Bible in 90 Days
40 Nagpasundo pa sila ng mga lalaki mula sa malalayong lugar. At nang dumating ang mga lalaki, naligo sila, nagpaganda at nagsuot ng mga alahas. 41 Pagkatapos, naupo sila sa magandang higaan na may mesa sa harapan. Naglagay sila sa mesa ng insenso at langis na ihahandog sana sa akin. 42 Maririnig ang ingay ng mga lasing at ng mga taong walang magawa sa buhay, na galing sa ilang. Sinuotan nila ang mga babae ng pulseras at pinutungan ng magandang korona. 43 Pagkatapos, sinabi ko sa sarili ko, ‘Sige, magpakasawa na sila sa babaeng iyon na tumanda na sa pakikiapid.’ 44 At iyon nga ang ginawa nila. Sumiping sila kay Ohola at Oholiba, ang mga babaeng marumi dahil sa kanilang kahalayan. 45 Ngunit parurusahan sila ng mga taong matuwid, parusang nararapat sa kanilang pakikiapid at pagpatay.
46 “Ako, ang Panginoong Dios, ay mag-uutos sa mga taong sasalakay sa kanila na takutin sila, sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, 47 batuhin at patayin sa pamamagitan ng espada. Papatayin nila pati ang mga anak nila at susunugin pati ang kanilang mga bahay. 48 Sa ganitong paraan, mapapatigil ko ang kahalayan ng bansang ito. At magsisilbi itong babala sa iba na hindi nila dapat tularan ang ginawa ng dalawang babaeng ito. 49 At kayong magkapatid, pagdudusahan ninyo ang ginawa ninyong kahalayan, pati na ang pagsamba ninyo sa mga dios-diosan, at malalaman ninyo na ako, ang Panginoong Dios.”
Ang Kalderong Kinakalawang
24 Noong ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, isulat mo ang petsa ng araw na ito dahil ngayon magsisimula ang paglusob ng hari ng Babilonia sa Jerusalem. 3 Pagkatapos, sabihin mo ang talinghagang ito sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel at ipaalam sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito:
“Maglagay ka ng tubig sa kaldero, 4 lagyan mo ng magandang klase ng karne na mula sa parteng balikat at hita kasama ang mga buto nito. 5 Ang pinakamagandang karne lang ng tupa ang gamitin mo. Pagkatapos, pakuluan mo itong mabuti kasama ang mga buto. 6 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Ang lungsod na itoʼy tulad ng kalderong kinakalawang at hindi nililinis. Kaya isa-isa mong kunin ang laman nito. Huwag kang mamimili. 7 Sapagkat ang pagpatay niya ay alam ng lahat. Ang dugo ng mga taong pinatay niya ay hinayaan niyang dumanak sa ibabaw ng mga bato at itoʼy nakikita ng lahat. Hindi niya ito tinabunan ng lupa. 8 Nakita ko iyon at hinayaan kong makita iyon ng lahat. Ang mga dugong iyon ay parang sumisigaw sa akin na ipaghiganti ko sila.
9 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: ‘Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Mag-iipon ako ng mga panggatong para sunugin sila. 10 Sige, dagdagan pa ninyo ang panggatong at sindihan. Pakuluan ninyo ang karne hanggang sa matuyo[a] ang sabaw at masunog pati ang mga buto. 11 Pagkatapos, ipatong ninyo ang kalderong wala nang laman sa mga baga hanggang sa magbaga rin ito. At sa ganitong paraan, lilinis ang kaldero at masusunog pati ang mga kalawang. 12 Pero kahit ganito ang gawin mo, hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.’
13 “O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo. 14 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Pagpatay sa Asawa ni Ezekiel
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man. 17 Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”
18 Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon. 19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?” 20-21 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoong Dios na sabihin ko ito sa mga mamamayan ng Israel: Nakahanda na akong dungisan ang aking templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem. 22 At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan. 23 Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa. 24 Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Panginoong Dios.”
25 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak, 26 may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe Laban sa Ammon
25 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa lugar ng Ammon at sabihin mo ito laban sa kanya. 3 Sabihin mo sa kanyang mga mamamayan na makinig sa akin, dahil ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Dahil natuwa kayo nang gibain ang aking templo, nang wasakin ang Israel at bihagin ang mga taga-Juda, 4 ipapasakop ko kayo sa mga tao sa silangan at magiging pagmamay-ari nila kayo. Magkakampo sila sa inyo, at kakainin nila ang inyong mga prutas at iinumin ang inyong gatas. 5 Gagawin kong pastulan ng mga kamelyo ang lungsod ng Rabba, at ang buong Ammon ay gagawin kong pastulan ng mga tupa. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
6 “Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Dahil pumalakpak kayo at lumundag sa tuwa sa pagkutya sa Israel, 7 parurusahan ko kayo. Ipapaubaya ko kayo sa ibang bansa para kunin ang mga ari-arian ninyo. Lilipulin ko kayo at uubusin hanggang wala nang matira sa inyo, at malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”
Ang Mensahe Laban sa Moab
8 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang Moab, na tinatawag ding Seir ay nagsasabing ang Juda ay katulad lang din ng ibang bansa. 9 Kaya ipapalusob ko ang mga bayan sa mga hangganan ng Moab, kasama ang ipinagmamalaki nilang bayan ng Bet Jeshimot, Baal Meon at Kiriataim. 10 Ipapasakop ko ang mga ito sa mga tao sa silangan at aariin din silang katulad ng mga taga-Ammon. At ang Ammon ay hindi na maituturing na isang bansa, ganoon din ang Moab. 11 Parurusahan ko ang Moab, at malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe Laban sa Edom
12 Sinabi ng Panginoong Dios, “Gumanti ang Edom sa Juda at dahil ditoʼy nagkasala ang Edom. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, parurusahan ko ang Edom. Papatayin ko ang mga mamamayan at mga hayop niya. Gagawin ko itong mapanglaw, mula sa Teman hanggang sa Dedan. Mamamatay ang mga mamamayan nito sa digmaan. 14 Maghihiganti ako sa Edom sa pamamagitan ng mga mamamayan kong Israelita. Parurusahan nila ang mga taga-Edom ayon sa matinding galit ko sa kanila, at malalaman ng mga taga-Edom kung paano ako maghiganti. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe Laban sa Filistia
15 Sinabi ng Panginoong Dios, “Nagplano ang mga Filisteo na paghigantihan ang Juda dahil sa matagal na nilang alitan. 16 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga Filisteo. Papatayin ko ang mga Kereteo[b] pati ang mga nakatira sa tabing-dagat. 17 Sa aking galit, maghihiganti ako at parurusahan ko sila. At kapag nakapaghiganti na ako sa kanila, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe Laban sa Tyre
26 Noong unang araw ng buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, natuwa ang mga taga-Tyre nang mawasak ang Jerusalem. Ang sabi nila, ‘Nawasak na ang pangunahing pinupuntahan ng mga mangangalakal kaya dito na sila pupunta sa atin at tayo naman ang uunlad.’ 3 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing kakalabanin ko ang Tyre. Ipasasalakay ko sila sa maraming bansa, darating ang mga ito na parang rumaragasang alon. 4 Gigibain ang mga pader niya at wawasakin ang kanyang mga tore. Kakalkalin nila ang lupain niya hanggang sa walang matira kundi mga bato. 5 At magiging bilaran na lang ito ng mga lambat ng mangingisda. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Ipauubaya ko ang Tyre sa ibang mga bansa at sasamsamin nila ang mga ari-arian niya. 6 Ang mga mamamayan niya sa mga bukid ay papatayin sa pamamagitan ng espada, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
7 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Mga taga-Tyre, ipasasalakay ko kayo sa hari ng mga hari, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakay siya mula sa hilaga kasama ang maraming sundalo, mga karwahe, mga kabayo at mga mangangabayo. 8 Ang mga mamamayan ninyo sa baryo ay ipapapatay niya sa pamamagitan ng espada. Sasalakay ang kanyang mga sundalo dala ang mga pangwasak ng pader, at tatambakan nila ng lupa ang gilid ng inyong mga pader para maakyat ito. 9 Ipapawasak niya ang mga pader ninyo sa pamamagitan ng trosong pangwasak nito at ang mga tore ninyo sa pamamagitan ng maso. 10 Matatabunan kayo ng alikabok dahil sa dami ng kabayong gagamitin niya sa pagsalakay. Mayayanig ang mga pader ninyo dahil sa yabag ng mga kabayo at karwaheng papasok sa giba ninyong lungsod. 11 Mapupuno ng nagtatakbuhang kabayo ang mga lansangan ninyo at papatayin nila ang mga mamamayan ninyo sa pamamagitan ng espada. Mabubuwal ang matitibay na haligi ninyo. 12 Sasamsamin nila ang mga kayamanan at paninda ninyo. Wawasakin din nila ang mga pader at magagandang bahay ninyo. At itatapon nila sa dagat ang mga bato, kahoy at ang mga matitira sa winasak. 13 Patitigilin ko ang mga awitan ninyo at pagtugtog ng alpa. 14 Ang lugar ninyo ay gagawin kong isang malapad na bato at magiging tuyuan na lang ng lambat ng mga mangingisda. Hindi na maitatayong muli ang lungsod ninyo. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga taga-Tyre, “Ang mga nakatira sa tabing-dagat ay manginginig sa takot kapag narinig nila ang pagkawasak ninyoʼt pagkamatay, at ang pagdaing ng inyong mga sugatan. 16 Ang mga hari sa mga tabing-dagat ay bababa sa kanilang trono, huhubarin ang kanilang mga damit panghari at naggagandahang damit-panloob. Uupo sila sa lupa na nanginginig sa takot dahil sa sinapit mo. 17 At tataghoy sila nang ganito para sa iyo: Paano kang bumagsak, ikaw na tanyag na lungsod na tinatahanan ng mga tao sa tabing-dagat? Makapangyarihan ka sa karagatan at kinatatakutan ng lahat. 18 At ngayon, ang mga nakatira sa tabing-dagat ay nanginginig sa takot dahil sa iyong pagkawasak.”
19 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “O Tyre, magiging mapanglaw kang lungsod, isang lungsod na walang nakatira. Ibabaon kita sa malalim na tubig. 20 Ililibing kita sa kailaliman kasama ng mga tao noong unang panahon. Mananatili kang wasak sa ilalim ng lupa kasama ng mga taong naibaon doon, at hindi ka na makakabalik sa lugar ng mga buhay. 21 Tatapusin na kita, at nakakatakot ang magiging katapusan mo. Mawawala ka na at kahit hanapin ka, hindi ka na matatagpuan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Panaghoy tungkol sa Tyre
27 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, managhoy ka para sa Tyre, 3 ang lungsod na daungan ng mga barko[c] na sentro ng kalakalan ng mga taong nakatira malapit sa dagat. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Ipinagmamalaki mo Tyre, ang iyong kagandahan at sinasabi mong wala kang kapintasan. 4 Pinalawak mo ang nasasakupan mo sa karagatan. Talagang pinaganda ka ng mga nagtayo sa iyo. 5 Tulad ka ng isang malaking barko na gawa sa kahoy na abeto mula sa Senir. Ang palo moʼy yari sa kahoy na sedro mula sa Lebanon. 6 Ang mga sagwan moʼy yari sa kahoy na ensina mula sa Bashan. At ang sahig moʼy gawa sa mga kahoy na galing pa sa isla[d] ng Cyprus[e] na may disenyong gawa sa pangil ng elepante. 7 Ang layag moʼy gawa sa binurdahan na telang linen na mula pa sa Egipto at parang bandila kapag tiningnan. Ang iyong tolda ay kulay asul at ube na mula sa tabing-dagat ng Elisha. 8 Mga taga-Sidon at Arbad ang tagasagwan mo at ang mga bihasang tripulante ay nanggaling mismo sa sarili mong tauhan. 9 Ang mga bihasang karpintero na mula sa Gebal ang taga-ayos ng iyong mga sira. Pumupunta sa iyo ang mga tripulante ng ibang mga sasakyan at nakikipagkalakalan. 10 Ang mga sundalo mo ay mga taga-Persia, Lydia at Put. Isinasabit nila ang mga kalasag nila at helmet sa dingding mo na nagbibigay ng karangalan sa iyo. 11 Mga taga-Arbad at taga-Helek ang nagbabantay sa palibot ng iyong mga pader. At ang mga taga-Gammad ang nagbabantay ng iyong mga tore. Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag at mga helmet sa dingding mo, at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.
12 “ ‘Nakipagkalakalan sa iyo ang Tarshish dahil sagana ka sa kayamanan. Ang ibinayad nila sa iyo ay pilak, bakal, lata at tingga. 13 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Grecia,[f] Tubal at Meshec, at ang ibinayad nila sa iyo ay mga alipin at mga gamit na yari sa tanso. 14 Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Bet Togarma ay mga kabayong pantrabaho at mga molang pandigma.
15 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Dedan[g] at marami kang suki sa mga lugar sa tabing-dagat. At ang ibinayad nila ay mga pangil ng elepante at maiitim at matitigas na kahoy.
16 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Syria dahil sa marami kang produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay batong turkois, telang kulay ube, telang linen, mga binurdahang tela, mga koral at batong rubi.
17 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Juda at Israel at ang ibinayad nila sa iyo ay trigo mula sa Minit, igos, pulot, langis, at gamot na ipinapahid.
18 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Damascus sa iyo dahil sa napakarami mong kayamanan at produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay alak mula sa Helbon at puting telang lana mula sa Zahar. 19 Nakipagkalakalan din ang mga taga-Dan at taga-Javan na mula sa Uzal at ang ibinayad nila sa iyo ay mga bakal at mga sangkap.
20 “ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Dedan ay mga telang panapin sa likuran ng mga sinasakyang hayop.
21 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Arabia at lahat ng pinuno sa Kedar. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga tupa at kambing.
22 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga mangangalakal ng Sheba at Raama, at ang ibinayad nila sa iyo ay lahat ng klase ng pinakamainam na sangkap, mga mamahaling bato at ginto.
23 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Heran, Cane, Eden at Sheba, maging ang mga mangangalakal ng Ashur at Kilmad. 24 At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.
25 “ ‘Ang mga barko ng Tarshish ang nagdadala ng mga produkto mo. Tulad ka ng isang barkong punong-puno ng karga habang naglalakbay sa pusod ng karagatan. 26 Pero dadalhin ka ng mga tagasagwan mo sa gitna ng karagatan, at wawasakin ka ng malakas na hangin mula sa silangan. 27 Ang mga kayamanan moʼt produkto, mga tripulante, tagasagwan at mga karpintero, maging ang mga mangangalakal at lahat ng sundalo, ay lulubog sa gitna ng laot sa oras na mawasak ka.
28 “ ‘Manginginig sa takot ang mga nakatira sa tabing-dagat kapag narinig nila ang sigawan ng mga nalulunod. 29 Iiwan ng mga tagasagwan, mga tripulante at mga opisyal ng barko ang kanilang mga sasakyan at tatayo sa tabing-dagat. 30 Iiyak sila ng buong pait, maglalagay ng alikabok sa ulo at gugulong sa abo para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. 31 Magpapakalbo sila at magdadamit ng sako habang umiiyak sa labis na kapighatian 32 Sa pagdadalamhati nilaʼy tataghoy sila ng ganito: O Tyre, may iba pa bang tulad mo na lumubog sa gitna ng karagatan? 33 Naglayag kang dala ang mga kalakal mo at maraming bansa ang natuwa sa napakarami mong kayamanan. Pinayaman mo ang mga hari sa mundo sa pamamagitan ng iyong mga produkto. 34 Pero ngayon, wasak ka na at lumubog na sa gitna ng karagatan, pati ang mga kalakal moʼt tripulante. 35 Ang lahat ng nakatira sa mga tabing-dagat ay nagulat sa nangyari sa iyo. Natakot ang mga hari nila at kitang-kita ito sa kanilang mga mukha. 36 Hindi makapaniwala ang mga mangangalakal ng mga bansa sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.’ ”
Ang Mensahe Laban sa Hari ng Tyre
28 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tyre na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa pagmamataas moʼy sinasabi mo na isa kang dios na nakaupo sa trono sa gitna ng karagatan. Pero ang totoo, kahit na ang tingin mo sa iyong sarili ay marunong katulad ng isang dios, tao ka lang at hindi dios. 3 Iniisip mong mas marunong ka pa kaysa kay Daniel at walang lihim na hindi mo nalalaman. 4 Sa pamamagitan ng iyong karunungan at pang-unawa ay yumaman ka, at nakapag-imbak ng mga ginto at pilak sa iyong taguan. 5 Dahil magaling ka sa pangangalakal, lalo pang nadagdagan ang kayamanan mo at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka. 6 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios, 7 ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Wawasakin nila ang naggagandahang ari-ariang nakuha mo sa pamamagitan ng iyong karunungan. At mawawala ang karangalan mo. 8 Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan. 9 Masasabi mo pa kayang isa kang dios, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, tao ka lang at hindi dios. 10 Kaya mamamatay ka ng tulad ng kamatayan ng mga taong hindi naniniwala sa akin,[h] sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
11 May sinabi pa ang Panginoon sa akin, 12 “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tyre. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan, puspos ng kaalaman at kagandahan. 13 Nasa Eden ka pa noon, sa halamanan ng Dios. Napapalamutian ka ng sari-saring mamahaling bato gaya ng rubi, topaz, esmeralda, krisolito, onix, jasper, safiro, turkois at beril. Napapalamutian ka rin ng ginto na inihanda para sa iyo noong araw ng kapanganakan mo. 14 Hinirang kita bilang kerubin na magbabantay sa banal kong bundok. Lumalakad ka sa gitna ng nagniningning[i] na bato. 15 Walang maipipintas sa pamumuhay mo mula pa nang isinilang ka hanggang sa maisipan mong gumawa ng masama. 16 Ang pag-unlad mo sa pangangalakal ang naging dahilan ng pagmamalupit mo at pagkakasala. Kaya pinalayas kita sa aking banal na bundok; pinaalis kita mula sa nagniningning na mga bato. 17 Naging mayabang ka dahil sa kagandahan mo, at ang karunungan moʼy ginamit mo sa paggawa ng masama para maging sikat ka. Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita sa lupa sa harap ng mga hari, upang magsilbing babala sa kanila. 18 Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko ang lugar mo at nasunog ka hanggang sa maging abo sa lupa. 19 At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo ay nagulat sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.”
Ang Mensahe Laban sa Sidon
20 Sinabi sa akin ng Panginoon, 21 “Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya. 22 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal. 23 Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa mga lansangan mo. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.
24 “At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Panginoong Dios.”
25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios.”
Ang Mensahe Laban sa Egipto
29 Noong ika-12 araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Egipto, at magsalita ka laban sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga taga-roon. 3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban kita, O Faraon, hari ng Egipto. Para kang malaking buwaya na nagbababad sa ilog. Sinasabi mong ikaw ang may-ari ng ilog Nilo, at ginawa mo ito para sa sarili mo. 4 Pero kakawitan ko ng kawil ang iyong panga, at hihilahin kita paahon sa tubig pati na ang mga isdang nakakapit sa mga kaliskis mo. 5 Itatapon kita sa ilang pati na ang mga isda, at hahandusay ka sa lupa at walang kukuha na maglilibing sa iyo. Ipapakain kita sa mga mababangis na hayop at sa mga ibon doon. 6 Malalaman ng lahat ng nakatira sa Egipto na ako ang Panginoon. Sapagkat para kang isang marupok na tambo na inasahan ng mga mamamayan ng Israel. 7 Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan. 8 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo. 9 Magiging mapanglaw ang Egipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon.
“At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito, 10 kalaban kita at ang ilog mo. Wawasakin ko ang Egipto at magiging mapanglaw ito mula sa Migdol papuntang Aswan,[j] hanggang sa hangganan ng Etiopia.[k] 11 Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng 40 taon. 12 Gagawin kong pinakamapanglaw na lugar ang Egipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng 40 taon. At pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa.”
13 Pero sinabi rin ng Panginoong Dios, “Pagkalipas ng 40 taon, titipunin ko ang mga taga-Egipto mula sa mga bansang pinangalatan nila. 14 Muli ko silang ibabalik sa Patros sa gawing timog ng Egipto na siyang lupain ng kanilang mga ninuno. Pero magiging mahinang kaharian lang sila. 15 Sila ang magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian at kahit kailan ay hindi na sila makakahigit sa ibang bansa dahil gagawin ko silang pinakamahinang kaharian. At hindi na sila makakapanakop ng ibang bansa. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang mga mamamayan ng Israel. Ang nangyari sa Egipto ay magpapaalala sa Israel ng kanyang kasalanan na paghingi ng tulong sa Egipto. At malalaman ng mga Israelita na ako ang Panginoong Dios.”
17 Noong unang araw ng unang buwan, nang ika-27 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay nakipaglaban sa mga sundalo ng Tyre hanggang sa makalbo sila, at magkapaltos-paltos na ang mga balikat nila sa paglilingkod pero wala ring nangyari. Hindi nakuha ni Nebucadnezar at ng mga sundalo niya ang Tyre. 19 Pero ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasakop ko ang Egipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Sasamsamin niya ang lahat ng kayamanan ng Egipto bilang bayad sa mga sundalo niya. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang gantimpala sa pagpapagal na ginawa niya at ng mga sundalo niya para sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
21 “Ezekiel, sa oras na mangyari ito, muli kong palalakasin ang Israel. At malalaman ng mga Israelita na totoo ang sinabi mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Pagparusa sa Egipto
30 Sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga taga-Egipto. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Umiyak kayo nang malakas dahil sa kapahamakang darating sa inyo. 3 Sapagkat malapit nang dumating ang araw na iyon, ang araw ng paghatol ng Panginoon. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon para sa mga bansa. 4 Sasalakayin ang Egipto at maghihirap ang Etiopia.[l] Maraming mamamatay na taga-Egipto, sasamsamin ang mga kayamanan nila at wawasakin ito. 5 Sa digmaang iyon, mapapatay ang maraming taga-Etiopia, Put, Lydia, Arabia, Libya at iba pang mga bansang kakampi ng Egipto. 6 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, mapapahamak ang mga kakampi ng Egipto at mababalewala ang ipinagmamalaki niyang kapangyarihan. Mamamatay ang mga mamamayan niya mula sa Migdol hanggang sa Aswan.[m] 7 Magiging mapanglaw ang Egipto sa lahat ng bansa at ang mga lungsod niya ang magiging pinakawasak sa lahat ng lungsod. 8 Kapag sinunog ko na ang Egipto at mamatay ang lahat ng kakampi niya, malalaman nila na ako ang Panginoon.
9 “Sa panahong iyon, magsusugo ako ng mga tagapagbalita na sasakay sa mga barko para takutin ang mga taga-Etiopia na hindi nababahala. Matatakot sila sa oras na mawasak ang Egipto, at ang oras na iyon ay tiyak na darating.”
10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Gagamitin ko si Haring Nebucadnezar ng Babilonia para patayin ang mga mamamayan ng Egipto. 11 Siya at ang mga sundalo niya, na siyang pinakamalulupit na sundalo sa lahat ng bansa ang ipapadala ko sa Egipto para wasakin ito. Lulusubin nila ito at kakalat ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Patutuyuin ko ang Ilog ng Nilo at ipapasakop ko ang Egipto sa masasamang tao. Wawasakin ko ang buong bansa ng Egipto at ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Wawasakin ko ang mga dios-diosan sa Memfis.[n] Wala nang mamumuno sa Egipto at tatakutin ko ang mga mamamayan nito. 14 Gagawin kong mapanglaw ang Patros, susunugin ko ang Zoan at parurusahan ko ang Tebes.[o] 15 Ibubuhos ko ang galit ko sa Pelosium,[p] ang matibay na tanggulan ng Egipto, at papatayin ko ang maraming taga-Tebes. 16 Susunugin ko ang Egipto! Magtitiis ng hirap ang Pelosium. Mawawasak ang Tebes, at laging matatakot ang Memfis. 17 Mamamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki ng Heliopolis[q] at Bubastis,[r] at ang mga matitirang tao sa mga lungsod na itoʼy bibihagin. 18 Kapag inalis ko na ang kapangyarihan ng Egipto, magiging madilim ang araw na iyon para sa Tapanhes. Mawawala na ang ipinagmamalaking kapangyarihan ng Egipto. Matatakpan siya ng ulap, at ang mga mamamayan sa mga lungsod niya ay bibihagin. 19 Ganyan ang magiging parusa ko sa Egipto at malalaman ng mga mamamayan niya na ako ang Panginoon.”
20 At noong ikapitong araw ng unang buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 21 “Anak ng tao, binali ko ang braso ng Faraon na hari ng Egipto. Walang gumamot sa kanya para gumaling at lumakas upang muling makahawak ng espada. 22 Kaya sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing laban ako sa kanya. Babaliin ko ang isa pa niyang braso para mabitawan niya ang kanyang espada. 23 Ikakalat ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa. 24 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at pahahawakan ko sa kanya ang aking espada. Pero babaliin ko ang mga braso ng Faraon, at dadaing siyang sugatan at halos mamatay na sa harap ng hari ng Babilonia. 25 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, pero gagawin kong inutil ang mga braso ng Faraon. Kapag ipinahawak ko ang aking espada sa hari ng Babilonia at gamitin niya ito laban sa Egipto, malalaman ng mga taga-Egipto na ako ang Panginoon. 26 Pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa lahat ng bansa at malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedro
31 Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga mamamayan niya:
“Kanino ko kaya maihahalintulad ang iyong kapangyarihan? 3 Ah, maihahalintulad kita sa Asiria, ang bansa na parang puno ng sedro sa Lebanon. Ang punong itoʼy may magaganda at malalagong sanga na nakakapagbigay-lilim sa ibang mga puno at mataas kaysa sa ibang mga puno. 4 Sagana ito sa tubig mula sa malalim na bukal na nagpapalago sa kanya, at umaagos sa lahat ng puno sa kagubatan. 5 Kaya ang punong itoʼy mas mataas kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan. Ang mga sanga ay mahahaba at ang mga dahon ay mayayabong dahil sagana sa tubig. 6 Ang lahat ng klase ng ibon ay nagpugad sa mga sanga niya, ang lahat ng hayop sa gubat ay nanganak sa ilalim ng puno niya, at ang lahat ng tanyag na bansa ay sumilong sa kanya. 7 Napakaganda ng punong ito. Mahahaba ang sanga at mayayabong ang dahon, at ang ugat ay umaabot sa maraming tubig. 8 Ang mga puno ng sedro sa halamanan ng Dios ay hindi makakapantay sa kanya. Kahit ang mga puno ng abeto at puno ng platano ay hindi maihahambing sa kagandahan ng kanyang mga sanga. Hindi maihahalintulad sa anumang puno sa halamanan ng Dios ang kagandahan ng punong ito. 9 Pinaganda ng Dios ang punong ito sa pamamagitan ng maraming sanga. Kaya nainggit sa kanya ang lahat ng puno sa halamanan ng Dios.”
10 Kaya sinabi ng Panginoong Dios, “Dahil naging mapagmataas ang punong ito at higit na mataas kaysa ibang punongkahoy, at ipinagmamalaki niya ang kanyang sarili, 11 kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya; 12 puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya. 13 Ang mga ibon sa himpapawid ay dadapo sa naputol na puno at ang mga hayop sa gubat ay magpapahinga sa mga sanga niyang nagkalat sa lupa. 14 Kaya simula ngayon wala nang punong tataas pa sa ibang malagong mga punongkahoy, kahit sagana pa ito sa tubig. Sapagkat ang lahat ng puno ay mamamatay katulad ng tao, at pupunta sa ilalim ng lupa.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay,[s] patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy. 16 Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, para makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa. 17 Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasama rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.
18 “Sa anong puno sa Eden maihahambing ang kagandahan mo at kapangyarihan, Faraon? Pero ihuhulog ka rin sa ilalim ng lupa kasama ng mga puno ng Eden. Doon ay magkakasama kayo ng mga taong hindi naniniwala sa Dios[t] na namatay sa digmaan.
“Iyan ang mangyayari sa Faraon at sa mga tauhan niya. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Inihalintulad sa Buwaya ang Hari ng Egipto
32 Noong unang araw ng ika-12 buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Egipto. Sabihin mo sa kanya, ‘Ang akala moʼy isa kang leon na parooʼt parito sa mga bansa. Pero ang totooʼy para kang isang buwayang lumalangoy sa sarili mong ilog. Kinakalawkaw ng mga paa mo ang tubig at lumalabo ito.’ 3 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios sa iyo: Huhulihin kita ng lambat ko at ipakakaladkad sa maraming tao. 4 Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. 5 Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak. 6 Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig. 7 Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan. 8 Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9 “Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita. 10 Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo. 11 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing lulusubin ka sa pamamagitan ng espada ng hari ng Babilonia. 12 Ipapapatay ko ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng espada ng mga makapangyarihang tao na siyang pinakamalupit sa lahat ng bansa. Lilipulin nila ang lahat ng tao sa Egipto at ang mga bagay na ipinagmamalaki ng bansang ito. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop sa Egipto na nanginginain[u] sa tabi ng ilog. Kaya wala nang hayop o taong magpapalabo ng tubig nito. 14 Palilinawin ko ang tubig nito, at tuloy-tuloy itong aagos na parang langis. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang Egipto at nawasak ko na ang lahat, at kapag napatay ko na rin ang mga nakatira rito, malalaman nila na ako ang Panginoon.
16 “Ito ang panaghoy ng mga mamamayan ng mga bansa para sa Egipto at sa mga mamamayan nito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
17 Noong ika-12 taon, nang ika-15 araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Egipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios[v] 20 na nangamatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Egipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Egipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin papunta sa kapahamakan. 21 Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Egipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.’
22-23 “Naroon din ang hari ng Asiria na napapaligiran ng libingan ng mga sundalo niyang namatay sa digmaan. Ang mga libingan nila ay naroon sa pinakamalalim na bahagi ng kailaliman. Ang mga taong itoʼy naghasik ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila.
24 “Naroon din ang hari ng Elam. Ang libingan naman niya ay napapaligiran ng libingan ng kanyang mga tauhan. Namatay silang lahat sa digmaan. Nagsibaba sila roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios. Noong nabubuhay pa sila, naghasik sila ng takot sa mga tao sa daigdig, pero ngayon, inilalagay sila sa kahihiyan kasama ng ibang mga namatay na. 25 May himlayan din doon ang hari ng Elam kasama ng mga namatay sa digmaan. Ang libingan niya ay napapalibutan ng libingan ng kanyang mga tauhan. Lahat sila ay hindi naniniwala sa Dios at silang lahat ay namatay din sa digmaan. Naghasik sila ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila. Pero inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay kasama ng mga namatay sa digmaan.
26 “Naroon din ang hari ng Meshec at ng Tubal. Napapalibutan din ang libingan nila ng libingan ng kanilang mga tauhan. Silang lahat ay hindi naniniwala sa Dios, at namatay din sa digmaan. Kinatatakutan sila noong nabubuhay pa sila. 27 Hindi sila binigyan ng marangal na libing katulad ng mga tanyag na mandirigma na hindi naniniwala sa Dios, na noong inilibing ay nasa ulunan nila ang kanilang espada at ang kanilang pananggalang ay nasa kanilang dibdib. Pero noong nabubuhay pa sila kinatatakutan din sila ng mga tao.
28 “At ikaw, Faraon, ay mamamatay din at mahihimlay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.
29 “Naroon din sa lugar ng mga patay[w] ang hari ng Edom at ang lahat ng pinuno niya. Makapangyarihan sila noon, pero ngayon, nakalibing na sila kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.
30 “Naroon din ang mga Sidoneo at ang lahat ng pinuno ng mga bansa sa hilaga. Kinatatakutan din sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila dahil sa kapangyarihan nila, pero ngayon, inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan. 31 Kapag nakita na ng Faraon ang mga namatay doon sa lugar ng mga patay, masisiyahan siya at ang mga sundalo niya dahil hindi lang sila ang namatay sa digmaan. 32 Kahit ipinahintulot kong katakutan sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila, mamamatay sila kasama ng mga hindi naniniwala sa akin na namatay sa digmaan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ginawa ng Dios na Bantay ng Israel si Ezekiel(A)
33 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, sabihin mo ito sa mga kababayan mo: Kapag ipapasalakay ko ang isang bayan, ang mga mamamayan sa lugar na iyon ay pipili ng isa sa mga kababayan nila na magiging bantay ng kanilang lungsod. 3 Kapag nakita ng bantay na iyon na paparating na ang mga kaaway, patutunugin niya ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao. 4 Ang sinumang makarinig sa babala pero nagsawalang-bahala at napatay nang nilusob sila, siya ang may pananagutan sa kanyang kamatayan. 5 Sapagkat nang marinig niya ang babala ay hindi niya pinansin. Kaya siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lang sana siya, nailigtas sana niya ang kanyang sarili. 6 Pero kung nakita naman ng bantay na lulusubin na sila ng mga kaaway at hindi niya pinatunog ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao, at may mga napatay na kababayan niya, pananagutin ko ang bantay sa pagkamatay nila kahit na namatay din ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan.
7 “Ikaw, anak ng tao ay pinili kong maging bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya pakinggan mo ang sasabihin ko, at pagkatapos ay bigyang babala mo ang mga tao. 8 Kapag sinabi ko sa taong masama na tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasalanan niya at hindi mo siya binigyan ng babala na dapat na niyang itigil ang masama niyang pamumuhay, papanagutin kita sa kamatayan niya. 9 Pero kung binigyan mo ng babala ang taong masama na talikuran na niya ang masama niyang pamumuhay, ngunit hindi niya pinansin ang babala mo, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero wala kang pananagutan sa kamatayan niya.
10 “Anak ng tao, dumadaing ang mga mamamayan ng Israel na hindi na nila kaya ang parusa sa mga kasalanan nila. Nanghihina na at parang mamamatay na raw sila dahil sa parusang ito. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?
12 “Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan. 13 Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan. 14 At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid – 15 tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. 16 Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.
17 “Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama. 18 Kung tumigil na sa paggawa ng kabutihan ang taong matuwid at gumawa ng masama, mamamatay siya. 19 At kung ang taong masama ay tumalikod sa masama niyang gawa, at gumawa ng tama at matuwid, mabubuhay siya. 20 Ngunit sinasabi pa rin ng mga mamamayan ng Israel hindi tama ang pamamaraan ko. Hahatulan ko ang bawat isa sa kanila ayon sa mga gawa nila.”
Ang Paliwanag tungkol sa Pagwasak ng Jerusalem
21 Noong ikalimang araw ng ikasampung buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, may isang takas mula sa Jerusalem na lumapit sa akin at nagsabi, “Nawasak na po ang lungsod ng Jerusalem!” 22 Noong isang gabi, bago dumating ang taong iyon, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at muli akong nakapagsalita. Kaya nang dumating ang taong iyon kinaumagahan, nakapagsalita na ako.
23 Sinabi sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, ang mga nakatira roon sa mga gibang lungsod ng Israel ay nagsasabi, ‘Iisa lang si Abraham, at sa kanya ibinigay ang buong lupain. Marami tayo, kaya tiyak na tayo ang magmamay-ari ng lupaing ito.’ 25 Sabihin mo na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Inaakala ba ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupaing iyon, kahit na kumakain kayo ng karneng may dugo, sumasamba sa mga dios-diosan ninyo at pumapatay ng tao? 26 Nagtitiwala kayo sa inyong espada,[x] gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at nakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain?
27 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang kong mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buhay sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kweba ay mamamatay sa sakit. 28 Gagawin kong mapanglaw ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging mapanglaw kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon. 29 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
30 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng bahay nila. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’ 31 Kaya magkakasamang pumunta sa iyo ang mga mamamayan ko na nagpapanggap lang na gustong makinig sa iyo, pero hindi nila sinusunod ang mga sinasabi mo. Magaling silang magsalita na mahal nila ako, ngunit ang nasa puso nila ay kasakiman sa pera. 32 Para sa kanila, isa kang magaling na mang-aawit ng mga awit na tungkol sa pag-ibig at isang magaling na manunugtog. Pinakikinggan nila ang mga sinasabi mo, pero hindi nila sinusunod. 33 Ngunit kapag nangyari na sa kanila ang parusang ito, at tiyak na mangyayari ito sa kanila, malalaman nila na totoong may kasama silang propeta.”
Ang mga Bantay ng Israel
34 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel.[y] Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa? 3 Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog sa kanila, pero hindi ninyo sila inaalagaan. 4 Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga may sakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila. 5 At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop. 6 Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.
7 “Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin kong ito: 8 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan. 9 Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ko. 10 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.
11 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila. 12 Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa mga tupa niyang nangalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon.[z] 13 Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao. 14 Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga. 15 Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Pero lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.
17 “Mga mamamayan ng Israel na aking mga tupa, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama, ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa magandang pastulan; tinatapak-tapakan pa ninyo ang ibang pastulan? At hindi rin ba kayo nasisiyahan na nakakainom kayo ng malinaw na tubig at pinalabo pa ninyo ang ibang tubig? 19 Manginginain na lang ba ang iba kong mga tupa sa mga pinagtapak-tapakan ninyo? At ang iinumin na lang ba nila ay ang tubig na pinalabo ninyo?
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ibubukod ko ang matatabang tupa sa mga payat. 21 Sapagkat ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mahihina hanggang sa silaʼy lumayo. 22 Ililigtas ko ang aking mga tupa at hindi ko na papayagang apihin silang muli. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama. 23 Bibigyan ko sila ng isang tagapagbantay na mula sa lahi ng lingkod kong si David. Siya ang magbabantay at mag-aalaga sa kanila. 24 Ako, ang Panginoon, ang magiging Dios nila, at ang lahi ng lingkod kong si David ang kanilang magiging tagapamahala. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Gagawa ako ng kasunduan sa kanila na magiging mabuti ang kanilang kalagayan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa lupain nila para makapanirahan sila sa ilang at makatulog sa kagubatan nang ligtas sa panganib. 26 Pagpapalain ko sila at ang mga lugar sa paligid ng aking banal na bundok. Padadalhan ko sila ng ulan sa tamang oras bilang pagpapala sa kanila. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy at mga pananim nila, at mamumuhay silang ligtas sa anumang panganib. Malalaman nilang ako ang Panginoon kapag pinalaya ko na sila sa mga umalipin sa kanila. 28 Hindi na sila aabusuhin ng ibang mga bansa at hindi na sila lalapain ng mga mababangis na hayop. Mamumuhay silang ligtas sa panganib at wala nang katatakutan. 29 Bibigyan ko sila ng matabang lupain na magbibigay ng masaganang ani para hindi sila magutom o kutyain ng ibang bansa. 30 At malalaman nila na ako, ang kanilang Panginoong Dios na kasama nila, at silang mga mamamayan ng Israel, ang aking mga mamamayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
31 “Kayo ang mga tupa sa aking pastulan, kayo ang aking mga mamamayan, at ako ang inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe Laban sa Edom
35 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Bundok ng Seir[aa] at sabihin mo ito laban sa mga mamamayan niya. 3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kalaban ko kayo, mga taga-bundok ng Seir. Parurusahan ko kayo at magiging mapanglaw ang inyong lugar. 4 Magigiba at magiging mapanglaw ang mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. 5 Matagal na kayong galit sa Israel, at pinabayaan lang ninyo silang salakayin sa panahon ng kanilang kagipitan, ang panahon na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. 6 Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang ipapapatay ko kayo kahit saan kayo pumunta. Hahabulin kayo ng mamamatay-tao dahil pumatay din kayo. 7 Gagawin kong mapanglaw ang bundok ng Seir at papatayin ko ang lahat ng dumadaan dito. 8 Ang mga namatay sa inyo sa digmaan ay kakalat sa mga kabundukan, kaburulan, lambak at sa mga daluyan ng tubig. 9 Gagawin kong mapanglaw ang lugar ninyo magpakailanman. Wala nang titira sa mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
10 “Sinasabi ninyo na ang Juda at ang Israel ay magiging inyo, at aangkinin ninyo ito kahit ako, ang Panginoon, ay kasama nila. 11 Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang gagantihan ko kayo sa inyong galit, inggit at poot, na ipinadama ninyo sa mga mamamayan ko. Kaya malalaman ninyong ako ang Panginoon habang pinarurusahan ko kayo. 12 Sa ganitong paraan, malalaman din ninyong ako ang Panginoon na nakaririnig ng lahat ng paglapastangan ninyo sa mga bundok ng Israel. Sapagkat sinasabi ninyong, ‘Wasak na ito, sakupin na natin!’ 13 Nagmalaki kayo sa akin. Kinutya nʼyo ako at narinig ko ito.
14 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing magagalak ang buong mundo, kapag ginawa kong mapanglaw ang lugar ninyo, 15 dahil natuwa kayo nang naging mapanglaw ang lupaing ipinamana ko sa mga mamamayan ng Israel. Kaya ito rin ang mangyayari sa inyo. Magiging mapanglaw ang bundok ng Seir at ang buong lupain ng Edom. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®