Bible in 90 Days
Nagpakita ang Dios kay Solomon(A)
11 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. Natapos niya ang lahat ng binalak niya para rito. 12 At isang gabi, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Narinig ko ang panalangin mo at pinili ko ang templong ito na lugar para pag-aalayan ng mga handog.
13 “Halimbawang hindi ko paulanin, o kaya namaʼy magpadala ako ng mga balang sa lupa na kakain ng mga tanim, o magpadala ako ng salot sa aking mga mamamayan; 14 at kung ang mga mamamayan ko na aking tinawag ay magpakumbaba, manalangin, dumulog sa akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin ko sila mula sa langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagpapalain ko ulit pagpapalain ang kanilang lupain. 15 Papansinin ko sila at pakikinggan ang kanilang mga panalangin sa lugar na ito, 16 dahil ang templong ito ay pinili kong isang lugar kung saan pararangalan ako magpakailanman. Iingatan ko ito at laging aalagaan.
17 “At ikaw, kung mamumuhay ka sa aking harapan gaya ng iyong amang si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 18 paghahariin ko ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong amang si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Hindi ka mawawalan ng angkan na maghahari sa Israel.’ 19 Pero kung tatalikod kayo at hindi tutuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 20 palalayasin ko kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo, at itatakwil ko ang templong ito na pinili kong lugar para sa karangalan ng aking pangalan. At itoʼy kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao. 21 At kahit maganda at tanyag ang templong ito, gigibain ko ito. Magugulat at magtataka ang lahat ng daraan dito at magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at sa templong ito?’ 22 Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto, at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kasamaang ito.’ ”
Ang Iba Pang Naipatayo ni Solomon(B)
8 Pagkatapos ng 20 taong pagpapatayo ni Solomon ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, 2 muli niyang ipinatayo ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Hiram[a] at pinatirhan sa mga Israelita. 3 Ito rin ang panahong nilusob ni Solomon at inagaw ang Hamat Zoba. 4 Ipinatayo rin niyang muli ang Tadmor na nasa disyerto at ang mga lungsod sa Hamat na pinaglalagyan ng kanyang mga pangangailangan. 5 Pinatibay niya ang itaas at ilalim na bahagi ng Bet Horon. Pinaligiran niya ito ng mga pader at pinalagyan ng pintuan na may mga kandado. 6 Ganito rin ang ginawa niya sa Baalat at sa iba pang mga lungsod na lagayan ng kanyang mga pangangailangan, mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng gusto niyang ipatayo sa Jerusalem, Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.
7-8 May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ang mga lahi ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng mga Israelita nang agawin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na gumawa, at nanatili silang alipin hanggang ngayon. 9 Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya itong kanyang mga sundalo, mga kapitan ng kanyang mga sundalo at mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 10 Ang 250 sa kanilaʼy ginawa ni Solomon na mga opisyal na namamahala ng mga gumagawa sa kanyang mga proyekto.
11 Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa na anak ng Faraon,[b] inilipat niya ang kanyang asawa roon mula sa Lungsod ni David. Sapagkat sinabi niya, “Hindi pwedeng tumira ang asawa ko sa palasyo ni Haring David, dahil banal ang lugar na iyon dahil naroon dati ang Kahon ng Panginoon.”
12 Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon sa altar na kanyang ipinatayo sa harapan ng balkonahe ng templo. 13 Tinupad niya ang utos ni Moises na maghandog ayon sa nararapat na ihandog araw-araw at sa panahon ng Araw ng Pamamahinga, Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[c] at ng tatlong pista na ipinagdiriwang taun-taon: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng Pag-aani, at Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 14 At ayon sa tuntunin ng ama niyang si David, pinagbukod-bukod niya ang mga pari at mga Levita para sa kanilang mga gawain. Ang mga Levita ang nangunguna sa mga tao sa pagpupuri sa Dios at sila ang tumutulong sa mga pari sa kanilang gawain sa templo araw-araw. Ibinukod din niya ang mga guwardya ng bawat pintuan sa templo, dahil ito ang utos ni David na lingkod ng Dios. 15 Sinunod ni Solomon ang lahat ng utos ni Haring David tungkol sa mga pari at mga Levita at sa mga bodega.
16 Natapos ang lahat ng ipinagawa ni Solomon sa templo, mula sa paglalagay ng pundasyon nito hanggang sa matapos ito.
17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion Geber at Elat, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko na pinamahalaan ng sarili niyang mga opisyal na mahuhusay na mandaragat. Naglakbay sila kasama ng mga tauhan ni Solomon papuntang Ofir. At sa pagbalik nila, may dala silang mga 16 na toneladang ginto, at dinala nila ito kay Haring Solomon.
Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon(C)
9 Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, pumunta siya sa Jerusalem para subukin ang karunungan ni Solomon sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng nasa kanyang isipan. 2 Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga katanungan at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. 3 Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at nang makita niya ang ganda ng palasyo na kanyang ipinatayo, 4 lubos siyang namangha. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng kanyang mga alipin at mga tagasilbi ng kanyang alak na may magagandang uniporme, at ang mga handog na sinusunog na kanyang inihandog sa templo ng Panginoon.
5 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. 6 Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan ninyo ay higit pa kaysa sa nabalitaan ko. 7 Napakapalad ng mga tauhan ninyo! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. 8 Purihin ang Panginoon na inyong Dios na nalugod sa inyo at naglagay sa inyo sa trono upang maghari para sa kanya. Dahil sa pag-ibig ng inyong Dios sa Israel at sa kagustuhan niyang manatili ang bansang ito magpakailanman, ginawa niya kayong hari nito, para mamahala na may katarungan at katuwiran.”
9 Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mamahaling mga bato. Wala nang makakapantay sa dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
10 May dala rin kay Haring Solomon ang mga tauhan niya at ang mga tauhan ni Hiram na mga ginto, maraming kahoy na almug, at mamahaling mga bato galing sa Ofir. 11 Ginamit ng hari ang mga kahoy na almug para gawing hagdanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang ibaʼy ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Wala pang sinuman ang nakakita ng mga ganoong bagay sa Juda.
12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang kahit anong hingin nito. Mas sobra pa ang ibinigay ni Solomon sa kanya kaysa sa dinala niya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ng mga tauhan niya.
Ang Kayamanan ni Solomon(D)
13 Taun-taon tumatanggap si Solomon ng mga 23 toneladang ginto, 14 bukod pa rito ang mga buwis na dala ng mga negosyante. Nagbibigay din sa kanya ng mga ginto at pilak ang lahat ng hari ng Arabia at ang mga gobernador ng Israel.
15 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong[d] kilong ginto. 16 Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga tatlo at kalahating kilong ginto. Pinalagay niya itong lahat sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.
17 Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante, at binalutan ito ng purong ginto. 18 May anim na baitang ang trono, at may tungtungan ito ng paa na ginto. Sa bawat gilid nito ay may estatwang leon na nakatayo. 19 At mayroon ding estatwa ng leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 20 Ang lahat ng kopa ni Haring Solomon ay purong ginto, at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay puro ginto rin. Hindi ito ginawa sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 21 May mga barko rin si Solomon na pang-negosyo,[e] na ang tripulante ay ang mga tauhan ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa bawat tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante, at malalakiʼt maliliit na uri ng mga unggoy at pabo real.
22 Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 23 Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 24 Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.[f]
25 May 4,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may 12,000 kabayo[g] na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 26 Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Egipto. 27 Noong panahon na siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay gaya lang ng ordinaryong mga bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga ordinaryong kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[h] 28 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula sa Egipto at sa iba pang mga bansa.
Ang Pagkamatay ni Solomon(E)
29 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Natan, sa Mga Mensahe ni Ahia na Taga-Shilo, at sa mga Pangitain ni Iddo na Propeta, na nagsasabi rin tungkol sa paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon. 31 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.
Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam(F)
10 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari. 2 Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat sa panahong ito, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) 3 Ipinatawag ng mga Israelita si Jeroboam, at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, 4 “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”
5 Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao. 6 Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?” 7 Sumagot sila, “Kung ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanila, at ibibigay sa kanila ang kanilang kahilingan, maglilingkod sila sa inyo magpakailanman.”
8 Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya. 9 Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.” 10 Sumagot ang mga binata, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang aking kalingkingan ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11 Ang ibig kong sabihin mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.’ ”[i]
12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila. 13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya nang masasakit ang mga tao 14 ayon sa ipinayo ng mga binata. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”
15 Kaya hindi nakinig ang hari sa mga tao, itoʼy niloob ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo. 16 Nang malaman ng mga Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Hindi kami bahagi ng lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” Kaya umuwi ang lahat ng mga Israelita. 17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang pinamahalaan ni Rehoboam.
18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.
Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(G)
11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 2 Pero sinabi ng Panginoon kay Shemaya na kanyang lingkod, 3 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng Israelita sa Juda at Benjamin 4 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa inyong kadugo. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod sila sa Panginoon at hindi nila nilusob si Jeroboam.
5 Nagpaiwan si Rehoboam sa Jerusalem at pinalakas niya ang mga bayan na ito para maprotektahan ang Juda: 6 Betlehem, Etam, Tekoa, 7 Bet Zur, Soco, Adulam, 8 Gat, Maresha, Zif, 9 Adoraim, Lakish, Azeka, 10 Zora, Ayalon at Hebron. Ito ang mga napapaderang lungsod sa Juda at Benjamin. 11 Pinatatag niya ang mga tanggulan nito at pinalagyan ito ng mga kumander. Silaʼy binigyan niya ng mga pagkain, langis ng olibo, at katas ng ubas. 12 Pinalagyan niya ang mga lungsod ng mga pananggalang at mga sibat bilang dagdag na pampatibay. Kaya ang Juda at ang Benjamin ay naging sakop niya.
13 Pero ang mga pari at mga Levita na nakatira kasama ng ibang lahi ng Israel ay kumampi kay Rehoboam. 14 Ang mga Levitang ito ay iniwan ang kanilang bahay at lupa, at lumipat sa Juda at Jerusalem dahil itinakwil sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ng Panginoon. 15 Nagtalaga si Jeroboam ng sarili niyang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar,[j] kung saan sumasamba sila sa kanilang mga dios-diosan na kambing at baka na gawa ni Jeroboam. 16 Ang mga Israelita sa ibang lahi ng Israel na gustong dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay sumunod sa mga Levita sa Jerusalem, para makapaghandog sila ng mga handog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. 17 Pinatibay nila ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon, sinuportahan nila si Rehoboam na anak ni Solomon. Sumunod sila sa Panginoon gaya ng kanilang ginawa noong naghari sina David at Solomon.
Ang Pamilya ni Rehoboam
18 Pinakasalan ni Rehoboam si Mahalat, na anak ni Jerimot na anak ni David, at Abihail na anak ni Eliab at apo ni Jesse. 19 Si Rehoboam at si Mahalat ay may tatlong anak na lalaki na sina Jeush, Shemaria at Zaham. 20 Pinakasalan din ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Abijah, Atai, Ziza at Shelomit. 21 Mas mahal ni Rehoboam si Maaca kaysa sa iba niyang mga asawa. May 18 asawa si Rehoboam at may 60 pa siyang mga asawang alipin. At ang mga anak niya ay 28 lalaki at anim na babae. 22 Ang anak niya kay Maaca na si Abijah ang pinili niyang maging pinuno ng mga anak niyang prinsipe, na nangangahulugang si Abijah ang papalit sa kanya bilang hari. 23 Maingat na binigyan ni Rehoboam ng katungkulan ang iba pa niyang mga anak, at inilagay niya sila sa napapaderang lungsod ng Juda at Benjamin. Binigyan niya sila ng kanilang mga pangangailangan at mga asawa.
Nilusob ni Shisak ang Jerusalem(H)
12 Nang matatag na ang paghahari ni Rehoboam at makapangyarihan na siya, itinakwil niya at ng buong Israel ang kautusan ng Panginoon. 2 Dahil hindi sila matapat sa Panginoon, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto, ang Jerusalem noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam. 3 Kasama ni Shisak ang 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at napakaraming sundalo, na ang iba sa kanilaʼy galing pa sa Libya, Sukot at Etiopia. 4 Sinakop ni Shisak ang napapaderang lungsod ng Juda at lumusob hanggang sa Jerusalem.
5 Pagkatapos, pumunta si Propeta Shemaya kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na tumakas sa Jerusalem dahil sa takot kay Shisak. Sinabi ni Shemaya sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Itinakwil nʼyo ako, kaya ngayon, pababayaan ko kayo kay Shisak.”
6 Nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Matuwid ang Panginoon!”
7 Nang makita ng Panginoon na silaʼy nagpakumbaba, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Shemaya, “Dahil nagpakumbaba sila, hindi ko sila lilipulin at hindi magtatagal ay palalayain ko sila. 8 Pero ipapasakop ko sila sa kanya para matutuhan nila na mas mabuti ang maglingkod sa akin kaysa sa paglingkuran ang mga makalupang hari.”
9 Nang nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem, ipinakuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon. 10 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya ng pintuan ng palasyo. 11 At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na nagdadala ng mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.
12 Dahil nagpakumbaba si Rehoboam, nawala ang galit ng Panginoon sa kanya, at hindi siya nalipol nang lubos. May natira pang kabutihan sa Juda.
13 Lalong tumatag ang pamamahala ni Haring Rehoboam at nagpatuloy siya sa paghahari roon sa Jerusalem. Siyaʼy 41 taong gulang nang maging hari, at naghari siya ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na isang Ammonita. 14 Pero gumawa ng kasamaan si Rehoboam dahil hindi siya naghangad na hanapin ang Panginoon.
15 Ang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam mula sa umpisa hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Shemaya at Aklat ni Propeta Iddo, na talaan ng mga salinlahi. Nagpatuloy ang paglalaban nina Rehoboam at Jeroboam. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Abijah ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(I)
13 Naging hari ng Juda si Abijah noong ika-18 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 2 Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca[k] na anak ni Uriel na taga-Gibea.
Naglaban sina Abijah at Jeroboam. 3 Lumusob si Abijah kasama ang 400,000 matatapang na tao, at naghanda si Jeroboam ng 800,000 matatapang na tao sa pakikipaglaban. 4 Pagdating nila Abijah sa mababang bahagi ng Efraim, tumayo si Abijah sa Bundok ng Zemaraim, at sumigaw kay Jeroboam at sa mga taga-Israel, “Makinig kayo sa akin. 5 Hindi nʼyo ba alam na ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay gumawa ng walang hanggang kasunduan kay David na siya at ang kanyang mga angkan ang maghahari sa Israel magpakailanman? 6 Pero ikaw Jeroboam na anak ni Nebat ay nagrebelde sa iyong amo na si Solomon na anak ni David. 7 Sumama sa iyo ang mga walang kwentang tao, at kumakalaban sa anak ni Solomon na si Rehoboam noong bata pa ito, at wala pang karanasan at kakayahang lumaban sa inyo. 8 At ngayon gusto nʼyong kalabanin ang kaharian ng Panginoon na pinamamahalaan ng angkan ni David. Nagmamayabang kayo na marami ang mga sundalo ninyo at dala nʼyo ang mga gintong baka na ipinagawa ni Jeroboam bilang mga dios ninyo. 9 Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaari ng italaga bilang pari ng inyong huwad na mga dios.
10 “Pero kami, ang Panginoon ang aming Dios, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga pari namin na naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita. 11 Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Dios. Pero kayo, itinakwil nʼyo siya. 12 Ang Dios ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay.”
13 Habang nagsasalita si Abijah, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda para tambangan sila. 14 Nang makita ng mga taga-Juda na nilulusob sila sa likuran at sa harapan, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Pinatunog agad ng mga pari ang mga trumpeta, at 15 sumigaw nang malakas ang mga taga-Juda sa paglusob. Sa kanilang pagsigaw, tinalo ng Dios si Jeroboam at ang mga sundalo ng Israel. Hinabol sila ni Abijah at ng mga sundalo ng Juda. 16 Tumakas sila at ibinigay sila ng Dios sa mga taga-Juda. 17 Marami ang napatay ni Abijah at ng mga tauhan niya – 500,000 matatapang na taga-Israel. 18 Kaya natalo ng mga taga-Juda ang mga taga-Israel, dahil nagtiwala sila sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
19 Hinabol ni Abijah si Jeroboam at inagaw niya rito ang mga bayan ng Betel, Jeshana at Efron, at ang mga baryo sa paligid nito. 20 Hindi na mabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan nang panahon ni Abijah, at pinarusahan siya ng Panginoon at siyaʼy namatay. 21 Samantala, lalo pang naging makapangyarihan si Abijah. May 14 siyang asawa at 22 anak na lalaki at 16 na anak na babae. 22 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, ang kanyang mga sinabi at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Iddo.
14 Namatay si Abijah at inilibing sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari. Sa panahon ng paghahari niya, nagkaroon ng kapayapaan sa Juda sa loob ng sampung taon.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda.
2 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. 3 Ipinagiba niya ang mga altar ng mga dios-diosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar.[l] Ipinagiba rin niya ang mga alaalang bato at pinaputol ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 4 Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan. 5 Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa. 6 At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.
7 Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Dios. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.
8 May 300,000 sundalo si Asa na taga-Juda, na armado ng malalaking pananggalang at mga sibat. At mayroon din siyang 280,000 sundalo na taga-Benjamin, na armado ng maliliit na pananggalang at mga pana. Silang lahat ay matatapang na sundalo.
9 Nilusob ni Zera na taga-Etiopia[m] ang Juda kasama ang maraming sundalo at 300 karwahe. At nakarating sila hanggang sa Maresha. 10 Pumwesto sina Asa sa Lambak ng Zefata malapit sa Maresha. 11 Pagkatapos, nanalangin si Asa sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, wala na pong iba pang makakatulong sa mga taong walang kakayahan laban sa mga makapangyarihan kundi kayo lang. Tulungan nʼyo po kami, O Panginoon naming Dios, dahil umaasa po kami sa inyo, at sa inyong pangalan, pumunta kami rito laban sa napakaraming sundalong ito. O Panginoon, kayo po ang aming Dios; huwag nʼyo pong payagang manaig ang tao laban sa inyo.”
12 Kaya dinaig ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at ng mga taga-Juda. Tumakas ang mga taga-Etiopia, 13 at hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga sundalo hanggang sa Gerar. Marami sa mga ito ang namatay at hindi na makalaban pa. Dinaig sila ng Panginoon at ng kanyang mga sundalo. Maraming ari-arian ang nasamsam ng mga sundalo ng Juda. 14 Nilipol nila ang mga baryo sa paligid ng Gerar, dahil dumating sa mga ito ang nakakatakot na parusa ng Panginoon. Sinamsam nila ang mga ari-arian ng mga bayan dahil marami ang mga ari-arian nito. 15 Nilusob din nila ang mga kampo ng mga tagapagbantay ng mga hayop, at pinagkukuha ang mga tupa, mga kambing at mga kamelyo. Pagkatapos, nagsibalik sila sa Jerusalem.
Ang Mga Pagbabagong Ginawa ni Asa
15 Pinuspos ng Espiritu ng Dios si Azaria na anak ni Obed. 2 Nakipagkita siya kay Asa at sinabi, “Pakinggan nʼyo po ako Haring Asa, at lahat kayong taga-Juda at taga-Benjamin. Mananatili ang Panginoon sa inyo habang nananatili kayo sa kanya. Kung dudulog kayo sa kanya, tutulungan niya kayo. Pero kung tatalikuran nʼyo siya, tatalikuran din niya kayo. 3 Sa mahabang panahon, namuhay ang mga Israelita na walang tunay na Dios, walang paring nagtuturo sa kanila, at walang kautusan. 4 Pero sa kanilang paghihirap, dumulog sila sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at tinulungan niya sila. 5 Nang panahong iyon, mapanganib ang maglakbay dahil nagkakagulo ang mga tao. 6 Naglalaban ang mga bansa at ang mga lungsod, dahil ginulo sila ng Dios sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga kahirapan. 7 Pero kayo naman, magpakatapang kayo at huwag manghina dahil ang mga gawa ninyo ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mensahe ni Azaria na anak ni Obed, nagpakatapang siya. Inalis niya ang kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong Juda at Benjamin, at sa mga bayan na kanyang inagaw sa mababang bahagi ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ng Panginoon na nasa harapan ng balkonahe ng templo ng Panginoon.
9 Pagkatapos, ipinatipon niya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Benjamin, at ang mga mamamayan mula sa Efraim, Manase, at Simeon na nakatirang kasama nila. Maraming lumipat sa Juda mula sa Israel nang makita nilang si Asa ay sinasamahan ng Panginoon na kanyang Dios.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan nang ika-15 taon ng paghahari ni Asa. 11 At sa oras na iyon, naghandog sila sa Panginoon ng mga hayop na kanilang nasamsam sa labanan – 700 baka at 7,000 tupa at kambing. 12 Gumawa sila ng kasunduan na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang buong puso nilaʼt kaluluwa. 13 Ang sinumang hindi dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay papatayin, bata man o matanda, lalaki man o babae. 14 Nangako sila sa Panginoon sa malakas na tinig na may pagsasaya at pagpapatunog ng mga trumpeta at mga trumpeta. 15 Nagsaya ang lahat ng taga-Juda dahil nangako sila nang buong puso. Dumulog sila sa Panginoon nang taimtim sa kanilang puso, at tinulungan niya sila. At binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang mga kalaban kahit saan.
16 Inalis din ni Haring Asa ang kanyang lolang si Maaca sa pagkareyna nito dahil gumawa ito ng karumal-dumal na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang poste, ipinasibak ito, at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 17 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar,[n] naging matapat pa rin si Asa sa Panginoon sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at iba pang mga bagay na inihandog niya at ng kanyang ama sa Panginoon.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ika-35 taon ng paghahari ni Asa.
Ang Huling Taon ni Asa(J)
16 Nang ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 2 Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[o] doon sa Damascus kung saan siya nakatira. 3 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan na magkakampihan tayo, gaya ng ginawa ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
4 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Maim, at ang lahat ng lungsod ng Naftali na ginagamit na bodega. 5 Nang marinig ito ni Baasha, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. 6 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasha sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.
7 Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Dios, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. 8 Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. 9 Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”
10 Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.
11 Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12 Nang ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13 At nang ika-41 taon ng paghahari niya, namatay siya. 14 Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.[p] Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.
Si Haring Jehoshafat ng Juda
17 Ang pumalit kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat. Pinatibay ni Jehoshafat ang kaharian niya para makalaban siya sa Israel. 2 Nagtalaga siya ng mga sundalo sa lahat ng napapaderang lungsod, at naglagay din siya ng mga kampo ng sundalo sa Juda at sa mga bayan ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama. 3 Sinamahan ng Panginoon si Jehoshafat dahil sa unang mga taon ng paghahari niya sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ninuno na si David. Hindi siya dumulog kay Baal,[q] 4 kundi dumulog siya sa Dios ng kanyang ama, at sumunod sa kanyang kautusan sa halip na sumunod sa pamumuhay ng mga taga-Israel. 5 Pinatibay ng Panginoon ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nagdala ng mga regalo ang lahat ng taga-Juda sa kanya, kaya yumaman siya at naging tanyag. 6 Matapat siya sa pagsunod sa mga pamamaraan ng Panginoon. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar[r] at ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng paghahari niya, dinala niya ang kanyang mga opisyal na sila Ben Hail, Obadias, Zacarias, Netanel at Micaya para magturo sa mga bayan ng Juda. 8 Kasama nila ang ibang mga Levita na sina Shemaya, Netania, Zebadia, Asahel, Shemiramot, Jehonatan, Adonia, Tobia, Tob Adonia, at ang mga pari na sina Elishama at Jehoram. 9 Dinala nila ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon at umikot sila sa lahat ng bayan ng Juda at nagturo sa mga tao.
10 Niloob ng Panginoon na matakot sa kanya ang lahat ng kaharian sa paligid ng Juda, kaya wala sa kanila na nakipaglaban kay Jehoshafat. 11 Ang ibang mga Filisteo ay nagdala kay Jehoshafat ng mga regalo at pilak bilang buwis, at ang mga taga-Arabia ay nagdala sa kanya ng 7,700 tupa at 7,700 kambing. 12 Kaya naging makapangyarihan pa si Jehoshafat. Nagpatayo siya sa Juda ng mga depensa at ng mga lungsod na ginawang mga bodega. 13 Maraming pantustos ang tinipon niya sa mga bayan ng Juda. Naglagay din siya ng mahuhusay at matatapang na sundalo sa Jerusalem. 14 Ang kanyang mga sundaloʼy inilista ayon sa kanilang mga pamilya. Mula sa lahi ni Juda: si Adna ang kumander ng 300,000 sundalo, na binukod-bukod sa tig-1,000. 15 Ang sumunod sa kanya ay si Jehohanan na kumander ng 280,000 sundalo. 16 Sumunod ay si Amasia na anak ni Zicri, na kumander ng 200,000 sundalo. Nagkusang-loob siya para sa gawain ng Panginoon.
17 Mula sa lahi ni Benjamin: si Eliada, na isang matapang na tao, ang kumander ng 200,000 sundalo. Ang mga sundalong itoʼy may mga pananggalang at mga pana. 18 Ang sumunod sa kanya ay si Jehozabad na kumander ng 180,000 armadong sundalo.
19 Sila ang mga naglilingkod kay Haring Jehoshafat bukod pa sa mga sundalo na kanyang inilagay sa lahat ng napapaderang lungsod sa Juda.
Nagsalita si Micaya Laban kay Ahab(K)
18 Yumaman at naging tanyag na si Jehoshafat, at naging mabuti ang kanyang relasyon kay Haring Ahab[s] ng Israel dahil sa pagpapakasal ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilya. 2 Pagkalipas ng ilang taon, dumalaw si Jehoshafat kay Ahab sa Samaria. Nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa pagpapapiging kay Jehoshafat at sa mga tauhan niya. At hinikayat niya si Jehoshafat na lusubin ang Ramot Gilead. 3 Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat, “Handa akong sumama sa iyo, at handa akong ipagamit sa iyo ang aking mga sundalo. Oo, sasama kami sa inyo sa pakikipaglaban. 4 Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang kanyang masasabi.”
5 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!”
6 Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon na mapagtatanungan natin?” 7 Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.” 8 Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuang bayan ng Samaria, at nakikinig sa sinasabi ng mga propeta. 10 Si Zedekia na isa sa mga propeta, na anak ni Kenaana ay gumawa ng sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ” 11 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Lusubin nʼyo po ang Ramot Gilead, Haring Ahab, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”
12 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang iyong sabihin.” 13 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon na aking Dios na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”
14 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin nʼyo at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo.” 15 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?” 16 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala ng pinuno. Pauwiin sila na may kapayapaan.’ ” 17 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
18 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, na may nakatayo sa kanan niya at kaliwa niyang mga makalangit na nilalang. 19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Haring Ahab ng Israel para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 20 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’ Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa paanong paraan?’ 21 Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
22 Sinabi agad ni Micaya, “Pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasalita sa kanila ng kasinungalingan. Ipinahintulot ng Panginoon na matalo ka.” 23 Lumapit agad si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi agad ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?” 24 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtatago ka sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
25 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak. 26 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito, tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
27 Sinabi ni Micaya, “Kung makabalik ka ng walang nangyari, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
Namatay si Ahab(L)
28 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Haring Ahab ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 29 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw ang siyang magsusuot ng damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
30 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 31 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero humingi ng tulong sa Panginoon si Jehoshafat, at tinulungan siya at inilayo sa mga kalaban niya. 32 Nang mapansin ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel, huminto sila sa paghabol sa kanya.
33 Pero habang namamana ang isang sundalong Arameo sa mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 34 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo hanggang hapon. At nang lumubog na ang araw, siyaʼy namatay.
19 Bumalik si Jehoshafat sa palasyo niya sa Jerusalem na ligtas, 2 sinalubong siya ni propeta Jehu na anak ni Hanani at sinabi, “Bakit tinulungan mo ang masama at inibig ang napopoot sa Panginoon? Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa iyo. 3 Pero mayroon ding mabuti sa iyo. Inalis mo sa Juda ang posteng simbolo ng diosang si Ashera at hinangad mo ang sumunod sa Dios.”
Pumili si Jehoshafat ng mga Hukom
4 Nakatira si Jehoshafat sa Jerusalem, pero pinupuntahan niya ang mga tao mula sa Beersheba hanggang sa bulubundukin ng Efraim para hikayatin silang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng kanilang ninuno. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa bawat napapaderang lungsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa kanila, “Mag-isip muna kayo ng mabuti bago kayo humatol dahil hindi kayo hahatol para sa tao kundi para sa Panginoon, na siyang sumasainyo sa tuwing magbibigay kayo ng hatol. 7 Gumalang kayo sa Panginoon, at humatol kayo nang mabuti dahil hindi pinapayagan ng Panginoon na ating Dios ang kawalan ng katarungan, ang paghatol nang may kinikilingan, at ang pagtanggap ng suhol.”
8 Naglagay din sa Jerusalem si Jehoshafat ng mga Levita, mga pari, at mga pinuno ng pamilya ng mga Israelita sa pagdinig ng mga kaso na may kinalaman sa kautusan ng Panginoon at mga alitan. At silaʼy tumira sa Jerusalem. 9 Ito ang utos niya sa kanila: “Kailangang maglingkod kayo nang tapat at buong puso, na may paggalang sa Panginoon. 10 Kung may kaso na dumating sa inyo mula sa mga kababayan ninyo sa kahit saang lungsod na may kinalaman sa pagpatay o paglabag sa mga utos at mga tuntunin, balaan nʼyo sila na huwag magkasala sa Panginoon dahil kung hindi, ipapataw niya ang kanyang galit sa inyo at sa kanila. Gawin nʼyo ito para hindi kayo magkasala. 11 Kung may mga kaso tungkol sa Panginoon na hindi nʼyo maayos, si Amaria na punong pari ang siyang mag-aayos nito. At kung may kaso tungkol sa gobyerno na hindi nʼyo maayos, si Zebadia na anak ni Ishmael, na pinuno ng lahi ni Juda, ang siyang mag-aayos nito. Ang mga Levita ay tutulong sa inyo para matiyak na mapapairal ang hustisya. Magpakatapang kayo sa paggawa ng inyong mga tungkulin. Nawaʼy samahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng matuwid.”
Tinalo ni Jehoshafat ang Moab at Ammon
20 Pagkatapos, nakipaglaban ang mga Moabita at mga Ammonita, kasama ng ibang mga Meuneo,[t] kay Jehoshafat. 2 May mga taong pumunta kay Jehoshafat at nagsabi, “Napakarami pong sundalo ang papalapit upang lusubin kayo. Silaʼy galing sa Edom,[u] sa kabilang bahagi ng Dagat na Patay. Naroon sila sa Hazazon Tamar” (na tinatawag ding En Gedi). 3 Natakot si Jehoshafat at dumulog siya sa Panginoon. At nag-utos siya na mag-ayuno ang lahat ng taga-Juda. 4 Kaya nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng bayan ng Juda upang humingi ng tulong sa Panginoon. 5 Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito, 6 at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo. 7 O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman? 8 Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila, 9 ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’
10 “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol. 11 Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana. 12 O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”
13 Habang nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol, 14 pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaya. Si Benaya ay anak ni Jeyel. At si Jeyel ay anak ni Matania na Levita at mula sa angkan ni Asaf.
15 Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios. 16 Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang disyerto ng Jeruel. 17 Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo.’ ” 18 Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon. 19 Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel, sa napakalakas na tinig.
20 Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.” 21 Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit para mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit: “Pasalamatan ang Panginoon dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.” 22 At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir. 23 Nilusob ng mga Ammonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan. 24 Pagdating ng mga sundalo ng Juda sa mataas na bahagi ng disyerto, nakita nila ang mga bangkay ng mga kalaban nila na nakahandusay sa lupa. Wala kahit isang buhay. 25 Kaya pinuntahan ito ni Jehoshafat at ng mga tauhan niya, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Marami ang kanilang nasamsam na mga gamit, mga damit,[v] at iba pang mahahalagang bagay na halos hindi na nila madala. Inabot sila ng tatlong araw sa pagsamsam dahil sa sobrang dami ng mga ari-arian. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca[w] hanggang ngayon.
27 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban. 28 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.
29 Nang marinig ng lahat ng kaharian kung paano nakipaglaban ang Panginoon sa mga kalaban ng Israel, natakot sila. 30 Kaya may kapayapaan ang kaharian ni Jehoshafat dahil binigyan siya ng kanyang Dios ng kapayapaan sa kanyang paligid.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(M)
31 Iyon ang paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Siyaʼy 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi. 32 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon. 33 Pero hindi niya inalis ang mga sambahan sa matataas na lugar,[x] at ang mga tao ay hindi pa rin naging tapat sa pagsunod sa Dios ng kanilang ninuno.
34 Ang iba pang salaysay sa paghahari ni Jehoshafat, mula simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Mga Aklat ni Jehu na anak ni Hanani, na kasama sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
35 Pero sa mga huling bahagi ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, nakipag-alyansa siya kay Haring Ahazia ng Israel, na isang masamang tao. 36 Nagkasundo sila na magpagawa ng mga barko na pang-negosyo.[y] Ipinagawa nila ito sa piyer ng Ezion Geber. 37 Sinabi ni Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha kay Jehoshafat, “Dahil kumampi ka kay Ahazia, gigibain ko ang ipinagawa ninyo.” Kaya nagiba ang barko at hindi ito nakapaglakbay.
21 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari. 2 Ang mga kapatid ni Jehoram ay sina Azaria, Jehiel, Zacarias, Azariahu, Micael, at Shefatia. Silang lahat ang anak ni Haring Jehoshafat ng Juda.[z] 3 Binigyan sila ni Jehoshafat ng maraming regalo na pilak at ginto, mahahalagang bagay at mga napapaderang lungsod sa Juda. Pero si Jehoram ang kanyang ipinalit bilang hari dahil siya ang panganay.
Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(N)
4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram sa kaharian ng kanyang ama, ipinapatay niya ang lahat ng kanyang kapatid, pati ang ibang mga opisyal ng Juda.[aa] 5 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. 6 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil ang kanyang napangasawa ay anak ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 7 Pero dahil sa kasunduan ng Panginoon kay David, hindi niya nilipol ang angkan ni David. Nangako siya kay David na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[ab]
8 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda, at pumili sila ng sarili nilang hari. 9 Kaya pumunta si Jehoram at ang kanyang mga opisyal sa Edom dala ang lahat niyang karwahe. Pinalibutan siya at ang kumander ng kanyang mga mangangarwahe ng mga taga-Edom, pero kinagabihan sinalakay nila ang mga Edomita, at nakatakas sila. 10 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda.
Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna sa Juda, dahil itinakwil ni Jehoram ang Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno. 11 Nagpatayo siya ng mga sambahan sa mga bulubundukin ng Juda na siyang dahilan ng pagsamba ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda sa mga dios-diosan.
12 Pinadalhan ni Propeta Elias si Jehoram ng sulat na nagsasabi:
“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Hindi mo sinunod ang pamumuhay ng iyong amang si Jehoshafat o ng iyong lolo na si Asa na naging hari rin ng Juda. 13 Sa halip, sinunod mo ang pamumuhay ng mga hari ng Israel. Hinikayat mo ang mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga dios-diosan gaya ng ginawa ni Ahab. Pinatay mo rin ang iyong sariling mga kapatid na mas mahusay pa sa iyo. 14 Kaya ngayon parurusahan ka ng Panginoon, ikaw at ang iyong mamamayan, mga anak, mga asawa at ang lahat ng iyong ari-arian. Matinding parusa ang ipapadala niya sa inyo. 15 Ikaw mismo ay magtitiis ng malubhang karamdaman sa tiyan, hanggang sa lumabas ang iyong bituka.”
16 Pagkatapos, pinalusob ng Panginoon laban kay Jehoram ang mga Filisteo at ang mga Arabo, na nakatira malapit sa Etiopia. 17 Nilusob nila ang Juda at sinakop, at sinamsam ang mga ari-arian sa palasyo ng hari, pati ang kanyang mga asawaʼt anak. Ang bunso lang niyang anak na si Ahazia[ac] ang hindi nadala.
18 Pagkatapos noon, pinahirapan ng Panginoon si Jehoram ng karamdaman sa tiyan na walang kagalingan.
19 At pagkalipas ng dalawang taon, lumabas ang kanyang bituka dahil sa karamdaman, at namatay siya sa sobrang sakit. Hindi nagsindi ng apoy ang kanyang mamamayan sa pagpaparangal sa kanya, tulad ng kanilang ginawa sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. Nang mamatay siya, walang nagluksa sa kanya. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(O)
22 Si Ahazia na bunsong anak ni Jehoram ang iniluklok ng mga mamamayan ng Jerusalem na kanilang hari. Sapagkat ang ibang mga anak ni Jehoram ay pinagpapatay ng mga tulisang Arabo na lumusob sa Juda. Kaya naghari sa Juda si Ahazia na anak ni Haring Jehoram. 2 Si Ahazia ay 22[ad] taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Omri.
3 Sumunod din si Ahazia sa pamumuhay ng sambahayan ni Ahab, dahil hinikayat siya ng kanyang ina sa paggawa ng kasamaan. 4 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil pagkatapos mamatay ng kanyang ama, naging tagapayo niya ang mga miyembro ng sambahayan ni Ahab. 5 Sinunod niya ang payo nila na kumampi kay Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel. Sumama siya kay Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Naglaban sila sa Ramot Gilead, at nasugatan si Joram.
6 Kaya umuwi siya sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.
7 Ang pagdalaw ni Ahazia kay Joram ay ginamit ng Dios para lipulin si Ahazia. Nang naroon si Ahazia sa Jezreel, tinulungan niya si Joram para makipaglaban kay Jehu na anak ni Nimsi. Si Jehu ang pinili ng Panginoon para lipulin ang sambahayan ni Ahab.
8 Habang nililipol ni Jehu ang sambahayan ni Ahab, nakita niya ang mga opisyal ng Juda at ang mga anak ng mga kamag-anak ni Ahazia na sumama kay Ahazia. At pinagpapatay niya sila. 9 Pagkatapos, hinanap ng mga tauhan ni Jehu si Ahazia, at nakita nila ito na nagtatago sa lungsod ng Samaria. Dinala siya kay Jehu at pinatay. Siyaʼy inilibing nila dahil sabi nila, “Apo siya ni Jehoshafat, ang taong dumulog sa Panginoon ng buong puso.”
Wala ni isang naiwan sa mga miyembro ng pamilya ni Ahazia ang may kakayahang maghari.
Si Atalia at si Joash(P)
10 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda. 11 Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba[ae] ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoyada. Itinago niya si Joash at ang kanyang yaya sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia. 12 Sa loob ng anim na taon, nakatago sa templo ng Panginoon si Joash habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.
23 Nang ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Jehoyada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azaria na anak ni Jehoram, Ishmael na anak ni Jehohanan, Azaria na anak ni Obed, Maaseya na anak ni Adaya at Elishafat na anak ni Zicri. 2 Umikot sila sa buong Juda para tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya.
Pagdating ng mga tao sa Jerusalem, 3 pumunta sila sa templo at gumawa ng kasunduan kay Joash, na anak ng hari. Sinabi ni Jehoyada sa mga tao, “Ito na ang panahon na ang anak ng hari ay dapat maghari. Nangako ang Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David na maghahari.[af] 4 Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng templo. 5 Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng templo ng Panginoon. 6 Walang papasok sa templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Pwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Pero ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon. 7 Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Jehoyada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras. 9 Pagkatapos, binigyan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa templo ng Panginoon. 10 Pinapwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
11 Pagkatapos, pinalabas ni Jehoyada at ng kanyang mga anak si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari,[ag] at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis para ipakita na siya na ang hari at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan para papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa templo ng Panginoon. 13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng templo ng Panginoon.” 15 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®