The Daily Audio Bible
Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 2 Kung hindi mo sila paaalisin, pupunuin ko ng mga palaka ang iyong bansa. 3 Mapupuno ng palaka ang Ilog ng Nilo at papasok ito sa palasyo mo, sa kwarto at kahit sa higaan mo. Papasok din ang mga ito sa bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo, at pati sa mga pugon at sa pinagmamasahan ng harina. 4 Tatalunan ka ng mga palaka pati na ang mga mamamayan at ang lahat ng opisyal mo.’ ”
5 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa mga ilog, sapa, at mga kanal, at mapupuno ng palaka ang buong Egipto.”
6 Kaya iniunat ni Aaron ang kanyang baston sa mga tubig ng Egipto, at lumabas ang mga palaka at napuno ang buong Egipto. 7 Pero ginawa rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka. Napalabas din nila ang mga palaka sa tubig ng Egipto.
8 Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi sa kanila, “Manalangin kayo sa Panginoon na tanggalin niya ang mga palakang ito sa aking bansa, at paaalisin ko ang mga kababayan nʼyo para makapaghandog sila sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises sa Faraon, “Sabihin mo sa akin kung kailan ako mananalangin para sa inyo, sa mga opisyal at sa mga mamamayan mo, para mawala ang mga palakang ito sa inyo at sa mga bahay ninyo. At ang matitira na lang na palaka ay ang mga nasa Ilog ng Nilo.”
10 Sumagot ang Faraon, “Ipanalangin mo ako bukas.”
Sinabi ni Moises, “Matutupad ito ayon sa sinabi nʼyo, para malaman nʼyo na walang ibang katulad ng Panginoon naming Dios. 11 Mawawala ang lahat ng palaka sa inyo maliban sa nasa Ilog ng Nilo.”
12 Pag-alis nila Moises at Aaron sa harap ng Faraon, nanalangin si Moises sa Panginoon na alisin na ang mga palaka na ipinadala niya sa Egipto. 13 At ginawa ng Panginoon ang ipinakiusap ni Moises. Namatay ang mga palaka sa mga bahay, mga hardin at sa mga bukid. 14 Tinipon ito ng mga Egipcio at ibinunton, dahil ditoʼy bumaho ang buong Egipto. 15 Pero nang makita ng Faraon na wala na ang mga palaka, nagmatigas na naman siya, at ayaw niyang makinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot na mga Lamok
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na ihampas niya ang kanyang baston sa lupa, at magiging lamok[a] ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto.” 17 Sinunod nila ito, kaya nang hampasin ni Aaron ng kanyang baston ang lupa, naging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto. At dumapo ang mga ito sa mga tao at mga hayop. 18 Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop.
19 Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Dios ang may gawa nito!” Pero matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot na mga Langaw
20 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 21 Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa. 22 Pero hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang mga mamamayan ko; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, para malaman nila na akong Panginoon ay nasa lupaing iyon. 23 Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga mamamayan ko at sa iyong mga mamamayan. Ang himalang ito ay mangyayari bukas.’ ”
24 Nagpadala nga ang Panginoon ng maraming langaw sa palasyo ng Faraon at sa mga bahay ng kanyang mga opisyal, at naminsala ang mga ito sa buong lupain ng Egipto.
25 Kaya ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa Dios ninyo, pero rito lang sa Egipto.”
26 Sumagot si Moises, “Hindi pwedeng dito kami maghandog sa Egipto, dahil ang mga handog namin sa Panginoon naming Dios ay kasuklam-suklam sa mga Egipcio. At kung maghahandog kami ng mga handog na kasuklam-suklam sa kanila, siguradong babatuhin nila kami. 27 Kailangang umalis kami ng tatlong araw papunta sa ilang para maghandog sa Panginoon naming Dios, gaya ng iniutos niya sa amin.”
28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong maghandog sa Panginoon na inyong Dios sa ilang pero huwag kayong lalayo. Ngayon, ipanalangin ninyo ako.”
29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko rito, mananalangin ako sa Panginoon. At bukas, mawawala ang mga langaw sa inyo, at sa mga opisyal at mamamayan mo. Pero siguraduhin mo na hindi mo na kami lolokohing muli at pipigilang umalis para maghandog sa Panginoon.”
30 Umalis sila Moises at nanalangin sa Panginoon, 31 at ginawa ng Panginoon ang pakiusap ni Moises. Umalis ang mga langaw sa lahat ng Egipcio. Walang natira kahit isa. 32 Pero nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot sa mga Hayop
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 2 Kung hindi mo sila paaalisin, 3 padadalhan ko ng nakamamatay na sakit ang mga hayop mo na nasa bukid – kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. 4 Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga hayop ng mga Israelita at sa mga hayop ng mga Egipcio, at walang mamamatay sa mga hayop ng mga Israelita.’ ”
5-6 Ipinaalam ng Panginoon na gagawin niya ito kinabukasan, at nangyari nga. Namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, pero walang namatay ni isa man lang sa mga hayop ng mga Israelita. 7 Nagpadala ang Faraon ng mga tao at nalaman niya na walang namatay kahit isa sa mga hayop ng mga Israelita. Pero matigas pa rin ang puso niya at hindi pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot na mga Bukol
8 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Kumuha kayo ng ilang dakot ng abo sa pugon at isasaboy ito ni Moises sa hangin sa harap ng Faraon. 9 Kakalat ang mga abo sa buong Egipto, at dahil dito tutubuan ng mga bukol ang katawan ng mga tao at mga hayop.”
10 Kaya kumuha ng abo sa pugon sila Moises at Aaron, at tumayo sa harap ng Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa hangin, at tinubuan ng mga bukol ang mga tao at mga hayop. 11 Kahit na ang mga salamangkero ay hindi makaharap kay Moises dahil tinubuan din sila ng mga bukol katulad ng lahat ng Egipcio. 12 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Ang Pag-ulan ng Yelo
13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 14 Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo para malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo. 15 Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon. 16 Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo. 17 Pero nagyayabang ka pa rin sa mamamayan ko, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis. 18 Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Egipto mula nang maging bansa ito. 19 Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
20 Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng Panginoon, kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
21 Pero may ilan na binalewala ang babala ng Panginoon; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang baston mo sa langit para umulan ng mga yelong parang bato sa buong Egipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.” 23 Kaya itinaas niya ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng kulog, mga yelo na parang bato, at kidlat. Ang mga yelong pinaulan ng Panginoon sa lupain ng Egipto 24 ang pinakamatindi mula nang maging bansa ang Egipto. Habang umuulan, patuloy naman ang pagkidlat. 25 Namatay lahat ang hayop at mga tao na naiwan sa labas, at pati na ang mga halaman at punongkahoy. 26 Tanging sa Goshen lang hindi umulan ng yelo kung saan nakatira ang mga Israelita.
27 Ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Sa pagkakataong ito, inaamin ko na nagkasala ako. Tama ang Panginoon, at ako at ang mga mamamayan ko ang mali. 28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon na itigil na niya ang matinding kulog na ito at ang pag-ulan ng yelo. Paaalisin ko na kayo, hindi na kayo dapat pang manatili rito.”
29 Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa Panginoon para manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, para malaman mo na pag-aari ng Panginoon ang mundo. 30 Pero alam kong ikaw at ang mga opisyal mo ay hindi pa rin natatakot sa Panginoong Dios.”
31 (Nasira ang mga pananim na flax[b] at sebada,[c] dahil aanihin na noon ang sebada at namumulaklak na ang flax. 32 Pero hindi nasira ang mga trigo[d] dahil hindi pa aanihin ang mga ito.)
33 Umalis si Moises sa harapan ng Faraon at lumabas ng lungsod. Itinaas niya ang kanyang kamay sa Panginoon para manalangin at huminto ang kulog, ang pag-ulan ng yelong parang bato at ang ulan. 34 Pagkakita ng Faraon na huminto na ang ulan, ang yelo at ang kulog, muli siyang nagkasala. Nagmatigas siya at ang mga opisyal niya. 35 Sa pagmamatigas niya, hindi niya pinaalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)
13 May mga taong nagdala ng maliliit na bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Pero sinaway sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.” 15 Ipinatong nga niya ang kanyang kamay sa mga bata at pinagpala niya sila, at pagkatapos nito ay umalis siya.
Ang Lalaking Mayaman(B)
16 May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong ama at ina,[a] at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[b] 20 Sinabi ng binata, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ba ang kulang sa akin?” 21 Sumagot si Jesus, “Kung nais mong maging ganap sa harap ng Dios, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya. 23 Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 24 Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 25 Nabigla ang mga tagasunod nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”
27 Nagsalita si Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?” 28 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Dios ang mundo, at ako na Anak ng Tao ay uupo sa aking trono. At kayong mga tagasunod ko ay uupo rin sa 12 trono upang husgahan[c] ang 12 lahi ng Israel. 29 At ang sinumang nag-iwan ng kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan. 30 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Dagdag na Babala
6 Anak, kapag nangako kang managot sa utang ng iba, 2 at naipit ka sa pangakong iyon, 3 ganito ang gawin mo upang maayos ang pananagutan mo sa kanya: Puntahan mo siya at makiusap na pakawalan ka niya sa iyong pananagutan. 4 Huwag kang titigil na makiusap 5 hanggang sa maging malaya ka, tulad ng isang ibon o usa na nakawala sa isang mangangaso.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®