Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 20:22 - Mangangaral 2:26

22 Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.
23 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.
24 Ang Panginoon ang nagkaloob nitong ating buhay, kaya hindi natin alam ang ating magiging kapalaran.
25 Bago mangako sa Dios ay isiping mabuti, baka magsisi ka sa bandang huli.
26 Sa paghatol, tinitiyak ng matalinong hari na malaman kung sino ang gumagawa ng kasamaan at saka niya parurusahan.
27 Ibinigay sa atin ng Panginoon ang ating budhi[a] at isipan upang makita ang ating kaloob-looban.
28 Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.[b]
30 Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti para magbago tayo.

21 Ang isipan ng hari ay parang ilog na pinapadaloy ng Panginoon saan man niya naisin.
Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo.
Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog.
Ang mapagmataas na tingin at palalong isipan ay kasalanan. Ganyan ang ugali ng mga taong makasalanan.
Ang gawaing plinanong mabuti at pinagsikapan ay patungo sa kaunlaran, ngunit ang gawaing padalos-dalos ay maghahatid ng karalitaan.
Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling mawala at maaaring humantong sa maagang kamatayan.
Ang karahasan ng masasama ang magpapahamak sa kanila, sapagkat ayaw nilang gawin ang tama.
Hindi matuwid ang gawain ng taong may kasalanan, ngunit matuwid ang gawain ng taong walang kasalanan.
Mas mabuti pang tumirang mag-isa sa bubungan ng bahay[c] kaysa sa loob ng bahay na ang kasama ay asawang palaaway.
10 Ang masasama ay laging gustong gumawa ng masama at sa kanilang kapwa ay wala silang awa.
11 Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino.
12 Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila.
13 Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap, kapag siya naman ang dumaing ay walang lilingap.
14 Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo, mawawala iyon sa palihim na regalo.
15 Kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.
16 Ang taong lumilihis sa karunungan ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at puro pagdiriwang ay hindi yayaman kundi lalo pang maghihirap.
18 Pinarurusahan ang masasama at makasalanan upang iligtas ang taong matuwid.
19 Mas mabuti pang manirahan sa disyerto kaysa manirahan sa bahay na kasama ang asawang magagalitin at palaaway.
20 Ang taong marunong ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan, ngunit ang mangmang, winawaldas ang lahat hanggang sa maubusan.
21 Ang taong namumuhay sa katuwiran at kabutihan ay hahaba ang buhay, magtatagumpay at pararangalan.
22 Mapapasuko ng matalinong pinuno ang bayan na maraming sundalo, at kaya niyang gibain ang mga pader na kanilang inaasahang tanggulan.
23 Ang taong nag-iingat sa kanyang mga sinasabi ay nakakaiwas sa gulo.
24 Ang taong palalo at mayabang ay makikilala mo dahil nangungutya siya at sukdulan ang kayabangan.
25 Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo.
26 Ang taong tamad ay laging naghahangad na makatanggap, ngunit ang taong matuwid ay nagbibigay nang walang alinlangan.
27 Kinasusuklaman ng Panginoon ang handog ng taong masama, lalo na kung ihahandog niya ito ng may layuning masama.
28 Patitigilin sa pagsasalita ang saksing sinungaling, ngunit ang saksing nagsasabi ng katotohanan ay pakikinggan.
29 Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan ang kanyang ginagawa, ngunit ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna nang mabuti ang kanyang ginagawa.
30 Walang karunungan, pang-unawa o payo ang makakapantay sa Panginoon.
31 Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.

22 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa sa maraming kayamanan. Ang paggalang ng tao sa iyo ay mas mahalaga pa kaysa pilak at ginto.
Ang Panginoon ang lumikha sa tao, mayaman man o mahirap.
Ang taong may pang-unawa ay umiiwas kung may panganib, ngunit ang hangal ay sumusuong sa panganib, kaya napapahamak.
Ang paggalang sa Panginoon at pagpapakumbaba ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay, kayamanan at karangalan.
Lumalakad ang taong masama sa daang matinik at may mga patibong. Ang nag-iingat sa sarili ay umiiwas sa daang iyon.
Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda.
Ang mahihirap ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mayayaman, at ang nangungutang ay alipin ng nagpapautang.
Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan, at matitigil na ang kanyang pamiminsala sa iba.
Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha ay tiyak na pagpapalain.
10 Kapag pinalayas mo ang mga taong nanunuya, mawawala na ang alitan, kaguluhan at pang-iinsulto.
11 Ang taong may malinis na puso at mahinahon magsalita ay magiging kaibigan ng hari.
12 Binabantayan ng Panginoon ang mga taong may karunungan, ngunit sinisira niya ang plano ng mga taksil.
13 Ang taong tamad ay laging may dahilan, sinasabi niyang baka siya ay lapain ng leon sa daan.
14 Salita ng masamang babae ay parang malalim na hukay, at doon nahuhulog ang kinamumuhian ng Panginoon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, ngunit magiging matuwid sila kung didisiplinahin.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o nang-aapi sa mahihirap para yumaman ay hahantong din sa karalitaan.

Ang 30 Mahalagang Kawikaan

17 Pakinggan mo ang mga sinasabi ng marurunong. Pakinggan mong mabuti habang itinuturo ko ito sa iyo, 18 dahil magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan kung malalaman mo ito at masasaulo. 19 Itinuturo ko ito sa iyo ngayon upang magtiwala ka sa Panginoon.

20 Ang 30 Kawikaang ito na isinulat ko ay magdudulot sa iyo ng mga karunungan at payo. 21 Sa pamamagitan nitoʼy malalaman mo ang mga katotohanan at masasagot mo ang mga magtatanong sa iyo.[d]

… 1 …

22 Huwag mong abusuhin ang mga mahihirap o apihin man sila sa mga hukuman, 23 sapagkat ipagtatanggol sila ng Panginoon. Anuman ang gawin ninyong masama sa kanila ay gagawin din niya sa inyo.

… 2 …

24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong madaling magalit, 25 baka mahawa ka sa kanya, at mabulid sa ganoong pag-uugali.

… 3 …

26 Huwag kang mangangako na magbabayad sa utang ng iba, 27 dahil kapag hindi ka nakabayad, kukunin nila pati ang higaan mo.

… 4 …

28 Huwag mong aalisin ang mga muhon[e] na inilagay noon ng mga ninuno mo.

… 5 …

29 Ang taong mahusay magtrabaho ay maglilingkod sa mga hari at hindi sa pangkaraniwang tao.

… 6 …

23 Kapag kumakain ka kasalo ng taong may mataas na katungkulan, mag-ingat ka sa ikikilos mo. Kung palakain ka, pigilan mo ang iyong sarili. Huwag kang magnanasa sa mga pagkaing kanyang inihanda, dahil baka iyon ay pain lang sa iyo.

… 7 …

Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Sa halip pigilan mo ang iyong sarili at isipin kung ano ang mabuti. Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.

… 8 …

Huwag kang kumain o matakam sa pagkain na inihanda ng taong kuripot, kahit ito ay masarap. Sapagkat ang taong ganyan bawat subo moʼy binabantayan. Sasabihin niya, “Sige, kumain ka pa.” Ngunit hindi pala ganoon ang nasa isip niya. Kaya lahat ng kinain moʼy isusuka mo at ang mga papuri mo sa kanya ay mababalewala.

… 9 …

Huwag kang magsasalita sa hangal, sapagkat ang sasabihin mong karunungan sa kanya ay wala ring kabuluhan.

… 10 …

10 Huwag mong agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga muhon na matagal nang nakalagay. 11 Sapagkat ang kanilang makapangyarihang tagapagtanggol ay ang Panginoon. Siya ang magtatanggol sa kanila laban sa iyo.

… 11 …

12 Makinig ka kapag itinutuwid ang iyong pag-uugali upang ikaw ay matuto.

… 12 …

13-14 Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.

… 13 …

15-16 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka at karunungan ang mamumutawi sa iyong mga labi.

… 14 …

17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip igalang mo ang Panginoon habang nabubuhay ka. 18 At kung magkagayon ay gaganda ang kinabukasan mo at mapapasaiyo ang mga hinahangad mo.

… 15 …

19 Anak, pakinggan mo ang itinuturo ko sa iyo. Maging matalino ka at sundin mo ang tamang daan. 20-21 Huwag kang gumaya sa mga lasenggo at matakaw sa pagkain, dahil ang gaya nila ay hahantong sa kahirapan. Tulog lang sila ng tulog, kaya sa bandang huli ay magdadamit na lang sila ng basahan.

… 16 …

22 Makinig ka sa iyong mga magulang sapagkat kung hindi dahil sa kanila, hindi ka naisilang sa mundong ito. Huwag mo silang hahamakin kapag sila ay matanda na. 23 Pagsikapan mong mapasaiyo ang katotohanan, karunungan, magandang pag-uugali at pang-unawa. At huwag mo itong ipagpapalit sa kahit anumang bagay. 24-25 Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino. Ikaliligaya nila na sila ang naging iyong ama at ina.

… 17 …

26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Sapagkat ang babaeng bayaran ay makapagpapahamak sa iyo katulad ng malalim at makitid na hukay. 28 Para siyang tulisan na nag-aabang ng mabibiktima, at siya ang dahilan ng pagtataksil ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.

… 18 …

29 Sino ang may matinding problema? Sino ang mahilig sa away? Sinong mareklamo? Sinong nasugatan na dapat sana ay naiwasan? At sino ang may mga matang namumula? 30 Sino pa kundi ang mga lasenggong sugapa sa ibaʼt ibang klase ng alak! 31 Huwag kang matakam sa alak na napakagandang tingnan sa isang baso at tila masarap. 32 Kapag nalasing ka, sasama ang iyong pakiramdam na parang tinuklaw ka ng makamandag na ahas. 33 Kung anu-ano ang makikita mo at hindi ka makakapag-isip ng mabuti. 34 Pakiramdam moʼy nasa gitna ka ng dagat at nakahiga sa ibabaw ng palo[f] ng barko. 35 Sasabihin mo, “May humampas at sumuntok sa akin, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan kaya mawawala ang pagkalasing ko para muli akong makainom?”

… 19 …

24 Huwag kang mainggit sa mga taong masama o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila. Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi ay para sa kapahamakan ng iba.

… 20 …

3-4 Sa pamamagitan ng karunungan, maitatayo mo at mapapaunlad ang iyong tahanan. Mapupuno rin ito ng mahahalagang kayamanan.

… 21 …

Ang taong marunong ay malaki ang maitutulong upang lalong lumakas ang mga nakikipaglaban, sapagkat kailangan nila ng mga payo sa pakikipaglaban. At higit na matitiyak ang tagumpay kung maraming nagpapayo.

… 22 …

Ang karunungan ay hindi maunawaan ng mangmang. Wala siyang masabi kapag mahahalagang bagay ang pinag-uusapan.

… 23 …

Ang taong laging nagpaplano ng masama ay kikilalaning may pakana ng kasamaan. Anumang pakana ng hangal ay kasalanan, at kinasusuklaman ng mga tao ang sinumang nangungutya.

… 24 …

10 Kapag ikaw ay nawalan ng pag-asa sa panahon ng kahirapan, nagpapakita lang ito na ikaw ay mahina.

… 25 …

11 Huwag kang mag-atubiling iligtas ang walang kasalanan na hinatulan ng kamatayan. 12 Maaaring sabihin mo na wala kang nalalaman sa nangyari, pero alam ng Dios kung totoo o hindi ang iyong sinasabi, dahil binabantayan ka niya at alam niya ang nasa puso mo. Gagantimpalaan ka niya ayon sa iyong mga ginawa.

… 26 …

13-14 Anak, kung papaanong matamis at mabuti para sa iyo ang pulot, ganoon din naman ang karunungan. Sapagkat kung marunong ka, mapapabuti ang iyong kinabukasan at mapapasaiyo ang iyong mga hinahangad.

… 27 …

15 Huwag kang gagaya sa taong masama na palihim na sumasalakay sa bahay ng matuwid. 16 Ang taong matuwid, mabuwal man ng pitong ulit ay tiyak na makakabangon ulit. Hindi tulad ng taong masama na kapag nabuwal ay hindi na makakabangon pa.

… 28 …

17 Huwag kang matuwa kapag napapahamak ang iyong kaaway, 18 dahil kapag nakita ng Panginoon na natutuwa ka, hindi niya ito magugustuhan, at hindi na niya parurusahan ang iyong kaaway.

… 29 …

19 Huwag kang mabalisa o mainggit sa mga taong masama, 20 sapagkat wala silang mabuting kinabukasan at magiging tulad sila ng ilaw na namatay.

… 30 …

21 Anak, igalang mo ang Panginoon at ang hari. Huwag kang makisama sa mga taong sumusuway sa kanila, 22 sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan ang biglang ibibigay ng Panginoon o ng hari sa kanila.

Dagdag pang Kawikaan

23 Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao:

    Hindi dapat magtangi ng tao sa paghatol ng katarungan.
24 Kapag pinalaya mo ang taong may kasalanan, susumpain ka at kamumuhian ng mga tao.
25 Ngunit kapag pinarusahan mo ang may kasalanan, matutuwa ang mga tao at pagpapalain ka.
26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27 Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan, tulad ng iyong bukid na taniman bago ka magtatag ng sariling tahanan.
28 Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, o magsalita laban sa kanya ng kasinungalingan.
29 Huwag mong sasabihin, “Gaganti ako, gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.”

30 Dumaan ako sa bukid ng taong tamad at mangmang. 31 Puno na ito ng mga damo at matitinik na halaman, at giba na ang mga bakod nito. 32 Nang makita ko ito, napaisip ako ng mabuti, at natutunan ko ang aral na ito: 33 Sa kaunting pahinga, kaunting pagtulog, at paghalukipkip mo, taong tamad, 34 ay biglang darating sa iyo ang kahirapan na para kang ninakawan ng armadong tulisan.

Iba pang mga Kawikaan ni Solomon

25 Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Hezekia ng Juda.
Pinararangalan natin ang Dios dahil sa mga bagay na hindi niya ipinapahayag sa atin; pero pinararangalan natin ang mga hari dahil sa mga bagay na ipinapahayag nila sa atin.
Kung paanong hindi masukat ang lalim ng lupa at ang taas ng kalangitan, ganoon din ang isipan ng mga hari, hindi malaman.
Kailangang ang pilak ay maging dalisay muna bago ito magawa ng panday.
Kailangang alisin ang masasamang tauhan ng hari upang magpatuloy ang katuwiran sa kanyang kaharian.
Kung nasa harapan ka ng hari, huwag mong ibilang ang iyong sarili na parang kung sino ka o ihanay ang iyong sarili sa mararangal na tao.
Mas mabuti kung tawagin ka ng hari at paupuin sa hanay ng mararangal kaysa sabihin niyang umalis ka riyan at mapahiya ka sa kanilang harapan.
Huwag kang magpabigla-biglang magsabi sa korte ng iyong nakita. Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka, ano na lang ang gagawin mo?
Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, itoʼy inyong pag-usapan muna. At ang lihim ng bawat isa ay huwag sasabihin sa iba.
10 Baka makarating sa kaalaman ng madla at kayoʼy maging kahiya-hiya.
11 Kapag ang salitang binigkas ay angkop sa pagkakataon, itoʼy parang gintong mansanas na nakalagay sa isang lalagyang pilak.
12 Sa taong nakikinig, ang magandang payo ng marunong ay higit na mabuti kaysa sa mga gintong alahas.
13 Ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanyang pinaglilingkuran, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-init.
14 Ang taong hindi tumutupad sa kanyang pangako ay parang ulap at hangin na walang dalang ulan.
15 Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.
16 Huwag kang kakain ng labis na pulot at baka magsuka ka.
17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.
19 Ang pagtitiwala sa taong hindi mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan ay walang kwenta tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20 Kung aawitan mo ng masayang awitin ang taong nasa matinding kapighatian ay para mo na rin siyang hinubaran sa panahon ng taglamig o kayaʼy nilagyan mo ng suka ang kanyang sugat.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
23 Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira ng mag-isa sa bubungan ng bahay[g] kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.
25 Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27 Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.

26 Kung paanong hindi bagay na mag-nyebe sa tag-araw at umulan sa panahon ng tag-ani, hindi rin bagay na papurihan ang taong hangal.
Ang sumpa ay hindi tatalab sa walang kasalanan. Tulad ito ng ibong hindi dumadapo at lilipad-lipad lamang.
Kailangan ang latigo para sa kabayo, bokado para sa asno, at pamalo para sa hangal na tao.
Huwag mong sagutin ang hangal kung nakikipag-usap siya sa iyo ng kahangalan, at baka matulad ka rin sa kanya.
Ngunit kung minsan, kailangang sagutin din siya, para malaman niya na hindi siya marunong tulad ng kanyang inaakala.
Kapag nagpadala ka ng mensahe sa pamamagitan ng isang mangmang, para mo na ring pinutol ang iyong mga paa, at para ka na ring gumawa ng sariling kapahamakan.
Ang pilay na paa ay walang kabuluhan, katulad ng kawikaan sa bibig ng hangal.
Ang isang papuri na sa hangal iniuukol ay parang batong nakatali sa tirador.
Ang kasabihang sinasabi ng hangal ay makapipinsala tulad ng matinik na kahoy na hawak ng lasing.
10 Kahangalan ang pumana ng kahit sino; gayon din ang pagkuha sa hangal o sa sinumang dumadaan upang upahan.
11 Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan, tulad ng asong binabalikan ang kanyang suka para kainin.
12 Mas mabuti pa ang hinaharap ng isang taong mangmang kaysa sa taong nagmamarunong.
13 Ang batugan ay hindi lumalabas ng tahanan, ang kanyang dahilan ay may leon sa lansangan.
14 Gaya ng pintuang pumipihit sa bisagra ang batugan na papihit-pihit sa kanyang kama.
15 May mga taong sobrang tamad na kahit ang kumain ay kinatatamaran.
16 Ang akala ng batugan mas marunong pa siya kaysa sa pitong tao na tamang mangatuwiran.
17 Mapanganib ang nanghihimasok sa gulo ng may gulo, ito ay tulad ng pagdakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at saka sasabihing nagbibiro lang siya ay tulad ng isang baliw na pumapana sa mga tao sa pamamagitan ng nakamamatay na palaso.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang panggatong, natitigil ang away kung wala ng tsismisan.
21 Kung uling ang nagpapabaga at kahoy ang nagpapaliyab ng apoy, ang taong palaaway naman ang nagpapasimula ng gulo.
22 Ang tsismis ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin.
23 Maaaring itago ng magandang pananalita ang masamang isipan, tulad nito ay mumurahing banga na pininturahan ng pilak.
24 Maaaring ang kaaway ay magandang magsalita, ngunit ang nasa isip niya ay makapandaya.
25 Kahit masarap pakinggan ang kanyang pananalita ay huwag kang maniwala, sapagkat ang iniisip niya ay napakasama.
26 Maaaring ang galit ay kanyang maitago, ngunit malalantad din sa karamihan ang masama niyang gawa.
27 Ang humuhukay ng patibong para mahulog ang iba ay siya rin ang mahuhulog doon. Ang nagpapagulong ng malaking bato para magulungan ang iba ay siya rin ang magugulungan nito.
28 Ang sinungaling ay nagagalit sa nabiktima niya ng kasinungalingan, at ang taong nambobola ay ipapahamak ka.

27 Huwag mong ipagyabang ang gagawin mo bukas, sapagkat hindi mo alam kung anong mangyayari sa araw na iyon.
Huwag mong purihin ang iyong sarili; pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.
Ang buhangin at bato ay mabigat, pero mas mabigat na problema ang idudulot ng taong hangal.
Mapanganib ang taong galit, ngunit ang taong seloso ay higit na mapanganib.
Mas mabuti ang pagsaway na hayagan, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam.
Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan, ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.
Kahit pulot ay tinatanggihan ng taong busog, ngunit sa taong gutom kahit pagkaing mapait ay matamis para sa kanya.
Ang taong lumayas sa kanyang bahay ay parang ibong lumayas sa kanyang pugad.
Ang langis at pabango ay gaya ng tapat na payo ng isang kaibigan na nagdudulot ng kaligayahan.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan o ang kaibigan ng iyong ama. At kung nasa kagipitan ka, hindi ka na hihingi ng tulong sa kapatid mo na nasa malayo. Ang malapit na kapitbahay ay mas mabuti kaysa sa malayong kapatid.
11 Anak, magpakatalino ka upang ako ay maging maligaya, at para may maisagot ako sa nagpapahiya sa akin.
12 Ang taong marunong ay umiiwas sa paparating na panganib, ngunit ang taong hangal ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak.
13 Tiyakin mong makakuha ng garantiya sa sinumang nangakong managot sa utang ng hindi mo kilala, upang matiyak mong mababayaran ka.
14 Kapag ginambala mo ng pasigaw na pagbati ang iyong kaibigan sa umaga, ituturing niya iyong sumpa sa kanya.
15 Ang asawang bungangera ay parang tumutulong bubungan sa panahon ng tag-ulan.
16 Hindi siya mapatigil, tulad ng hanging hindi mapigilan o kaya ng langis na hindi mahawakan.
17 Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao.
18 Kapag inalagaan mo ang puno ng igos, makakakain ka ng bunga nito. Ganoon din kapag amo moʼy iyong pinagmamalasakitan, ikaw naman ay kanyang pararangalan.
19 Kung paanong ang mukha ng tao ay naaaninaw sa tubig, ang pagkatao naman ay makikita sa iyong puso.
20 Ang kapahamakan at kamatayan ay walang kasiyahan, gayon din ang hangarin ng tao.
21 Pilak at ginto sa apoy sinusubok, ang tao naman ay nasusubok sa pamamagitan ng papuring kanyang natatanggap.
22 Tadtarin mo man ng parusa ang taong hangal, ang kahangalan niya ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.
23 Mga hayop mo ay iyong alagaan at bantayang mabuti ang iyong kawan.
24 Sapagkat ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi mamamalagi magpakailanman.
25 Putulin ang mga damo; at habang hinihintay ang muling pagtubo nito, putulin din ang mga damo sa kabundukan, upang may pagkain ang iyong kawan.
26 Mula sa balahibo ng mga tupa ay makakagawa ka ng kasuotan, at maipagbibili mo ang iba mong mga kambing upang may pambili ka ng kabukiran.
27 Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.

28 Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit ang matuwid ay matapang tulad ng leon.
Kapag ang isang bansa ay makasalanan, madalas nilang palitan ang kanilang pinuno. Ngunit kung may karunungan at pang-unawa ang kanilang pinuno, matatag ang kalagayan ng kanilang bayan.
Ang taong mahirap na ginigipit ang kapwa mahirap ay tulad ng malakas na ulan na sumisira sa pananim.
Pinupuri ng masama ang mga taong lumalabag sa utos, ngunit ang sumusunod dito, kinakalaban ang masama.
Hindi maintindihan ng masasama ang katarungan, ngunit lubos itong nauunawaan ng mga lumalapit sa Panginoon.
Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa mayaman na namumuhay sa kasalanan.
Ang matalinong anak ay sumusunod sa mga Kautusan, ngunit ang anak na bumabarkada sa mga pasaway,[h] mga magulang ang pinapahiya.
Kung yumaman ka sa pamamagitan ng patubuan, ang iyong kayamanan ay mapupunta sa matulungin sa mga nangangailangan.
Ang taong hindi sumusunod sa Kautusan, kahit panalangin niya ay kasusuklaman ng Dios.
10 Ang taong inililigaw ang matuwid para magkasala ay mabibiktima ng sarili niyang mga pakana. Ngunit ang taong namumuhay nang matuwid ay tatanggap ng maraming kabutihan.
11 Iniisip ng mayayaman na napakarunong na nila, ngunit alam ng taong mahirap na may pang-unawa kung anong klaseng tao talaga sila.
12 Kapag matuwid ang namumuno nagdiriwang ang mga tao, ngunit kapag ang pumalit ay masama, mga taoʼy nagtatago.
13 Hindi ka uunlad kung hindi mo ipapahayag ang iyong mga kasalanan, ngunit kung ipapahayag mo ito at tatalikdan, kahahabagan ka ng Dios.
14 Mapalad ang taong laging may paggalang sa Panginoon, ngunit mapapahamak ang taong matigas ang ulo.
15 Panganib sa mahihirap ang masamang pinuno gaya ng mabangis na leon at osong naghahanap ng mabibiktima.
16 Ang pinunong walang pang-unawa ay lubhang malupit.
    Hahaba naman ang buhay ng pinuno na sa kasakiman ay galit.
17 Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa ay tatakas kahit saan hanggang sa siya ay mamatay. Huwag ninyo siyang tulungan.
18 Ang taong namumuhay nang matuwid ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang taong namumuhay sa maling pamamaraan ay bigla na lamang mapapahamak.
19 Ang masipag na magsasaka ay sasagana sa pagkain, ngunit maghihirap ang taong nag-aaksaya ng oras niya.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala, ngunit ang taong nagmamadaling yumaman ay parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan, ngunit may mga gumagawa nito dahil sa kaunting suhol.
22 Nagmamadaling yumaman ang taong sa pera ay gahaman, ngunit ang hindi niya alam patungo pala siya sa kahirapan.
23 Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli kapag sinaway mo siya ng tapat kaysa panay ang papuri mo sa kanya kahit hindi nararapat.
24 Ang taong nagnanakaw sa magulang at sasabihing hindi iyon kasalanan ay kasamahan ng mga kriminal.
25 Ang taong sakim ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay magtatamo ng kasaganaan.
26 Hangal ang taong nagtitiwala sa kanyang sariling kakayahan. Ang taong namumuhay na may karunungan ay ligtas sa kapahamakan.
27 Ang taong mapagbigay sa mahihirap ay hindi kukulangin, ngunit ang nagbubulag-bulagan ay makakatanggap ng mga sumpa.
28 Kapag masama ang mga pinuno, mga tao ay nagtatago. Ngunit kapag namatay sila, ang matutuwid ang mamumuno.

29 Ang taong ayaw magbago kahit palaging sinasaway ay bigla na lang mapapahamak at hindi na makakabangon pa.
Kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha.
Ang naghahangad ng karunungan ay nagdudulot ng tuwa sa magulang. Ang nakikisama sa babaeng bayaran ay nagwawaldas ng kayamanan.
Kapag ang layunin ng hari ay katarungan, pinatatatag niya ang kanyang kaharian, ngunit kapag ang layunin niya ay humingi ng suhol, winawasak niya ang kanyang kaharian.
Ang taong nagkukunwaring pumupuri sa kanyang kapwa ay may pinaplanong masama.
Ang taong masama ay mahuhuli sa sarili niyang kasalanan, ngunit ang matuwid ay aawit nang may kagalakan.
Kinikilala ng taong matuwid ang karapatan ng mahihirap, ngunit hindi ito maunawaan ng taong masama.
Ang mga taong nangungutya ay nagpapasimula ng gulo sa mga bayan, ngunit ang matatalino ang nagpapatigil nito.
Kapag inihabla ng marunong ang hangal ay wala ring kahihinatnan, dahil hindi titigil ang hangal sa pagdadaldal at panunuya.
10 Kinamumuhian at gustong patayin ng mamamatay-tao ang mga taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan.
11 Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili.
12 Kapag ang pinuno ay naniniwala sa kasinungalingan, lahat ng lingkod niyaʼy mabubuyo sa kasamaan.
13 Ang mahirap at ang mapang-api ay parehong binigyan ng Panginoon ng paningin.
14 Kapag ang hari ay makatarungan sa mga mahihirap, paghahari niyaʼy magtatagal.
15 Ang pagpalo sa bata upang siya ay ituwid ay makapagtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung pababayaan lang siya, makapagbibigay siya ng kahihiyan sa kanyang magulang.
16 Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid.
17 Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan.
18 Kapag tinanggihan ng isang bansa ang turo at gabay ng Dios, wala itong kapayapaan. Mapalad ang mga taong sumusunod sa turo ng Dios.
19 May mga utusan na hindi mo maturuan sa pamamagitan lamang ng salita, sapagkat kahit nauunawaan ka nila, hindi sila nakikinig.
20 Mas mabuti pa ang kahihinatnan ng mangmang kaysa sa taong pabigla-biglang magsalita.
21 Kung mula pagkabata ng iyong utusan ay sinusunod mo ang layaw niya, sa huli ay magiging problema mo siya.
22 Ang taong madaling magalit ay nagpapasimula ng gulo, at palaging nagkakasala.
23 Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan.
24 Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit na pasumpain siya na magsabi ng totoo ay hindi pa rin magsasabi.
25 Mapanganib kung tayo ay matatakutin.[i] Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo.
26 Maraming lumalapit sa pinuno upang humingi ng pabor, ngunit tanging ang Panginoon lang ang makapagbibigay ng katarungan.
27 Kinasusuklaman ng mga matuwid ang masasama, at kinasusuklaman din naman ng masasama ang mga matuwid.

Ang mga Kawikaan ni Agur

30 Ito ang mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh na taga-Masa. Sinabi niya ito kina Itiel at Ucal:

“Ako ang pinakamangmang sa lahat ng tao.
    Ang isip koʼy parang hindi sa tao.
Hindi ako natuto ng karunungan,
    at tungkol naman sa Dios ay wala akong nalalaman.
May tao bang nakaakyat na sa langit at bumaba sa mundo?
    May tao bang nakadakot ng hangin sa kanyang mga kamay o kaya ay nakabalot ng tubig sa kanyang damit?
    May tao bang nakapaglagay ng hangganan sa mundo?
    Kung may kilala ka, sabihin mo sa akin ang kanyang pangalan at ang pangalan ng kanyang anak.
Ang bawat salita ng Dios ay tunay na mapagkakatiwalaan.
    Siya ay tulad ng panangga sa mga umaasa ng kanyang pag-iingat.
Huwag mong dadagdagan ang kanyang mga salita,
    dahil kung gagawin mo ito, sasawayin ka niya at ipapakita na ikaw ay sinungaling.”

Panginoon, may dalawang bagay akong hihilingin sa inyo. Kung maaari ibigay nʼyo ito sa akin bago ako mamatay. Una, tulungan nʼyo ako na huwag magsinungaling. Pangalawa, huwag nʼyo akong payamanin o pahirapin, sa halip bigyan nʼyo lamang ako ng sapat para sa aking mga pangangailangan. Dahil kung yumaman ako, baka sabihin kong hindi ko na kayo kailangan; at kung ako naman ay maghirap, baka matuto akong magnakaw at mailagay ko kayo sa kahihiyan.

Dagdag pang mga Kawikaan

10 Huwag mong sisiraan ang katulong sa harap ng kanyang amo, baka isumpa ka niya at magdusa ka.
11 May mga anak na hindi nananalangin sa Dios na pagpalain ang kanilang mga magulang, sa halip sinusumpa pa nila sila.
12 May mga tao na ang tingin sa sarili ay tunay na perpekto, ngunit ang totoo ang buhay nila ay madumi.
13 May mga taong mapagmataas na kung tumingin akala mo kung sino.
14 May mga tao namang sakim at napakalupit, pati mahihirap ay kanilang ginigipit.
15 Ang mga taong sakim ay parang linta. Ang laging sinasabi ay, “Bigyan mo ako!”
May apat[j] na bagay na hindi kontento:
16     ang libingan,
    ang babaeng baog,
    ang lupang walang tubig,
    at ang apoy.

17 Ang anak na kumukutya at sumusuway sa kanyang magulang ay tutukain ng uwak sa mga mata, at kakainin ng mga agila ang bangkay niya. 18 May apat[k] na bagay na para sa akin ay kahanga-hanga at hindi ko maunawaan:

19 Kung paano nakakalipad ang agila sa kalangitan,
    kung paano nakakagapang ang ahas sa batuhan,
    kung paano nakapaglalayag ang barko sa karagatan,
    at ang pamamaraan ng lalaki sa babae.

20 Ganito ang ginagawa ng babaeng nagtataksil sa kanyang asawa: Sumisiping siya sa ibang lalaki pagkatapos sasabihin niyang wala siyang ginagawang masama.

21 May apat[l] na bagay na hindi matanggap ng mga tao sa mundo:

22-23 Ang aliping naging hari,
    ang mangmang na sagana sa pagkain,
    ang babaeng masungit na nakapag-asawa,
    at ang babaeng alipin na pumalit sa kanyang amo.

24 May apat na hayop dito sa mundo na maliit ngunit may pambihirang kaisipan:

25 Ang mga langgam, kahit mahina, nag-iipon sila ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga badyer,[m] kahit mahihina sila, nakagagawa sila ng kanilang tirahan sa mabatong lugar.
27 Ang mga balang, kahit walang namumuno, maayos na lumilipad nang sama-sama.
28 Ang mga butiki, kahit madaling hulihin ng kamay, matatagpuan kahit sa palasyo ng hari.

29 May apat[n] na nilalang na akala mo kung sino kapag lumakad:

30 ang leon (pinakamatapang sa lahat ng hayop at walang kinatatakutan),
31 ang tandang,
    ang lalaking kambing,
    at ang haring nangunguna sa kanyang mga kawal.

32 Kung sa kahangalan moʼy nagmamayabang ka at nagbabalak ng masama, tigilan mo na iyan! 33 Hindi ba kapag hinalo nang hinalo ang malapot na gatas ay magiging mantikilya?[o] Hindi ba kapag sinuntok mo ang ilong ng isang tao ay magdurugo ito? Kaya kapag ginalit mo ang tao tiyak na magkakaroon ng gulo.

Ang mga Kawikaan ni Haring Lemuel

31 Ito ang mga kawikaan ni Haring Lemuel na taga-Masa. Ito ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ina:

Anak, ipinanganak ka bilang sagot sa aking mga panalangin.
Huwag mong sasayangin ang iyong lakas at pera sa mga babae, sapagkat sila ang dahilan kung bakit napapahamak ang mga hari.
Lemuel, hindi dapat uminom ng alak ang isang hari. Ang mga namumuno ay hindi dapat maghangad ng inumin na nakalalasing.
Sapagkat kapag nalasing na sila, kadalasan ay nakakalimutan na nila ang kanilang tungkulin, at hindi nila nabibigyan ng katarungan ang mga nasa kagipitan.
6-7 Hayaan mong mag-inom ang mga taong nawalan na ng pag-asa[p] at naghihirap ang kalooban, upang makalimutan nila ang kanilang mga kasawian at kahirapan.
Ipagtanggol mo ang karapatan ng mga taong kahabag-habag, na hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Humatol ka ng walang kinikilingan, at ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.

Ang Mabuting Asawa

10 Mahirap hanapin ang mabuting asawa. Higit pa sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.

11 Lubos ang tiwala sa kanya ng kanyang asawa, at wala na itong mahihiling pa sa kanya.

12 Kabutihan at hindi kasamaan ang ginagawa niya sa kanyang asawa habang siya ay nabubuhay.

13 Masigasig siyang humahabi ng mga telang linen at lana.

14 Tulad siya ng barko ng mga mangangalakal; nagdadala siya ng mga pagkain kahit galing pa siya sa malayong lugar.

15 Maaga siyang gumigising upang ipaghanda ng pagkain ang kanyang pamilya, at upang sabihan ang mga babaeng katulong ng mga dapat nilang gawin.

16 Marunong siyang pumili ng lupa na kanyang bibilhin. At mula sa kanyang sariling ipon, pinapataniman niya ito ng ubas.

17 Malakas, masipag at mabilis siyang gumawa.

18 Magaling siyang magnegosyo, at matiyagang nagtatrabaho hanggang gabi.

19 Siya rin ang gumagawa ng mga tela upang gawing damit.

20 Matulungin siya sa mahihirap at mga nangangailangan.

21 Hindi siya nag-aalala, dumating man ang taglamig, dahil may makakapal siyang tela para sa kanyang pamilya.

22 Siya na rin ang gumagawa ng mga kobre-kama, at ang kanyang mga damit ay mamahalin at magaganda.

23 Kilala ang asawa niya bilang isa sa mga tagapamahala ng bayan.

24 Gumagawa rin siya ng damit at sinturon, at ipinagbibili sa mga mangangalakal.

25 Malakas at iginagalang siya, at hindi siya nangangamba para sa kinabukasan.

26 Nagsasalita siya nang may karunungan, at nagtuturo nang may kabutihan.

27 Masipag siya, at inaalagaang mabuti ang kanyang pamilya.

28 Pinupuri siya ng kanyang mga anak, at pinupuri rin ng kanyang kabiyak na nagsasabi, 29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit ikaw ang pinakamabuti sa kanilang lahat.”

30 Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya, at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.

31 Dapat siyang gantimpalaan sa kanyang ginawang kabutihan at parangalan sa karamihan.

Walang Kabuluhan ang Lahat

Ito ang sinabi ng mangangaral[q] na anak ni David na hari ng Jerusalem:

Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat! Ano ang pakinabang ng tao sa pagpapakahirap niyang magtrabaho sa mundong ito? Lumilipas ang isang henerasyon at napapalitan, pero ang mundo ay hindi nagbabago. Sumisikat ang araw at pagkatapos ay lumulubog; pabalik-balik lang sa kanyang pinanggalingan. Umiihip ang hangin sa timog at pagkatapos ay iihip naman sa hilaga. Paikot-ikot lang ito at pabalik-balik. Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, pero hindi naman napupuno ang dagat kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog. Ang lahat ng itoʼy nakakabagot at ayaw na ngang pag-usapan. Hindi nagsasawa ang mga mata natin sa katitingin at ang mga tainga natin sa pakikinig. Ang mga nangyari noon, nangyayari ulit ngayon. Ang mga ginawa noon, ginagawa ulit ngayon. Walang nangyayaring bago sa mundo. 10 May mga bagay pa ba na masasabi mong bago? Nariyan na iyan noon pa, kahit noong hindi pa tayo ipinapanganak. 11 Hindi na natin naaalala ang mga nangyari noon; ganoon din sa hinaharap, hindi rin ito maaalala ng mga tao sa bandang huli.

Ang Karunungan ng Tao ay Walang Kabuluhan

12 Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem. 13 Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Dios sa mga tao. 14 Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin. 15 Ang baluktot ay hindi mo maitutuwid at ang wala ay hindi mo maibibilang.

16 Sinabi ko sa aking sarili, “Mas marunong ako kaysa sa lahat ng naging hari sa Jerusalem. Marami akong alam.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at kamangmangan, pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin. 18 Dahil habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan.

Ang Kasayahan ay Walang Kabuluhan

Sinubukan kong magpakasaya sa mga layaw ng buhay. Pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Kamangmangan ang sobrang pagtawa at ang pagpapakasaya ay wala ring kabuluhan. Sinubukan kong magpakasaya sa pag-inom ng alak. Kahit na marunong ako, sinubukan kong gumawa ng kamangmangan. Naisip ko lang na baka iyon ang pinakamabuting gawin ng tao sa maikling buhay niya dito sa mundo.

Gumawa ako ng mga dakilang bagay: Nagpagawa ako ng mga bahay at nagtanim ng mga ubas. Nagpagawa ako ng mga taniman at pinataniman ko ito ng sari-saring puno na namumunga. Nagpagawa ako ng mga imbakan ng tubig para patubigan ang mga pananim. Bumili ako ng mga lalaki at babaeng alipin, at may mga alipin din ako na ipinanganak sa aking bahay. At ako ang may pinakamaraming kawan ng hayop sa lahat ng naging mamamayan ng Jerusalem. Nakaipon ako ng napakaraming ginto, pilak at iba pang mga kayamanang galing sa mga hari at mga lugar na aking nasasakupan. Marami akong mang-aawit, lalaki man o babae at marami rin akong mga asawa[r] – ang kaligayahan ng isang lalaki. Ako ang pinakamayaman at pinakamarunong na taong nabuhay sa buong Jerusalem.

10 Nakukuha ko ang lahat ng magustuhan ko. Ginawa ko ang lahat ng inakala kong makapagpapaligaya sa akin. Nasiyahan ako sa lahat ng pinaghirapan ko. Ito ang gantimpala sa lahat ng pagsusumikap ko. 11 Pero nang isipin kong mabuti ang lahat ng ginawa at pinaghirapan ko, naisip ko na walang kabuluhan ang lahat ng pinagsikapan ko rito sa mundo. 12 Ano pa ba ang magagawa ng susunod na hari? Ano pa nga ba, kundi iyong nagawa na rin noong una.

Ang Karunungan at Kamangmangan ay Walang Kabuluhan

Sinubukan ko ring ihambing ang karunungan at ang kamangmangan. 13 At nakita kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kamangmangan, gaya ng liwanag na mas mabuti kaysa sa kadiliman. 14 Alam ng marunong ang patutunguhan niya, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman. Pero nalaman ko ring pareho lang silang mamamatay. 15 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay sasapitin ko rin. Kaya anong kabutihan ang mapapala ng pagiging marunong ko? Wala talaga itong kabuluhan!” 16 Lahat tayo, marunong man o mangmang ay pare-parehong mamamatay at makakalimutan.

Walang Kabuluhan ang Pagsusumikap

17 Kaya kinamuhian ko ang buhay, dahil kahirapan ang dulot ng lahat ng ginagawa rito sa mundo. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan, para ka lang humahabol sa hangin. 18 Kinaiinisan ko ang lahat ng pinaghirapan ko dito sa mundo, dahil maiiwan ko lang ang mga ito sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung marunong siya o mangmang? Maging ano man siya, siya pa rin ang magmamay-ari ng lahat ng pinaghirapan ko ng buong lakas at karunungan. Wala rin itong kabuluhan! 20 Kaya nanghinayang ako sa lahat ng pinaghirapan ko rito sa mundo. 21 Dahil kahit magsikap ka gamit ang buo mong talino, isip at kakayahan, iiwan mo rin ang lahat ng pinaghirapan mo sa taong hindi naghirap para sa mga bagay na ito. Ito man ay wala ring kabuluhan at hindi makatarungan. 22 Kaya ano ang makukuha ng tao sa lahat ng pagsusumikap niya rito sa mundo? 23 Lahat ng pinagsumikapan niya sa buong buhay niyaʼy makapagpapasama lang ng kanyang kalooban. Kaya kahit sa gabi ay hindi siya makatulog. Wala rin itong kabuluhan!

24 Ang pinakamagandang gawin ng tao ay kumain, uminom at pakinabangan ang mga pinaghirapan niya. Nalaman ko na galing ito sa Dios, 25 dahil paano natin makakain at mapapakinabangan ang mga pinaghirapan natin kung hindi ito ibibigay ng Dios? 26 Dahil ang taong nagbibigay-lugod sa Dios ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan. At ang makasalanan ay binibigyan ng Dios ng trabaho upang mag-ipon ng kayamanan para ibigay sa taong nagbibigay-lugod sa Dios. Kaya lahat ng pagsisikap ng makasalanan ay walang kabuluhan. Para siyang humahabol sa hangin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®