng bagay. 2 Isang araw, kinausap niya ang tagapamahalang alipin[a] niya na nag-aasikaso ng lahat ng ari-arian niya, “Ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[b] ko, 3 at sumumpa ka sa akin sa pangalan Panginoon, ang Dios ng kalangitan at ng lupa, na hindi ka pipili ng taga-rito sa Canaan, na kasama nating naninirahan dito, para mapangasawa ng anak kong si Isaac. 4 Pumunta ka sa lugar na pinanggalingan ko, at doon ka pumili ng babaeng mapapangasawa ng anak kong si Isaac, na mula sa mga kamag-anak ko.”
5 Pero nagtanong ang alipin, “Paano po kung ayaw sumama ng babae sa lugar na ito? Dadalhin ko na lang po ba si Isaac doon?”
6 Sumagot si Abraham, “Huwag mong dalhin si Isaac doon! 7 Dinala ako rito ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, mula sa sambahayan ng aking ama, sa lugar kung saan ako isinilang. At sumumpa siya na ibibigay niya ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi ko. Kaya lumakad ka dahil magpapadala ang Panginoon ng anghel niya na sasama sa iyo para makakita ka roon ng mapapangasawa ng anak ko. 8 Kapag hindi sumama sa iyo ang babae, wala kang pananagutan sa pagsumpa mong ito sa akin. Pero huwag mong dadalhin doon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng alipin ang kamay niya sa pagitan ng dalawang hita ni Abraham na kanyang amo, at sumumpa siya na susundin ang iniutos sa kanya.
10 Pagkatapos, kumuha ang alipin ng sampung kamelyo at mga mamahaling regalo mula sa amo niyang si Abraham. Lumakad siya agad papunta sa Aram Naharaim,[c] ang bayan na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagdating ng alipin sa bayan, pinaluhod niya ang mga kamelyo malapit sa balon sa labas ng bayan. Dapit-hapon noon at oras na ng pag-igib ng mga kababaihan.
12 Nanalangin ang alipin, “Panginoon, Dios ng amo kong si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo ang kabutihan ninyo sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa amo kong si Abraham.”
15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeka ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeka at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya para umuwi.
17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Pwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”
18 Sumagot si Rebeka, “Sige Ginoo, uminom ka.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.
19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, “Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat.” 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon para muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeka, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.
22 Pagkatapos uminom ng mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang gintong singsing na ang bigat ay anim na gramo. Inilabas din niya ang dalawang pulseras na ginto na ang bigat ay mga 120 gramo. At ibinigay niya ito kay Rebeka. 23 Pagkatapos, nagtanong siya kay Rebeka, “Kanino kang anak? May lugar pa ba sa inyo na maaari naming matulugan ngayong gabi?”
24 Sumagot si Rebeka, “Anak ako ni Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca. 25 May matutulugan kayo roon sa amin, at marami ring dayami at pagkain para sa mga kamelyo ninyo.”
26 Yumukod agad ang alipin at sumamba sa Dios. 27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking amo na si Abraham. Ipinakita niya ang kanyang kabutihan sa aking amo. Ako mismo ay ginabayan niya sa pagpunta ko sa mga kamag-anak ng aking amo.”
28 Patakbong umuwi si Rebeka sa bahay ng kanyang ina at sinabi niya sa kanila ang lahat ng nangyari. 29-30 Ang kapatid niyang si Laban ay naroon din na nakikinig sa sinasabi niya tungkol sa binanggit ng tao sa kanya. Nakita ni Laban ang singsing at pulseras na suot-suot ni Rebeka. Kaya tumakbo siya papunta sa balon at pumunta sa taong sinasabi ni Rebeka. Naroon pa rin ang lalaki na nakatayo malapit sa balon, sa tabi ng mga kamelyo. 31 Sinabi ni Laban sa kanya, “Ikaw pala ang taong pinagpala ng Panginoon. Bakit pa kayo nakatayo lang diyan? Halika sa bahay, dahil inihanda ko na ang silid para sa iyo at ang lugar para sa mga kamelyo mo.”
32 Sumama ang alipin kay Laban. Pagdating nila sa bahay, ibinaba ni Laban ang mga karga ng mga kamelyo at binigyan niya agad ang mga kamelyo ng dayami at pagkain. Dinalhan din niya ng tubig ang alipin at ang mga kasama nito, para makapaghugas sila ng paa. 33 Nang mabigyan na sila ng pagkain, sinabi ng alipin, “Hindi ako kakain hanggaʼt hindi ko pa nasasabi ang pakay ko sa pagpunta ko rito.”
Sumagot si Laban, “Sige, sabihin mo sa amin.”
34 Sinabi niya, “Alipin ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng Panginoon ang aking amo at napakayaman na niya ngayon. Binigyan siya ng Panginoon ng maraming tupa, kambing, baka, kamelyo, asno, pilak, ginto at mga aliping lalaki at babae. 36 Kahit matanda na ang asawa niyang si Sara, nagkaanak pa rin siya. At ang anak nilang lalaki ang siyang magmamana ng lahat ng ari-arian niya. 37 Pinasumpa ako ng aking amo para tuparin ko ang kanyang utos. Sinabi niya, ‘Huwag kang pipili ng mapapangasawa ng anak ko rito sa mga taga-Canaan na ang lupain ay ang tinitirahan natin ngayon. 38 Pumunta ka sa tahanan ng aking ama, at doon ka pumili ng mapapangasawa ng anak ko, mula sa aking mga kamag-anak.’
39 “Pero nagtanong ako, ‘Paano po kung hindi sumama ang babae sa akin?’ 40 Sumagot siya, ‘Ang Panginoon na sinusunod ko ay magpapadala ng anghel niya para samahan ka na mamagitan sa anak ko. Makakakita ka ng mapapangasawa ng anak ko mula sa aking mga kamag-anak, sa sambahayan ng aking ama. 41 Kung doon ka pupunta sa mga kamag-anak ko, hindi darating sa iyo ang kasamaang sinasabi ko na mangyayari kung hindi mo tutuparin ang ating sumpaan, kahit hindi nila pasamahin ang babae sa iyo.’
42 “Kaya pagdating ko kanina sa balon, nanalangin ako. Sinabi ko, ‘Panginoon, Dios ng aking amo na si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo po ang inyong kabutihan sa aking amo. 43 Ngayon po, nakatayo ako rito sa tabi ng balon. Kung may darating po na dalagang iigib ng tubig, hihingi ako ng kaunting tubig sa kanyang banga. 44 Kung papayag po siya na painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili nʼyo na maging asawa ng anak ng aking amo.’
45 “Hindi pa nga ako natatapos sa aking pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa kanyang balikat. Bumaba siya papunta sa balon at umigib. Sinabi ko sa kanya, ‘Pwede mo ba akong painumin?’
46 “Ibinaba niya agad ang banga mula sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Sige, uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo.’ Kaya uminom ako at pinainom din niya ang mga kamelyo ko.
47 “Pagkatapos, tinanong ko siya kung kanino siyang anak. Sumagot siya, ‘Kay Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca.’ At nilagyan ko ng singsing ang ilong niya at sinuotan ng mga pulseras ang kanyang braso. 48 Yumukod ako agad at sumamba sa Panginoon. Nagpuri ako sa Panginoon, ang Dios ng amo kong si Abraham. Siya ang gumagabay sa akin sa tamang lugar, kung saan nakita ko ang anak ng kamag-anak ng aking amo para maging asawa ng kanyang anak.
49 “Ngayon, gusto kong malaman kung ibibigay nʼyo na maging asawa ni Isaac si Rebeka bilang pagpapakita ng kabutihan nʼyo sa aking amo. Sabihin nʼyo na po agad para malaman ko rin kung ano ang gagawin ko.”
50 Sumagot sina Laban at Betuel, “Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi. 51 Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(A)
8 Nang bumaba na si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat[a] at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” 3 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” Agad na gumaling ang kanyang sakit at luminis siya. 4 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kaninuman. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”
Pinagaling ni Jesus ang Utusan ng Kapitan(B)
5 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Capernaum, pumunta sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap: 6 “Panginoon, may sakit po ang aking utusan. Nakaratay siya sa bahay at nasa matinding paghihirap.” 7 Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8 Pero sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Sabihin nʼyo na lang na gumaling siya, at gagaling na ang aking utusan. 9 Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kung ano pa ang iniuutos ko sa aking alipin, sinusunod niya.” 10 Namangha si Jesus nang marinig niya ito. At sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya. 11 Sinasabi ko rin sa inyo na maraming hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako ang kakaing kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa handaan ng paghahari ng Dios. 12 Ngunit maraming Judio, na paghaharian sana ng Dios, ang itatapon sa matinding kadiliman sa labas. At doon ay iiyak sila, at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”[b] 13 At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang utusan ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus(C)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro. Pagdating niya roon, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinagsilbihan si Jesus.
16 Nang magtakip-silim na, maraming sinasaniban ng masasamang espiritu ang dinala ng mga tao kay Jesus. Sa isang salita lang, pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang mga may sakit. 17 Ginawa niya ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga sakit
at inalis ang ating mga karamdaman.”[c]
13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.
15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
At ang masasama ay napahamak,
dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.
19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.
Dagdag na Kahalagahan ng Karunungan
3 Anak, huwag mong kalilimutan ang mga itinuturo ko sa iyo. Ingatan mo sa iyong puso ang mga iniuutos ko, 2 sapagkat ito ang magpapahaba at magpapaunlad ng iyong buhay. 3 Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan. 4 Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.
5 Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. 6 Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®